Ayon kay Lucas 10:1-42
Talababa
Study Notes
Pagkatapos nito: Ang mga pangyayaring nakaulat sa Luc 10:1 hanggang 18:14 ay hindi nabanggit sa ibang Ebanghelyo. Pero ang ilang paksa sa mga kabanatang ito ay iniulat din ng ibang manunulat ng Ebanghelyo, at lumilitaw na ang mga ito ay may kaugnayan sa mas naunang mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus. Posibleng naganap ang mga pangyayari sa ulat ni Lucas pagkatapos ng Kapistahan ng mga Tabernakulo (o, Kubol) noong taglagas ng 32 C.E. (Tingnan ang Ap. A7.) Lumilitaw na noong mga panahong ito, nagpokus na si Jesus sa timog, sa Jerusalem at sa mga lugar sa palibot nito at sa mga distrito ng Judea at Perea. Doon siya nagpokus sa pangangaral noong huling anim na buwan ng ministeryo niya sa lupa.
70: Ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito ay “72,” at ito ang ginamit sa ilang salin ng Bibliya. Pero “70” ang makikita sa maraming luma at maaasahang manuskrito, gaya ng Codex Sinaiticus na mula noong ikaapat na siglo C.E. at Codex Alexandrinus at Codex Ephraemi Syri rescriptus, na parehong mula noong ikalimang siglo. Magkakaiba ang paliwanag ng mga iskolar ng Bibliya, pero ang maliit na pagkakaibang ito sa mga manuskrito ay wala namang epekto sa kabuoang mensahe. Magkakatugma ang sinasabi ng maraming sinaunang manuskrito at salin sa mahahalagang detalye, at pinapatunayan ng mga ito na talagang isinugo ni Jesus ang isang malaking grupo ng alagad nang dala-dalawa, o pares-pares, para mangaral.
70 iba pa: Lumilitaw na hindi kasama sa 70 alagad ang 12 apostol na nauna nang sinanay at isinugo.—Luc 9:1-6.
sandalyas: Lumilitaw na tumutukoy ito sa ekstrang pares ng sandalyas dahil sinabi ni Jesus na huwag silang magdala ng sandalyas. Karaniwan noon na magdala ng ekstrang sandalyas kapag mahaba ang paglalakbay, dahil posibleng mapudpod ang suwelas o mapigtas ang sintas ng suot nilang sandalyas. Noong nagbigay si Jesus ng katulad na tagubilin sa isang naunang pagkakataon, sinabi niya sa mga alagad na ‘isuot’ ang sandalyas nila. (Mar 6:8, 9) At gaya ng binabanggit sa Mat 10:9, 10, sinabi niya sa kanila na huwag “magdala” ng sandalyas, ibig sabihin, huwag na silang magdala ng ekstrang pares bukod pa sa suot nila.
batiin ang sinuman: O “yakapin ang sinuman bilang pagbati.” Sa ilang pagkakataon, ang salitang Griego na a·spaʹzo·mai (“batiin”) ay hindi lang basta pagsasabi ng “kumusta” o “magandang araw.” Posibleng kasama dito ang pagyakap at mahabang kuwentuhan kapag nagkikita ang magkakaibigan. Hindi naman sinasabi ni Jesus na magsuplado ang mga alagad niya. Sa halip, idinidiin lang niya na dapat umiwas ang mga alagad sa di-kinakailangang panggambala at sulitin nila ang oras nila sa ministeryo. Ganito rin ang iniutos noon ni propeta Eliseo sa tagapaglingkod niyang si Gehazi. (2Ha 4:29) Sa dalawang pagkakataong ito, parehong apurahan ang gawain, kaya walang oras na dapat sayangin.
kaibigan ng kapayapaan: Lit., “anak ng kapayapaan.” Isinulat ito sa Griego, pero ang pananalitang ito ay may kahawig na idyomang Hebreo na tumutukoy sa mapagpayapa o mapayapang tao. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa isang tao na gustong makipagkasundo sa Diyos at nakikinig sa “mabuting balita ng kapayapaan” at tumatanggap nito, kaya nagkakaroon siya ng mapayapang kaugnayan sa Diyos.—Gaw 10:36.
Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay: Sa isang naunang pagkakataon, nagbigay si Jesus ng katulad na tagubilin sa 12 apostol. (Mat 10:11; Mar 6:10; Luc 9:4) Dito, tinatagubilinan ni Jesus ang 70 mángangarál na kapag nakarating sila sa isang nayon at pinatuloy sa isang bahay, dapat silang manatili roon. Kung hindi sila magpapalipat-lipat ng bahay para maghanap ng matutuluyan na mas komportable, may mapaglilibangan, o may iba pang materyal na bagay, maipapakita nila na mas mahalaga sa kanila ang atas na mangaral kaysa sa mga ito.
mas magaan pa ang magiging parusa: Lumilitaw na gumamit dito si Jesus ng eksaherasyon at hindi ito dapat intindihin nang literal. (Ihambing ang ilang eksaherasyon na ginamit ni Jesus, gaya ng nasa Mat 5:18; Luc 16:17; 21:33.) Nang sabihin ni Jesus na “sa araw na iyon [Araw ng Paghuhukom], mas magaan pa ang magiging parusa sa Sodoma” (Mat 10:15; 11:22, 24; Luc 10:14), hindi sinasabi ni Jesus na ang mga taga-Sodoma ay naroon sa araw na iyon. (Ihambing ang Jud 7.) Malinaw na idinidiin lang niya kung gaano katigas ang ulo ng karamihan sa mga tao sa Corazin, Betsaida, at Capernaum. (Luc 10:13-15) Kapansin-pansin na nakilala ang sinaunang Sodoma sa sinapit nito kaya madalas itong banggitin may kaugnayan sa galit at hatol ng Diyos.—Deu 29:23; Isa 1:9; Pan 4:6.
Tiro at Sidon: Mga banyagang lunsod sa Fenicia, na nasa baybayin ng Mediteraneo.—Tingnan ang Ap. B10.
langit: Tingnan ang study note sa Mat 11:23.
Libingan: Tingnan ang study note sa Mat 11:23.
70: Tingnan ang study note sa Luc 10:1.
Nakikita ko nang nahulog si Satanas na tulad ng kidlat mula sa langit: Maliwanag na makahula ang pananalitang ito ni Jesus, na para bang nahulog na talaga si Satanas mula sa langit. Inilalarawan sa Apo 12:7-9 ang isang digmaan sa langit, at iniuugnay nito ang paghahagis kay Satanas sa pagtatatag ng Mesiyanikong Kaharian. Idinidiin dito ni Jesus na siguradong matatalo si Satanas at ang mga demonyo sa labanang iyon, dahil ang 70 alagad, na mga tao lang at di-perpekto, ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.—Luc 10:17.
mga ahas at mga alakdan: Sa kontekstong ito, ginamit ni Jesus ang mga nilalang na ito para tumukoy sa mapaminsalang mga bagay.—Ihambing ang Eze 2:6.
bata: Tingnan ang study note sa Mat 11:25.
Jehova: Sa Deu 6:5, na sinipi dito, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
puso . . . kaluluwa . . . lakas . . . pag-iisip: Dito, isang lalaking eksperto sa Kautusan ang sumipi sa Deu 6:5, kung saan ang orihinal na tekstong Hebreo ay gumamit ng tatlong termino—puso, kaluluwa, at lakas. Pero sa ulat ni Lucas, na isinulat sa Griego, apat na konsepto ang binanggit—puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip. Ang sinabi ng lalaki ay maliwanag na nagpapakita na noong panahon ni Jesus, tinatanggap ng mga tao na ang apat na konseptong ito sa Griego ang katumbas ng tatlong salitang Hebreo sa tekstong sinipi.—Para sa mas detalyadong paliwanag, tingnan ang study note sa Mar 12:30.
buong kaluluwa mo: O “buong pagkatao (buhay) mo.”—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
kapuwa: Tingnan ang study note sa Mat 22:39.
isang Samaritanong: Karaniwan nang mababa ang tingin ng mga Judio sa mga Samaritano at ayaw nilang makihalubilo sa mga ito. (Ju 4:9) Ginagamit pa nga ng ilang Judio ang terminong “Samaritano” para manlait o manghamak. (Ju 8:48) Isang rabbi ang sinipi sa Mishnah: “Ang kumakain ng tinapay ng Samaritano ay katulad ng kumakain ng karne ng baboy.” (Shebiith 8:10) Maraming Judio ang hindi naniniwala sa testimonya ng mga Samaritano o hindi tumatanggap ng serbisyo mula sa mga ito. Dahil alam ni Jesus na hinahamak ng karamihan sa mga Judio ang mga Samaritano, nagturo siya ng mahalagang aral gamit ang ilustrasyong ito, na nakilala bilang ang kuwento ng mabuting Samaritano.
binuhusan ng langis at alak ang mga sugat nito, at binendahan: Detalyadong iniulat ng doktor na si Lucas ang ilustrasyon ni Jesus. Inilarawan niya ang paraan ng paggamot sa sugat na karaniwan noong panahong iyon. Karaniwang ginagamit sa mga bahay noon ang langis at alak para gamutin ang mga sugat. Ginagamit ang langis kung minsan para palambutin ang sugat. (Ihambing ang Isa 1:6.) Ginagamit naman ang alak na panlinis ng sugat at pamatay ng baktirya. Sinabi rin ni Lucas na ang sugat ay binendahan, o tinalian, para hindi ito lumala.
bahay-tuluyan: Ang salitang Griego ay literal na nangangahulugang “isang lugar kung saan ang lahat ay tinatanggap o pinapatuloy.” Sa ganitong mga lugar tumutuloy ang mga naglalakbay kasama ang mga alaga nilang hayop. Inilalaan ng may-ari ng bahay-tuluyan ang pangunahing pangangailangan ng mga naglalakbay, at puwede siyang bayaran para alagaan ang sinuman o anumang ihahabilin sa kaniya.
Ang nagpakita ng awa sa kaniya: Posibleng nag-aalangan ang lalaking eksperto sa Kautusan na gamitin ang salitang “Samaritano.” Ito man ang kaso o hindi, naging maliwanag sa sagot niya at sa huling sinabi ni Jesus ang punto ng ilustrasyon: Ang tunay na kapuwa ay ang nagpapakita ng awa.
isang nayon: Lumilitaw na tumutukoy sa Betania, isang nayon sa timog-silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo na mga 3 km (2 mi) mula sa Jerusalem. (Tingnan ang study note sa Ju 11:18.) Dito nakatira sina Marta, Maria, at Lazaro. Kung paanong Capernaum ang pinakatirahan ni Jesus sa Galilea (Mar 2:1), Betania naman ang masasabing pinakatirahan niya sa Judea.
Marta: Si Marta lang ang binanggit na tumanggap kay Jesus sa bahay niya. Madalas na si Marta ang punong-abala (Luc 10:40; Ju 11:20), na nagpapakitang posibleng mas matanda siya kay Maria.—Luc 10:39.
Iilang bagay lang ang kailangan o kahit isa lang: Ang mababasa lang sa ilang sinaunang manuskrito ay “Pero iisa lang ang kailangan.” At ganiyan ang mababasa sa ilang salin ng Bibliya. Pero makikita sa maaasahang mga manuskrito ang pananalitang ginamit sa saling ito. May pagkakaiba man, hindi naman nagbago ang pinakadiwa ng payo ni Jesus: Dapat unahin ang espirituwal na mga bagay. Pagkatapos, pinuri ni Jesus si Maria dahil pinili niya “ang mabuting bahagi” nang unahin niya ang espirituwal na mga bagay.
mabuting bahagi: O “pinakamabuting bahagi.” Sa Septuagint, ang salitang Griego na me·risʹ, isinalin ditong “bahagi,” ay ginagamit para tumukoy sa bahagi, o parte, sa pagkain (Gen 43:34; Deu 18:8) at sa espirituwal na “bahagi” o “mana” (Aw 16:5; 119:57). Kasama sa “mabuting bahagi” na tinanggap ni Maria ang espirituwal na pagkain mula sa Anak ng Diyos.
Media

Karaniwan nang sa gabi naghahanap ng mabibiktima ang mga lobo (Canis lupus) sa Israel. (Hab 1:8) Ang mga lobo ay mabangis, matakaw, matapang, at sugapa, dahil madalas na mas marami pa ang pinapatay nilang tupa kaysa sa kaya nilang kainin o tangayin. Sa Bibliya, ang mga hayop at ang mga katangian at ginagawa ng mga ito ay madalas na ginagamit para lumarawan sa magaganda at pangit na mga katangian. Halimbawa, sa hula ni Jacob bago siya mamatay, inilarawan niya ang tribo ni Benjamin bilang mandirigmang tulad ng lobo. (Gen 49:27) Pero mas madalas na gamitin ang lobo para lumarawan sa pangit na mga katangian, gaya ng pagiging mabangis, sakim, walang awa, at tuso. Inihalintulad sa lobo ang huwad na mga propeta (Mat 7:15), mga umuusig sa mga Kristiyano (Mat 10:16; Luc 10:3), at huwad na mga guro sa loob ng kongregasyong Kristiyano na nagsasapanganib dito (Gaw 20:29, 30). Alam na alam ng mga pastol kung gaano kapanganib ang mga lobo. Sinabi ni Jesus na “kapag nakita ng taong upahan na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas.” Di-gaya ng taong upahan, na ‘walang malasakit sa mga tupa,’ si Jesus, ang “mabuting pastol,” ay nagbigay ng “buhay niya alang-alang sa mga tupa.”—Ju 10:11-13.

Karaniwan nang may tungkod o baston ang mga Hebreo noon, at marami itong gamit, gaya ng pansuporta (Exo 12:11; Zac 8:4; Heb 11:21), pandepensa o pamprotekta (2Sa 23:21), panggiik (Isa 28:27), at pang-ani ng olibo (Deu 24:20; Isa 24:13). Ang lalagyan ng pagkain ay isang bag na karaniwan nang gawa sa katad at isinasabit sa balikat ng mga naglalakbay, pastol, magsasaka, at iba pa. Pinaglalagyan ito ng pagkain, damit, at iba pang bagay. Nang isugo ni Jesus ang mga apostol niya para mangaral, nagbigay siya ng mga tagubilin, kasama na ang tungkol sa pagdadala ng tungkod at lalagyan ng pagkain. Dapat na makontento ang mga apostol sa kung ano ang dala nila at huwag nang mag-alala dahil wala silang dalang ekstra; si Jehova ang maglalaan sa kanila.—Tingnan ang study note sa Luc 9:3 at 10:4 para sa ibig sabihin ng mga tagubilin ni Jesus.

Ang makikita sa video ay kinunan mula sa Ofir Lookout, na malapit sa hilagang-silangang baybayin ng Lawa ng Galilea. Ang Corazin (2) ay mga 3 km (2 mi) lang mula sa sinasabing lugar ng dating Capernaum (1), ang lunsod kung saan lumilitaw na nanirahan si Jesus sa panahon ng malawakang ministeryo niya sa Galilea na mahigit dalawang taon. Sina apostol Pedro at Andres ay nakatira sa Capernaum, at nandito o malapit dito ang tanggapan ng buwis ni Mateo. (Mar 1:21, 29; 2:1, 13, 14; 3:16; Luc 4:31, 38) Sina Pedro at Andres, pati na si Felipe, ay mula sa kalapít na lunsod na Betsaida (3). (Ju 1:44) Maraming ginawang himala si Jesus sa tatlong lunsod na ito o malapit dito.—Tingnan ang Apendise A7-D, Mapa 3B at A7-E, Mapa 4.

Ang daan (1) na makikita sa maikling video na ito ay malamang na katulad ng ruta ng sinaunang daan na nagdurugtong sa Jerusalem at Jerico. Mahigit 20 km (12 mi) ang daang iyon at may matarik na bahagi na 1 km (.6 mi) pababa sa Jerico mula sa Jerusalem. Dahil liblib at walang gaanong dumadaan dito, madalas dito ang nakawan, kaya naglalagay rito ng garison para sa kaligtasan ng mga naglalakbay. Ang Romanong Jerico (2) ay malapit sa daan pagkalabas ng ilang ng Judea. Ang mas matandang lunsod ng Jerico (3) ay wala pang 2 km (mahigit 1 mi lang) mula sa Romanong lunsod.

Noon pa man, mahalagang bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng mga taga-Mediteraneo ang langis ng olibo. Inilalagay nila ito sa pagkain. Ginagamit din nila ito bilang gamot o langis sa lampara. Inihahalo pa nga nila ito sa mga pampaganda at pabango. May 20 hanggang 30 porsiyento ng langis sa laman ng hinog na olibo. Para makuha ang pinakamagandang klase ng langis ng olibo, dahan-dahang dinidikdik ang hinog na olibo. Puwedeng gamitin sa lampara ng tabernakulo ang ganitong langis. (Exo 27:20, 21) Kapag marami ang mga bunga ng olibo, puwede itong durugin sa malaking gilingan hanggang sa maging paste (1). Pagkatapos, ilalagay ang paste sa mga sako o bilog na banig. Pagpapatong-patungin ang mga ito at lalagyan ng kahoy na may pabigat (2). Dahil sa pabigat, may lalabas na likido sa paste. Kapag humiwalay ang langis sa likido at umibabaw, madali na itong makukuha (3). Sa isang ilustrasyon ni Jesus, ipinakita niya kung paano ginagamit bilang gamot ang langis ng olibo. Sinabi niya na binuhusan ng langis ng mabuting Samaritano ang mga sugat ng Judiong nabugbog. (Luc 10:34) Ginamit din ni Santiago ang langis sa ilustrasyon niya para ipakitang nakakatulong ang matatandang lalaki para mapagaling ang mga may sakit sa espirituwal. Ang mga payo nila mula sa Bibliya na ibinigay sa mabait na paraan, kasama na ang mga panalangin nila, ay nakakapagpaginhawa sa isang tao at nakakatulong para maibalik niya ang kaugnayan niya kay Jehova.—San 5:14, 15.

