Ikalawang Hari 4:1-44

  • Pinarami ni Eliseo ang langis ng isang biyuda (1-7)

  • Mapagpatuloy na babaeng Sunamita (8-16)

  • Ginantimpalaan ng anak ang isang babae; namatay ang bata (17-31)

  • Binuhay-muli ni Eliseo ang bata (32-37)

  • Inalis ni Eliseo ang lason sa sabaw (38-41)

  • Pinarami ni Eliseo ang tinapay (42-44)

4  Ang asawa ng isa sa mga propeta*+ ay dumaing kay Eliseo: “Ang iyong lingkod, ang asawa ko, ay patay na, at alam mo na ang iyong lingkod ay may takot kay Jehova.+ Ngayon, isang pinagkakautangan namin ang dumating para kunin ang dalawa kong anak at gawing alipin niya.”  Sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Ano ang maitutulong ko sa iyo? Ano ba ang mayroon ka sa bahay?” Sumagot siya: “Ang iyong lingkod ay walang anuman sa bahay maliban sa isang banga ng langis.”+  Sinabi ni Eliseo: “Lumabas ka, humingi ka ng mga lalagyan sa mga kapitbahay mo, mga lalagyang walang laman. Kumuha ka ng pinakamaraming makukuha mo.  Pagkatapos, pumasok kayong mag-iina sa bahay at isara mo ang pinto. Punuin mo ng langis ang lahat ng lalagyan, at itabi mo ang mga punô na.”  At umalis na ang babae. Pumasok silang mag-iina sa bahay at isinara niya ang pinto. Iniaabot sa kaniya ng mga anak niya ang mga lalagyan, at nilalagyan naman niya ng langis ang mga ito.+  Nang mapuno na ang mga lalagyan, sinabi niya sa isa sa mga anak niya: “Abutan mo pa ako ng lalagyan.”+ Pero sinabi nito: “Wala na pong lalagyan.” At naubos na ang langis.+  Kaya pumunta siya sa lingkod ng tunay na Diyos at sinabi niya ang nangyari. Sinabi nito: “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang mga utang mo. Mabubuhay na kayong mag-iina sa matitira.”  Isang araw, pumunta si Eliseo sa Sunem,+ kung saan may isang kilalang babae, at pinilit siya nito na kumain doon.+ Sa tuwing mapapadaan siya sa lugar na iyon, kumakain siya roon.  Kaya sinabi ng babae sa asawa niya: “Alam kong isang banal na lingkod ng Diyos ang palaging dumadaan dito. 10  Pakisuyo, gumawa tayo ng isang maliit na kuwarto sa bubungan+ at maglagay tayo roon ng isang higaan, isang mesa, isang upuan, at isang patungan ng lampara. Sa tuwing darating siya, puwede siyang tumuloy roon.”+ 11  Isang araw, nang dumating siya, tumuloy siya sa kuwarto sa bubungan at humiga roon. 12  Pagkatapos, sinabi niya sa tagapaglingkod niyang si Gehazi:+ “Tawagin mo ang babaeng Sunamita.”+ Kaya tinawag nito ang babae, at pumunta sa kaniya ang babae. 13  At sinabi ni Eliseo kay Gehazi: “Pakisabi mo sa babae, ‘Ang dami mo nang sakripisyo para sa amin.+ Ano ang puwede naming gawin para sa iyo?+ May gusto ka bang hilingin sa hari+ o sa pinuno ng hukbo? Ako ang kakausap.’” Pero sinabi ng babae: “Nakatira ako sa sarili kong bayan.” 14  Kaya sinabi ni Eliseo: “Ano kaya ang puwede nating gawin para sa kaniya?” Sinabi ngayon ni Gehazi: “Wala siyang anak na lalaki,+ at matanda na ang asawa niya.” 15  Agad niyang sinabi: “Tawagin mo siya.” Kaya tinawag ito ni Gehazi, at tumayo ito sa may pintuan. 16  Pagkatapos, sinabi ni Eliseo: “Sa ganitong panahon sa susunod na taon, may kakargahin ka nang anak na lalaki.”+ Pero sinabi nito: “Huwag, panginoon ko, lingkod ng tunay na Diyos! Huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.” 17  Pero nagdalang-tao ang babae at nagsilang ng isang anak na lalaki nang panahon ding iyon nang sumunod na taon, gaya ng sinabi sa kaniya ni Eliseo. 18  Lumaki ang bata, at isang araw, pumunta siya sa ama niya, na kasama ng mga manggagapas. 19  Paulit-ulit niyang sinasabi sa kaniyang ama: “Ang ulo ko! Ang sakit ng ulo ko!” Sinabi ng ama niya sa tagapaglingkod: “Dalhin mo siya sa kaniyang ina.” 20  Kaya binuhat niya ang bata at dinala ito sa kaniyang ina. Kumandong ang bata sa kaniyang ina hanggang tanghali, at ito ay namatay.+ 21  Pagkatapos, umakyat ang ina at inilagay ang bata sa higaan ng lingkod ng tunay na Diyos,+ at isinara niya ang pinto at umalis siya. 22  At tinawag niya ang asawa niya at sinabi: “Pakisuyong papuntahin mo sa akin ang isa sa mga tagapaglingkod kasama ang isang asno, at hayaan mo akong makapunta agad sa lingkod ng tunay na Diyos at makabalik uli.” 23  Pero sinabi ng asawa niya: “Bakit ka pupunta sa kaniya ngayon? Hindi naman bagong buwan+ o sabbath.” Pero sinabi ng babae: “Huwag kang mag-alala.” 24  Kaya nilagyan niya ng síya* ang asno at sinabi sa tagapaglingkod niya: “Bilisan mo ang pagpapatakbo. Huwag mong babagalan para sa akin malibang sabihin ko sa iyo.” 25  Pumunta siya sa lingkod ng tunay na Diyos sa Bundok Carmel. Nang makita siya ng lingkod ng tunay na Diyos mula sa malayo, sinabi nito kay Gehazi na tagapaglingkod: “Tingnan mo! Parating ang babaeng Sunamita. 26  Pakisuyo, tumakbo ka at salubungin mo siya. Tanungin mo siya, ‘Ayos ka lang ba? Ayos lang ba ang asawa at anak mo?’” Sinabi ng babae nang tanungin siya: “Ayos naman.” 27  Nang dumating ang babae sa lingkod ng tunay na Diyos sa bundok, hinawakan niya agad ang mga paa nito.+ Lumapit si Gehazi para itaboy siya, pero sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos: “Pabayaan mo siya, dahil naghihirap ang kalooban niya. Hindi ko alam kung bakit, dahil hindi sinabi sa akin ni Jehova.” 28  Sinabi ng babae: “Humingi ba ako ng anak na lalaki sa panginoon ko? Hindi ba sinabi ko, ‘Huwag mo akong paaasahin’?”+ 29  Sinabi niya agad kay Gehazi: “Ibigkis mo ang damit mo sa baywang mo+ at dalhin mo ang tungkod ko at umalis ka. Kung may makasalubong ka, huwag mong batiin; at kung may bumati sa iyo, huwag mong sagutin. Ipatong mo ang tungkod ko sa mukha ng bata.” 30  Sinabi ng ina ng bata: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.”+ Kaya sumama siya sa babae. 31  Nauna si Gehazi sa kanila at ipinatong niya ang tungkod sa mukha ng bata, pero wala itong imik at walang reaksiyon.+ Bumalik siya at sinalubong si Eliseo at sinabi rito: “Hindi gumising ang bata.” 32  Pagdating ni Eliseo sa bahay, nakita niya sa higaan niya ang batang namatay.+ 33  Pumasok siya sa kuwarto at isinara ang pinto. Siya at ang bata lang ang naroon. At nanalangin siya kay Jehova.+ 34  Pagkatapos, sumampa siya sa higaan at dumapa sa bata at idinikit ang bibig niya sa bibig ng bata, ang mga mata niya sa mga mata nito, at ang mga palad niya sa mga palad nito, at nanatili siyang nakadapa sa bata, at ang katawan ng bata ay unti-unting uminit.+ 35  Naglakad siya nang paroo’t parito sa loob ng bahay, at sumampa siya sa higaan at dumapa ulit sa bata. Bumahin ang bata nang pitong ulit at dumilat.+ 36  Tinawag ngayon ni Eliseo si Gehazi at sinabi rito: “Tawagin mo ang babaeng Sunamita.” Kaya tinawag ito ni Gehazi at pumunta roon ang babae. Pagkatapos, sinabi ni Eliseo: “Kunin mo na ang anak mo.”+ 37  At pumasok ang babae at sumubsob sa paanan niya at yumukod sa sahig sa harap ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha niya ang anak niya at lumabas. 38  Pagbalik ni Eliseo sa Gilgal, may taggutom sa lupain.+ Nakaupo sa harap niya ang mga anak ng mga propeta,+ at sinabi niya sa tagapaglingkod niya:+ “Isalang mo ang malaking lutuan at magpakulo ka ng sabaw para sa mga anak ng mga propeta.” 39  Kaya isa sa kanila ang pumunta sa parang para manguha ng mga malva,* at nakakita siya ng mga halamang ligáw at nanguha ng mga bunga nito hanggang sa mapuno ang damit niya. Bumalik siya at hiniwa iyon at inihulog sa lutuan, pero hindi niya alam kung ano ang mga iyon. 40  Pagkatapos, inihain nila iyon para makain ng mga lalaki, pero nang matikman nila iyon, sinabi nila: “May lason ang pagkain, O lingkod ng tunay na Diyos!” Kaya hindi nila iyon makain. 41  Kaya sinabi niya: “Kumuha kayo ng harina.” Pagkalagay niya nito sa lutuan, sinabi niya: “Ihain ninyo ito sa mga tao.” At nawala ang lason sa pagkaing nasa lutuan.+ 42  Isang lalaki mula sa Baal-salisa+ ang dumating at may dala siyang 20 tinapay na gawa sa unang bunga ng sebada+ at isang supot ng bagong-aning sebada para sa lingkod ng tunay na Diyos.+ Pagkatapos, sinabi ni Eliseo: “Ibigay mo iyon sa mga tao para makakain sila.” 43  Pero sinabi ng tagapaglingkod niya: “Paano ko ito pagkakasyahin sa 100 lalaki?”+ Sumagot siya: “Ibigay mo iyan sa mga tao para makakain sila, dahil sinabi ni Jehova, ‘Kakain sila at may matitira pa.’”+ 44  Kaya inihain niya iyon sa kanila, at kumain sila at may natira pa,+ gaya ng sinabi ni Jehova.

Talababa

Lit., “mga anak ng mga propeta.”
Upuan na ipinapatong sa likod ng hayop para sa sakay nito.
Isang uri ng gulay.