Ayon kay Mateo 28:1-20

28  Pagkaraan ng Sabbath, nang nagliliwanag na noong unang araw ng linggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria+ ay dumating para tingnan ang libingan.+  Bago nito, lumindol nang malakas dahil isang anghel ni Jehova ang bumaba mula sa langit at iginulong ang bato at naupo sa ibabaw nito.+  Nagliliwanag siyang gaya ng kidlat, at ang damit niya ay kasimputi ng niyebe.+  Nang makita siya ng mga bantay, nanginig sila sa takot at hindi na makakilos.*  Sinabi ngayon ng anghel sa mga babae: “Huwag kayong matakot. Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa tulos.+  Wala siya rito, dahil binuhay siyang muli, gaya ng sinabi niya.+ Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kaniya.  At magmadali kayo at sabihin ninyo sa mga alagad niya na binuhay siyang muli at papunta na siya sa Galilea.+ Doon ninyo siya makikita. Ngayon, nasabi ko na sa inyo.”+  Kaya agad silang umalis sa libingan, at magkahalong takot at saya ang nararamdaman nila. Tumakbo sila para balitaan ang mga alagad niya.+  Sinalubong sila ni Jesus at sinabi: “Magandang araw!” Lumapit sila at hinawakan ang mga paa niya at yumukod. 10  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot! Pumunta kayo sa mga kapatid ko at balitaan sila para makapunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.” 11  Pagkaalis ng mga babae, ang ilan sa mga bantay+ ay pumunta sa lunsod at ibinalita sa mga punong saserdote ang lahat ng nangyari. 12  At pagkatapos makipagpulong ng mga punong saserdote sa matatandang lalaki, nagbigay sila ng maraming piraso ng pilak sa mga sundalo, 13  at sinabi nila: “Sabihin ninyo, ‘Dumating ang mga alagad niya kagabi at ninakaw siya habang natutulog kami.’+ 14  At kung malaman ito ng gobernador, huwag kayong mag-alala dahil kami na ang magpapaliwanag* sa kaniya.” 15  Kaya kinuha nila ang mga piraso ng pilak at ginawa ang iniutos sa kanila, at ito ang istoryang kumalat sa mga Judio hanggang sa mismong araw na ito. 16  Samantala, ang 11 alagad ay pumunta sa Galilea+ sa bundok kung saan sinabi ni Jesus na magkikita-kita sila.+ 17  Nang makita nila siya, lumuhod sila at yumuko, pero ang ilan ay nag-alinlangan. 18  Lumapit sa kanila si Jesus at sinabi niya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.+ 19  Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa,+ na binabautismuhan sila+ sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, 20  at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.+ At makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.”+

Talababa

Lit., “at naging gaya ng mga taong patay.”
Lit., “kukumbinsi.”

Study Notes

ang isa pang Maria: Tumutukoy kay “Maria na ina ni Santiago at ni Joses” na binanggit sa Mat 27:56. Binanggit din siya sa Mat 28:1; Mar 15:40, 47; 16:1; Luc 24:10; Ju 19:25.—Tingnan ang study note sa Mar 3:18; Ju 19:25.

Sabbath: Lit., “mga Sabbath.” Sa talatang ito, dalawang beses na lumitaw ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na sabʹba·ton. Ang unang paglitaw ay tumutukoy sa isang araw ng Sabbath, ang ikapitong araw ng linggo, at isinalin itong “Sabbath.” Ang ikalawang paglitaw ay tumutukoy sa buong pitong araw, at isinalin itong ng linggo. Ang araw ng Sabbath (Nisan 15) ay natapos sa paglubog ng araw. Iniisip ng ilan na ang ulat ni Mateo ay tumutukoy sa takipsilim “pagkaraan ng Sabbath,” pero maliwanag na ipinapakita ng ibang ulat sa Ebanghelyo na ang mga babae ay dumating para tingnan ang libingan ‘maaga’ noong Nisan 16, “pagsikat ng araw.”—Mar 16:1, 2; Luc 24:1; Ju 20:1; tingnan din sa Glosari at Ap. B12.

unang araw ng linggo: Tumutukoy sa Nisan 16. Para sa mga Judio, ang araw pagkatapos ng Sabbath ay ang unang araw ng linggo.

ang isa pang Maria: Tingnan ang study note sa Mat 27:61.

anghel ni Jehova: Maraming beses na lumitaw ang ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, mula Gen 16:7. Sa mga paglitaw nito sa mga unang kopya ng Septuagint, ang salitang Griego na agʹge·los (anghel; mensahero) ay sinusundan ng pangalan ng Diyos na nakasulat sa mga letrang Hebreo. Ganiyan ang makikita sa Zac 3:5, 6 sa isang kopya ng Septuagint na natagpuan sa Nahal Hever, Israel, na mula pa noong mga 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. (Tingnan ang Ap. C.) Pinanatili ng maraming salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos sa ekspresyong “anghel ni Jehova” sa tekstong ito.—Tingnan ang Ap. A5 at introduksiyon ng Ap. C3; Mat 1:20.

anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Mat 1:20 at Ap. C1 at introduksiyon ng C3; Mat 28:2.

sabihin ninyo sa mga alagad niya na binuhay siyang muli: Ang mga babaeng ito ang una sa mga alagad na nakaalam ng pagkabuhay-muli ni Jesus, at sila rin ang inutusang magbalita nito sa iba pang alagad. (Mat 28:2, 5, 7) Ayon sa di-makakasulatang paniniwala ng mga Judio, hindi puwedeng tumestigo sa korte ang isang babae. Pero binigyang-dangal ng anghel ni Jehova ang mga babae nang ibigay niya sa kanila ang magandang atas na ito.

lumuhod sa harap niya: O “yumukod sa harap niya; nagbigay-galang sa kaniya.” Sa ulat ng Hebreong Kasulatan, ang mga tao noon ay yumuyukod din sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4-7; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Maliwanag, kinilala ng lalaking ito na ang kausap niya ay kinatawan ng Diyos na may kapangyarihang magpagaling. Angkop lang na lumuhod o yumukod para magpakita ng paggalang sa Hari na pinili ni Jehova.—Mat 9:18; para sa higit pang impormasyon sa salitang Griego na ginamit dito, tingnan ang study note sa Mat 2:2.

Lumuhod at yumuko sa kaniya: O “Nagbigay-galang sa kaniya.” Kinilala ng mga taong ito si Jesus bilang kinatawan ng Diyos. Kaya lumuhod at yumuko sila sa harap niya, hindi dahil isa siyang diyos o bathala, kundi dahil siya ang “Anak ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa Mat 2:2; 8:2; 18:26.

lumuhod: O “yumukod; nagbigay-galang.” Sa pagtawag kay Jesus na “Anak ni David” (Mat 15:22), maliwanag na kinilala ng di-Judiong babaeng ito na siya ang ipinangakong Mesiyas. Lumuhod ang babae sa harap ni Jesus, hindi dahil isa siyang diyos o bathala, kundi dahil kinatawan siya ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Mat 2:2; 8:2; 14:33; 18:26.

yumukod: O “nagpatirapa; nagbigay-galang.”—Tingnan ang study note sa Mat 8:2; 14:33; 15:25.

mga kapatid ko: Dito, tinawag ni Jesus na “mga kapatid” ang mga alagad niya dahil sa espirituwal na ugnayan nila.—Tingnan ang Mat 28:16; ihambing ang Mat 25:40; Ju 20:17; Heb 2:10-12.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Mat 21:23; 26:3, 47, 57; 27:1, 41; 28:12; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”

matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 16:21.

ito: Tumutukoy sa kasinungalingang nakatulog sila. Puwedeng ipapatay ang mga sundalong Romano kapag nakatulog sila sa pagbabantay.

gobernador: Tumutukoy kay Poncio Pilato.

magkikita-kita: Lumilitaw na mahigit 500 ang pumunta sa Galilea para magkita-kita.—1Co 15:6.

ang ilan ay nag-alinlangan: Kung pagbabatayan ang 1Co 15:6, malamang na hindi kasama ang mga apostol sa mga nag-alinlangan; sa halip, ang mga nag-alinlangan ay ang mga alagad sa Galilea na hindi pa nakakita kay Jesus mula nang buhayin siyang muli.

mga alagad niya: Ang unang paglitaw ng salitang Griego na ma·the·tesʹ, na isinasaling “alagad.” Tumutukoy ito sa isang estudyante at nagpapahiwatig ng malapít na kaugnayan sa kaniyang guro, na may malaking impluwensiya sa buhay niya. Kahit may malaking grupo na nagkakatipon para makinig kay Jesus, lumilitaw na ang pangunahin niyang kinakausap ay ang mga alagad niya, na nakaupo pinakamalapit sa kaniya.—Mat 7:28, 29; Luc 6:20.

sa buong lupa . . . lahat ng bansa: Idiniriin ng mga ekspresyong ito ang lawak ng gawaing pangangaral. Ang salitang Griego para sa “buong lupa” (oi·kou·meʹne) ay tumutukoy sa lupa, o mundo, na tirahan ng mga tao. (Luc 4:5; Gaw 17:31; Ro 10:18; Apo 12:9; 16:14) Pero noong unang siglo, ginamit din ang terminong ito para sa malawak na Imperyo ng Roma, kung saan nakapangalat ang mga Judio. (Luc 2:1; Gaw 24:5) Ang salitang Griego naman para sa “bansa” (eʹthnos) ay karaniwan nang tumutukoy sa grupo ng mga tao na magkakalahi at may iisang wika. Ang ganoong bayan o etnikong grupo ay kadalasan nang naninirahan sa isang partikular na teritoryo.

dahil ito ay propeta: Lit., “sa ngalan ng isang propeta.” Sa kontekstong ito, ang idyomang Griego na “sa ngalan ng” ay nagpapahiwatig ng pagkilala sa katungkulan at gawain ng isang propeta.—Ihambing ang study note sa Mat 28:19.

gumawa ng mga alagad: O “gumawa ng mga estudyante.” Ang pandiwang Griego na ma·the·teuʹo ay pangunahin nang nangangahulugang “magturo” para makagawa ng mga estudyante o alagad. Sa Mat 13:52, isinalin itong “naturuan,” at sa Mat 27:57, isinalin itong “naging alagad.” Sa Gaw 14:21, ginamit ang pananalitang ito para sabihing marami ang natulungan nina Pablo at Bernabe sa Derbe “na maging alagad.” Ipinapakita ng mga pandiwang “binabautismuhan” at “itinuturo” sa kontekstong ito kung ano ang kailangan sa ‘paggawa ng mga alagad.’—Para sa pagtalakay sa kaugnay na pangngalang Griego na ma·the·tesʹ, tingnan ang study note sa Mat 5:1.

mga tao ng lahat ng bansa: Ang literal na salin nito ay “lahat ng bansa,” pero ipinapakita ng konteksto na ang terminong ito ay tumutukoy sa mga indibidwal mula sa lahat ng bansa, dahil ang panghalip na Griego para sa “sila” sa pananalitang binabautismuhan sila ay nasa kasariang panlalaki at tumutukoy sa mga tao, hindi sa mga “bansa,” na walang kasarian sa Griego. Ang utos na ito na puntahan ang “mga tao ng lahat ng bansa” ay bago. Bago ang ministeryo ni Jesus, makikita sa Kasulatan na ang mga Gentil ay tinatanggap sa Israel kung lalapit sila para maglingkod kay Jehova. (1Ha 8:41-43) Pero sa utos na ito, inatasan ni Jesus ang mga alagad niya na mangaral sa lahat ng tao, hindi lang sa mga Judio. Kaya naidiin nito na pambuong-daigdig ang paggawa ng mga alagad ng mga Kristiyano.—Mat 10:1, 5-7; Apo 7:9; tingnan ang study note sa Mat 24:14.

sa pangalan ng: Ang terminong Griego para sa “pangalan” (oʹno·ma) ay hindi lang tumutukoy sa personal na pangalan. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa pagkilala sa awtoridad at posisyon ng Ama at ng Anak, pati na sa papel ng banal na espiritu. Sa paggawa nito, nagkakaroon ang isa ng bagong kaugnayan sa Diyos.—Ihambing ang study note sa Mat 10:41.

Ama . . . Anak . . . banal na espiritu: Natural lang na kilalanin natin ang Ama, ang Diyos na Jehova, dahil siya ang ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay. (Aw 36:7, 9; Apo 4:11) Pero sinasabi rin ng Bibliya na hindi makakaligtas ang isang tao kung hindi niya kikilalanin ang papel ng Anak sa layunin ng Diyos. (Ju 14:6; Gaw 4:12) Mahalaga ring kilalanin ang papel ng banal na espiritu ng Diyos dahil ginagamit ng Diyos ang aktibong puwersa niya para magbigay ng buhay (Job 33:4), iparating sa mga tao ang mensahe niya (2Pe 1:21), palakasin sila na gawin ang kalooban niya (Ro 15:19), at iba pa. Iniisip ng ilan na ang magkakasamang pagbanggit sa Ama, Anak, at banal na espiritu ay sumusuporta sa doktrina ng Trinidad, pero hindi kailanman itinuro ng Bibliya na ang tatlong ito ay pantay-pantay sa haba ng pag-iral, kapangyarihan, at posisyon. Ang magkakasamang pagbanggit sa mga ito sa iisang talata ay hindi nagpapatunay na ang tatlong ito ay Diyos, magkakasinghaba ang pag-iral, at magkakapantay.—Mar 13:32; Col 1:15; 1Ti 5:21.

banal na espiritu: O “banal na aktibong puwersa.” Ang terminong “espiritu” (walang kasarian sa Griego) ay tumutukoy, hindi sa isang indibidwal, kundi sa puwersa na ginagamit ng Diyos at nagmumula sa kaniya.—Tingnan sa Glosari, “Banal na espiritu”; “Ruach; Pneuma.”

nangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo.

nagtuturo . . . nangangaral: Ang pagtuturo ay iba sa pangangaral, dahil ang guro ay hindi lang basta naghahayag; nagtuturo siya, nagpapaliwanag, gumagamit ng nakakakumbinsing mga argumento, at naghaharap ng katibayan.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 28:20.

katapusan: Mula sa salitang Griego na syn·teʹlei·a, na nangangahulugang “sabay-sabay na katapusan; magkakasamang magtatapos.” (Mat 13:39, 40, 49; 28:20; Heb 9:26) Tumutukoy ito sa yugto ng panahon kung kailan sabay-sabay na magaganap ang mga pangyayari na hahantong sa ganap na “wakas” na binanggit sa Mat 24:6, 14, kung saan ibang salitang Griego (teʹlos) ang ginamit.​—Tingnan ang study note sa Mat 24:6, 14 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”

itinuturo sa kanila: Saklaw ng salitang Griego na isinasaling “magturo” ang pagpapaliwanag, paggamit ng nakakakumbinsing argumento, at paghaharap ng mga katibayan. (Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 4:23.) Ang pagtuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ni Jesus ay dapat gawin nang patuluyan, at kasama rito ang pagtuturo sa kanila ng lahat ng itinuro niya, kung paano susundin ang mga ito, at kung paano siya tutularan.—Ju 13:17; Efe 4:21; 1Pe 2:21.

katapusan: Tingnan ang study note sa Mat 24:3 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”

sistemang ito: O “panahong ito.”—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”

Media

Libingan
Libingan

Kadalasan na, inililibing ng mga Judio ang mga patay sa mga kuweba o butas na inuka sa bato. Karaniwan nang nasa labas ng lunsod ang mga libingan, maliban sa libingan ng mga hari. Kapansin-pansin ang pagiging simple ng mga natagpuang libingan ng mga Judio. Malamang na simple ito dahil hindi naman sinasamba ng mga Judio ang mga patay at hindi sila naniniwala na nabubuhay sa daigdig ng mga espiritu ang mga namatay.