Mga Gawa ng mga Apostol 25:1-27

25  Tatlong araw pagkarating ni Festo+ sa lalawigan para mamahala, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea.  At ang mga punong saserdote at mga prominenteng lalaking Judio ay nagbigay sa kaniya ng impormasyon laban kay Pablo.+ Nakiusap sila* kay Festo  na papuntahin si Pablo sa Jerusalem. Pero may plano silang tambangan sa daan si Pablo para patayin.+  Gayunman, sumagot si Festo na hindi aalis si Pablo sa Cesarea at siya mismo ay pabalik na roon.  “Kaya sumama sa akin ang mga may awtoridad sa inyo,” ang sabi niya, “at akusahan ang lalaking iyon kung may ginawa siyang mali.”+  Kaya nang mga 8 hanggang 10 araw na siyang naroon, bumalik siya sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa luklukan ng paghatol at iniutos niyang dalhin si Pablo.  Pagpasok ni Pablo, pinalibutan siya ng mga Judiong mula sa Jerusalem at pinaulanan ng mabibigat na paratang na hindi naman nila mapatunayan.+  Pero sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol: “Wala akong ginawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kay Cesar.”+  Dahil gusto ni Festo na makuha ang pabor ng mga Judio,+ sinabi niya kay Pablo: “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem para doon kita hatulan may kinalaman sa mga bagay na ito?” 10  Pero sinabi ni Pablo: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan ako dapat hatulan. Wala akong ginawang masama sa mga Judio, gaya rin ng alam mo. 11  Kung talagang may ginawa akong kasalanan na nararapat sa kamatayan,+ handa akong mamatay; pero kung walang basehan ang paratang sa akin ng mga taong ito, walang karapatan ang sinuman na ibigay ako sa kanila bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!”+ 12  At pagkatapos kausapin ni Festo ang kapulungan ng mga tagapayo, sinabi niya: “Kay Cesar ka umapela, kay Cesar ka pupunta.” 13  Pagkalipas ng ilang araw, dumating sa Cesarea si Agripa na hari at si Bernice para magbigay-galang kay Festo. 14  Dahil mananatili sila roon nang ilang araw, iniharap ni Festo sa hari ang kaso ni Pablo: “May isang lalaki na iniwang bilanggo ni Felix,+ 15  at noong nasa Jerusalem ako, kinausap ako ng mga punong saserdote at matatandang lalaki ng mga Judio tungkol sa kaniya,+ at gusto nilang mahatulan siya. 16  Pero sinabi ko sa kanila na hindi ginagawa ng mga Romano na ibigay ang sinuman bilang pabor kung hindi pa nakakaharap ng akusado ang mga nagpaparatang sa kaniya at kung hindi pa niya naipagtatanggol ang sarili niya.+ 17  Kaya nang dumating sila rito, hindi ako nagpaliban. Kinabukasan, umupo ako sa luklukan ng paghatol at nag-utos na dalhin ang lalaki. 18  Nang magsalita sila, wala silang naiparatang na kasalanan sa kaniya na iniisip kong ginawa niya.+ 19  Nakikipagtalo lang sila sa kaniya tungkol sa pagsamba sa kanilang bathala*+ at tungkol sa lalaking si Jesus na patay na pero iginigiit ni Pablo na buháy pa.+ 20  Dahil hindi ko alam ang gagawin sa usaping ito, tinanong ko siya kung gusto niyang pumunta sa Jerusalem para doon mahatulan may kinalaman dito.+ 21  Pero nang sabihin ni Pablo na gusto niyang umapela sa Augusto,+ iniutos kong ibilanggo siya hanggang sa maipadala ko siya kay Cesar.” 22  Sinabi ni Agripa kay Festo: “Gusto kong mapakinggan ang taong iyon.”+ “Bukas,” sabi niya, “mapakikinggan mo siya.” 23  Kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice at napakaengrande ng pagpasok nila sa bulwagan kasama ang mga kumandante ng militar at mga prominenteng lalaki sa lunsod; at iniutos ni Festo na ipasok si Pablo. 24  Sinabi ni Festo: “Haring Agripa at lahat ng narito, nasa harap ninyo ang taong inirereklamo sa akin ng lahat ng Judio rito at sa Jerusalem, at isinisigaw nilang dapat siyang mamatay.+ 25  Pero nakita kong wala siyang ginawang nararapat sa kamatayan.+ Kaya nang gustong umapela ng taong ito sa Augusto, ipinasiya kong ipadala siya. 26  Pero hindi ko alam kung ano ang isusulat ko sa aking Panginoon tungkol sa kaniya. Kaya dinala ko siya sa harap ninyo, at lalo na sa harap mo, Haring Agripa, para may maisulat na ako pagkatapos ng hudisyal na pagsusuri. 27  Dahil hindi tama para sa akin na ipadala ang isang bilanggo nang hindi sinasabi ang paratang laban dito.”

Talababa

Lit., “Humingi sila ng pabor.”
O “tungkol sa relihiyon nila.”

Study Notes

lalawigan: Ang Romanong lalawigan ng Judea. Nandito ang Cesarea, kung saan naninirahan ang gobernador. Ang ekspresyong Griego na isinaling pagkarating . . . para mamahala ay sinasabing tumutukoy sa pamamahala ni Festo bilang gobernador ng lalawigan.

Cesar: O “Emperador.” Ang emperador ng Roma noong ministeryo ni Jesus ay si Tiberio, pero hindi lang tumutukoy ang termino sa namamahalang emperador. Puwede ring tumukoy ang “Cesar” sa awtoridad ng pamahalaang Romano, o sa Estado, at sa mga inatasang kinatawan nito, na tinatawag ni Pablo na “nakatataas na mga awtoridad” at tinatawag naman ni Pedro na “hari” at “gobernador.”—Ro 13:1-7; 1Pe 2:13-17; Tit 3:1; tingnan sa Glosari.

ni Cesar: O “ng Emperador.” Ang emperador ng Roma nang panahong ito ay si Claudio, na namahala noong 41 hanggang 54 C.E.​—Gaw 11:28; 18:2; tingnan ang study note sa Mat 22:17 at Glosari, “Cesar.”

kay Cesar: O “sa Emperador.” Ang emperador ng Roma nang panahong ito ay si Nero. Namahala siya noong 54 hanggang 68 C.E., kung kailan nagpakamatay siya noong mga 31 taóng gulang siya. Kapag binanggit ang “Cesar” sa Gawa kabanata 25 hanggang 28, si Nero ang tinutukoy nito.​—Tingnan ang study note sa Mat 22:17; Gaw 17:7 at Glosari, “Cesar.”

isang Romano: Ibig sabihin, isang mamamayang Romano. Ito ang ikalawa sa tatlong nakaulat na pagkakataon na ginamit ni Pablo ang karapatan niya bilang mamamayang Romano. Kadalasan nang hindi gaanong nakikialam ang Romanong mga awtoridad sa mga Judio. Pero nakialam ang mga Romano sa kaso ni Pablo, hindi lang dahil nagkaroon ng malaking gulo nang magpunta siya sa templo, kundi dahil isa rin siyang mamamayang Romano. Ang pagkamamamayang Romano ay nagbibigay sa isang tao ng ilang pribilehiyo saanman siya magpunta sa imperyo. Halimbawa, hindi puwedeng igapos o bugbugin ang isang Romanong hindi pa nahahatulan, dahil sa mga alipin lang ito ginagawa.—Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang study note sa Gaw 16:37; 25:11.

Umaapela ako kay Cesar!: Sa ulat ng Bibliya, ito ang ikatlong pagkakataong ginamit ni Pablo ang karapatan niya bilang mamamayang Romano. (Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang study note sa Gaw 16:37; 22:25.) Puwedeng umapela kay Cesar pagkatapos ibaba ang hatol o habang ginaganap ang paglilitis. Makikita kay Festo na ayaw niyang magdesisyon sa isyung ito, at siguradong hindi magiging makatarungan ang paglilitis sa Jerusalem. Kaya umapela si Pablo na litisin siya sa pinakamataas na hukuman ng imperyo. Lumilitaw na hindi laging napagbibigyan ang mga umaapela, gaya ng mga magnanakaw, pirata, o nagkasala ng sedisyon na nahuli sa akto. Malamang na ito ang dahilan kaya sumangguni si Festo sa “kapulungan ng mga tagapayo” bago siya pumayag sa apela. (Gaw 25:12) Dininig din ng dumadalaw na si Herodes Agripa II ang kaso ni Pablo para maging mas malinaw ang impormasyong ibibigay ni Festo kapag ipinasa na niya ang kaso ni Pablo “sa Augusto,” o kay Nero. (Gaw 25:12-27; 26:32; 28:19) Gayundin, noon pa gustong pumunta ni Pablo sa Roma, kaya nakatulong ang apelang ito para makarating siya roon. (Gaw 19:21) Makikita sa pangako ni Jesus kay Pablo at sa sinabi ng anghel sa kaniya na makakarating siya sa Roma dahil iyan ang kalooban ng Diyos.​—Gaw 23:11; 27:23, 24.

mga Romano kami: Ibig sabihin, mga mamamayang Romano. Si Pablo, at lumilitaw na pati si Silas, ay mga mamamayang Romano. Ayon sa batas ng Roma, ang bawat mamamayan nito ay dapat na dumaan muna sa tamang proseso ng paglilitis at hindi puwedeng parusahan sa publiko hangga’t hindi napapatunayang nagkasala. Ang pagkamamamayang Romano ay nagbibigay sa isang tao ng ilang partikular na karapatan at pribilehiyo saanman siya magpunta sa imperyo. Ang isang mamamayang Romano ay nasa ilalim ng batas ng Roma, hindi ng batas ng mga lunsod na sakop nito. Kapag inakusahan, puwede siyang pumayag na litisin ayon sa batas doon, pero may karapatan pa rin siyang umapela sa hukumang Romano. Para sa kasong may parusang kamatayan, may karapatan siyang umapela sa emperador. Malawak ang naabot ng pangangaral ni apostol Pablo sa Imperyo ng Roma. Sa ulat, tatlong beses niyang ginamit ang karapatan niya bilang Romano. Ang unang pagkakataon ay dito sa Filipos, kung saan sinabi niya sa mga mahistrado na nilabag nila ang karapatan niya nang pagpapaluin nila siya.—Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang study note sa Gaw 22:25; 25:11.

Agripa: Si Herodes Agripa II. Apo siya sa tuhod ni Herodes na Dakila at anak ni Herodes Agripa I sa asawa niyang si Cypros.​—Gaw 12:1; tingnan sa Glosari, “Herodes.”

Bernice: Kapatid na babae ni Herodes Agripa II, na sinasabing naging karelasyon din niya. Pagkatapos nito, naging kalaguyo siya ni Tito bago ito maging Romanong emperador.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Mat 21:23; 26:3, 47, 57; 27:1, 41; 28:12; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”

matatandang lalaki: Dito, tumutukoy ito sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba.​—Tingnan ang study note sa Mat 16:21.

Cesar: O “Emperador.” Ang salitang Griego na Kaiʹsar ang katumbas ng terminong Latin na Caesar. (Tingnan sa Glosari.) Ang pangalang Augusto, salitang Latin na nangangahulugang “Isa na Kagalang-galang,” ay isang titulo na unang ibinigay ng Senado ng Roma kay Gayo Octavio, ang unang Romanong emperador, noong 27 B.C.E. Kaya nakilala siya bilang Cesar Augusto. Dahil sa utos niya, ipinanganak si Jesus sa Betlehem, at katuparan iyon ng hula sa Bibliya.​—Dan 11:20; Mik 5:2.

Augusto: Isang titulo para sa Romanong emperador. Ang salitang Griego na Se·ba·stosʹ ay nangangahulugang “karapat-dapat sa matinding paggalang; iginagalang” at isang salin ng titulong Latin na Augustus. Sa ilang salin, ginamit ang ekspresyong “Ang Kaniyang Kamahalan, ang Emperador.” Dito, tumutukoy ang titulong ito kay Cesar Nero (54-68 C.E.), ang ikaapat na emperador mula kay Octavio (Octavius), na unang tinawag sa titulong ito.​—Tingnan ang study note sa Luc 2:1.

Media

Cesar Nero
Cesar Nero

Makikita si Nero sa baryang ginto na ito, na ginawa noong mga 56-57 C.E. Namahala siya sa Imperyo ng Roma mula 54 hanggang 68 C.E. Si Nero ang Cesar nang umapela si Pablo sa di-makatarungang pag-aresto sa kaniya sa Jerusalem at pagbilanggo sa kaniya sa Cesarea mula mga 56 hanggang mga 58 C.E. Lumilitaw na pagkatapos mabilanggo ni Pablo sa unang pagkakataon sa Roma noong mga 59 C.E., pinawalang-sala siya at pinalaya noong mga 61 C.E. Pero noong 64 C.E., nasunog ang sangkapat ng lunsod ng Roma, at sinisi ng ilan si Nero. Pero ibinintang ito ni Nero sa mga Kristiyano kaya pinag-usig sila nang husto ng gobyerno. Malamang na sa mga panahong ito (65 C.E.), ibinilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon at binitay.