Levitico 11:1-47
11 At sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron:
2 “Sabihin ninyo sa mga Israelita, ‘Ito ang buháy na mga nilalang* sa lupa na puwede ninyong kainin:+
3 lahat ng hayop na may biyak ang paa at may puwang sa pagitan ng biyak at ngumunguya ulit ng nakain na nito.
4 “‘Pero sa mga hayop na ngumunguya ulit ng nakain na nito o may biyak ang paa, ito ang mga hindi ninyo dapat kainin: ang kamelyo, na ngumunguya ulit ng nakain na nito pero walang biyak ang paa. Marumi ito para sa inyo.+
5 Ang kuneho sa batuhan,+ dahil nginunguya nito ulit ang nakain na nito pero walang biyak ang paa. Marumi ito para sa inyo.
6 Ang kuneho, dahil nginunguya nito ulit ang nakain na nito pero walang biyak ang paa. Marumi ito para sa inyo.
7 At ang baboy,+ dahil may biyak ang paa nito at may puwang sa pagitan ng biyak, pero hindi nito nginunguya ulit ang nakain na nito. Marumi ito para sa inyo.
8 Huwag ninyong kakainin ang karne ng mga ito o hihipuin ang mga ito kapag patay na. Marumi ang mga ito para sa inyo.+
9 “‘Ito ang puwede ninyong kainin sa lahat ng nasa tubig: lahat ng nasa tubig na may palikpik at kaliskis, nasa dagat man o ilog.+
10 Pero karima-rimarim* para sa inyo ang lahat ng nasa dagat at ilog na walang palikpik at kaliskis, mula sa lahat ng nagkukulumpong hayop* at iba pang buháy na nilalang* na nasa tubig.
11 Oo, dapat maging karima-rimarim sa inyo ang mga ito, at huwag ninyong kakainin ang laman ng mga ito+ at dapat kayong marimarim sa bangkay ng mga ito.
12 Lahat ng nasa tubig na walang palikpik at kaliskis ay karima-rimarim para sa inyo.
13 “‘Ito ang lumilipad na mga nilalang na dapat ninyong ituring na karima-rimarim; hindi ninyo dapat kainin ang mga ito, dahil karima-rimarim ang mga ito: agila,+ lawing-dagat, itim na buwitre,+
14 pulang lawin at lahat ng uri ng itim na lawin,
15 lahat ng uri ng uwak,
16 avestruz,* kuwago, gaviota,* lahat ng uri ng halkon,*
17 maliit na kuwago, kormoran, kuwagong may mahabang tainga,
18 sisne,* pelikano, buwitre,
19 siguana,* lahat ng uri ng tagak,* abubilya, at paniki.
20 Lahat ng may-pakpak na nilalang na nagkukulumpon at* lumalakad gamit ang apat na paa ay karima-rimarim para sa inyo.
21 “‘Sa lahat ng may-pakpak na nilalang na nagkukulumpon at lumalakad gamit ang apat na paa, ang puwede lang ninyong kainin ay ang mga insektong may mahahabang binti na panlukso sa lupa.
22 Ito ang mga puwede ninyong kainin: iba’t ibang uri ng nandarayuhang balang, iba pang nakakaing balang,+ kuliglig, at tipaklong.
23 Lahat ng iba pang may-pakpak na nilalang na nagkukulumpon at may apat na paa* ay karima-rimarim para sa inyo.
24 Puwede kayong maging marumi dahil sa mga ito. Lahat ng humihipo sa mga ito kapag patay na ang mga ito ay magiging marumi hanggang gabi.+
25 Sinumang humawak sa patay na mga hayop na ito ay dapat maglaba ng mga damit niya;+ magiging marumi siya hanggang gabi.
26 “‘Anumang hayop na may biyak ang paa pero walang puwang sa pagitan ng biyak at hindi ngumunguya ulit ng nakain na nito ay marumi para sa inyo. Lahat ng humihipo sa mga ito ay magiging marumi.+
27 Sa mga hayop na lumalakad gamit ang apat na paa, marumi para sa inyo ang lahat ng hayop na ang ipinanlalakad ay talampakan.* Lahat ng humihipo sa mga ito kapag patay na ang mga ito ay magiging marumi hanggang gabi.
28 Sinumang bumuhat sa patay na mga hayop na ito ay dapat maglaba ng mga damit niya,+ at magiging marumi siya hanggang gabi.+ Ang mga ito ay marumi para sa inyo.
29 “‘Ito ang nagkukulumpong mga nilalang sa lupa na marumi para sa inyo: dagang naghuhukay, dagang tumatalon,+ lahat ng uri ng bayawak,
30 tuko, malaking bayawak, butiking-tubig, bayawak-buhangin, at hunyango.
31 Marumi para sa inyo ang nagkukulumpon na mga nilalang na ito.+ Lahat ng humihipo sa mga ito kapag patay na ang mga ito ay magiging marumi hanggang gabi.+
32 “‘Anumang bagay na mahulugan ng mga ito kapag patay na ang mga ito ay magiging marumi, iyon man ay kagamitang kahoy, damit, balat, o telang-sako. Anumang kagamitan iyon, dapat na ilubog iyon sa tubig at magiging marumi iyon hanggang gabi; pagkatapos, magiging malinis iyon.
33 Kung mahulog ang mga ito sa sisidlang luwad, dapat ninyo itong basagin; anumang nasa loob nito ay magiging marumi rin.+
34 Anumang pagkaing malagyan ng tubig mula sa gayong sisidlan ay magiging marumi, at anumang inumin sa gayong sisidlan ay magiging marumi.
35 Anumang mahulugan ng patay na mga hayop na ito ay magiging marumi. Dapat basagin iyon, pugon man o maliit na lutuan. Marumi ang mga iyon at hindi na puwedeng maging malinis.
36 Gayunman, ang bukal at imbakan ng tubig na mahulugan ng mga ito ay mananatiling malinis, pero sinumang humipo sa patay na mga hayop na ito ay magiging marumi.
37 Kung mahulog ang patay na mga hayop na ito sa binhi na itatanim pa lang, iyon ay malinis.
38 Pero kung nalagyan na ng tubig ang binhi at nahulog doon ang anumang bahagi ng katawan ng patay na hayop, ang binhi ay marumi para sa inyo.
39 “‘Kung mamatay ang isang hayop na puwede ninyong kainin, sinumang humipo rito ay magiging marumi hanggang gabi.+
40 Sinumang kumain ng anumang bahagi ng katawan ng patay na hayop na ito ay dapat maglaba ng mga damit niya, at magiging marumi siya hanggang gabi.+ Sinumang bumuhat dito ay dapat maglaba ng mga damit niya, at magiging marumi siya hanggang gabi.
41 Ang lahat ng nagkukulumpon na nilalang sa lupa ay karima-rimarim.+ Hindi iyon dapat kainin.
42 Hindi ninyo dapat kainin ang anumang nilalang na ipinanggagapang ang tiyan nito, anumang nilalang na lumalakad gamit ang apat na paa nito, o anumang nagkukulumpon na nilalang sa lupa na napakarami ng paa, dahil karima-rimarim ang mga iyon.+
43 Huwag ninyong gawing karima-rimarim ang inyong sarili dahil sa anumang nagkukulumpon na nilalang, at huwag ninyong dungisan ang sarili ninyo at maging marumi dahil sa mga iyon.+
44 Dahil ako ang Diyos ninyong si Jehova,+ at dapat kayong manatiling malinis at maging banal,+ dahil ako ay banal.+ Kaya huwag ninyong parumihin ang inyong sarili dahil sa anumang nagkukulumpon na nilalang na gumagala sa lupa.
45 Dahil ako ay si Jehova, na naglabas sa inyo sa Ehipto para maging Diyos ako sa inyo,+ at dapat kayong maging banal,+ dahil ako ay banal.+
46 “‘Ito ang kautusan tungkol sa mga hayop, sa lumilipad na mga nilalang, sa lahat ng buháy na nilalang* na gumagalaw sa tubig, at sa lahat ng buháy na nilalang* na nagkukulumpon sa lupa,
47 para maipakita ang pagkakaiba ng marumi at malinis at ng buháy na nilalang na puwedeng kainin at hindi puwedeng kainin.’”+
Talababa
^ O “ang mga hayop.”
^ O “nakapandidiri.”
^ Maliliit na hayop na nagsasama-sama.
^ Sa Ingles, ostrich.
^ Sa Ingles, gull.
^ Sa Ingles, falcon.
^ Sa Ingles, swan.
^ Sa Ingles, stork.
^ O “kandangaok.” Sa Ingles, heron.
^ O “Lahat ng insekto na.”
^ O “at lumalakad gamit ang apat na paa.”
^ Sa Ingles, paw. Kasama sa mga hayop na ito ang leon, oso, at lobo.