Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 16

“Markahan Mo sa Noo”

“Markahan Mo sa Noo”

EZEKIEL 9:4

POKUS: Ang pagmamarka sa mga tapat noong panahon ni Ezekiel para makaligtas sila at ang kahulugan nito sa panahon natin

1-3. (a) Bakit gulat na gulat si Ezekiel, at ano ang nalaman niya tungkol sa pagwasak sa Jerusalem? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?

 GULAT na gulat si Ezekiel! Nakakita siya ng pangitain tungkol sa kasuklam-suklam na ginagawa ng apostatang mga Judio sa templo sa Jerusalem. a Dinungisan nila ang sentro ng dalisay na pagsamba sa Israel. Pero hindi lang templo ang nadungisan. Napuno ng karahasan ang lupain ng Juda, at wala nang pag-asang magbago ang mga tao. Talagang nasaktan si Jehova sa ginagawa ng kaniyang piniling bayan kung kaya sinabi niya kay Ezekiel: “Sa galit ko ay kikilos ako.”​—Ezek. 8:17, 18.

2 Napakasakit para kay Ezekiel na ang Jerusalem at ang dati nitong sagradong templo ay wawasakin ni Jehova dahil sa galit. Malamang na naisip ni Ezekiel: ‘Paano na ang mga tapat na nasa lunsod? Makaliligtas ba sila? Kung oo, paano?’ Di-nagtagal, nalaman din ni Ezekiel ang sagot. Matapos niyang marinig ang matinding hatol sa Jerusalem, may narinig siyang isang malakas na boses na tinatawag ang mga maglalapat ng hatol ng Diyos. (Ezek. 9:1) Sa pagpapatuloy ng pangitain, napanatag ang propeta nang malaman niyang hindi lahat ay pupuksain—makaliligtas ang mga karapat-dapat!

3 Habang papalapit tayo sa wakas ng masamang sistemang ito, baka isipin din natin kung sino ang makaliligtas. Kaya talakayin natin ang sumusunod: (1) Ano ang sumunod na nakita ni Ezekiel sa pangitain? (2) Paano natupad ang pangitaing iyon sa panahon niya? (3) Ano ang kahulugan nito sa panahon natin?

“Tipunin ang mga Maglalapat ng Parusa”

4. Ano ang sumunod na nakita at narinig ni Ezekiel sa pangitain?

4 Ano ang sumunod na nakita at narinig ni Ezekiel sa pangitain? (Basahin ang Ezekiel 9:1-11.) Pitong lalaki ang dumating “mula sa mataas na pintuang-daan na nakaharap sa hilaga,” posibleng malapit sa lugar kung saan naroon ang simbolo ng pagseselos o kung saan iniiyakan ng mga babae ang diyos na si Tamuz. (Ezek. 8:3, 14) Pumasok ang mga lalaki sa maliit na looban ng templo at tumayo malapit sa tansong altar. Pero hindi sila nagpunta roon para maghandog. Hindi na tatanggap si Jehova ng handog mula sa templong iyon. Anim sa kanila ang may ‘hawak na sandatang pandurog.’ Pero naiiba ang ikapitong lalaki. Nakasuot siya ng lino, at hindi sandata ang dala niya kundi “tintero ng kalihim,” o gaya ng binanggit sa talababa, “lalagyan ng tinta ng eskriba.”

5, 6. Ano ang masasabi natin tungkol sa mga minarkahan? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)

5 Ano ang gagawin ng lalaking may tintero? Binigyan siya ni Jehova ng mabigat na atas: “Lumibot ka sa lunsod, sa Jerusalem, at markahan mo sa noo ang mga taong nagbubuntonghininga at dumaraing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa sa lunsod.” Posibleng naalaala ni Ezekiel ang tapat na mga Israelita na naglagay ng dugo sa itaas na bahagi ng pasukan ng bahay nila at sa mga poste ng pinto bilang tanda na hindi papatayin ang mga panganay na anak nila. (Ex. 12:7, 22, 23) Sa pangitain ni Ezekiel, iyan din ba ang ibig sabihin ng paglalagay ng marka sa noo—isang tanda na maliligtas sa pagkawasak ng Jerusalem ang taong minarkahan?

6 Magiging malinaw ang sagot kapag sinuri natin ang batayan ng paglalagay ng marka. Ilalagay iyon sa noo ng mga “nagbubuntonghininga at dumaraing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa sa lunsod.” Ano ang masasabi natin tungkol sa mga minarkahan? Lungkot na lungkot sila sa idolatriyang isinasagawa sa templo, pati na sa karahasan, imoralidad, at iba pang kasamaang laganap sa Jerusalem. (Ezek. 22:9-12) Isa pa, malamang na hindi nila itinago ang nadarama nila. Tiyak na nakita sa sinabi at ginawa ng mga matuwid ang puso na talagang kinasusuklaman nila ang nangyayari sa lupain at na naninindigan sila sa dalisay na pagsamba. Dahil maawain si Jehova, ililigtas niya ang mga karapat-dapat na ito.

7, 8. Paano isasagawa ng mga lalaking may sandatang pandurog ang atas nila, at ano ang nangyari sa pagtatapos ng pangitain?

7 Pero paano isasagawa ng anim na lalaking may sandatang pandurog ang atas nila? Narinig ni Ezekiel ang utos sa kanila ni Jehova: Sundan ang lalaking may tintero at patayin ang lahat maliban sa mga may marka sa noo. “Magsimula kayo sa santuwaryo ko,” ang sabi ni Jehova. (Ezek. 9:6) Magsisimula sila sa mismong templo, na hindi na sagrado para kay Jehova. Una nilang papatayin ang “matatandang lalaki na nasa harap ng bahay”—ang 70 matatandang lalaki ng Israel na nasa templo at naghahandog ng insenso sa huwad na mga diyos.​—Ezek. 8:11, 12; 9:6.

8 Ano ang nangyari sa pagtatapos ng pangitain? Habang nagpapatuloy ang pangitain, nakita ni Ezekiel na sinabi ng lalaking may tintero kay Jehova: “Nagawa ko na ang iniutos mo.” (Ezek. 9:11) Maiisip natin: ‘Ano ang nangyari sa mga taga-Jerusalem? May mga tapat bang nakaligtas?’

Paano Natupad ang Pangitain Noong Panahon ni Ezekiel?

9, 10. Sino ang ilan sa mga tapat na nakaligtas sa pagwasak sa Jerusalem, at ano ang masasabi natin tungkol sa kanila?

9 Basahin ang 2 Cronica 36:17-20. Natupad ang hula ni Ezekiel noong 607 B.C.E. nang wasakin ng hukbo ng Babilonya ang Jerusalem at ang templo nito. Gaya ng “kopa sa kamay ni Jehova,” ginamit niya ang mga Babilonyo para ipainom sa di-tapat na Jerusalem ang galit niya. (Jer. 51:7) Pinatay ba ang lahat? Hindi. Inihula sa pangitain ni Ezekiel na may ilang makaliligtas.​—Gen. 18:22-33; 2 Ped. 2:9.

10 Nakaligtas ang ilang tapat na indibidwal, kasama na ang mga Recabita, ang Etiope na si Ebed-melec, ang propetang si Jeremias, at ang kalihim nitong si Baruc. (Jer. 35:1-19; 39:15-18; 45:1-5) Batay sa pangitain ni Ezekiel, masasabi nating sila ay “nagbubuntonghininga at dumaraing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na bagay” na ginagawa sa Jerusalem. (Ezek. 9:4) Bago ang pagkawasak, malamang na ipinakita nilang kinasusuklaman nila ang kasamaan at naninindigan sila sa dalisay na pagsamba. Dahil dito, puwede silang makaligtas.

11. Kanino lumalarawan ang anim na lalaking may sandatang pandurog at ang lalaking may tintero ng kalihim?

11 Literal bang minarkahan ang mga tapat na iyon? Walang ulat na talagang lumibot sa Jerusalem si Ezekiel o ang sinumang propeta para maglagay ng marka sa noo ng mga tapat. Kaya lumilitaw na ang isinisiwalat sa pangitain ni Ezekiel ay ang ginagawa ng mga anghel, at hindi ito nakikita ng mga tao. Ang lalaking may tintero ng kalihim at ang anim na lalaking may sandatang pandurog ay lumalarawan sa tapat na espiritung mga nilalang, na laging nakahandang gawin ang kalooban ni Jehova. (Awit 103:20, 21) Tiyak na ginamit ni Jehova ang mga anghel para pangasiwaan ang paglalapat ng hatol sa di-tapat na mga taga-Jerusalem. Tiniyak ng mga anghel na walang tapat na madadamay sa pagkapuksa, na para bang naglagay sila ng marka sa noo ng mga ililigtas.

Ano ang Kahulugan ng Pangitain ni Ezekiel sa Panahon Natin?

12, 13. (a) Bakit ibinuhos ni Jehova ang galit niya sa Jerusalem, at bakit dapat nating asahan na ganiyan din ang gagawin niya sa panahon natin? (b) Ang Sangkakristiyanuhan ba ay ang antitipiko ng di-tapat na Jerusalem? Ipaliwanag. (Tingnan ang kahong “Ang Sangkakristiyanuhan Ba ay ang Antitipiko ng Jerusalem?”)

12 Di-magtatagal, makikita natin ang paghatol ng Diyos na hindi gaya ng anumang paghatol noon—ang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo hanggang sa ngayon at hindi na mangyayari pang muli.” (Mat. 24:21) Habang hinihintay natin ang kapana-panabik na pangyayaring iyan, bumabangon ang ilang mahahalagang tanong: Pipiliin ba ang mga pupuksain? “Mamarkahan” ba ang tunay na mga mananamba ni Jehova? Sa ibang salita, may katuparan ba sa panahon natin ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa lalaking may tintero? Ang sagot sa tatlong tanong ay oo. Bakit natin nasabi iyan? Para malaman ang sagot, balikan natin ang pangitain ni Ezekiel.

13 Natatandaan mo ba kung bakit ibinuhos ni Jehova ang galit niya sa sinaunang Jerusalem? Tingnan natin ulit ang Ezekiel 9:8, 9. (Basahin.) Nang matakot si Ezekiel dahil baka mapuksa sa nalalapit na pagkawasak ang “lahat ng natira sa Israel,” sinabi ni Jehova ang apat na dahilan kung bakit siya maglalapat ng hatol. Una, “napakalaki ng kasalanan” ng bayan. b Ikalawa, ‘dumanak ang dugo’ sa lupain ng Juda. Ikatlo, “punô ng kasamaan” ang Jerusalem, ang kabisera ng kaharian ng Juda. Ikaapat, iniisip ng bayan na “walang nakikita” si Jehova kaya puwede silang gumawa ng masama. Hindi ba ipinapahiwatig ng mga sinabi ni Jehova na hinahatulan din niya ang makasalanan, marahas, napakasama, at walang-pananampalatayang mga tao sa ngayon? Dahil ‘hindi nag-iiba o nagbabago’ si Jehova, tiyak na ang ikinagalit niya noong panahon ni Ezekiel ay ikagagalit din niya sa panahon natin. (Sant. 1:17; Mal. 3:6) Kaya siguradong may gagawin din sa panahon natin ang anim na lalaking may sandatang pandurog at ang lalaking may tintero!

Malapit nang kumilos ang anim na lalaking may sandatang pandurog (Tingnan ang parapo 12, 13)

14, 15. Anong mga halimbawa ang nagpapakitang nagbibigay muna ng babala si Jehova bago pumuksa?

14 Pero paano natutupad sa panahon natin ang pangitain ni Ezekiel? Kung susuriin natin kung paano natupad noon ang pangitain, malalaman natin kung ano ang aasahan natin ngayon at sa hinaharap. Talakayin natin ang ilang bahagi ng hula ni Ezekiel na natupad na o matutupad pa lang.

15 Nagbibigay muna si Jehova ng babala bago pumuksa. Gaya ng nakita natin sa Kabanata 11, inatasan ni Jehova si Ezekiel bilang “bantay sa sambahayan ng Israel.” (Ezek. 3:17-19) Mula 613 B.C.E., nagbigay si Ezekiel ng malinaw na babala sa Israel tungkol sa darating na pagkawasak ng Jerusalem. Nagbabala rin tungkol dito ang ibang propeta, kasama na sina Isaias at Jeremias. (Isa. 39:6, 7; Jer. 25:8, 9, 11) Sa pamamagitan ni Kristo, ginagamit ni Jehova sa ngayon ang isang maliit na grupo ng mga pinahiran para pakainin sa espirituwal ang tunay na mga mananamba, o ang mga lingkod ng sambahayan, at para babalaan ang iba tungkol sa nalalapit na malaking kapighatian.​—Mat. 24:45.

16. Bilang bayan ni Jehova, minamarkahan ba natin ang mga makaliligtas? Ipaliwanag.

16 Hindi minamarkahan ng bayan ni Jehova ang mga makaliligtas. Alalahanin na hindi inutusan si Ezekiel na maglibot sa Jerusalem para magmarka. Hindi rin inatasan ang bayan ni Jehova sa ngayon na markahan ang nararapat maligtas. Sa halip, bilang mga lingkod ng sambahayan ni Kristo, ang atas natin ay mangaral. Ipinapakita nating sineseryoso natin ang atas na iyan kung masigasig tayong nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at nagbababala tungkol sa nalalapit na wakas ng masamang sanlibutang ito. (Mat. 24:14; 28:18-20) Sa ganitong paraan, natutulungan natin ang mga tapat-puso na tanggapin ang dalisay na pagsamba.​—1 Tim. 4:16.

17. Ano ang dapat gawin ng mga tao ngayon para mamarkahan sila?

17 Para makaligtas ang mga tao sa nalalapit na pagkapuksa, dapat nilang ipakita ngayon ang pananampalataya nila. Gaya ng nabanggit na, bago pa mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ipinakita na ng mga nakaligtas na kinasusuklaman nila ang kasamaan at naninindigan sila sa dalisay na pagsamba. Ganiyan din sa ngayon. Bago ang pagpuksa, ang mga indibidwal ay dapat na “nagbubuntonghininga at dumaraing,” o lungkot na lungkot, dahil sa kasamaan sa mundong ito. At sa halip na itago ang nadarama nila, dapat nilang ipakita sa sinasabi at ginagawa nila na naninindigan sila sa dalisay na pagsamba. Paano? Dapat silang tumugon nang positibo sa pangangaral sa ngayon, patuloy na magsuot ng tulad-Kristong personalidad, magpabautismo bilang simbolo ng pag-aalay kay Jehova, at patuloy na sumuporta sa mga kapatid ni Kristo. (Ezek. 9:4; Mat. 25:34-40; Efe. 4:22-24; 1 Ped. 3:21) Ang mga tao lang na gumagawa nito ngayon, na mapatutunayang tapat kapag nagsimula ang malaking kapighatian, ang mamarkahan para makaligtas.

18. (a) Paano at kailan mamarkahan ni Jesu-Kristo ang mga karapat-dapat? (b) Kailangan bang markahan ang tapat na mga pinahiran? Ipaliwanag.

18 Si Jesus ang magmamarka sa mga karapat-dapat. Noong panahon ni Ezekiel, may papel ang mga anghel sa pagmamarka. Sa panahon natin, ang lalaking may tintero ng kalihim ay kumakatawan kay Jesu-Kristo kapag ‘dumating na siya na may malaking awtoridad’ bilang Hukom ng lahat ng bansa. (Mat. 25:31-33) Mangyayari ito sa malaking kapighatian, matapos puksain ang huwad na relihiyon. c Sa panahong iyon, bago magsimula ang Armagedon, hahatulan ni Jesus ang mga tao bilang tupa o kambing. Ang mga kasama sa “malaking pulutong” ay hahatulan, o mamarkahan, bilang tupa, na nagpapakitang sila ay “tatanggap ng buhay na walang hanggan.” (Apoc. 7:9-14; Mat. 25:34-40, 46) Kumusta naman ang tapat na mga pinahiran? Hindi sila kailangang markahan para makaligtas sa Armagedon. Sa halip, mangyayari ang pangwakas na pagtatatak sa kanila bago sila mamatay o bago mag-umpisa ang malaking kapighatian. Pagkatapos, bago magsimula ang Armagedon, bubuhayin sila tungo sa langit.​—Apoc. 7:1-3.

19. Sino ang mga kasama ni Jesus sa paglalapat ng hatol sa sistemang ito? (Tingnan ang kahong “Pagbubuntonghininga at Pagdaing, Pagmamarka, Pagdurog​—Kailan at Paano?”)

19 Ilalapat ng makalangit na Haring si Jesu-Kristo at ng kaniyang mga hukbo sa langit ang hatol sa sistemang ito. Sa pangitain ni Ezekiel, nagsimula lang sa pagwasak ang anim na lalaking may sandatang pandurog nang matapos na sa pagmamarka ang lalaking nakasuot ng lino. (Ezek. 9:4-7) Sa katulad na paraan, magsisimula lang ang nalalapit na pagpuksa kapag nahatulan na ni Jesus ang mga tao sa lahat ng bansa at namarkahan na ang mga tupa. Pagkatapos, sa digmaan ng Armagedon, pangungunahan ni Jesus ang makalangit na mga hukbo—ang mga anghel at ang 144,000 kasama niyang tagapamahala—sa pagsalakay sa masamang sanlibutang ito. Lubusan nila itong wawasakin at ililigtas nila ang tunay na mga mananamba para makatawid sa bagong sanlibutan.​—Apoc. 16:14-16; 19:11-21.

20. Anong mga aral ang nakuha natin sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa lalaking may tintero ng kalihim?

20 Talagang ipinagpapasalamat natin ang mga aral na nakuha natin sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa lalaking may tintero ng kalihim! Makapagtitiwala tayong hindi pupuksain ni Jehova ang matuwid kasama ng masama. (Awit 97:10) Alam na natin ang dapat nating gawin ngayon para mamarkahan tayo at makaligtas. Bilang mga mananamba ni Jehova, determinado tayong gawin ang lahat ng magagawa natin sa paghahayag ng mabuting balita at pagbababala sa mga nagbubuntonghininga at dumaraing dahil sa masamang sanlibutan ni Satanas. Pribilehiyo nating tulungan ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan” na sumama sa atin sa dalisay na pagsamba para mamarkahan sila at makatawid sa bagong sanlibutan ng Diyos.​—Gawa 13:48.

a Tinalakay sa Kabanata 5 ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa sa templo.

b Ayon sa isang reperensiya, ang pangngalang Hebreo na isinaling “kasalanan” ay puwede ring mangahulugang “kasamaan.” Sinasabi ng isa pang reperensiya na ang pangngalang ito ay “isang terminong panrelihiyon na madalas gamitin para ipakita ang pagkakasala laban sa Diyos.”

c Lumilitaw na sa pagpuksa sa Babilonyang Dakila, hindi lahat ng miyembro ng huwad na relihiyon ay papatayin. Sa panahong iyon, baka iwanan pa nga ng ilang klerigo ang huwad na relihiyon at sabihing hindi sila naging bahagi nito.​—Zac. 13:3-6.