Ayon kay Mateo 26:1-75
Talababa
Study Notes
Habang si Jesus ay nasa Betania: Ang nakaulat sa Mat 26:6-13 ay maliwanag na naganap paglubog ng araw, sa pasimula ng Nisan 9. Pinapatunayan iyan ng kaparehong ulat sa Juan, kung saan sinabing dumating si Jesus sa Betania “anim na araw bago ang Paskuwa.” (Ju 12:1) Malamang na nakarating siya roon sa pasimula (sa paglubog ng araw) ng Sabbath noong Nisan 8, ang araw bago ang hapunan sa bahay ni Simon.—Ju 12:2-11; tingnan ang Ap. A7 at B12.
Matapos sabihin: Ang nakaulat sa Mat 26:1-5 ay nangyari noong Nisan 12, dahil sinasabi sa talata 2 na “dalawang araw na lang ay Paskuwa na [Nisan 14].”—Tingnan ang Ap. A7, B12, at study note sa Mat 26:6.
Anak ng tao: Lumilitaw ito nang mga 80 beses sa Ebanghelyo. Ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang sarili niya, maliwanag na para idiin na isa talaga siyang tao na ipinanganak ng isang babae, at katumbas siya ni Adan, na may kapangyarihang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12, 14, 15) Ginamit din ang ekspresyong ito para tukuyin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo.—Dan 7:13, 14; tingnan sa Glosari.
ibayubay sa tulos: O “ibitin sa tulos.” Ito ang una sa mahigit 40 paggamit ng pandiwang Griego na stau·roʹo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito ang pandiwa ng pangngalang Griego na stau·rosʹ, na isinasaling “pahirapang tulos.” (Tingnan ang study note sa Mat 10:38; 16:24; 27:32 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”) Ginamit ng Septuagint ang pandiwang ito sa Es 7:9, kung saan ipinag-utos na ibitin si Haman sa tulos na mahigit 20 m (65 ft) ang taas. Sa klasikal na Griego, nangangahulugan itong “bakuran o palibutan ng tulos o poste.”
Paskuwa: Nagsimula ang kapistahang ito (Sa Griego, paʹskha, mula sa Hebreo na peʹsach na galing sa pandiwang pa·sachʹ, na nangangahulugang “lampasan; daanan”) noong gabi bago umalis sa Ehipto ang mga Israelita. Inaalaala sa pagdiriwang na ito ang pagliligtas ng Diyos sa Israel mula sa Ehipto at ang ‘paglampas’ ni Jehova sa mga panganay ng mga Israelita nang patayin niya ang mga panganay sa Ehipto.—Exo 12:14, 24-47; tingnan sa Glosari.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
ibayubay sa tulos: O “ibitin sa tulos.”—Tingnan ang study note sa Mat 20:19 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”
lahat ng punong saserdote: Ang terminong Griego dito ay isinasaling “mataas na saserdote” kapag nasa anyong pang-isahan at tumutukoy sa pangunahing kinatawan ng mga tao sa harap ng Diyos. Dito, ang termino na nasa anyong pangmaramihan ay tumutukoy sa pangunahing mga saserdote, kasama na ang dating matataas na saserdote at posibleng pati ang mga pinuno ng 24 na pangkat ng mga saserdote.
matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Mat 21:23; 26:3, 47, 57; 27:1, 41; 28:12; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”
punong saserdote: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.
matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 16:21.
mataas na saserdote: Noong hindi pa nasasakop ang bansang Israel, panghabambuhay ang panunungkulan ng mataas na saserdote. (Bil 35:25) Pero noong nasakop ito ng Roma, ang mga tagapamahalang inatasan ng Roma ay binigyan ng awtoridad na mag-atas at magpatalsik ng mataas na saserdote.—Tingnan sa Glosari.
Caifas: Ang mataas na saserdoteng ito, na inatasan ng mga Romano, ay isang mahusay na diplomatiko na nanungkulan nang mas mahaba kaysa sa mga nauna sa kaniya. Itinalaga siya noong mga 18 C.E. at nanatili sa puwesto hanggang mga 36 C.E.—Tingnan ang Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng bahay ni Caifas.
ketongin: May malubhang sakit sa balat. Sa Bibliya, ang ketong ay hindi lang tumutukoy sa ketong na alam natin sa ngayon. Sinumang napatunayang may ketong ay mamumuhay malayo sa mga tao hanggang sa gumaling siya.—Lev 13:2, tlb., 45, 46; tingnan sa Glosari, “Ketong; Ketongin.”
Habang si Jesus ay nasa Betania: Ang nakaulat sa Mat 26:6-13 ay maliwanag na naganap paglubog ng araw, sa pasimula ng Nisan 9. Pinapatunayan iyan ng kaparehong ulat sa Juan, kung saan sinabing dumating si Jesus sa Betania “anim na araw bago ang Paskuwa.” (Ju 12:1) Malamang na nakarating siya roon sa pasimula (sa paglubog ng araw) ng Sabbath noong Nisan 8, ang araw bago ang hapunan sa bahay ni Simon.—Ju 12:2-11; tingnan ang Ap. A7 at B12.
Simon na ketongin: Ang Simon na ito ay dito lang binanggit at sa kaparehong ulat sa Mar 14:3. Malamang na isa siya sa mga ketongin na pinagaling ni Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glosari, “Ketong; Ketongin.”
Binuhusan niya ako ng mabangong langis: Ginawa ito ng babae (tingnan ang study note sa Mat 26:7) dahil sa pag-ibig at pagpapahalaga kay Jesus. Sinabi ni Jesus na hindi alam ng babae na naihahanda na pala niya ang katawan ni Jesus para sa libing, dahil karaniwan nang pinapahiran ng mabangong langis at iba pang pamahid ang katawan ng namatay.—2Cr 16:14.
isang babae: Ayon sa Ju 12:3, siya si Maria, ang kapatid nina Marta at Lazaro.
mamahalin at mabangong langis: Iniulat nina Marcos at Juan na ito ay isang libra ng ‘purong’ nardo, na nagkakahalaga ng 300 denario. Katumbas iyan ng mga isang-taóng sahod ng karaniwang trabahador. (Mar 14:3-5; Ju 12:3-5) Sinasabing ang mabangong langis na ito ay galing sa mabangong halaman (Nardostachys jatamansi) na matatagpuan sa kabundukan ng Himalaya. Ang nardo ay karaniwan nang hinahaluan, o pinepeke pa nga, pero parehong binanggit nina Marcos at Juan na “puro” ang langis na ginamit ni Maria.
boteng alabastro: Tingnan sa Glosari, “Alabastro.”
ibinuhos nito ang langis sa ulo niya: Sa ulat nina Mateo at Marcos, ibinuhos ng babae ang langis sa ulo ni Jesus. (Mar 14:3) Pero sa ulat ni Juan, na isinulat makalipas ang maraming taon, binanggit niyang ibinuhos din ito ng babae sa paa ni Jesus. (Ju 12:3) Sinabi ni Jesus na ang ginawang ito ng babae na udyok ng pag-ibig ay para bang paghahanda sa kaniya para sa libing.—Tingnan ang study note sa Mat 26:12.
mga alagad: Si Juan lang ang nag-ulat na si Hudas Iscariote ang nagreklamo sa paggamit ni Maria ng mamahaling langis. (Ju 12:4-7) Lumilitaw na sumang-ayon lang ang iba pang apostol dahil parang may punto naman si Hudas.
300 denario: Ang sinabi lang ni Mateo sa ulat niya ay “malaking halaga.” (Mat 26:9) Mas espesipiko ang ulat nina Marcos at Juan.—Tingnan ang study note sa Mar 14:3; Glosari, “Denario”; at Ap. B14.
malaking halaga: Tingnan ang study note sa Mar 14:5.
isang babae: Ayon sa Ju 12:3, siya si Maria, ang kapatid nina Marta at Lazaro.
Binuhusan niya ako ng mabangong langis: Ginawa ito ng babae (tingnan ang study note sa Mat 26:7) dahil sa pag-ibig at pagpapahalaga kay Jesus. Sinabi ni Jesus na hindi alam ng babae na naihahanda na pala niya ang katawan ni Jesus para sa libing, dahil karaniwan nang pinapahiran ng mabangong langis at iba pang pamahid ang katawan ng namatay.—2Cr 16:14.
Tinitiyak ko sa inyo: O “Sinasabi ko sa inyo ang totoo.” Ang salitang Griego na puwedeng isalin na “totoo” ay a·menʹ, ang transliterasyon ng Hebreo na ʼa·menʹ, na nangangahulugang “mangyari nawa” o “tiyak nga.” Madalas gamitin ni Jesus ang ekspresyong ito bago sabihin ang isang kapahayagan, pangako, o hula bilang pagdiriin na ito ay talagang totoo at maaasahan. Ang paggamit ni Jesus ng “totoo,” o amen, sa ganitong paraan ay sinasabing makikita lang sa mga Ebanghelyo at hindi sa ibang bahagi ng Bibliya at ibang mga literatura sa relihiyon. Kapag inuulit ito (a·menʹ a·menʹ), gaya ng makikita sa Ebanghelyo ni Juan, ang sinasabi ni Jesus ay puwedeng isalin na “katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo.”—Tingnan ang study note sa Ju 1:51.
sa buong lupa . . . lahat ng bansa: Idiniriin ng mga ekspresyong ito ang lawak ng gawaing pangangaral. Ang salitang Griego para sa “buong lupa” (oi·kou·meʹne) ay tumutukoy sa lupa, o mundo, na tirahan ng mga tao. (Luc 4:5; Gaw 17:31; Ro 10:18; Apo 12:9; 16:14) Pero noong unang siglo, ginamit din ang terminong ito para sa malawak na Imperyo ng Roma, kung saan nakapangalat ang mga Judio. (Luc 2:1; Gaw 24:5) Ang salitang Griego naman para sa “bansa” (eʹthnos) ay karaniwan nang tumutukoy sa grupo ng mga tao na magkakalahi at may iisang wika. Ang ganoong bayan o etnikong grupo ay kadalasan nang naninirahan sa isang partikular na teritoryo.
Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.
saanman sa mundo ipangaral: Lit., “saanman sa buong mundo ipangaral.” Gaya ng hula ni Jesus sa Mat 24:14, sinasabi niya rito na ang mabuting balita ay ipangangaral sa buong mundo, at kasama rito ang ginawa ng babaeng ito udyok ng kaniyang debosyon. Ipinasulat ng Diyos sa tatlong manunulat ng Ebanghelyo ang ginawa ng babae.—Mar 14:8, 9; Ju 12:7; tingnan ang study note sa Mat 24:14.
Matapos sabihin: Ang nakaulat sa Mat 26:1-5 ay nangyari noong Nisan 12, dahil sinasabi sa talata 2 na “dalawang araw na lang ay Paskuwa na [Nisan 14].”—Tingnan ang Ap. A7, B12, at study note sa Mat 26:6.
Habang si Jesus ay nasa Betania: Ang nakaulat sa Mat 26:6-13 ay maliwanag na naganap paglubog ng araw, sa pasimula ng Nisan 9. Pinapatunayan iyan ng kaparehong ulat sa Juan, kung saan sinabing dumating si Jesus sa Betania “anim na araw bago ang Paskuwa.” (Ju 12:1) Malamang na nakarating siya roon sa pasimula (sa paglubog ng araw) ng Sabbath noong Nisan 8, ang araw bago ang hapunan sa bahay ni Simon.—Ju 12:2-11; tingnan ang Ap. A7 at B12.
Iscariote: Posibleng nangangahulugang “Lalaki Mula sa Keriot.” Ang ama ni Hudas, si Simon, ay tinatawag ding “Iscariote.” (Ju 6:71) Karaniwang iniisip na ang terminong ito ay nagpapahiwatig na sina Simon at Hudas ay mula sa Keriot-hezron, isang bayan sa Judea. (Jos 15:25) Kung gayon, si Hudas lang ang taga-Judea sa 12 apostol at ang iba pa ay taga-Galilea.
Pagkatapos: Tumutukoy sa Nisan 12, ang araw kung kailan nangyari ang nakaulat sa Mat 26:1-5.—Tingnan ang Ap. A7, B12, at study note sa Mat 26:1, 6.
Hudas Iscariote: Tingnan ang study note sa Mat 10:4.
30 pirasong pilak: Si Mateo lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat kung magkano ang ibinayad kay Hudas para magtraidor kay Jesus. Posibleng ito ay 30 siklong pilak na gawa sa Tiro. Makikita sa halagang ito kung gaano kababa ang tingin ng mga punong saserdote kay Jesus, dahil sa Kautusan, halaga lang ito ng isang alipin. (Exo 21:32) Nang hingin ni Zacarias ang kabayaran niya mula sa di-tapat na mga Israelita para sa pagganap niya ng kaniyang atas bilang propeta sa bayan ng Diyos, “30 pirasong pilak” din ang ibinigay nila sa kaniya, na nagpapakitang kasinghalaga lang siya ng alipin para sa kanila.—Zac 11:12, 13.
Nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa: Ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay nagsisimula nang Nisan 15, ang araw pagkatapos ng Paskuwa (Nisan 14), at umaabot ito nang pitong araw. (Tingnan ang Ap. B15.) Pero noong panahon ni Jesus, masyado nang napag-ugnay ang Paskuwa at ang kapistahang ito kaya ang buong walong araw, kasama na ang Nisan 14, ay tinutukoy kung minsan na “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.” (Luc 22:1) Sa kontekstong ito, ang pariralang “Nang unang araw ng” ay puwedeng isaling “Sa araw bago ang.” (Ihambing ang Ju 1:15, 30, kung saan ang salitang Griego para sa “una” [proʹtos] ay ginamit para sabihing “umiral muna” si Jesus bago si Juan.) Kaya kung pagbabasihan ang orihinal na Griego at ang nakasanayan ng mga Judio, masasabing Nisan 13 noon nang tanungin si Jesus ng mga alagad niya. Bago matapos ang Nisan 13, naghanda ang mga alagad para sa Paskuwa, na ipinagdiwang nila “pagsapit ng gabi,” ang pasimula ng Nisan 14.—Mar 14:16, 17.
kasabay kong nagsasawsaw: Karaniwan nang nagkakamay ang mga tao noon kapag kumakain, o kaya ay gumagamit sila ng piraso ng tinapay bilang kutsara. Ang ekspresyong ito ay puwede ring mangahulugan na “kumaing magkasama.” Ang pagkain na kasama ng isang tao ay nagpapakita ng malapít na pagkakaibigan. Kaya ang pagsira sa ganitong pagkakaibigan ay itinuturing na pinakamasamang klase ng pagtatraidor.—Aw 41:9; Ju 13:18.
mangkok: Ang salitang Griego ay tumutukoy sa isang medyo malalim na mangkok na ginagamit sa pagkain.
Ikaw ang nagsabi niyan: Isang idyoma ng mga Judio na ginagamit para kumpirmahin ang sinabi ng isa na nagtatanong. Ang tanong ni Hudas sa talatang ito ay puwede ring isalin na “Ako ba iyon, Rabbi?” Sa sagot ni Jesus, para bang sinasabi niya, “Totoo ang sinabi mo,” na nagpapakitang inamin na mismo ni Hudas na siya ang magtatraidor kay Jesus. Ilang sandali pagkatapos nito, lumilitaw na umalis na si Hudas bago pasimulan ni Jesus ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, gaya ng makikita sa ulat ng Ju 13:21-30. Sa ulat ni Mateo, ang sumunod na pagbanggit kay Hudas ay sa Mat 26:47, kung saan kasama na siya ng isang grupo ng mga tao sa hardin ng Getsemani.
Matapos pagpira-pirasuhin ang mga tinapay: Karaniwan nang lapád at matigas ang mga tinapay noon. Kaya naman pinagpipira-piraso ito kapag kinakain.—Mat 15:36; 26:26; Mar 6:41; 8:6; Luc 9:16.
kumuha si Jesus ng tinapay . . . pinagpira-piraso niya ito: Karaniwan nang manipis ang tinapay sa sinaunang Gitnang Silangan at malutong, kung walang pampaalsa. Wala namang ibig sabihin ang pagpipira-piraso ni Jesus sa tinapay; iyan lang talaga ang karaniwang paraan ng paghahati-hati ng ganitong klase ng tinapay.—Tingnan ang study note sa Mat 14:19.
manalangin: O “bumigkas ng pagpapala.” Maliwanag na tumutukoy sa panalangin ng papuri at pasasalamat sa Diyos.
Sumasagisag ito sa: Lit., “Ito ang.” Ang salitang Griego na e·stinʹ na ginamit dito ay puwedeng mangahulugang “kumakatawan; nangangahulugan; sumisimbolo.” Malinaw sa mga apostol ang ibig sabihin ni Jesus, dahil sa pagkakataong ito, nasa harap nila ang perpektong katawan ni Jesus pati na ang tinapay na walang pampaalsa na kakainin nila. Kaya hindi puwedeng ang tinapay ay ang literal na katawan ni Jesus. Ginamit din ang salitang Griego na ito sa Mat 12:7, at isinalin ito sa maraming Bibliya na “kahulugan.”
dugo para sa tipan: Ang bagong tipan, sa pagitan ni Jehova at ng pinahirang mga Kristiyano, ay nagkabisa dahil sa hain ni Jesus. (Heb 8:10) Ginamit dito ni Jesus ang katulad na terminong ginamit ni Moises nang tumayo ito bilang tagapamagitan at nang pasinayaan nito ang tipang Kautusan para sa Israel sa Bundok Sinai. (Exo 24:8; Heb 9:19-21) Kung paanong nagkabisa ang tipang Kautusan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel sa pamamagitan ng dugo ng mga toro at kambing, nagkabisa rin ang bagong tipan sa pagitan ni Jehova at ng espirituwal na Israel sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. Nagkabisa ang tipang ito noong Pentecostes 33 C.E.—Heb 9:14, 15.
iinom ako ng bagong alak: Sa Kasulatan, ang alak ay sumasagisag kung minsan sa kagalakan.—Aw 104:15; Ec 10:19.
pagkatapos umawit ng mga papuri: O “pagkatapos umawit ng mga himno (salmo).” Ayon sa tradisyon ng mga Judio, ang una sa mga Salmong Hallel (113, 114) ay inaawit, o binibigkas, sa panahong kinakain ang hapunan ng Paskuwa; ang ikalawang bahagi naman, na binubuo ng apat na salmo, (115-118) ay sa pagtatapos nito. Ang ikalawang bahagi ay naglalaman ng ilang hula tungkol sa Mesiyas. Ang Aw 118 ay nagsisimula at nagtatapos sa ganitong pananalita: “Magpasalamat kayo kay Jehova, dahil siya ay mabuti; ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” (Aw 118:1, 29) Malamang na ito ang huling papuri ni Jesus na inawit niya kasama ang tapat na mga apostol niya sa gabi bago siya mamatay.
bago tumilaok ang tandang: Mababasa sa apat na Ebanghelyo ang pananalitang ito, pero si Marcos lang ang nagsabi na dalawang beses titilaok ang tandang. (Mat 26:74, 75; Mar 14:30, 72; Luc 22:34, 60, 61; Ju 13:38; 18:27) Ang ulat na iyan ay sinusuportahan ng Mishnah, dahil ayon dito, nag-aalaga ng tandang sa Jerusalem noong panahon ni Jesus. Malamang na madaling-araw noon nang tumilaok ang tandang.
Getsemani: Lumilitaw na ang harding ito ay nasa Bundok ng mga Olibo, pagtawid ng Lambak ng Kidron mula sa Jerusalem. Posibleng mayroon ditong pisaan ng olibo, dahil ang pangalan nito ay galing sa ekspresyong Hebreo o Aramaiko (gath shema·nehʹ) na nangangahulugang “pisaan para sa langis.” Hindi na matukoy sa ngayon ang eksaktong lokasyon nito, pero pinaniniwalaang ang Getsemani ay ang hardin na nasa paanan ng Bundok ng mga Olibo, sa sangandaan na nasa kanlurang dalisdis.—Tingnan ang Ap. B12.
patuloy kayong magbantay: Ang terminong Griego ay literal na nangangahulugang “manatiling gisíng,” pero sa maraming konteksto, ang ibig sabihin nito ay “magbantay; maging alisto.” Ginamit ni Mateo ang terminong ito sa Mat 24:43; 25:13; 26:38, 40, 41. Sa Mat 24:44, iniugnay niya ito sa kahalagahan ng pagiging “handa.”—Tingnan ang study note sa Mat 26:38.
patuloy kayong magbantay: Lit., “manatili kayong gisíng.” Ang payong ito na manatiling gisíng sa espirituwal ang pangunahing mensahe ng ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga.—Tingnan ang study note sa Mat 24:42; 26:38.
patuloy na magbantay: Lit., “manatiling gisíng.” Idiniin ni Jesus sa mga alagad niya ang kahalagahan ng pananatiling gisíng sa espirituwal dahil hindi nila alam ang araw at oras ng pagdating niya. (Tingnan ang study note sa Mat 24:42; 25:13.) Inulit niya ang paalaalang ito dito at sa Mat 26:41, kung saan iniugnay niya sa pananatiling gisíng ang pagiging matiyaga sa panalangin. May mababasang katulad na payo sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, na nagpapakitang mahalagang manatiling alerto sa espirituwal ang tunay na mga Kristiyano.—1Co 16:13; Col 4:2; 1Te 5:6; 1Pe 5:8; Apo 16:15.
inuman ang kopa: Sa Bibliya, ang “kopa” ay sumasagisag sa kalooban ng Diyos, o “nakalaang bahagi,” para sa isang tao. (Aw 11:6; 16:5; 23:5) Ang ekspresyon dito na “inuman ang kopa” ay nangangahulugang magpasakop sa kalooban ng Diyos. Sa kasong ito, ang “kopa” ay tumutukoy, hindi lang sa paghihirap at kamatayang daranasin ni Jesus dahil sa maling paratang ng pamumusong, kundi pati sa pagkabuhay niyang muli bilang isang imortal na espiritu sa langit.
sumubsob siya sa lupa: Posibleng nakatukod ang kaniyang kamay o siko sa lupa. Iba-iba ang posisyon sa pananalangin na mababasa sa Bibliya; may mga nakatayo at may nakaluhod. Pero kapag marubdob ang panalangin ng isang tao, puwede siyang manalangin nang nakadapa.
alisin mo sa akin ang kopang ito: Sa Bibliya, ang “kopa” ay sumasagisag sa kalooban ng Diyos, o “nakalaang bahagi,” para sa isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 20:22.) Talagang nababahala si Jesus na masiraang-puri ang Diyos dahil sa kamatayan niya bilang isa na inakusahan ng pamumusong at sedisyon, kaya hiniling niya sa panalangin na alisin sa kaniya ang “kopang ito.”
ninyo: Ang paggamit sa Griego ng anyong pangmaramihan para sa panghalip na ito ay nagpapakitang hindi lang si Pedro ang kausap ni Jesus kundi pati ang iba pang alagad.
puso: Lit., “espiritu.” Ang terminong Griego [pneuʹma] na isinaling “puso” ay puwedeng tumukoy sa puwersang nagmumula sa puso ng isang tao at nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
laman: Sa Bibliya, karaniwan nang ginagamit ang terminong ito para tumukoy sa tao na nadadala ng kaniyang pagiging di-perpekto at makasalanan.
magiliw itong hinalikan: Ang pandiwang Griego na isinaling “magiliw itong hinalikan” ay pinatinding anyo ng pandiwang “hahalikan” na ginamit sa Mat 26:48. Ipinakita ng magiliw na pagbati ni Hudas kay Jesus kung gaano kalala ang pagiging tuso at mapagkunwari niya.
tinaga ang alipin ng mataas na saserdote: Iniulat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo ang pangyayaring ito, at nagbigay sila ng magkakaibang detalye tungkol dito. (Mat 26:51; Mar 14:47; Luc 22:50) Si Lucas lang, “ang minamahal na doktor” (Col 4:14), ang bumanggit na “hinipo [ni Jesus] ang tainga nito at pinagaling.” (Luc 22:51) Si Juan lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing si Simon Pedro ang tumaga sa alipin at na Malco ang pangalan ng alipin na natagpasan ng tainga. Maliwanag na si Juan ang alagad na “kilala ng mataas na saserdote” at ng sambahayan nito (Ju 18:15, 16), kaya natural lang na mapangalanan niya sa Ebanghelyo niya ang tinagang alipin. Makikita rin sa Ju 18:26 na talagang pamilyar si Juan sa sambahayan ng mataas na saserdote, dahil iniulat niya dito na ang aliping nag-akusa kay Pedro na alagad ito ni Jesus ay “kamag-anak ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga.”
tinaga ang alipin ng mataas na saserdote: Iniulat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo ang pangyayaring ito, at nagbigay sila ng magkakaibang detalye tungkol dito. (Mat 26:51; Mar 14:47; Luc 22:50) Si Lucas lang, “ang minamahal na doktor” (Col 4:14), ang bumanggit na “hinipo [ni Jesus] ang tainga nito at pinagaling.” (Luc 22:51) Si Juan lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing si Simon Pedro ang tumaga sa alipin at na Malco ang pangalan ng alipin na natagpasan ng tainga. Maliwanag na si Juan ang alagad na “kilala ng mataas na saserdote” at ng sambahayan nito (Ju 18:15, 16), kaya natural lang na mapangalanan niya sa Ebanghelyo niya ang tinagang alipin. Makikita rin sa Ju 18:26 na talagang pamilyar si Juan sa sambahayan ng mataas na saserdote, dahil iniulat niya dito na ang aliping nag-akusa kay Pedro na alagad ito ni Jesus ay “kamag-anak ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga.”
isa sa mga kasama ni Jesus: Ipinapakita sa kaparehong ulat sa Ju 18:10 na si Simon Pedro ang humugot ng espada at ang pangalan ng alipin ng mataas na saserdote ay Malco. Mababasa rin sa Luc 22:50 at Ju 18:10 ang karagdagang detalye na “kanang tainga” ang natagpas.—Tingnan ang study note sa Ju 18:10.
Tinaga niya ang alipin ng mataas na saserdote: Tingnan ang study note sa Ju 18:10.
batalyon: Lit., “lehiyon,” ang pangunahing yunit ng hukbong Romano. Noong unang siglo C.E., ang isang lehiyon ay binubuo ng mga 6,000 sundalo. Ang “12 batalyon” dito ay malamang na nangangahulugang napakarami o walang takdang bilang. Sinasabi ni Jesus na kung hihiling siya sa kaniyang Ama, makapagpapadala ang Diyos ng napakaraming anghel na poprotekta sa kaniya.
Kasulatan: Karaniwang ginagamit ang ekspresyong ito para tumukoy sa buong Hebreong Kasulatan.
para matupad ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propeta niya: Ito at ang katulad na mga ekspresyon ay lumitaw nang maraming beses sa Ebanghelyo ni Mateo, malamang na para idiin sa mga Judio ang papel ni Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas.—Mat 2:15, 23; 4:14; 8:17; 12:17; 13:35; 21:4; 26:56; 27:9.
para matupad ang isinulat ng mga propeta: Tingnan ang study note sa Mat 1:22.
mataas na saserdote: Noong hindi pa nasasakop ang bansang Israel, panghabambuhay ang panunungkulan ng mataas na saserdote. (Bil 35:25) Pero noong nasakop ito ng Roma, ang mga tagapamahalang inatasan ng Roma ay binigyan ng awtoridad na mag-atas at magpatalsik ng mataas na saserdote.—Tingnan sa Glosari.
Caifas: Ang mataas na saserdoteng ito, na inatasan ng mga Romano, ay isang mahusay na diplomatiko na nanungkulan nang mas mahaba kaysa sa mga nauna sa kaniya. Itinalaga siya noong mga 18 C.E. at nanatili sa puwesto hanggang mga 36 C.E.—Tingnan ang Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng bahay ni Caifas.
Caifas na mataas na saserdote: Tingnan ang study note sa Mat 26:3.
lahat ng punong saserdote: Ang terminong Griego dito ay isinasaling “mataas na saserdote” kapag nasa anyong pang-isahan at tumutukoy sa pangunahing kinatawan ng mga tao sa harap ng Diyos. Dito, ang termino na nasa anyong pangmaramihan ay tumutukoy sa pangunahing mga saserdote, kasama na ang dating matataas na saserdote at posibleng pati ang mga pinuno ng 24 na pangkat ng mga saserdote.
Kataas-taasang Hukuman: Ang buong Sanedrin—ang lupon ng mga hukom sa Jerusalem na binubuo ng mataas na saserdote at 70 matatandang lalaki at mga eskriba. Para sa mga Judio, hindi na puwedeng kuwestiyunin ang desisyon nila.—Tingnan sa Glosari, “Sanedrin.”
mga punong saserdote: Tumutukoy sa pangunahing mga saserdote.—Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari, “Punong saserdote.”
Sanedrin: Mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem. Ang salitang Griego na isinasaling “Sanedrin” (sy·neʹdri·on) ay literal na nangangahulugang “pag-upong magkakasama.” Karaniwan itong tumutukoy sa isang pagtitipon o pagpupulong, pero sa Israel, puwede rin itong tumukoy sa relihiyosong korte o lupon ng mga hukom.—Tingnan ang study note sa Mat 5:22 at Glosari; tingnan din ang Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng Bulwagan ng Sanedrin.
Kristo: Dito, ang titulong “Kristo,” na nangangahulugang “Pinahiran,” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego. Ipinapakita nitong si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, na pinahiran, o pinili, para sa isang espesyal na atas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1; 2:4.
Kristo: Tingnan ang study note sa Mat 11:2.
Ikaw ang nagsabi niyan: Isang idyoma ng mga Judio na ginagamit para kumpirmahin ang sinabi ng isa na nagtatanong. Ang tanong ni Hudas sa talatang ito ay puwede ring isalin na “Ako ba iyon, Rabbi?” Sa sagot ni Jesus, para bang sinasabi niya, “Totoo ang sinabi mo,” na nagpapakitang inamin na mismo ni Hudas na siya ang magtatraidor kay Jesus. Ilang sandali pagkatapos nito, lumilitaw na umalis na si Hudas bago pasimulan ni Jesus ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, gaya ng makikita sa ulat ng Ju 13:21-30. Sa ulat ni Mateo, ang sumunod na pagbanggit kay Hudas ay sa Mat 26:47, kung saan kasama na siya ng isang grupo ng mga tao sa hardin ng Getsemani.
Ikaw na mismo ang nagsasabi: Maliwanag na ang sagot na ito ni Jesus ay kumpirmasyon na ang sinabi ni Pilato ay totoo. (Ihambing ang study note sa Mat 26:25, 64.) Bagaman inamin ni Jesus kay Pilato na siya nga ay isang hari, iba ito sa iniisip ni Pilato, dahil ang Kaharian ni Jesus ay “hindi bahagi ng sanlibutang ito” at hindi magiging banta sa Roma.—Ju 18:33-37.
Ikaw na ang nagsabi: Hindi binale-wala ni Jesus ang tanong ni Caifas dahil alam niyang may awtoridad ang mataas na saserdote na pasumpain siyang magsabi ng katotohanan. (Mat 26:63) Lumilitaw na isa itong idyoma ng mga Judio na ginagamit para kumpirmahin ang sinabi ng isa. Sinusuportahan ito ng kaparehong ulat sa Marcos, kung saan mababasang sumagot si Jesus ng “Ako nga.”—Mar 14:62; tingnan ang study note sa Mat 26:25; 27:11.
Anak ng tao na . . . dumarating na nasa mga ulap sa langit: Tinutukoy dito ni Jesus ang Mesiyanikong hula sa Dan 7:13, 14, na nagpapakitang siya ang binabanggit doon na makakalapit sa presensiya ng Diyos at bibigyan sa langit ng awtoridad na mamahala.—Tingnan sa Glosari, “Anak ng tao.”
kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat: Lit., “kanan ng kapangyarihan.” Ang pagpuwesto sa kanan ng isang tagapamahala ay nangangahulugang pumapangalawa siya rito sa kapangyarihan. (Aw 110:1; Gaw 7:55, 56) Ang salitang Griego para sa “kapangyarihan” sa kontekstong ito ay puwede ring tumukoy sa Diyos, at puwede itong isalin na “Kapangyarihan” o “Makapangyarihan.” Ang ekspresyong Griego para sa “kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat” ay ginamit din sa kaparehong ulat sa Luc 22:69, pero idinagdag doon ang salita para sa “Diyos.” Isinalin itong “kanan ng makapangyarihang Diyos.” Ang pariralang “kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat” ay puwede ring mangahulugan na tatanggap si Jesus ng kapangyarihan, o awtoridad, dahil nasa kanan siya ng Diyos na Makapangyarihan.
pinunit niya ang damit niya: Pagpapakita ito ng matinding galit. Pero malamang na pinunit ni Caifas ang damit niya sa bandang dibdib para gawing eksaherado ang pagpapakita niya ng galit sa sinabi ni Jesus.
hulaan mo nga kung sino ang nanakit sa iyo: Dito, sinasabi nila kay Jesus na kung siya ang Kristo, mahuhulaan niya sa tulong ng Diyos kung sino ang nanakit sa kaniya. Makikita sa kaparehong ulat sa Mar 14:65 at Luc 22:64 na tinakpan ng mga mang-uusig ni Jesus ang mukha niya, kaya mauunawaan natin kung bakit sa ulat sa Mateo ay pinapahulaan nila kung sino ang nanakit sa kaniya.
pintuan: Lit., “pintuang-daan.” Sa ulat ni Marcos, gumamit siya ng termino na puwedeng tumukoy sa isang pasukan na may pasilyo, na nagpapakitang hindi lang ito basta pintuan. (Mar 14:68) Maliwanag na isa itong istraktura, posibleng isang pasilyo o silid, na nasa pagitan ng looban at ng pinto na nasa bandang labas, patungo sa lansangan.
pagsasalita mo: O “punto mo ng pagsasalita.” Kumpara sa Hebreo na sinasalita sa Judea, posibleng iba ang bokabularyo at pagbigkas ni Pedro ng ilang salita dahil taga-Galilea siya. May mga nagsasabi na ang ibang bokabularyo o punto sa pagsasalita ng mga taga-Galilea ay dahil sa impluwensiya ng mga banyaga.
tumilaok ang tandang: Mababasa sa apat na Ebanghelyo ang pangyayaring ito, pero si Marcos lang ang nagsabi na titilaok ang tandang sa ikalawang pagkakataon. (Mat 26:34, 74, 75; Mar 14:30; Luc 22:34, 60, 61; Ju 13:38; 18:27) Ang ulat na iyan ay sinusuportahan ng Mishnah, dahil ayon dito, nag-aalaga ng tandang sa Jerusalem noong panahon ni Jesus. Malamang na tumilaok ang tandang bago magbukang-liwayway.—Tingnan ang study note sa Mar 13:35.
sumumpa siya: O “sumumpa siya na may kasamang panata.” Sa takot, iginiit ni Pedro sa mga nakapalibot sa kaniya na hindi niya talaga kilala si Jesus. Sumumpa pa siyang mapahamak nawa siya kung hindi totoo ang sinasabi niya.
tumilaok ang tandang: Tingnan ang study note sa Mar 14:72.
Media

Ang maliit na lalagyang ito ng pabango ay gawa sa batong matatagpuan malapit sa Alabastron sa Ehipto. Ang mismong bato, isang klase ng calcium carbonate, ay nakilala sa tawag na Alabastron. Ang boteng makikita sa larawan ay natagpuan sa Ehipto at mula pa noong mga 150 B.C.E. hanggang 100 C.E. Ang mas murang materyales, gaya ng gypsum, ay ginagamit sa paggawa ng mga boteng kamukha nito; tinatawag ding alabastro ang mga ito dahil pinaglalagyan din ito ng langis at pabango. Pero ang mga boteng gawa sa totoong alabastro ay ginagamit para sa mamahaling langis at pabango, gaya ng ibinuhos kay Jesus sa dalawang pagkakataon—ang isa ay sa bahay ng isang Pariseo sa Galilea at ang isa pa ay sa bahay ni Simon na ketongin sa Betania.

Ang mga dapat ihanda kapag Paskuwa ay: inihaw na batang tupa (walang binaling buto) (1); tinapay na walang pampaalsa (2); at mapapait na gulay (3). (Exo 12:5, 8; Bil 9:11) Ang mapapait na gulay, na ayon sa Mishnah ay posibleng letsugas, chicory, pepperwort, endive, o dandelion, ay malamang na nagpapaalaala sa mga Israelita ng mapait na buhay nila bilang alipin sa Ehipto. Ginamit ni Jesus ang tinapay na walang pampaalsa bilang sagisag ng perpektong katawan niya. (Mat 26:26) At tinawag ni apostol Pablo si Jesus na “ating korderong pampaskuwa.” (1Co 5:7) Pagdating ng unang siglo, ang alak (4) ay kasama na rin sa hapunan ng Paskuwa. Ginamit ni Jesus ang alak bilang sagisag ng dugo niya, na ibubuhos bilang handog.—Mat 26:27, 28.