Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 4

Sino ang “Buháy na mga Nilalang na May Apat na Mukha”?

Sino ang “Buháy na mga Nilalang na May Apat na Mukha”?

EZEKIEL 1:15

POKUS: Ang buháy na mga nilalang at ang matututuhan natin sa kanila

1, 2. Bakit gumagamit si Jehova kung minsan ng mga visual aid kapag nagsisiwalat ng katotohanan sa mga lingkod niya sa lupa?

 ISIPIN ang isang pamilya na may maliliit na anak na nakaupo sa palibot ng mesa at nag-aaral ng Bibliya. Para tulungan ang mga bata na maunawaan ang isang katotohanan mula sa Bibliya, gumamit ang ama ng simpleng mga drowing. Makikita sa ngiti at masisiglang komento nila na epektibo ang paraan ng ama. Sa tulong ng mga larawan, natulungan niya ang kaniyang mga anak na maunawaan ang mga bagay tungkol kay Jehova na mahirap maintindihan sa edad nila.

2 Gumamit din si Jehova ng mga visual aid para tulungan ang mga tao na maunawaan ang mga bagay na hindi nila nakikita. Halimbawa, ipinakita ni Jehova kay Ezekiel ang isang pangitain na may kahanga-hangang mga paglalarawan para ipaliwanag ang malalalim na bagay tungkol sa Kaniya. Tinalakay natin sa naunang kabanata ang isa sa mga paglalarawang iyan. Ngayon, magpokus naman tayo sa isang bahagi ng pangitaing iyon at tingnan kung paano tayo matutulungan nito na mas mapalapít kay Jehova.

“May Nakita Akong . . . Gaya ng Apat na Buháy na Nilalang”

3. (a) Ayon sa Ezekiel 1:4, 5, ano ang nakita ni Ezekiel sa pangitain? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.) (b) Ano ang napansin mo sa paraan ng pag-uulat ni Ezekiel sa pangitaing ito?

3 Basahin ang Ezekiel 1:4, 5. Inilarawan ni Ezekiel ang “gaya ng apat na buháy na nilalang” na may pagkakahawig sa anghel, tao, at hayop. Pansinin na sinabi ni Ezekiel na ang nakita niya ay “gaya” ng buháy na mga nilalang. Kapag binasa mo ang buong pangitain sa Ezekiel kabanata 1, mapapansin mong paulit-ulit na ginamit ng propeta ang mga salitang “parang,” “gaya,” at “tulad.” (Ezek. 1:13, 24, 26) Malinaw na alam ni Ezekiel na ang nakita niya ay gaya lang, o paglalarawan, ng di-nakikitang mga bagay sa langit.

4. (a) Ano ang epekto ng pangitain kay Ezekiel? (b) Ano ang tiyak na alam ni Ezekiel tungkol sa mga kerubin?

4 Siguradong namangha si Ezekiel sa pangitaing nakita at narinig niya. Ang apat na buháy na nilalang ay parang “nagniningas na mga baga.” Simbilis sila ng “kidlat.” Ang pagaspas ng pakpak nila ay parang “rumaragasang tubig,” at kapag umaalis sila, “parang may ugong ng isang hukbo.” (Ezek. 1:13, 14, 24-28; tingnan ang kahong “Pinapanood Ko ang Buháy na mga Nilalang.”) Sa ibang pangitain, tinukoy ni Ezekiel ang apat na buháy na nilalang bilang “mga kerubin,” o makapangyarihang mga anghel. (Ezek. 10:2) Dahil lumaki si Ezekiel sa pamilya ng mga saserdote, tiyak na alam niya na ang mga kerubin ay naglilingkod sa Diyos at kadalasang nasa presensiya Niya.—1 Cro. 28:18; Awit 18:10.

“May Apat na Mukha . . . ang Bawat Isa”

5. (a) Bakit masasabing nailarawan ng mga kerubin at ng apat na mukha nila ang walang-kapantay na kapangyarihan at kaluwalhatian ni Jehova? (b) Bakit naaalaala natin sa bahaging ito ng pangitain ang kahulugan ng pangalan ng Diyos? (Tingnan ang talababa.)

5 Basahin ang Ezekiel 1:6, 10. Sinabi rin ni Ezekiel na ang bawat kerubin ay may apat na mukha—mukha ng tao, leon, toro, at agila. Malamang na naidiin nito sa kaniya na walang kapantay ang kapangyarihan at kaluwalhatian ni Jehova. Bakit natin nasabi iyan? Kapansin-pansin na ito ay mga mukha ng nilalang na lumalarawan sa karingalan, kapangyarihan, at lakas. Maringal na hayop ang leon, kahanga-hanga ang toro, malakas na ibon ang agila, at ang tao—ang obra maestra ng Diyos sa lupa—ang namamahala sa lahat ng iba pang nilalang dito. (Awit 8:4-6) Pero sa pangitaing ito, nakita ni Ezekiel na ang apat na makapangyarihang nilalang, na inilalarawan ng apat na mukha ng bawat kerubin, ay nasa ilalim ng trono ni Jehova, ang Kataas-taasan sa lahat. Isa ngang angkop na paglalarawan para ipakita na kayang gamitin ni Jehova ang mga nilalang niya para gawin ang kalooban niya! a Oo, gaya ng sinabi ng salmista tungkol kay Jehova, “Naghahari siya sa lahat.”—Awit 103:19; 148:13.

Ano ang matututuhan natin mula sa apat na buháy na nilalang at sa apat na mukha nila tungkol sa kapangyarihan, kaluwalhatian, at mga katangian ni Jehova? (Tingnan ang parapo 5, 13)

6. Ano ang malamang na nakatulong kay Ezekiel para maunawaan kung ano pa ang inilalarawan ng apat na mukha?

6 Pagkalipas ng ilang panahon, posibleng naalaala ni Ezekiel na ang naunang mga lingkod ng Diyos ay gumamit ng mga hayop sa paghahalintulad. Halimbawa, inihalintulad ng patriyarkang si Jacob ang anak niyang si Juda sa isang leon at si Benjamin naman sa isang lobo. (Gen. 49:9, 27) Bakit? Dahil ang leon at lobo ay lumalarawan sa mga katangiang magiging litaw na litaw sa mga lalaking ito. Batay sa mga halimbawang ito sa ulat ni Moises, posibleng naisip ni Ezekiel na ang mga mukha ng mga kerubin ay lumalarawan din sa magagandang katangian. Ano-ano iyon?

Mga Katangian ni Jehova at ng Pamilya Niya sa Langit

7, 8. Anong mga katangian ang madalas na iniuugnay sa apat na mukha ng mga kerubin?

7 Bago pa ang panahon ni Ezekiel, anong mga katangian ang iniuugnay ng mga manunulat ng Bibliya sa leon, agila, at toro? Pansinin ang mga pananalitang ito: “Ang matapang na lalaki na ang puso ay gaya ng puso ng leon.” (2 Sam. 17:10; Kaw. 28:1) “Lumilipad paitaas ang agila,” at “nakatingin sa malayo ang mga mata nito.” (Job 39:27, 29) “Nagiging sagana ang ani dahil sa lakas ng toro.” (Kaw. 14:4) Batay sa mga ito at gaya ng madalas banggitin sa ating mga publikasyon, ang mukha ng leon ay lumalarawan sa tapang sa pagsasagawa ng katarungan; ang mukha ng agila, sa karunungan na malayo ang nakikita; at ang mukha ng toro, sa malakas na kapangyarihan.

8 Pero kumusta naman ang “mukha ng tao”? (Ezek. 10:14) Siguradong ang tinutukoy nito ay isang katangian na hindi makikita sa hayop kundi sa tao, na nilalang ayon sa larawan ng Diyos. (Gen. 1:27) Ang katangiang ito, na sa lupa ay makikita lang sa mga tao, ay itinatampok sa mga utos ng Diyos: “Dapat ninyong ibigin ang Diyos ninyong si Jehova nang inyong buong puso” at “dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Deut. 6:5; Lev. 19:18) Kapag sinusunod natin ang mga ito at nagpapakita tayo ng di-makasariling pag-ibig, natutularan natin ang pag-ibig ni Jehova. Gaya ng isinulat ni apostol Juan, “umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:8, 19) Kaya ang “mukha ng tao” ay lumalarawan sa pag-ibig.

9. Sino ang nagtataglay ng mga katangiang inilalarawan ng mga mukha ng mga kerubin?

9 Sino ang nagtataglay ng mga katangiang ito? Dahil mga mukha ito ng mga kerubin, ang mga katangiang ito ay taglay ng lahat ng inilalarawan ng mga kerubin sa pangitain—ang pamilya ni Jehova ng tapat na mga anghel sa langit. (Apoc. 5:11) At dahil si Jehova ang Bukal ng buhay ng mga kerubin, siya rin ang Bukal, o pinagmulan, ng mga katangian nila. (Awit 36:9) Kaya ang mga mukha ng mga kerubin ay lumalarawan din sa mga katangian ni Jehova. (Job 37:23; Awit 99:4; Kaw. 2:6; Mik. 7:18) Paano ipinakita ni Jehova ang magagandang katangiang ito?

10, 11. Sa ano-anong paraan tayo nakikinabang sa pagpapakita ni Jehova ng apat na pangunahing katangian niya?

10 Katarungan. Dahil “iniibig ni Jehova ang katarungan,” siya ay “hindi nagtatangi.” (Awit 37:28; Deut. 10:17) Kaya anuman ang ating katayuan sa lipunan o pinagmulan, tayong lahat ay puwedeng maging lingkod niya, manatiling lingkod niya, at tumanggap ng walang-hanggang pagpapala. Karunungan. Dahil “marunong” si Jehova, naglaan siya ng isang aklat na punô ng “karunungan.” (Job 9:4; Kaw. 2:7) Tumutulong sa atin ang mga payo sa Bibliya na maharap ang mga problema sa araw-araw at magkaroon ng maligayang buhay. Kapangyarihan. Dahil “napakamakapangyarihan” ni Jehova, ginagamit niya ang kaniyang banal na espiritu para bigyan tayo ng “lakas na higit sa karaniwan.” Tumutulong ito sa atin na makayanan ang mahihirap na pagsubok.—Na. 1:3; 2 Cor. 4:7; Awit 46:1.

11 Pag-ibig. Dahil si Jehova ay “sagana sa tapat na pag-ibig,” hinding-hindi niya iiwan ang tapat na mga mananamba niya. (Awit 103:8; 2 Sam. 22:26) Kaya kahit nalulungkot tayo na limitado na ang paglilingkod natin dahil sa sakit o pagtanda, napapatibay pa rin tayo dahil alam nating natatandaan ni Jehova ang mga ginawa natin noon dahil sa pag-ibig natin sa kaniya. (Heb. 6:10) Oo, nakikinabang na tayo nang lubos sa pagpapakita ni Jehova ng katarungan, karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig, at patuloy pa tayong makikinabang sa apat na pangunahing katangiang ito sa hinaharap.

12. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa kakayahan nating maunawaan ang mga katangian ni Jehova?

12 Siyempre pa, dapat nating tandaan na bilang mga tao, ang kaya lang nating maunawaan sa mga katangian ni Jehova ay “gilid lang . . . ng kaniyang mga daan.” (Job 26:14) “Hindi natin kayang unawain ang lahat ng bagay tungkol sa Makapangyarihan-sa-Lahat,” dahil “hindi maaabot ng isip ang kadakilaan niya.” (Job 37:23; Awit 145:3) Alam natin na ang mga katangian ni Jehova ay hindi kayang bilangin o paghiwa-hiwalayin. (Awit 139:17, 18; basahin ang Roma 11:33, 34.) Isinisiwalat mismo sa pangitain ni Ezekiel ang katotohanang ito. Anong bahagi ng pangitain ang nagpapatunay rito?

“Apat na Mukha . . . Apat na Pakpak . . . Apat na Tagiliran”

13, 14. Saan kumakatawan ang apat na mukha ng mga kerubin, at bakit natin nasabi iyan?

13 Nakita ni Ezekiel na hindi lang isa kundi apat ang mukha ng bawat kerubin. Ano ang ipinapahiwatig nito? Tandaan na madalas gamitin sa Salita ng Diyos ang bilang na apat para ilarawan ang pagiging kumpleto, na sinasaklaw ang lahat. (Isa. 11:12; Mat. 24:31; Apoc. 7:1) Kapansin-pansin na sa pangitaing ito, 11 beses binanggit ni Ezekiel ang bilang na apat! (Ezek. 1:5-18) Ano ang matututuhan natin dito? Kung paanong ang apat na kerubin ay kumakatawan sa lahat ng tapat na espiritung nilalang, ang apat na mukha ng mga kerubin, kapag tiningnan sa kabuoan, ay kumakatawan din sa lahat ng katangian ni Jehova. b

14 Para maunawaan kung bakit ang apat na mukha ng mga kerubin ay hindi lang tumutukoy sa apat na katangian, kuning halimbawa ang apat na gulong sa pangitain. Kahanga-hanga ang bawat gulong, pero kapag tiningnan ang mga ito nang sama-sama, hindi lang ito basta apat na kahanga-hangang gulong—napakahalagang bahagi ito ng karo. Sa katulad na paraan, ang apat na mukha sa kabuoan ay hindi lang basta apat na magagandang katangian—ang mga ito ang pinakabatayan ng kamangha-manghang personalidad ni Jehova.

Malapít si Jehova sa Lahat ng Tapat na Lingkod Niya

15. Anong nakapagpapatibay na katotohanan ang natutuhan ni Ezekiel sa unang pangitain niya?

15 Sa unang pangitaing ito, natutuhan ni Ezekiel ang isang mahalaga at nakapagpapatibay na katotohanan tungkol sa kaugnayan niya kay Jehova. Ano iyon? Mababasa iyan sa pasimula ng aklat niya. Matapos sabihin ni Ezekiel na siya ay nasa “lupain ng mga Caldeo,” sinabi niya patungkol sa sarili niya: “Doon, sumakaniya ang kapangyarihan ni Jehova.” (Ezek. 1:3) Pansinin na sa sinabi ni Ezekiel, hindi niya sa Jerusalem nakita ang pangitain, kundi doon—sa Babilonya. c Ano ang natutuhan dito ni Ezekiel? Na kahit isa siyang hamak na tapon na inilayo sa Jerusalem at sa templo nito, hindi naman siya nailayo kay Jehova at sa pagsamba sa Kaniya. Dahil ipinadama ni Jehova kay Ezekiel na naroon din Siya sa Babilonya, ipinapakita nito na ang pagsamba sa Diyos sa dalisay na paraan ay hindi nakadepende sa lugar o kalagayan. Nakadepende ito sa saloobin ni Ezekiel at sa kagustuhan niyang maglingkod kay Jehova.

16. (a) Ano ang tinitiyak sa atin ng pangitain ni Ezekiel? (b) Ano ang nagpapakilos sa iyo na paglingkuran si Jehova nang buong puso?

16 Bakit nakapagpapatibay sa atin ang natutuhan ni Ezekiel? Tinitiyak nito na kapag buong puso nating pinaglilingkuran si Jehova, nananatili siyang malapít sa atin nasaan man tayo, gaano man katindi ang pagdurusa natin, o anuman ang maging kalagayan natin sa buhay. (Awit 25:14; Gawa 17:27) Dahil sa kaniyang tapat na pag-ibig para sa bawat lingkod niya, hindi siya agad sumusuko sa pagtulong sa atin. (Ex. 34:6) Kaya lagi nating madarama ang tapat na pag-ibig ni Jehova. (Awit 100:5; Roma 8:35-39) Ipinapaalaala rin ng pangitaing ito tungkol sa kabanalan at walang-kapantay na kapangyarihan ni Jehova na karapat-dapat siya sa ating pagsamba. (Apoc. 4:9-11) Talagang nagpapasalamat tayo na gumamit si Jehova ng ganitong mga pangitain para maunawaan natin ang ilang mahahalagang katotohanan tungkol sa kaniya at sa mga katangian niya! Habang mas nauunawaan natin ang mga katangian ni Jehova, mas napapalapít tayo sa kaniya at napapakilos tayong purihin siya at paglingkuran nang ating buong puso at lakas.—Luc. 10:27.

Laging ipinadarama ni Jehova ang tapat na pag-ibig niya para sa atin (Tingnan ang parapo 16)

17. Anong mga tanong ang sasagutin natin sa susunod na mga kabanata?

17 Pero nakalulungkot, nadungisan ang dalisay na pagsamba noong panahon ni Ezekiel. Paano nangyari iyon? Ano ang ginawa ni Jehova? At ano ang matututuhan natin sa mga pangyayaring iyon? Sasagutin ang mga tanong na iyan sa susunod na mga kabanata.

a Sa paglalarawan ni Ezekiel sa mga nilalang na ito, naaalaala natin ang pangalan ng Diyos na Jehova, na alam nating nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Isinisiwalat ng isang aspekto ng pangalang iyan na kayang pangyarihin ni Jehova na ang kaniyang nilalang ay maging anuman na kinakailangan para matupad ang layunin niya.—Tingnan ang Apendise A4 ng Bagong Sanlibutang Salin.

b Sa nakalipas na mga taon, tinalakay sa ating mga publikasyon ang mga 50 katangian ni Jehova.—Tingnan ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova, sa paksang “Diyos na Jehova,” sa ilalim ng “Katangian ni Jehova.”

c Sa iisang salitang “doon,” ang sabi ng isang komentarista sa Bibliya, “eksaktong naitawid ang matinding pagkamangha. . . . Naroon ang Diyos sa Babilonya! Talagang nakapagpapatibay!”