Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 101

Dinala si Pablo sa Roma

Dinala si Pablo sa Roma

Ang ikatlong paglalakbay ni Pablo para mangaral ay natapos sa Jerusalem. Doon siya inaresto at ikinulong. Isang gabi, sinabi ni Jesus sa kaniya sa isang pangitain: ‘Pupunta ka sa Roma at mangangaral doon.’ Mula sa Jerusalem, dinala si Pablo sa Cesarea, kung saan siya nakulong nang dalawang taon. Nang litisin siya sa harap ni Gobernador Festo, sinabi ni Pablo: ‘Umaapela ako kay Cesar, sa Roma.’ Sinabi ni Festo: ‘Kay Cesar ka umapela; kay Cesar ka pupunta.’ Isinakay si Pablo sa barko na papuntang Roma, at sinamahan siya ng dalawang kapatid na Kristiyano, sina Lucas at Aristarco.

Habang nasa dagat, inabutan sila ng napakalakas na bagyo, na nagtagal nang maraming araw. Akala ng lahat ng nakasakay, mamamatay na sila. Pero sinabi ni Pablo: ‘Sinabi sa akin ng anghel sa panaginip: “Huwag kang matakot, Pablo. Makakarating ka sa Roma, at ang lahat ng kasama mo sa barko ay maliligtas.” Lakasan n’yo ang loob n’yo! Hindi tayo mamamatay.’

Tumagal nang 14 na araw ang bagyo. Sa wakas, may nakita silang isla. Iyon ang isla ng Malta. Sumadsad doon ang barko at nawasak, pero lahat ng 276 na sakay ng barko ay nakarating nang ligtas sa isla. Lumangoy ang ilan at ang iba ay kumapit sa mga piraso ng kahoy ng barko at nagpalutang hanggang makarating sa pampang. Tinulungan sila ng mga taga-Malta at nagpaningas ng apoy ang mga ito para mainitan sila.

Pagkaraan ng tatlong buwan, dinala ng mga sundalo si Pablo sa Roma sakay ng ibang barko. Pagdating niya doon, sinalubong siya ng mga kapatid. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya kay Jehova at lumakas ang loob niya. Kahit isang bilanggo si Pablo, pinayagan siyang tumira sa isang inuupahang bahay, pero may sundalong nakabantay sa kaniya. Dalawang taon siya doon. Pinupuntahan siya ng mga tao, kaya ipinapangaral niya sa kanila ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at tinuturuan sila tungkol kay Jesus. Sumulat din si Pablo ng mga liham para sa mga kongregasyon sa Asia Minor at Judea. Lubusang ginamit ni Jehova si Pablo para ipangaral ang mabuting balita sa mga bansa.

“Sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang sarili namin bilang mga ministro ng Diyos, dahil sa tiniis naming maraming pagsubok, mga kapighatian, mga kagipitan, mga problema.”—2 Corinto 6:4