Mga Gawa ng mga Apostol 22:1-30

22  “Mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol ko.”+  Nang marinig nila na kinakausap niya sila sa wikang Hebreo, lalo pa silang tumahimik. Sinabi niya:  “Ako ay isang Judio+ na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia,+ pero nag-aral ako sa lunsod na ito sa paanan ni Gamaliel,+ tinuruan na mahigpit na sundin ang Kautusan+ ng mga ninuno, at masigasig sa paglilingkod sa Diyos gaya ninyong lahat sa araw na ito.+  Pinag-usig ko ang Daang ito hanggang kamatayan; iginapos ko at ipinabilanggo ang mga lalaki at babae,+  at mapapatotohanan iyan ng mataas na saserdote at ng buong kapulungan ng matatandang lalaki. Kumuha rin ako sa kanila ng mga liham na ipapakita sa mga kapatid* sa Damasco, at naglalakbay na ako noon para arestuhin* ang mga alagad doon at dalhin sa Jerusalem para maparusahan.  “Pero nang malapit na ako sa Damasco, bandang tanghali, biglang suminag sa akin ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa langit,+  at nabuwal ako at may narinig na tinig: ‘Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?’  Sinabi ko: ‘Sino ka, Panginoon?’ Sumagot siya: ‘Ako si Jesus na Nazareno, ang inuusig mo.’  Nakita ng mga lalaking kasama ko ang liwanag, pero hindi nila naintindihan ang sinasabi ng tinig.+ 10  At sinabi ko: ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ Sinabi ng Panginoon: ‘Pumunta ka sa Damasco, at sasabihin sa iyo roon ang dapat mong gawin.’*+ 11  Pero hindi ako makakita dahil sa tindi ng liwanag na iyon, kaya inakay ako ng mga kasama ko hanggang makarating sa Damasco. 12  “At si Ananias,+ isang lalaking makadiyos at sumusunod sa Kautusan at may mabuting ulat mula sa lahat ng Judiong nakatira doon, 13  ay pumunta sa akin. Habang nakatayo sa tabi ko, sinabi niya: ‘Saul, kapatid, makakita kang muli!’ At agad na bumalik ang paningin ko at nakita ko siya.+ 14  Sinabi niya: ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno para malaman ang kalooban niya at makita ang isa na matuwid+ at marinig ang tinig niya, 15  dahil magiging saksi ka para sa kaniya at ihahayag mo sa lahat ng tao ang mga nakita at narinig mo.+ 16  Kaya ano pa ang hinihintay mo? Magpabautismo ka at hugasan mo ang mga kasalanan mo+ sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan niya.’+ 17  “Pero pagbalik ko sa Jerusalem,+ nakakita ako ng pangitain habang nananalangin sa templo. 18  Nakita ko siya na nagsabi sa akin: ‘Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi nila tatanggapin ang patotoo mo tungkol sa akin.’+ 19  At sinabi ko: ‘Panginoon, alam na alam nila na pumupunta ako noon sa bawat sinagoga at ipinabibilanggo ko at pinagpapapalo ang mga naniniwala sa iyo;+ 20  at nang pinapatay nila ang saksi mong si Esteban, nakatayo ako sa tabi at sinasang-ayunan iyon, at binabantayan ko ang balabal ng mga bumabato sa kaniya.’+ 21  Pero sinabi niya: ‘Lumakad ka na, dahil isusugo kita sa malalayong bansa.’”+ 22  Patuloy silang nakinig sa kaniya hanggang sa sabihin niya iyon. Pagkatapos, isinigaw nila: “Dapat mawala ang taong iyan sa ibabaw ng lupa, dahil hindi siya dapat mabuhay!” 23  Dahil sumisigaw sila, inihahagis ang mga balabal nila, at nagsasaboy ng alabok sa hangin,+ 24  iniutos ng kumandante ng militar na dalhin si Pablo sa kuwartel ng mga sundalo at sinabing dapat siyang pagtatanungin habang hinahagupit para malaman ang totoong dahilan kung bakit iyon isinisigaw ng mga tao laban kay Pablo. 25  Nang maitali na nila siya para hagupitin, sinabi ni Pablo sa opisyal ng hukbo na naroon: “Tama bang hagupitin ninyo ang isang Romano na hindi pa nahahatulan?”*+ 26  Nang marinig ito ng opisyal ng hukbo, pinuntahan niya ang kumandante ng militar at sinabi: “Ano ang balak mong gawin? Romano ang taong ito.” 27  Kaya lumapit ang kumandante ng militar at tinanong siya: “Sabihin mo, Romano ka ba?” Sinabi niya: “Oo.” 28  Sinabi ng kumandante ng militar: “Nagbayad ako ng malaki para magkaroon ng mga karapatang ito bilang mamamayan.” Sinabi ni Pablo: “Pero ako ay ipinanganak na Romano.”+ 29  Biglang napaatras ang mga lalaking magtatanong sana at magpapahirap kay Pablo; at natakot ang kumandante ng militar nang malaman na Romano ito, dahil iginapos niya ito.+ 30  Kinabukasan, dahil gusto niyang malaman kung bakit talaga inaakusahan ng mga Judio si Pablo, pinalaya niya ito at ipinag-utos na magtipon ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin. At pinatayo niya si Pablo sa gitna nila.+

Talababa

Lit., “igapos.”
Mga kapuwa Judio.
O “ang itinakda para sa iyo na gawin mo.”
O “nalilitis.”

Study Notes

Hebreo: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginamit ng mga manunulat ang terminong “Hebreo” para tumukoy sa wikang sinasalita ng mga Judio (Ju 19:13, 17, 20; Gaw 21:40; 22:2; Apo 9:11; 16:16) at sa wikang ginamit ng binuhay-muli at niluwalhating si Jesus sa pakikipag-usap kay Saul ng Tarso (Gaw 26:14, 15). Sa Gaw 6:1, may binanggit na “mga Judiong nagsasalita ng Hebreo” at “mga Judiong nagsasalita ng Griego.” Naniniwala ang ilang iskolar na ang terminong “Hebreo” sa mga ulat na ito ay dapat na isinaling “Aramaiko,” pero may makatuwirang dahilan para isiping ang terminong ito ay talagang tumutukoy sa wikang Hebreo. Halimbawa, nang sabihin ng doktor na si Lucas na kinausap ni Pablo ang mga taga-Jerusalem “sa wikang Hebreo,” ang mga kausap noon ni Pablo ay ang mga nagpapakadalubhasa sa Kautusan ni Moises sa wikang Hebreo. Isa pa, ang kalakhang bahagi ng napakaraming natagpuang piraso at manuskrito ng Dead Sea Scroll ay mababasa sa wikang Hebreo, bahagi man ito ng Kasulatan o ibang dokumento. Nagpapatunay ito na karaniwang wika noon ang Hebreo. May natagpuan ding mga piraso ng Dead Sea Scroll sa wikang Aramaiko, na nagpapakitang parehong ginagamit ang dalawang wikang ito. Kaya kapag ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya ang terminong “Hebreo,” imposibleng ang tinutukoy nila ay wikang Aramaiko o Siryano. (Gaw 21:40; 22:2; ihambing ang Gaw 26:14.) Makikita sa Hebreong Kasulatan na magkaiba ang “Aramaiko” at ang “wika ng mga Judio” (2Ha 18:26), at may kinalaman sa partikular na ulat na ito, makikita sa sinabi ng Judiong istoryador noong unang siglo na si Josephus na magkaiba ang “Aramaiko” at “Hebreo.” (Jewish Antiquities, X, 8 [i, 2]) Totoo na may mga termino sa Aramaiko at Hebreo na magkahawig, at posibleng may mga termino sa Hebreo na galing sa Aramaiko. Pero hindi pa rin makatuwirang isipin na kapag Hebreo ang sinabi ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang tinutukoy talaga nila ay Aramaiko.

sa wikang Hebreo: Tingnan ang study note sa Ju 5:2.

Gamaliel: Isang guro ng Kautusan na dalawang beses binanggit sa Gawa, dito at sa Gaw 22:3. Ipinapalagay na siya si Gamaliel na Nakatatanda, gaya ng tawag sa kaniya sa sekular na mga akda. Si Gamaliel ay apo, o posibleng anak, ni Hilel na Nakatatanda, na kinikilalang bumuo ng mas liberal na pilosopiyang pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Mataas ang paggalang ng mga tao kay Gamaliel, at sinasabing sa kaniya unang ginamit ang espesyal na titulong “Rabban.” Kaya malaki ang impluwensiya niya sa lipunan ng mga Judio noong panahon niya; marami siyang sinanay na Pariseo, gaya ni Saul ng Tarso. (Gaw 22:3; 23:6; 26:4, 5; Gal 1:13, 14) Kadalasan nang ang pananaw niya sa Kautusan at mga tradisyon ay mas makatuwiran kumpara sa iba. Halimbawa, sinasabing gumawa siya ng mga batas para protektahan ang mga asawang babae laban sa mapang-abusong mga asawang lalaki at ang mga biyuda laban sa pabayang mga anak. Sinasabi ring ipinaglalaban niya na dapat na pantay ang karapatan sa paghihimalay ng mahihirap na Judio at di-Judio. Kitang-kita ang lawak ng kaisipan ni Gamaliel sa paraan ng pakikitungo niya kay Pedro at sa iba pang apostol. (Gaw 5:35-39) Pero ipinapakita ng mga akda ng mga rabbi na mas mahalaga kay Gamaliel ang tradisyon ng mga rabbi kaysa sa Banal na Kasulatan. Kaya ang mga itinuturo niya sa kabuoan ay kahawig pa rin ng itinuturo ng karamihan sa mga ninuno niyang rabbi at mga lider ng relihiyon noong panahon niya.—Mat 15:3-9; 2Ti 3:16, 17; tingnan sa Glosari, “Pariseo”; “Sanedrin.”

Gamaliel: Isang guro ng Kautusan na dalawang beses binanggit sa Gawa, dito at sa Gaw 5:34.—Tingnan ang study note sa Gaw 5:34.

bulwagan ng Sanedrin: O “Sanedrin.” Ang Sanedrin ang mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem. Ang salitang Griego na isinasaling “bulwagan ng Sanedrin” o “Sanedrin” (sy·neʹdri·on) ay literal na nangangahulugang “pag-upong magkakasama.” Karaniwan itong tumutukoy sa isang pagtitipon o pagpupulong, pero sa Israel, puwede rin itong tumukoy sa relihiyosong korte o lupon ng mga hukom. Ang salitang Griego ay puwedeng tumukoy sa mga taong bumubuo sa hukuman o sa gusali o lokasyon ng hukuman.​—Tingnan ang study note sa Mat 5:22 at Glosari, “Sanedrin”; tingnan din ang Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng Bulwagan ng Sanedrin.

kapulungan ng matatandang lalaki: O “sanggunian (lupon) ng matatanda.” Ang salitang Griego na ginamit dito, pre·sby·teʹri·on, ay kaugnay ng terminong pre·sbyʹte·ros (lit., “matandang lalaki”), na sa Bibliya ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25 at Gaw 2:17), pero hindi lang ito ginagamit para sa matatanda. Dito, lumilitaw na ang ekspresyong “matatandang lalaki” ay tumutukoy sa Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem, na binubuo ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki. Madalas banggiting magkakasama ang tatlong grupong ito.—Mat 16:21; 27:41; Mar 8:31; 11:27; 14:43, 53; 15:1; Luc 9:22; 20:1; tingnan ang study note sa Luc 22:66.

Nazareno: Tumutukoy ito noong una kay Jesus at nang maglaon ay sa mga tagasunod niya. (Gaw 24:5) Dahil maraming Judio noon ang may pangalang Jesus, karaniwang may idinadagdag sa pangalang ito para malaman kung sino ang tinutukoy; nakasanayan na noong panahon ng Bibliya na idugtong sa pangalan ng tao ang lugar na pinagmulan niya. (2Sa 3:2, 3; 17:27; 23:25-39; Na 1:1; Gaw 13:1; 21:29) Sa bayan ng Nazaret lumaki si Jesus, kaya natural lang na gamitin ang terminong ito para tukuyin siya. Madalas tukuyin si Jesus na “Nazareno” ng iba’t ibang indibidwal sa iba’t ibang pagkakataon. (Mar 1:23, 24; 10:46, 47; 14:66-69; 16:5, 6; Luc 24:13-19; Ju 18:1-7) Ginamit ito mismo ni Jesus para sa sarili niya. (Ju 18:5-8; Gaw 22:6-8) Isinulat ni Pilato sa pahirapang tulos ni Jesus ang pananalitang ito sa wikang Hebreo, Latin, at Griego: “Si Jesus na Nazareno, ang Hari ng mga Judio.” (Ju 19:19, 20) Mula noong Pentecostes 33 C.E., si Jesus ay madalas nang tawagin ng mga apostol at ng iba bilang Nazareno o mula sa Nazaret.​—Gaw 2:22; 3:6; 4:10; 6:14; 10:38; 26:9; tingnan din ang study note sa Mat 2:23.

Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.

hindi nila naintindihan ang sinasabi ng tinig: O “hindi nila narinig ang tinig.” Sa Gaw 9:3-9, inilarawan ni Lucas ang karanasan ni Pablo sa daan papuntang Damasco. Kapag pinagsama ang dalawang ulat na ito, magiging mas malinaw ang buong pangyayari. Gaya ng ipinaliwanag sa study note sa Gaw 9:7, tunog lang ang naririnig ng mga lalaking kasama ni Pablo sa paglalakbay, at hindi nila naiintindihan kung ano talaga ang sinasabi ng nagsasalita. Hindi nila narinig ang tinig gaya ng pagkakarinig dito ni Pablo. Kaayon ito ng pagkakagamit sa salitang Griego para sa “narinig” sa Gaw 22:7, kung saan sinabi ni Pablo na “may narinig [siyang] tinig,” ibig sabihin, narinig at naintindihan niya ang sinasabi nito. Pero hindi naintindihan ng mga lalaking naglalakbay kasama ni Pablo ang mensahe ng nagsasalita, posibleng dahil kulob o malabo ang datíng ng tinig sa kanila. Kaya ang ekspresyong “hindi nila narinig ang tinig” ay isinalin ditong “hindi nila naintindihan ang sinasabi ng tinig.”—Ihambing ang Mar 4:33; 1Co 14:2, kung saan ang salitang Griego para sa “narinig” ay puwedeng isaling “makinig” o “maintindihan.”

may naririnig silang tinig: O “may naririnig silang tunog.” Ang terminong Griego na pho·neʹ ay puwedeng isaling “tunog” o “tinig,” depende sa gramatika. Lumitaw rin ang terminong ito sa Gaw 22:6-11 nang ilarawan ni Pablo ang karanasan niya sa daan papuntang Damasco. Kapag pinagsama ang dalawang ulat na ito, magiging mas malinaw ang buong pangyayari. Lumilitaw na tunog lang ang naririnig ng mga lalaking kasama ni Pablo sa paglalakbay, at hindi nila naiintindihan kung ano talaga ang sinasabi ng nagsasalita, di-gaya ni Pablo.—Gaw 26:14; tingnan ang study note sa Gaw 22:9.

makakita kang muli!: Lit., “tumingala ka!” Ang salitang Griego para dito ay pangunahin nang nangangahulugang “tumingin sa itaas” (Mat 14:19; Luc 19:5), pero puwede rin itong mangahulugang “makakita sa unang pagkakataon” (Ju 9:11, 15, 18) o “muling makakita” (Mar 10:52; Luc 18:42; Gaw 9:12).

tumatawag sa pangalan ni Jehova: Malawak ang kahulugan ng pagtawag sa pangalan ni Jehova; higit pa ito sa pag-alam at paggamit ng pangalan ng Diyos. Ang ekspresyong “tumawag sa pangalan [ng isa]” ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan. Dito, sumipi si Pablo sa Joe 2:32, kung saan idiniriin sa konteksto ang tunay na kapatawaran at pagtitiwala sa pagiging mapagpatawad ni Jehova. (Joe 2:12, 13) Noong Pentecostes 33 C.E., sinipi rin ni Pedro ang hulang ito ni Joel at pinayuhan ang kaniyang mga tagapakinig na magsisi at kumilos para makuha ang pagsang-ayon ni Jehova. (Gaw 2:21, 38) Makikita rin sa ibang konteksto na kasama sa pagtawag sa pangalan ng Diyos ang pagkilala sa kaniya, pagtitiwala, at paghingi ng tulong at patnubay niya. (Aw 20:7; 99:6; 116:4; 145:18) Sa ibang konteksto naman, ang pagtawag sa pangalan ni Jehova ay nangangahulugang paghahayag sa pangalan niya at mga katangian. (Gen 12:8; ihambing ang Exo 34:5, kung saan ang kaparehong Hebreong ekspresyon ay isinaling “ipinahayag ang pangalan ni Jehova.”) Sa kasunod na talata ng Ro 10:13, iniugnay ni Pablo ang pagtawag sa pangalan ng Diyos sa pananampalataya sa Kaniya.​—Ro 10:14.

hugasan mo ang mga kasalanan mo sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan niya: Hindi ang tubig na ginagamit sa bautismo ang nakakapag-alis sa kasalanan ng isang tao, kundi ang pagtawag sa pangalan ni Jesus. Magagawa ito sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus at pagpapakita nito sa gawa.—Gaw 10:43; San 2:14, 18; tingnan ang study note sa Ro 10:13.

isang pangitain: Ang salitang Griego na ekʹsta·sis (mula sa ek, na nangangahulugang “nawala,” at staʹsis, na nangangahulugang “pagkakatayo”) ay tumutukoy sa isang tao na nawala sa normal na pag-iisip dahil sa pagkamangha o sa isang pangitain mula sa Diyos. Ang salitang Griego ay isinasalin ding “nag-umapaw sa saya” (Mar 5:42) at “manghang-mangha” (Mar 16:8; Luc 5:26). Sa aklat ng Gawa, iniuugnay ang salitang ito sa pagkilos ng Diyos. Lumilitaw na kung minsan, ang banal na espiritu ay naglalagay sa isip ng isang tao ng isang pangitain o larawan tungkol sa layunin ng Diyos habang ito ay nag-iisip nang malalim o nasa kalagayan na parang natutulog. Habang nakakakita ng pangitain ang isang tao, hindi na niya alam kung ano ang nangyayari sa paligid niya kaya mas nakakapagpokus siya sa pangitain.—Tingnan ang study note sa Gaw 22:17.

nakakita ako ng pangitain: Para sa pagtalakay tungkol sa terminong Griego na ekʹsta·sis, na isinalin ditong “pangitain,” tingnan ang study note sa Gaw 10:10. Ganito ang mababasa sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J14, 17, 22 sa Ap. C4): “Sumaakin ang kamay ni Jehova.” Ito naman ang mababasa sa isa pang salin (may code na J18): “Dinamtan ako ng espiritu ni Jehova.”

mga saksi ko: Bilang tapat na mga Judio, ang mga alagad ni Jesus noon ay mga saksi na ni Jehova at nagpapatotoo na sila na Siya lang ang tunay na Diyos. (Isa 43:10-12; 44:8) Pero mula nang pagkakataong iyon, ang mga alagad ay magiging mga saksi na ni Jehova at ni Jesus. Ihahayag nila ang mahalagang papel ni Jesus sa pagpapabanal ng pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, na isang bagong bahagi ng layunin ni Jehova. Mas maraming beses na ginamit ng aklat ng Gawa ang mga terminong Griego na marʹtys (“saksi”), mar·ty·reʹo (“magpatotoo”), di·a·mar·tyʹro·mai (“lubusang magpatotoo”), at ang kaugnay na mga salita kumpara sa iba pang aklat ng Bibliya, maliban sa Ebanghelyo ni Juan. (Tingnan ang study note sa Ju 1:7.) Ang pagiging saksi at ang lubusang pagpapatotoo tungkol sa mga layunin ng Diyos—kasama na ang Kaharian ng Diyos at ang mahalagang papel ni Jesus—ang pinakatema ng aklat ng Gawa. (Gaw 2:32, 40; 3:15; 4:33; 5:32; 8:25; 10:39; 13:31; 18:5; 20:21, 24; 22:20; 23:11; 26:16; 28:23) May ilang unang-siglong Kristiyano na nagpatotoo, o nagpatunay, sa mga detalyeng iniulat tungkol sa buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus dahil personal nila itong nasaksihan. (Gaw 1:21, 22; 10:40, 41) Ang mga sumunod naman na nanampalataya kay Jesus ay naging saksi, o nagpatotoo, sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng tungkol sa kahalagahan ng buhay niya, kamatayan, at pagkabuhay-muli.—Gaw 22:15; tingnan ang study note sa Ju 18:37.

ang saksi mong: Ang terminong Griego para sa “saksi,” marʹtys, ay tumutukoy sa isa na nakakita sa isang pagkilos o pangyayari. May ilang unang-siglong Kristiyano na nagpatotoo, o nagpatunay, sa mga detalyeng iniulat tungkol sa buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus dahil personal nila itong nasaksihan. (Gaw 1:21, 22; 10:40, 41) Ang mga sumunod naman na nanampalataya kay Jesus ay naging saksi, o nagpatotoo, sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng tungkol sa kahalagahan ng buhay niya, kamatayan, at pagkabuhay-muli. (Gaw 22:15) Iyan ang ibig sabihin ni Pablo nang tawagin niya si Esteban na “saksi” noong kausap niya si Jesus. Nagbigay si Esteban ng mapuwersang patotoo tungkol kay Jesus sa harap ng Sanedrin. Si Esteban ang unang nagpatotoo na nakita niya sa isang espesyal na pangitain na nasa langit si Jesus at nakatayo sa kanan ng Diyos, gaya ng inihula sa Aw 110:1. (Gaw 7:55, 56) Dahil sa pangangaral ng mga Kristiyano, madalas silang makaranas ng oposisyon, pag-aresto, pambubugbog, at kamatayan pa nga, gaya ng nangyari kina Esteban, Santiago, at iba pa. Nang maglaon, ang terminong Griego na marʹtys ay tumutukoy na sa “isa na nagpapatotoo kahit mamatay siya; isang martir,” ibig sabihin, mas pipiliin pa niyang mamatay kaysa itakwil ang pananampalataya niya. Kaya si Esteban ang unang Kristiyanong martir, na ipinapatay dahil sa pagpapatotoo niya tungkol kay Kristo.—Tingnan ang study note sa Gaw 1:8.

kumandante ng militar: Ang salitang Griego na khi·liʹar·khos (chiliarch) ay literal na nangangahulugang “tagapamahala ng isang libo,” o 1,000 sundalo. Tumutukoy ito sa isang Romanong kumandante ng militar na tinatawag na tribuno. May anim na tribuno sa bawat Romanong lehiyon. Pero ang lehiyon ay hindi hinahati-hati sa anim para pamunuan ng tig-iisang tribuno; sa halip, ang buong lehiyon ay pinamumunuan ng iisang tribuno sa loob ng isang kanim ng taon. Ang mga kumandanteng ito ay may malaking awtoridad, kasama na ang pagrerekomenda at pag-aatas ng mga senturyon. Puwede ring tumukoy ang salitang Griego sa sinumang mataas na opisyal ng hukbo. Isang Romanong kumandante ng militar ang kasama ng mga sundalong umaresto kay Jesus.

kumandante ng militar: Ang salitang Griego na khi·liʹar·khos (chiliarch) ay literal na nangangahulugang “tagapamahala ng isang libo,” o 1,000 sundalo. Tumutukoy ito sa isang Romanong kumandante ng militar na tinatawag na tribuno. (Tingnan ang study note sa Ju 18:12.) Noong mga 56 C.E., si Claudio Lisias ang kumandante ng militar sa garison ng Jerusalem. (Gaw 23:22, 26) Gaya ng mababasa sa Gawa kabanata 21-24, siya ang nagligtas kay Pablo mula sa mga mang-uumog at sa nagkakagulong Sanedrin. Siya rin ang sumulat kay Gobernador Felix noong palihim niyang ipadala si Pablo sa Cesarea.

Umaapela ako kay Cesar!: Sa ulat ng Bibliya, ito ang ikatlong pagkakataong ginamit ni Pablo ang karapatan niya bilang mamamayang Romano. (Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang study note sa Gaw 16:37; 22:25.) Puwedeng umapela kay Cesar pagkatapos ibaba ang hatol o habang ginaganap ang paglilitis. Makikita kay Festo na ayaw niyang magdesisyon sa isyung ito, at siguradong hindi magiging makatarungan ang paglilitis sa Jerusalem. Kaya umapela si Pablo na litisin siya sa pinakamataas na hukuman ng imperyo. Lumilitaw na hindi laging napagbibigyan ang mga umaapela, gaya ng mga magnanakaw, pirata, o nagkasala ng sedisyon na nahuli sa akto. Malamang na ito ang dahilan kaya sumangguni si Festo sa “kapulungan ng mga tagapayo” bago siya pumayag sa apela. (Gaw 25:12) Dininig din ng dumadalaw na si Herodes Agripa II ang kaso ni Pablo para maging mas malinaw ang impormasyong ibibigay ni Festo kapag ipinasa na niya ang kaso ni Pablo “sa Augusto,” o kay Nero. (Gaw 25:12-27; 26:32; 28:19) Gayundin, noon pa gustong pumunta ni Pablo sa Roma, kaya nakatulong ang apelang ito para makarating siya roon. (Gaw 19:21) Makikita sa pangako ni Jesus kay Pablo at sa sinabi ng anghel sa kaniya na makakarating siya sa Roma dahil iyan ang kalooban ng Diyos.​—Gaw 23:11; 27:23, 24.

mga Romano kami: Ibig sabihin, mga mamamayang Romano. Si Pablo, at lumilitaw na pati si Silas, ay mga mamamayang Romano. Ayon sa batas ng Roma, ang bawat mamamayan nito ay dapat na dumaan muna sa tamang proseso ng paglilitis at hindi puwedeng parusahan sa publiko hangga’t hindi napapatunayang nagkasala. Ang pagkamamamayang Romano ay nagbibigay sa isang tao ng ilang partikular na karapatan at pribilehiyo saanman siya magpunta sa imperyo. Ang isang mamamayang Romano ay nasa ilalim ng batas ng Roma, hindi ng batas ng mga lunsod na sakop nito. Kapag inakusahan, puwede siyang pumayag na litisin ayon sa batas doon, pero may karapatan pa rin siyang umapela sa hukumang Romano. Para sa kasong may parusang kamatayan, may karapatan siyang umapela sa emperador. Malawak ang naabot ng pangangaral ni apostol Pablo sa Imperyo ng Roma. Sa ulat, tatlong beses niyang ginamit ang karapatan niya bilang Romano. Ang unang pagkakataon ay dito sa Filipos, kung saan sinabi niya sa mga mahistrado na nilabag nila ang karapatan niya nang pagpapaluin nila siya.—Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang study note sa Gaw 22:25; 25:11.

opisyal ng hukbo: O “senturyon,” kumandante ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano.

isang Romano: Ibig sabihin, isang mamamayang Romano. Ito ang ikalawa sa tatlong nakaulat na pagkakataon na ginamit ni Pablo ang karapatan niya bilang mamamayang Romano. Kadalasan nang hindi gaanong nakikialam ang Romanong mga awtoridad sa mga Judio. Pero nakialam ang mga Romano sa kaso ni Pablo, hindi lang dahil nagkaroon ng malaking gulo nang magpunta siya sa templo, kundi dahil isa rin siyang mamamayang Romano. Ang pagkamamamayang Romano ay nagbibigay sa isang tao ng ilang pribilehiyo saanman siya magpunta sa imperyo. Halimbawa, hindi puwedeng igapos o bugbugin ang isang Romanong hindi pa nahahatulan, dahil sa mga alipin lang ito ginagawa.—Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang study note sa Gaw 16:37; 25:11.

Nagbayad ako . . . para magkaroon ng mga karapatang ito bilang mamamayan: O “Nagbayad ako . . . para sa pagkamamamayang ito.” Gaya ng ipinapakita ng ulat na ito, posibleng bilhin ang pagkamamamayang Romano sa ilang kaso. Pero sinabi ni Pablo kay Claudio Lisias na ipinanganak siyang Romano, na nagpapakitang nakakuha ng pagkamamamayang Romano ang isa sa mga lalaking ninuno ni Pablo. May iba pang paraan para maging mamamayang Romano. Puwedeng ibigay ng emperador ang isang klase ng pagkamamamayang ito sa isang indibidwal o sa lahat ng malayang tao sa isang lunsod o distrito. Puwedeng magkaroon nito ang isang alipin matapos niyang bilhin ang kalayaan niya o matapos siyang palayain ng isang mamamayang Romano. Puwede ring mabigyan nito ang isang di-Romano at retiradong miyembro ng hukbong Romano. At puwede ring mamana ang pagkamamamayang ito. Malamang na kaunti lang ang mamamayang Romano na nakatira sa Judea noong unang siglo C.E. Noong ikatlong siglo C.E. lang binigyan ng pagkamamamayang Romano ang lahat ng nasa mga lalawigang sakop ng Roma.

Media

Si Saul at ang Damasco
Si Saul at ang Damasco

Malamang na ito ang hitsura ng lunsod ng Damasco noong unang siglo C.E. Sentro ito ng kalakalan, at dahil sa tubig na makukuha sa Ilog Barada (Abana sa 2Ha 5:12) na malapit dito, naging gaya ng oasis ang palibot ng lunsod. Maraming sinagoga sa Damasco. Nagpunta si Saul sa lunsod na iyon para arestuhin ang “sinumang mahanap niya na kabilang sa Daan,” isang ekspresyong tumutukoy sa mga tagasunod ni Jesus. (Gaw 9:2; 19:9, 23; 22:4; 24:22) Pero sa daan papuntang Damasco, nagpakita ang niluwalhating si Jesus kay Saul. Pagkatapos nito, nanatili si Saul nang ilang panahon sa Damasco sa bahay ng lalaking nagngangalang Hudas, na nasa lansangang tinatawag na Tuwid. (Gaw 9:11) Sa isang pangitain, inutusan ni Jesus ang alagad na si Ananias na magpunta sa bahay ni Hudas para ibalik ang paningin ni Saul. Pagkatapos, nabautismuhan si Saul. Kaya sa halip na arestuhin ang mga Judiong Kristiyano, naging isa pa si Saul sa kanila. Nagsimula siyang mangaral ng mabuting balita sa mga sinagoga sa Damasco. Pagkatapos magpunta ni Saul sa Arabia at bumalik sa Damasco, umuwi siya sa Jerusalem, malamang noong mga 36 C.E.—Gaw 9:1-6, 19-22; Gal 1:16, 17.

A. Damasco

1. Daan papuntang Jerusalem

2. Lansangang tinatawag na Tuwid

3. Pamilihan

4. Templo ni Jupiter

5. Teatro

6. Teatro Para sa Musika (?)

B. Jerusalem

Pagkamamamayang Romano
Pagkamamamayang Romano

Makikita rito ang isa sa dalawang bahagi ng bronseng dokumento na inilabas noong 79 C.E. Mababasa sa dokumentong ito na iginagawad ang pagkamamamayang Romano sa isang mandaragat na malapit nang magretiro, sa asawa niya, at sa kanilang anak. Ang dalawang bahagi nito ay pinagsama at tinatakan. May ilan na mamamayang Romano na pagkasilang pa lang, pero ang iba ay ginagawaran lang nito. (Tingnan ang study note sa Gaw 22:28.) Sa anumang paraan nakuha ng isang tao ang pagkamamamayang Romano, napakahalaga ng mga dokumentong ito, dahil magagamit niya itong patunay ng pagkamamamayan niya para makakuha ng mga benepisyo. Pero may binabanggit si Pablo na pagkamamamayang di-hamak na nakahihigit, “ang pagkamamamayan . . . sa langit.”—Fil 3:20.

Ang Sanedrin
Ang Sanedrin

Binubuo ng 71 miyembro ang mataas na hukuman ng mga Judio na tinatawag na Dakilang Sanedrin. Ito ay nasa Jerusalem. (Tingnan sa Glosari, “Sanedrin.”) Ayon sa Mishnah, ang mga upuan ay nakaayos nang pakurba at may tatlong hilera na hagdan-hagdan, at may dalawang eskriba sa mga pagdinig para isulat ang hatol ng korte. Ang ilang bahagi ng korte na makikita rito ay batay sa istrakturang natagpuan sa Jerusalem na sinasabi ng ilan na ang Pulungan ng Sanggunian noong unang siglo.—Tingnan ang Apendise B12, mapa na “Jerusalem at ang Palibot Nito.”

1. Mataas na saserdote

2. Mga miyembro ng Sanedrin

3. Nasasakdal

4. Mga eskriba