Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 ARAL 22

Ang Himala sa Dagat na Pula

Ang Himala sa Dagat na Pula

Nang malaman ni Paraon na nakaalis na sa Ehipto ang mga Israelita, nagbago na naman ang isip niya. Inutusan niya ang kaniyang mga sundalo: ‘Ihanda ninyo ang lahat ng karong pandigma at habulin natin sila! Hindi natin sila dapat pinaalis.’ Hinabol nila ang mga Israelita.

Ginabayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng isang ulap kapag araw at apoy naman kapag gabi. Inakay niya sila sa Dagat na Pula, at pinagkampo doon.

Nakita ng mga Israelita na hinahabol sila ni Paraon at ng mga sundalo niya. Nasa harap nila ang dagat at nasa likod naman ang mga sundalong Ehipsiyo. Sinabi nila kay Moises: ‘Mamamatay tayo! Sana iniwan mo na lang kami sa Ehipto.’ Pero sinabi ni Moises: ‘Huwag kayong matakot. Ililigtas tayo ni Jehova. Maghintay lang tayo.’ Talagang nagtitiwala si Moises kay Jehova, ’di ba?

Sinabi ni Jehova sa mga Israelita na maghanda sila. Noong gabing iyon, inilagay ni Jehova ang ulap sa pagitan ng mga Ehipsiyo at ng mga Israelita. Madilim sa lugar ng mga Ehipsiyo, pero maliwanag sa lugar ng mga Israelita.

Sinabi ni Jehova kay Moises na itaas ang kamay nito sa ibabaw ng dagat. Sa utos ni Jehova, humihip ang isang napakalakas na hangin  buong gabi. Nahati ang dagat at nagkaroon ng daan sa gitna. Naglakad ang milyon-milyong Israelita sa tuyong lupa, sa pagitan ng mga pader na tubig hanggang sa makatawid sila.

Sinundan ng hukbo ni Paraon ang mga Israelita sa tuyong lupa. ’Tapos, nilito ni Jehova ang hukbo. Natanggal ang mga gulong ng mga karong pandigma nila. Sumigaw ang mga sundalo: ‘Umalis na tayo dito! Si Jehova ang nakikipaglaban para sa kanila.’

Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat.’ Biglang bumagsak sa hukbong Ehipsiyo ang mga pader na tubig. Namatay si Paraon pati na ang lahat ng sundalo niya. Walang nakaligtas sa kanila.

Sa kabilang panig ng dagat, umawit ang mga nakalaya para purihin ang Diyos: “Aawit ako kay Jehova, sapagkat siya ay lubhang naging dakila. Ang kabayo at ang sakay nito ay ibinulid niya sa dagat.” Kasabay ng mga nag-aawitan, ang mga babae ay nagsasayaw at nagpapatugtog ng tamburin. Masayang-masaya ang lahat kasi malaya na sila.

“Kaya lalakas ang loob natin at masasabi natin: ‘Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’”—Hebreo 13:6