Ayon kay Mateo 13:1-58
Talababa
Study Notes
umupo: Kaugalian ito ng mga gurong Judio.—Mat 5:1, 2.
sa dalampasigan: Sa dalampasigan ng Lawa ng Galilea malapit sa Capernaum, may lugar na parang ampiteatro. Lumalakas dito ang boses ng nagsasalita, kaya naririnig si Jesus ng maraming tao nang magsalita siya mula sa bangka.
ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.
batuhan: Hindi ito tumutukoy sa lupa na maraming nakakalat na bato, kundi sa mga lugar na bato ang pinakasahig o may patong-patong na bato kung saan kaunti lang ang lupa. Sa kaparehong ulat sa Luc 8:6, sinabi na ang ilang binhi ay nahulog “sa bato.” Sa gayong lugar, hindi mag-uugat nang malalim ang halaman kaya hindi ito makakasipsip ng sapat na tubig.
sa may matitinik na halaman: Maliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang matitinik na palumpong, kundi ang mga panirang-damo na hindi naalis sa inararong lupa. Tutubo ang mga ito at masasakal ang bagong-tanim na binhi.
mga sagradong lihim: Ang salitang Griego na my·steʹri·on ay 25 beses na isinaling “sagradong lihim” sa Bagong Sanlibutang Salin. Dahil nasa anyong pangmaramihan ito, tumutukoy ito sa mga bahagi ng layunin ng Diyos na nanatiling lihim hanggang sa lubusan itong isiwalat ng Diyos. At isinisiwalat lang ito ng Diyos sa mga pinili niyang makaunawa nito. (Col 1:25, 26) Kapag naisiwalat na, ang mga sagradong lihim ng Diyos ay inihahayag sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Masasabi natin iyan dahil ginamit sa Bibliya ang mga terminong “inihahayag,” “maihayag,” “ipaalám,” “isiniwalat,” at “pangangaral” na kaugnay ng ekspresyong “sagradong lihim.” (1Co 2:1; Efe 1:9; 3:3; Col 1:25, 26; 4:3) Ang pangunahing “sagradong lihim ng Diyos” ay nakasentro sa pagkakakilanlan ni Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong “supling,” o Mesiyas. (Col 2:2; Gen 3:15) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim na ito, gaya ng papel na ginagampanan ni Jesus sa layunin ng Diyos. (Col 4:3) Ipinakita ni Jesus sa tekstong ito na ang “mga sagradong lihim” ay kaugnay ng Kaharian ng langit, o “Kaharian ng Diyos,” ang gobyerno sa langit kung saan namamahala si Jesus bilang Hari. (Mar 4:11; Luc 8:10; tingnan ang study note sa Mat 3:2.) Iba ang pagkakagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa my·steʹri·on sa pagkakagamit dito ng sinaunang mga kulto. Ang mga kultong iyon, na karaniwan nang may kaugnayan sa pag-aanak na lumaganap noong unang siglo C.E., ay nangangako sa mga miyembro nito na makakatanggap sila ng imortalidad at direktang pagsisiwalat at na makakalapit sila sa mga diyos sa pamamagitan ng mga ritwal. Maliwanag na hindi batay sa katotohanan ang gayong mga lihim. Ang mga umaanib sa mga kultong iyon ay nananatang hindi nila sasabihin kahit kanino ang mga lihim kaya nananatili itong misteryo. Kabaligtaran iyan ng ginagawa ng mga Kristiyano na paghahayag ng mga sagradong lihim. Kapag ginamit ng Kasulatan ang terminong ito may kaugnayan sa huwad na pagsamba, isinasalin itong “palihim” o “misteryo” sa Bagong Sanlibutang Salin.—Para sa tatlong paglitaw ng my·steʹri·on na isinaling “palihim” o “misteryo,” tingnan ang study note sa 2Te 2:7; Apo 17:5, 7.
sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.
sistemang: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Dito, ang termino ay may kaugnayan sa mga álalahanín at problema na bahagi ng buhay sa kasalukuyang sistema.—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
naghasik ng panirang-damo: Ang masamang gawaing ito ay pamilyar sa mga tao sa sinaunang Gitnang Silangan. Sinasabing ang panirang-damo ay ang bearded darnel (Lolium temulentum). Kapag murà pa, ang nakalalasong damong ito ay kahawig na kahawig ng trigo.
Sinabi . . . ng mga alipin: Sa ilang manuskrito, ang mababasa lang ay “Sinabi nila,” pero mas maraming lumang manuskrito ang sumusuporta sa mas mahabang ekspresyon.
baka mabunot din ninyo ang trigo: Malamang na nagkakasalabid na ang mga ugat ng trigo at panirang-damo. Kaya kahit na matukoy nila ang mga panirang-damo, kapag binunot ang mga ito, puwedeng madamay ang mga trigo.
Tipunin . . . ang panirang-damo: Kapag gumulang na ang bearded darnel (tingnan ang study note sa Mat 13:25), kitang-kita na ang kaibahan nito sa trigo.
binhi ng mustasa: May iba’t ibang uri ng mustasa na tumutubo sa Israel. Ang black mustard (Brassica nigra) ay ang uri na karaniwang itinatanim sa Israel. Ang maliit na binhi nito ay may diyametro na 1-1.6 mm (0.039 hanggang 0.063 in) at may timbang na 1 mg (0.000035 oz), pero tumutubo ito na kasinlaki ng puno. Ang ilang uri ng mustasa ay tumataas nang hanggang 4.5 m (15 ft).
ang pinakamaliit sa lahat ng binhi: Ang binhi ng mustasa ay ginagamit sa mga sinaunang akdang Judio bilang idyoma para sa napakaliliit na bagay. Kahit na may mas maliliit na binhi na kilala ngayon, lumilitaw na ito ang pinakamaliit na binhing tinitipon at inihahasik ng mga magsasaka sa Galilea noong panahon ni Jesus.
pampaalsa: O “lebadura.” Ang pinaalsang masa na itinabi mula sa naunang ginawa at inihahalo sa bagong masa para umalsa ito. Tinutukoy ni Jesus dito ang normal na proseso ng paggawa ng tinapay. Madalas gamitin ng Bibliya ang lebadura bilang sagisag ng kasalanan at kasamaan (tingnan ang study note sa Mat 16:6), pero hindi laging negatibo ang paggamit dito (Lev 7:11-15). Dito, ang proseso ng pag-alsa ay maliwanag na tumutukoy sa paglaganap ng isang bagay na mabuti.
malalaking takal: Ang salitang Griego para sa malaking takal, saʹton, ay katumbas ng Hebreo para sa pantakal na seah. Ang isang seah ay katumbas ng 7.33 L.—Tingnan ang Gen 18:6, tlb.; Glosari, “Seah,” at Ap. B14.
para matupad ang sinabi ng propeta: Sinipi ito mula sa Aw 78:2, kung saan gumamit ang salmista (tinukoy rito na “propeta”) ng makasagisag na pananalita para alalahanin ang mga ginawa ng Diyos para sa bansang Israel. Gumamit din si Jesus ng makasagisag na pananalita sa mga ilustrasyon niya para turuan ang mga alagad niya at ang iba pa na sumusunod sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Mat 1:22.
mula pa noong pasimula: Lit., “mula pa nang pagkakatatag.” O posibleng “mula pa nang pagkakatatag ng sanlibutan.” Ang mas mahabang ekspresyong ito ay makikita sa ilang sinaunang manuskrito na nagdagdag ng salitang Griego para sa “sanlibutan.” (Ihambing ang study note sa Mat 25:34.) Pero ang ibang sinaunang manuskrito ay gumamit ng mas maikling ekspresyon.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
mundo: Tumutukoy sa sangkatauhan.
katapusan: Ang salitang Griego na syn·teʹlei·a, na isinaling “katapusan,” ay lumitaw rin sa Mat 13:40, 49; 24:3; 28:20; Heb 9:26.—Tingnan ang study note sa Mat 24:3 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”
isang sistema: O “isang panahon.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:22; 24:3 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito”; “Sistema.”
masama: Tingnan ang study note sa Mat 24:12.
magngangalit ang mga ngipin nila: Tingnan ang study note sa Mat 8:12.
lahat: Sa tekstong ito, inalis ng isang lumang manuskrito ang salitang Griego na panʹta (lahat), pero mas maraming luma at bagong manuskrito ang sumusuporta sa ginamit na ekspresyon dito.
perlas: Noong panahon ng Bibliya, ang magagandang klase ng perlas ay nakukuha sa Dagat na Pula, Gulpo ng Persia, at Karagatang Indian. Kaya sinabi ni Jesus na kailangang maglakbay ng negosyante at maghanap nang mabuti para makakita ng ganoong klase ng perlas.
hindi mapapakinabangan: Posibleng tumutukoy sa mga isda na walang palikpik at kaliskis, na marumi ayon sa Kautusang Mosaiko at hindi puwedeng kainin. Puwede rin itong tumukoy sa iba pang nahuling isda na hindi kinakain.—Lev 11:9-12; Deu 14:9, 10.
katapusan ng sistemang ito: Tingnan ang study note sa Mat 13:39; 24:3 at Glosari, “Katapusan ng sistemang ito”; “Sistema.”
tagapagturo: O “may pinag-aralan.” Ang terminong Griego na gram·ma·teusʹ ay isinasaling “eskriba” kapag tumutukoy sa grupo ng mga gurong Judio na eksperto sa Kautusan, pero sa tekstong ito, tumutukoy ito sa mga alagad ni Jesus na sinanay para magturo.
sarili niyang bayan: Lit., “lugar ng kaniyang ama.” Tumutukoy sa Nazaret, ang pinanggalingan ng pamilya niya.
anak ng karpintero: Ang salitang Griego na teʹkton, na isinaling “karpintero,” ay terminong karaniwang ginagamit para sa mga artisano o tagapagtayo. Kapag tumutukoy ito sa manggagawa na gumagamit ng kahoy, puwede itong tumukoy sa tagapagtayo, sa gumagawa ng muwebles, o sa gumagawa ng iba pang kagamitang kahoy. Isinulat ni Justin Martyr, na nabuhay noong ikalawang siglo C.E., na si Jesus ay nagtrabaho “bilang isang karpintero . . . na gumagawa ng mga araro at pamatok.” Sinusuportahan din ng unang mga salin ng Bibliya sa sinaunang mga wika ang ideyang ito. Kilala si Jesus bilang “anak ng karpintero” at “ang karpintero.” (Mar 6:3) Maliwanag na natuto si Jesus ng pagkakarpintero sa kaniyang ama-amahang si Jose. Karaniwang nagsisimula ang pagsasanay na iyon sa edad na 12 hanggang 15 at nagpapatuloy ito nang maraming taon.
kapatid: Ang salitang Griego na a·del·phosʹ ay puwedeng tumukoy sa espirituwal na mga kapatid kapag ginamit sa Bibliya, pero dito, ang tinutukoy ay ang mga kapatid ni Jesus sa ina, mga nakababatang anak nina Jose at Maria. Ang mga naniniwalang nanatiling birhen si Maria pagkapanganak nito kay Jesus ay nagsasabing ang a·del·phosʹ ay tumutukoy sa mga pinsan. Pero ibang termino ang ginamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa “pinsan” (sa Griego, a·ne·psi·osʹ sa Col 4:10) at iba sa “pamangking lalaki ni Pablo” (Gaw 23:16). Sa Luc 21:16 naman, ginamit ang anyong pangmaramihan ng mga salitang Griego na a·del·phosʹ at syg·ge·nesʹ (isinaling “mga . . . kapatid, kamag-anak”). Ipinapakita ng mga halimbawang ito na ang mga termino para sa ugnayang pampamilya ay hindi basta pinagpapalit-palit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Santiago: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Santiago na binanggit sa Gaw 12:17 (tingnan ang study note) at Gal 1:19 at ang sumulat ng aklat ng Bibliya na Santiago.—San 1:1.
Hudas: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Judas (sa Griego, I·ouʹdas) na sumulat ng aklat ng Bibliya na Judas.—Jud 1.
hindi sila naniwala sa kaniya: O “natisod sila sa kaniya.” Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na skan·da·liʹzo ay tumutukoy sa makasagisag na pagkatisod, at puwede itong isaling “hindi sila naniwala sa kaniya.” Sa ibang konteksto, ang salitang Griego ay puwedeng tumukoy sa pagkakasala o pagiging dahilan ng pagkakasala ng iba.—Tingnan ang study note sa Mat 5:29.
kaunti lang ang ginawa niyang himala roon: Kaunti lang ang ginawang himala ni Jesus sa Nazaret, hindi dahil kulang siya sa kapangyarihan, kundi dahil hindi iyon hinihiling ng kalagayan. Walang pananampalataya ang mga taga-Nazaret. (Tingnan ang study note sa Mar 6:5.) Hindi dapat sayangin ang kapangyarihan ng Diyos sa mga ayaw tumanggap at maniwala.—Ihambing ang Mat 10:14; Luc 16:29-31.
Media

Nagbago ang lebel ng tubig at topograpiya sa Lawa ng Galilea sa paglipas ng daan-daang taon mula noong panahon ni Jesus. Pero posibleng sa lugar na ito nagturo si Jesus sa mga tao mula sa bangka. Dahil nasa ibabaw ng tubig si Jesus, malamang na napalakas nito ang boses niya.

Noong panahon ng Bibliya, iba-iba ang paraan ng paghahasik ng binhi. Ang mga naghahasik ay puwedeng magdala ng isang supot ng binhi na nakatali sa balikat at baywang; ang iba naman ay naglalagay ng binhi sa bulsa ng damit. Pagkatapos, isasaboy nila ang binhi. Dahil may matitigas na lupa na dinadaanan ng tao, kailangang tiyakin ng naghahasik na mapupunta ang binhi sa matabang lupa. Agad na tinatabunan ang binhi para hindi tukain ng ibon.

Maraming makikitang imbakan sa buong Israel, at dito iniimbak ang giniik na mga butil. Ang ilang imbakan ay puwede ring paglagyan ng langis at alak o kahit ng mamahaling mga metal o bato.

Noong panahon ng Bibliya, binubunot lang kung minsan ng mga manggagapas ang mga tangkay ng butil sa lupa. Pero mas madalas na gumagamit sila ng karit para putulin ang mga tangkay. (Deu 16:9; Mar 4:29) Kadalasan na, marami ang nagtutulong-tulong para mag-ani; grupo-grupo ang nag-aani ng hinog na mga butil sa bukid. (Ru 2:3; 2Ha 4:18) Ginamit ng ilang manunulat ng Bibliya, gaya nina Haring Solomon, propeta Oseas, at apostol Pablo, ang pag-aani para magturo ng mahalagang katotohanan. (Kaw 22:8; Os 8:7; Gal 6:7-9) Ginamit din ni Jesus ang trabahong ito para ilarawan ang papel ng mga anghel at ng mga tagasunod niya sa paggawa ng mga alagad.—Mat 13:24-30, 39; Ju 4:35-38.

Sa lahat ng binhing tinitipon at inihahasik ng mga magsasaka sa Galilea, lumilitaw na ang binhi ng mustasa ang pinakamaliit. Ginagamit ito sa mga sinaunang akdang Judio bilang idyoma para sa napakaliliit na bagay.

Ang mga lambat noong panahon ni Jesus ay malamang na gawa sa mga hibla ng halamang lino. Ayon sa ilang reperensiya, ang isang lambat ay puwedeng umabot nang 300 m (mga 1,000 ft) ang haba at may mga pabigat sa isang gilid at mga pampalutang naman sa kabila. Mula sa bangka, ibinababa ng mga mangingisda ang lambat sa tubig. Minsan, dadalhin nila sa pampang ang mahahabang lubid na nakatali sa dulo ng lambat, at ilang tao ang unti-unting hihila sa magkabilang lubid papunta sa pampang. Nahuhuli ng lambat ang lahat ng madaanan nito.