Ayon kay Lucas 22:1-71
Talababa
Study Notes
Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang tinatawag na Paskuwa: Ipinagdiriwang ang Paskuwa kapag Nisan 14, at iba ito sa Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na ipinagdiriwang naman mula Nisan 15 hanggang 21. (Lev 23:5, 6; Bil 28:16, 17; tingnan ang Ap. B15.) Pero noong panahon ni Jesus, masyado nang napag-ugnay ang dalawang kapistahang ito kaya ang buong walong araw, kasama ang Nisan 14, ay itinuturing na lang na iisang kapistahan. May binanggit si Josephus na “walong-araw na kapistahan, na tinatawag na kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa.” Ang mga pangyayaring nakaulat sa Luc 22:1-6 ay naganap noong Nisan 12, 33 C.E.—Tingnan ang Ap. B12.
Iscariote: Posibleng nangangahulugang “Lalaki Mula sa Keriot.” Ang ama ni Hudas, si Simon, ay tinatawag ding “Iscariote.” (Ju 6:71) Karaniwang iniisip na ang terminong ito ay nagpapahiwatig na sina Simon at Hudas ay mula sa Keriot-hezron, isang bayan sa Judea. (Jos 15:25) Kung gayon, si Hudas lang ang taga-Judea sa 12 apostol at ang iba pa ay taga-Galilea.
Iscariote: Tingnan ang study note sa Mat 10:4.
mga kapitan ng mga bantay sa templo: Sa literal na Griego, ang mababasa dito ay “mga kapitan,” samantalang idinagdag sa Luc 22:52 ang ekspresyong “sa templo” para ipakita kung anong uri ng kapitan ang tinutukoy. Sa tekstong ito, isinalin itong “mga kapitan ng mga bantay sa templo” para maging mas malinaw. Si Lucas lang ang bumanggit sa mga opisyal na ito. (Gaw 4:1; 5:24, 26) Malamang na kaya sila isinama ni Hudas sa mga kakausapin niya ay para pagmukhaing legal ang pagdakip kay Jesus.
perang pilak: Lit., “pilak,” ang pilak na ginagamit na pera noon. Ayon sa Mat 26:15, nagkakahalaga ito nang “30 pirasong pilak.” Si Mateo lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat kung magkano ang ibinayad kay Hudas para magtraidor siya kay Jesus. Posibleng ito ay 30 siklong pilak na gawa sa Tiro. Makikita sa halagang ito kung gaano kababa ang tingin ng mga punong saserdote kay Jesus, dahil sa Kautusan, halaga lang ito ng isang alipin. (Exo 21:32) Nang hingin ni propeta Zacarias ang kabayaran niya mula sa di-tapat na mga Israelita para sa pagganap niya ng kaniyang atas bilang propeta sa bayan ng Diyos, “30 pirasong pilak” din ang ibinigay nila sa kaniya, na nagpapakitang kasinghalaga lang siya ng alipin para sa kanila.—Zac 11:12, 13.
Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang tinatawag na Paskuwa: Ipinagdiriwang ang Paskuwa kapag Nisan 14, at iba ito sa Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na ipinagdiriwang naman mula Nisan 15 hanggang 21. (Lev 23:5, 6; Bil 28:16, 17; tingnan ang Ap. B15.) Pero noong panahon ni Jesus, masyado nang napag-ugnay ang dalawang kapistahang ito kaya ang buong walong araw, kasama ang Nisan 14, ay itinuturing na lang na iisang kapistahan. May binanggit si Josephus na “walong-araw na kapistahan, na tinatawag na kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa.” Ang mga pangyayaring nakaulat sa Luc 22:1-6 ay naganap noong Nisan 12, 33 C.E.—Tingnan ang Ap. B12.
dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa: Gaya ng makikita sa study note sa Luc 22:1, noong panahon ni Jesus, masyado nang napag-ugnay ang Paskuwa (Nisan 14) at ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa (Nisan 15-21), kaya ang buong walong araw, kasama ang Nisan 14, ay tinutukoy kung minsan na “Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.” (Tingnan ang Ap. B15.) Ang araw na tinutukoy sa tekstong ito ay Nisan 14 dahil sinasabing ito ang araw kung kailan ihahandog ang haing pampaskuwa. (Exo 12:6, 15, 17, 18; Lev 23:5; Deu 16:1-7) Ang nakaulat sa talata 7-13 ay malamang na nangyari noong hapon ng Nisan 13 bilang paghahanda para sa hapunan ng Paskuwa sa paglubog ng araw, ang pasimula ng Nisan 14.—Tingnan ang Ap. B12.
pagkaabot sa kopa: Ang kopang binanggit dito ay ginagamit sa pagdiriwang ng Paskuwa noong panahon ni Jesus. (Luc 22:15) Hindi sinasabi ng Bibliya na uminom ng alak ang mga Israelita noong magdiwang sila ng Paskuwa sa Ehipto; hindi rin iniutos ni Jehova na gamitin ito sa kapistahang iyon. Kaya lumilitaw na sinimulan lang ang kaugalian ng pagpapasa ng kopa ng alak kapag Paskuwa pagkalipas ng ilang panahon. Hindi ipinagbawal ni Jesus ang paggamit ng alak sa hapunang iyon. Ininom pa nga niya ang alak na pampaskuwa kasama ng mga alagad niya pagkatapos magpasalamat sa Diyos. Inalok niya rin sila na uminom sa kopa nang pasimulan niya ang Hapunan ng Panginoon.—Luc 22:20.
kumuha si Jesus ng tinapay . . . pinagpira-piraso niya ito: Karaniwan nang manipis ang tinapay sa sinaunang Gitnang Silangan at malutong, kung walang pampaalsa. Wala namang ibig sabihin ang pagpipira-piraso ni Jesus sa tinapay; iyan lang talaga ang karaniwang paraan ng paghahati-hati ng ganitong klase ng tinapay.—Tingnan ang study note sa Mat 14:19.
Sumasagisag ito sa: Lit., “Ito ang.” Ang salitang Griego na e·stinʹ na ginamit dito ay puwedeng mangahulugang “kumakatawan; nangangahulugan; sumisimbolo.” Malinaw sa mga apostol ang ibig sabihin ni Jesus, dahil sa pagkakataong ito, nasa harap nila ang perpektong katawan ni Jesus pati na ang tinapay na walang pampaalsa na kakainin nila. Kaya hindi puwedeng ang tinapay ay ang literal na katawan ni Jesus. Ginamit din ang salitang Griego na ito sa Mat 12:7, at isinalin ito sa maraming Bibliya na “kahulugan.”
Kumuha rin siya ng tinapay . . . pinagpira-piraso ito: Tingnan ang study note sa Mat 26:26.
Sumasagisag: Tingnan ang study note sa Mat 26:26.
maghapunan: Lumilitaw na tumutukoy sa pagkain ni Jesus at ng mga alagad niya ng hapunang pampaskuwa bago pasimulan ang Hapunan ng Panginoon. Kaya ipinagdiwang ni Jesus ang Paskuwa ayon sa kaugalian noon. Wala siyang binago sa pagdiriwang na ito. Kaya nasunod niya ang Kautusang Mosaiko bilang isang Judio. Pero pagkatapos nito, pinasimulan ni Jesus ang isang bagong hapunan para alalahanin ang nalalapit niyang kamatayan sa araw ding iyon ng Paskuwa.
bagong tipan na magkakabisa sa pamamagitan ng aking dugo: Sa mga Ebanghelyo, si Lucas lang ang nag-ulat na may binanggit si Jesus sa okasyong iyon na isang “bagong tipan,” kagaya ng makikita sa Jer 31:31. Ang bagong tipan, sa pagitan ni Jehova at ng pinahirang mga Kristiyano, ay nagkabisa dahil sa hain ni Jesus. (Heb 8:10) Ang pagkakagamit dito ni Jesus ng mga terminong “tipan” at “dugo” ay katulad ng pagkakagamit ni Moises sa mga ito nang tumayo siya bilang tagapamagitan at nang pasinayaan niya ang tipang Kautusan para sa Israel sa Bundok Sinai. (Exo 24:8; Heb 9:19-21) Kung paanong nagkabisa ang tipang Kautusan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel sa pamamagitan ng dugo ng mga toro at kambing, nagkabisa rin ang bagong tipan sa pagitan ni Jehova at ng espirituwal na Israel sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. Nagkabisa ang tipang ito noong Pentecostes 33 C.E.—Heb 9:14, 15.
. . . ibubuhos alang-alang sa inyo: Ang mga pananalita mula sa kalagitnaan ng talata 19 (“na ibibigay ko . . .”) hanggang sa katapusan ng talata 20 ay hindi makikita sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.—Para malaman kung paano ginagamit ang mga sinaunang manuskrito para mabuo ang tekstong Griego, tingnan ang Ap. A3.
Pero kasama ko sa mesa ang magtatraidor sa akin: Maliwanag na hindi sunod-sunod ang mga pangyayaring nakaulat sa talata 21-23. Kapag inihambing ang Mat 26:20-29 at Mar 14:17-25 sa Ju 13:21-30, makikita na umalis na si Hudas nang pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon. Siguradong wala na si Hudas nang komendahan ni Kristo ang mga apostol niya sa ‘pananatiling kasama niya sa kaniyang mga pagsubok’ kasi hindi naman iyon ginawa ni Hudas; siguradong hindi niya rin isasama si Hudas sa ‘tipan para sa isang kaharian.’—Luc 22:28-30.
mamatay: Lit., “umalis.” Ayon sa ilang iskolar, ang literal na ekspresyong Griego na ginamit dito ay ibang paraan ng pagsasabi na mamamatay ang isa.
Pilantropo: Ang salitang Griego na eu·er·geʹtes (lit., “isa na gumagawa ng mabuti sa [iba]”) ay madalas na ginagamit na titulo para sa mga opisyal o prominenteng tao, lalo na sa mga nagkakawanggawa. Hindi dapat isipin ng mga “nangunguna” sa mga tagasunod ni Kristo na mga “Pilantropo” sila, na para bang may utang na loob sa kanila ang mga kapananampalataya nila, dahil hindi sila dapat maging gaya ng mga tagapamahala ng mundong ito.—Luc 22:26.
ang nangunguna: Ang salitang Griego na ginamit dito, he·geʹo·mai, ay lumitaw din sa Heb 13:7, 17, 24 para ilarawan ang gawain ng mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano.
naglilingkod: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, di·a·ko·neʹo, ay kaugnay ng pangngalang di·aʹko·nos (ministro; lingkod), na tumutukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. Ginagamit ang termino para tumukoy kay Kristo (Ro 15:8); sa mga lingkod ni Kristo, babae man o lalaki (Ro 16:1; 1Co 3:5-7; Col 1:23); mga ministeryal na lingkod (Fil 1:1; 1Ti 3:8); mga alipin sa sambahayan (Ju 2:5, 9) at mga opisyal ng pamahalaan.—Ro 13:4.
naglilingkod: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, di·a·ko·neʹo, ay kaugnay ng pangngalang di·aʹko·nos (ministro; lingkod), na tumutukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. Ginagamit ang termino para tumukoy kay Kristo (Ro 15:8); sa mga lingkod ni Kristo, babae man o lalaki (Ro 16:1; 1Co 3:5-7; Col 1:23); mga ministeryal na lingkod (Fil 1:1; 1Ti 3:8); mga alipin sa sambahayan (Ju 2:5, 9) at mga opisyal ng pamahalaan.—Ro 13:4.
nagsisilbi: O “naglilingkod.” Ang pandiwang Griego na di·a·ko·neʹo ay dalawang beses na lumitaw sa tekstong ito.—Tingnan ang study note sa Luc 22:26.
nakikipagtipan ako sa inyo para sa isang kaharian: Ang pandiwang Griego na di·a·tiʹthe·mai, isinalin ditong “nakikipagtipan,” ay kaugnay ng pangngalang di·a·theʹke, “tipan.” Sa Gaw 3:25, Heb 8:10, at 10:16, ang pandiwa at pangngalang iyan ay parehong ginamit sa ekspresyong “pakikipagtipan.” Dalawang tipan ang tinutukoy dito ni Jesus—ang isa ay sa pagitan niya at ng kaniyang Ama, at ang isa naman ay sa pagitan niya at ng mga pinahirang tagasunod niya, na makakasama niya bilang mga hari sa Kaharian.
makakain kayo at makainom sa aking mesa: Ang pagkain na kasama ng isa ay nagpapakita ng pagkakaibigan at mapayapang kaugnayan. Kaya ang isa na regular na kumakain sa mesa ng hari ay kinalulugdan niya at may napakalapít na kaugnayan sa kaniya. (1Ha 2:7) Ganiyang kaugnayan ang ipinangako ni Jesus sa tapat na mga alagad niya.—Luc 22:28-30; tingnan din ang Luc 13:29; Apo 19:9.
palang pantahip: Posibleng gawa sa kahoy at ginagamit na panghagis sa giniik na butil para tangayin ng hangin ang mga dayami at ipa.
para masala . . . na gaya ng trigo: Noong panahon ng Bibliya, ang trigo ay sinasala, o niyuyugyog sa isang salaan, matapos itong giikin at tahipin. Sa pagsasala, nahihiwalay sa butil ang dayami at ipa. (Tingnan ang study note sa Mat 3:12.) Dahil daranas si Jesus ng mga pagsubok, masusubok din ang mga alagad niya. Inihalintulad ni Jesus ang pagsubok na ito sa pagsasala ng trigo.
nakabalik: Lumilitaw na ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagbabalik o pagbangon ni Pedro mula sa kaniyang pagkakadapa, pangunahin nang dahil sa sobrang tiwala sa sarili na nadagdagan pa ng takot sa tao.—Ihambing ang Kaw 29:25.
bago magbukang-liwayway: Lit., “o sa pagtilaok ng tandang.” Sa sistemang Griego at Romano, ito ang tawag sa ikatlong yugto ng pagbabantay sa gabi, na mula hatinggabi hanggang mga 3:00 n.u. (Tingnan ang naunang mga study note sa talatang ito.) Posibleng sa oras na ito “tumilaok ang tandang.” (Mar 14:72) Noon pa man, ang pagtilaok ng tandang ay karaniwan nang ginagamit na palatandaan ng oras sa mga lupain sa silangan ng Mediteraneo.—Tingnan ang study note sa Mat 26:34; Mar 14:30, 72.
tandang: Mababasa sa apat na Ebanghelyo na titilaok ang isang tandang, pero si Marcos lang ang nagsabi na dalawang beses itong titilaok. (Mat 26:34, 74, 75; Mar 14:30, 72; Luc 22:60, 61; Ju 13:38; 18:27) Ang ulat na iyan ay sinusuportahan ng Mishnah, dahil ayon dito, nag-aalaga ng mga tandang sa Jerusalem noong panahon ni Jesus. Malamang na madaling-araw noon nang tumilaok ang tandang.—Tingnan ang study note sa Mar 13:35.
Patuloy kayong manalangin: Ang payong ito, na lumilitaw na si Lucas lang ang nag-ulat, ay malamang na para sa 11 tapat na apostol. (Ihambing ang kaparehong ulat sa Mat 26:36, 37.) May ganito ring payo sa Luc 22:46, na kapareho ng makikita sa Mat 26:41 at Mar 14:38. Ang payo namang ito ay para lang sa tatlong alagad na kasama ni Jesus noong nananalangin siya sa hardin. (Mat 26:37-39; Mar 14:33-35) Ang pagbanggit ni Lucas sa dalawang payong ito (Luc 22:40, 46) ay nagpapakita na idiniriin sa Ebanghelyo niya ang kahalagahan ng pananalangin. Ang iba pang ulat tungkol sa panalangin o sa mga pagkakataong nanalangin si Jesus na si Lucas lang ang bumanggit ay makikita sa Luc 3:21; 5:16; 6:12; 9:18, 28; 11:1; 23:46.
alisin mo sa akin ang kopang ito: Sa Bibliya, ang “kopa” ay sumasagisag sa kalooban ng Diyos, o “nakalaang bahagi,” para sa isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 20:22.) Talagang nababahala si Jesus na masiraang-puri ang Diyos dahil sa kamatayan niya bilang isa na inakusahan ng pamumusong at sedisyon, kaya hiniling niya sa panalangin na alisin sa kaniya ang “kopang ito.”
alisin mo sa akin ang kopang ito: Tingnan ang study note sa Mar 14:36.
isang anghel: Sa apat na manunulat ng Ebanghelyo, si Lucas lang ang nag-ulat na isang anghel mula sa langit ang nagpakita kay Jesus para palakasin siya.
ang pawis niya ay naging parang dugo na pumapatak: Posibleng sinasabi ni Lucas na ang pawis ni Kristo ay naging parang dugo o ang pagpapawis niya ay naging parang pagtulo ng dugo mula sa sugat. Sinasabi naman ng ilan na ang dugo ni Jesus ay tumagos sa balat niya at humalo sa pawis, isang kondisyon na sinasabing nangyayari kapag napakatindi ng pag-aalala ng isang tao. Sa diapedesis, ang dugo o ang mga sangkap nito ay tumatagas sa mga ugat. Sa hematidrosis naman, ang lumalabas na pawis ay may kasamang dugo o sangkap na nagbibigay ng kulay sa dugo o ang lumalabas na likido sa katawan ng isang tao ay nahahaluan ng dugo, kaya masasabi na siya ay ‘nagpapawis ng dugo.’ Ang mga ito ay ilan lang sa mga posibleng paliwanag sa nangyari kay Jesus.
. . . pumapatak sa lupa: Ang talata 43, 44 ay hindi makikita sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa ibang sinaunang manuskrito at sa karamihan ng salin ng Bibliya.
tinaga ang alipin ng mataas na saserdote: Iniulat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo ang pangyayaring ito, at nagbigay sila ng magkakaibang detalye tungkol dito. (Mat 26:51; Mar 14:47; Luc 22:50) Si Lucas lang, “ang minamahal na doktor” (Col 4:14), ang bumanggit na “hinipo [ni Jesus] ang tainga nito at pinagaling.” (Luc 22:51) Si Juan lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing si Simon Pedro ang tumaga sa alipin at na Malco ang pangalan ng alipin na natagpasan ng tainga. Maliwanag na si Juan ang alagad na “kilala ng mataas na saserdote” at ng sambahayan nito (Ju 18:15, 16), kaya natural lang na mapangalanan niya sa Ebanghelyo niya ang tinagang alipin. Makikita rin sa Ju 18:26 na talagang pamilyar si Juan sa sambahayan ng mataas na saserdote, dahil iniulat niya dito na ang aliping nag-akusa kay Pedro na alagad ito ni Jesus ay “kamag-anak ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga.”
tinaga ang alipin ng mataas na saserdote: Iniulat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo ang pangyayaring ito, at nagbigay sila ng magkakaibang detalye tungkol dito. (Mat 26:51; Mar 14:47; Luc 22:50) Si Lucas lang, “ang minamahal na doktor” (Col 4:14), ang bumanggit na “hinipo [ni Jesus] ang tainga nito at pinagaling.” (Luc 22:51) Si Juan lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing si Simon Pedro ang tumaga sa alipin at na Malco ang pangalan ng alipin na natagpasan ng tainga. Maliwanag na si Juan ang alagad na “kilala ng mataas na saserdote” at ng sambahayan nito (Ju 18:15, 16), kaya natural lang na mapangalanan niya sa Ebanghelyo niya ang tinagang alipin. Makikita rin sa Ju 18:26 na talagang pamilyar si Juan sa sambahayan ng mataas na saserdote, dahil iniulat niya dito na ang aliping nag-akusa kay Pedro na alagad ito ni Jesus ay “kamag-anak ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga.”
Tinaga . . . ang alipin ng mataas na saserdote: Tingnan ang study note sa Ju 18:10.
isa sa kanila: Makikita sa kaparehong ulat sa Ju 18:10 na si Simon Pedro ang tumaga sa alipin ng mataas na saserdote at na ang pangalan ng aliping ito ay Malco.—Tingnan ang study note sa Ju 18:10.
pinagaling: Sa apat na manunulat ng Ebanghelyo, si Lucas lang ang nag-ulat na pinagaling ni Jesus ang alipin ng mataas na saserdote.—Mat 26:51; Mar 14:47; Ju 18:10.
oras: Ang salitang Griego na hoʹra ay ginamit dito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa isang maikling yugto ng panahon.
para manaig ang kadiliman: O “para sa kapangyarihan ng kadiliman,” ibig sabihin, para sa mga nasa espirituwal na kadiliman. (Ihambing ang Col 1:13.) Sa Gaw 26:18, binanggit ang kadiliman kasama ng “awtoridad ni Satanas.” Ginamit ni Satanas ang awtoridad niya para impluwensiyahan ang mga tao na isagawa ang kaniyang maitim na balak na ipapatay si Jesus. Halimbawa, sinasabi sa Luc 22:3 na “pumasok si Satanas kay Hudas, ang tinatawag na Iscariote,” na nagtraidor kay Jesus.—Gen 3:15; Ju 13:27-30.
tumilaok ang tandang: Mababasa sa apat na Ebanghelyo ang pangyayaring ito, pero si Marcos lang ang nagsabi na titilaok ang tandang sa ikalawang pagkakataon. (Mat 26:34, 74, 75; Mar 14:30; Luc 22:34, 60, 61; Ju 13:38; 18:27) Ang ulat na iyan ay sinusuportahan ng Mishnah, dahil ayon dito, nag-aalaga ng tandang sa Jerusalem noong panahon ni Jesus. Malamang na tumilaok ang tandang bago magbukang-liwayway.—Tingnan ang study note sa Mar 13:35.
tumilaok ang tandang: Tingnan ang study note sa Mar 14:72.
hulaan mo nga kung sino ang nanakit sa iyo: Dito, sinasabi nila kay Jesus na kung siya ang Kristo, mahuhulaan niya sa tulong ng Diyos kung sino ang nanakit sa kaniya. Makikita sa kaparehong ulat sa Mar 14:65 at Luc 22:64 na tinakpan ng mga mang-uusig ni Jesus ang mukha niya, kaya mauunawaan natin kung bakit sa ulat sa Mateo ay pinapahulaan nila kung sino ang nanakit sa kaniya.
Hulaan mo: Dito, sinasabi nila kay Jesus na kung siya ang Kristo, makakapanghula siya sa tulong ng Diyos. Makikita sa konteksto na tinakpan ng mga mang-uusig ni Jesus ang mukha niya. Ibig sabihin, hinahamon nila si Jesus na hulaan kung sino ang nanakit sa kaniya habang nakapiring siya.—Tingnan ang study note sa Mat 26:68.
Kataas-taasang Hukuman: Ang buong Sanedrin—ang lupon ng mga hukom sa Jerusalem na binubuo ng mataas na saserdote at 70 matatandang lalaki at mga eskriba. Para sa mga Judio, hindi na puwedeng kuwestiyunin ang desisyon nila.—Tingnan sa Glosari, “Sanedrin.”
matatandang lalaki: O “sanggunian (lupon) ng matatanda.” Ang salitang Griego na ginamit dito, pre·sby·teʹri·on, ay kaugnay ng terminong pre·sbyʹte·ros (lit., “matandang lalaki”), na sa Bibliya ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25 at Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, lumilitaw na ang ekspresyong “matatandang lalaki” ay tumutukoy sa Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem, na binubuo ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki. Madalas banggiting magkakasama ang tatlong grupong ito.—Mat 16:21; 27:41; Mar 8:31; 11:27; 14:43, 53; 15:1; Luc 9:22; 20:1; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki,” at ang study note sa bulwagan ng Sanedrin sa tekstong ito.
bulwagan ng Sanedrin: O “Sanedrin.” Ang Sanedrin ang mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem. Ang salitang Griego na isinasaling “bulwagan ng Sanedrin” o “Sanedrin” (sy·neʹdri·on) ay literal na nangangahulugang “pag-upong magkakasama.” Karaniwan itong tumutukoy sa isang pagtitipon o pagpupulong, pero sa Israel, puwede rin itong tumukoy sa relihiyosong korte o lupon ng mga hukom. Ang salitang Griego ay puwedeng tumukoy sa mga taong bumubuo sa hukuman o sa gusali o lokasyon ng hukuman.—Tingnan ang study note sa Mat 5:22 at Glosari, “Sanedrin”; tingnan din ang Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng Bulwagan ng Sanedrin.
Anak ng tao: Lumilitaw ito nang mga 80 beses sa Ebanghelyo. Ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang sarili niya, maliwanag na para idiin na isa talaga siyang tao na ipinanganak ng isang babae, at katumbas siya ni Adan, na may kapangyarihang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12, 14, 15) Ginamit din ang ekspresyong ito para tukuyin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo.—Dan 7:13, 14; tingnan sa Glosari.
kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat: Lit., “kanan ng kapangyarihan.” Ang pagpuwesto sa kanan ng isang tagapamahala ay nangangahulugang pumapangalawa siya rito sa kapangyarihan. (Aw 110:1; Gaw 7:55, 56) Ang salitang Griego para sa “kapangyarihan” sa kontekstong ito ay puwede ring tumukoy sa Diyos, at puwede itong isalin na “Kapangyarihan” o “Makapangyarihan.” Ang ekspresyong Griego para sa “kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat” ay ginamit din sa kaparehong ulat sa Luc 22:69, pero idinagdag doon ang salita para sa “Diyos.” Isinalin itong “kanan ng makapangyarihang Diyos.” Ang pariralang “kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat” ay puwede ring mangahulugan na tatanggap si Jesus ng kapangyarihan, o awtoridad, dahil nasa kanan siya ng Diyos na Makapangyarihan.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
kanan ng makapangyarihang Diyos: Lit., “kanan ng kapangyarihan ng Diyos.” Ang pagpuwesto sa kanan ng isang tagapamahala ay nangangahulugang pumapangalawa siya rito sa kapangyarihan. (Aw 110:1; Gaw 7:55, 56) Ang ekspresyong Griego para sa ‘kanan ng makapangyarihan’ ay mababasa rin sa mga kaparehong ulat sa Mat 26:64 at Mar 14:62. Ang pag-upo ng Anak ng tao sa “kanan ng makapangyarihang Diyos” ay nagpapahiwatig na tatanggap si Jesus ng kapangyarihan, o awtoridad.—Mar 14:62; tingnan ang study note sa Mat 26:64.
Media

Ang ilang bahay sa Israel ay may ikalawang palapag. Puwedeng umakyat doon gamit ang hagdang kahoy sa loob ng bahay o hagdang kahoy o bato sa labas ng bahay. Ipinagdiwang ni Jesus ang huling Paskuwa kasama ng mga alagad niya at pinasimulan ang Hapunan ng Panginoon sa isang malaking silid sa itaas, na posibleng ganito ang hitsura. (Luc 22:12, 19, 20) Noong Pentecostes 33 C.E., lumilitaw na nasa isang silid sa itaas ng isang bahay sa Jerusalem ang mga 120 alagad nang ibuhos sa kanila ang espiritu ng Diyos.—Gaw 1:13, 15; 2:1-4.

Libo-libong taon nang nagtatanim ng punong ubas (Vitis vinifera) ang mga tao, at karaniwan ito sa lugar na kinalakhan ni Jesus. Kung may magagamit na mga kahoy, gumagawa ng tukod o bakod ang mga magsasaka para suportahan ang mga punong ubas. Kapag taglamig, pinuputol ng mga magsasaka ang bahagi ng puno na tumubo sa nakalipas na taon. Kapag may tumubo nang mga sanga sa tagsibol, pinuputol ng mga magsasaka ang mga sanga na walang bunga. (Ju 15:2) Makakatulong ito para dumami ang mas magagandang bunga ng punong ubas. Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang Ama sa isang tagapagsaka, ang sarili niya sa isang punong ubas, at ang mga alagad niya sa mga sanga. Kung paanong ang mga sanga ng isang literal na punong ubas ay sinusuportahan ng pinakapuno nito at tumatanggap ng sustansiya mula rito, magiging matatag at malusog din sa espirituwal ang mga alagad ni Jesus kung mananatili silang kaisa niya, “ang tunay na punong ubas.”—Ju 15:1, 5.

Binubuo ng 71 miyembro ang mataas na hukuman ng mga Judio na tinatawag na Dakilang Sanedrin. Ito ay nasa Jerusalem. (Tingnan sa Glosari, “Sanedrin.”) Ayon sa Mishnah, ang mga upuan ay nakaayos nang pakurba at may tatlong hilera na hagdan-hagdan, at may dalawang eskriba sa mga pagdinig para isulat ang hatol ng korte. Ang ilang bahagi ng korte na makikita rito ay batay sa istrakturang natagpuan sa Jerusalem na sinasabi ng ilan na ang Pulungan ng Sanggunian noong unang siglo.—Tingnan ang Apendise B12, mapa na “Jerusalem at ang Palibot Nito.”
1. Mataas na saserdote
2. Mga miyembro ng Sanedrin
3. Nasasakdal
4. Mga eskriba