Unang Liham kay Timoteo 4:1-16

4  Gayunman, malinaw na sinasabi ng espiritu ng Diyos na sa hinaharap, may ilan na tatalikod sa pananampalataya at magbibigay-pansin sa mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu+ at sa mga turo ng mga demonyo  dahil sa kasinungalingan ng mga taong mapagkunwari,+ na ang konsensiya ay naging manhid, na para bang pinaso ng mainit na bakal.*  Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa+ at iniuutos sa mga tao na umiwas sa mga pagkaing+ ginawa ng Diyos para kainin+ nang may pasasalamat ng mga may pananampalataya+ at tumpak na kaalaman sa katotohanan.  Dahil ang lahat ng ginawa* ng Diyos ay mabuti,+ at walang anumang dapat itakwil+ kung ito ay kinain nang may pasasalamat,  dahil napababanal ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin para dito.  Kung ibibigay mo ang payong ito sa mga kapatid, magiging mahusay kang lingkod ni Kristo Jesus, isa na sumusulong at lumalakas sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya at ng mahusay na turo na maingat mong sinundan.+  Pero iwasan mo ang mga kuwentong di-totoo+ at lumalapastangan sa Diyos, gaya ng ikinukuwento ng matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili at gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon.  Dahil may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay, pero ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay, dahil may kasama itong pangako na buhay sa ngayon at sa hinaharap.+  Ang mga salitang ito ay mapananaligan at talagang dapat paniwalaan. 10  Kaya naman nagsisikap tayo nang husto at nagpapakapagod,+ dahil umaasa tayo sa isang buháy na Diyos, na Tagapagligtas+ ng lahat ng uri ng tao,+ lalo na ng mga tapat. 11  Patuloy mong iutos at ituro ang mga ito. 12  Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo. Kaya maging halimbawa ka sa mga tapat pagdating sa pagsasalita, paggawi, pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan. 13  Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa,+ pagpapayo, at pagtuturo hanggang sa makarating ako riyan. 14  Huwag mong pabayaan ang regalong ibinigay ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng isang hula nang ipatong sa iyo ng lupon ng matatandang lalaki ang kanilang mga kamay.+ 15  Pag-isipan mong mabuti ang mga bagay na ito;+ magbuhos ka ng pansin dito para makita ng lahat ang pagsulong mo. 16  Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo.+ Ibigay mo ang buong makakaya mo sa pagtupad sa mga bagay na ito, dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.+

Talababa

O “ng pangherong bakal.”
O “nilikha.”

Study Notes

apostasya: Ang pangngalang Griego na a·po·sta·siʹa na ginamit dito ay galing sa isang pandiwa na literal na nangangahulugang “lumayo.” Ang pangngalan ay puwedeng mangahulugan na “paghiwalay; pag-iwan; pagrerebelde.” Kaya hindi ito tumutukoy sa nangyayari sa isa na napalayo sa katotohanan dahil sa mahinang espirituwalidad o pagdududa. (Tingnan ang study note sa Gaw 21:21.) Sa klasikal na Griego, ginagamit ang pangngalang ito para tumukoy sa pagrerebelde sa gobyerno. Sa kontekstong ito, ginamit ni Pablo ang salitang “apostasya” para tumukoy sa pagrerebelde sa Diyos na magiging laganap bago dumating ang “araw ni Jehova.” (2Te 2:2) Ito ay sadyang pagtalikod sa tunay na pagsamba at paglilingkod sa Diyos.—Tingnan sa Glosari, “Apostasya.”

sinasabi ng espiritu ng Diyos: Dalawang beses ginamit sa talatang ito ang salitang Griego na pneuʹma. Madalas itong isalin na “espiritu,” pero may iba rin itong kahulugan depende sa konteksto. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Dito, tumutukoy ang ekspresyong ito sa sinasabi ng banal na espiritu ng Diyos.—Tingnan ang study note sa mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu sa talatang ito.

may ilan na tatalikod sa pananampalataya: Inihula ni Pablo na itatakwil ng ilang nag-aangking Kristiyano ang mga turo ng Diyos na nasa Kasulatan at iiwan ang tunay na pagsamba. Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “tatalikod” ay literal na nangangahulugang “lalayo” at puwede ring isaling “hihiwalay; magtatakwil.” (Gaw 19:9; 2Ti 2:19; Heb 3:12) Kaugnay ito ng pangngalang isinasaling “apostasya.”—Tingnan ang study note sa 2Te 2:3.

mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu: Lit., “mapanlinlang na mga espiritu.” Dito, ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na pneuʹma (espiritu) ay tumutukoy sa mga sinasabi ng mga taong nag-aangking pinapatnubayan sila ng Diyos o galing sa Diyos ang kaalaman nila. Pero ang mga sinasabi nila ay mula kay Satanas at sa mga demonyo, dahil inilarawan ang mga ito na “mapanlinlang” at iniuugnay ang mga ito sa “mga turo ng mga demonyo.” (Ju 8:44; 1Ju 4:1-6; Apo 16:13, 14) Ginagamit ng masasamang anghel ang mga “kasinungalingan ng mga taong mapagkunwari” para magkalat ng maling mga turo. (1Ti 4:2; 2Co 11:14, 15) Kapag nagbigay-pansin ang isang Kristiyano sa mga kasinungalingang iyon, manganganib ang pananampalataya niya.—Ihambing ang study note sa 2Te 2:2.

sa isang pagsisiwalat na parang mula sa Diyos: O “sa isang espiritu.” (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Ang salitang Griego na pneuʹma (madalas isaling “espiritu”) ay tumutukoy kung minsan sa isang paraan ng komunikasyon. Halimbawa, sa talatang ito, binanggit ito kasama ng “isang mensahe na narinig” at “isang liham.” Sa ibang mga talata, isinalin ang salitang Griego na ito bilang “pananalita na mula sa masasamang espiritu,” ‘mensaheng galing sa Diyos,’ at “mensaheng galing sa mga demonyo.”— 1Ti 4:1; 1Ju 4:1, 2, 6; Apo 16:14. Ihambing ang study note sa 1Co 12:10.

hindi na sila nakokonsensiya: Salin ito ng salitang Griego na literal na nangangahulugang “hindi na nakakaramdam ng sakit.” Dito, tumutukoy ito sa isang tao na hindi na nababagabag sa ginagawa niyang mali. Hindi na nakokonsensiya at natatakot sa Diyos ang ganitong tao.—1Ti 4:2.

ang konsensiya ay naging manhid, na para bang pinaso ng mainit na bakal: Noong panahon ni Pablo, pinapaso ng mainit na bakal ang isang hayop para magkaroon ito ng marka na tanda ng pagmamay-ari. Magpepeklat ang pinasong bahagi at magiging manhid. Ginamit ni Pablo dito ang isang anyo ng salitang Griego na kau·ste·ri·aʹzo·mai (lit., “pinaso ng nagbabagang bakal”), posibleng para ipakita na kapag paulit-ulit na gumagawa ng mali ang isang tao, mamamanhid ang konsensiya niya. Hindi na siya magdadalawang-isip na gumawa ng mali, at hindi na rin siya makokonsensiya sa ginagawa niya. (Ihambing ang study note sa Efe 4:19.) Sinasabi naman ng ilang iskolar na nangangahulugan itong minarkahan ang konsensiya ng mga taong namimihasang gumawa ng mali bilang tanda na pagmamay-ari sila ni Satanas at ng mga demonyo.

Cefas: Isa sa mga pangalan ni apostol Pedro. (Tingnan ang study note sa Mat 10:2; 1Co 1:12.) Dito, binanggit na may asawa si Cefas. Gaya ng makikita sa mga Ebanghelyo, nakatira sa bahay nila ang biyenan niyang babae, pati na ang kapatid niyang si Andres. (Mat 8:14; Mar 1:29-31; tingnan ang study note sa Luc 4:38.) Ipinapakita ng talatang ito na kung minsan, sinasamahan si Cefas ng asawa niya sa kaniyang ministeryo. Ang iba pang mga apostol at ang mga kapatid ni Jesus sa ina ay sinasamahan din ng mga asawa nila.

mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu: Lit., “mapanlinlang na mga espiritu.” Dito, ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na pneuʹma (espiritu) ay tumutukoy sa mga sinasabi ng mga taong nag-aangking pinapatnubayan sila ng Diyos o galing sa Diyos ang kaalaman nila. Pero ang mga sinasabi nila ay mula kay Satanas at sa mga demonyo, dahil inilarawan ang mga ito na “mapanlinlang” at iniuugnay ang mga ito sa “mga turo ng mga demonyo.” (Ju 8:44; 1Ju 4:1-6; Apo 16:13, 14) Ginagamit ng masasamang anghel ang mga “kasinungalingan ng mga taong mapagkunwari” para magkalat ng maling mga turo. (1Ti 4:2; 2Co 11:14, 15) Kapag nagbigay-pansin ang isang Kristiyano sa mga kasinungalingang iyon, manganganib ang pananampalataya niya.—Ihambing ang study note sa 2Te 2:2.

Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa: Pinilipit sa apostatang turong ito ang ilang magagandang paniniwalang Kristiyano. Totoo, inirekomenda ni Jesus ang pananatiling walang asawa at tinawag pa nga itong isang kaloob. (Mat 19:10-12) Ginabayan din si Pablo ng espiritu para isulat ang kagandahan ng pananatiling walang asawa dahil mas makakapaglingkod kay Jehova ang isa nang walang gaanong panggambala. (1Co 7:32-35) Pero hindi ipinagbabawal ni Jesus at ni Pablo ang pag-aasawa. Sa katunayan, ibinalik pa nga ni Jesus ang orihinal na pamantayan ni Jehova sa pag-aasawa. (Mat 19:3-6, 8) Sinabi rin ni Pablo na may mga pagkakataong mas mabuti pang mag-asawa ang isa at na ang pag-aasawa ay marangal at dapat pangalagaan. (1Co 7:2, 9, 28, 36; Heb 13:4) Sinabi pa niya na may mga apostol na may asawa. (1Co 9:5 at study note) Nagbigay rin siya ng mga payo sa mga mag-asawa kung paano nila magagampanan ang kanilang bigay-Diyos na mga pananagutan. (Efe 5:28-33) Kaya maliwanag na ipinapakita dito ni Pablo na kasama sa “mga turo ng mga demonyo” ang pagbabawal sa isang ministro na mag-asawa.—1Ti 4:1.

iniuutos sa mga tao na umiwas sa mga pagkaing: Sa Kautusang Mosaiko, iniutos ni Jehova sa bayang Israel na umiwas sa mga pagkaing tinawag niyang marumi. (Lev 11:4-7) Pero nang mamatay si Kristo Jesus, ‘nagwakas ang Kautusan,’ kaya wala na itong bisa nang isulat ni Pablo ang liham na ito noong mga 61-64 C.E. (Ro 10:4; Col 2:14) Mahigit isang dekada bago isulat ang liham na ito, sinabi ng lupong tagapamahala sa Jerusalem kung ano na lang ang natirang utos pagdating sa pagkain: Dapat na napatulo nang maayos ang dugo nito, at hindi ito dapat kainin bilang handog sa mga idolo. (Gaw 15:28, 29; ihambing ang Gaw 10:10-16.) Hindi naman pinagbabawalan ang mga Kristiyano na mag-ayuno o umiwas sa ilang pagkain (Mat 6:16-18), pero hindi kailangan ang mga iyon para maligtas (Ro 14:5, 6; Heb 13:9). Kaya idiniriin dito ni Pablo na ang sinumang nag-uutos sa mga Kristiyano na ‘umiwas sa ilang pagkain’ ay nagtatakwil sa tumpak na kaalaman at nagkakalat ng “mga turo ng mga demonyo.”—1Ti 4:1 at study note.

napababanal ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos: Tama lang na ituring ng mga Kristiyano na banal, o malinis, ang lahat ng pagkain, dahil wala na sila sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:3.) Kapag sinabi ni Jehova na malinis ang isang bagay, malinis ito. Halimbawa, sinabi kay apostol Pedro sa isang pangitain: “Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.”—Gaw 10:10-15.

panalangin para dito: Napababanal ang isang pagkain, hindi lang sa pamamagitan ng “salita” ng Diyos, kundi sa pamamagitan din ng panalangin. Sa panalangin, kinikilala ng isang Kristiyano na ang Diyos ang Tagapaglaan at itinuturing niya ang pagkain bilang regalo ng Diyos. Kaya puwede niyang kainin ito nang hindi natatakot na magiging marumi siya sa paningin ng Diyos.—Gen 1:29; 9:3; Mat 14:19; Luc 9:16.

iniuutos sa mga tao na umiwas sa mga pagkaing: Sa Kautusang Mosaiko, iniutos ni Jehova sa bayang Israel na umiwas sa mga pagkaing tinawag niyang marumi. (Lev 11:4-7) Pero nang mamatay si Kristo Jesus, ‘nagwakas ang Kautusan,’ kaya wala na itong bisa nang isulat ni Pablo ang liham na ito noong mga 61-64 C.E. (Ro 10:4; Col 2:14) Mahigit isang dekada bago isulat ang liham na ito, sinabi ng lupong tagapamahala sa Jerusalem kung ano na lang ang natirang utos pagdating sa pagkain: Dapat na napatulo nang maayos ang dugo nito, at hindi ito dapat kainin bilang handog sa mga idolo. (Gaw 15:28, 29; ihambing ang Gaw 10:10-16.) Hindi naman pinagbabawalan ang mga Kristiyano na mag-ayuno o umiwas sa ilang pagkain (Mat 6:16-18), pero hindi kailangan ang mga iyon para maligtas (Ro 14:5, 6; Heb 13:9). Kaya idiniriin dito ni Pablo na ang sinumang nag-uutos sa mga Kristiyano na ‘umiwas sa ilang pagkain’ ay nagtatakwil sa tumpak na kaalaman at nagkakalat ng “mga turo ng mga demonyo.”—1Ti 4:1 at study note.

lingkod ni Kristo Jesus: Tingnan ang study note sa 1Co 3:5.

sumusulong at lumalakas: Gumamit dito si Pablo ng salitang Griego na literal na tumutukoy sa pagpapakain at pagsasanay sa isang bata. “Mula pa noong sanggol” si Timoteo, para bang kumakain na siya at napapalusog ng “banal na mga kasulatan.” (2Ti 3:14-17) Bilang Kristiyano, sumulong at lumakas si Timoteo sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya, o ng mga turo na pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Sa liham na ito, pinayuhan siya ni Pablo na patuloy na kumain ng espirituwal na pagkain para tumibay ang pananampalataya niya. (1Ti 4:16) Sa gayon, mapapatibay niya rin at mapoprotektahan ang iba sa espirituwal bilang tagapangasiwa at pastol ng kongregasyong Kristiyano.—1Ti 1:3-7, 18; 4:1.

lingkod: Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para tumukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. (Tingnan ang study note sa Mat 20:26.) Sa Ro 15:8, ginamit ang termino para tumukoy kay Jesus. (Tingnan ang study note.) Sa talatang ito (1Co 3:5), sinabi ni Pablo na siya at si Apolos ay mga lingkod na tumulong sa mga taga-Corinto na maging mánanampalatayá. Kasama sa paglilingkod nila, gayundin ng lahat ng iba pang bautisadong Kristiyano, ang pagsapat sa espirituwal na pangangailangan ng ibang tao.—Luc 4:16-21.

mga kuwentong di-totoo at lumalapastangan sa Diyos: Lumalapastangan sa Diyos ang “mga kuwentong di-totoo” (salin ng salitang Griego na myʹthos) na kumakalat noong panahon ni Pablo. Nilalabag nito ang banal na mga pamantayan ng Diyos, at salungat ito sa sagrado at kapaki-pakinabang na mga katotohanan. (1Ti 6:20; 2Ti 1:13) Bunga lang ng imahinasyon ang mga kuwentong ito, kaya wala itong kabuluhan.—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4.

gaya ng ikinukuwento ng matatandang babae: Sa pariralang ito, gumamit si Pablo ng salitang Griego na lumilitaw na naging kasabihan noon para tumukoy sa pagiging “walang saysay.” Pero sa sumunod na kabanata, makikita sa mga sinabi ni Pablo na hindi naman masama ang tingin niya sa mga may-edad, kasama na ang matatandang babae. Pinayuhan niya pa nga si Timoteo na ituring silang mahal na mga kapamilya.—1Ti 5:1, 2.

sanayin mo ang iyong sarili: Mula talata 7 hanggang talata 10, gumamit si Pablo ng iba’t ibang termino na ginagamit sa paligsahan ng mga atleta para magturo. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:8, 10.) Ang salitang Griego na isinalin ditong “sanayin mo ang iyong sarili” ay gy·mnaʹzo, na madalas gamitin para tumukoy sa puspusang pagsasanay ng mga atletang sasali sa mga paligsahan. Kailangan sa pagsasanay na iyon ang disiplina sa sarili, sipag, at determinasyon. (Tingnan ang study note sa 1Co 9:25.) Ginamit ni Pablo ang salitang ito para idiin na kailangan ng pagsisikap para magkaroon ng makadiyos na debosyon.

makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.

ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyon: Sa Kasulatan, dito lang lumitaw nang magkasama ang mga ekspresyong “sagradong lihim” at “makadiyos na debosyon.” (Tingnan ang study note sa Mat 13:11; 1Ti 4:7.) Ito ang tinutukoy ni Pablo na sagradong lihim: May tao bang makakapagpakita ng perpektong debosyon sa Diyos sa buong buhay niya? Hindi ito nagawa ni Adan nang magrebelde siya kay Jehova sa Eden. Kaya napakahalaga ng tanong na ito para sa mga inapo niya. Sa loob ng mga 4,000 taon, nanatiling lihim ang sagot sa tanong na ito. Walang isa man sa di-perpektong inapo nina Adan at Eva ang nakapagpakita ng perpektong katapatan. (Aw 51:5; Ec 7:20; Ro 3:23) Pero si Jesus, na isang perpektong tao na gaya ni Adan, ay nakapagpakita ng makadiyos na debosyon sa lahat ng inisip, sinabi, at ginawa niya, kahit sa harap ng pinakamatitinding pagsubok. (Heb 4:15; tingnan ang study note sa 1Co 15:45.) Tapat at malapít kay Jehova si Jesus dahil tunay at di-makasarili ang pagmamahal niya sa Diyos. Ang perpektong makadiyos na debosyon na ipinakita ni Jesus ang sagot sa sagradong lihim na ito.

nagpipigil sa sarili: Ang mga atleta ay nagpipigil sa sarili habang naghahanda para sa isang kompetisyon. Marami ang nagdidiyeta, at ang ilan ay hindi muna umiinom ng alak. Isinulat ng istoryador na si Pausanias na umaabot nang 10 buwan ang pagsasanay para sa Olympics, at ipinapalagay na halos ganiyan din kahaba ang pagsasanay para sa iba pang malalaking palaro.

nagsisikap tayo nang husto at nagpapakapagod: Gumamit dito si Pablo ng dalawang salitang Griego na halos magkapareho ng kahulugan para idiin ang punto niya. (Ihambing ang Col 1:29.) Ang isa, na isinaling “nagsisikap . . . nang husto,” ay lumilitaw na nakapokus sa laki ng pagsisikap na ginagawa ng isang tao. Ang isa naman, na isinaling “nagpapakapagod,” ay posibleng tumutukoy sa paggawa ng trabahong nakakaubos ng lakas.—Luc 5:5; 2Ti 2:6; tingnan ang study note sa Luc 13:24.

pagsasanay: O “pag-eehersisyo.” Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang paggamit ng mga terminong pang-atleta na sinimulan niya sa naunang talata, kung saan ginamit niya ang pandiwang Griego na gy·mnaʹzo, na literal na nangangahulugang “magsanay (bilang atleta).” (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Dito, ginamit niya ang pangngalang gy·mna·siʹa, na tumutukoy sa pisikal na pagsasanay. Noong panahon ni Pablo, tinatawag na gymnasium (sa Griego, gy·mnaʹsi·on) ang lugar kung saan nagsasanay ang mga atleta. Popular noon ang ganoong mga lugar sa iba’t ibang lunsod sa Imperyo ng Roma dahil pinupuntahan talaga ito ng mga tao. Sa kultura nila, napakahalaga ng pisikal na pagsasanay. Pero may nag-iisip din noon na mali o walang kabuluhan ang ganoong pagsasanay. Sa patnubay ng espiritu, ipinakita ni Pablo kung ano dapat ang maging pananaw dito. Sinabi niya na may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay, pero idiniin niya na mas kapaki-pakinabang sa isa na “gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon.”—1Ti 4:7.

mga kuwentong di-totoo: Sa 2Ti 4:4, parehong binanggit ni Pablo ang “mga kuwentong di-totoo” at ang “katotohanan.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na myʹthos, na isinalin ditong “mga kuwentong di-totoo,” ay nangangahulugang “alamat, pabula . . . kathang-isip.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, laging negatibo ang pagkakagamit sa salitang ito. Posibleng nasa isip ni Pablo ang nakakaaliw na mga alamat na base sa mga kasinungalingan sa relihiyon at sabi-sabi. (Tit 1:14; 2Pe 1:16; tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Sinabihan niya ang mga Kristiyano na huwag magbigay-pansin, o maging interesado, sa di-totoong mga kuwento. Walang makukuhang pakinabang sa mga ito, at maililihis pa nito ang isip ng mga Kristiyano mula sa katotohanang nasa Salita ng Diyos.—2Ti 1:13.

pagsasanay: O “pag-eehersisyo.” Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang paggamit ng mga terminong pang-atleta na sinimulan niya sa naunang talata, kung saan ginamit niya ang pandiwang Griego na gy·mnaʹzo, na literal na nangangahulugang “magsanay (bilang atleta).” (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Dito, ginamit niya ang pangngalang gy·mna·siʹa, na tumutukoy sa pisikal na pagsasanay. Noong panahon ni Pablo, tinatawag na gymnasium (sa Griego, gy·mnaʹsi·on) ang lugar kung saan nagsasanay ang mga atleta. Popular noon ang ganoong mga lugar sa iba’t ibang lunsod sa Imperyo ng Roma dahil pinupuntahan talaga ito ng mga tao. Sa kultura nila, napakahalaga ng pisikal na pagsasanay. Pero may nag-iisip din noon na mali o walang kabuluhan ang ganoong pagsasanay. Sa patnubay ng espiritu, ipinakita ni Pablo kung ano dapat ang maging pananaw dito. Sinabi niya na may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay, pero idiniin niya na mas kapaki-pakinabang sa isa na “gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon.”—1Ti 4:7.

makadiyos na debosyon: Para sa paliwanag sa ekspresyong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7; tingnan din ang study note sa 1Ti 2:2.

kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay: Ipinakita dito ni Pablo na di-hamak na mas kapaki-pakinabang ang makadiyos na debosyon kaysa sa pisikal na pagsasanay. (Tingnan ang study note sa pagsasanay sa talatang ito.) Alam niya mula sa sarili niyang karanasan na ang makadiyos na debosyon ay “kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay” sa “buhay sa ngayon.” Halimbawa, dahil sa makadiyos na debosyon ni Pablo, nanghawakan siya sa “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (Tit 1:1, 2) Kaya hindi siya kailanman nadaya ng mga bagay na pinapaiwasan niya kay Timoteo, gaya ng mga kasinungalingan, mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu, at ng mga kuwentong di-totoo at lumalapastangan sa Diyos. (1Ti 4:1, 2, 7) Gayundin, tinulungan ni Jehova si Pablo na manatiling malakas kahit nanghihina, masaya kahit nahihirapan, at mapagmahal kahit iniinsulto. (2Co 6:12; 12:10, 15; Fil 4:13; Col 1:24) At dahil napanatili ni Pablo ang kaniyang makadiyos na debosyon, sigurado ang pag-asa niyang “buhay . . . sa hinaharap.” Masayang-masaya siya dahil sa pag-asa niyang mamahala sa langit kasama ni Kristo. Kahit noong malapit na siyang patayin, masaya pa rin siya dahil alam niyang may buhay na walang hanggan na naghihintay sa kaniya.—2Ti 2:12; 4:6-8.

makadiyos na debosyon: Ang terminong Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang sa Diyos. (Para sa paliwanag sa ekspresyong Griego na isinalin ditong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Ginamit din sa Septuagint ang salitang Griegong ito. Halimbawa, lumitaw ito sa Isa 11:2 at 33:6, kung saan ginamit sa tekstong Hebreo ang “pagkatakot kay Jehova,” na tumutukoy rin sa matinding paggalang sa Diyos na Jehova. Nang isalin ang 1Ti 2:2 sa Syriac (ang Peshitta) noong ikalimang siglo C.E., ang terminong Griegong ito ay isinaling “matinding paggalang sa Diyos,” kung saan sadyang isinama ang salitang “Diyos.” Nang maglaon, sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, isinalin ang eu·seʹbei·a na “pagkatakot kay Jehova” sa talatang ito at sa iba pang teksto kung saan ito lumitaw. (1Ti 3:16; 4:7, 8; 6:3, 6, 11) Pero naniniwala ang New World Bible Translation Committee na walang sapat na basehan ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito.—Tingnan ang Ap. C, kung saan ipinaliwanag ang mga dahilan sa pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa ilang talata; ihambing ang study note sa Ro 10:12.

makadiyos na debosyon: Ang salitang Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang at paghanga sa Diyos na ipinapakita ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng paglilingkod nang tapat at lubusang pagsunod sa Diyos. Malawak ang kahulugan ng salitang ito; tumutukoy rin ito sa tapat na pag-ibig o malapít na kaugnayan sa Diyos ng isang tao na nag-uudyok sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Kaya binanggit sa isang diksyunaryo na ang pinakadiwa talaga ng salitang ito ay “mamuhay sa paraang gusto ng Diyos.” Ipinakita rin ni Pablo na hindi tayo ipinanganak na may makadiyos na debosyon. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na magsikap nang husto gaya ng isang atleta para mapasulong pa ang ganitong katangian. Sa naunang bahagi ng liham na ito, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na si Jesu-Kristo ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na debosyon.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:16.

sanayin mo ang iyong sarili: Mula talata 7 hanggang talata 10, gumamit si Pablo ng iba’t ibang termino na ginagamit sa paligsahan ng mga atleta para magturo. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:8, 10.) Ang salitang Griego na isinalin ditong “sanayin mo ang iyong sarili” ay gy·mnaʹzo, na madalas gamitin para tumukoy sa puspusang pagsasanay ng mga atletang sasali sa mga paligsahan. Kailangan sa pagsasanay na iyon ang disiplina sa sarili, sipag, at determinasyon. (Tingnan ang study note sa 1Co 9:25.) Ginamit ni Pablo ang salitang ito para idiin na kailangan ng pagsisikap para magkaroon ng makadiyos na debosyon.

lahat ng uri ng tao: Ang literal na salin ng ekspresyong Griegong ito ay “lahat ng tao,” pero mas angkop ang saling “lahat ng uri ng tao” batay sa konteksto. (Para sa iba pang halimbawa, tingnan ang study note sa Ju 12:32; Gaw 2:17.) Gusto ng Diyos na ang lahat ng tao ay “magsisi” (2Pe 3:9), kaya binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na maligtas, anuman ang kanilang kasarian, lahi, o estado sa buhay. (Mat 28:19, 20; Gaw 10:34, 35; 17:30) Pero malinaw na ipinapakita ng Kasulatan na marami ang tatanggi sa paanyaya ng Diyos at hindi maliligtas. (Mat 7:13, 21; Ju 3:16, 36; 2Te 1:9) Kaya ang saling “lahat ng uri ng tao” ay kaayon ng mga talatang iyon. Angkop din ang saling iyan sa naunang mga talata, kung saan pinayuhan ni Pablo ang kapuwa niya mga Kristiyano na manalangin “para sa lahat ng uri ng tao, sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon.”—1Ti 2:1, 2.

nagsisikap tayo nang husto at nagpapakapagod: Gumamit dito si Pablo ng dalawang salitang Griego na halos magkapareho ng kahulugan para idiin ang punto niya. (Ihambing ang Col 1:29.) Ang isa, na isinaling “nagsisikap . . . nang husto,” ay lumilitaw na nakapokus sa laki ng pagsisikap na ginagawa ng isang tao. Ang isa naman, na isinaling “nagpapakapagod,” ay posibleng tumutukoy sa paggawa ng trabahong nakakaubos ng lakas.—Luc 5:5; 2Ti 2:6; tingnan ang study note sa Luc 13:24.

umaasa tayo sa isang buháy na Diyos: Tinatawag ni Pablo si Jehova na “buháy na Diyos,” ang Diyos na di-hamak na nakahihigit sa walang-buhay na mga idolong sinasamba noong panahon niya. (Gaw 14:15; 1Co 12:2; 1Te 1:9; tingnan ang study note sa 1Ti 3:15.) Bilang buháy na Diyos, may kapangyarihan si Jehova na gantimpalaan ang tapat na mga lingkod niya dahil sa pagsisikap nilang paglingkuran siya. (2Cr 16:9; Jer 32:19; 1Pe 3:12; 1Ju 3:22) Ipinapangako niyang ililigtas niya sila at bibigyan ng buhay na walang hanggan. (Ro 2:6, 7; 1Ti 1:16; Tit 1:2) Nauudyukan si Pablo at ang iba pang Kristiyano na magsikap nang husto at magpakapagod dahil alam nilang galing sa buháy at makapangyarihang Diyos ang pag-asa nila.

Tagapagligtas: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.

lahat ng uri ng tao: Tingnan ang study note sa 1Ti 2:4.

lalo na ng mga tapat: Sa konteksto, ang ekspresyong “mga tapat” ay tumutukoy sa mga nananampalataya sa buháy na Diyos at nananatili sa panig niya. (Gaw 14:22; 1Te 3:5 at study note, 7) Ang Diyos ang “Tagapagligtas ng lahat ng uri ng tao” dahil inilaan niya ang pantubos, na nagbigay ng pag-asa sa lahat ng tao na maligtas. Pero ang maliligtas lang ay ang mga patuloy na mananampalataya kay Jesus at maglilingkod nang tapat sa Diyos.—Ju 3:16, 36; 1Ti 6:12.

tapat: Ang salitang Griego na ginamit dito (piʹstis) ay puwede ring isaling “pananampalataya” (Mat 8:10; Ro 1:17; 1Te 3:2, 10), “katapatan” (Mat 23:23), at “mapagkakatiwalaan” (Tit 2:10). Sa kontekstong ito (1Te 3:5-7), ipinapahiwatig ng salitang piʹstis na ang mga Kristiyano sa Tesalonica ay nanindigan at nanatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok. Idiniriin nito ang pananatili nilang tapat sa Diyos kahit dumanas sila ng mga pag-uusig. Dahil sa katapatan nila, napatibay sina Pablo, Silvano, at Timoteo, na “nagigipit . . . at nagdurusa” noon.—1Te 3:7.

Diyos na ating Tagapagligtas: Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo at sa liham niya kay Tito, anim na beses niyang ginamit ang terminong “Tagapagligtas” para tumukoy sa Diyos na Jehova (dito at sa 1Ti 2:3; 4:10; Tit 1:3; 2:10; 3:4), pero dalawang beses lang itong ginamit sa natitira pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Luc 1:47; Jud 25). Sa Hebreong Kasulatan, madalas ilarawan si Jehova bilang Tagapagligtas ng bayan niyang Israel. (Aw 106:8, 10, 21; Isa 43:3, 11; 45:15, 21; Jer 14:8) Dahil si Jesus ang ginamit ni Jehova para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, tinatawag din siyang “Tagapagligtas.” (Gaw 5:31; 2Ti 1:10) Tinatawag din siyang “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” (Heb 2:10) Ang pangalang Jesus, na ibinigay sa Anak ng Diyos batay sa tagubilin ng isang anghel, ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan,” dahil sabi ng anghel, “ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mat 1:21 at study note) Idiniriin ng mismong pangalan ni Jesus na nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Kaya parehong tinatawag na Tagapagligtas ang Ama at ang Anak. (Tit 2:11-13; 3:4-6) Ang mga terminong Hebreo at Griego (sa Septuagint) para sa “tagapagligtas” ay puwede ring tumukoy sa mga taong ginagamit ng Diyos bilang “mga tagapagligtas para palayain” ang bayan niya mula sa mga kaaway nila.—Ne 9:27; Huk 3:9, 15.

buháy na Diyos: Madalas gamitin sa Hebreong Kasulatan ang ganitong paglalarawan sa Diyos. (Deu 5:26; 1Sa 17:26, 36; Isa 37:4, 17) Sa kontekstong ito, ipinakita ni Pablo ang kaibahan ni Jehova, ang “buháy na Diyos,” sa walang-buhay na mga idolong sinasamba ng mga pagano sa Efeso at sa iba pang lugar. Posibleng ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito para ipaalala sa mga Kristiyano na nakahihigit ang pagsamba nila.

Magsikap kayo nang husto: O “Patuloy kayong magpursigi.” Idiniriin dito ni Jesus na kailangang ibigay ng isa ang buong makakaya niya para makapasok sa makipot na pinto. Ayon sa iba’t ibang reperensiya, puwede rin itong isalin sa tekstong ito na “Ibigay ang inyong buong makakaya; Gawin ninyo ang lahat.” Ang pandiwang Griego na a·go·niʹzo·mai ay nauugnay sa pangngalang Griego na a·gonʹ, na madalas gamitin para tumukoy sa kompetisyon ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit sa Luc 13:24 ay isinaling “kasali sa isang paligsahan” (1Co 9:25), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). Dahil iniuugnay ang ekspresyong ito sa kompetisyon ng mga atleta, sinasabi ng ilan na pinapasigla ni Jesus ang mga alagad niya na magsikap na katulad ng isang atleta na ibinubuhos ang buong makakaya para mapanalunan ang gantimpala.

pagiging kabataan mo: Posibleng nasa mahigit 30 anyos si Timoteo nang mga panahong ito, at mahigit isang dekada na siyang sinasanay ni apostol Pablo. Posibleng mga ganito rin ang edad ni Pablo nang una siyang iulat sa Bibliya. Sa Gaw 7:58 (tlb.), tinawag ni Lucas si Saul (Pablo) na ‘kabataang lalaki,’ gamit ang isang salitang Griego na kaugnay ng salita para sa “kabataan” na ginamit dito sa 1Ti 4:12. Gayundin, sa Septuagint, ang terminong Griego na isinasaling “kabataan” ay tumutukoy kung minsan sa mga may asawa. (Kaw 5:18; Mal 2:14, 15; LXX) Sa mga Griego at Romano noon, itinuturing pa ring bata at kulang sa karunungan ang mga lalaking mahigit 30 anyos na. Malamang na mas bata si Timoteo sa ilang lalaki na kailangan niyang payuhan o atasan bilang matandang lalaki, kaya posibleng nag-aalangan siyang gamitin ang awtoridad niya. (1Ti 1:3; 4:3-6, 11; 5:1, 19-22) Siguradong nakapagpalakas ng loob ni Timoteo ang sinabi sa kaniya ni Pablo na “hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan” niya.

maging halimbawa ka sa mga tapat: Nilinaw dito ni Pablo kung paano susundin ni Timoteo ang payong huwag niyang hayaang “hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan” niya. Hindi ito nangangahulugan na magiging dominante si Timoteo o magiging mahigpit siya sa paggamit ng awtoridad na ibinigay sa kaniya ng Diyos; hindi rin niya kailangang pilitin ang iba na igalang siya. Hindi rin kasi ganiyan ang ginawa ni Pablo. (Tingnan ang study note sa 2Co 1:24.) Sa halip, hinimok ni Pablo si Timoteo na patuloy na maging mabuting halimbawa sa iba dahil mas epektibo ito. Pagkatapos, bumanggit si Pablo ng limang bagay kung saan puwedeng maging halimbawa si Timoteo sa “mga tapat”: sa pananalita, paggawi, kalinisan, pag-ibig, at pananampalataya. Kapag nakita ng mga tapat ang halimbawa niya, mapapakilos din silang maging mas mabuting Kristiyano.—Heb 13:7, 17.

kalinisan: O “kadalisayan.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:2.

may malinis na puso: O “may kadalisayan.” Ang salitang Griego na isinaling “may malinis na puso” ay puwedeng tumukoy sa pagiging malinis sa paggawi (kasama na ang seksuwal na paggawi), pag-iisip, at motibo. (1Ti 4:12; tingnan ang study note sa Fil 4:8.) Dapat pakitunguhan ni Timoteo ang mga nakababatang babaeng Kristiyano na parang mga kapatid niya talaga. Kailangan niyang makitungo nang may malinis na puso sa kanila, pati na sa lahat ng iba pang kapatid; ibig sabihin, pananatilihin niyang malinis ang kaniyang isip, pananalita, at paggawi.—Job 31:1.

Hindi sa kami ang mga panginoon ng inyong pananampalataya: Nagtitiwala si Pablo na dahil tapat na mga Kristiyano ang mga kapatid niya, gusto nilang gawin ang tama. Matatag sila dahil sa pananampalataya nila, hindi dahil kay Pablo o sa sinumang tao. Ang pandiwang Griego na isinaling “kami ang mga panginoon” (ky·ri·euʹo) ay puwedeng magpahiwatig ng pagkontrol sa iba o pagiging dominante. Sa katunayan, gumamit si Pedro ng kaugnay na termino nang payuhan niya ang matatandang lalaki na huwag ‘mag-astang panginoon sa mga mana ng Diyos.’ (1Pe 5:2, 3) Naunawaan ni Pablo na kahit may awtoridad siya bilang apostol, wala siyang karapatan na kontrolin ang iba. Isa pa, nang sabihin ni Pablo na mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan, ipinakita niya na hindi sila nakakataas ng mga kasama niya, kundi mga lingkod din sila na ginagawa ang lahat para tulungan ang mga taga-Corinto na maging masaya sa pagsamba kay Jehova.

pinapatibay . . . inaaliw: Gumamit dito si Pablo ng dalawang pangngalang Griego na pareho ang kahulugan. Malawak ang kahulugan ng salitang isinaling “pinapatibay” (pa·raʹkle·sis). Puwede itong isaling “pinapatibay,” gaya dito at sa iba pang teksto (Gaw 13:15; Heb 6:18), “payo” (1Te 2:3; 1Ti 4:13; Heb 12:5), o “kaaliwan” (Ro 15:4, tlb.; 2Co 1:3, 4; 2Te 2:16). (Tingnan ang study note sa Ro 12:8.) Ang isa pang salitang Griego (pa·ra·myʹthi·on), na isinaling “inaaliw,” ay mula sa pandiwang Griego na nangangahulugang “aliwin; pasayahin” o “makipag-usap nang mabait.” (Ihambing ang study note sa 1Co 14:3.) Lumilitaw na sinasabi dito ni Pablo na kung papatibayin at aaliwin ng mga taga-Filipos ang isa’t isa, mapapatibay nila ang buklod ng pagkakaisa ng kongregasyon.—Fil 2:2.

tumayo para magbasa: Sinasabi ng mga iskolar na ito ang pinakaunang rekord ng aktibidad sa sinagoga. Ayon sa tradisyong Judio, ganito ang nangyayari sa sinagoga: Una, nananalangin nang pribado ang dumarating na mga mananamba. Pagkatapos, babasahin ang Deu 6:4-9 at 11:13-21. Sumunod, may mangunguna sa pampublikong panalangin bago basahin nang malakas ang nakaiskedyul na bahagi ng Pentateuch. Sinasabi ng Gaw 15:21 na noong unang siglo C.E., ginagawa ang pagbabasang iyon “tuwing sabbath.” Pagkatapos, gagawin na nila ang posibleng binabanggit sa talatang ito—babasa sila ng isinulat ng mga propeta at babanggit ng aral na natutuhan nila. Ang tagabasa ay karaniwan nang nakatayo, at puwede siyang pumili ng gusto niyang basahing hula.​—Tingnan ang study note sa Gaw 13:15.

Magsikap ka: O “Ibuhos mo ang atensiyon mo.” Makaranasang ministro at tagapangasiwa si Timoteo. (Fil 2:20-22; 1Te 3:2) Pero dito, pinasigla siya ni Pablo na pasulungin pa ang kaniyang pangmadlang pagbabasa, pagpapayo, at pagtuturo. Para magawa ito, kailangang mag-aral at maghandang mabuti ni Timoteo. Nasa panahunang pangkasalukuyan ang pandiwang Griego na ginamit dito, na nagpapakitang kailangang patuloy na pag-isipan ni Timoteo kung paano siya susulong at pagsikapang maisakatuparan ito sa mga bahaging iyon ng kaniyang ministeryo.

pangmadlang pagbabasa: Mahalagang bahagi ng pagsamba noon sa sinagoga ng mga Judio ang pagbabasa ng Kasulatan nang malakas, at naging mahalagang bahagi rin ito ng mga Kristiyanong pagpupulong. (Luc 4:16 at study note; Gaw 13:15 at study note) Sa pagtitipon ng mga Kristiyano noon, binabasa nila ang Hebreong Kasulatan, at nang maglaon, pati na rin ang ilang akda na naging bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Nagpapadala rin ang matatandang lalaki ng mga liham na dapat basahin sa mga kongregasyon. (Gaw 15:22, 23, 30, 31; 16:4, 5; Col 4:16; 1Te 5:27; Apo 1:3) Kailangan talagang basahin nang malakas ang mga iyon dahil iilan lang ang may kopya nito at posible ring may mga hindi marunong magbasa. Kailangang maghandang mabuti ng magbabasa para mabasa niya nang mahusay ang materyal at maintindihan ito ng mga nakikinig. (Ihambing ang Ne 8:8.) Mas mahirap ang pagbabasa noon, dahil sa mga manuskritong Griego na ginagamit nila, walang espasyo sa pagitan ng mga salita at kakaunti rin ang mga bantas. Kaya siguradong napahalagahan ni Timoteo ang payo sa kaniya ni Pablo tungkol sa pangmadlang pagbabasa at ipinayo niya rin ito sa iba.

pagpapayo: O “pagpapatibay.” Kasama sa pagpapayo ang pagpapakilos sa iba na gawin ang isang bagay, pero ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring tumukoy sa pagpapasigla at pagpapatibay. Kung paanong kailangan ni Timoteo na maghandang mabuti sa pangmadlang pagbabasa at pagtuturo, kailangan din niyang gawin ang buong makakaya niya para mapasigla at mapatibay ang mga kapatid.—Tingnan ang study note sa Ro 12:8; Fil 2:1.

magpatibay: O “magpayo.” Ang pangngalang Griego na pa·raʹkle·sis, na literal na nangangahulugang “pagtawag sa isa para tabihan ka,” ay kadalasan nang tumutukoy sa pagpapatibay (Gaw 13:15; Fil 2:1) o pag-aliw (Ro 15:4; 2Co 1:3, 4; 2Te 2:16). Ang terminong ito at ang kaugnay nitong pandiwa na pa·ra·ka·leʹo, na ginamit sa talatang ito, ay puwede ring isaling “pagpapayo,” gaya ng mababasa sa ibang konteksto. (1Te 2:3; 1Ti 4:13; Heb 12:5) Dahil saklaw ng kahulugan ng mga terminong Griegong ito ang pagpapayo, pag-aliw, at pagpapatibay, ipinapakita nito na kahit kailan, ang isang Kristiyano ay hindi dapat magpayo sa paraang masakit at walang galang.

pangmadlang pagbabasa ng Kautusan at mga Propeta: Noong unang siglo C.E., ang pangmadlang pagbabasa ay ginagawa “tuwing sabbath.” (Gaw 15:21) Ang isang bahagi ng pagsamba sa sinagoga ay ang pagbigkas sa Shema, ang itinuturing na kapahayagan ng pananampalataya ng mga Judio. (Deu 6:4-9; 11:13-21) Ang pangalang Shema ay galing sa unang salita ng unang teksto sa kapahayagang iyon, “Makinig [Shemaʽʹ] kayo, O Israel: Si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova.” (Deu 6:4) Ang pinakamahalagang bahagi ng pagsambang iyon ay ang pagbabasa ng Torah, o Pentateuch. Sa maraming sinagoga, binabasa ang buong Kautusan sa loob ng isang taon; sa iba naman, sa loob ng tatlong taon. Binabasa rin ang ilang bahagi ng mga Propeta at ipinapaliwanag. May nagpapahayag din pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa. Kaya pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa sa sinagoga sa Antioquia ng Pisidia, inanyayahan si Pablo na magsalita para patibayin ang mga naroon.—Tingnan ang study note sa Luc 4:16.

Huwag mong pabayaan ang regalong ibinigay ng Diyos sa iyo: Tinutukoy dito ni Pablo ang isang regalong ibinigay ni Jehova kay Timoteo sa pamamagitan ng banal na espiritu. Lumilitaw na tumutukoy ito sa espesyal na pananagutan ni Timoteo sa bayan ng Diyos. Malamang na tinanggap niya ang regalong ito noong dumalaw si Pablo sa Listra sa ikalawang paglalakbay nito bilang misyonero. Nang panahong iyon, “isang hula” ang ibinigay tungkol sa magiging mga pananagutan ni Timoteo. Nang maglaon, naging naglalakbay na tagapangasiwa si Timoteo. Inatasan din siyang maglingkod nang ilang panahon sa Efeso bilang tagapangasiwa. (1Ti 1:3) Alam ni Pablo na masasayang ang isang regalo kung hindi ito gagamitin. Kaya nang payuhan niya si Timoteo na huwag pabayaan, o bale-walain, ang regalong natanggap nito, napaalalahanan niya si Timoteo kung gaano kahalaga ang regalong ito. Gusto niyang patuloy itong mahalin ni Timoteo sa pamamagitan ng pagbibigay ni Timoteo ng buong makakaya niya sa atas na ito.—Tingnan din ang 2Ti 1:6 at study note.

sa pamamagitan ng isang hula: Posibleng tumutukoy ito sa isa sa mga hulang binanggit tungkol kay Timoteo nang dumalaw si Pablo sa Listra noong ikalawang paglalakbay nito bilang misyonero. Ang mga hulang ito ay lumilitaw na tungkol sa magiging pananagutan ni Timoteo sa kongregasyong Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Ti 1:18.) Kaya naging malinaw na ang espiritu ni Jehova ang aakay kay Timoteo sa mga gagawin niyang paglilingkod. Dahil diyan, agad na binigyan ng matatandang lalaki sa Listra si Timoteo ng espesyal na atas at ipinasama siya kay Pablo.—Gaw 16:1-5.

ipatong sa iyo . . . ang kanilang mga kamay: Tingnan ang study note sa Gaw 6:6.

lupon ng matatandang lalaki: Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na pre·sby·teʹri·on para tumukoy sa isang grupo ng matatandang lalaki. Kaugnay ito ng salitang madalas isaling “matandang lalaki.” (Tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”) Sa Luc 22:66 (tingnan ang study note) at Gaw 22:5 (tingnan ang study note), ang terminong pre·sby·teʹri·on ay tumutukoy sa “kapulungan ng matatandang lalaki,” na malamang na ang Judiong Sanedrin. Lumilitaw na ginagamit din ang terminong Griegong ito para sa mga lalaking nangunguna sa mga komunidad ng mga Judio sa iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Roma. Ipinapakita sa talatang ito na ito rin ang terminong ginagamit ng mga Kristiyano para sa grupo ng “matatandang lalaki,” o mga lalaking nangunguna, sa bawat kongregasyon. Makikita rin sa ibang teksto na karaniwan nang higit sa isa ang matandang lalaki sa bawat kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 14:23; 20:17; Fil 1:1.

mga tagapangasiwa: Ginamit dito ni Pablo ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego para sa “tagapangasiwa” (e·piʹsko·pos) para tukuyin ang mga nangunguna sa kongregasyon sa Filipos. (Ihambing ang Gaw 20:28.) Sa ibang liham niya, binanggit niya na isang “lupon ng matatandang lalaki” ang nagbigay ng espesyal na atas kay Timoteo. (1Ti 4:14) Kahit minsan, walang ipinahiwatig si Pablo na nag-iisa lang ang tagapangasiwa sa isang kongregasyon. Ipinapakita nito kung paano inoorganisa ang mga kongregasyon noong unang siglo. Pareho ang kahulugan ng “mga tagapangasiwa” at “matatandang lalaki” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at tumutukoy ang mga ito sa iisang pananagutan. (Gaw 20:17, 28; Tit 1:5, 7; ihambing ang 1Pe 5:1, 2.) Nakadepende ang bilang ng mga tagapangasiwa sa isang kongregasyon sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikadong maging “matatandang lalaki.”—Gaw 14:23; tingnan ang study note sa Gaw 20:17, 28.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Kung paanong mga lalaking may-gulang sa espirituwal ang nangunguna at nangangasiwa sa mga lunsod sa sinaunang bansang Israel, mga lalaking may-gulang din sa espirituwal ang nanguna sa iba’t ibang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. Sa ulat na ito, kung saan ipinatawag ni Pablo ang matatandang lalaki sa Efeso, maliwanag na higit sa isa ang matandang lalaki sa kongregasyong iyon. Ang bilang ng matatandang lalaki sa bawat kongregasyon ay nakadepende sa dami ng may-gulang na mga lalaki na kuwalipikado sa atas na ito. (1Ti 3:1-7; Tit 1:5-8) Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, na malamang na nakatira noon sa Efeso, may binanggit siyang “lupon ng matatandang lalaki.”—1Ti 1:3; 4:14.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 16:21.) Kung paanong ang matatandang lalaki ay nangunguna at nangangasiwa sa mga komunidad sa sinaunang bansang Israel, ang mga lalaking may-gulang sa espirituwal naman ang nanguna sa mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. (1Ti 3:1-7; Tit 1:5-9) Kahit na sina Pablo at Bernabe ay “isinugo ng banal na espiritu” sa paglalakbay na ito bilang misyonero, nanalangin pa rin sila at nag-ayuno bago mag-atas. Pagkatapos, ‘ipinagkatiwala nila ang matatandang lalaki kay Jehova.’ (Gaw 13:1-4; 14:23) Bukod kina Pablo at Bernabe, si Tito, at lumilitaw na pati si Timoteo, ay sinabing nag-atas din ng “matatandang lalaki” sa mga kongregasyon. (Tit 1:5; 1Ti 5:22) Walang ulat na ang mga kongregasyon lang ang gumawa ng pag-aatas. Lumilitaw na higit sa isa ang matatandang lalaki sa mga kongregasyon noong unang siglo, at naglilingkod sila bilang isang “lupon.”—1Ti 4:14; Fil 1:1.

kapulungan ng matatandang lalaki: O “sanggunian (lupon) ng matatanda.” Ang salitang Griego na ginamit dito, pre·sby·teʹri·on, ay kaugnay ng terminong pre·sbyʹte·ros (lit., “matandang lalaki”), na sa Bibliya ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25 at Gaw 2:17), pero hindi lang ito ginagamit para sa matatanda. Dito, lumilitaw na ang ekspresyong “matatandang lalaki” ay tumutukoy sa Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem, na binubuo ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki. Madalas banggiting magkakasama ang tatlong grupong ito.—Mat 16:21; 27:41; Mar 8:31; 11:27; 14:43, 53; 15:1; Luc 9:22; 20:1; tingnan ang study note sa Luc 22:66.

matatandang lalaki: O “sanggunian (lupon) ng matatanda.” Ang salitang Griego na ginamit dito, pre·sby·teʹri·on, ay kaugnay ng terminong pre·sbyʹte·ros (lit., “matandang lalaki”), na sa Bibliya ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25 at Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, lumilitaw na ang ekspresyong “matatandang lalaki” ay tumutukoy sa Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem, na binubuo ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki. Madalas banggiting magkakasama ang tatlong grupong ito.​—Mat 16:21; 27:41; Mar 8:31; 11:27; 14:43, 53; 15:1; Luc 9:22; 20:1; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki,” at ang study note sa bulwagan ng Sanedrin sa tekstong ito.

ipinatong ng mga apostol sa mga ito ang mga kamay nila: Sa Hebreong Kasulatan, iba-iba ang ibig sabihin ng pagpapatong ng kamay, at ginagawa ito sa tao o sa hayop. (Gen 48:14; Lev 16:21; 24:14) Kapag ginagawa ito sa isang tao, karaniwan nang nangangahulugan itong kinikilala siya o binibigyan ng isang espesyal na atas. (Bil 8:10) Halimbawa, ipinatong ni Moises ang kamay niya kay Josue para ipakitang ito ang hahalili sa kaniya. Kaya “naging marunong” si Josue, at mahusay niyang napangasiwaan ang Israel. (Deu 34:9) Dito sa Gaw 6:6, ipinatong ng mga apostol ang kamay nila sa mga lalaking binigyan nila ng awtoridad. Pero ginawa nila ito pagkapanalangin, na nagpapakitang nagpapagabay sila sa Diyos. Pagkatapos, ipinatong ng mga miyembro ng isang lupon ng matatanda ang kamay nila kay Timoteo para bigyan siya ng isang espesyal na atas. (1Ti 4:14) May awtoridad din si Timoteo na atasan ang iba sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay niya sa kanila, pero gagawin niya lang ito matapos na pag-isipang mabuti kung nakakaabot sila sa kuwalipikasyon.​—1Ti 5:22.

ayon sa mga hula tungkol sa iyo: Ipinaalala ni Pablo kay Timoteo ang mga hula tungkol sa kaniya, at posibleng pati na sa magiging papel niya sa kongregasyon. Ibinigay ang mga hulang ito sa patnubay ng espiritu ng Diyos. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:14.) Lumilitaw na kasama sa mga hula ang pag-aatas kay Timoteo, dahil sinabi ni Pablo na matutulungan si Timoteo ng mga ito, o ng mga hula, sa pakikipaglaban niya sa huwad na mga guro.

regalo ng Diyos: Dito at sa nauna niyang liham, parehong may binanggit si Pablo na isang regalong natanggap ni Timoteo. (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:14.) Pero may pagkakaiba sa dalawang ulat na ito. Dito, sinabi ni Pablo na siya ang nagpatong ng kamay kay Timoteo. Wala siyang binanggit na lupon ng matatanda; wala rin siyang binanggit na hula, di-gaya ng ginawa niya sa nauna niyang liham. Kaya hindi tiyak kung iisang pangyayari lang ang tinutukoy niya. Iisang pangyayari man ito o hindi, lumilitaw na ang regalong tinutukoy dito ni Pablo ay isang kaloob ng espiritu—isang espesyal na kakayahan na tumutulong kay Timoteo para magampanan ang atas niya.

Pag-isipan mong mabuti: O “Bulay-bulayin mo.” Idiniriin dito ni Pablo ang kahalagahan ng pagbubulay-bulay. Posibleng tumutukoy ang mga bagay na ito sa payo ni Pablo kay Timoteo sa naunang mga talata tungkol sa paggawi, ministeryo, at pagtuturo (1Ti 4:12-14) o sa buong liham niya. Idiniriin din sa Hebreong Kasulatan kung gaano kahalaga na pag-isipang mabuti ng mga lingkod ni Jehova ang mga ginagawa nila at ang kaugnayan nila sa Diyos. (Aw 1:2 at tlb.; 63:6; 77:12; 143:5) Halimbawa, sa Jos 1:8, sinabi ni Jehova kay Josue tungkol sa “aklat . . . ng Kautusan”: “Dapat mo itong basahin nang pabulong [o, “bulay-bulayin,” tlb.] araw at gabi.” Ang pandiwang Hebreo na ginamit sa talatang iyon ay tumutukoy sa pagbabasa nang hindi nagmamadali para mapag-isipang mabuti ng isa ang binabasa niya. Ginamit din ng Griegong Septuagint sa talatang iyon ang pandiwa na ginamit ni Pablo dito sa 1Ti 4:15. Gaya ni Josue, kailangan din ni Timoteo na bulay-bulayin araw-araw ang Kasulatan para patuloy siyang sumulong sa espirituwal at maging mas mahusay sa pagganap ng atas niya.

magbuhos ka ng pansin dito: Ang ekspresyong ito ay nagpapahiwatig ng pagiging tutok na tutok sa isang gawain. Sinabi ng isang reperensiya tungkol dito: “Dapat na ang mga bagay na ito ang pumupuno sa isip ng isa, kung paanong pinupuno ng hangin ang katawan ng isang tao.”

para makita ng lahat ang pagsulong mo: Gusto ni Pablo na patuloy na sumulong si Timoteo sa mga aspekto ng paglilingkod na binanggit niya. Ang mga makakakita sa pagsulong ni Timoteo ay mauudyukang tularan siya, at lalo rin silang magtitiwala sa kaniya. (1Ti 4:12-16) Ang dapat na motibo niya ay hindi itaas ang sarili niya o pahangain ang iba, kundi tulungan ang kongregasyon.—Ro 12:3; 1Co 4:7; 13:4.

Laging bigyang-pansin ang sarili mo: Talagang gusto ni Pablo na maingatan ni Timoteo ang espirituwalidad nito, at gusto niyang maging mapagbantay si Timoteo laban sa anumang bagay na puwedeng maging dahilan para maiwala nito ang pag-asa niyang mabuhay nang walang hanggan. Nang makipagkita si Pablo sa matatandang lalaki mula sa Efeso mga ilang taon bago nito, pinayuhan niya rin sila: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili.” Kaya idiniriin ni Pablo na kailangan ng mga tagapangasiwa na manatiling matibay sa espirituwal at iwasang magtiwala sa sarili.—Gaw 20:17, 28 at study note.

Ibigay mo ang buong makakaya mo sa pagtupad sa mga bagay na ito: Sa mapuwersang paraan, tinapos ni Pablo ang mga bilin niya kay Timoteo kung paano “magiging mahusay [na] lingkod ni Kristo Jesus.” (1Ti 4:6-16) Sa talata 15 at 16, espesipikong binanggit ni Pablo ang mga gusto niyang patuloy na gawin ni Timoteo: ‘Mag-isip nang mabuti, magbuhos ng pansin, laging magbigay-pansin sa sarili, at ibigay ang buong makakaya.’ Sinabi ng isang reperensiya tungkol sa payo ni Pablo sa itinuturing niyang anak na si Timoteo: “Posibleng ang nilalaman ng dalawang talatang ito ang pinakamadamdaming payo na mababasa sa liham na ito.”

Bigyang-pansin: O “Bantayan.” Mahal ni Jehova ang mga tupa sa kawan niya, dahil wala nang mas tataas pa sa halagang ipinambili niya rito—ang “dugo ng sarili niyang Anak.” Kaya binabantayan ng mapagpakumbabang mga tagapangasiwa ang bawat miyembro nito at isinasaisip kung gaano kamahal ni Jehova ang kaniyang mga tupa.—1Pe 5:1-3.

Media