Mga Gawa ng mga Apostol 18:1-28

18  Pagkatapos, umalis siya sa Atenas at pumunta sa Corinto. 2  At nakilala niya ang Judiong si Aquila,+ isang katutubo ng Ponto na kamakailan lang dumating mula sa Italya kasama ang asawa nitong si Priscila, dahil pinaalis ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Kaya pumunta siya sa kanila, 3  at dahil pare-pareho silang gumagawa ng tolda, tumuloy siya sa bahay nila at nagtrabahong kasama nila.+ 4  Tuwing sabbath, nagpapahayag siya sa sinagoga+ at hinihikayat niya ang mga Judio at Griego. 5  Nang makarating sina Silas+ at Timoteo+ mula sa Macedonia, naging abalang-abala si Pablo sa pangangaral ng salita para patunayan sa mga Judio na si Jesus ang Kristo.+ 6  Pero dahil patuloy nila siyang kinokontra at pinagsasalitaan nang may pang-aabuso, pinagpag niya ang damit niya+ at sinabi sa kanila: “Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo.+ Ako ay malinis.+ Ngayon, pupunta na ako sa mga tao ng ibang mga bansa.”+ 7  Kaya mula roon ay lumipat siya sa bahay ni Titio Justo, isang mananamba ng Diyos, na ang bahay ay katabi ng sinagoga. 8  Pero si Crispo,+ ang punong opisyal ng sinagoga, ay sumampalataya sa Panginoon, pati na ang buong sambahayan niya. At marami sa mga taga-Corinto na nakarinig ng mabuting balita ang nanampalataya at nabautismuhan. 9  Isang gabi, sinabi rin ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain: “Huwag kang matakot. Patuloy kang magsalita at huwag kang manahimik, 10  dahil ako ay sumasaiyo+ at walang mananakit sa iyo na ikapapahamak mo; dahil marami ang mananampalataya sa akin sa lunsod na ito.” 11  Kaya nanatili siya roon nang isang taon at anim na buwan habang itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos. 12  Noong si Galio ang proconsul ng Acaya, sinugod ng mga Judio si Pablo at nagkaisa silang dalhin ito sa luklukan ng paghatol. 13  Sinabi nila: “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.”+ 14  Pero noong magsasalita na si Pablo, sinabi ni Galio sa mga Judio: “Kung tungkol nga ito sa isang pagkakasala o mabigat na krimen, O mga Judio, may dahilan ako para pakinggan kayo. 15  Pero kung ang isyu ay tungkol lang sa mga salita, pangalan, at sarili ninyong kautusan,+ kayo na ang bahala riyan. Ayokong humatol sa mga bagay na iyan.” 16  At pinaalis niya sila sa luklukan ng paghatol. 17  Kaya sinunggaban nilang lahat si Sostenes,+ ang punong opisyal ng sinagoga, at binugbog sa harap ng luklukan ng paghatol. Pero hindi nakialam si Galio. 18  Pagkatapos manatili roon nang ilang araw pa, nagpaalam si Pablo sa mga kapatid at naglayag papuntang Sirya, kasama sina Priscila at Aquila. Pinagupitan niya nang maikli ang buhok niya sa Cencrea+ dahil sa panata niya. 19  Kaya nakarating sila sa Efeso, at iniwan niya muna sila; pumasok siya sa sinagoga at nangatuwiran sa mga Judio.+ 20  Paulit-ulit nilang hiniling na manatili siya nang mas matagal, pero tumatanggi siya. 21  Nagpaalam siya sa kanila, at sinabi niya: “Kung loloobin ni Jehova, babalik ako sa inyo.” At naglayag siya mula sa Efeso 22  papuntang Cesarea.+ Pinuntahan niya ang kongregasyon at kinumusta ito, at saka siya pumunta sa Antioquia.+ 23  Pagkatapos manatili roon nang ilang panahon, umalis siya at pumunta sa iba’t ibang lugar sa Galacia at Frigia+ at pinatibay ang lahat ng alagad.+ 24  At si Apolos,+ isang Judio na katutubo ng Alejandria, ay dumating sa Efeso; mahusay siyang magsalita at maraming alam sa Kasulatan. 25  Naturuan siya tungkol sa daan ni Jehova, at habang nag-aalab ang sigasig niya dahil sa espiritu, siya ay nagsasalita at nagtuturo nang tama tungkol kay Jesus, pero bautismo lang ni Juan+ ang alam niya. 26  Buong tapang siyang nagsasalita sa sinagoga, at nang marinig siya nina Priscila at Aquila,+ isinama nila siya at ipinaliwanag sa kaniya nang mas malinaw* ang daan ng Diyos. 27  At dahil gusto niyang pumunta sa Acaya, sinulatan ng mga kapatid ang mga alagad at sinabing malugod nila siyang tanggapin. Noong naroon na siya, malaki ang naitulong niya sa mga naging mananampalataya dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos; 28  dahil hayagan at buong sigasig niyang pinatunayan na mali ang mga Judio at ipinakita mula sa Kasulatan na si Jesus ang Kristo.+

Talababa

O “tama.”

Study Notes

Corinto: Isa sa pinakamatatanda at pinakaprominenteng lunsod ng sinaunang Gresya. Makikita ito mga 5 km (3 mi) sa timog-kanluran ng lunsod ng Corinto sa ngayon. Naging mahalaga at napakayaman ng lunsod na ito pangunahin nang dahil sa magandang lokasyon nito sa ismo, o isang makitid na lupa, na nagdurugtong sa gitnang Gresya at sa Peloponnese sa timugang peninsula. Bukod sa kalakalan sa pagitan ng hilaga at timugang Gresya, kontrolado rin ng Corinto ang paglalayag ng mga barko sa pagitan ng silangan at kanluran ng Dagat Mediteraneo, dahil mas ligtas na dumaan sa ismo kaysa umikot sa Gresya. Ang Acaya, bukod sa Macedonia, ay tinatawag ng mga Romano na Gresya. Naging lalawigan ito ng Roma sa ilalim ng pangangasiwa ng Senado noong namamahala si Cesar Augusto, at naging kabisera nito ang Corinto. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:12.) Maraming Judio ang nanirahan sa Corinto at nagtayo sila roon ng isang sinagoga, kaya may mga nahikayat silang mga Griego. (Gaw 18:4) Pinatunayan ng unang-siglong manunulat na si Philo at ng isang sinaunang inskripsiyong Griego sa isang hambang marmol na natagpuan malapit sa pintuang-daang nakaharap sa daungan ng Lechaeum na may mga Judio sa Corinto noon. Ang mababasa sa inskripsiyon ay “[Sy·na·]go·geʹ He·br[aiʹon],” na nangangahulugang “Sinagoga ng mga Hebreo.” May mga nagsasabi na ang hambang iyon ay mula pa noong panahon ni Pablo, pero mas marami ang naniniwala na hindi naman iyon ganoon kaluma.​—Tingnan ang Ap. B13.

Aquila: Ang tapat na Kristiyanong asawang ito, pati na ang tapat na asawa niyang si Priscila (kilalá ring Prisca), ay tinawag na “mga kamanggagawa” ni Pablo. (Ro 16:3) Anim na beses na lumitaw ang pangalan nila sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Gaw 18:18, 26; 1Co 16:19; 2Ti 4:19), at lagi silang binabanggit nang magkasama. Ang Priscila ay ang pangmaliit na anyo ng pangalang Prisca. Ang maikling anyo ay makikita sa isinulat ni Pablo, at ang mahaba naman ay sa isinulat ni Lucas. Karaniwan lang sa mga pangalang Romano na magkaroon ng higit sa isang anyo. Nanirahan sa Corinto sina Aquila at Priscila nang palayasin ni Emperador Claudio sa Roma ang mga Judio noong 49 C.E. o unang bahagi ng 50 C.E. Nang dumating si Pablo sa Corinto noong taglagas ng 50 C.E., nakatrabaho niya sa paggawa ng tolda ang mag-asawang ito. Tiyak na tinulungan nina Aquila at Priscila si Pablo sa pagpapatibay sa bagong kongregasyon doon. Si Aquila ay katutubo ng Ponto, isang rehiyon sa hilagang Asia Minor sa may baybayin ng Dagat na Itim.​—Tingnan ang Ap. B13.

gumagawa ng tolda: Dito, ang terminong Griego na ske·no·poi·osʹ ay ginamit para ilarawan ang trabaho nina Pablo, Aquila, at Priscila. Hindi tiyak kung ano ang eksaktong trabaho na tinutukoy ng salitang ito (kung gumagawa ng tolda, tagahabi ng tela, o gumagawa ng lubid); pero maraming iskolar ang naniniwala na tumutukoy ito sa “gumagawa ng tolda.” Nagmula si Pablo sa Tarso ng Cilicia, na kilalá sa telang gawa sa balahibo ng kambing na tinatawag na cilicium, ang materyal na ginagamit sa paggawa ng tolda. (Gaw 21:39) Para sa mga Judio noong unang siglo C.E., kapuri-puri ang isang kabataang lalaki na natuto ng isang kasanayan kahit pa tatanggap naman siya ng mas mataas na edukasyon. Kaya posibleng natutong gumawa ng tolda si Pablo noong kabataan pa siya. Hindi madali ang trabahong ito dahil sinasabing karaniwan nang matigas at magaspang ang cilicium, kaya mahirap itong gupitin at tahiin.

nagpapahayag: O “nakikipagkatuwiranan.” Ang pandiwang Griego na di·a·leʹgo·mai ay nangangahulugang “talakayin; makipag-usap.” Puwede itong tumukoy sa pagbibigay ng pahayag na nakapagtuturo at sa pakikipag-usap sa mga tao na may kasamang pagpapalitan ng opinyon. Ginamit din ang salitang Griegong ito sa Gaw 17:2, 17; 18:19; 19:8, 9; 20:7, 9.

naging abalang-abala . . . sa pangangaral ng salita: Ipinapakita ng ekspresyong ito na simula sa pagkakataong ito, ibinigay na ni Pablo ang buong panahon niya sa pangangaral.

pinagpag niya ang damit niya: Sa paggawa nito, ipinakita ni Pablo na wala na siyang pananagutan sa mga Judio sa Corinto na hindi nakinig sa nagliligtas-buhay na mensahe tungkol sa Kristo. Ginawa na ni Pablo ang obligasyon niya kaya hindi na siya mananagot para sa buhay nila. (Tingnan ang study note sa Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo sa talatang ito.) May mga nauna nang ulat sa Kasulatan tungkol sa ganitong pagkilos. Nang kausapin ni Nehemias ang mga Judiong bumalik sa Jerusalem, pinagpag niya ang mga tupi ng damit niya para ipakita na ang sinumang hindi tutupad sa pangako ay itatakwil ng Diyos. (Ne 5:13) Kahawig niyan ang ginawa ni Pablo sa Antioquia ng Pisidia nang ‘ipagpag niya ang alikabok mula sa mga paa niya’ bilang patotoo laban sa mga umuusig sa kaniya sa lunsod na iyon.​—Tingnan ang study note sa Gaw 13:51; Luc 9:5.

Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo: Lit., “Ang inyong dugo ay mapasainyong sariling mga ulo.” Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para ipakita na wala na siyang pananagutan sa mangyayari sa mga Judio na hindi nakinig sa mensahe tungkol kay Jesus, ang Mesiyas. Sa Hebreong Kasulatan, may kahawig itong mga pananalita na nagpapakitang kapag namatay ang isang tao dahil sa sarili niyang kagagawan, walang ibang may kasalanan kundi siya. (Jos 2:19; 2Sa 1:16; 1Ha 2:37; Eze 33:2-4; tingnan ang study note sa Mat 27:25.) Idinagdag ni Pablo: Ako ay malinis, ibig sabihin, “Ako ay walang-sala [“malaya sa responsibilidad”].”​—Tingnan ang study note sa Gaw 20:26.

mula roon ay lumipat siya: Ibig sabihin, mula sa sinagoga papunta sa bahay ni Titio Justo, kung saan ipinagpatuloy ni Pablo ang pangangaral niya. Nakatira pa rin si Pablo kina Aquila at Priscila habang nasa Corinto siya, pero lumilitaw na sa bahay ni Justo karaniwang nangangaral sa mga tao ang apostol.​—Gaw 18:3.

Titio Justo: Mánanampalatayáng taga-Corinto na tinawag na mananamba ng Diyos, isang ekspresyon na nagpapakitang isa siyang Judiong proselita.​—Tingnan ang study note sa Gaw 13:43; 16:14.

proconsul: Gobernador ng isang lalawigan na nasa ilalim ng pamamahala ng Senado ng Roma. Binanggit dito na si Galio ang proconsul ng lalawigan ng Acaya. Angkop ang pagkakagamit dito ni Lucas ng terminong “proconsul,” dahil ang Acaya ay nasa ilalim ng pamamahala ng Senado mula 27 B.C.E. hanggang 15 C.E. at muli, pagkaraan ng 44 C.E. (Tingnan ang study note sa Gaw 13:7.) Isang inskripsiyon mula sa Delphi kung saan tinawag na proconsul si Galio ang nagpatunay na tumpak ang ulat ni Lucas. Nakatulong din ito para malaman kung kailan namahala si Galio.

Acaya: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, isa itong lalawigan ng Roma sa timog ng Gresya na ang kabisera ay Corinto. Noong 27 B.C.E., nang baguhin ni Cesar Augusto ang saklaw ng dalawang lalawigan ng Gresya—ang Macedonia at Acaya—naging saklaw na ng Acaya ang buong Peloponnese at ang isang bahagi ng kontinente ng Gresya. Ang lalawigan ng Acaya ay nasa ilalim ng pamamahala ng Senado ng Roma, at pinamumunuan ito ng isang proconsul na nasa Corinto, ang kabisera nito. (2Co 1:1) Ang iba pang lunsod na nasa lalawigan ng Acaya na binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ang Atenas at Cencrea. (Gaw 18:1, 18; Ro 16:1) Madalas banggitin nang magkasama ang Acaya at ang Macedonia, na katabing lalawigan nito sa hilaga.​—Gaw 19:21; Ro 15:26; 1Te 1:7, 8; tingnan ang Ap. B13.

Cencrea: Isa sa mga daungan ng Corinto. Makikita ito mga 11 km (7 mi) sa silangan ng Corinto, sa panig ng isang makitid na ismo na nakaharap sa Gulpong Saronic. Ang Cencrea ay ang daungan ng Corinto para sa mga nasa silangan ng Gresya, at ang Lechaeum naman, na nasa kabilang panig ng ismo, ang daungan ng Corinto para sa Italya at iba pang lugar sa kanluran ng Gresya. Sa kasalukuyan, may makikita ritong guho ng mga gusali at pangharang sa alon, malapit sa nayon ng Kehries (Kechriais) sa ngayon. Ayon sa Ro 16:1, may kongregasyong Kristiyano sa Cencrea.​—Tingnan ang Ap. B13.

Kung loloobin ni Jehova: Idiniriin ng ekspresyong ito na napakahalagang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos kapag gumagawa o nagpaplano ng isang bagay. Laging nasa isip ni apostol Pablo ang prinsipyong iyan. (1Co 4:19; 16:7; Heb 6:3) Pinasigla rin ng alagad na si Santiago ang mga mambabasa niya na sabihin: “Kung kalooban ni Jehova, mabubuhay kami at gagawin namin ito o iyon.” (San 4:15) Hindi lang ito basta sinasabi. Kung taimtim ang isa sa pagsasabing “kung loloobin ni Jehova,” kikilos siya ayon sa kalooban ni Jehova. Hindi naman kailangan na lagi itong sabihin nang malakas kundi kahit sa puso lang.​—Tingnan ang study note sa Gaw 21:14; 1Co 4:19; San 4:15 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 18:21.

Pinuntahan niya ang: Lit., “Umakyat siya sa.” Kahit hindi espesipikong binanggit sa tekstong Griego ang lunsod ng Jerusalem, lumilitaw na doon papunta si Pablo. Ang lunsod ay mga 750 m (2,500 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat, kaya karaniwan nang sinasabi sa Kasulatan na ang mga mananamba ay “paakyat” sa Jerusalem. Sa katunayan, maraming beses na ginamit ang pandiwang Griego na a·na·baiʹno (“umakyat”) kapag espesipikong binabanggit ang Jerusalem bilang destinasyon. (Mat 20:17; Mar 10:32; Luc 18:31; 19:28; Ju 2:13; 5:1; 11:55; Gaw 11:2; 21:12; 24:11; 25:1, 9; Gal 2:1) Bukod diyan, ginamit din sa talatang ito ang pandiwang ka·ta·baiʹno, na literal na nangangahulugang “bumaba.” Ginagamit kung minsan ang pandiwang ito para ilarawan ang pag-alis sa Jerusalem.​—Mar 3:22; Luc 10:30, 31; Gaw 24:1, 22; 25:7.

Apolos: Judiong Kristiyano na lumilitaw na lumaki sa lunsod ng Alejandria, ang kabisera ng Ehipto, na lalawigan ng Roma. Ang Alejandria ay sentro ng mataas na edukasyon, at kilalá ito sa malaking aklatan nito. Sa Imperyo ng Roma, ito ang ikalawang pinakamalaking lunsod, sumunod sa lunsod ng Roma, at maraming nakatirang Judio rito. Isa ito sa mga pinakaimportanteng sentro ng kultura at edukasyon ng mga Judio at Griego. Dito ginawa ang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan na tinatawag na Septuagint. Posibleng ito ang dahilan kaya sinabing maraming alam [lit., “makapangyarihan”] si Apolos sa Kasulatan, o sa Hebreong Kasulatan.

Naturuan: Ang pandiwang Griego na ka·te·kheʹo ay puwedeng tumukoy sa pagtuturo nang bibigan. Kapag ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos ay paulit-ulit na itinatanim sa puso at isip ng isang tao, nagiging kuwalipikado siyang magturo sa iba.​—Ihambing ang Gal 6:6, kung saan dalawang beses na ginamit ang salitang Griegong ito.

daan ni Jehova: Sa sumunod na talata, ginamit ang kasingkahulugan nitong ekspresyon na “daan ng Diyos.” Ang buhay ng isang Kristiyano ay umiikot sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova, at sa pananampalataya sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ang ganitong paraan ng pamumuhay ay tinatawag sa aklat ng Gawa na “Daan” o “Daang ito.” (Gaw 19:9, 23; 22:4; 24:22; tingnan ang study note sa Gaw 9:2.) Apat na beses ding lumitaw sa Ebanghelyo ang ekspresyong “dadaanan ni Jehova,” na sinipi mula sa Isa 40:3. (Tingnan ang study note sa Mat 3:3; Mar 1:3; Luc 3:4; Ju 1:23.) Sa Isa 40:3, ginamit ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo. Ang ekspresyong “daan ni Jehova” ay lumitaw rin sa Huk 2:22; Jer 5:4, 5.​—Tingnan ang study note sa Gaw 19:23 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 18:25.

nag-aalab ang sigasig niya dahil sa espiritu: Lit., “kumukulo siya sa espiritu.” Ang salitang Griego na isinaling “nag-aalab” ay literal na nangangahulugang “kumukulo,” pero sa kontekstong ito, nangangahulugan itong “nag-uumapaw sa sigasig o sigla.” Dito, ang salitang Griego para sa “espiritu” (pneuʹma) ay lumilitaw na tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos, ang puwersa na puwedeng magpakilos at magpalakas sa isang tao na gawin ang mga bagay na kaayon ng kalooban ni Jehova. (Tingnan ang study note sa Mar 1:12.) Pero ang terminong “espiritu” ay puwede ring tumukoy sa puwersang nagmumula sa puso ng isang tao at nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay. Kaya ang talatang ito ay puwedeng tumukoy sa isang tao na nagpapakita ng sigasig at sigla para sa kung ano ang tama habang ginagabayan siya ng espiritu ng Diyos. Pero iniisip ng iba na sa kontekstong ito, ang ekspresyong ginamit ay isang idyoma lang na nagpapakita ng matinding kagustuhan at sigla. Kung gayon, posibleng ito ang dahilan kaya sinabing “nag-aalab ang sigasig [ni Apolos] dahil sa espiritu,” kahit wala pa siyang alam tungkol sa bautismo sa pangalan ni Jesus. Anuman ang mas tamang paliwanag, kailangang magabayan ng espiritu ng Diyos ang sigasig ni Apolos para makapagpakita siya ng sigla sa tamang mga bagay at maging handa sa pagtanggap sa mga turong mas tumpak.​—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”

bautismo . . . ni Juan: Ang bautismong ito ay hayagang pagpapakita ng pagsisisi ng isang tao sa mga kasalanang nagawa niya laban sa Kautusang ibinigay ni Jehova kay Moises, ang Kautusang ipinangakong susundin ng mga Judio. (Exo 24:7, 8) Pero nawalan na ng bisa ang bautismo ni Juan pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E. nang matapos ang tipang Kautusan. (Ro 10:4; Gal 3:13; Efe 2:13-15; Col 2:13, 14) Mula noon, ang tinatanggap na lang ni Jehova ay ang bautismong iniutos ni Jesus sa mga alagad niya. (Mat 28:19, 20) Ang mga pangyayaring nakaulat dito na may kaugnayan kay Apolos ay naganap noong mga 52 C.E.

ng Diyos: Kahit hindi lumitaw ang pananalitang ito sa tekstong Griego, maraming iskolar ang naniniwala na tumutukoy talaga ito sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. Sa aklat ng Gawa, ang ekspresyong “walang-kapantay na kabaitan” ay pinakamadalas na iniuugnay sa “Diyos.”​—Gaw 11:23; 13:43; 14:26; 20:24, 32.

Media

Sinagoga sa Lunsod ng Ostia
Sinagoga sa Lunsod ng Ostia

Makikita rito ang labí ng isang sinagoga sa Ostia, ang daungang lunsod ng Roma. Ilang beses nang inayos at binago ang gusali, pero pinaniniwalaang itinayo talaga ito bilang isang sinagoga noong ikalawang bahagi ng unang siglo C.E. Dahil may sinagoga sa lugar na ito, ipinapakita nito na matagal nang may naninirahang mga Judio sa palibot ng Roma. Pinalayas ni Emperador Claudio ang mga Judio sa lunsod ng Roma noong mga 49 o 50 C.E., pero posibleng nanirahan pa rin ang mga Judio sa mga lugar na malapit dito. (Gaw 18:1, 2) Pagkamatay ni Claudio noong 54 C.E., maraming Judio ang bumalik sa lunsod ng Roma. Nang isulat ni Pablo ang liham niya para sa mga Kristiyano sa Roma noong mga 56 C.E., ang kongregasyon doon ay binubuo ng mga Judio at Gentil. Ito ang dahilan kung bakit nagbigay si Pablo ng mga payo sa dalawang grupong ito na tutulong para makapamuhay sila nang may pagkakaisa.—Ro 1:15, 16.

1. Roma

2. Ostia

Corinto—Isang Maunlad na Lunsod
Corinto—Isang Maunlad na Lunsod

Ilang beses na nagpunta si apostol Pablo sa Corinto sa mga paglalakbay niya bilang misyonero. Nanatili siya roon nang 18 buwan sa unang pagpunta niya. (Gaw 18:1, 11; 20:2, 3) Noong panahong iyon, maunlad na at sentro ng kalakalan ang lunsod ng Corinto, pangunahin nang dahil sa magandang lokasyon nito sa ismo, o isang makitid na lupa, na nagdurugtong sa Gresya at sa peninsula ng Peloponnese. Dahil dito, nakontrol ng lunsod ang pagpasok at paglabas ng mga produkto sa dalawang malapit na daungan, ang Lechaeum at Cencrea. Daanan ang Corinto ng mga negosyante at naglalakbay sa buong Imperyo ng Roma, kaya magandang lugar ito para mangaral. Sa video na ito, alamin ang kasaysayan ng Corinto, pati na ang mga natuklasan ng mga arkeologo, gaya ng inskripsiyon ng pangalan ni Erasto. Tingnan ang pamilihan (agora) ng lunsod, bema (luklukan ng paghatol), at ang posibleng hitsura ng isa sa mga teatro nito noong panahon ni Pablo.

Emperador Claudio
Emperador Claudio

Dalawang beses na binanggit ang pangalan ng Romanong emperador na si Claudio sa aklat ng Gawa. (Gaw 11:28; 18:2) Siya ang pumalit sa pamangkin niyang si Caligula (na namahala mula 37 hanggang 41 C.E. at hindi binanggit sa Kasulatan) at naging ikaapat na emperador ng Roma, mula 41 hanggang 54 C.E. Noong mga 49 o 50 C.E., pinalayas ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Kaya lumipat sina Priscila at Aquila sa Corinto, kung saan nila nakilala si apostol Pablo. Sinasabing nilason si Claudio ng ikaapat na asawa niya noong 54 C.E., at si Emperador Nero ang pumalit sa kaniya.

Inskripsiyon Tungkol kay Galio
Inskripsiyon Tungkol kay Galio

Binabanggit ang proconsul na si Galio (nakakahon ang pangalan) sa inskripsiyong natagpuan sa Delphi, Gresya, na mula noong mga kalagitnaan ng unang siglo C.E. Tama ang binanggit ng Gaw 18:12 na “si Galio ang proconsul ng Acaya” noong dinala sa kaniya si Pablo ng mga Judio sa Corinto para hatulan.

Luklukan ng Paghatol sa Corinto
Luklukan ng Paghatol sa Corinto

Makikita sa larawan ang labí ng “luklukan ng paghatol,” o bema, sa Corinto. Isa itong malaki at mataas na plataporma para sa pagsasalita sa publiko. Ang luklukan ng paghatol sa Corinto ay malapit sa sentro ng pamilihan (agora) ng lunsod, isang malaking lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Ginagamit ng isang mahistrado ang plataporma sa paghahayag ng hatol niya. Gawa sa puti at asul na marmol ang luklukan ng paghatol at marami itong dekorasyon. Ang mga taong gustong lumapit sa mahistrado ay naghihintay sa mga silid na karugtong ng plataporma at may mosaic na mga sahig at upuan. Makikita rito ang posibleng hitsura ng luklukan ng paghatol sa Corinto noong unang siglo C.E. Sinasabing dito dinala ng mga Judio si Pablo para iharap sa proconsul na si Galio.

Daungan ng Cencrea Noon
Daungan ng Cencrea Noon

Makikita rito ang guho ng daungan ng Cencrea noon. Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, lumilitaw na dito siya nanggaling nang maglayag siya papuntang Efeso. (Gaw 18:18) Makikita ang Cencrea mga 11 km (7 mi) sa silangan ng Corinto, sa panig ng isang makitid na ismo na nakaharap sa Gulpong Saronic. Ang Cencrea at Corinto ay pinagdurugtong ng isang hanay ng mga kutang militar. Noong unang siglo C.E., ang Cencrea ang daungan ng Corinto para sa mga nasa silangan ng Gresya, at ang Lechaeum naman, na nasa kabilang panig ng ismo, ang daungan ng Corinto para sa Italya at iba pang lugar sa kanluran ng Gresya.

Cesarea
Cesarea

1. Teatrong Romano

2. Palasyo

3. Karerahan ng kabayo

4. Templong pagano

5. Daungan

Makikita sa video na ito ng mga guho ng Cesarea kung ano ang posibleng hitsura ng ilang malalaking gusali noon sa lunsod na iyon. Ang Cesarea at ang daungan nito ay itinayo ni Herodes na Dakila noong katapusan ng unang siglo B.C.E. Isinunod ni Herodes ang pangalan ng lunsod na ito kay Cesar Augusto. Ang Cesarea ay isang kilaláng daungan na makikita mga 87 km (54 mi) sa hilagang-kanluran ng Jerusalem sa baybayin ng Mediteraneo. Ang lunsod ay may isang teatrong Romano (1), palasyo na umaabot hanggang sa dagat (2), istadyum para sa karera ng mga kabayo, kung saan kasya ang mga 30,000 mánonoód (3), at isang templong pagano (4). May daungan din dito (5) na kahanga-hanga ang pagkakagawa. Mayroon din itong sariling sistema ng mga kanal at paagusan na mapagkukunan ng sariwang tubig. Naglalayag si apostol Pablo at ang iba pang Kristiyano papunta at paalis ng Cesarea. (Gaw 9:30; 18:21, 22; 21:7, 8, 16) Nabilanggo doon si Pablo nang mga dalawang taon. (Gaw 24:27) Sa pagtatapos ng paglalakbay ng ebanghelisador na si Felipe para mangaral, nagpunta siya sa Cesarea at posibleng doon na nanirahan. (Gaw 8:40; 21:8) Dito nakatira si Cornelio, ang unang di-tuling Gentil na naging Kristiyano. (Gaw 10:1, 24, 34, 35, 45-48) Posibleng sa Cesarea isinulat ni Lucas ang Ebanghelyo niya.

Mga Gawa ng mga Apostol—Ikatlong Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero (Gaw 18:23–21:17) mga 52-56 C.E.
Mga Gawa ng mga Apostol—Ikatlong Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero (Gaw 18:23–21:17) mga 52-56 C.E.

Inilista ang mga pangyayari ayon sa pagkakasunod-sunod

1. Umalis si Pablo sa Antioquia ng Sirya papuntang Galacia at Frigia para patibayin ang mga alagad sa mga kongregasyon (Gaw 18:23)

2. Naglakbay si Pablo sa mga rehiyong malayo sa dagat at pumunta sa Efeso, kung saan binautismuhan muli ang ilan at tumanggap ng banal na espiritu (Gaw 19:1, 5-7)

3. Nangaral si Pablo sa sinagoga sa Efeso, pero hindi naniwala ang ilang Judio; lumipat si Pablo sa awditoryum ng paaralan ni Tirano at nagpahayag doon araw-araw (Gaw 19:8, 9)

4. Mabunga ang ministeryo ni Pablo sa Efeso (Gaw 19:18-20)

5. Nagkagulo sa teatro sa Efeso (Gaw 19:29-34)

6. Naglakbay si Pablo mula sa Efeso papuntang Macedonia at pagkatapos ay sa Gresya (Gaw 20:1, 2)

7. Pagkatapos manatili ni Pablo sa Gresya nang tatlong buwan, bumalik siya at dumaan sa Macedonia (Gaw 20:3)

8. Mula sa Filipos, nagpunta si Pablo sa Troas; binuhay niyang muli doon si Eutico (Gaw 20:5-11)

9. Dumating ang mga kasama ni Pablo sa Asos sakay ng barko; naglakad naman si Pablo at nagkita sila roon (Gaw 20:13, 14)

10. Dumating si Pablo at ang mga kasama niya sa Mileto sakay ng barko, kung saan nakipagkita si Pablo sa matatandang lalaki mula sa Efeso at pinayuhan sila (Gaw 20:14-35)

11. Nanalangin si Pablo kasama ng matatandang lalaki, na lungkot na lungkot dahil hindi na nila siya makikitang muli; inihatid siya ng matatandang lalaki sa barko (Gaw 20:36-38)

12. Mula sa Mileto, naglayag si Pablo at ang mga kasama niya papuntang Cos at pagkatapos ay sa Rodas at Patara, kung saan sumakay sila ng barko papuntang Sirya; dumaan ang barko sa pinakatimog-kanluran ng isla ng Ciprus at dumaong sa Tiro (Gaw 21:1-3)

13. Sa tulong ng espiritu, paulit-ulit na binabalaan ng mga alagad sa Tiro si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem (Gaw 21:4, 5)

14. Dumating si Pablo sa Cesarea; sinabi sa kaniya ng propetang si Agabo ang panganib na naghihintay sa kaniya sa Jerusalem (Gaw 21:8-11)

15. Nagpunta pa rin si Pablo sa Jerusalem sa kabila ng panganib (Gaw 21:12-15, 17)