Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KAHON 15A

Ang Magkapatid na Babaeng Bayaran

Ang Magkapatid na Babaeng Bayaran

Sa Ezekiel kabanata 23, mababasa natin ang pagtuligsa sa bayan ng Diyos dahil hindi sila naging tapat. Maraming pagkakatulad sa kabanata 16 ang kabanatang ito. Ginamit din dito ang ilustrasyon tungkol sa prostitusyon. Ang Jerusalem at Samaria ay magkapatid; ang Samaria ang nakatatanda. Ginaya ng nakababata ang nakatatanda sa pagiging babaeng bayaran, pero naging mas masahol pa siya rito sa kasamaan at imoralidad. Sa kabanata 23, pinangalanan ni Jehova ang magkapatid: si Ohola ang nakatatanda—lumalarawan sa Samaria, ang kabisera ng 10-tribong kaharian ng Israel; at si Oholiba ang nakababata—lumalarawan sa Jerusalem, ang kabisera ng Juda. aEzek. 23:1-4.

May pagkakatulad pa ang mga kabanatang ito. Masasabing ang mga ito ang pinakamahalaga: Ang mga babaeng bayaran ay asawa ni Jehova noong una, at nagtaksil sila sa kaniya. Isa pa, ang dalawang kabanata ay nagbibigay ng pag-asa. Hindi tuwirang binanggit sa kabanata 23 ang pag-asang iyan, pero may pagkakatulad ito sa kabanata 16 nang sabihin ni Jehova: “Wawakasan ko ang iyong kahalayan at prostitusyon.”​—Ezek. 16:16, 20, 21, 37, 38, 41, 42; 23:4, 11, 22, 23, 27, 37.

Lumalarawan Ba Sila sa Sangkakristiyanuhan?

Sinasabi noon sa mga publikasyon natin na sina Ohola at Oholiba ay mga tipikong paglalarawan ng Sangkakristiyanuhan, partikular na ng mga relihiyong Katoliko at Protestante. Pero may bumangong mga tanong matapos ang higit na pananalangin, pagbubulay-bulay, at pagsasaliksik. Masasabi bang naging asawa ni Jehova ang Sangkakristiyanuhan? Nakipagtipan ba sa kaniya si Jehova? Malinaw na hindi. Wala pa ang Sangkakristiyanuhan nang maging tagapamagitan si Jesus ng isang “bagong tipan” sa espirituwal na Israel; at ang Sangkakristiyanuhan ay hindi naging bahagi ng espirituwal na bansang ito na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano. (Jer. 31:31; Luc. 22:20) Matagal nang patay ang mga apostol nang umiral ang apostatang organisasyong ito noong ikaapat na siglo C.E. Binubuo ito ng mga “panirang-damo,” o huwad na mga Kristiyano, na binanggit ni Jesus sa hula niya tungkol sa trigo at sa panirang-damo.​—Mat. 13:24-30.

Ito pa ang kaibahan: Binigyan ni Jehova ng pag-asa ang di-tapat na Jerusalem at Samaria. (Ezek. 16:41, 42, 53-55) Pero walang ibinigay na pag-asa ang Bibliya sa Sangkakristiyanuhan at sa buong Babilonyang Dakila.

Kaya sina Ohola at Oholiba ay hindi mga tipikong paglalarawan ng Sangkakristiyanuhan. Pero may natutuhan tayo sa ulat na ito: ang tingin ni Jehova sa mga nagsasabing naglilingkod sila sa kaniya pero lumalapastangan naman sa kaniyang banal na pangalan at lumalabag sa pamantayan niya sa dalisay na pagsamba. Napakalaki ng kasalanan ng Sangkakristiyanuhan dahil sinasabi sa mga simbahan niya na kumakatawan sila sa Diyos na nasa Bibliya. Sinasabi rin nilang lider nila ang Anak ni Jehova na si Jesu-Kristo. Pero salungat naman ang ginagawa nila—itinuturo nila na si Jesus ay bahagi ng Trinidad at sinusuway nila ang utos ni Jesus na manatiling ‘hindi bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 15:19) Dahil sa pakikisangkot sa idolatriya at politika, pinatunayan ng Sangkakristiyanuhan na bahagi siya ng “maimpluwensiyang babaeng bayaran.” (Apoc. 17:1) Siguradong tatanggapin din niya ang hatol na ilalapat sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon!

a Makahulugan ang pangalan nila. Ang Ohola ay nangangahulugang “Ang Kaniyang Tolda [ng Pagsamba]”—malamang na ginamit ito dahil ang Israel ay nagtayo ng sariling mga sentro ng pagsamba imbes na pumunta sa templo ni Jehova sa Jerusalem. Ang Oholiba naman ay nangangahulugang “Ang Aking Tolda [ng Pagsamba] ay Nasa Kaniya.” Nasa Jerusalem ang bahay ng pagsamba ni Jehova.