Ayon kay Juan 15:1-27
Talababa
Study Notes
Ako ang tunay na punong ubas: Ang ginamit dito ni Jesus na metapora ay makikita rin sa Hebreong Kasulatan. Sa hula ni Isaias, ang “sambahayan ng Israel” ay tinawag na “ubasan ni Jehova ng mga hukbo.” (Isa 5:1-7) Tinawag din ni Jehova ang di-tapat na Israel na “mababang uri ng supang ng isang ligaw na punong ubas” at “nabubulok na punong ubas.” (Jer 2:21; Os 10:1, 2) Pero di-gaya ng taksil na bansang iyon, si Jesus ang “tunay na punong ubas” at ang Ama niya ang tagapagsaka. Pagkatapos ihalintulad ni Jesus ang mga alagad niya sa “mga sanga” ng punong ubas, pinayuhan niya sila na manatiling kaisa niya. Kung paanong ang literal na sanga ng ubas ay dapat na manatiling bahagi ng puno para hindi ito mamatay at patuloy itong mamunga, kailangan din ng mga alagad na manatiling kaisa ni Jesus para hindi sila mamatay sa espirituwal at patuloy silang mamunga. Ipinapakita rin ng ilustrasyon na kung paanong umaasa ang isang tagapagsaka na mamumunga ang punong ubas niya, inaasahan din ni Jehova na mamumunga sa espirituwal ang mga kaisa ni Kristo. Idinidiin ng ilustrasyong ito, hindi lang ang pagkakaisa ni Jesus at ng tunay na mga tagasunod niya, kundi pati ang pagkakaisa ng mga alagad niya at ng kaniyang Ama.—Ju 15:2-8.
nililinis: O “tinatabasan.” Ang salitang Griego dito na isinaling “nililinis” ay ang pandiwa ng salitang Griego na isinaling “malinis” sa Ju 15:3.
Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin: Ang terminong Griego para sa “alipin,” douʹlos, ay karaniwan nang tumutukoy sa isang indibidwal na pag-aari ng kapuwa niya. (Mat 8:9; 10:24, 25; 13:27) Pero puwede rin itong tumukoy sa nakaalay na mga lingkod ng Diyos at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, mga tao man (Gaw 2:18; 4:29; Ro 1:1; Gal 1:10) o anghel (Apo 19:10, kung saan ginamit ang synʹdou·los [aliping gaya mo]). Ginagamit din ito para sa mga taong alipin ng kasalanan (Ju 8:34; Ro 6:16-20) o kasiraan (2Pe 2:19). Nang ihandog ni Jesus ang perpektong buhay niya, ginamit niya ang halaga ng dugong iyon para bilhin ang buhay ng lahat ng sumusunod sa kaniya. Kaya hindi na pag-aari ng mga Kristiyano ang sarili nila; sila ay mga “alipin [na] ni Kristo.” (Efe 6:6; 1Co 6:19, 20; 7:23; Gal 3:13) Kahit tinawag ni Jesus na kaibigan ang mga apostol niya, mga alipin niya sila dahil tinubos niya sila mula sa kasalanan. May mga pagkakataon ding ginamit niya ang terminong “alipin” para tumukoy sa mga tagasunod niya.—Ju 15:20.
sanlibutan: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na koʹsmos ay tumutukoy sa mga tao na hindi lingkod ng Diyos, ang di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos. Si Juan lang ang manunulat ng Ebanghelyo na sumipi kay Jesus nang sabihin niyang ang mga tagasunod niya ay hindi . . . bahagi ng sanlibutan. Dalawang beses pang sinabi ni Jesus ang ekspresyong iyan sa huling panalangin niya kasama ang kaniyang tapat na mga apostol.—Ju 17:14, 16.
dahil sa pangalan ko: Sa Bibliya, ang terminong “pangalan” ay tumutukoy kung minsan sa mismong tao na nagtataglay nito, sa reputasyon niya, at sa lahat ng kinakatawan niya. (Tingnan ang study note sa Mat 6:9.) Ang pangalan ni Jesus ay kumakatawan din sa awtoridad at posisyong ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama. (Mat 28:18; Fil 2:9, 10; Heb 1:3, 4) Ipinapaliwanag dito ni Jesus kung bakit magiging laban ang sanlibutan sa mga tagasunod niya: dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa kaniya. Kung kilala nila ang Diyos, maiintindihan nila at kikilalanin kung ano ang kinakatawan ng pangalan ni Jesus. (Gaw 4:12) Kasama dito ang posisyon niya bilang ang Tagapamahala na hinirang ng Diyos, ang Hari ng mga hari, na dapat sundin ng lahat ng tao para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan.—Ju 17:3; Apo 19:11-16; ihambing ang Aw 2:7-12.
pangalan: Tumutukoy sa personal na pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na Hebreong katinig na יהוה (YHWH) at isinasaling “Jehova” sa Tagalog. Sa Bagong Sanlibutang Salin, ang pangalang ito ay lumilitaw nang 6,979 na beses sa Hebreong Kasulatan at 237 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Para sa impormasyon tungkol sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tingnan ang Ap. A5 at Ap. C.) Sa Bibliya, ang terminong “pangalan” ay tumutukoy kung minsan sa mismong indibidwal, sa reputasyon niya, at sa lahat ng sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili.—Ihambing ang Exo 34:5, 6; Apo 3:4, tlb.
sa kanilang Kautusan: Dito, tumutukoy ito sa buong Hebreong Kasulatan. Ang siniping bahagi ay mula sa Aw 35:19; 69:4. Pareho ang pagkakagamit ng “Kautusan” dito at sa Ju 10:34; 12:34.
katulong: Tingnan ang study note sa Ju 14:16.
ang isang iyon: Ang Griegong panghalip na e·keiʹnos ay nasa panlalaking kasarian at tumutukoy sa katulong, na nasa panlalaking kasarian din.—Tingnan ang study note sa Ju 16:13.
isang iyon: Ang “isang iyon,” “siya,” at “niya” sa talata 13 at 14 ay tumutukoy sa “katulong” sa Ju 16:7. Ginamit ni Jesus ang salitang “katulong” (na nasa kasariang panlalaki sa Griego) bilang personipikasyon para sa banal na espiritu, na isang puwersa, hindi persona, at walang kasarian sa Griego.—Tingnan ang study note sa Ju 14:16.
katulong: O “tagaaliw; tagapagpatibay; tagasuporta.” Ang salitang isinaling “katulong” (pa·raʹkle·tos) ay ginagamit sa Bibliya para tumukoy sa banal na espiritu (Ju 14:16, 26; 15:26; 16:7) at kay Jesus (1Ju 2:1). Puwede itong literal na isaling “isa na pinapalapit” para tumulong. Puwersa lang ang banal na espiritu at hindi isang persona. Kaya nang tukuyin ito ni Jesus bilang katulong na ‘nagtuturo,’ ‘nagpapatotoo,’ ‘nagbibigay ng nakakukumbinsing katibayan,’ ‘gumagabay,’ ‘nagsasalita,’ at ‘nakakarinig,’ (Ju 14:26; 15:26; 16:7-15), gumamit siya ng tayutay na tinatawag na personipikasyon, kung saan tinutukoy na parang may buhay ang isang bagay na walang buhay. Karaniwan sa Kasulatan ang paggamit ng personipikasyon. Halimbawa, ginamit ito para sa karunungan, kamatayan, kasalanan, at walang-kapantay na kabaitan. (Mat 11:19; Luc 7:35; Ro 5:14, 17, 21; 6:12; 7:8-11) Maliwanag na hindi persona ang mga bagay na iyan. Gayundin, madalas banggitin ang espiritu ng Diyos kasama ng walang-buhay na mga bagay at puwersa, na isa pang patunay na hindi ito persona. (Mat 3:11; Gaw 6:3, 5; 13:52; 2Co 6:4-8; Efe 5:18) Sinasabi ng ilan na dahil panlalaki ang Griegong panghalip na ginagamit para sa “katulong,” patunay iyon na ang banal na espiritu ay isang persona. (Ju 14:26) Pero sa Griegong gramatika, kailangan talagang gumamit ng panghalip na panlalaki kapag inilalarawan ang ginagawa ng “katulong,” dahil ang salitang ito ay nasa kasariang panlalaki. (Ju 16:7, 8, 13, 14) Sa kabilang banda, walang kasarian ang salitang Griego para sa “espiritu” (pneuʹma), kaya wala ring kasarian ang mga panghalip na ginagamit para dito.—Tingnan ang study note sa Ju 14:17.
mula sa simula: O “mula nang magsimula ako,” ibig sabihin, mula nang simulan ni Jesus ang ministeryo niya.
Media

Libo-libong taon nang nagtatanim ng punong ubas (Vitis vinifera) ang mga tao, at karaniwan ito sa lugar na kinalakhan ni Jesus. Kung may magagamit na mga kahoy, gumagawa ng tukod o bakod ang mga magsasaka para suportahan ang mga punong ubas. Kapag taglamig, pinuputol ng mga magsasaka ang bahagi ng puno na tumubo sa nakalipas na taon. Kapag may tumubo nang mga sanga sa tagsibol, pinuputol ng mga magsasaka ang mga sanga na walang bunga. (Ju 15:2) Makakatulong ito para dumami ang mas magagandang bunga ng punong ubas. Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang Ama sa isang tagapagsaka, ang sarili niya sa isang punong ubas, at ang mga alagad niya sa mga sanga. Kung paanong ang mga sanga ng isang literal na punong ubas ay sinusuportahan ng pinakapuno nito at tumatanggap ng sustansiya mula rito, magiging matatag at malusog din sa espirituwal ang mga alagad ni Jesus kung mananatili silang kaisa niya, “ang tunay na punong ubas.”—Ju 15:1, 5.