Ayon kay Lucas 15:1-32

15  Ang lahat ng maniningil ng buwis at makasalanan ay laging lumalapit sa kaniya para makinig.+  At nagbubulong-bulungan ang mga Pariseo at mga eskriba: “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at kumakain siyang kasama nila.”+  Kaya sinabi niya sa kanila ang ilustrasyong ito:  “Kung ang isang tao ay may 100 tupa at mawala ang isa, hindi ba niya iiwan ang 99 sa ilang at hahanapin ang isang nawawala hanggang sa makita niya ito?+  At kapag nakita na niya, papasanin niya ito sa mga balikat niya at magsasaya siya.  Pag-uwi niya, tatawagin niya ang mga kaibigan niya at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nahanap ko na ang nawawala kong tupa.’+  Sinasabi ko sa inyo, mas magsasaya rin sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi+ kaysa sa 99 na matuwid na hindi kailangang magsisi.+  “O kung ang isang babae ay may 10 baryang drakma at mawala ang isa, hindi ba siya magsisindi ng lampara, magwawalis sa bahay niya, at maghahanap na mabuti hanggang sa makita niya ito?  At kapag nakita na niya, tatawagin niya ang mga kaibigan niya* at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang baryang drakma na naiwala ko.’ 10  Sinasabi ko sa inyo, nagsasaya rin ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.”+ 11  Pagkatapos, sinabi niya: “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. 12  Sinabi ng nakababatang anak sa kaniyang ama, ‘Ama, ibigay mo na sa akin ang parte ko sa mana.’ Kaya hinati niya ang kaniyang mga pag-aari sa dalawa niyang anak. 13  Pagkalipas ng ilang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng pag-aari niya, pumunta sa isang malayong lupain, at nilustay ang mga pag-aari niya sa masamang pamumuhay. 14  Nang maubos na niya ang lahat ng pera niya, nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupaing iyon, at wala na siyang makain. 15  Namasukan pa nga siya sa isang tagaroon at pinapunta siya sa mga bukid nito para mag-alaga ng mga baboy.+ 16  At gusto na niyang kumain ng pagkain ng baboy, pero wala man lang nagbibigay sa kaniya ng anumang makakain. 17  “Nang makapag-isip-isip siya, sinabi niya sa sarili, ‘Maraming pagkain ang mga trabahador ng aking ama, samantalang namamatay ako rito sa gutom! 18  Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko: “Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. 19  Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Gawin mo na lang akong trabahador mo.”’ 20  Kaya naglakbay siya pabalik sa kaniyang ama. Malayo pa, natanaw na siya ng kaniyang ama at naawa ito sa kaniya; tumakbo ito at niyakap* at hinalikan siya. 21  Sinabi ng anak sa ama, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo.+ Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.’ 22  Pero sinabi ng ama sa mga alipin niya, ‘Dali! Maglabas kayo ng mahabang damit, ang pinakamaganda, at isuot ninyo iyon sa kaniya. Suotan din ninyo siya ng singsing at sandalyas. 23  At kumuha kayo ng pinatabang guya,* patayin* ninyo iyon, at kumain tayo at magdiwang, 24  dahil ang anak kong ito ay patay na pero muling nabuhay;+ siya ay nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magsaya.+ 25  “Nasa bukid noon ang nakatatandang anak. Nang umuwi siya at malapit na sa bahay, nakarinig siya ng musika at sayawan. 26  Kaya tinawag niya ang isa sa mga lingkod at tinanong ito kung ano ang nangyayari. 27  Sinabi nito, ‘Dumating ang kapatid mo, at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil ligtas* na nakabalik sa kaniya ang kapatid mo.’ 28  Pero nagalit siya at ayaw pumasok sa bahay. Kaya pinuntahan siya ng kaniyang ama at pinakiusapan. 29  Sinabi niya sa kaniyang ama, ‘Napakaraming taon na akong nagtatrabaho sa iyo, at sinunod ko ang lahat ng utos mo, pero kahit kailan ay hindi mo ako binigyan ng batang kambing para pagsaluhan namin ng mga kaibigan ko. 30  Pero pagdating na pagdating ng anak mong ito na lumustay ng kayamanan mo sa mga babaeng bayaran, pinatay mo ang pinatabang guya para sa kaniya.’ 31  Kaya sinabi ng ama, ‘Anak, lagi na kitang kasama, at lahat ng sa akin ay sa iyo. 32  Pero dapat tayong magdiwang at magsaya, dahil ang kapatid mo ay patay na pero nabuhay; siya ay nawala at natagpuan.’”

Talababa

O “kaibigan niyang babae.”
Lit., “sumubsob sa leeg niya.”
O “batang baka.”
O “ihain.”
O “malusog.”

Study Notes

ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.

ilustrasyong: O “talinghagang.”​—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

buwis na dalawang drakma: Lit., “dobleng drakma.” (Tingnan ang Ap. B14.) Tinutustusan ng buwis ang iba’t ibang gawain sa templo. (Exo 30:12-16) Lumilitaw na noong panahon ni Jesus, naging kaugalian na ng bawat adultong lalaking Judio na mag-abuloy ng espesipikong halaga bilang taunang buwis sa templo.

10: Gaya ng makikita sa study note sa baryang drakma sa talatang ito, ang isang drakma ay katumbas ng halos isang-araw na suweldo. Pero mahalaga ang nawalang baryang ito dahil malamang na kasama ito sa isang set ng 10 baryang drakma na pamana sa babae o ginagamit na palamuti. Kailangan niyang magsindi ng lampara para mahanap iyon dahil kadalasan nang maliliit ang bintana noon sa mga bahay, kung mayroon man. At karaniwan nang gawa sa luwad ang sahig ng mga bahay noon, kaya nagwalis ang babae para mahanap ang nawawalang barya.

baryang drakma: Ang drakma ay isang Griegong baryang pilak. Noong ministeryo ni Jesus sa lupa, ang drakma ay posibleng tumitimbang nang mga 3.4 g. Nang panahong iyon, ipinanunumbas ng mga Griego ang drakma sa denario, pero opisyal na itinakda ng gobyerno ng Roma na ang halaga ng isang drakma ay tatlong-kapat ng isang denario. Ang mga Judio ay nagbabayad ng dalawang drakma (didrakma) bilang taunang buwis sa templo.​—Tingnan ang study note sa Mat 17:24; Glosari, “Drakma”; at Ap. B14.

baryang drakma: Ang drakma ay isang Griegong baryang pilak. Noong ministeryo ni Jesus sa lupa, ang drakma ay posibleng tumitimbang nang mga 3.4 g. Nang panahong iyon, ipinanunumbas ng mga Griego ang drakma sa denario, pero opisyal na itinakda ng gobyerno ng Roma na ang halaga ng isang drakma ay tatlong-kapat ng isang denario. Ang mga Judio ay nagbabayad ng dalawang drakma (didrakma) bilang taunang buwis sa templo.​—Tingnan ang study note sa Mat 17:24; Glosari, “Drakma”; at Ap. B14.

baryang drakma: Tingnan ang study note sa Luc 15:8; Glosari, “Drakma”; at Ap. B14.

Isang tao ang may dalawang anak na lalaki: Ang ilang aspekto ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak ay naiiba kumpara sa ibang ilustrasyon niya. Isa ito sa pinakamahahabang ilustrasyon ni Jesus. Ang isang kapansin-pansing aspekto nito ay ang paggamit dito ng ugnayan ng magkakapamilya. Sa ibang ilustrasyon ni Jesus, madalas siyang gumamit ng mga walang-buhay na bagay, gaya ng iba’t ibang uri ng binhi o lupa. Kung minsan naman, ang mga ilustrasyon niya ay tungkol sa ugnayan ng panginoon at mga alipin nito. (Mat 13:18-30; 25:14-30; Luc 19:12-27) Pero sa ilustrasyong ito, itinampok ni Jesus ang malapít na kaugnayan ng isang ama sa mga anak niya. Posibleng walang mabait at mapagmahal na ama ang marami sa mga nakakarinig sa ulat na ito. Ipinapakita ng ilustrasyong ito ang malaking awa at pag-ibig ng ating Ama sa langit para sa mga anak niya sa lupa—para sa mga nananatiling tapat sa kaniya o kahit sa mga napawalay pero nanumbalik.

nakababatang anak: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang panganay ay tatanggap ng dobleng mana. (Deu 21:17) Kaya sa ilustrasyong ito, ang mana ng nakababatang anak ay kalahati ng sa kuya niya.

nilustay: Ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “ikalat (sa iba’t ibang direksiyon).” (Luc 1:51; Gaw 5:37) Sa Mat 25:24, 26, isinalin itong “nagtatahip.” Dito, tumutukoy ito sa pag-aaksaya at pagwawaldas ng pera.

masamang pamumuhay: O “maaksayang (iresponsableng) pamumuhay.” Ganiyan ang pagkakagamit ng kaugnay na salitang Griego sa Efe 5:18; Tit 1:6; 1Pe 4:4. Dahil ang salitang Griegong ito ay puwede ring tumukoy sa pagiging magastos o maaksaya, ang ilustrasyong ito ay tinawag na “ang alibughang (maaksayang) anak.”

mag-alaga ng mga baboy: Ang mga hayop na ito ay marumi ayon sa Kautusan, kaya kahiya-hiya at nakapandidiri ang trabahong ito para sa isang Judio.​—Lev 11:7, 8.

mag-alaga ng mga baboy: Ang mga hayop na ito ay marumi ayon sa Kautusan, kaya kahiya-hiya at nakapandidiri ang trabahong ito para sa isang Judio.​—Lev 11:7, 8.

pagkain ng baboy: Tumutukoy sa bunga ng algarroba. Ang balat nito ay makintab na parang katad at mas maitim nang kaunti sa talong. Ang hugis nito ay parang pakurbang sungay, kaayon ng literal na kahulugan nito sa Griego (ke·raʹti·on, “maliit na sungay”). Hanggang ngayon, karaniwan pa ring ipinapakain ang bunga ng algarroba sa mga kabayo, baka, at baboy. Talagang naghirap ang lalaking ito hanggang sa puntong gusto na niyang kainin ang pagkain ng baboy.​—Tingnan ang study note sa Luc 15:15.

laban sa iyo: O “sa harap mo.” Sa salin ng Septuagint sa 1Sa 20:1, ginamit din sa ganitong paraan ang Griegong pang-ukol na e·noʹpi·on, na literal na nangangahulugang “sa harap; sa paningin.” Sa tekstong iyon, tinanong ni David si Jonatan: “Ano ba ang kasalanan ko sa iyong ama?”

trabahador: Nang pauwi na ang nakababatang anak, inisip niyang hilingin sa ama niya na tanggapin siyang muli, hindi bilang anak, kundi bilang trabahador. Ang isang trabahador ay hindi bahagi ng sambahayan, di-gaya ng mga alipin. Kadalasan nang inuupahan lang siya nang arawan.​—Mat 20:1, 2, 8.

hinalikan siya: O “magiliw siyang hinalikan.” Sinasabing ang terminong Griego na isinaling “hinalikan” ay isang pinatinding anyo ng pandiwang phi·leʹo, na isinasalin din kung minsan na “halikan” (Mat 26:48; Mar 14:44; Luc 22:47) pero mas madalas na nangangahulugang “mahalin” (Ju 5:20; 11:3; 16:27). Dahil sa magiliw na pagsalubong ng ama sa kaniyang anak, makikita sa ilustrasyon na handang tanggaping muli ng ama ang nagsisisi niyang anak.

tawaging anak mo: Sa ilang manuskrito, idinagdag ang pananalitang ito: “Gawin mo na lang akong trabahador mo.” Pero ang ginamit sa saling ito ay sinusuportahan ng iba’t ibang sinauna at maaasahang manuskrito. Iniisip ng ilang iskolar na ang karagdagang pananalita ay idinagdag para tumugma sa Luc 15:19.

mahabang damit . . . singsing at sandalyas: Hindi simple ang mahabang damit na ito. Ito ang pinakamaganda​—posibleng marami itong burda at katulad ng ipinasusuot sa importanteng bisita. Ang pagsusuot ng singsing sa kamay ng anak ay nagpapakitang pinapaboran at mahal siya ng ama niya. Ipinapakita rin nito na naibalik ang karangalan at katayuan niya bilang anak. Karaniwan nang walang singsing at sandalyas ang mga alipin. Kaya nililinaw ng ama na tinatanggap niyang muli ang anak niya bilang bahagi ng pamilya.

lumustay: Lit., “lumapa.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay malinaw na nagpapakita kung paano inaksaya ng nakababatang anak ang kayamanan, o kabuhayan, ng kaniyang ama.

Media

Ang Pastol at ang Kaniyang mga Tupa
Ang Pastol at ang Kaniyang mga Tupa

Mahirap ang trabaho ng isang pastol. Minsan, nabibilad siya sa araw, nahahantad sa lamig, at kulang sa tulog. (Gen 31:40; Luc 2:8) Pinoprotektahan niya ang kawan mula sa mababangis na hayop, gaya ng leon, lobo, at oso, pati na sa mga magnanakaw. (Gen 31:39; 1Sa 17:34-36; Isa 31:4; Am 3:12; Ju 10:10-12) Iniingatan ng pastol ang kawan para hindi mangalat ang mga ito (1Ha 22:17), hinahanap ang nawawalang tupa (Luc 15:4), binubuhat ang mahihina o pagod na tupa sa kaniyang dibdib (Isa 40:11) o balikat, at inaalagaan ang maysakit at nasaktan (Eze 34:3, 4; Zac 11:16). Madalas na gamitin ng Bibliya ang mga pastol at ang gawain nila sa makasagisag na paraan. Halimbawa, inihahalintulad si Jehova sa isang Pastol na nag-aalaga sa mahal niyang mga tupa, ang kaniyang bayan. (Aw 23:1-6; 80:1; Jer 31:10; Eze 34:11-16; 1Pe 2:25) Tinatawag si Jesus na “dakilang pastol” (Heb 13:20) at “punong pastol.” Sa pangunguna niya, ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano ay nagpapastol sa kawan ng Diyos nang maluwag sa loob, may pananabik, at hindi naghihintay ng kapalit.—1 Pe 5:2-4.

Bunga ng Algarroba
Bunga ng Algarroba

Bunga ito ng puno ng algarroba (Ceratonia siliqua), isang magandang puno na nananatiling berde ang dahon sa buong taon at makikita sa buong Israel at iba pang bahagi ng Mediteraneo. Tumataas ito nang hanggang 9 m (30 ft). Ang bunga nito ay may haba na 15 hanggang 25 cm (6 hanggang 10 in) at lapad na mga 2.5 cm (1 in). Habang nahihinog ang berdeng bunga ng algarroba, nagiging makintab ito na parang katad, na ang kulay ay mas maitim nang kaunti sa talong. Sa loob nito, may maliliit na buto na pinaghihiwalay ng laman na matamis, malagkit, at puwedeng kainin. Hanggang ngayon, ipinapakain pa rin ang bunga ng algarroba sa mga kabayo, baka, at baboy.