Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 12

“Gagawin Ko Silang Iisang Bansa”

“Gagawin Ko Silang Iisang Bansa”

EZEKIEL 37:22

POKUS: Ang pangako ni Jehova na titipunin niya ang bayan niya; ang hula tungkol sa dalawang patpat

1, 2. (a) Bakit nag-alala ang mga ipinatapon? (b) Bakit sila magugulat? (c) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?

 SA ILALIM ng patnubay ng Diyos, maraming hula ang isinadula ni Ezekiel sa mga ipinatapon sa Babilonya. Ang unang hula na isinadula niya ay naglalaman ng mensahe ng paghatol, gayon din ang pangalawa at pangatlo at ang iba pang kasunod nito. (Ezek. 3:24-26; 4:1-7; 5:1; 12:3-6) Ang totoo, lahat ng hulang naisadula na niya ay tungkol sa matinding hatol sa mga Judio.

2 Kaya siguradong nag-alala ang mga ipinatapon nang pumuwesto ulit si Ezekiel sa harap nila para isadula ang isa pang hula. Baka naisip nila, ‘Ano na namang nakakatakot na mensahe ito?’ Pero siguradong magugulat sila dahil ibang-iba ang hulang isasadula ngayon ni Ezekiel. Hindi ito tungkol sa isang hatol; isa itong magandang pangako. (Ezek. 37:23) Anong mensahe ang ihahayag ni Ezekiel sa mga ipinatapon? Ano ang ibig sabihin nito? Ano ang epekto nito sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon? Alamin natin.

“Magiging Iisa Na Lang Sila sa Aking Kamay”

3. (a) Saan lumalarawan ang patpat “para kay Juda”? (b) Bakit masasabing ang “patpat ni Efraim” ay kumakatawan sa 10-tribong kaharian?

3 Inutusan ni Jehova si Ezekiel na kumuha ng dalawang patpat at isulat sa isa, “para kay Juda,” at sa isa pa, “para kay Jose, ang patpat ni Efraim.” (Basahin ang Ezekiel 37:15, 16.) Saan lumalarawan ang dalawang patpat? Ang patpat “para kay Juda” ay kumakatawan sa dalawang-tribong kaharian ng Juda at Benjamin. Ang mga hari sa angkan ni Juda ang namahala sa dalawang tribo; iniugnay rin sa kanila ang pagkasaserdote, dahil ang mga saserdote ay naglingkod sa templo sa Jerusalem. (2 Cro. 11:13, 14; 34:30) Kaya kabilang sa kaharian ng Juda ang mga hari sa linya ni David at ang mga saserdoteng Levita. Ang “patpat ni Efraim” naman ay kumakatawan sa 10-tribong kaharian ng Israel. Bakit natin nasabi iyan? Ang unang hari sa 10-tribong kaharian ay si Jeroboam, na mula sa tribo ni Efraim. Nang maglaon, ang Efraim ang naging pangunahing tribo sa Israel. (Deut. 33:17; 1 Hari 11:26) Pansinin na hindi kabilang sa 10-tribong kaharian ng Israel ang mga hari sa linya ni David o ang mga saserdoteng Levita.

4. Saan lumalarawan ang sumunod na ginawa ni Ezekiel sa dalawang patpat? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)

4 Iniutos din kay Ezekiel na pagdikitin ang dalawang patpat “para maging isang patpat.” Alalang-alala ang mga tapon habang pinapanood si Ezekiel. Tinanong nila siya: “Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang ibig sabihin ng mga ito?” Sinabi niya na ang isinadula niya ay lumalarawan sa gagawin ni Jehova. Tungkol sa dalawang patpat, sinabi ni Jehova: “Gagawin ko silang iisang patpat, at magiging iisa na lang sila sa aking kamay.”​—Ezek. 37:17-19.

5. Ano ang ibig sabihin ng isinadula ni Ezekiel? (Tingnan din ang kahong “Ang Pagdidikit sa Dalawang Patpat.”)

5 Pagkatapos, ipinaliwanag ni Jehova ang ibig sabihin ng pagdidikit sa dalawang patpat. (Basahin ang Ezekiel 37:21, 22.) Ang mga tapon mula sa 2-tribong kaharian ng Juda at ang mga tapon mula sa 10-tribong kaharian ng Israel (Efraim) ay dadalhin sa lupain ng Israel, kung saan sila magiging “iisang bansa.”​—Jer. 30:1-3; 31:2-9; 33:7.

6. Anong magkaugnay na hula ang nasa Ezekiel kabanata 37?

6 Talagang kahanga-hanga ang magkaugnay na hula sa Ezekiel kabanata 37! Si Jehova ay isang Diyos na kayang bumuhay (talata 1-14) at kayang pagkaisahin ang bayan niya (talata 15-28). Ang nakapagpapatibay na mensahe ng dalawang hulang ito ay: Puwedeng buhayin ang namatay, at puwede ring pagkaisahin ang mga nagkabaha-bahagi.

Paano Sila ‘Tinipon’ ni Jehova?

7. Paano pinatutunayan ng ulat sa 1 Cronica 9:2, 3 na “sa Diyos ay posible ang lahat ng bagay”?

7 Sa pananaw ng tao, parang imposibleng palayain at pagkaisahin ang mga ipinatapon. a Pero “sa Diyos ay posible ang lahat ng bagay.” (Mat. 19:26) Tinupad ni Jehova ang hula niya. Nakalaya ang mga bihag sa Babilonya noong 537 B.C.E. Pagkatapos, ang mga kabilang sa dalawang kaharian ay dumating sa Jerusalem para tumulong sa pagbabalik ng tunay na pagsamba. Pinatutunayan ito ng ulat: “Ang ilan sa mga inapo ni Juda, ni Benjamin, ni Efraim, at ni Manases ay tumira sa Jerusalem.” (1 Cro. 9:2, 3; Ezra 6:17) Gaya ng inihula ni Jehova, pinagdikit, o pinagkaisa, ang 10-tribong kaharian ng Israel at ang 2-tribong kaharian ng Juda.

8. (a) Ano ang inihula ni Isaias? (b) Ano ang dalawang mahalagang punto na makikita sa Ezekiel 37:21?

8 Mga 200 taon bago nito, inihula ni propeta Isaias kung ano ang mangyayari sa Israel at Juda pagkalaya nila. Inihula niya na titipunin ni Jehova ang “mga nangalat mula sa Israel” at ang “mga nangalat na taga-Juda” na “mula sa apat na sulok ng mundo,” pati na ang mga mula sa “Asirya.” (Isa. 11:12, 13, 16) At gaya nga ng inihula ni Jehova, kinuha niya ang “mga Israelita mula sa mga bansa.” (Ezek. 37:21) Pansinin ang dalawang mahalagang punto: Sa pagkakataong ito, hindi na tinawag ni Jehova na “Juda” at “Efraim” ang mga tapon, kundi “mga Israelita”—isang grupo. Bukod diyan, hindi sinabi na ang mga Israelita ay magmumula sa isang bansa, ang Babilonya, kundi sa iba’t ibang bansa—“mula sa lahat ng direksiyon.”

9. Paano tinulungan ni Jehova na magkaisa ang nakabalik na mga tapon?

9 Pagkabalik sa Israel ng mga tapon, paano sila tinulungan ni Jehova na magkaisa? Pinaglaanan niya sila ng espirituwal na mga pastol, gaya ni Zerubabel at ng Mataas na Saserdoteng si Josue at nina Ezra at Nehemias. Nag-atas din ang Diyos ng mga propetang gaya nina Hagai, Zacarias, at Malakias. Nagsikap nang husto ang tapat na mga lalaking ito para pasiglahin ang bayan na sundin ang mga tagubilin ng Diyos. (Neh. 8:2, 3) At para maingatan ang bansang Israel, hindi hinayaan ni Jehova na magtagumpay ang mga pakana ng mga kaaway nila.​—Es. 9:24, 25; Zac. 4:6.

Naglaan si Jehova ng espirituwal na mga pastol para tulungan ang bayan niya na magkaisa (Tingnan ang parapo 9)

10. Ano ang nagawa ni Satanas?

10 Sa kabila ng lahat ng paglalaan ni Jehova, hindi pa rin nanindigan sa dalisay na pagsamba ang karamihan sa mga Israelita. Ang mga ginawa nila ay nakaulat sa mga aklat ng Bibliya na isinulat pagbalik ng mga tapon. (Ezra 9:1-3; Neh. 13:1, 2, 15) Ang totoo, wala pang isang siglo mula nang bumalik ang mga Israelita, napakalayo na nila sa dalisay na pagsamba kaya hinimok sila ni Jehova: “Manumbalik kayo sa akin.” (Mal. 3:7) Noong nasa lupa si Jesus, ang Judaismo ay nababahagi na sa iba’t ibang sekta na pinangungunahan ng di-tapat na mga pastol. (Mat. 16:6; Mar. 7:5-8) Nahadlangan ni Satanas ang lubos na pagkakaisa nila. Pero siguradong matutupad pa rin ang hula ni Jehova tungkol sa pagkakaisa. Paano?

“Ang Lingkod Kong si David ang Magiging Hari Nila”

11. (a) Ano ang isiniwalat ni Jehova may kinalaman sa hula niya tungkol sa pagkakaisa? (b) Ano ang sinikap na namang gawin ni Satanas nang palayasin siya sa langit?

11 Basahin ang Ezekiel 37:24. Isiniwalat ni Jehova na matutupad lang nang lubusan ang hula niya tungkol sa pagkakaisa ng bayan niya kapag naghari na ang “lingkod [niyang] si David,” si Jesus, na nangyari noong 1914. b (2 Sam. 7:16; Luc. 1:32) Sa panahong iyon, ang bansang Israel ay napalitan na ng espirituwal na Israel, ang mga pinahiran. (Jer. 31:33; Gal. 3:29) Pero sinikap na naman ni Satanas, lalo na nang palayasin siya sa langit, na sirain ang pagkakaisa ng bayan ng Diyos. (Apoc. 12:7-10) Halimbawa, pagkamatay ni Brother Russell noong 1916, ginamit ni Satanas ang mga apostata para magkabaha-bahagi ang mga pinahiran. Pero di-nagtagal, iniwan ng mga apostata ang organisasyon. Nagawa rin ni Satanas na maipakulong ang mga brother na nangunguna noong panahong iyon, pero hindi rin nito napabagsak ang bayan ni Jehova. Nanatiling nagkakaisa ang pinahirang mga brother na naging tapat kay Jehova.

12. Bakit nabigo si Satanas na sirain ang pagkakaisa ng espirituwal na Israel?

12 Kaya di-gaya ng bansang Israel, napagtagumpayan ng espirituwal na Israel ang mga pakana ni Satanas. Bakit nabigo si Satanas? Dahil ginawa ng mga pinahiran ang buong makakaya nila para masunod ang mga pamantayan ni Jehova. Bilang resulta, pinoprotektahan sila ng kanilang Hari, si Jesu-Kristo, na patuloy na nagtatagumpay laban kay Satanas.​—Apoc. 6:2.

Pagkakaisahin ni Jehova ang mga Mananamba Niya

13. Anong mahalagang katotohanan ang itinuturo sa atin ng hula tungkol sa pagdidikit sa dalawang patpat?

13 Ano ang kahalagahan sa ngayon ng hula tungkol sa dalawang patpat? Tandaan na inilalarawan ng hula kung paano magkakaisa ang dalawang grupo. Higit sa lahat, idiniriin ng hula na si Jehova ang dahilan ng pagkakaisang ito. Kaya anong mahalagang katotohanan tungkol sa dalisay na pagsamba ang itinatampok ng hulang ito? Si Jehova mismo ang nasa likod ng ‘pagiging iisa’ ng mga mananamba niya.​—Ezek. 37:19.

14. Mula 1919, paano nagkaroon ng mas malaking katuparan ang hula tungkol sa pagdidikit sa mga patpat?

14 Mula 1919, matapos linisin sa espirituwal ang bayan ng Diyos at magsimula silang pumasok sa espirituwal na paraiso, nagsimula na ang mas malaking katuparan ng hula tungkol sa pagdidikit sa mga patpat. Nang panahong iyon, ang karamihan sa mga pinagkaisa ay may pag-asang maging mga hari at saserdote sa langit. (Apoc. 20:6) Ang mga pinahirang ito ay gaya ng patpat “para kay Juda”—kabilang sa bansang ito ang mga hari sa linya ni David at ang mga saserdoteng Levita. Pero sa paglipas ng panahon, parami nang paraming may makalupang pag-asa ang sumasama sa espirituwal na mga Judiong ito. Ang mga iyon ay gaya ng “patpat ni Efraim”—wala sa bansang ito ang mga hari sa linya ni David at ang mga saserdoteng Levita. Ang dalawang grupong ito ay naglilingkod nang nagkakaisa bilang bayan ni Jehova sa ilalim ng kanilang iisang Hari, si Jesu-Kristo.​—Ezek. 37:24.

“Sila ay Magiging Bayan Ko”

15. Paano natutupad ngayon ang mga hula sa Ezekiel 37:26, 27?

15 Ipinapahiwatig ng hula ni Ezekiel na marami ang mapapakilos na sumama sa mga pinahiran sa dalisay na pagsamba. Sinabi ni Jehova na “pararamihin” niya ang bayan niya at na ang kaniyang “tirahan,” o tolda, “ay mapapasaibabaw nila.” (Ezek. 37:26, 27; tlb.) Maaalaala natin dito ang hula ni apostol Juan mga 700 taon pagkamatay ni Ezekiel. Inihula niya na “ang Isa na nakaupo sa trono ay maglulukob ng tolda niya” sa “isang malaking pulutong.” (Apoc. 7:9, 15) Sa ngayon, ang mga pinahiran at ang malaking pulutong ay ligtas na naninirahan bilang isang bansa sa tolda ng Diyos.

16. Anong hula ang ibinigay ni Zacarias tungkol sa pagkakaisa ng espirituwal na Israel at ng mga may makalupang pag-asa?

16 Inihula rin ni Zacarias, isa sa bumalik na mga tapon, na magkakaisa ang espirituwal na mga Judio at ang mga may makalupang pag-asa. Sinabi niya na “10 lalaki mula sa . . . mga bansa” ang “hahawak . . . nang mahigpit sa damit ng isang Judio at magsasabi: ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil nabalitaan naming ang Diyos ay sumasainyo.’” (Zac. 8:23) Ang “isang Judio” ay hindi tumutukoy sa isang tao, kundi sa isang grupo ng mga tao, gaya ng ipinapakita ng pananalitang “sa inyo.” Sa ngayon, kumakatawan ito sa natitirang mga pinahiran, o sa espirituwal na mga Judio. (Roma 2:28, 29) Ang “10 lalaki” ay kumakatawan sa mga may makalupang pag-asa. ‘Humawak sila nang mahigpit’ sa mga pinahiran at “sumama” sa kanila. (Isa. 2:2, 3; Mat. 25:40) Idiniriin ng pananalitang ‘humawak nang mahigpit’ at “sumama sa inyo” ang lubos na pagkakaisa ng dalawang grupong ito.

17. Paano inilarawan ni Jesus ang pagkakaisa natin sa ngayon?

17 Posibleng ang hula ni Ezekiel ang nasa isip ni Jesus nang ilarawan niya ang kaniyang sarili bilang isang pastol na aakay sa mga tupa niya (ang mga pinahiran) at sa “ibang mga tupa” (ang mga may makalupang pag-asa) para maging “iisang kawan.” (Juan 10:16; Ezek. 34:23; 37:24, 25) Talagang angkop ang mga sinabi ni Jesus at ng mga propeta noon para ilarawan ang kamangha-manghang pagkakaisa natin sa ngayon, anuman ang pag-asa natin sa hinaharap! Ang huwad na relihiyon ay nababahagi sa napakaraming grupo, pero tayo ay patuloy na nagkakaisa.

Sa ngayon, ang mga pinahiran at ang “ibang mga tupa” ay nagkakaisang sumasamba kay Jehova bilang “iisang kawan” (Tingnan ang parapo 17)

“Ang Aking Santuwaryo ay Nasa Gitna . . . Nila Magpakailanman”

18. Gaya ng ipinapakita sa Ezekiel 37:28, bakit napakahalaga para sa bayan ng Diyos na maging ‘hindi bahagi ng sanlibutan’?

18 Tinitiyak ng huling mga salita sa hula ni Ezekiel na mananatili magpakailanman ang ating pagkakaisa. (Basahin ang Ezekiel 37:28.) Nagkakaisa ang bayan ni Jehova dahil ang kaniyang santuwaryo, o ang dalisay na pagsamba, ay “nasa gitna . . . nila.” At mananatili ito sa gitna nila kung patuloy silang magiging banal, o nakabukod sa sanlibutan ni Satanas. (1 Cor. 6:11; Apoc. 7:14) Idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng pagiging hindi bahagi ng sanlibutan. Noong gabi bago siya mamatay, taimtim niyang ipinanalangin ang mga alagad niya: “Amang Banal, bantayan mo sila . . . para sila ay maging isa . . . Hindi sila bahagi ng sanlibutan . . . Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan.” (Juan 17:11, 16, 17) Pansinin na pinag-ugnay ni Jesus ang pagiging “isa” at ang pagiging ‘hindi bahagi ng sanlibutan.’

19. (a) Paano natin maipapakita na ‘tinutularan natin ang Diyos’? (b) Noong gabi bago mamatay si Jesus, anong mahalagang katotohanan ang idiniin niya tungkol sa pagkakaisa?

19 Ito lang ang ulat kung saan tinawag ni Jesus ang Diyos bilang “Amang Banal.” Si Jehova ay talagang dalisay at matuwid. Iniutos niya sa sinaunang Israel: “Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.” (Lev. 11:45) Dahil ‘tinutularan natin ang Diyos,’ gusto nating sundin ang utos na iyan sa lahat ng paggawi natin. (Efe. 5:1; 1 Ped. 1:14, 15) Kapag tao ang tinutukoy, ang ibig sabihin ng “banal” ay “ibinukod.” Kaya idiniin ni Jesus noong gabi bago siya mamatay na patuloy na magkakaisa ang kaniyang mga alagad kung mananatili silang hiwalay sa sanlibutang ito at hindi sila magpapaimpluwensiya sa pagkakabaha-bahagi nito.

“Bantayan Mo Sila Dahil sa Isa na Masama”

20, 21. (a) Bakit lalo tayong nagtitiwala sa proteksiyon ni Jehova? (b) Ano ang determinado mong gawin?

20 Ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova na kitang-kita ngayon sa buong mundo ay nagpapatunay na sinagot ni Jehova ang panalangin ni Jesus: “Bantayan mo sila dahil sa isa na masama.” (Basahin ang Juan 17:14, 15.) Lalo tayong nagtitiwala sa proteksiyon ng Diyos kapag nakikita nating hindi kayang sirain ni Satanas ang pagkakaisa ng bayan ng Diyos. Sa hula ni Ezekiel, sinabi ni Jehova na ang dalawang patpat ay naging isa sa kaniyang kamay. Kaya makahimalang pinagkaisa ni Jehova ang bayan niya sa kaniyang kamay—ligtas mula kay Satanas.

21 Kaya ano ang dapat na maging determinasyon natin? Determinado tayong patuloy na magsikap para makatulong sa pagpapanatili ng ating pagkakaisa. Paano iyan magagawa ng bawat isa sa atin? Sa pamamagitan ng regular na pakikibahagi sa dalisay na pagsamba sa espirituwal na templo ni Jehova. Tatalakayin sa susunod na mga kabanata kung ano ang kasama sa pagsambang iyan.

a Mga dalawang siglo bago matanggap ni Ezekiel ang hulang ito, ipinatapon sa Asirya ang mga kabilang sa 10-tribong kaharian (ang “patpat ni Efraim”).​—2 Hari 17:23.

b Tinalakay nang detalyado ang hulang ito sa Kabanata 8.