Unang Liham sa mga Taga-Corinto 6:1-20

6  Kung ang sinuman sa inyo ay may reklamo laban sa iba,+ bakit kayo nangangahas na pumunta sa hukuman sa harap ng mga taong di-matuwid, at hindi sa harap ng mga banal?+ 2  Hindi ba ninyo alam na ang mga banal ang hahatol sa sanlibutan?+ At kung hahatulan ninyo ang sanlibutan, hindi ba kaya rin ninyong litisin ang napakaliit na mga bagay? 3  Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel?+ Gaano pa kaya ang mga bagay-bagay sa buhay na ito! 4  Kaya kung may mga bagay-bagay sa buhay na ito na kailangang lutasin,+ bakit ninyo pinipiling hukom ang mga lalaking hinahamak ng kongregasyon? 5  Sinasabi ko ito para makadama kayo ng kahihiyan. Wala bang kahit isang lalaking marunong sa gitna ninyo na makahahatol sa pagitan ng mga kapatid niya? 6  Sa halip, dinadala ng isang kapatid ang kapatid niya sa hukuman—sa harap ng mga di-sumasampalataya! 7  Ang totoo, talo na kayo kapag idinedemanda ninyo ang isa’t isa. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng mali?+ Bakit hindi na lang kayo magpadaya? 8  Pero ang nangyayari, kayo pa ang gumagawa ng mali at nandaraya, at sa sarili pa ninyong mga kapatid! 9  Hindi ba ninyo alam na ang mga di-matuwid ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos?+ Huwag kayong magpalinlang. Ang mga imoral,+ sumasamba sa idolo,+ mangangalunya,+ lalaking nagpapagamit sa kapuwa lalaki,+ lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal,+ 10  magnanakaw, sakim,+ lasenggo,+ manlalait, at mangingikil+ ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.+ 11  Ganiyan ang ilan sa inyo noon.+ Pero hinugasan na kayo at naging malinis;+ pinabanal na kayo;+ ipinahayag na kayong matuwid+ sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.+ 12  Lahat ng bagay ay puwede kong gawin, pero hindi lahat ay kapaki-pakinabang.+ Lahat ng bagay ay puwede kong gawin, pero hindi ko hahayaang kontrolin ako* ng anuman. 13  Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain, pero parehong papawiin iyon ng Diyos.+ Ang katawan ay hindi para sa seksuwal na imoralidad, kundi para sa paglilingkod sa Panginoon,+ at ang Panginoon ay para sa katawan. 14  Pero binuhay-muli ng Diyos ang Panginoon+ at bubuhayin din tayong muli+ sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.+ 15  Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ng Kristo?+ Kaya kukunin ko ba ang mga bahagi ng katawan ng Kristo at gagawing bahagi ng katawan ng isang babaeng bayaran? Siyempre hindi! 16  Hindi ba ninyo alam na kung nakikipagtalik ang isa sa isang babaeng bayaran, sila ay magiging iisang katawan? Dahil sabi niya, “ang dalawa ay magiging isang laman.”+ 17  Pero ang kaisa ng Panginoon ay kaisa niya sa pag-iisip.*+ 18  Tumakas kayo mula sa seksuwal na imoralidad!+ Ang lahat ng iba pang kasalanan na magagawa ng isang tao ay walang tuwirang kaugnayan sa katawan niya, pero ang namimihasa sa seksuwal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan.+ 19  Hindi ba ninyo alam na ang katawan ninyo ang templo+ ng banal na espiritu, na nasa loob ninyo at ibinigay sa inyo ng Diyos?+ Isa pa, hindi ninyo pag-aari ang sarili ninyo,+ 20  dahil binili na kayo sa malaking halaga.+ Kaya gamitin ninyo ang inyong katawan sa pagluwalhati sa Diyos.+

Talababa

O “hahayaang mapasailalim ako sa awtoridad.”
Lit., “espiritu.”

Study Notes

pumunta sa hukuman sa harap ng mga taong di-matuwid: Hindi sumusunod sa mga batas ng Diyos ang mga hukom sa sanlibutan, at hindi sinanay sa Salita ng Diyos ang konsensiya nila. Tinawag sila ni Pablo na “mga taong di-matuwid,” posibleng dahil tiwali ang marami sa mga hukom noon. Kapag dinadala ng mga Kristiyano ang kapatid nila sa ganitong mga hukom, para bang sinasabi nila na walang kakayahan ang mga elder sa kongregasyon na humatol sa “mga bagay-bagay sa buhay na ito.” (1Co 6:3-5) Pero ang totoo, ang mga pinahirang Kristiyano na mamamahalang kasama ng Panginoong Jesu-Kristo sa langit ay hahatol hindi lang sa mga tao, kundi pati sa mga anghel. (Tingnan ang study note sa 1Co 6:3.) Sinabi ni Pablo na mas mabuti pang hayaan na lang ng mga Kristiyano na ‘gawan sila ng mali,’ o malugi sila, kaysa ipaalám pa sa publiko ang problema at magkabaha-bahagi ang kongregasyon.—1Co 6:7, 8.

hahatulan . . . ang mga anghel: Dito, isiniwalat ni Pablo sa patnubay ng Diyos ang mangyayari sa hinaharap kapag binuhay nang muli ang mga pinahirang alagad bilang mga kasamang tagapamahala ni Kristo. (1Co 4:8; Apo 20:6) Sa panahong iyon, tutulong sila kay Jesus sa paglalapat ng matuwid na hatol ni Jehova laban sa masasamang tao. (1Co 6:2; Apo 17:14) At posibleng kasama sa hatol na iyon ang pagpaparusa sa masasamang anghel, na nagrebelde kay Jehova.—Jud 6.

mga imoral: Tingnan ang study note sa 1Co 5:9.

mangangalunya: Tumutukoy sa mga taong nagsasagawa ng seksuwal na imoralidad na sumisira sa pagsasama ng isang mag-asawa. Sa Bibliya, ang pangangalunya ay ang kusang pagsasagawa ng imoral na seksuwal na mga gawain ng isang taong may asawa at ng hindi niya asawa.—Tingnan sa Glosari, “Pangangalunya”; at study note sa Mat 5:27, 32; Mar 10:11.

lalaking nagpapagamit sa kapuwa lalaki, lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal: Dalawang magkaibang salita ang ginamit dito sa tekstong Griego. Ang unang salita (sa Griego, ma·la·kosʹ) ay pangunahin nang nangangahulugang “malambot” (ihambing ang Luc 7:25), kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na tumutukoy ito sa malambot na lalaki sa isang ugnayang homoseksuwal. Kaya isinalin itong lalaking nagpapagamit sa kapuwa lalaki. Ang ikalawang salita (sa Griego, ar·se·no·koiʹtes), na literal na nangangahulugang “lalaking sumisiping sa lalaki,” ay ginamit din sa 1Ti 1:10. Lumilitaw na tumutukoy naman ito sa isa na mas nakakapagpakita ng mga panlalaking katangian sa isang homoseksuwal na ugnayan. Kaya isinalin itong lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal, o “lalaking nakikipagtalik sa lalaki.” Nang banggitin ni Pablo ang dalawang klaseng ito ng homoseksuwal, malinaw niyang ipinakita na kinasusuklaman ng Diyos ang lahat ng homoseksuwal na gawain.

manlalait: O “nagsasalita nang may pang-aabuso.”—Tingnan ang study note sa 1Co 5:11.

mangingikil: O “manggagantso; magnanakaw.” Ang pangingikil ay ang sapilitang pagkuha ng isang bagay mula sa isang tao sa pamamagitan ng pang-aagaw, pananakot, o iba pang maling paggamit ng kapangyarihan. Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego para sa “mangingikil” (harʹpax) ay “mang-aagaw.” (Kingdom Interlinear) Sa Mat 7:15, ang salitang Griego ring ito ay isinaling “hayok.” Sinabi ni Pablo na dating ganito ang pamumuhay ng ilan sa mga Kristiyano sa Corinto pero hinugasan na sila at naging malinis.—1Co 6:11; ihambing ang study note sa Luc 18:11.

pinabanal na kayo: O “ibinukod na kayo,” ibig sabihin, ibinukod para sa sagradong paglilingkod sa Diyos. Pinabanal ng “dugo ng Kristo” ang mga Kristiyano sa Corinto na nanampalataya sa kaniya at tumalikod sa makasalanang mga gawain na binanggit sa naunang mga talata. (Heb 9:13, 14; 1Co 1:2; 6:9, 10) Kaya mapaglilingkuran nila ang Diyos nang may malinis na konsensiya.

puwede kong gawin: O “ipinapahintulot ng kautusan na gawin ko.” Maliwanag na hindi sinasabi rito ni Pablo na puwede nating gawin ang mga bagay na hinahatulan ng Diyos. (Gaw 15:28, 29) Ipinapakita lang niya na dahil wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano, mapapaharap sila sa mga sitwasyon kung saan walang espesipikong utos ang Kasulatan. Sa ganoong mga pagkakataon, kailangan nilang isaalang-alang hindi lang ang konsensiya nila, kundi pati ang sa iba. Ang isang binanggit niyang halimbawa ay tungkol sa pagkain. (1Co 6:13) Nakokonsensiya ang ilang Kristiyano na kainin ang ilang partikular na pagkain. (1Co 10:23, 25-33) Kaya kahit puwede namang kainin iyon ng mga Kristiyano, hindi ipipilit ni Pablo ang karapatan niyang kainin iyon kung makakatisod ito o makakabagabag sa konsensiya ng iba.—1Co 8:12, 13.

seksuwal na imoralidad: Ang salitang Griego na por·neiʹa ay sumasaklaw sa lahat ng seksuwal na gawain na labag sa sinasabi ng Bibliya. Sa unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, maraming beses niya itong ginamit at ang kaugnay nitong mga termino.—Tingnan ang study note sa 1Co 5:1, 9; 7:2.

babaeng bayaran: Tingnan sa Glosari, “Babaeng bayaran; Lalaking bayaran.”

sabi niya: Tumutukoy sa Diyos, batay sa ulat ng paglalang sa Gen 2:24, na sinipi ni Pablo. Ang ekspresyong Griego ay puwede ring isaling “sabi nito,” na tumutukoy naman sa Kasulatan.

isang laman: Tingnan ang study note sa Mat 19:5.

Tumakas kayo mula sa seksuwal na imoralidad!: Ang salitang Griego na pheuʹgo ay nangangahulugang “tumakas; tumakbo palayo.” Ginamit ni Pablo ang salitang ito para himukin ang mga Kristiyano sa Corinto na tumakas mula sa seksuwal na imoralidad. May mga nagsasabi na nasa isip dito ni Pablo ang ulat tungkol kay Jose na literal at walang pagdadalawang-isip na tumakas mula sa asawa ni Potipar. Sa salin ng Septuagint sa Gen 39:12-18, ang salitang Griego na ginamit para sa “tumakas” ay ang salita ring ginamit dito. Sa orihinal na Griego, ang utos sa 1Co 6:18 ay nasa panahunang pangkasalukuyan, gaya ng makikita sa Kingdom Interlinear. Ipinapakita nito na kailangan nating “tumakas” nang patuluyan at paulit-ulit.

Ang lahat ng iba pang kasalanan na magagawa ng isang tao ay walang tuwirang kaugnayan sa katawan niya: Idiniriin ni Pablo na ang mga Kristiyano ay dapat na maging kaisa ng kanilang Panginoon at ulo, si Kristo Jesus. (1Co 6:13-15) Kapag imoral na nakipagtalik ang isang tao sa iba, nagiging “isang laman” sila sa maling paraan. (1Co 6:16) Kaya ang Kristiyanong gumagawa ng imoralidad ay para bang humihiwalay kay Kristo, at nagiging ‘isang katawan’ sila ng taong kasama niya sa paggawa ng kasalanang ito. Lumilitaw na iyan ang dahilan kaya sinasabing ang lahat ng iba pang kasalanan na magagawa ng isang tao ay “walang tuwirang kaugnayan sa katawan niya.” Ang Kristiyanong namimihasa sa seksuwal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan, dahil ginagamit niya sa imoral na paraan ang mga bahagi ng katawan niya na para sa pag-aanak.

ang katawan ninyo ang templo: Bilang isang grupo, ang pinahirang mga Kristiyano ay may espesyal na papel sa layunin ni Jehova. Ang anyong pangmaramihan ng panghalip na ginamit dito, “ninyo,” ay nagpapakitang hindi lang ang katawan ng isang miyembro ng kongregasyon ang bumubuo sa templo. (1Co 10:17) Madalas na ginagamit ng Bibliya sa makasagisag na paraan ang salitang “templo,” at kung minsan, tumutukoy ito sa mga tao. Ginamit ni Jesus ang ekspresyong ito sa Ju 2:19 para tukuyin ang sarili niya, at inihula sa Kasulatan na ang Mesiyas ang magiging “pangunahing batong-panulok” ng espirituwal na templo. (Aw 118:22; Isa 28:16, 17; Gaw 4:10, 11) Inihalintulad din nina Pablo at Pedro sa istrakturang ito si Jesus at ang mga tagasunod niya sa 1Co 3:16, 17; Efe 2:20-22; at 1Pe 2:6, 7.

Media