Mga Gawa ng mga Apostol 13:1-52
Talababa
Study Notes
Herodes: Si Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila.—Tingnan sa Glosari.
tagapamahala ng distrito: Lit., “tetrarka” (ang ibig sabihin ay “tagapamahala ng sangkapat” ng isang lalawigan), ang tawag sa isang mababang tagapamahala ng distrito o opisyal na namamahala sa isang teritoryo dahil binigyan siya ng kapangyarihan ng Romanong awtoridad. Namahala si Herodes Antipas bilang tetrarka ng Galilea at Perea.—Ihambing ang study note sa Mar 6:14.
Herodes na tagapamahala ng distrito: Tingnan ang study note sa Mat 14:1.
paglilingkod . . . sa templo: O “paglilingkod sa publiko.” Ang salitang Griego dito na lei·tour·giʹa at ang kaugnay na mga pananalitang lei·tour·geʹo (maglingkod sa publiko) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego at Romano para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno at ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Halimbawa, sa Ro 13:6, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang mga “lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (pangmaramihang anyo ng lei·tour·gosʹ). Ang paggamit dito ni Lucas sa terminong ito ay kahawig ng pagkakagamit nito sa Septuagint, kung saan ang anyong pandiwa at pangngalan ng ekspresyong ito ay madalas tumukoy sa paglilingkod sa templo ng mga saserdote at Levita. (Exo 28:35; Bil 8:22) Ang paglilingkod sa templo ay paglilingkod din sa publiko dahil nakikinabang dito ang mga tao. Pero kailangang maging banal sa ganitong uri ng paglilingkod, dahil itinuturo ng mga saserdoteng Levita ang Kautusan ng Diyos at naghahandog sila para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan.—2Cr 15:3; Mal 2:7.
naglilingkod sila: O “nagsasagawa sila ng pampublikong paglilingkod.” Ang salitang Griego dito na lei·tour·geʹo at ang kaugnay na mga salitang lei·tour·giʹa (paglilingkod sa publiko, o ministeryo) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno na ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Halimbawa, sa Ro 13:6, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang mga “lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (anyong pangmaramihan ng lei·tour·gosʹ). Sa Luc 1:23 (tingnan ang study note), ang terminong lei·tour·giʹa ay isinaling “paglilingkod . . . sa templo” (o, “paglilingkod sa publiko”) para tumukoy sa paglilingkod ni Zacarias, na ama ni Juan Bautista. Sa tekstong iyon, ang pagkakagamit sa salitang lei·tour·giʹa ay katulad ng pagkakagamit sa salitang ito at kaugnay na mga termino sa Septuagint, kung saan iniuugnay ang mga ito sa paglilingkod ng mga saserdote at Levita sa tabernakulo (Exo 28:35; Bil 1:50; 3:31; 8:22) at sa templo (2Cr 31:2; 35:3; Joe 1:9, 13; 2:17). Ang ganitong uri ng paglilingkod ay paglilingkod din sa publiko. Pero sa ilang konteksto, kasama rito ang pagiging banal dahil ang mga saserdoteng Levita ay nagtuturo ng Kautusan ng Diyos (2Cr 15:3; Mal 2:7) at naghahandog para sa kasalanan ng bayan (Lev 1:3-5; Deu 18:1-5). Sa Gaw 13:2, mas malawak ang pagkakagamit sa salitang Griego na lei·tour·geʹo; tumutukoy ito sa paglilingkod ng mga Kristiyanong propeta at guro sa kongregasyon sa Antioquia ng Sirya. Tumutukoy ang salitang ito sa iba’t ibang paraan ng pagpapakita ng debosyon at paglilingkod sa Diyos, gaya ng pananalangin at pagtuturo, na bahagi ng ministeryong Kristiyano. Siguradong kasama sa paglilingkod ng mga propeta at gurong ito ang pangangaral sa publiko.—Gaw 13:3.
naglilingkod sila kay Jehova: Ang salitang Griego na ginamit dito, lei·tour·geʹo (maglingkod), ay madalas lumitaw sa salin ng Septuagint sa mga talata sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo. Halimbawa, ang ekspresyong Griego na nasa Gaw 13:2 ang ginamit ng Septuagint sa 2Cr 13:10 para isalin ang pariralang Hebreo na “naglilingkod kay Jehova.” Sa 2Cr 35:3, ganiyan din ang ekspresyong Griego na ginamit para isalin ang pariralang Hebreo na “maglingkod . . . kay Jehova.”—1Sa 2:11; 3:1; Eze 45:4; Joe 2:17; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 13:2.
Seleucia: Isang napapaderang daungang lunsod sa Mediteraneo na naging kapaki-pakinabang sa Antioquia ng Sirya at matatagpuan mga 20 km (12 mi) sa timog-kanluran ng lunsod na iyon. Ang dalawang lugar na ito ay pinagdurugtong ng kalsada at ng Ilog Orontes, na umaagos sa Antioquia papunta sa Dagat Mediteraneo, na malapit lang sa timog ng Seleucia. Si Seleucus I (Nicator), isa sa mga heneral ni Alejandrong Dakila, ang nagtatag ng lunsod na ito, at ipinangalan niya ito sa sarili niya. Si Pablo, kasama si Bernabe, ay naglayag mula sa Seleucia sa pasimula ng kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero noong mga 47 C.E. Ang Seleucia ay nasa hilaga lang ng Süveydiye, o Samandag, ng Turkey sa ngayon. Dahil sa buhanging dala ng Orontes, napuno ng putik ang daungan ng Seleucia.—Tingnan ang Ap. B13.
naglayag sila papuntang Ciprus: Mga 200 km (125 mi) na paglalakbay. Kung maganda ang panahon, ang isang barko noong unang siglo ay nakakapaglayag nang mga 150 km (93 mi) sa isang araw. Pero kung masama ang panahon, nagtatagal ang paglalayag. Sa Ciprus nakatira si Bernabe.—Tingnan ang Ap. B13.
Marcos: Mula sa pangalang Latin na Marcus. Marcos ang Romanong apelyido ni “Juan” na binanggit sa Gaw 12:12. Ang kaniyang ina ay si Maria, isa sa mga unang alagad na nakatira sa Jerusalem. Si Juan Marcos ay “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10), na nakasama niya sa paglalakbay. Naglakbay rin si Marcos kasama ni Pablo at iba pang misyonerong Kristiyano noon. (Gaw 12:25; 13:5, 13; 2Ti 4:11) Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung sino ang sumulat nito, pero sinasabi ng mga manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. na si Marcos ang sumulat nito.
Salamis: Ang Salamis ay nasa silangan ng isla ng Ciprus, at magandang lugar ito para simulan ang pangangaral sa Ciprus, kahit na Pafos, na nasa kanlurang baybayin, ang Romanong kabisera nito. Mas malapit din ang Salamis sa lugar kung saan nanggaling ang mga misyonero, malapit sa Antioquia ng Sirya. At ito ang sentro ng kultura, edukasyon, at komersiyo sa isla. Marami ring Judio sa Salamis, at higit sa isa ang sinagoga rito. Dahil taga-Ciprus si Bernabe, kabisado niya ang lugar kaya siguradong malaki ang naitulong niya sa mga misyonerong kasama niya. Depende sa ruta, posibleng di-bababa sa 150 km (mga 100 mi) ang nilakad nila habang nangangaral sa buong isla.—Tingnan ang Ap. B13.
Juan: Si Juan Marcos, isa sa mga alagad ni Jesus na “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10) at ang manunulat ng Ebanghelyo ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat.) Tinawag din siyang Juan sa Gaw 13:13, pero sa tatlong iba pang teksto sa Gawa kung saan tinukoy siya, binanggit na ‘tinatawag din siyang Marcos,’ ang Romanong apelyido niya. (Gaw 12:12, 25; 15:37) Ang pangalang Juan ay katumbas ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Sa iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, “Marcos” lang ang tawag sa kaniya—Col 4:10; 2Ti 4:11; Flm 24; 1Pe 5:13.
proconsul: Titulo ng gobernador ng isang lalawigan na nasa ilalim ng Senado ng Roma. Ang ilang lalawigan sa Roma, gaya ng Judea, ay nasa direktang pamamahala ng emperador, na nag-aatas ng isang gobernador. Dahil ang Ciprus ay napasailalim sa kapangyarihan ng senado noong 22 B.C.E., pinamahalaan ito ng isang proconsul. Isang barya mula sa Ciprus ang natagpuan kung saan makikita sa isang panig ang ulo at titulo ng Romanong emperador na si Claudio (sa Latin) at sa kabila naman ay “Sa Pamamahala ni Cominius Proclus, Proconsul ng mga Taga-Ciprus” (sa Griego).—Tingnan sa Glosari.
Saul: Ibig sabihin, “Hiniling [sa Diyos]; Isinangguni [sa Diyos].” Si Saul, na kilalá rin sa Romanong pangalan na Pablo, ay “mula sa tribo ni Benjamin, isang Hebreo na may mga magulang na Hebreo.” (Fil 3:5) Ipinanganak na mamamayang Romano si Saul (Gaw 22:28), kaya makatuwiran lang isipin na kahit Judio ang mga magulang niya, binigyan siya ng mga ito ng Romanong pangalan na Paulo, o Pablo, na nangangahulugang “Munti; Maliit.” Malamang na pareho niyang ginagamit ang pangalang ito mula pagkabata. Maraming posibleng dahilan kung bakit siya pinangalanang Saul ng mga magulang niya. Mahalaga ang pangalang Saul sa mga Benjaminita dahil ang pinakaunang hari sa buong Israel, na isang Benjaminita, ay nagngangalang Saul. (1Sa 9:2; 10:1; Gaw 13:21) O posibleng pinangalanan siyang Saul dahil sa kahulugan nito. Posible ring ang pangalan ng tatay niya ay Saul, at kaugalian noon na isunod ang pangalan ng anak sa pangalan ng ama. (Ihambing ang Luc 1:59.) Anuman ang dahilan, malamang na ginagamit niya ang Hebreong pangalan na Saul kapag kasama niya ang mga kapuwa niya Judio—lalo na noong nag-aaral pa siya para maging Pariseo at noong Pariseo na siya. (Gaw 22:3) At pagkatapos ng mahigit isang dekada mula nang maging Kristiyano siya, lumilitaw na kilala pa rin siya ng karamihan sa Hebreong pangalan niya.—Gaw 11:25, 30; 12:25; 13:1, 2, 9.
Saul, na tinatawag ding Pablo: Mula sa pagkakataong ito, tinawag nang Pablo si Saul. Ang apostol ay ipinanganak na Hebreo pero isang mamamayang Romano. (Gaw 22:27, 28; Fil 3:5) Kaya malamang na mula pagkabata, tinatawag na siya sa Hebreong pangalan niyang Saul at sa Romanong pangalan niyang Pablo. Karaniwan lang sa mga Judio nang panahong iyon, lalo na sa mga hindi nakatira sa Israel, na magkaroon ng dalawang pangalan. (Gaw 12:12; 13:1) Ang ilang kapamilya ni Pablo ay mayroon ding Romano at Griegong pangalan. (Ro 16:7, 21) Bilang “apostol para sa ibang mga bansa,” inatasan si Pablo na ipangaral ang mabuting balita sa mga di-Judio. (Ro 11:13) Malamang na ginamit niya ang Romanong pangalan niya dahil iniisip niyang mas katanggap-tanggap ito. (Gaw 9:15; Gal 2:7, 8) Sinasabi ng ilan na ginamit niya ang kaniyang Romanong pangalan para parangalan si Sergio Paulo. Pero lumilitaw na hindi ito totoo, dahil ginamit niya pa rin ang pangalang Pablo kahit wala na siya sa Ciprus. Sinasabi naman ng iba na hindi ginamit ni Pablo ang Hebreong pangalan niya dahil ang bigkas dito ng mga Griego ay katunog ng salita nila para sa isang tao (o hayop) na mayabang maglakad.—Tingnan ang study note sa Gaw 7:58.
Pablo: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangalang Pauʹlos, na mula sa Latin na Paulus at nangangahulugang “Munti; Maliit,” ay ginamit nang 157 beses para tumukoy kay apostol Pablo at isang beses para tumukoy sa proconsul ng Ciprus na si Sergio Paulo.—Gaw 13:7.
mga daan ni Jehova: Makikita sa sagot ni Pablo sa Judiong mangkukulam na si Bar-Jesus (nakaulat sa talata 10 at 11) ang ilang ekspresyon na mula sa Hebreong Kasulatan. Ito ang ilang halimbawa: Ang pariralang Griego rito na isinaling “pagpilipit sa . . . mga daan” ay makikita rin sa salin ng Septuagint sa Kaw 10:9 (“liko ang daan”). Ang mga salitang Griego para sa pariralang “matuwid na mga daan ni Jehova” ay makikita rin sa salin ng Septuagint sa Os 14:9. Sa talatang iyon, ginamit ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo (“Dahil matuwid ang daan ni Jehova”).—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 13:10.
kamay ni Jehova: Ang pariralang ito ay madalas lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “kamay” at ng Tetragrammaton. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa Exo 9:3, tlb.; Bil 11:23; Huk 2:15; Ru 1:13; 1Sa 5:6; 7:13; Job 12:9; Isa 19:16; 40:2; Eze 1:3, tlb.) Sa Bibliya, ang terminong ito ay madalas gamitin para tumukoy sa “kapangyarihan.” Makikita sa ginagawa ng kamay ang lakas ng braso, kaya ang “kamay” ay maaari ding tumukoy sa “aktibong kapangyarihan.” Ang ekspresyong Griego na isinaling “kamay ni Jehova” ay lumitaw rin sa Luc 1:66 at Gaw 13:11.—Tingnan ang study note sa Luc 1:6, 66 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 11:21.
kamay ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 11:21 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 13:11.
turo ni Jehova: Ang ekspresyong “turo ni Jehova” ay kasingkahulugan ng “salita ng Diyos,” na ginamit sa Gaw 13:5. Sinabi sa talatang iyon na nang dumating si Pablo at ang mga kasama niya sa Ciprus, “sinimulan nilang ihayag ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio.” Kaya ‘gustong-gustong marinig’ ng proconsul na si Sergio Paulo ang “salita ng Diyos.” (Gaw 13:7) Pagkakita sa mga ginawa ni Pablo at pagkarinig sa mga sinabi niya, manghang-mangha si Sergio Paulo sa mga natutuhan niya tungkol sa Diyos na Jehova at sa mga turong nagmumula sa Kaniya.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 13:12.
Antioquia sa Pisidia: Isang lunsod sa Romanong lalawigan ng Galacia. Makikita ito sa hangganan ng mga rehiyon ng Frigia at Pisidia, kaya sa iba’t ibang panahon sa kasaysayan, itinuturing itong bahagi ng alinman sa dalawang rehiyong ito. Makikita ang mga guho ng lunsod na ito malapit sa Yalvaç, sa Turkey ngayon. Ang Antioquia sa Pisidia ang tinutukoy sa tekstong ito at sa Gaw 14:19, 21. Mahirap maglakbay mula sa Perga, isang lunsod na malapit sa baybayin ng Mediteraneo, papunta sa Antioquia ng Pisidia. Ang lunsod na ito ay mga 1,100 m (3,600 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat (tingnan ang Ap. B13). Marami ring bandido rito at delikado ang matatarik na daan. Iba ang “Antioquia sa Pisidia” sa Antioquia ng Sirya. (Gaw 6:5; 11:19; 13:1; 14:26; 15:22; 18:22) Sa katunayan, ang karamihan ng paglitaw ng pangalang Antioquia sa Gawa ay tumutukoy sa Antioquia ng Sirya, hindi sa Antioquia ng Pisidia.
tumayo para magbasa: Sinasabi ng mga iskolar na ito ang pinakaunang rekord ng aktibidad sa sinagoga. Ayon sa tradisyong Judio, ganito ang nangyayari sa sinagoga: Una, nananalangin nang pribado ang dumarating na mga mananamba. Pagkatapos, babasahin ang Deu 6:4-9 at 11:13-21. Sumunod, may mangunguna sa pampublikong panalangin bago basahin nang malakas ang nakaiskedyul na bahagi ng Pentateuch. Sinasabi ng Gaw 15:21 na noong unang siglo C.E., ginagawa ang pagbabasang iyon “tuwing sabbath.” Pagkatapos, gagawin na nila ang posibleng binabanggit sa talatang ito—babasa sila ng isinulat ng mga propeta at babanggit ng aral na natutuhan nila. Ang tagabasa ay karaniwan nang nakatayo, at puwede siyang pumili ng gusto niyang basahing hula.—Tingnan ang study note sa Gaw 13:15.
pangmadlang pagbabasa ng Kautusan at mga Propeta: Noong unang siglo C.E., ang pangmadlang pagbabasa ay ginagawa “tuwing sabbath.” (Gaw 15:21) Ang isang bahagi ng pagsamba sa sinagoga ay ang pagbigkas sa Shema, ang itinuturing na kapahayagan ng pananampalataya ng mga Judio. (Deu 6:4-9; 11:13-21) Ang pangalang Shema ay galing sa unang salita ng unang teksto sa kapahayagang iyon, “Makinig [Shemaʽʹ] kayo, O Israel: Si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova.” (Deu 6:4) Ang pinakamahalagang bahagi ng pagsambang iyon ay ang pagbabasa ng Torah, o Pentateuch. Sa maraming sinagoga, binabasa ang buong Kautusan sa loob ng isang taon; sa iba naman, sa loob ng tatlong taon. Binabasa rin ang ilang bahagi ng mga Propeta at ipinapaliwanag. May nagpapahayag din pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa. Kaya pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa sa sinagoga sa Antioquia ng Pisidia, inanyayahan si Pablo na magsalita para patibayin ang mga naroon.—Tingnan ang study note sa Luc 4:16.
sa loob ng mga 450 taon: Ang pahayag ni Pablo tungkol sa kasaysayan ng mga Israelita ay nagsimula sa isang mahalagang pangyayari, nang piliin ng Diyos “ang mga ninuno natin.” (Gaw 13:17) Lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay nang ipanganak si Isaac bilang ang ipinangakong supling. (Gen 17:19; 21:1-3; 22:17, 18) Nang ipanganak si Isaac, nasagot ang tanong kung sino ang supling na tinutukoy ng Diyos; naging isyu ito noon dahil baog si Sarai (Sara). (Gen 11:30) Pagkatapos, binanggit ni Pablo ang mga ginawa ng Diyos para sa pinili Niyang bayan hanggang sa bigyan Niya sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta. Kaya lumilitaw na ang “mga 450 taon” ay mula sa pagkapanganak ni Isaac noong 1918 B.C.E. hanggang 1467 B.C.E. Lampas ito nang 46 na taon pagkaalis ng Israel sa Ehipto noong 1513 B.C.E. Eksakto ang kalkulasyong ito dahil 40 taóng nagpagala-gala sa ilang ang mga Israelita at 6 na taon naman nilang sinakop ang lupain ng Canaan.—Bil 9:1; 13:1, 2, 6; Deu 2:7; Jos 14:6, 7, 10.
supling: O “inapo.” Lit., “binhi.”—Tingnan ang Ap. A2.
tulos: O “puno.” Ang salitang Griego na ginamit dito, xyʹlon (lit., “kahoy”), ay kapareho ng kahulugan ng salitang Griego na stau·rosʹ (isinasaling “pahirapang tulos”) at tumutukoy sa pinagpakuan kay Jesus noong patayin siya. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, limang beses na ginamit nina Lucas, Pablo, at Pedro ang xyʹlon sa ganitong diwa. (Gaw 5:30; 10:39; 13:29; Gal 3:13; 1Pe 2:24) Ginamit ng Septuagint ang xyʹlon sa Deu 21:22, 23 para ipanumbas sa salitang Hebreo na ʽets (nangangahulugang “puno; kahoy; piraso ng kahoy”) sa pariralang “at ibitin sa tulos.” Nang sipiin ni Pablo ang tekstong ito sa Gal 3:13, ginamit niya ang xyʹlon sa pangungusap na “Isinumpa ang bawat tao na nakabitin sa tulos.” Ginamit din ang salitang ito sa salin ng Septuagint sa Ezr 6:11 (1 Esdras 6:31, LXX) para sa salitang Aramaiko na ʼaʽ, na katumbas ng terminong Hebreo na ʽets. Sinabi roon tungkol sa mga lalabag sa utos ng hari ng Persia: “Ibabayubay [siya] sa isang posteng kahoy na bubunutin sa bahay niya.” Dahil may mga pagkakataong pareho ang pagkakagamit ng mga manunulat ng Bibliya sa xyʹlon at stau·rosʹ, karagdagang patunay ito na pinatay si Jesus sa isang patayong tulos na walang nakapahalang na kahoy.
tulos: O “puno.”—Tingnan ang study note sa Gaw 5:30.
inilibing: O “inilagay sa isang alaalang libingan.”—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”
lahat ng kalooban ng Diyos: O “lahat ng layunin ng Diyos.” Tumutukoy ito sa lahat ng gustong gawin ng Diyos sa pamamagitan ng Kaharian niya, kasama na ang lahat ng nakita niyang kailangan para sa kaligtasan. (Gaw 20:25) Ang salitang Griego na bou·leʹ ay isinaling “payo [o, “kalooban; patnubay,” tlb.]” sa Luc 7:30 at “layunin” sa Heb 6:17.
naglingkod sa Diyos: O “nagsagawa ng kalooban (layunin) ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa Gaw 20:27.
debotong: O “sumasamba sa Diyos na.” Ang salitang Griego na seʹbo·mai ay puwede ring isaling “magpakita ng matinding paggalang.” Sa Syriac na Peshitta, isinalin itong “may takot sa Diyos.” Sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8, 10, 18 sa Ap. C4) ginamit ang pangalan ng Diyos dito, at puwede itong isalin na “may takot kay Jehova.”
sumasamba sa Diyos: Ang salitang Griego na seʹbo·mai, isinalin ditong “sumasamba sa Diyos,” ay nangangahulugang “sumamba; magpakita ng matinding paggalang.” Puwede rin itong isaling “may takot sa Diyos; deboto.” (Tingnan ang study note sa Gaw 13:50.) Sa Syriac na Peshitta, isinalin itong “may takot sa Diyos.” Sa isang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J18 sa Ap. C4), ginamit ang pangalan ng Diyos dito, at ang buong ekspresyon ay puwedeng isalin na “may takot kay Jehova.”
walang-kapantay na kabaitan ng Diyos: Dating pinag-uusig ni Pablo si Jesus at ang mga tagasunod nito (Gaw 9:3-5), kaya talagang napahalagahan niya ang walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Nakita ni Pablo na nagagawa lang niya ang ministeryo niya dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (1Co 15:10; 1Ti 1:13, 14) Noong kausap niya ang matatandang lalaki mula sa Efeso, dalawang beses niyang binanggit ang katangiang ito. (Gaw 20:24, 32) Sa 14 na liham ni Pablo, mga 90 beses niyang binanggit ang “walang-kapantay na kabaitan”; di-hamak na mas marami ito kaysa sa pagbanggit dito ng ibang manunulat. Halimbawa, binanggit niya ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos o ni Jesus sa pasimula ng lahat ng liham niya, maliban sa liham niya sa mga Hebreo, at tinapos niya ang bawat liham niya gamit ang ekspresyong ito.
salita ni Jehova: Ang ekspresyong ito ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan; kombinasyon ito ng terminong Hebreo para sa “salita” at ng pangalan ng Diyos. Lumitaw ito sa mga 200 talata. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa 2Sa 12:9; 2Ha 24:2; Isa 1:10; 2:3; 28:14; Jer 1:4; 2:4; Eze 1:3; 6:1; Os 1:1.) Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 9:1 ang salitang Griego na loʹgos na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa sinaunang letrang Hebreo (). Ang pergaminong balumbon na ito, na natagpuan sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea malapit sa Dagat na Patay, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “salita ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “salita ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 8:25 sa maraming manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 8:25.
salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 8:25 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 13:44.
mag-aalis ng talukbong mula sa mga bansa: O “gagawa ng pagsisiwalat sa mga bansa.” Ang terminong Griego na a·po·kaʹly·psis, na isinaling “mag-aalis ng talukbong,” ay nagpapahiwatig ng “pagsisiwalat” o “paglalantad,” at madalas itong gamitin para tumukoy sa pagsisiwalat ng espirituwal na mga bagay o ng kalooban at layunin ng Diyos. (Ro 16:25; Efe 3:3; Apo 1:1) Tinawag ng may-edad nang si Simeon ang batang si Jesus na liwanag, at ipinakita niya na makikinabang din sa espirituwal na liwanag na iyon ang mga bansang di-Judio, hindi lang ang likas na mga Judio at proselita. Ang makahulang pananalita ni Simeon ay kaayon ng mga hula sa Hebreong Kasulatan, gaya ng mababasa sa Isa 42:6 at 49:6.
hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa: O “hanggang sa pinakadulo ng lupa.” Ang ekspresyong ito sa Griego ay ginamit din sa hula sa Gaw 13:47 na sinipi mula sa Isa 49:6, at ito rin ang ekspresyong ginamit ng Griegong Septuagint sa tekstong iyon. Nang sabihin ni Jesus ang nasa Gaw 1:8, posibleng ang nasa isip niya ay ang hulang iyon, na nagsasabing ang lingkod ni Jehova ay magiging “liwanag ng mga bansa” para ang pagliligtas ay umabot sa “mga dulo ng lupa.” Kaayon ito ng naunang sinabi ni Jesus na ang gagawin ng mga tagasunod niya ay “makahihigit” sa mga ginawa niya. (Tingnan ang study note sa Ju 14:12.) Kaayon din ito ng paglalarawan ni Jesus sa pambuong-daigdig na pangangaral ng mga Kristiyano.—Tingnan ang study note sa Mat 24:14; 26:13; 28:19.
ibinigay ni Jehova ang utos na ito sa amin: Ang kasunod na pananalita nito ay sinipi mula sa Isa 49:6, kung saan maliwanag na makikita sa konteksto ng orihinal na tekstong Hebreo na si Jehova ang nagsasalita. (Isa 49:5; ihambing ang Isa 42:6.) Ang hulang ito ay tungkol sa gagawin ng Lingkod ni Jehova, si Jesu-Kristo, at ng mga tagasunod nito.—Isa 42:1; tingnan ang study note sa Luc 2:32 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 13:47.
hanggang sa mga dulo ng lupa: O “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Ang hulang ito ay sinipi mula sa Isa 49:6, kung saan ginamit din sa Septuagint ang ekspresyong Griego na ginamit dito. Inihula ni Isaias na ang lingkod ni Jehova ay magiging “liwanag ng mga bansa” at na ang kaligtasan mula sa Diyos ay ‘aabot sa mga dulo ng lupa.’ Noong nagsasalita sina Pablo at Bernabe sa Antioquia ng Pisidia, ipinakita nila na ang hulang ito ay isa ring utos ni Jehova na dapat maging liwanag ng mga bansa ang mga tagasunod ni Kristo. Ang ekspresyong Griego, na isinalin ditong “hanggang sa mga dulo ng lupa,” ay ginamit din sa Gaw 1:8 (tingnan ang study note) para ipakita ang lawak ng gawain ng mga tagasunod ni Jesus bilang mga saksi niya.
salita ni Jehova: Ang ekspresyong ito ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan; kombinasyon ito ng terminong Hebreo para sa “salita” at ng pangalan ng Diyos. Lumitaw ito sa mga 200 talata. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa 2Sa 12:9; 2Ha 24:2; Isa 1:10; 2:3; 28:14; Jer 1:4; 2:4; Eze 1:3; 6:1; Os 1:1.) Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 9:1 ang salitang Griego na loʹgos na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa sinaunang letrang Hebreo (). Ang pergaminong balumbon na ito, na natagpuan sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea malapit sa Dagat na Patay, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “salita ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “salita ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 8:25 sa maraming manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 8:25.
salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 8:25 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 13:48.
nakaayon: Ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa mga Gentil sa Antioquia ng Pisidia na naging mananampalataya matapos mapangaralan nina Pablo at Bernabe. Maraming kahulugan ang salitang Griego na isinalin ditong “nakaayon” (isang anyo ng pandiwang tasʹso), gaya ng “itakda; iposisyon; iayos; italaga.” Makakatulong ang konteksto para malaman ang kahulugan nito. Makikita sa Gaw 13:46 ang pagkakaiba ng ilang Judio sa Antioquia ng Pisidia at ng mga Gentil na binanggit dito sa talata 48. Noong Sabbath bago mangyari ang ulat na ito, nagbigay ng magandang patotoo si Pablo sa dalawang grupong ito sa pamamagitan ng isang nakakapagpakilos na pahayag. (Gaw 13:16-41) Ayon kina Pablo at Bernabe, itinakwil ng mga Judiong matigas ang ulo ang “salita ng Diyos” at ipinapakita ng saloobin at pagkilos nila na hindi sila “karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.” (Gaw 13:46) Pero ibang-iba ang saloobin ng mga Gentil na nasa lunsod na iyon. Sinasabi sa ulat na nagsaya sila at niluwalhati nila ang salita ni Jehova. Kaya sa kontekstong ito, ang pandiwang Griego na tasʹso ay nangangahulugang “ipinosisyon” ng mga di-Judiong ito sa Antioquia ang sarili nila para tumanggap ng buhay na walang hanggan dahil nagpakita sila ng mabuting saloobin o disposisyon. Kaya tama lang na isaling “nakaayon” ang terminong Griego. Pero sa maraming Bibliya, ginamit sa Gaw 13:48 ang mga ekspresyong “nakatadhana; nakatalaga,” na para bang itinadhana ng Diyos ang mga taong ito na magkaroon ng buhay na walang hanggan. Pero hindi sinusuportahan ng konteksto at ng iba pang bahagi ng Bibliya ang ideya na ang mga Gentil na ito sa Antioquia ay nakatadhana na para sa buhay na walang hanggan, kung paanong hindi rin nakatadhana ang mga Judio na hindi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kinumbinsi ni Pablo ang mga Judio na tanggapin ang mabuting balita, pero desisyon nilang tanggihan ang mensahe. Hindi sila nakatadhanang gawin iyon. Sinabi ni Jesus na makikita sa ginagawa ng ilan na sila ay “hindi karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos.” (Luc 9:62) Pero ang mga Gentil sa Antioquia ay kabilang sa mga sinabi ni Jesus na “karapat-dapat” sa mabuting balita dahil sa kanilang saloobin.—Mat 10:11, 13.
salita ni Jehova: Ang ekspresyong ito ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan; kombinasyon ito ng terminong Hebreo para sa “salita” at ng pangalan ng Diyos. Lumitaw ito sa mga 200 talata. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa 2Sa 12:9; 2Ha 24:2; Isa 1:10; 2:3; 28:14; Jer 1:4; 2:4; Eze 1:3; 6:1; Os 1:1.) Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 9:1 ang salitang Griego na loʹgos na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa sinaunang letrang Hebreo (). Ang pergaminong balumbon na ito, na natagpuan sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea malapit sa Dagat na Patay, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “salita ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “salita ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 8:25 sa maraming manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 8:25.
salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 8:25 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 13:49.
debotong: O “sumasamba sa Diyos na.” Ang salitang Griego na seʹbo·mai ay puwede ring isaling “magpakita ng matinding paggalang.” Sa Syriac na Peshitta, isinalin itong “may takot sa Diyos.” Sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8, 10, 18 sa Ap. C4) ginamit ang pangalan ng Diyos dito, at puwede itong isalin na “may takot kay Jehova.”
pinagpag niya ang damit niya: Sa paggawa nito, ipinakita ni Pablo na wala na siyang pananagutan sa mga Judio sa Corinto na hindi nakinig sa nagliligtas-buhay na mensahe tungkol sa Kristo. Ginawa na ni Pablo ang obligasyon niya kaya hindi na siya mananagot para sa buhay nila. (Tingnan ang study note sa Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo sa talatang ito.) May mga nauna nang ulat sa Kasulatan tungkol sa ganitong pagkilos. Nang kausapin ni Nehemias ang mga Judiong bumalik sa Jerusalem, pinagpag niya ang mga tupi ng damit niya para ipakita na ang sinumang hindi tutupad sa pangako ay itatakwil ng Diyos. (Ne 5:13) Kahawig niyan ang ginawa ni Pablo sa Antioquia ng Pisidia nang ‘ipagpag niya ang alikabok mula sa mga paa niya’ bilang patotoo laban sa mga umuusig sa kaniya sa lunsod na iyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 13:51; Luc 9:5.
ipinagpag nila ang alikabok mula sa mga paa nila bilang patotoo laban sa mga ito: Ginawa dito nina Pablo at Bernabe ang sinabi ni Jesus sa Mat 10:14; Mar 6:11; Luc 9:5. Pagkagaling ng mga panatikong Judio sa teritoryo ng mga Gentil, ipinapagpag nila ang itinuturing nilang maruming alikabok sa sandalyas nila bago pumasok ulit sa teritoryo ng mga Judio. Pero maliwanag na hindi iyan ang ibig sabihin ni Jesus nang ibigay niya ang tagubiling ito sa mga alagad niya. Ang paggawa nito ay nangangahulugang wala nang pananagutan ang mga alagad sa anumang parusa na ibibigay ng Diyos sa mga tao. Nang ipagpag ni Pablo ang damit niya sa Corinto, sinabi niya: “Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo. Ako ay malinis.”—Tingnan ang study note sa Gaw 18:6.
Media

Inilista ang mga pangyayari ayon sa pagkakasunod-sunod
1. Isinugo bilang misyonero sina Bernabe at Saul mula sa Antioquia ng Sirya.—Tingnan ang Ap. B13 para sa mapang nagpapakita ng lahat ng paglalakbay nila bilang misyonero (Gaw 13:1-3)
2. Naglayag sina Bernabe at Saul mula Seleucia papuntang Salamis sa Ciprus; inihayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga doon (Gaw 13:4-6)
3. Sa Pafos, unang tinawag na Pablo si Saul (Gaw 13:6, 9)
4. Naging mánanampalatayá si Sergio Paulo, ang proconsul ng Ciprus (Gaw 13:7, 12)
5. Dumating si Pablo at ang mga kasama niya sa Perga sa Pamfilia; bumalik si Juan Marcos sa Jerusalem (Gaw 13:13)
6. Nangaral sina Pablo at Bernabe sa sinagoga sa Antioquia ng Pisidia (Gaw 13:14-16)
7. Marami ang nagtipon sa Antioquia para makinig kina Pablo at Bernabe, pero pinag-usig ng mga Judio ang dalawang lalaking ito (Gaw 13:44, 45, 50)
8. Nagpahayag sina Pablo at Bernabe sa sinagoga sa Iconio; maraming Judio at Griego ang naging mánanampalatayá (Gaw 14:1)
9. Inusig ng ilang Judio sa Iconio ang mga kapatid, at nagkabaha-bahagi ang lunsod; binalak ng mga Judio na pagbabatuhin sina Pablo at Bernabe (Gaw 14:2-5)
10. Sina Pablo at Bernabe sa Listra, isang lunsod sa Licaonia; napagkamalan silang mga diyos (Gaw 14:6-11)
11. Sa Listra, pinag-usig nang husto si Pablo ng mga Judio mula sa Antioquia at Iconio; nakaligtas si Pablo sa pambabato (Gaw 14:19, 20a)
12. Inihayag nina Pablo at Bernabe ang mabuting balita sa Derbe; marami ang naging alagad (Gaw 14:20b, 21a)
13. Binisita ulit nina Pablo at Bernabe ang mga bagong-tatag na kongregasyon sa Listra, Iconio, at Antioquia para patibayin ang mga ito; nag-atas sila ng matatandang lalaki sa bawat kongregasyon (Gaw 14:21b-23)
14. Bumalik sina Pablo at Bernabe sa Perga para ihayag ang salita; pumunta sila sa Atalia (Gaw 14:24, 25)
15. Mula sa Atalia, naglayag sila papuntang Antioquia ng Sirya (Gaw 14:26, 27)

Makikita sa larawan ang lunsod ng Antakya sa Turkey ngayon. Ito ang lokasyon ng dating lunsod ng Antioquia, ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Sirya. Noong unang siglo C.E., sinasabing ang Antioquia ng Sirya ang ikatlong pinakamalaking lunsod sa Imperyo ng Roma, kasunod ng Roma at Alejandria. Sinasabi ng ilan na ang populasyon nito ay 250,000 o higit pa. Pagkatapos patayin ng mga mang-uumog si Esteban sa Jerusalem at pag-usigin doon ang mga tagasunod ni Jesus, nagpunta ang ilang alagad sa Antioquia. Ipinangaral nila ang mabuting balita sa mga taong nagsasalita ng Griego at naging matagumpay sila. (Gaw 11:19-21) Nang maglaon, sa Antioquia tumira si apostol Pablo habang naglalakbay siya bilang misyonero. “Sa Antioquia unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.” (Gaw 11:26) Iba ang Antioquia ng Sirya sa Antioquia ng Pisidia (gitnang Turkey), na binanggit sa Gaw 13:14; 14:19, 21, at 2Ti 3:11.

Ang Antioquia ng Sirya ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Sirya. Isa ito sa tatlong pangunahing lunsod sa Imperyo ng Roma noong unang siglo, kasama ng Roma at Alejandria. Itinatag ang Antioquia sa silangang bahagi ng Ilog Orontes (1), at dati itong may sakop na isla (2). Makikita ang daungan ng Seleucia mga ilang milya sa ibaba ng lunsod na ito. Makikita sa Antioquia ang isa sa pinakamalaking karerahan ng kabayo at karwahe (3) noon. Kilalá ang Antioquia sa malapad na kalsada nito na may mga kolonada (4), na nilatagan ni Herodes na Dakila ng marmol. Nang maglaon, binubungan ni Tiberio Cesar ang mga kolonada nito at pinunô ang kalsada ng mga mosaic at estatuwa. Iba’t ibang lahi ang nakatira sa lunsod na ito, at may malaking komunidad dito ng mga Judio (5). Mula sa grupong ito, marami ang naging Kristiyano. Sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad ni Jesus. (Gaw 11:26) Sa paglipas ng panahon, marami ring Gentil ang naging mánanampalatayá. Noong mga 49 C.E., nagkaroon ng isyu sa pagtutuli, kaya ipinadala ang isang grupo ng mga kapatid, kasama sina Pablo at Bernabe, sa lupong tagapamahala sa Jerusalem para humingi ng tagubilin. (Gaw 15:1, 2, 30) Ang Antioquia ang naging tirahan ni apostol Pablo sa lahat ng tatlong paglalakbay niya bilang misyonero. (Gaw 13:1-3; 15:35, 40, 41; 18:22, 23) Makikita sa mapang ito ang posibleng hitsura ng mga pader ng lunsod sa paglipas ng maraming siglo.

Ang baryang makikita rito, na natagpuan sa Ciprus, ay ginawa noong namamahala ang Romanong emperador na si Claudio. Siya ang emperador nang magpunta sina Pablo at Bernabe sa Ciprus noong mga 47 C.E. Makikita sa isang panig ng barya ang ulo at titulo ni Claudio, at sa kabilang panig naman, ang salitang Griego para sa “proconsul,” na tumutukoy sa gobernador ng islang iyon. Pinapatunayan ng nakasulat sa barya na tama si Lucas nang sabihin niyang si Sergio Paulo ang “proconsul” ng Ciprus.—Gaw 13:4, 7.