Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KAHON 19A

Mga Ilog ng Pagpapala Mula kay Jehova

Mga Ilog ng Pagpapala Mula kay Jehova

Pansinin ang ilang teksto sa Bibliya na gumagamit ng mga salitang “ilog” at “tubig” para ilarawan ang pagdaloy ng mga pagpapala mula kay Jehova. Kapag binasa natin ang mga ito, talagang mapapatibay tayo dahil malalaman natin kung paano tayo pinagpapala ni Jehova. Sa anong paraan?

JOEL 3:18 Binabanggit sa hulang ito ang isang bukal na umaagos mula sa santuwaryo ng templo. Dinidiligan nito ang tuyot na “Lambak ng mga Punong Akasya.” Kaya parehong nakakita sina Joel at Ezekiel ng isang ilog na bumuhay sa isang patay na lugar. Sa dalawang hula, ang ilog ay nagmula sa bahay, o templo, ni Jehova.

ZACARIAS 14:8 Si propeta Zacarias ay nakakita ng “tubig na nagbibigay-buhay” na umaagos mula sa lunsod ng Jerusalem. Ang kalahati nito ay papunta sa silanganing dagat, o Dagat na Patay, at ang isa pang kalahati ay sa kanluraning dagat, o Dagat Mediteraneo. Ang Jerusalem ang “lunsod ng dakilang Hari,” ang Diyos na Jehova. (Mat. 5:35) Kaya ipinapaalaala sa atin ng pagbanggit ni Zacarias sa lunsod na iyon na sa hinaharap, mamamahala si Jehova sa buong lupa. Ipinapahiwatig ng mga tubig sa hulang ito na pagpapalain ni Jehova sa Paraiso ang dalawang grupo ng tapat na mga tao—ang mga makaliligtas sa malaking kapighatian at ang mga bubuhayin pagkatapos nito.

APOCALIPSIS 22:1, 2 Nakakita si apostol Juan ng isang ilog na kagaya ng nakita ni Ezekiel. Pero may kaunting pagkakaiba: Nagmumula ito, hindi sa templo, kundi sa trono ni Jehova. Kaya itinatampok ng pangitaing ito, gaya ng kay Zacarias, ang mga pagpapala sa Sanlibong Taóng Paghahari sa ilalim ng pamamahala ng Diyos.

Kahit may kaunting pagkakaiba, ang pagpapala mula sa pamamahala ni Jehova at ang pagpapalang inilalarawan ng ilog sa pangitain ni Ezekiel ay parehong nagmumula kay Jehova at dumadaloy sa lahat ng tapat.

AWIT 46:4 Lumilitaw na ang tekstong ito ay sumasaklaw sa dalawang bagay—sa pagsamba at sa pamamahala. Dito, may isang ilog na nagdudulot ng pagsasaya sa “lunsod ng Diyos” (kumakatawan sa Kaharian at pamamahala) at sa “banal at maringal na tabernakulo ng Kataas-taasan” (kumakatawan sa dalisay na pagsamba).

Sa kabuoan, tinitiyak sa atin ng mga ulat na ito na pagpapalain ni Jehova ang mga tapat sa dalawang paraan. Makikinabang tayo magpakailanman (1) sa pamamahala niya at (2) sa kaayusan niya sa dalisay na pagsamba. Kaya maging determinado tayong patuloy na uminom mula sa ibinibigay ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak na “tubig na nagbibigay-buhay”—ang maibiging paglalaan nila para sa buhay na walang hanggan!—Jer. 2:13; Juan 4:10.