Mga Gawa ng mga Apostol 23:1-35

23  Habang nakatinging mabuti sa Sanedrin, sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, alam ng Diyos na hanggang sa araw na ito ay malinis ang konsensiya*+ ko.” 2  Dahil dito, iniutos ng mataas na saserdoteng si Ananias sa mga nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig.+ 3  Kaya sinabi ni Pablo: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader. Tama bang hatulan mo ako ayon sa Kautusan, pero nilalabag mo naman ang Kautusan sa pag-uutos na saktan ako?” 4  Sinabi ng mga nakatayo sa tabi: “Iniinsulto mo ba ang mataas na saserdote ng Diyos?” 5  Sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay mataas na saserdote. Dahil nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita ng masama sa isang tagapamahala ng iyong bayan.’”+ 6  At dahil alam ni Pablo na ang kalahati ng grupo ay Saduceo at ang kalahati ay Pariseo, sinabi niya sa Sanedrin: “Mga kapatid, ako ay isang Pariseo,+ isang anak ng mga Pariseo. Hinahatulan ako dahil naniniwala ako sa pag-asang mabubuhay-muli ang mga patay.” 7  Dahil sa sinabi niya, nagtalo-talo ang mga Pariseo at Saduceo, at nahati ang grupo; 8  dahil sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay-muli, anghel, o espiritu, pero pinaniniwalaan* naman ng mga Pariseo ang lahat ng iyon.+ 9  Kaya nagsigawan ang mga tao, at ilang eskriba mula sa grupo ng mga Pariseo ang tumayo at nakipagtalo at nagsabi: “Wala kaming makitang mali sa taong ito, pero kung isang espiritu o anghel ang nagsalita sa kaniya+—.” 10  Nang maging marahas na ang pagtatalo, natakot ang kumandante ng militar na baka mapatay nila si Pablo, kaya iniutos niya sa mga sundalo na kunin siya sa gitna nila at dalhin sa kuwartel ng mga sundalo. 11  Pero nang sumunod na gabi, tumayo sa tabi niya ang Panginoon at nagsabi: “Lakasan mo ang loob mo!+ Dahil kung paanong lubusan kang nagpapatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.”+ 12  Kinaumagahan, nagsabuwatan ang mga Judio+ at sumumpa na hindi sila kakain o iinom hangga’t hindi nila napapatay si Pablo. 13  Mahigit 40 ang sumumpa at sumali sa sabuwatang ito. 14  Pumunta sila sa mga punong saserdote at matatandang lalaki, at sinabi nila: “Sumumpa kaming hindi kami kakain ng anuman hangga’t hindi namin napapatay si Pablo. 15  Kaya sabihin ninyo at ng Sanedrin sa kumandante na dalhin siya sa inyo; kunwari ay gusto ninyong suriing mabuti ang kaso niya. Pero bago siya makarating sa inyo, papatayin na namin siya.” 16  Narinig ng pamangking lalaki* ni Pablo ang plano nilang pananambang, kaya pumunta siya sa kuwartel ng mga sundalo, at sinabi niya ito kay Pablo. 17  At tinawag ni Pablo ang isa sa mga opisyal ng hukbo at sinabi: “Isama mo ang kabataang ito sa kumandante dahil may kailangan siyang ipaalám.” 18  Kaya isinama niya ang kabataan sa kumandante at sinabi: “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo at hiniling na dalhin sa iyo ang kabataang ito, dahil may sasabihin ito sa iyo.” 19  Hinawakan ito ng kumandante sa kamay, inilayo, at tinanong: “Ano ang sasabihin mo?” 20  Sinabi niya: “Nagkasundo ang mga Judio na sabihin sa iyo na dalhin si Pablo bukas sa Sanedrin. Kunwari, may gusto pa silang alamin tungkol sa kaso niya.+ 21  Pero huwag ka sanang pumayag, dahil mahigit 40 sa kanila ang mananambang sa kaniya. Sumumpa silang hindi sila kakain o iinom hangga’t hindi nila siya napapatay;+ at hinihintay na lang nilang aprobahan mo ang hiling nila.” 22  Pagkatapos, pinaalis ng kumandante ang kabataan pero nagbilin ito: “Huwag mong sasabihin sa iba na ipinaalám mo ito sa akin.” 23  At tinawag niya ang dalawa sa mga opisyal ng hukbo at sinabi: “Maghanda kayo ng 200 sundalong magmamartsa papuntang Cesarea, gayundin ng 70 mangangabayo at 200 maninibat, sa ikatlong oras ng gabi. 24  Maghanda rin kayo ng mga kabayong masasakyan ni Pablo para ligtas ninyo siyang madala kay Felix na gobernador.”+ 25  At isinulat niya sa isang liham: 26  “Mula kay Claudio Lisias, para sa kaniyang Kamahalan, Gobernador Felix: Mga pagbati! 27  Ang lalaking ito ay sinunggaban ng mga Judio at papatayin na sana, pero dumating kami agad ng mga sundalo ko at iniligtas siya,+ dahil nalaman kong Romano siya.+ 28  At dahil gusto kong malaman kung bakit nila siya inaakusahan, dinala ko siya sa kanilang Sanedrin.+ 29  Nalaman kong inaakusahan siya ng paglabag sa sarili nilang Kautusan,+ pero walang paratang sa kaniya na nararapat sa kamatayan o pagkabilanggo.+ 30  Pero dahil naipaalám sa akin na may pakana laban sa taong ito,+ ipinadala ko siya agad sa iyo at inutusan ang mga nag-aakusa sa kaniya na magsalita sa harap mo.” 31  Kaya isinama ng mga sundalo si Pablo+ ayon sa utos sa kanila, at dinala nila siya nang gabi sa Antipatris. 32  Kinabukasan, hinayaan nila ang mga mangangabayo na magpatuloy na kasama niya, at bumalik sila sa kuwartel ng mga sundalo. 33  Nakarating ang mga mangangabayo sa Cesarea, ibinigay ang liham sa gobernador, at iniharap si Pablo sa kaniya. 34  Kaya binasa niya iyon at tinanong si Pablo kung saang lalawigan siya galing, at nalaman niyang mula siya sa Cilicia.+ 35  “Diringgin kong mabuti ang kaso mo,” ang sabi niya, “kapag dumating na ang mga nag-aakusa sa iyo.”+ At ipinag-utos niya na ibilanggo siya sa palasyo ni Herodes.

Talababa

O “budhi.”
O “inihahayag.”
O “ng anak ng kapatid na babae.”

Study Notes

malinis ang konsensiya ko: O “namuhay ako nang may malinis na konsensiya.” Ang anyo ng pandiwang Griego na po·li·teuʹo·mai na ginamit dito para sa “namuhay” ay puwede ring isaling “kumilos bilang isang mamamayan.” (Kingdom Interlinear) Ipinapakita dito ni Pablo na naging mabuting mamamayan siya na sumusunod sa mga batas ng kaniyang bansa. Karaniwan nang aktibong nakikipagtulungan sa Estado ang mga mamamayang Romano dahil napakahalaga sa kanila ng kanilang pagkamamamayan at alam nilang ang mga pribilehiyo nila ay may kasamang mga pananagutan. (Gaw 22:25-30) Dito, nang ilarawan ni Pablo kung paano siya namuhay sa harap ng Diyos, posibleng idinidiin niya na isa siyang mamamayan ng Kaharian ng Diyos.—Fil 3:20; ihambing ang paggamit ng pandiwang Griego na ito sa Fil 1:27; tlb.

ako ay isang Pariseo: Kilala si Pablo ng ilan sa mga tagapakinig niya. (Gaw 22:5) Nang tawagin ni Pablo ang kaniyang sarili na anak ng mga Pariseo, alam nilang nagsasabi siya ng totoo. Tiyak na naintindihan ng mga Pariseo sa Sanedrin na kinikilala niyang naging Pariseo rin siya noon tulad nila kahit masigasig na siyang Kristiyano ngayon. Pero sa kontekstong ito, lumilitaw na tinawag niya ang sarili niya na isang Pariseo dahil naniniwala rin siya sa pagkabuhay-muli, di-gaya ng mga Saduceo. Dahil sa ginawa niya, nagkaroon sila ng puntong mapagkakasunduan ng mga Pariseong naroon. Malamang na iniisip niya na kung ibabangon niya ang kontrobersiyal na isyung iyon, makikisimpatiya sa kaniya ang ilang miyembro ng Sanedrin, at ganoon nga ang nangyari. (Gaw 23:7-9) Ang sinabi ni Pablo sa Gaw 23:6 ay kaayon din ng paglalarawan niya sa sarili niya noong ipagtanggol niya ang kaniyang sarili sa harap ni Haring Agripa. (Gaw 26:5) At nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Filipos noong nasa Roma siya, binanggit ulit niya na siya ay isang Pariseo. (Fil 3:5) Kapansin-pansin din kung paano inilarawan sa Gaw 15:5 ang iba pang Kristiyano na dating mga Pariseo.—Tingnan ang study note sa Gaw 15:5.

sumumpa: O “nanata; nagpatali sa isang sumpa.” Dito, ang salitang Griego na a·na·the·ma·tiʹzo ay lumilitaw na tumutukoy sa pananata na kapag hindi tinupad ay magdadala ng sumpa sa taong nanata.

matatandang lalaki: Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba.—Tingnan ang study note sa Mat 16:21.

Sumumpa kaming: O “Nanata kaming; Nagpatali kami sa isang sumpa na.”—Tingnan ang study note sa Gaw 23:12.

Sumumpa silang: O “Nanata silang; Nagpatali sila sa isang sumpa na.”—Tingnan ang study note sa Gaw 23:12.

ikatlong oras ng gabi: Ang ikatlong oras mula pagkalubog ng araw ay mga 9:00 n.g. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, karaniwan nang ginagamit ang mga yugto ng “pagbabantay,” na nakabatay sa sistemang Griego at Romano, para ipakita kung anong oras na. (Mat 14:25; Mar 6:48; Luc 12:38) Dito lang bumanggit ng espesipikong “oras” mula sa 12 oras ng gabi.—Ihambing ang Gaw 16:25, 33; tingnan ang study note sa Mar 13:35.

Mula kay Claudio Lisias, para sa kaniyang Kamahalan, Gobernador Felix: Mga pagbati!: Karaniwan ang ganitong introduksiyon sa mga liham noon. Una, babanggitin ang pangalan ng taong sumulat; pagkatapos, ang taong sinusulatan; at ikatlo, ang karaniwang pagbati gamit ang salitang Griego na khaiʹro, na ang literal na ibig sabihin ay “magsaya.” Ang pagbating ito ay nangangahulugang “sana ay nasa mabuting kalagayan kayo.” Karaniwan itong mababasa sa sekular na mga liham na nakasulat sa papiro. Sa kontekstong ito, ang salitang Griego ay angkop na isaling “Mga pagbati!” Ganiyan din ang introduksiyon sa isang liham na mababasa sa Gaw 15:23 at San 1:1.—Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.

Romano: Isang mamamayang Romano.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:37; 22:25.

palasyo: O “pretorio.” Sa mga Ebanghelyo at sa Gawa, ang salitang Griego na prai·toʹri·on (mula sa Latin) ay tumutukoy sa isang palasyo o tirahan. Tinatawag noon na pretorio ang tolda ng kumandante ng militar. Nang maglaon, tumutukoy na ito sa tirahan ng gobernador ng isang lalawigan. Dito, ang terminong ito ay tumutukoy sa isang palasyo sa Cesarea na itinayo ni Herodes na Dakila. Nang panahong ito, mga 56 C.E., dito nakatira ang Romanong gobernador.—Tingnan ang study note sa Mat 27:27.

Media

Romanong Sibat
Romanong Sibat

Ang mga sundalong Romano ay karaniwan nang may hawak na mahahabang sandata na puwedeng ipansaksak o ihagis. Ang pilum (1) ay dinisenyo para ipantuhog sa kalaban. Dahil mabigat ito, hindi ito maihahagis nang malayo, pero kaya nitong bumutas ng baluti o kalasag. May mga ebidensiya na ang mga hukbong Romano ay kadalasan nang may dalang pilum. Ang mas simpleng mga sibat (2) ay isang mahabang kahoy na may matulis na bakal sa dulo. Ang mga reserbang sundalo ay nagdadala kung minsan ng isa o mas marami pang ganitong sibat. Hindi alam kung anong uri ng sibat ang ginamit na pansaksak sa tagiliran ni Jesus.