Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 16

Sino si Job?

Sino si Job?

Sa lupain ng Uz, may isang lalaking sumasamba kay Jehova. Ang pangalan niya ay Job. Napakayaman niya at marami siyang anak. Mabait siya at matulungin sa mahihirap, mga babaeng namatayan ng asawa, at sa mga batang wala nang tatay at nanay. Maganda ang ginagawa ni Job, pero ibig bang sabihin, hindi na siya magkakaproblema?

Hindi alam ni Job na pinapanood siya ni Satanas na Diyablo. Sinabi ni Jehova kay Satanas: ‘Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad. Nakikinig siya sa akin at ginagawa niya ang tama.’ Sumagot si Satanas: ‘Siyempre susundin ka ni Job. Pinoprotektahan mo kasi siya. Binibigyan mo siya ng lupain at mga hayop. Subukan mong alisin ang lahat ng ’yan, at siguradong hindi ka na niya sasambahin.’ Sinabi ni Jehova: ‘Sige, subukin mo si Job. Pero huwag mo siyang papatayin.’ Bakit pumayag si Jehova na subukin ni Satanas si Job? Alam kasi ni Jehova na mananatiling tapat si Job.

Sinimulang subukin ni Satanas si Job. Una, nagpadala siya ng mga taong tinatawag na Sabeano para nakawin ang mga baka at asno ni Job. Pagkatapos, nasunog ang lahat ng tupa ni Job. Ninakaw naman ng mga Caldeo ang mga kamelyo niya. Pinatay ang mga tagapag-alaga ng hayop. Pero may mas matindi pa diyan. Habang ang mga anak ni Job ay nagkakainan sa isang bahay, nagiba ito at namatay silang lahat. Lungkot na lungkot si Job, pero hindi siya huminto sa pagsamba kay Jehova.

Gusto ni Satanas na lalo pang pahirapan si Job, kaya pinunô niya ng sugat ang buong katawan ni Job. Hiráp na hiráp si Job. Hindi niya alam kung bakit ito nangyayari sa kaniya. Pero sinamba pa rin niya si Jehova. Nakita itong lahat ng Diyos, kaya tuwang-tuwa siya kay Job.

Pagkatapos, nagpadala si Satanas ng tatlong lalaki para subukin pa si Job. Sinabi nila kay Job: ‘May ginawa kang kasalanan pero itinatago mo. Kaya pinaparusahan ka ng Diyos.’ Sinabi ni Job: ‘Wala akong ginagawang mali.’ Pero naisip niyang kay Jehova galing ang mga problema niya, at sinabi niyang hindi tama ang ginagawa ng Diyos sa kaniya.

Nakikinig sa usapan ang nakababatang si Elihu. Pagkatapos, nagsalita siya: ‘Mali kayong lahat. Hindi gano’n si Jehova. Hinding-hindi siya gagawa ng masama. Nakikita niya ang lahat at tumutulong siya kapag may problema ang mga tao.’

Pagkatapos, nakipag-usap si Jehova kay Job: ‘Nasaan ka noong gawin ko ang langit at ang lupa? Bakit mo nasabing hindi tama ang ginagawa ko? Nagsasalita ka nang walang kaalam-alam sa nangyayari.’ Inamin ni Job ang pagkakamali niya at sinabi: ‘Nagkamali ako. Nakilala ko lang kayo mula sa sinasabi ng ibang tao, pero ngayon, talagang kilala ko na po kayo. Walang imposible sa inyo. Patawad po.’

Nang matapos ang pagsubok, ibinalik ni Jehova ang kalusugan ni Job at binigyan pa siya ng mas marami kaysa sa dating mayroon siya. Nabuhay nang matagal at masaya si Job. Pinagpala ni Jehova si Job kasi sumunod si Job sa kaniya kahit mahirap ang nangyari sa kaniya. Gagayahin mo ba si Job at sasambahin si Jehova kahit ano’ng mangyari?

“Nalaman ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at kung paano siya pinagpala ni Jehova nang bandang huli.”—Santiago 5:11