Ayon kay Mateo 19:1-30

19  Pagkatapos sabihin ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea, tumawid ng Jordan, at nakarating sa hangganan ng Judea.+  Sinundan siya ng napakaraming tao, at pinagaling niya sila roon.  At lumapit sa kaniya ang mga Pariseo para subukin siya. Nagtanong sila: “Puwede bang diborsiyuhin ng isang lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?”+  Sinabi niya: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang* sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae+  at sinabi: ‘Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman’?+  Kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya ang pinagsama* ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”+  Sinabi nila sa kaniya: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises ang pagbibigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay para madiborsiyo ang asawang babae?”+  Sinabi niya sa kanila: “Dahil sa katigasan ng puso ninyo, pinahintulutan kayo ni Moises na diborsiyuhin ang inyong mga asawang babae,+ pero hindi ganoon sa pasimula.+  Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa seksuwal na imoralidad, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”+ 10  Sinabi ng mga alagad sa kaniya: “Kung ganiyan ang pag-aasawa, mas mabuti pang huwag nang mag-asawa.” 11  Sinabi niya sa kanila: “Hindi lahat ay makagagawa niyan, kundi ang may ganiyang kaloob lang.+ 12  May mga taong isinilang na bating, ang iba naman ay ginawang bating ng mga tao, at may mga nagpasiyang maging bating para sa Kaharian ng langit. Siya na makagagawa nito, gawin ito.”+ 13  Pagkatapos, may mga taong nagdala sa kaniya ng mga bata para maipatong niya sa mga ito ang kaniyang mga kamay at maipanalangin ang mga ito, pero pinagalitan sila ng mga alagad.+ 14  Sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pigilan, dahil ang Kaharian ng langit ay para sa mga gaya nila.”+ 15  At ipinatong niya sa kanila ang mga kamay niya at umalis siya roon. 16  Pagkatapos, may lalaking lumapit sa kaniya at nagsabi: “Guro, anong kabutihan ang dapat kong gawin para magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?”+ 17  Sinabi ni Jesus: “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? May Isa lang na mabuti.+ Pero kung gusto mong tumanggap ng buhay, patuloy mong sundin ang mga utos.”+ 18  Sinabi sa kaniya ng lalaki: “Aling mga utos?” Sinabi ni Jesus: “Huwag kang papatay,+ huwag kang mangangalunya,+ huwag kang magnanakaw,+ huwag kang tetestigo nang may kasinungalingan,+ 19  parangalan* mo ang iyong ama at ina,+ at dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”+ 20  Sinabi sa kaniya ng lalaki: “Sinusunod ko ang lahat ng iyan; ano pa ang kailangan kong gawin?” 21  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung gusto mong maging perpekto, ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit;+ pagkatapos, sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.”+ 22  Nang marinig ito ng lalaki, malungkot siyang umalis, dahil marami siyang pag-aari.+ 23  Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Sinasabi ko sa inyo, mahihirapan ang isang mayaman na makapasok sa Kaharian ng langit.+ 24  Inuulit ko, mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa makapasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.”+ 25  Nang marinig iyon ng mga alagad, nabigla sila at sinabi nila: “Kung gayon, sino talaga ang makaliligtas?”+ 26  Tiningnan sila ni Jesus at sinabi: “Sa mga tao ay imposible ito, pero sa Diyos ay posible ang lahat ng bagay.”+ 27  Pagkatapos, sinabi ni Pedro: “Iniwan na namin ang lahat at sumunod kami sa iyo; ano ang tatanggapin namin?”+ 28  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo, sa panahong gagawin nang bago ang lahat ng bagay, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin sa 12 trono para humatol sa 12 tribo ng Israel.+ 29  At ang bawat isa na umiwan sa kaniyang mga bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa pangalan ko ay tatanggap ng sandaang ulit na mas marami sa mga ito at magmamana ng buhay na walang hanggan.+ 30  “Pero maraming nauuna ang mahuhuli at maraming nahuhuli ang mauuna.+

Talababa

O “lumikha.”
O “pinagtuwang.”
O “igalang.”

Study Notes

tumawid ng Jordan . . . sa hangganan ng Judea: Lumilitaw na tumutukoy ito sa Perea, isang rehiyon sa silangan ng Ilog Jordan, partikular na sa bahagi ng Perea na hangganan ng Judea. Umalis si Jesus sa Galilea at bumalik lang doon pagkatapos siyang buhaying muli.—Tingnan ang Ap. A7, Mapa 5.

mamumuhay kasama ng: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “pagdikitin; pagsamahin; pakapitin.” Dito, ginamit ito sa makasagisag na paraan para ilarawan kung gaano katibay ang magiging pagsasama ng mag-asawa na para bang ginamitan ng pandikit.

isang laman: Ang ekspresyong ito ay literal na salin sa Griego ng terminong Hebreo sa Gen 2:24 at puwede ring isaling “isang katawan” o “isang indibidwal.” Inilalarawan nito ang pinakamalapít na ugnayan sa pagitan ng dalawang tao. Hindi lang ito tumutukoy sa seksuwal na ugnayan kundi sa buong pagsasama nila, kaya ang dalawang indibidwal ay nagiging tapat sa isa’t isa at di-mapaghiwalay. Kapag naputol ang ganiyang ugnayan, siguradong may pinsalang maiiwan sa bawat isa.

kasulatan ng paghihiwalay: O “kasulatan ng diborsiyo.” Dahil hinihiling ng Kautusan sa lalaking nag-iisip na makipagdiborsiyo na maghanda ng legal na dokumento at lumilitaw na kailangan niyang kumonsulta sa matatanda para magawa ito, nabibigyan siya ng panahong pag-isipan ang malaking desisyong gagawin niya. Maliwanag na layunin ng Kautusan na maiwasan ang padalos-dalos na pakikipagdiborsiyo at bigyan ang mga babae ng legal na proteksiyon. (Deu 24:1) Pero noong panahon ni Jesus, pinadali ng mga lider ng relihiyon ang pakikipagdiborsiyo. Naniniwala ang unang-siglong istoryador na si Josephus, isang diborsiyadong Pariseo, na puwedeng makipagdiborsiyo “sa anumang dahilan (at marami sa mga dahilang iyan ay naiisip ng mga lalaki).”—Tingnan ang study note sa Mat 5:31.

ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae: Tingnan ang study note sa Mar 10:12.

seksuwal na imoralidad: Sa Griego, por·neiʹa.—Tingnan ang study note sa Mat 5:32 at Glosari.

nangangalunya: Tingnan sa Glosari, “Pangangalunya.”

bating: Sa literal, tumutukoy ito sa mga lalaking kinapon. Sa tekstong ito, ang termino ay ginamit sa literal at makasagisag na diwa.—Tingnan sa Glosari.

nagpasiyang maging bating: O “ginawang bating ang sarili.” Dito, ang “bating” ay hindi tumutukoy sa mga lalaking kinapon kundi sa mga nagpasiyang manatiling walang asawa.—Tingnan sa Glosari, “Bating.”

May Isa lang na mabuti: Tumutukoy sa Diyos. Dito, kinilala ni Jesus na si Jehova ang pamantayan ng kabutihan. Ipinakita at ipinaliwanag ng Diyos kung ano ang mabuti sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya.—Mar 10:18; Luc 18:19.

kapuwa: Tingnan ang study note sa Mat 22:39.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Nakita ni Jesus kung gaano kataimtim ang lalaki, at ayon sa Mar 10:21, “nakadama [si Jesus] ng pagmamahal sa kaniya.” Posibleng nakita ni Jesus na kailangan ng lalaki na gumawa ng mas malaki pang sakripisyo para maging alagad, kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan. Di-gaya ni Pedro at ng iba pa na nagsabing iniwan nila ang lahat para sumunod kay Jesus, hindi maiwan ng lalaking ito ang mga pag-aari niya para maging alagad.—Mat 4:20, 22; Luc 18:23, 28.

perpekto: Ang terminong Griego na ginamit dito ay puwedeng mangahulugang “buo” o “walang pagkukulang” ayon sa itinakdang pamantayan ng isa na may awtoridad. (Tingnan ang study note sa Mat 5:48.) Sa kontekstong ito, nahahadlangan ng materyal na mga pag-aari ang lalaking ito para maging perpekto, o walang pagkukulang, sa paglilingkod sa Diyos.—Luc 8:14.

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

mas madali pang makakapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom: Gumamit si Jesus ng eksaherasyon para ilarawan ang isang punto. Kung paanong hindi makakapasok ang literal na kamelyo sa butas ng karayom, imposible ring makapasok sa Kaharian ang isang mayaman kung patuloy niyang uunahin ang kayamanan niya kaysa sa kaugnayan niya kay Jehova. Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na walang mayaman na magmamana ng Kaharian, dahil sinabi rin niya: “Sa Diyos ay posible ang lahat ng bagay.”—Mat 19:26.

sa panahong gagawin nang bago ang lahat ng bagay: O “sa muling-paglalang.” Ang salitang Griego na pa·lin·ge·ne·siʹa ay binubuo ng mga konsepto na nangangahulugang “muli; bago” at “pagsilang; pasimula.” Ginamit ng sinaunang Judiong manunulat na si Philo ang terminong ito nang tukuyin niya ang pagbalik ng mundo sa dati nitong kalagayan pagkatapos ng Baha; ginamit naman ito ng Judiong istoryador na si Josephus nang tukuyin niya ang muling pagtatatag ng Israel mula sa pagkatapon. Sa ulat na ito ni Mateo, tumutukoy ito sa panahon kung kailan ang mundo ay ibabalik ni Kristo at ng mga kasama niyang tagapamahala sa perpektong kalagayan nito bago magkasala ang unang mga tao.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

humatol: Kaayon ito ng ibang teksto na nagpapakitang ang mga kasamang tagapamahala ni Kristo ay hahatol kasama niya. (1Co 6:2; Apo 20:4) Sa Bibliya, may mga tagapamahala na humahatol din at may mga hukom na namamahala rin, kaya kung minsan, ginagamit nito ang terminong “hukom” para tumukoy sa “tagapamahala.”—Huk 2:18; 10:2; Ob 21.

sandaang ulit: Kahit na ang mababasa sa ilang manuskrito ay “maraming beses,” mas maraming manuskrito ang sumusuporta sa ekspresyong ito.—Ihambing ang Mar 10:30; Luc 18:30.

magmamana: Tingnan ang study note sa Mat 25:34.

Media

Silangan ng Jordan​—Perea
Silangan ng Jordan​—Perea

Makikita sa larawang ito ang isang bahagi ng lugar na tinatawag na Perea. Makikita ang rehiyong ito sa silangan ng Ilog Jordan. Ang hilagang bahagi nito ay umaabot sa Pela, at ang timog na bahagi naman ay umaabot sa silangan ng Dagat na Patay. Hindi lumilitaw ang salitang “Perea” sa Bibliya. Pero nagmula ito sa salitang Griego na nangangahulugang “kabilang panig; kabilang ibayo.” Ilang ulit na ginamit ang salitang Griego na ito sa Bibliya, at minsan ay tumutukoy ito sa rehiyon ng Perea. (Mat 4:25; Mar 3:8) Ang mga galing sa Galilea ay dumadaan kung minsan sa Perea kapag papunta sila sa Jerusalem. Bago matapos ang ministeryo ni Jesus, nanatili siya nang ilang panahon sa Perea para magturo. (Luc 13:22) Pagkatapos, dumaan ulit si Jesus sa Perea nang papunta siya sa Jerusalem.​—Mat 19:1; 20:17-19; Mar 10:1, 32, 46.

(1) Ilog Jordan

(2) Kapatagan sa silangan ng Ilog Jordan

(3) Mga bundok ng Gilead

Kasulatan ng Diborsiyo
Kasulatan ng Diborsiyo

Ang kasulatang ito ng diborsiyo, na mula pa noong 71 o 72 C.E., ay nasa wikang Aramaiko. Nakita ito sa hilagang panig ng Wadi Murabbaat, isang tuyong ilog sa Disyerto ng Judea. Sinasabi nito na noong ikaanim na taon ng paghihimagsik ng mga Judio, si Jose, na anak ni Naqsan, ay nakipagdiborsiyo kay Miriam, na anak ni Jonatan na nakatira sa lunsod ng Masada.

Kamelyo
Kamelyo

Noong panahon ni Jesus, ang kamelyo ang pinakamalaking hayop na inaalagaan sa rehiyon. Ang Arabian camel (Camelus dromedarius), na sinasabing ang karaniwang tinutukoy sa Bibliya, ay may isang umbok lang sa likod. Ang unang pagbanggit sa kamelyo sa Bibliya ay noong pansamantalang nanirahan si Abraham sa Ehipto, kung saan siya nagkaroon ng ganitong mga hayop na pantrabaho.—Gen 12:16.