Ayon kay Mateo 16:1-28

16  Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo at mga Saduceo. Para subukin siya, hinilingan nila siya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit.+  Sinabi niya sa kanila: “Kapag gumabi na, sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, dahil ang langit ay mapulang gaya ng apoy,’+  at sa umaga, ‘Magiging malamig at maulan ngayon, dahil ang langit ay mapulang gaya ng apoy pero makulimlim.’ Nabibigyang-kahulugan ninyo ang hitsura ng langit, pero hindi ninyo mabigyang-kahulugan ang mga tanda ng mga panahon.  Ang napakasama at taksil na henerasyong ito ay palaging naghahanap ng tanda,* pero walang tandang ibibigay sa kanila+ maliban sa tanda ni Jonas.”+ Pagkatapos ay umalis siya at iniwan sila.  At tumawid ang mga alagad sa kabilang ibayo, pero nakalimutan nilang magdala ng tinapay.+  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Maging mapagmasid kayo at mag-ingat sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.”+  Kaya sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi kasi tayo nagdala ng tinapay.”  Alam ito ni Jesus, kaya sinabi niya: “Bakit ninyo sinasabing wala kayong tinapay, kayo na may kakaunting pananampalataya?  Hindi pa ba ninyo nakukuha ang punto, o hindi ba ninyo natatandaan ang limang tinapay para sa 5,000 at kung ilang basket ang napuno ninyo?+ 10  O ang pitong tinapay para sa 4,000 at kung ilang malalaking basket ang napuno ninyo?+ 11  Bakit hindi ninyo naiintindihan na hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko? Kundi mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.”+ 12  Pagkatapos ay naintindihan nila na pinag-iingat niya sila, hindi sa lebadura ng tinapay, kundi sa turo ng mga Pariseo at mga Saduceo. 13  Nang makarating si Jesus sa lupain ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang mga alagad niya: “Sino ang Anak ng tao ayon sa mga tao?”+ 14  Sinabi nila: “Sabi ng ilan, si Juan Bautista;+ ang iba, si Elias;+ at ang iba pa, si Jeremias o isa sa mga propeta.” 15  Sinabi niya sa kanila: “Pero kayo, sino ako para sa inyo?” 16  Sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Kristo,+ ang Anak ng buháy na Diyos.”+ 17  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas, dahil hindi tao ang nagsiwalat nito sa iyo, kundi ang aking Ama na nasa langit.+ 18  Sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw si Pedro,+ at itatayo ko sa batong ito+ ang kongregasyon ko, at hindi ito matatalo ng Libingan.+ 19  Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng langit, at anuman ang itali mo sa lupa ay naitali na sa langit, at anuman ang kalagan mo sa lupa ay nakalagan na sa langit.”+ 20  Pagkatapos, mahigpit niyang inutusan ang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya ang Kristo.+ 21  Mula noon, ipinaliwanag na ni Jesus sa mga alagad niya na kailangan niyang magpunta sa Jerusalem at magdusa nang husto sa kamay ng matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba at kailangan siyang patayin at sa ikatlong araw ay buhaying muli.+ 22  Dahil dito ay dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinaway: “Maging mabait ka sa sarili mo, Panginoon; hindi iyan kailanman mangyayari sa iyo.”+ 23  Pero tinalikuran niya si Pedro at sinabi: “Diyan ka sa likuran ko, Satanas! Hinahadlangan mo ako sa dapat kong gawin, dahil hindi kaisipan ng Diyos ang iniisip mo, kundi kaisipan ng tao.”+ 24  Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.+ 25  Dahil ang sinumang gustong magligtas ng buhay* niya ay mamamatay;* pero ang sinumang mamatay alang-alang sa akin ay muling mabubuhay.+ 26  Ano ang saysay na makuha ng isang tao ang buong mundo* kung mamamatay naman siya?+ O ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng buhay* niya?+ 27  Dahil ang Anak ng tao, kasama ang mga anghel niya, ay darating taglay ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama,+ at ibibigay niya ang nararapat sa* bawat isa ayon sa kaniyang paggawi.+ 28  Sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi mamamatay hanggang sa makita muna nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang Kaharian.”+

Talababa

O “himala bilang katibayan.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “mawawalan ng buhay.”
O “sanlibutan.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “at gagantihan niya ang.”

Study Notes

Sinabi niya sa kanila: Sa ilang mahahalagang sinaunang manuskrito, hindi mababasa ang kasunod na bahagi ng talata 2 at ang buong talata 3. Kahit na hindi tiyak kung talagang lumitaw ang mga salitang ito sa Bibliya, maraming awtoridad ang pabor sa pagsasama ng bahaging ito dahil mababasa ito sa maraming luma at bagong manuskrito.

taksil: Lit., “mapangalunya.” O “di-tapat.” Sa espirituwal na diwa, ang pangangalunya ay kawalang-katapatan sa Diyos ng mga nakipagtipan sa kaniya. Nilabag ng mga Israelita ang tipang Kautusan dahil nakikibahagi sila sa gawain ng huwad na relihiyon, kaya nagkasala sila ng espirituwal na pangangalunya. (Jer 3:8, 9; 5:7, 8; 9:2; 13:27; 23:10; Os 7:4) Iyan din ang dahilan kaya tinawag ni Jesus na taksil ang mga Judio noong panahon niya. (Mat 12:39; 16:4) Kung hahayaan ng mga Kristiyanong bahagi ng bagong tipan na marumhan sila ng kasalukuyang sistemang ito, magkakasala rin sila ng espirituwal na pangangalunya. Totoo rin iyan sa lahat ng nakaalay kay Jehova.—San 4:4.

tanda ng propetang si Jonas: Ikinumpara ni Jonas sa pagbangon mula sa Libingan ang pagliligtas sa kaniya mula sa tiyan ng isda pagkatapos ng mga tatlong araw. (Jon 1:17–2:2) Ang pagkabuhay-muli ni Jesus mula sa literal na libingan ay tiyak na mangyayari, gaya ng pagliligtas kay Jonas mula sa tiyan ng isda. Pero kahit nabuhay-muli si Jesus pagkatapos maging patay sa loob ng tatlong araw, hindi pa rin nanampalataya sa kaniya ang mga kritikong may matitigas na puso.

taksil: Lit., “mapangalunya.” Tumutukoy ito sa espirituwal na pangangalunya, o kawalang-katapatan sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Mar 8:38.

tanda ni Jonas: Tingnan ang study note sa Mat 12:39.

sa kabilang ibayo: Sa kabilang ibayo ng Lawa ng Galilea, maliwanag na sa direksiyon ng Betsaida sa hilagang-silangang baybayin ng lawa.

pampaalsa: O “lebadura.” Ang pinaalsang masa na itinabi mula sa naunang ginawa at inihahalo sa bagong masa para umalsa ito. Tinutukoy ni Jesus dito ang normal na proseso ng paggawa ng tinapay. Madalas gamitin ng Bibliya ang lebadura bilang sagisag ng kasalanan at kasamaan (tingnan ang study note sa Mat 16:6), pero hindi laging negatibo ang paggamit dito (Lev 7:11-15). Dito, ang proseso ng pag-alsa ay maliwanag na tumutukoy sa paglaganap ng isang bagay na mabuti.

lebadura: O “pampaalsa.” Madalas itong gamitin sa Bibliya bilang sagisag ng kasamaan at kasalanan; dito, tumutukoy ito sa masasamang turo.—Mat 16:12; 1Co 5:6-8; ihambing ang study note sa Mat 13:33.

basket: Malamang na maliit na basket na may hawakang tali para mabitbit ito ng isang manlalakbay. Sinasabing nakapaglalaman ito ng 7.5 L (2 gal).​—Tingnan ang study note sa Mat 16:9, 10.

malalaking basket: Ang salitang Griego na ginamit dito, sphy·risʹ, ay posibleng tumutukoy sa basket na mas malaki kaysa sa mga basket na binanggit sa ulat tungkol sa pagpapakain ni Jesus sa mga 5,000 lalaki. (Tingnan ang study note sa Mat 14:20.) Ito rin ang salitang Griego para sa “malaking basket” na ginamit nang idaan si Pablo sa isang butas sa pader ng Damasco para makababa.—Tingnan ang study note sa Gaw 9:25.

malalaking basket: Tingnan ang study note sa Mat 15:37; 16:9.

basket: Sa mga ulat tungkol sa dalawang pagkakataon na makahimalang nagpakain si Jesus ng maraming tao (tingnan ang study note sa Mat 14:20; 15:37; 16:10 at kaparehong ulat sa Mar 6:43; 8:8, 19, 20), espesipikong binabanggit ang magkaibang klase ng basket na ginamit sa pangongolekta ng natirang pagkain. Nang pakainin ang mga 5,000 lalaki, ginamit ang salitang Griego na koʹphi·nos (isinaling “basket”); nang pakainin ang 4,000 lalaki, ginamit naman ang salitang Griego na sphy·risʹ (isinaling “malalaking basket”). Ipinapakita nito na nakita mismo ng mga manunulat ang mga pangyayaring ito o nakuha nila ang detalyeng ito sa mapagkakatiwalaang mga saksi.

malalaking basket: Ang salitang Griego na ginamit dito, sphy·risʹ, ay posibleng tumutukoy sa basket na mas malaki kaysa sa mga basket na binanggit sa ulat tungkol sa pagpapakain ni Jesus sa mga 5,000 lalaki. (Tingnan ang study note sa Mat 14:20.) Ito rin ang salitang Griego para sa “malaking basket” na ginamit nang idaan si Pablo sa isang butas sa pader ng Damasco para makababa.—Tingnan ang study note sa Gaw 9:25.

basket: Sa mga ulat tungkol sa dalawang pagkakataon na makahimalang nagpakain si Jesus ng maraming tao (tingnan ang study note sa Mat 14:20; 15:37; 16:10 at kaparehong ulat sa Mar 6:43; 8:8, 19, 20), espesipikong binabanggit ang magkaibang klase ng basket na ginamit sa pangongolekta ng natirang pagkain. Nang pakainin ang mga 5,000 lalaki, ginamit ang salitang Griego na koʹphi·nos (isinaling “basket”); nang pakainin ang 4,000 lalaki, ginamit naman ang salitang Griego na sphy·risʹ (isinaling “malalaking basket”). Ipinapakita nito na nakita mismo ng mga manunulat ang mga pangyayaring ito o nakuha nila ang detalyeng ito sa mapagkakatiwalaang mga saksi.

malalaking basket: Tingnan ang study note sa Mat 15:37; 16:9.

Anak ng tao: Lumilitaw ito nang mga 80 beses sa Ebanghelyo. Ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang sarili niya, maliwanag na para idiin na isa talaga siyang tao na ipinanganak ng isang babae, at katumbas siya ni Adan, na may kapangyarihang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12, 14, 15) Ginamit din ang ekspresyong ito para tukuyin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo.—Dan 7:13, 14; tingnan sa Glosari.

Cesarea Filipos: Isang bayan sa may batis na pinanggagalingan ng Ilog Jordan na 350 m (1,150 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat. Ang bayan ay mga 40 km (25 mi) sa hilaga ng Lawa ng Galilea at malapit sa timog-kanlurang paanan ng Bundok Hermon. Tinawag itong Cesarea ng tetrarkang si Felipe, anak ni Herodes na Dakila, bilang parangal sa Romanong emperador. Para hindi ito maipagkamali sa Cesarea na daungang lunsod, tinawag itong Cesarea Filipos, na nangangahulugang “Cesarea ni Felipe.”—Tingnan ang Ap. B10.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

Juan: Katumbas sa Tagalog ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.”

Bautista: O “Tagalubog”; tinatawag na “Tagapagbautismo” sa Mar 1:4; 6:14, 24. Lumilitaw na itinuturing itong apelyido, na nagpapakitang si Juan ay kilala sa pagbabautismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. Tinukoy siya ng Judiong istoryador na si Flavius Josephus bilang si “Juan, na may apelyidong Bautista.”

Elias: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”

Juan Bautista: Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

Elias: Tingnan ang study note sa Mat 11:14.

Si Simon, na tinatawag na Pedro: May limang pangalan si Pedro sa Kasulatan: (1) “Symeon,” anyong Griego ng pangalang Hebreo na “Simeon”; (2) pangalang Griego na “Simon” (ang Symeon at Simon ay mula sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “marinig; makinig”); (3) “Pedro” (pangalang Griego na nangangahulugang “Isang Bato”; siya lang ang may ganitong pangalan sa Kasulatan); (4) “Cefas,” ang Semitikong katumbas ng Pedro (posibleng kaugnay ng salitang Hebreo na ke·phimʹ [malalaking bato] na ginamit sa Job 30:6; Jer 4:29); at (5) ang kombinasyong “Simon Pedro.”—Gaw 15:14; Ju 1:42; Mat 16:16.

Kristo: Ang titulong ito ay mula sa salitang Griego na Khri·stosʹ at katumbas ng titulong “Mesiyas” (mula sa salitang Hebreo na ma·shiʹach), na parehong nangangahulugang “Pinahiran.” Noong panahon ng Bibliya, pinapahiran ng langis ang hihiranging tagapamahala.

ang Kristo: Dito, ang titulong “Kristo” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego, maliwanag na para idiin ang katungkulan ni Jesus bilang ang Mesiyas.

Simon Pedro: Tingnan ang study note sa Mat 10:2.

ang Kristo: Tinukoy ni Pedro si Jesus bilang “ang Kristo” (sa Griego, ho Khri·stosʹ), isang titulo na katumbas ng “Mesiyas” (mula sa Hebreo na ma·shiʹach), na parehong nangangahulugang “Pinahiran.” Dito, ang titulong “Kristo” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego, maliwanag na para idiin ang katungkulan ni Jesus bilang ang Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1; 2:4.

buháy na Diyos: Termino na ginamit para ipakitang si Jehova ay buháy at aktibo, kabaligtaran ng walang-buhay na mga diyos ng mga bansa (Gaw 14:15), gaya ng mga diyos na sinasamba sa rehiyon ng Cesarea Filipos (Mat 16:13). Lumilitaw rin ang terminong ito sa Hebreong Kasulatan.—Deu 5:26; Jer 10:10.

anak ni Jonas: O “Bar-jonas.” Maraming pangalang Hebreo ang may kasamang salitang Hebreo na ben o salitang Aramaiko na bar, na parehong nangangahulugang “anak,” at sinusundan ng pangalan ng ama bilang apelyido. Ang paggamit ng salitang Aramaiko na bar sa ilang pangalang pantangi, gaya ng Bartolome, Bartimeo, Bernabe, at Bar-Jesus, ay ebidensiya ng impluwensiya ng Aramaiko sa wikang Hebreo na ginagamit noong panahon ni Jesus.

tao: Lit., “laman at dugo,” isang karaniwang ekspresyon ng mga Judio. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa makalamang kaisipan o kaisipan ng tao.—Gal 1:16, tlb.

Ikaw si Pedro, at . . . sa batong ito: Ang salitang Griego na peʹtros na nasa anyong panlalaki ay nangangahulugang “isang bato.” Dito, ginamit ito bilang pangalang pantangi (Pedro), ang anyong Griego ng pangalang ibinigay ni Jesus kay Simon. (Ju 1:42) Ang anyong pambabae na peʹtra ay isinaling “bato” at puwedeng tumukoy sa batong sahig o malaking bato. Ang salitang Griego ay lumitaw rin sa Mat 7:24, 25; 27:60; Luc 6:48; 8:6; Ro 9:33; 1Co 10:4; 1Pe 2:8. Maliwanag na hindi inisip ni Pedro na siya ang bato na pagtatayuan ni Jesus ng kongregasyon niya, dahil isinulat niya sa 1Pe 2:4-8 na si Jesus ang matagal nang inihula na “batong pundasyon,” na ang Diyos mismo ang pumili. Tinukoy rin ni apostol Pablo si Jesus bilang “pundasyon” at “espirituwal na bato.” (1Co 3:11; 10:4) Kaya lumilitaw na sinasabi rito ni Jesus: ‘Ikaw, na tinawag kong Pedro, Isang Bato, ay nakakilala sa Kristo, ang “batong ito,” na magiging pundasyon ng kongregasyong Kristiyano.’

kongregasyon: Ito ang unang paglitaw ng terminong Griego na ek·kle·siʹa. Mula ito sa dalawang salitang Griego na ek, na nangangahulugang “labas,” at ka·leʹo, na nangangahulugang “tawagin.” Tumutukoy ito sa grupo ng mga tao na tinawag at tinipon para sa isang layunin o gawain. (Tingnan sa Glosari.) Sa kontekstong ito, inihula ni Jesus ang pagtatatag ng kongregasyong Kristiyano, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano, ang “mga buháy na bato [na] itinatayo bilang isang espirituwal na bahay.” (1Pe 2:4, 5) Ang terminong Griego ay madalas gamitin sa Septuagint bilang katumbas ng terminong Hebreo na isinasaling “kongregasyon,” na kadalasang tumutukoy sa buong bayan ng Diyos. (Deu 23:3; 31:30) Sa Gaw 7:38, ang mga Israelita na lumabas mula sa Ehipto ay tinawag na “kongregasyon.” Ang mga Kristiyano naman na tinawag “mula sa [o, palabas ng] kadiliman” at ‘pinili mula sa sanlibutan’ ang bumubuo sa “kongregasyon ng Diyos.”—1Pe 2:9; Ju 15:19; 1Co 1:2.

Libingan: O “Hades,” ang libingan ng mga tao sa pangkalahatan. (Tingnan sa Glosari.) Sinasabi ng Bibliya na ang mga patay ay nasa loob ng “pinto ng kamatayan” (Aw 107:18) at “pintuang-daan ng Libingan” (Isa 38:10), ibig sabihin, nasa ilalim ng kapangyarihan ng kamatayan. Nangangako si Jesus na madaraig ang Libingan, ibig sabihin, mabubuksan ang “pintuang-daan” ng Libingan para makalaya ang mga naroon sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Ang pagkabuhay niyang muli ay patunay na mangyayari ang pangakong ito. (Mat 16:21) Dahil ang kongregasyon ay nakatatag kay Jesus, ang magpapalaya sa mga miyembro nito mula sa kamatayan, hindi ito matatalo o permanenteng mapipigilan ng Libingan.—Gaw 2:31; Apo 1:18; 20:13, 14.

anumang bagay ang itali ninyo . . . ang kalagan ninyo: Sa kontekstong ito, ang “itali” ay maliwanag na nangangahulugang “hatulang nagkasala” at ang “kalagan” naman ay “pawalang-sala.” Ipinapakita ng anyong pangmaramihan na “ninyo” na hindi lang si Pedro ang gagawa ng ganitong mga desisyon.—Ihambing ang study note sa Mat 16:19.

naitali na . . . nakalagan na: Ang anyo ng mga pandiwang Griego rito na ‘itali’ at ‘kalagan’ ay kakaiba at nagpapakitang anuman ang mapagpasiyahan ng mga alagad (“anumang bagay ang itali ninyo”; “anumang bagay ang kalagan ninyo”) ay napagpasiyahan na sa langit. Susunod lang ang desisyon ng mga alagad sa naging desisyon sa langit, hindi ito mauuna rito; at gagawa ng desisyon ang mga alagad batay sa mga simulaing nabuo na sa langit. Hindi sinasabi nito na sinusuportahan o pinagtitibay ng langit ang naging desisyon sa lupa. Sa halip, nangangahulugan ito na tatanggap ang mga alagad ng patnubay mula sa langit. Idiniriin nito na kailangan ang ganoong patnubay para matiyak na anumang pagpasiyahan sa lupa ay kaayon ng napagpasiyahan na sa langit.—Ihambing ang study note sa Mat 16:19.

mga susi ng Kaharian ng langit: Sa Bibliya, ang mga binigyan ng mga susi, literal man o makasagisag, ay pinagkatiwalaan ng awtoridad. (1Cr 9:26, 27; Isa 22:20-22) Kaya ang terminong “susi” ay naging sagisag ng awtoridad at responsibilidad. Ginamit ni Pedro ang “mga susi” na ipinagkatiwala sa kaniya para magkaroon ng pagkakataon ang mga Judio (Gaw 2:22-41), Samaritano (Gaw 8:14-17), at Gentil (Gaw 10:34-38) na tumanggap ng espiritu ng Diyos at makapasok sa Kaharian sa langit.

itali . . . kalagan: O “ikandado . . . buksan.” Maliwanag na tumutukoy sa mga desisyon na nagbabawal o nagpapahintulot sa isang gawain o pangyayari.—Ihambing ang study note sa Mat 18:18.

naitali na . . . nakalagan na: Ang anyo ng mga pandiwang Griego rito na ‘itali’ at ‘kalagan’ ay kakaiba at nagpapahiwatig na anuman ang mapagpasiyahan ni Pedro (“anuman ang itali mo”; “anuman ang kalagan mo”) ay napagpasiyahan na sa langit; hindi mauuna ang desisyon ni Pedro.—Ihambing ang study note sa Mat 18:18.

ang Kristo: Tinukoy ni Pedro si Jesus bilang “ang Kristo” (sa Griego, ho Khri·stosʹ), isang titulo na katumbas ng “Mesiyas” (mula sa Hebreo na ma·shiʹach), na parehong nangangahulugang “Pinahiran.” Dito, ang titulong “Kristo” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego, maliwanag na para idiin ang katungkulan ni Jesus bilang ang Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1; 2:4.

ang Kristo: Tingnan ang study note sa Mat 16:16.

lahat ng punong saserdote: Ang terminong Griego dito ay isinasaling “mataas na saserdote” kapag nasa anyong pang-isahan at tumutukoy sa pangunahing kinatawan ng mga tao sa harap ng Diyos. Dito, ang termino na nasa anyong pangmaramihan ay tumutukoy sa pangunahing mga saserdote, kasama na ang dating matataas na saserdote at posibleng pati ang mga pinuno ng 24 na pangkat ng mga saserdote.

mga eskriba: Noong una, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga tagakopya ng Kasulatan, pero noong panahon ni Jesus, tumutukoy ito sa mga eksperto sa Kautusan at mga tagapagturo nito.

Jesus: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “Jesu-Kristo.”

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Mat 21:23; 26:3, 47, 57; 27:1, 41; 28:12; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”

punong saserdote: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.

eskriba: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.

dahilan ng pagkatisod: Ang orihinal na kahulugan ng salitang Griego na skanʹda·lon, na isinaling “dahilan ng pagkatisod,” ay ipinapalagay na tumutukoy sa isang bitag; sinasabi ng ilan na tumutukoy ito sa isang patpat na pinagkakabitan ng isang pain. Nang maglaon, tumutukoy na rin ito sa anumang bagay na puwedeng ikatisod o ikabagsak ng isa. Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa isang pagkilos o kalagayan na nagiging dahilan para malihis ng landas ang isang tao o magkasala. Sa Mat 18:8, 9, ang kaugnay na pandiwang skan·da·liʹzo, na isinaling “nagkakasala dahil,” ay puwede ring isalin na “nagiging bitag.”

Diyan ka sa likuran ko: O “Lumagay ka sa likuran ko.” Dito, “sinaway” nang matindi ni Jesus si Pedro. (Mar 8:33) Hindi hinayaan ni Jesus na may anumang humadlang sa pagtupad niya ng kalooban ng kaniyang Ama. Ayon sa ilang diksyunaryo, ang idyomang ito ay nangangahulugang “Umalis ka sa harapan ko!” at isinasalin ito sa ilang Bibliya na “Lumayo ka sa akin.” Malamang na ipinaalala rin ng pananalitang ito kay Pedro kung saan siya dapat lumagay bilang tagasunod ng kaniyang Panginoon; hindi niya dapat hadlangan si Jesus.

Satanas: Hindi sinasabi rito ni Jesus na si Pedro si Satanas na Diyablo. Tinawag niya si Pedro na Satanas dahil kumokontra ito, ang mismong kahulugan ng salitang Hebreo na sa·tanʹ. Malamang na ipinapahiwatig ni Jesus na hinayaan ni Pedro na maimpluwensiyahan siya ni Satanas dahil sa ginawa niya sa pagkakataong ito.

Hinahadlangan mo ako sa dapat kong gawin: Lit., “Nakakatisod ka sa akin.” Tingnan ang study note sa Mat 18:7.

dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili: Ipinapakita nito ang pagiging handa ng isang tao na lubusang pagkaitan ang sarili o ibigay ang sarili niya sa Diyos. Ang pariralang Griego ay puwedeng isaling “dapat niyang hindian ang sarili niya,” na angkop lang dahil posibleng kasama rito ang pagtanggi sa personal na mga kagustuhan, ambisyon, o ginhawa. (2Co 5:14, 15) Iyon din ang pandiwang Griego na ginamit ni Mateo nang iulat niya ang pagtanggi ni Pedro na kilala nito si Jesus.—Mat 26:34, 35, 75.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.” Sa klasikal na Griego, ang salitang stau·rosʹ ay pangunahing tumutukoy sa isang patayong tulos o poste. Kapag ginamit sa makasagisag na paraan, tumutukoy ito kung minsan sa pagdurusa, kahihiyan, kalupitan, at kamatayan pa nga na nararanasan ng mga tao dahil sa pagiging tagasunod ni Jesus.—Tingnan sa Glosari.

Tinitiyak ko sa inyo: O “Sinasabi ko sa inyo ang totoo.” Ang salitang Griego na puwedeng isalin na “totoo” ay a·menʹ, ang transliterasyon ng Hebreo na ʼa·menʹ, na nangangahulugang “mangyari nawa” o “tiyak nga.” Madalas gamitin ni Jesus ang ekspresyong ito bago sabihin ang isang kapahayagan, pangako, o hula bilang pagdiriin na ito ay talagang totoo at maaasahan. Ang paggamit ni Jesus ng “totoo,” o amen, sa ganitong paraan ay sinasabing makikita lang sa mga Ebanghelyo at hindi sa ibang bahagi ng Bibliya at ibang mga literatura sa relihiyon. Kapag inuulit ito (a·menʹ a·menʹ), gaya ng makikita sa Ebanghelyo ni Juan, ang sinasabi ni Jesus ay puwedeng isalin na “katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo.”—Tingnan ang study note sa Ju 1:51.

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

Media

Basket
Basket

Sa Bibliya, iba’t ibang salita ang ginamit para sa iba’t ibang klase ng basket. Halimbawa, ang salitang Griego para sa 12 lalagyan na ginamit para tipunin ang mga natirang pagkain pagkatapos na makahimalang pakainin ni Jesus ang mga 5,000 lalaki ay nagpapahiwatig na maliliit ang mga basket na ito. Pero ibang salitang Griego ang ginamit para sa pitong basket na pinaglagyan ng natirang pagkain matapos pakainin ni Jesus ang mga 4,000 lalaki. (Mar 8:8, 9) Ang salitang iyon ay tumutukoy sa isang malaking basket o kaíng, at iyon din ang salitang ginamit para sa basket na pinaglagyan kay Pablo nang ibaba siya mula sa isang butas sa pader ng Damasco.—Gaw 9:25.

Mula sa Lawa ng Galilea Papunta sa Rehiyon ng Cesarea Filipos
Mula sa Lawa ng Galilea Papunta sa Rehiyon ng Cesarea Filipos

Mula sa Magadan, pumunta si Jesus at ang mga alagad niya sakay ng bangka sa Betsaida, na nasa hilagang baybayin ng Lawa ng Galilea. (Mar 8:22) Ang lawang ito ay 210 m (halos 700 ft) na mas mababa sa lebel ng dagat. Posibleng inabot sila nang ilang araw sa paglalakbay nang 40 km (25 mi) paakyat ng Cesarea Filipos, na 350 m (1,150 ft) ang taas sa lebel ng dagat.—Para sa detalyadong mga mapa ng mga lugar na pinangaralan ni Jesus, tingnan ang Apendise A7-E.