Mga Gawa ng mga Apostol 28:1-31
Study Notes
Malta: Sa tekstong Griego, ang ginamit na termino para dito ay Me·liʹte, na ilang siglo nang pinaniniwalaang ang isla ng Malta sa ngayon. Ang barkong sinasakyan ni Pablo ay itinulak ng malakas na hangin patimog, mula Cinido na nasa pinakatimog-kanluran ng Asia Minor papuntang ibaba ng Creta. (Gaw 27:7, 12, 13, 21) Sa Gaw 27:27, sinasabing ang barko ay ‘hinampas-hampas sa Dagat ng Adria.’ Noong panahon ni Pablo, mas malawak ang katubigang sakop ng Dagat ng Adria kumpara sa Dagat Adriatico sa ngayon. Saklaw nito ang Dagat Ionian at ang katubigan sa silangan ng Sicilia at kanluran ng Creta, kaya sakop din nito ang dagat malapit sa Malta sa ngayon. (Tingnan ang study note sa Gaw 27:27.) Dahil sa napakalakas na hangin ng bagyong Euroaquilo (Gaw 27:14), malamang na naitulak ang barko pakanluran at nawasak sa isla ng Malta, sa timog ng Sicilia. Sinasabi ng ilang iskolar na ibang isla ang tinutukoy ng Me·liʹte sa Bibliya. May mga nagsasabing ito ang isla malapit sa Corfu, sa kanlurang baybayin ng Gresya. Sinasabi naman ng iba na dahil ginamit dito ang salitang Griego na Me·liʹte, tumutukoy ito sa Melite Illyrica, na tinatawag ngayong Mljet, na malapit sa baybayin ng Croatia sa Dagat Adriatico sa ngayon. Pero kung pagbabatayan ang ruta na nakaulat sa Bibliya, imposibleng nagbago ng direksiyon ang barko pahilaga at nakaabot pa sa Corfu o Mljet.—Tingnan ang Ap. B13.
mga tagaroon: O “mga taong iyon na iba ang wika.” Sa ilang mas lumang salin ng Bibliya, isinaling “Barbaro” ang salitang Griegong barʹba·ros na ginamit dito. Ang pag-uulit ng pantig, “bar bar,” sa salitang Griegong ito ay nagpapahiwatig ng pagkabulol o di-maintindihang pagsasalita, kaya noong una, ginagamit ng mga Griego ang terminong ito para tumukoy sa isang dayuhan na nagsasalita ng ibang wika. Nang panahong iyon, hindi ito tumutukoy sa mga taong di-sibilisado, magaspang, o walang modo; hindi rin ito mapanlait na termino. Ginagamit lang ang salitang barʹba·ros para tukuyin ang isang tao na hindi Griego. Tinatawag ng ilang Judiong manunulat, gaya ni Josephus, ang sarili nila sa ganitong termino. (Jewish Antiquities, XIV, 187 [x, 1]; Against Apion, I, 58 [11]) Sa katunayan, tinatawag ng mga Romano na barbaro ang sarili nila bago nila yakapin ang kultura ng mga Griego. Kaya dito, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga taga-Malta, na lumilitaw na nagsasalita ng sarili nilang wika, na posibleng Punic, na malayong-malayo sa wikang Griego.—Tingnan ang study note sa Ro 1:14.
kabaitan: Ang salitang Griego na phi·lan·thro·piʹa ay literal na nangangahulugang “pagmamahal para sa mga tao.” Kasama sa ganitong kabaitan ang pagkakaroon ng tunay na malasakit sa ibang tao at pagtiyak na mailalaan ang pangangailangan nila at magiging komportable sila. Gaya ng makikita rito, puwedeng magpakita ng ganitong makadiyos na katangian ang mga tao kahit hindi pa nila kilala si Jehova. Ganiyan din ang makikita sa Gaw 27:3, kung saan ginamit ang kaugnay na salitang phi·lan·throʹpos para ilarawan ang naging pagtrato kay Pablo ng opisyal ng hukbo na si Julio. Sa Tit 3:4, ginamit ang salitang Griego na phi·lan·thro·piʹa para ilarawan ang nararamdaman ni Jehova, at isinalin itong “pag-ibig sa mga tao.”
ulupong: Sa ngayon, wala nang mga ulupong sa isla ng Malta. Pero gaya ng makikita sa ulat, pamilyar sa ahas na ito ang mga taga-Malta noong unang siglo. Sa paglipas ng daan-daang taon, posibleng nawala sa Malta ang mga ulupong dahil sa pagbabago sa kapaligiran at pagdami ng mga nakatira doon.
Katarungan: Dito, ang salitang Griego para sa “Katarungan” ay diʹke. Posibleng tumutukoy ito sa konsepto ng katarungan o sa diyosa na naghihiganti para sa katarungan. Sa mitolohiyang Griego, si Dike ang diyosa ng katarungan. Sinasabing binabantayan niya ang ginagawa ng mga tao at iniuulat ang mga kawalang-katarungan na hindi nakarating kay Zeus para maparusahan ang may-sala. Posibleng naisip ng mga taga-Malta na kahit nakaligtas si Pablo sa pagkawasak ng barko, hindi pa rin siya nakatakas sa kasalanan niya dahil pinarusahan siya ng diyos sa pamamagitan ng isang ahas.
Mga Anak ni Zeus: Ayon sa mitolohiyang Griego at Romano, ang “Mga Anak ni Zeus” (sa Griego, Di·oʹskou·roi) ay sina Castor at Pollux, kambal na mga anak ng diyos na si Zeus (Jupiter) at ni Reyna Leda ng Sparta. Ipinapalagay na sila ang tagapagsanggalang ng mga marinero at nagliligtas sa mga mandaragat na nanganganib sa laot. Ang detalyeng ito tungkol sa simbolong nasa unahan ng barko ay isa pang patunay na ang sumulat nito ay nakasaksi sa pangyayaring ito.
Siracusa: Isang lunsod na may magandang daungan. Makikita ito sa timog-silangang baybayin ng isla ng Sicilia at tinatawag din ngayong Siracusa. Ayon sa Griegong istoryador na si Thucydides, itinayo ng mga taga-Corinto ang lunsod na ito noong 734 B.C.E. May mga kilaláng tao noong unang panahon na isinilang sa Siracusa, gaya ng matematikong si Archimedes. Noong 212 B.C.E., sinakop ng mga Romano ang Siracusa.—Tingnan ang Ap. B13.
Puteoli: Tinatawag ngayong Pozzuoli. Ang pangunahing daungang ito sa timog-silangan ng Roma ay mga 10 km (6 mi) sa timog-kanluran ng Naples. Makikita pa rin dito ang malalaking guho ng isang sinaunang pangharang sa alon. Tinatawag ito ni Josephus sa dating pangalan nito, Dicaearchia, at sinasabi niyang may kolonya ng mga Judio rito. (Jewish Antiquities, XVII, 328, xii, 1) Nakarating si Pablo sa Puteoli noong mga 59 C.E. bago siya humarap kay Cesar sa Roma. Dumaong ang barko sa Regio (tinatawag ngayong Reggio di Calabria), isang daungang lunsod sa pinakatimog ng Italya sa tapat ng Sicilia, mga 320 km (200 mi) sa timog-silangan ng Puteoli. Ang mga kapatid sa Puteoli ay nakiusap kay Pablo at sa mga kasama niya na manatili muna roon nang isang linggo. (Gaw 28:14) Ipinapakita nito na may kaunting kalayaan si Pablo kahit bilanggo siya.—Tingnan ang Ap. B13.
pumunta na kami sa Roma: Aabutin nang isang linggo ang paglalakbay mula Puteoli hanggang Roma, na 245 km (152 mi) ang layo. Mula sa Puteoli, malamang na dumaan si Pablo at ang mga kasama niya sa Capua, at mula roon, naglakbay sila nang 212 km (132 mi) sa Daang Apio (sa Latin, Via Appia) papuntang Roma. Ang Daang Apio ay isinunod sa pangalan ni Appius Claudius Caecus, isang Romanong opisyal, na nagpasimula ng konstruksiyon ng daang ito noong 312 B.C.E. Pinagdugtong nito ang Roma at ang daungan ng Brundisium (Brindisi ngayon), ang daan papuntang silangan. Ang kalakhang bahagi ng Daang Apio ay tinambakan ng malalaking bato mula sa bulkan. May ilang bahagi ng daan na wala pang 3 m (10 ft) ang lapad at ang iba naman ay mahigit 6 m (20 ft). Iba-iba man ang lapad nito, tiniyak ng mga gumawa nito na makakadaan ang dalawang magkasalubong na sasakyan nang hindi kailangang huminto. May mga bahagi ng daan kung saan matatanaw ang Dagat Mediteraneo. Binabagtas nito ang Pontine Marshes, isang maputik na lugar na inireklamo ng isang manunulat na Romano dahil sa mga lamok at mabahong amoy nito. Gumawa ng kanal sa tabi ng daang ito para kapag bumaha, puwedeng sumakay sa bangka ang mga naglalakbay. Sa hilaga ng Pontine Marshes, makikita ang Pamilihan ng Apio, mga 65 km (40 mi) mula sa Roma, at ang Tatlong Taberna, isang pahingahan na mga 50 km (30 mi) ang layo mula sa lunsod.
Pamilihan ng Apio: O “Plaza ng Apio.” Sa Latin, Appii Forum. Isa itong pamilihan sa timog-silangan ng Roma na mga 65 km (40 mi) ang layo. Karaniwan itong hintuan ng mga dumadaan sa kilaláng kalsada ng Roma, ang Via Appia. Binabagtas ng daang ito ang Roma hanggang Brundisium (Brindisi ngayon) at dumaraan sa Capua. Ang daan at ang pamilihan ay parehong isinunod sa pangalan ng tagapagtayo nito, si Appius Claudius Caecus, ng ikaapat na siglo B.C.E. Dahil dito karaniwang nagpapalipas ng gabi ang mga tao pagkatapos ng isang-araw na paglalakbay mula sa Roma, naging abaláng pamilihan ito at sentro ng kalakalan. Lalong naging importante ang lugar na ito dahil matatagpuan ito malapit sa kanal na nasa tabi ng Daang Apio, na bumabagtas sa Pontine Marshes. Sinasabing nakakatawid sa kanal ang mga manlalakbay sa gabi sakay ng mga balsa na hila-hila ng mga mula. Inilarawan ng makatang Romanong si Horace ang hirap sa ganitong paglalakbay. Inireklamo niya ang mga palaka at niknik at sinabing sa Pamilihan ng Apio, “siksikan ang mga bangkero at mga barat na nagpapaupa sa taberna.” (Satires, I, V, 1-6) Pero kahit napakahirap ng paglalakbay, masayang sinalubong si Pablo at ang mga kasama niya ng ilang kapatid mula sa Roma para samahan sila sa paglalakbay at siguraduhing ligtas silang makakarating sa destinasyon nila. Sa lokasyon ng Foro Appio, o Plaza ng Appio, makikita sa ngayon ang maliit na nayon ng Borgo Faiti, na nasa Daang Apio.—Tingnan ang Ap. B13.
Tatlong Taberna: Sa Latin, Tres Tabernas. Ang lugar na ito, na binanggit din sa ibang sinaunang mga akda, ay matatagpuan sa Daang Apio, mga 50 km (31 mi) sa timog-silangan ng Roma at mga 15 km (9.5 mi) mula sa Pamilihan ng Apio. Sa ngayon, may mga guho sa lugar na ito na mula pa noong panahon ng Roma.—Tingnan ang Ap. B13.
Cesar: Tingnan ang study note sa Gaw 26:32.
sektang ito: Tingnan ang study note sa Gaw 24:5.
sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos: Mas maraming beses na ginamit ng aklat ng Gawa ang mga terminong Griego na marʹtys (“saksi”), mar·ty·reʹo (“magpatotoo”), di·a·mar·tyʹro·mai (“lubusang magpatotoo”), at ang kaugnay na mga salita kumpara sa iba pang aklat ng Bibliya, maliban sa aklat ng Juan. (Tingnan ang study note sa Ju 1:7; Gaw 1:8.) Ang pagiging saksi at ang lubusang pagpapatotoo tungkol sa mga layunin ng Diyos—kasama na ang Kaharian ng Diyos at ang mahalagang papel ni Jesus—ang pinakatema ng aklat ng Gawa.—Gaw 2:32, 40; 3:15; 4:33; 5:32; 8:25; 10:39; 13:31; 18:5; 20:21, 24; 22:20; 23:11; 26:16.
ang pagliligtas na ito ng Diyos: O “ito, ang paraan ng Diyos para magligtas.” Ang salitang Griego na so·teʹri·on ay puwedeng tumukoy hindi lang sa pagliligtas, kundi pati sa paraang gagamitin para makapagligtas. (Luc 2:30; 3:6; mga tlb.) Puwede rin itong tumukoy sa mensahe kung paano ililigtas ng Diyos ang mga tao.
Sa ilang mas bagong manuskritong Griego at sinaunang salin sa iba’t ibang wika, makikita ang pananalitang ito: “Pagkasabi niya nito, umalis ang mga Judio habang nagtatalo-talo.” Pero hindi ito mababasa sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, kaya lumilitaw na hindi talaga ito bahagi ng Gawa.—Tingnan ang Ap. A3.
Dalawang taon siyang nanatili: Sa loob ng dalawang taóng ito, isinulat ni Pablo ang mga liham niya para sa mga taga-Efeso (Efe 4:1; 6:20), mga taga-Filipos (Fil 1:7, 12-14), mga taga-Colosas (Col 4:18), kay Filemon (Flm 9), at lumilitaw na pati na rin sa mga Hebreo. Malamang na nakalaya siya mula sa pagkabilanggo sa sarili niyang bahay noong mga 61 C.E., kung kailan lumilitaw na nilitis siya—posibleng sa harap ni Emperador Nero o ng isa sa mga kinatawan niya—at napawalang-sala. Pagkalaya ni Pablo, nanatili pa rin siyang masigasig. Posibleng sa panahong ito natuloy ang plano niya na pumunta sa Espanya. (Ro 15:28) Ayon kay Clemente ng Roma, na sumulat noong mga 95 C.E., naglakbay si Pablo “hanggang sa pinakadulong bahagi ng Kanluran,” na tumutukoy sa Imperyo ng Roma. Makikita sa tatlong liham na isinulat ni Pablo noong makalaya na siya (1 at 2 Timoteo at Tito) na posibleng dumalaw siya sa Creta, Efeso, Macedonia, Mileto, Nicopolis, at Troas. (1Ti 1:3; 2Ti 4:13; Tit 1:5; 3:12) May mga nagsasabi na muling naaresto si Pablo sa Nicopolis, Gresya, at na nabilanggo siya ulit sa Roma noong mga 65 C.E. Nang pagkakataong ito, lumilitaw na hindi na naawa sa kaniya si Nero. Nagkaroon ng malaking sunog sa Roma noong 64 C.E., at ayon sa Romanong istoryador na si Tacitus, isinisi ito ni Nero sa mga Kristiyano. At sinimulan niya ang malupit na pag-uusig sa kanila. Nang isulat ni Pablo ang ikalawa at huling liham niya kay Timoteo, alam niyang malapit na siyang patayin, kaya pinapunta niya agad sa kaniya sina Timoteo at Marcos. Nang mga panahong ito, lakas-loob na isinapanganib nina Lucas at Onesiforo ang buhay nila para madalaw at mapatibay si Pablo. (2Ti 1:16, 17; 4:6-9, 11) Malamang na pinatay si Pablo noong mga 65 C.E. Hanggang kamatayan, nakapagbigay si Pablo ng mahusay na patotoo “tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus.”—Gaw 1:1.
ipinangangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo. Ang tema ng pangangaral na ito ay ang Kaharian ng Diyos. Sa aklat ng Gawa, anim na beses ginamit ang ekspresyong “Kaharian ng Diyos.” Ang unang paglitaw nito ay sa Gaw 1:3, kung saan iniulat na nagsalita si Jesus tungkol sa Kahariang ito sa loob ng 40 araw mula nang buhayin siyang muli hanggang sa umakyat siya sa langit. Pagkatapos, patuloy na ipinangaral ng mga apostol ang Kaharian ng Diyos.—Gaw 8:12; 14:22; 19:8; 28:23.
nang may buong kalayaan sa pagsasalita: O “nang buong tapang (walang takot).” Ang salitang Griego na par·re·siʹa ay isinalin ding “katapangan.” (Gaw 4:13) Ang pangngalang ito at ang kaugnay na pandiwang par·re·si·aʹzo·mai, na karaniwang isinasaling “magsalita nang walang takot,” ay lumitaw nang maraming ulit sa Gawa. Mula sa simula hanggang sa katapusan ng ulat ni Lucas, malinaw na ipinakita ng mga Kristiyano noon ang katapangan sa pangangaral nila.—Gaw 4:29, 31; 9:27, 28; 13:46; 14:3; 18:26; 19:8; 26:26.
nang walang hadlang: Nagtapos ang aklat ng Gawa sa positibong pananalitang ito. Kahit nakabilanggo si Pablo sa sarili niyang bahay, patuloy siyang nakapangaral at nakapagturo nang malaya. Walang nakapigil sa paglaganap ng mensahe ng Kaharian sa Roma. Angkop na pagtatapos ito sa aklat ng Gawa. Inilarawan nito kung paano pinalakas ng banal na espiritu ang mga Kristiyano noong unang siglo para simulan ang pinakamalawak na gawaing pangangaral sa buong kasaysayan, ang pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gaw 1:8.
Media

Ang mahahabang kalsada na ginawa ng mga Romano ay nakatulong sa mga Kristiyano noon para maipangaral ang mabuting balita sa buong imperyo. Siguradong milya-milya ang nalakbay ni apostol Pablo sa mga kalsadang ito. (Col 1:23) Makikita sa larawan kung paano karaniwang ginagawa ang isang Romanong kalsada na nilatagan ng mga bato. Una, minamarkahan ang daan. Pagkatapos, huhukayin ito at pupunuin ng bato, semento, at buhangin. Nilalatagan ito ng malalaking bato at nilalagyan din ng mga bato sa gilid para manatili itong siksik. Dahil sa mga materyales na ginamit at sa paumbok na disenyo nito, hindi naiipon ang tubig sa gitna ng kalsada. May mga butas din ito sa gilid para dumaloy ang tubig sa mga kanal na nasa tabi ng kalsada. Napakatibay ng pagkakagawa sa mga ito kaya ang ilan ay buo pa rin hanggang ngayon. Pero hindi ganito kaganda ang karamihan sa mga daan sa Imperyo ng Roma. Ang karaniwang kalsada ay gawa lang sa siniksik na graba.

Ang lunsod ng Roma, na kabisera ng Imperyo ng Roma, ay makikita malapit sa Ilog Tiber at itinayo sa isang lugar na may pitong burol. Habang lumalakas ang imperyo, lumalawak din ang lunsod na ito. Noong kalagitnaan ng unang siglo C.E., posibleng mga isang milyon na ang nakatira sa Roma, at may malaking komunidad ng mga Judio rito. Ang mga unang Kristiyano sa Roma ay malamang na mga Judio at proselita na nasa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. at nakarinig sa pangangaral ni apostol Pedro at ng iba pang alagad. Posibleng dinala ng mga bagong alagad na ito ang mabuting balita sa Roma pagkabalik nila. (Gaw 2:10) Sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Roma, na isinulat noong mga 56 C.E., sinabi niya na ang pananampalataya ng mga taga-Roma ay “pinag-uusapan sa buong mundo.” (Ro 1:7, 8) Makikita sa video ang posibleng hitsura ng ilang kilaláng lugar sa Roma noong panahon ni Pablo.
1. Via Appia
2. Circus Maximus
3. Burol ng Palatine at Palasyo ni Cesar
4. Templo ni Cesar
5. Mga Teatro
6. Pantheon
7. Ilog Tiber

Makikita rito ang isang bahagi ng Daang Apio, o Via Appia, sa Italy ngayon. Hindi espesipikong binanggit ang daang ito sa Bibliya, pero malamang na sa kalsadang ito dumaan si Pablo papuntang Roma. Ang unang bahagi ng kalsadang ito sa Roma ay nagawa noong 312 B.C.E. Nagpatuloy ang konstruksiyon nito, at noong mga 244 B.C.E., umabot na sa Brundisium ang Daang Apio. (Tingnan ang mapa.) Naglakbay patimog ang mga kapatid sa Roma papuntang Tatlong Taberna at Pamilihan ng Apio, na parehong nasa Daang Apio, para makipagkita kay Pablo. (Gaw 28:15) Ang Pamilihan ng Apio ay mga 65 km (40 mi) mula sa Roma. Ang Tatlong Taberna naman ay mga 50 km (30 mi) mula sa Roma.
1. Roma
2. Tatlong Taberna
3. Pamilihan ng Apio
4. Daang Apio
5. Brundisium (Brindisi ngayon)

Habang naghihintay na humarap kay Cesar, nabilanggo si apostol Pablo sa sarili niyang bahay sa Roma sa loob ng dalawang taon, mula noong mga 59 hanggang 61 C.E. Binabantayan siya doon ng mga sundalong Romano na malamang na mga Guwardiya ng Pretorio, isang grupo ng mahuhusay at piling-piling mga sundalo. (Gaw 28:16) Libo-libo ang mga Guwardiya ng Pretorio, pero sinabi ni Pablo sa kongregasyon sa Filipos na “nalaman ng ... lahat [kasama ang mga Guwardiya ng Pretorio] na nakagapos [siya] bilang bilanggo.” (Fil 1:13) Panoorin ang video para malaman ang kasaysayan ng mga Guwardiya ng Pretorio at kung ano ang pananagutan nila.

Noong unang beses na nabilanggo si apostol Pablo sa Roma, pinayagan siyang tumira sa isang inuupahang bahay kasama ng isang sundalo. (Gaw 28:16, 30) Karaniwan nang itinatanikala ng mga Romanong sundalo ang mga bilanggo. Kadalasan na, nakatanikala ang kanang kamay ng bilanggo at ang kaliwang kamay ng sundalo. Kaya magagamit ng sundalo ang kanang kamay niya. Binanggit ni Pablo ang mga tanikala, gapos, at pagkabilanggo niya sa karamihan ng liham na ginawa niya habang nakabilanggo siya sa isang bahay sa Roma.—Efe 3:1; 4:1; 6:20; Fil 1:7, 13, 14, 17; Col 4:3, 18; Flm 1, 9, 10, 13.

Makikita si Nero sa baryang ginto na ito, na ginawa noong mga 56-57 C.E. Namahala siya sa Imperyo ng Roma mula 54 hanggang 68 C.E. Si Nero ang Cesar nang umapela si Pablo sa di-makatarungang pag-aresto sa kaniya sa Jerusalem at pagbilanggo sa kaniya sa Cesarea mula mga 56 hanggang mga 58 C.E. Lumilitaw na pagkatapos mabilanggo ni Pablo sa unang pagkakataon sa Roma noong mga 59 C.E., pinawalang-sala siya at pinalaya noong mga 61 C.E. Pero noong 64 C.E., nasunog ang sangkapat ng lunsod ng Roma, at sinisi ng ilan si Nero. Pero ibinintang ito ni Nero sa mga Kristiyano kaya pinag-usig sila nang husto ng gobyerno. Malamang na sa mga panahong ito (65 C.E.), ibinilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon at binitay.