Mga Gawa ng mga Apostol 26:1-32

26  Sinabi ni Agripa+ kay Pablo: “Puwede ka nang magsalita.” Kaya iniunat ni Pablo ang kamay niya at sinimulang ipagtanggol ang kaniyang sarili:  “May kinalaman sa lahat ng ipinaparatang sa akin ng mga Judio,+ Haring Agripa, ikinalulugod kong gawin ang pagtatanggol ko sa araw na ito sa harap mo.  Alam kong eksperto ka sa lahat ng kaugalian pati sa mga usapin sa gitna ng mga Judio. Kaya pakisuyo, maging matiyaga ka sana sa pakikinig sa akin.  “Ang totoo, alam na alam ng mga Judio kung paano ako namuhay sa aking bayan* at sa Jerusalem mula pa sa pagkabata ko.+  Alam ng lahat ng nakakakilala sa akin, kung gusto nilang patotohanan ito, na namuhay akong isang Pariseo+ ayon sa pinakamahigpit na turo ng aming relihiyon.+  Pero ngayon, nakatayo ako para hatulan dahil naniniwala ako sa pangako ng Diyos sa ating mga ninuno;+  ito rin ang pangakong inaasam na matupad ng ating 12 tribo kaya sila puspusan sa paglilingkod sa kaniya araw at gabi. Dahil sa pangakong ito, inaakusahan ako ng mga Judio,+ O hari.  “Bakit hindi kapani-paniwala para sa inyo* na binubuhay-muli* ng Diyos ang mga patay?  Ako mismo ay kumbinsido noon na dapat kong gawin ang lahat ng magagawa ko laban sa pangalan ni Jesus na Nazareno. 10  Iyan mismo ang ginawa ko sa Jerusalem, at marami sa mga alagad* ang ipinabilanggo ko+ dahil may awtoridad ako mula sa mga punong saserdote;+ at bumoboto ako pabor sa pagpatay sa kanila. 11  Kadalasan, pinaparusahan ko sila sa lahat ng sinagoga para talikuran nila ang kanilang pananampalataya; at dahil sukdulan ang galit ko sa kanila, pinag-usig ko maging ang mga alagad sa malalayong lunsod. 12  “Habang abalang-abala ako sa paggawa nito, naglakbay ako papuntang Damasco na may awtoridad at atas mula sa mga punong saserdote. 13  Pero nang katanghaliang-tapat, O hari, isang liwanag mula sa langit na mas maningning pa sa araw ang suminag sa akin at sa mga kasama ko sa paglalakbay.+ 14  At nang mabuwal kaming lahat, sinabi sa akin ng isang tinig sa wikang Hebreo: ‘Saul, Saul, bakit mo ako inuusig? Ikaw rin ang nahihirapan dahil sinisipa mo ang mga tungkod na panggabay.’ 15  Pero sinabi ko: ‘Sino ka, Panginoon?’ Sinabi ng Panginoon: ‘Ako si Jesus, ang inuusig mo. 16  Pero tumayo ka. Nagpakita ako sa iyo dahil pinipili kita bilang lingkod at bilang saksi ng mga bagay na nakita mo at makikita pa lang tungkol sa akin.+ 17  At ililigtas kita mula sa bayang ito at mula sa mga bansa, kung saan kita isusugo+ 18  para idilat ang mga mata+ nila, para palayain sila mula sa kadiliman+ tungo sa liwanag+ at mula sa awtoridad ni Satanas+ tungo sa Diyos, at sa gayon ay mapatawad ang mga kasalanan+ nila at tumanggap sila ng mana kasama ng mga pinabanal dahil sa pananampalataya nila sa akin.’ 19  “Kaya, Haring Agripa, hindi ko sinuway ang pangitain mula sa langit, 20  kundi dinala ko ang mensahe, una ay sa mga nasa Damasco,+ pagkatapos ay sa Jerusalem,+ sa buong Judea, pati sa ibang mga bansa, na dapat silang magsisi at manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng mga gawang nagpapatunay sa kanilang pagsisisi.+ 21  Dahil diyan, sinunggaban ako ng mga Judio sa templo at tinangka akong patayin.+ 22  Pero dahil sa tulong ng Diyos, patuloy akong nakapagpapatotoo hanggang sa araw na ito sa nakabababa at nakatataas, na walang ibang sinasabi kundi ang mga ipinahayag ng mga propeta at ni Moises na mangyayari+ 23  na magdurusa ang Kristo+ at dahil siya ang unang bubuhaying muli mula sa* mga patay,+ ihahayag niya sa bayang ito at sa ibang mga bansa ang tungkol sa liwanag.”+ 24  Habang sinasabi ito ni Pablo bilang pagtatanggol, sumigaw si Festo: “Baliw ka na, Pablo! Nababaliw ka na dahil sa dami ng alam mo!” 25  Pero sinabi ni Pablo: “Hindi ako nababaliw, Inyong Kamahalang Festo. Matino ang isip ko at nagsasabi lang ako ng totoo. 26  Siguradong alam na alam ito ng hari na malaya kong kinakausap ngayon; kumbinsido ako na walang nakakalampas sa pansin niya, dahil ang mga bagay na ito ay hindi nangyari sa isang sulok.+ 27  Naniniwala ka ba sa sinasabi ng mga propeta, Haring Agripa? Alam kong naniniwala ka.” 28  Sinabi ni Agripa kay Pablo: “Sa maikling panahon lang, mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” 29  Kaya sinabi ni Pablo: “Hinihiling ko sa Diyos, sa maikli man o mahabang panahon, na ikaw pati na ang lahat ng nakikinig sa akin ngayon ay maging mga taong gaya ko rin, maliban sa mga gapos na ito.” 30  At tumayo ang hari, gayundin ang gobernador, si Bernice, at ang mga lalaking kasama nila. 31  Habang papaalis sila, sinasabi nila sa isa’t isa: “Ang taong ito ay walang ginawang anuman na nararapat sa kamatayan o pagkabilanggo.”+ 32  Sinabi pa ni Agripa kay Festo: “Napalaya na sana ang taong ito kung hindi siya umapela kay Cesar.”+

Talababa

O “bansa.”
Lit., “ibinabangon.”
Lit., “Bakit ninyo hinahatulan na hindi kapani-paniwala.”
Lit., “banal.”
Lit., “unang lalabas mula sa pagkabuhay-muli ng.”

Study Notes

sekta: Ang salitang Griego na isinalin ditong “sekta” ay haiʹre·sis (kung saan nanggaling ang salitang Ingles na “heresy”). Lumilitaw na orihinal itong nangangahulugang “pagpili.” Ganiyan ang pagkakagamit ng Septuagint sa salitang ito sa Lev 22:18, kung saan binanggit na maghahandog ang mga Israelita ng “anumang mapili nilang ihandog.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan naman, ang terminong ito ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na may naiibang mga paniniwala o doktrina. Tinatawag na sekta ang dalawang pangunahing grupo ng Judaismo—ang mga Pariseo at Saduceo. (Gaw 5:17; 15:5; 26:5) Tinatawag ng mga di-Kristiyano ang Kristiyanismo na “sekta” o “sekta ng mga Nazareno” dahil posibleng iniisip nilang humiwalay lang ito sa Judaismo. (Gaw 24:5, 14; 28:22) Ang salitang Griego na haiʹre·sis ay ginamit din para tumukoy sa mga grupong nabuo sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Idiniin ni Jesus na magkakaisa ang mga tagasunod niya at ipinanalangin niya ito. (Ju 17:21) Nagsikap din ang mga apostol na mapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano. (1Co 1:10; Jud 17-19) Kung maggugrupo-grupo ang mga miyembro ng kongregasyon, masisira ang pagkakaisa nila. Kaya kapag ginagamit ang salitang Griego na haiʹre·sis para sa ganitong mga grupo, negatibo ang kahulugan nito. Tumutukoy ito sa mga grupong nakakasira ng pagkakaisa o sa mga sekta. Kapag hindi nagkakaisa sa paniniwala ang mga tao, puwedeng magkaroon ng matitinding pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, at pag-aaway pa nga. (Ihambing ang Gaw 23:7-10.) Kaya dapat talagang iwasan ang pagbuo ng mga sekta at ituring itong isa sa “mga gawa ng laman.”​—Gal 5:19-21; 1Co 11:19; 2Pe 2:1.

turo ng aming relihiyon: O “sekta ng aming relihiyon.”—Tingnan ang study note sa Gaw 24:5.

paglilingkod sa kaniya: O “pag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod.” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay pangunahin nang tumutukoy sa paglilingkod. Sa Bibliya, karaniwan nang tumutukoy ito sa paglilingkod sa Diyos o sa paglilingkod na may kaugnayan sa pagsamba sa kaniya (Mat 4:10; Luc 2:37; 4:8; Gaw 7:7; Ro 1:9; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3), gaya ng paglilingkod sa templo (Heb 8:5; 9:9; 10:2; 13:10). Kaya sa ilang konteksto, puwede ring isalin ang ekspresyong ito na “sumamba.” Sa ilang pagkakataon naman, iniugnay ito sa huwad na pagsamba—paglilingkod, o pagsamba, sa mga nilalang. (Gaw 7:42; Ro 1:25) Sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J14-17 sa Ap. C4), ang mababasa ay “paglilingkod (pagsamba) kay Jehova.”

Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.

Nazareno: Tumutukoy ito noong una kay Jesus at nang maglaon ay sa mga tagasunod niya. (Gaw 24:5) Dahil maraming Judio noon ang may pangalang Jesus, karaniwang may idinadagdag sa pangalang ito para malaman kung sino ang tinutukoy; nakasanayan na noong panahon ng Bibliya na idugtong sa pangalan ng tao ang lugar na pinagmulan niya. (2Sa 3:2, 3; 17:27; 23:25-39; Na 1:1; Gaw 13:1; 21:29) Sa bayan ng Nazaret lumaki si Jesus, kaya natural lang na gamitin ang terminong ito para tukuyin siya. Madalas tukuyin si Jesus na “Nazareno” ng iba’t ibang indibidwal sa iba’t ibang pagkakataon. (Mar 1:23, 24; 10:46, 47; 14:66-69; 16:5, 6; Luc 24:13-19; Ju 18:1-7) Ginamit ito mismo ni Jesus para sa sarili niya. (Ju 18:5-8; Gaw 22:6-8) Isinulat ni Pilato sa pahirapang tulos ni Jesus ang pananalitang ito sa wikang Hebreo, Latin, at Griego: “Si Jesus na Nazareno, ang Hari ng mga Judio.” (Ju 19:19, 20) Mula noong Pentecostes 33 C.E., si Jesus ay madalas nang tawagin ng mga apostol at ng iba bilang Nazareno o mula sa Nazaret.​—Gaw 2:22; 3:6; 4:10; 6:14; 10:38; 26:9; tingnan din ang study note sa Mat 2:23.

bumoboto ako: Lit., “naghahagis ako ng bato,” o ng bato na ginagamit sa pagboto. Ang salitang Griego na pseʹphos ay tumutukoy sa isang maliit na bato, gaya ng pagkakagamit dito sa Apo 2:17. Ang mga bato ay ginagamit sa korte sa pagbababa ng hatol o paghahayag ng opinyon kung inosente o may-sala ang isang akusado. Ang mga puting bato ay sumasagisag sa pagiging inosente, o walang-sala; ang mga itim na bato naman ay sa pagiging may-sala.

wikang Hebreo: Tingnan ang study note sa Ju 5:2.

sinisipa mo ang mga tungkod na panggabay: Ang tungkod na panggabay ay may matulis na dulo at ginagamit para pakilusin ang isang hayop. (Huk 3:31) Ang ekspresyong “sipain ang tungkod na panggabay” ay isang kasabihan sa mga literaturang Griego. Inilalarawan nito ang ginagawa ng torong matigas ang ulo, na ayaw sumunod sa pag-akay ng tungkod kundi sumisipa rito kaya nasasaktan lang siya. Parang ganoon si Saul bago naging Kristiyano. Dahil inuusig niya ang mga tagasunod ni Jesus, na sinusuportahan ng Diyos na Jehova, inilalagay ni Pablo sa panganib ang sarili niya. (Ihambing ang Gaw 5:38, 39; 1Ti 1:13, 14.) Sa Ec 12:11, binanggit ang “tungkod na panggabay sa baka” sa makasagisag na diwa. Tumutukoy ito sa pananalita ng taong marunong na nag-uudyok sa tagapakinig na sundin ang payo niya.

Hebreo: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginamit ng mga manunulat ang terminong “Hebreo” para tumukoy sa wikang sinasalita ng mga Judio (Ju 19:13, 17, 20; Gaw 21:40; 22:2; Apo 9:11; 16:16) at sa wikang ginamit ng binuhay-muli at niluwalhating si Jesus sa pakikipag-usap kay Saul ng Tarso (Gaw 26:14, 15). Sa Gaw 6:1, may binanggit na “mga Judiong nagsasalita ng Hebreo” at “mga Judiong nagsasalita ng Griego.” Naniniwala ang ilang iskolar na ang terminong “Hebreo” sa mga ulat na ito ay dapat na isinaling “Aramaiko,” pero may makatuwirang dahilan para isiping ang terminong ito ay talagang tumutukoy sa wikang Hebreo. Halimbawa, nang sabihin ng doktor na si Lucas na kinausap ni Pablo ang mga taga-Jerusalem “sa wikang Hebreo,” ang mga kausap noon ni Pablo ay ang mga nagpapakadalubhasa sa Kautusan ni Moises sa wikang Hebreo. Isa pa, ang kalakhang bahagi ng napakaraming natagpuang piraso at manuskrito ng Dead Sea Scroll ay mababasa sa wikang Hebreo, bahagi man ito ng Kasulatan o ibang dokumento. Nagpapatunay ito na karaniwang wika noon ang Hebreo. May natagpuan ding mga piraso ng Dead Sea Scroll sa wikang Aramaiko, na nagpapakitang parehong ginagamit ang dalawang wikang ito. Kaya kapag ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya ang terminong “Hebreo,” imposibleng ang tinutukoy nila ay wikang Aramaiko o Siryano. (Gaw 21:40; 22:2; ihambing ang Gaw 26:14.) Makikita sa Hebreong Kasulatan na magkaiba ang “Aramaiko” at ang “wika ng mga Judio” (2Ha 18:26), at may kinalaman sa partikular na ulat na ito, makikita sa sinabi ng Judiong istoryador noong unang siglo na si Josephus na magkaiba ang “Aramaiko” at “Hebreo.” (Jewish Antiquities, X, 8 [i, 2]) Totoo na may mga termino sa Aramaiko at Hebreo na magkahawig, at posibleng may mga termino sa Hebreo na galing sa Aramaiko. Pero hindi pa rin makatuwirang isipin na kapag Hebreo ang sinabi ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang tinutukoy talaga nila ay Aramaiko.

magsisi: Ang salitang Griego ay puwedeng isaling “magbago ng isip” at nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Sa kontekstong ito, ang payo na “magsisi” ay kaugnay ng ekspresyong at manumbalik sa Diyos, kaya tumutukoy ito sa kaugnayan ng isa sa Diyos. Makikita sa gawa kung talagang nagsisisi ang isang tao. Sa ibang salita, makikita sa mga ikinikilos niya na talagang nagbago ang kaisipan o saloobin niya.—Tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8; Luc 3:8 at Glosari, “Pagsisisi.”

Ipakita muna ninyo na talagang nagsisisi kayo: Lit., “Magluwal kayo ng bungang angkop sa pagsisisi.” Ang “bungang angkop sa pagsisisi” ay tumutukoy sa mga patunay at mga gawa na nagpapakitang nagbago na ang kaisipan o saloobin ng mga nakikinig kay Juan.—Luc 3:8; Gaw 26:20; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”

Magsisi: Ang salitang Griego ay puwedeng isaling “magbago ng isip” at nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Sa kontekstong ito, gagawin ang ‘pagsisisi’ para magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Mat 3:8, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”

Ipakita muna ninyo na talagang nagsisisi kayo: Lit., “Magluwal kayo ng mga bungang angkop sa pagsisisi.” Ang pangmaramihang anyo ng salitang Griego para sa “bunga” (kar·posʹ) ay ginamit dito para tumukoy sa mga patunay at mga gawa na nagpapakitang nagbago na ang kaisipan o saloobin ng mga nakikinig kay Juan.​—Mat 3:8; Gaw 26:20; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”

Kristiyano: Tingnan ang study note sa Gaw 11:26.

Kristiyano: Ang terminong Griego na Khri·sti·a·nosʹ, na nangangahulugang “tagasunod ni Kristo,” ay tatlong beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Gaw 11:26; 26:28; 1Pe 4:16) Galing ito sa Khri·stosʹ, na nangangahulugang Kristo, o Pinahiran. Sinusunod ng mga Kristiyano ang mga turo at halimbawa ni Jesus, “ang Kristo,” o ang pinahiran ni Jehova. (Luc 2:26; 4:18) Sinimulang tawaging mga “Kristiyano” ang mga alagad “sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos” posibleng noong 44 C.E., kung kailan naganap ang mga pangyayaring nakaulat sa talatang ito. Lumilitaw na naging popular ang katawagang iyon, kaya noong humarap si Pablo kay Haring Herodes Agripa II noong mga 58 C.E., kilala na ni Agripa kung sino ang mga Kristiyano. (Gaw 26:28) Ipinahiwatig ng istoryador na si Tacitus na noong mga 64 C.E., ang terminong “Kristiyano” ay gamit na gamit na ng mga tao sa Roma. Isa pa, noong mga 62 hanggang 64 C.E., nang isulat ni Pedro ang unang liham niya sa mga Kristiyanong nakapangalat sa buong Imperyo ng Roma, lumilitaw na kilala na ng mga tao ang mga Kristiyano at ginagamit na nila ang katawagang ito. (1Pe 1:1, 2; 4:16) Dahil sa katawagang ito mula sa Diyos, ang mga alagad ni Jesus ay hindi na mapagkakamalang isang sekta ng Judaismo.

Cesar: O “Emperador.” Ang emperador ng Roma noong ministeryo ni Jesus ay si Tiberio, pero hindi lang tumutukoy ang termino sa namamahalang emperador. Puwede ring tumukoy ang “Cesar” sa awtoridad ng pamahalaang Romano, o sa Estado, at sa mga inatasang kinatawan nito, na tinatawag ni Pablo na “nakatataas na mga awtoridad” at tinatawag naman ni Pedro na “hari” at “gobernador.”—Ro 13:1-7; 1Pe 2:13-17; Tit 3:1; tingnan sa Glosari.

ni Cesar: O “ng Emperador.” Ang emperador ng Roma nang panahong ito ay si Claudio, na namahala noong 41 hanggang 54 C.E.​—Gaw 11:28; 18:2; tingnan ang study note sa Mat 22:17 at Glosari, “Cesar.”

kay Cesar: O “sa Emperador.” Ang emperador ng Roma nang panahong ito ay si Nero. Namahala siya noong 54 hanggang 68 C.E., kung kailan nagpakamatay siya noong mga 31 taóng gulang siya. Kapag binabanggit ang “Cesar” sa Gawa kabanata 25 hanggang 28, si Nero ang tinutukoy nito.—Tingnan ang study note sa Mat 22:17; Gaw 17:7 at Glosari, “Cesar.”

Media