Genesis 44:1-34

44  Nang maglaon ay nag-utos siya sa lalaki na namamahala sa kaniyang sambahayan,+ na sinasabi: “Punuin mo ng pagkain ang mga supot ng mga lalaki sa abot ng makakaya nilang dalhin at ilagay mo ang salapi ng bawat isa sa bibig ng kaniyang supot.+  Ngunit ilagay mo ang aking kopa, ang pilak na kopa, sa bibig ng supot ng bunso at ang salapi para sa kaniyang mga binutil.” Kaya ginawa niya ang ayon sa salita ni Jose na sinalita nito.+  Ang umaga ay maliwanag na nang payaunin+ ang mga lalaki, sila at ang kanilang mga asno.  Sila ay lumabas ng lunsod. Hindi pa sila nakalalayo nang sabihin ni Jose sa lalaki na namamahala sa kaniyang sambahayan: “Bumangon ka! Habulin mo ang mga lalaki at tiyakin mong abutan sila at sabihin sa kanila, ‘Bakit ninyo ginantihan ng masama ang mabuti?+  Hindi ba ito ang bagay na iniinuman ng aking panginoon at sa pamamagitan nito ay may-kahusayan siyang nakababasa ng mga tanda?+ Masamang gawa ang inyong ginawa.’ ”  Nang maglaon ay inabutan niya sila at sinalita sa kanila ang mga salitang ito.  Ngunit sinabi nila sa kaniya: “Bakit sinasalita ng aking panginoon ang ganitong mga salita? Malayong mangyari na ang iyong mga lingkod ay gumawa ng anumang gaya nito.  Aba, ang salapi na nasumpungan namin sa bibig ng aming mga supot ay ibinalik namin sa iyo mula sa lupain ng Canaan.+ Paano nga kami makapagnanakaw ng pilak o ginto mula sa bahay ng iyong panginoon?+  Hayaang mamatay ang isa sa iyong mga alipin na kasusumpungan niyaon at kami mismo ay maging mga alipin din sa aking panginoon.”+ 10  Kaya sinabi niya: “Mangyari nga iyon nang ayon mismo sa inyong mga salita.+ Kaya ang isa na kasusumpungan niyaon ay magiging alipin ko,+ ngunit kayo naman ay mapatutunayang walang-sala.” 11  Sa gayon ay dali-dali nilang ibinaba sa lupa ang kani-kaniyang supot at binuksan nila ang kani-kaniyang sariling supot. 12  At maingat siyang naghanap. Siya ay nagpasimula sa pinakamatanda at nagtapos sa bunso. Sa wakas ay nasumpungan ang kopa sa supot ni Benjamin.+ 13  Nang magkagayon ay hinapak nila ang kanilang mga balabal+ at muling isinakay ng bawat isa ang kaniyang pasan sa kaniyang asno at bumalik sa lunsod. 14  At si Juda+ at ang kaniyang mga kapatid ay pumaroon sa bahay ni Jose, at siya ay naroon pa; at sumubsob sila sa harap niya sa lupa.+ 15  Si Jose ngayon ay nagsabi sa kanila: “Anong uri ng gawa itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na ang isang lalaking gaya ko ay may-kahusayang nakababasa ng mga tanda?”+ 16  Dahil dito ay bumulalas si Juda: “Ano ang masasabi namin sa aking panginoon? Ano ang masasalita namin? At paano namin mapatutunayang kami ay matuwid?+ Natuklasan ng tunay na Diyos ang kamalian ng iyong mga alipin.+ Narito, kami ay mga alipin sa aking panginoon,+ kami at ang isa na kinasumpungan ng kopa sa kaniyang kamay!” 17  Gayunman, sinabi niya: “Malayong mangyari na gawin ko ito!+ Ang lalaki na kinasumpungan ng kopa sa kaniyang kamay ang siyang magiging alipin ko.+ At ang iba pa sa inyo, umahon kayong payapa sa inyong ama.”+ 18  Lumapit ngayon si Juda sa kaniya at nagsabi: “Ipinamamanhik ko sa iyo, panginoon ko, pakisuyong pagsalitain mo ang iyong alipin ng isang salita sa pandinig ng aking panginoon,+ at huwag nawang mag-init ang iyong galit+ laban sa iyong alipin, sapagkat kung paano sa iyo ay gayundin kay Paraon.+ 19  Ang aking panginoon ay nagtanong sa kaniyang mga alipin, na sinasabi, ‘Mayroon ba kayong ama o kapatid?’ 20  Kaya sinabi namin sa aking panginoon, ‘Mayroon nga kaming isang ama na matanda na at isang anak sa kaniyang katandaan, ang bunso.+ Ngunit ang kaniyang kapatid ay patay na anupat siya na lamang ang naiwan ng kaniyang ina,+ at minamahal siya ng kaniyang ama.’ 21  Pagkatapos ay sinabi mo sa iyong mga alipin, ‘Ibaba ninyo siya sa akin upang mamasdan ko siya ng aking mata.’+ 22  Ngunit sinabi namin sa aking panginoon, ‘Hindi maiiwan ng bata ang kaniyang ama. Kung iiwan niya ang kaniyang ama, ito ay tiyak na mamamatay.’+ 23  Nang magkagayon ay sinabi mo sa iyong mga alipin, ‘Malibang bumabang kasama ninyo ang inyong bunsong kapatid, hindi na ninyo makikita pa ang aking mukha.’+ 24  “At nangyari na umahon kami sa iyong alipin na aking ama at pagkatapos ay sinabi sa kaniya ang mga salita ng aking panginoon. 25  Nang maglaon ay sinabi ng aming ama, ‘Bumalik kayo, bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin.’+ 26  Ngunit sinabi namin, ‘Hindi kami makabababa. Kung kasama namin ang aming bunsong kapatid ay bababa kami, sapagkat hindi namin makikita ang mukha ng lalaki kung hindi namin kasama ang aming bunsong kapatid.’+ 27  Nang magkagayon ay sinabi sa amin ng iyong alipin na aking ama, ‘Nalalaman ninyong lubos na dalawang lalaki lamang ang ipinanganak sa akin ng aking asawa.+ 28  Nang maglaon ay umalis sa piling ko ang isa at ako ay bumulalas: “Ah, siya ay tiyak na nagkaluray-luray!”+ at hindi ko na siya nakita hanggang ngayon. 29  Kung kukunin pa ninyo ang isang ito mula sa aking paningin at isang nakamamatay na sakuna ang mangyari sa kaniya, tiyak na ibababa ninyo ang aking mga uban nang may kapahamakan sa Sheol.’+ 30  “At ngayon, kapag pumaroon ako sa iyong alipin na aking ama na hindi namin kasama ang bata, yamang ang kaluluwa ng isang iyon ay nakalakip sa kaluluwa+ ng isang ito, 31  tiyak na mangyayari nga na kapag nakita niyang wala roon ang bata ay talagang mamamatay siya, at ibababa ng iyong mga alipin ang mga uban ng iyong alipin na aming ama nang may pamimighati sa Sheol. 32  Sapagkat ang iyong alipin ay naging panagot+ para sa bata habang malayo sa kaniyang ama, na sinasabi, ‘Kung mabigo ako na ibalik siya sa iyo, magkakasala nga ako laban sa aking ama magpakailanman.’+ 33  Kaya ngayon, pakisuyo, hayaang ang iyong alipin ang manatili sa halip na ang bata bilang alipin sa aking panginoon, upang ang bata ay makaahong kasama ng kaniyang mga kapatid.+ 34  Sapagkat paano ako makaaahon sa aking ama nang hindi ko kasama ang bata, dahil baka makita ko pa ang kapahamakan na sasapitin ng aking ama?”+

Talababa