Awit 21:1-13
Sa tagapangasiwa. Awitin ni David.
21 O Jehova, sa iyong kalakasan ay nagsasaya ang hari;+At sa iyong pagliligtas ay gayon na lamang ang pagnanais niyang magalak nang lubha!+
2 Ang pagnanasa ng kaniyang puso ay ibinigay mo sa kaniya,+At ang naisin ng kaniyang mga labi ay hindi mo ipinagkait.+ Selah.
3 Sapagkat sinalubong mo siya ng mga pagpapala ng kabutihan,+At nagpatong ka sa kaniyang ulo ng isang koronang dalisay na ginto.+
4 Buhay ang hiningi niya sa iyo. Ibinigay mo iyon sa kaniya,+Kahabaan ng mga araw hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.+
5 Ang kaniyang kaluwalhatian ay dakila sa iyong pagliligtas.+Ang dangal at karilagan ay inilalagay mo sa kaniya.+
6 Sapagkat lubha mo siyang pinagpapala magpakailanman;+Pinagagalak mo siya ng pagsasaya sa harap mo.+
7 Sapagkat ang hari ay nagtitiwala kay Jehova,+Maging sa maibiging-kabaitan ng Kataas-taasan. Hindi siya makikilos.+
8 Masusumpungan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;+Masusumpungan ng iyong kanang kamay yaong mga napopoot sa iyo.
9 Gagawin mo silang gaya ng maapoy na hurno sa takdang panahon para sa iyong pagbibigay-pansin.+Sa kaniyang galit ay lalamunin sila ni Jehova, at susupukin sila ng apoy.+
10 Ang kanilang bunga ay pupuksain mo mula sa mismong lupa,+At ang kanilang supling mula sa mga anak ng mga tao.+
11 Sapagkat itinuon nila laban sa iyo yaong masama;+Nagpanukala sila ng mga kaisipang hindi nila kayang isakatuparan.+
12 Sapagkat patatalikurin mo sila upang tumakas+Sa pamamagitan ng mga bagting ng iyong busog na inihahanda mo laban sa kanilang mukha.+
13 O maging dakila ka nawa sa iyong lakas, O Jehova.+Kami ay aawit at aawit ng papuri sa iyong kalakasan.+

