Mga Gawa ng mga Apostol 12:1-25

12  Nang panahong iyon, sinimulang pagmalupitan ni Haring Herodes ang ilan sa kongregasyon.+  Pinatay niya si Santiago na kapatid ni Juan+ gamit ang espada.+  Nang makita niyang nagustuhan ito ng mga Judio, inaresto rin niya si Pedro. (Panahon iyon ng Tinapay na Walang Pampaalsa.)+  Dinakip niya ito at ibinilanggo;+ apat na grupo ng tig-aapat na sundalo ang nagpapalitan sa pagbabantay rito. Gusto niya kasing iharap ito sa mga tao* pagkatapos ng Paskuwa.+  Kaya nanatili si Pedro sa bilangguan, pero ang kongregasyon ay nananalangin nang marubdob sa Diyos para sa kaniya.+  Nang gabi bago siya ilabas ni Herodes, natutulog si Pedro. Nasa gitna siya ng dalawang sundalo at nakatanikala sa mga ito. May mga bantay rin sa harap ng pinto ng bilangguan.  Pero may lumitaw na anghel ni Jehova+ at may liwanag na suminag sa selda. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising siya: “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang tanikala sa mga kamay niya.+  Sinabi ng anghel: “Magbihis ka at isuot mo ang sandalyas mo.” Ginawa niya iyon. Sinabi pa nito: “Isuot mo ang iyong balabal* at sundan mo ako.”  At lumabas siya at patuloy itong sinundan, pero hindi niya alam na totoo ang mga nangyayari at ang anghel. Akala niya ay nakakakita lang siya ng pangitain. 10  Pagkalampas nila sa una at ikalawang grupo ng mga guwardiya, nakarating sila sa bakal na pintuang-daan ng bilangguan na papunta sa lunsod; kusa itong bumukas+ at lumabas sila. Pumunta sila sa isang lansangan, at agad na humiwalay sa kaniya ang anghel. 11  Natauhan si Pedro, at sinabi niya: “Sigurado na ako ngayon na isinugo ni Jehova ang anghel niya para iligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa lahat ng gustong mangyari ng mga Judio.”+ 12  Pagkatapos pag-isipan ito, pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag na Marcos,+ kung saan marami ang nagtitipon at nananalangin. 13  Nang kumatok siya sa pinto,* lumapit ang alilang si Roda para tingnan kung sino iyon. 14  Nakilala niya ang boses ni Pedro, at sa sobrang tuwa, hindi niya binuksan ang pinto kundi tumakbo siya sa loob at sinabing nasa pinto si Pedro. 15  Sinabi nila: “Nahihibang ka.” Pero ipinipilit niya na totoo ang sinabi niya. Kaya sinabi nila: “Anghel iyon.” 16  Hindi umalis si Pedro at patuloy na kumatok. Pagbukas nila sa pinto, nakita nila siya at gulat na gulat sila. 17  Pero sinenyasan niya sila na tumahimik at sinabi nang detalyado kung paano siya inilabas ni Jehova sa bilangguan. Sinabi pa niya: “Ibalita ninyo ito kay Santiago+ at sa mga kapatid.” Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar. 18  Nang mag-umaga na, nagkagulo ang mga sundalo; iniisip nila kung ano talaga ang nangyari kay Pedro. 19  Ipinahanap siyang mabuti ni Herodes, pero nang hindi siya makita, pinagtatanong nito ang mga guwardiya at iniutos na parusahan ang mga ito;+ at mula sa Judea ay pumunta si Herodes sa Cesarea at nanatili roon nang ilang panahon. 20  Galit si* Herodes sa mga mamamayan ng Tiro at Sidon. Kaya pumunta sila sa kaniya na iisa ang pakay,* at kinumbinsi nila si Blasto, ang nangangasiwa sa sambahayan ng hari, na tulungan sila. Pagkatapos, humiling sila ng kapayapaan, dahil sa lupain ng hari nanggagaling ang pagkain ng bansa nila. 21  Sa isang espesyal na araw, nagsuot si Herodes ng magarbong kasuotan at umupo sa luklukan ng paghatol at nagtalumpati sa harap ng mga tao. 22  At sumigaw ang nagkakatipong mga tao: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!” 23  Agad siyang sinaktan ng anghel ni Jehova, dahil hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian, at kinain siya ng mga uod at namatay. 24  Pero ang salita ni Jehova ay patuloy na lumalaganap at marami ang nagiging mananampalataya.+ 25  Kung tungkol naman kina Bernabe+ at Saul, pagkatapos nilang maibigay ang lahat ng kinakailangang tulong sa Jerusalem,+ bumalik sila at isinama si Juan,+ na tinatawag ding Marcos.

Talababa

O “iharap ito sa mga tao para litisin.”
O “panlabas na kasuotan.”
O “pinto ng pintuang-daan.”
O “Gustong makipag-away ni.”
O “Kaya nagkakaisa silang pumunta sa kaniya.”

Study Notes

Herodes: Si Herodes Agripa I, apo ni Herodes na Dakila. (Tingnan sa Glosari.) Ipinanganak si Herodes Agripa I noong 10 B.C.E., at nag-aral siya sa Roma. Marami siyang naging kaibigan sa pamilya ng emperador ng Roma. Isa sa kanila si Gayo, na mas kilalá bilang Caligula at naging emperador noong 37 C.E. Di-nagtagal, itinalaga niyang hari si Agripa sa mga rehiyon ng Iturea, Traconite, at Abilinia. Pagkatapos, idinagdag pa ni Caligula ang Galilea at Perea sa sakop ni Agripa. Nasa Roma si Agripa nang patayin si Caligula noong 41 C.E. Sinasabing malaking papel ang ginampanan ni Agripa para ayusin ang sumunod na problema. Namagitan siya sa maiigting na pag-uusap ng makapangyarihang kaibigan niyang si Claudio at ng Senado ng Roma. Dahil diyan, ipinroklamang emperador si Claudio at napigilan ang pagsiklab ng digmaang sibil. Para gantimpalaan ang ginawa ni Agripa, ginawa rin siyang tagapamahala ni Claudio sa Judea at Samaria, na pinamamahalaan ng mga Romanong prokurador mula pa noong 6 C.E. Kaya ang teritoryong sakop ni Agripa ay naging kasinlaki ng kay Herodes na Dakila. Ang kabisera nito ay Jerusalem, kung saan nakuha niya ang loob ng mga lider ng relihiyon. Sinasabing detalyado niyang sinusunod ang kautusan at tradisyong Judio. Halimbawa, araw-araw siyang naghahandog sa templo at nagbabasa ng Kautusan sa publiko. Sinasabi ring masigasig siya sa pagtataguyod ng pananampalatayang Judio. Pero pakitang-tao lang ang pagsamba niya sa Diyos dahil nagsaayos siya ng mga labanan ng mga gladiator at paganong mga palabas sa teatro. Inilarawan si Agripa na tuso, mapagkunwari, at maluho. Biglang nagtapos ang pamamahala niya nang patayin siya ng anghel ni Jehova, gaya ng mababasa sa Gaw 12:23. Sinasabi ng mga iskolar na namatay si Haring Herodes Agripa I noong 44 C.E. Siya ay 54 na taóng gulang noon at tatlong taon siyang namahala sa buong Judea.

Pinatay niya si Santiago na kapatid ni Juan: Posibleng ipinapatay si Santiago noong mga 44 C.E. Kaya siya ang una sa 12 apostol na namatay bilang martir. Posibleng pinuntirya ni Herodes si apostol Santiago dahil kilalá siyang malapít kay Jesus o dahil sa pagiging masigasig niya. Malamang na ito ang dahilan kaya si Santiago at ang kapatid niyang si Juan ay binigyan ng apelyidong Boanerges, na nangangahulugang “Mga Anak ng Kulog.” (Mar 3:17) Ang ginawang ito ng duwag na si Herodes para mapanatili ang kapangyarihan niya ay hindi nakapigil sa paglaganap ng mabuting balita, pero nawalan pa rin ang kongregasyon ng isang minamahal na apostol at pastol na nagpapatibay sa kanila. Ang pananalitang gamit ang espada ay posibleng nagpapahiwatig na pinugutan ng ulo si Santiago.

Panahon iyon ng Tinapay na Walang Pampaalsa: Ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay nagsisimula nang Nisan 15, ang araw pagkatapos ng Paskuwa (Nisan 14), at umaabot ito nang pitong araw. (Tingnan sa Glosari, “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa,” at Ap. B15.) Ang madalas na pagbanggit ng mga Ebanghelyo at ng aklat ng Gawa sa iba’t ibang kapistahan ay nagpapakitang ang kalendaryong Judio ay ginagamit pa rin ng mga Judio noong panahon ni Jesus at ng mga apostol. Ang mga kapistahang ito ay ginagamit para tantiyahin kung kailan nangyari ang ilang ulat sa Bibliya.—Mat 26:2; Mar 14:1; Luc 22:1; Ju 2:13, 23; 5:1; 6:4; 7:2, 37; 10:22; 11:55; Gaw 2:1; 12:3, 4; 20:6, 16; 27:9.

anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 5:19 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:7.

anghel ni Jehova: Maraming beses na ginamit sa Hebreong Kasulatan ang ekspresyong ito, at ang unang paglitaw nito ay sa Gen 16:7. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “anghel” at ng Tetragrammaton. Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 3:5, 6 ang salitang Griego na agʹge·los (anghel; mensahero) na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa letrang Hebreo. Ang kopyang ito, na natagpuan sa isang kuweba sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “anghel ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “anghel ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 5:19 sa natitirang mga manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 5:19.

Magbihis ka: O “Bigkisan mo ang sarili mo.” Lumilitaw na tumutukoy ito sa pagsusuot ng sinturon o pagtatali ng isang mahabang piraso ng tela sa baywang para sikipan ang isang maluwag na panloob na damit.—Tingnan ang study note sa Luc 12:35.

Magbihis kayo at maging handa: Lit., “Bigkisan ninyo ang inyong balakang.” Ang idyomang ito ay tumutukoy sa pagsusuot ng sinturon sa ibabaw ng panlabas na damit para hindi ito makasagabal sa pagtatrabaho, pagtakbo, at iba pang gawain. Pero ginamit na rin ito para tumukoy sa pagiging handa para sa anumang gawain. Maraming beses lumitaw sa Hebreong Kasulatan ang katulad na mga ekspresyon. (Halimbawa: Exo 12:11, tlb.; 1Ha 18:46; 2Ha 3:21, tlb.; 4:29; Kaw 31:17, tlb.; Jer 1:17, tlb.) Sa kontekstong ito, ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit ay nagpapakita ng pagiging laging handa ng mga lingkod ng Diyos para sa espirituwal na gawain. Sa Luc 12:37, ang pandiwang iyon ay isinaling “magbibihis siya para maglingkod.” Sa 1Pe 1:13 naman, ang ekspresyong “ihanda ninyong mabuti ang isip ninyo para sa gawain” ay literal na nangangahulugang “bigkisan ninyo ang balakang ng inyong isip.”

isinugo ni Jehova ang anghel niya: Ang pariralang ‘isinugo ang anghel niya’ ay nagpapaalala ng ganito ring mga pagliligtas na binanggit sa Hebreong Kasulatan. Halimbawa, sa Dan 3:28; 6:22, sinabing ‘isinugo ng Diyos ang anghel niya’ para iligtas si Daniel at ang mga kasama nito.—Ihambing ang Aw 34:7; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:11.

bahay ni Maria: Lumilitaw na ang kongregasyon sa Jerusalem ay nagtitipon noon sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos. Malaki ang bahay na ito dahil kasya rito ang ‘maraming’ mananamba, at mayroon ditong isang alilang babae. Kaya posibleng maykaya si Maria. (Gaw 12:13) Posible ring biyuda na siya dahil tinawag ang tirahan niya na “bahay ni Maria” at hindi binanggit ang asawa niya.

Juan na tinatawag na Marcos: Isa sa mga alagad ni Jesus na “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10) at ang manunulat ng Ebanghelyo ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat.) Ang pangalang Juan ay katumbas ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Sa Gaw 13:5, 13, ang alagad na ito ay tinatawag lang na Juan. Pero dito at sa Gaw 12:25; 15:37, binanggit din ang Romanong apelyido niya na Marcos. Sa iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, Marcos lang ang tawag sa kaniya.—Col 4:10; 2Ti 4:11; Flm 24; 1Pe 5:13.

Marcos: Mula sa pangalang Latin na Marcus. Marcos ang Romanong apelyido ni “Juan” na binanggit sa Gaw 12:12. Ang kaniyang ina ay si Maria, isa sa mga unang alagad na nakatira sa Jerusalem. Si Juan Marcos ay “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10), na nakasama niya sa paglalakbay. Naglakbay rin si Marcos kasama ni Pablo at iba pang misyonerong Kristiyano noon. (Gaw 12:25; 13:5, 13; 2Ti 4:11) Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung sino ang sumulat nito, pero sinasabi ng mga manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. na si Marcos ang sumulat nito.

Anghel iyon: Lit., “Anghel niya iyon.” Ang terminong Hebreo at Griego na isinasaling “anghel” ay nangangahulugang “mensahero.” (Tingnan ang study note sa Ju 1:51.) Posibleng iniisip ng mga nagsabing “anghel niya [ni Pedro] iyon” na may isang mensaherong anghel sa may pinto na kumakatawan sa apostol. Lumilitaw na may ilang Judio na naniniwalang bawat lingkod ng Diyos ay may sariling anghel, o anghel de la guwardiya, pero walang direktang mababasa sa Bibliya tungkol dito. Gayunman, alam ng mga alagad ni Jesus na may indibidwal na mga miyembro ng bayan ng Diyos na tinulungan noon ng mga anghel. Halimbawa, may binanggit si Jacob na isang ‘anghel na nagligtas sa kaniya sa lahat ng kapahamakan.’ (Gen 48:16) Sinabi rin ni Jesus tungkol sa mga alagad niya na “nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama,” na nagpapakitang nagmamalasakit ang mga anghel sa bawat alagad ni Jesus. (Tingnan ang study note sa Mat 18:10.) Siguradong hindi naisip ng mga nagtitipon sa bahay ni Maria na si Pedro mismo na nasa anyong anghel ang nagpapakita, na para bang namatay na siya at naging espiritu, dahil alam nila ang itinuturo ng Hebreong Kasulatan tungkol sa kalagayan ng mga patay.—Ec 9:5, 10.

kanilang mga anghel: Sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan, tinitiyak sa mga lingkod ng Diyos na laging nandiyan ang di-nakikitang hukbo ng mga anghel ni Jehova para protektahan sila. (2Ha 6:15-17; Aw 34:7; 91:11; Gaw 5:19; Heb 1:14) Ang mga termino sa orihinal na wika na isinasaling “anghel” ay nangangahulugang “mensahero.” (Tingnan ang study note sa Ju 1:51.) Ang sinabi ni Jesus tungkol sa maliliit na ito (tumutukoy sa mga alagad niya) at “kanilang mga anghel” ay hindi nangangahulugang bawat tapat na Kristiyano ay may anghel de la guwardiya. Sa halip, binabantayan ng mga anghel ang espirituwal na kapakanan ng mga tunay na Kristiyano sa pangkalahatan at nagmamalasakit sila sa bawat alagad ni Kristo.​—Tingnan ang study note sa Gaw 12:15.

anghel: O “mensahero.” Ang salitang Griego na agʹge·los at ang katumbas na salitang Hebreo nito na mal·ʼakhʹ ay lumitaw nang halos 400 beses sa Bibliya. Ang dalawang salitang ito ay pangunahin nang nangangahulugang “mensahero.” Kapag espiritung mensahero ang tinutukoy, isinasalin itong “anghel,” pero kung tao ang tinutukoy, isinasalin itong “mensahero.” Madalas na malinaw sa konteksto kung ang tinutukoy ay mensaherong tao o anghel, pero kapag di-tiyak, kadalasan nang makikita sa talababa ang isa pang posibleng salin. (Gen 16:7; 32:3; Job 4:18, tlb.; 33:23, tlb.; Ec 5:6, tlb.; Isa 63:9, tlb.; Mat 1:20; San 2:25; Apo 22:8; tingnan sa Glosari.) Sa aklat ng Apocalipsis, na punô ng makasagisag na paglalarawan, ang ilang pagbanggit sa mga anghel ay puwedeng tumukoy sa mga tao.​—Apo 2:1, 8, 12, 18; 3:1, 7, 14.

Jehova: “Panginoon” (sa Griego, ho Kyʹri·os) ang ginamit dito sa karamihan ng manuskritong Griego. Pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, maraming dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang orihinal na ginamit sa tekstong ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:17.

Santiago: Malamang na ang kapatid ni Jesus sa ina. Posibleng siya ang sumunod kay Jesus, dahil una siyang binanggit sa apat na iba pang anak ni Maria: sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas. (Mat 13:55; Mar 6:3; Ju 7:5) Nakita mismo ni Santiago ang nangyari noong Pentecostes 33 C.E., nang ang libo-libong Judio mula sa ibang bansa na dumalaw sa Jerusalem ay tumanggap ng mabuting balita at nagpabautismo. (Gaw 1:14; 2:1, 41) Sinabihan ni Pedro ang mga alagad na ‘magbalita kay Santiago,’ na nagpapakitang si Santiago ang nangangasiwa sa kongregasyon sa Jerusalem. Lumilitaw na siya rin ang Santiago na binabanggit sa Gaw 15:13; 21:18; 1Co 15:7; Gal 1:19 (kung saan tinawag siyang “kapatid ng Panginoon”); 2:9, 12 at ang sumulat ng aklat ng Bibliya na nakapangalan sa kaniya.—San 1:1; Jud 1.

ang nangangasiwa sa sambahayan ng hari: Lit., “ang nangangasiwa sa silid-tulugan ng hari.” Lumilitaw na isa siyang kagalang-galang na opisyal na pinagkatiwalaan ng malaking responsibilidad sa sambahayan ng hari at iba pang personal na mga bagay na may kaugnayan sa kaniya.

anghel ni Jehova: Maraming beses na ginamit sa Hebreong Kasulatan ang ekspresyong ito, at ang unang paglitaw nito ay sa Gen 16:7. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “anghel” at ng Tetragrammaton. Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 3:5, 6 ang salitang Griego na agʹge·los (anghel; mensahero) na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa letrang Hebreo. Ang kopyang ito, na natagpuan sa isang kuweba sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “anghel ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “anghel ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 5:19 sa natitirang mga manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 5:19.

anghel ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 5:19 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:23.

salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 8:25 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 12:24.

salita ni Jehova: Ang ekspresyong ito ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan; kombinasyon ito ng terminong Hebreo para sa “salita” at ng pangalan ng Diyos. Lumitaw ito sa mga 200 talata. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa 2Sa 12:9; 2Ha 24:2; Isa 1:10; 2:3; 28:14; Jer 1:4; 2:4; Eze 1:3; 6:1; Os 1:1.) Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 9:1 ang salitang Griego na loʹgos na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa sinaunang letrang Hebreo (). Ang pergaminong balumbon na ito, na natagpuan sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea malapit sa Dagat na Patay, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “salita ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “salita ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 8:25 sa maraming manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 8:25.

maibigay ang lahat ng kinakailangang tulong: O “maibigay ang lahat ng tulong bilang paglilingkod.”—Tingnan ang study note sa Gaw 11:29.

nagbigay ng tulong: O “nagpadala ng tulong bilang paglilingkod.” Ito ang unang nakaulat na pagkakataon na nagpadala ng tulong ang mga Kristiyano sa kapuwa nila mga Kristiyano sa ibang bahagi ng mundo. Ang salitang Griego na di·a·ko·niʹa, na karaniwang isinasaling “ministeryo,” ay puwede ring isaling ‘maibigay ang kinakailangang tulong’ (Gaw 12:25) at “magpadala ng tulong bilang paglilingkod” (2Co 8:4, tlb.). Ang pagkakagamit ng salitang Griego na di·a·ko·niʹa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nagpapakita na may dalawang bahagi ang ministeryong Kristiyano. Ang isang bahagi ay ang “ministeryo [isang anyo ng di·a·ko·niʹa] ng pakikipagkasundo,” ang gawaing pangangaral at pagtuturo. (2Co 5:18-20; 1Ti 2:3-6) Ang isa pa ay ang paglilingkod sa mga kapananampalataya, gaya ng binabanggit dito. Sinabi ni Pablo: “May iba’t ibang klase ng paglilingkod [anyong pangmaramihan ng di·a·ko·niʹa], pero may iisang Panginoon.” (1Co 12:4-6, 11) Ipinakita niya na ang mga gawaing ito sa ministeryong Kristiyano ay bahagi ng “sagradong paglilingkod.”—Ro 12:1, tlb.; Ro 12:6-8.

Media

Herodes Agripa I
Herodes Agripa I

Ang baryang makikita rito ay ginawa noong mga 43-44 C.E. ni Herodes Agripa I, na tinukoy sa Gaw 12:1 bilang “Haring Herodes.” Makikita ang ulo ni Emperador Claudio sa isang panig ng barya, at sa kabila naman, sina Claudio at Agripa I. Nakasulat dito ang pangalan ni Agripa. Si Emperador Caligula (na namahala noong 37 hanggang 41 C.E. at hindi binanggit sa Kasulatan), na naunang mamahala kay Claudio at pamangkin nito, ang nagtalaga kay Herodes Agripa I na maging hari noong 37 C.E. Nang maglaon, pinalawak ni Claudio ang teritoryong sakop ni Agripa. Pinag-usig nang husto ni Herodes Agripa I ang kongregasyong Kristiyano noon; ipinapatay pa nga niya si apostol Santiago at ipinabilanggo si Pedro. (Gaw 12:1-4) Natapos ang pamamahala ni Herodes noong saktan siya ng anghel ni Jehova at mamatay.—Gaw 12:21-23.