Kawikaan 21:1-31
21 Ang puso ng hari ay gaya ng mga batis ng tubig sa kamay ni Jehova.+ Ibinabaling niya iyon saanman niya kalugdan.+
2 Ang bawat lakad ng tao ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata,+ ngunit sinusukat ni Jehova ang mga puso.+
3 Ang magsagawa ng katuwiran at kahatulan ay higit na kanais-nais kay Jehova kaysa sa hain.+
4 Ang palalong mga mata at mapagmataas na puso,+ ang lampara ng mga balakyot, ay kasalanan.+
5 Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan,+ ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.+
6 Ang pagtatamo ng kayamanan sa pamamagitan ng bulaang dila ay singaw na tinatangay,+ kung para sa mga naghahanap ng kamatayan.+
7 Ang pananamsam ng mga balakyot ang kakaladkad sa kanila,+ sapagkat tumanggi silang magsagawa ng katarungan.+
8 Ang tao, maging ang isang di-kilala, ay liko sa kaniyang lakad;+ ngunit ang dalisay ay matuwid sa kaniyang gawain.+
9 Mas mabuti pang manahanan sa isang sulok ng bubong+ kaysa kasama ng asawang babaing mahilig makipagtalo, bagaman nasa iisang bahay.+
10 Ang kaluluwa ng balakyot ay naghahangad ng masama;+ ang kaniyang kapuwa ay hindi pagpapakitaan ng lingap sa kaniyang paningin.+
11 Sa pagpapataw ng multa sa manunuya ay nagiging marunong ang walang-karanasan;+ at sa pagbibigay ng kaunawaan sa taong marunong ay nagtatamo siya ng kaalaman.+
12 Binibigyang-pansin ng Isa na Matuwid ang bahay ng balakyot,+ na iginugupo ang mga balakyot sa kanilang ikapapahamak.+
13 Kung tungkol sa sinumang nagtatakip ng kaniyang tainga sa daing ng maralita,+ siya rin ay tatawag at hindi sasagutin.+
14 Ang kaloob na ibinibigay sa lihim ay sumusupil ng galit;+ at ang suhol na nasa dibdib,+ ng matinding pagngangalit.
15 Isang kasayahan para sa matuwid ang magsagawa ng katarungan,+ ngunit may bagay na kahila-hilakbot para sa mga nagsasagawa ng bagay na nakasasakit.+
16 Kung tungkol sa tao na lumilihis sa daan ng kaunawaan,+ siya ay magpapahinga sa mismong kongregasyon niyaong mga inutil sa kamatayan.+
17 Siyang umiibig sa kasayahan ay magiging taong nasa kakapusan;+ siyang umiibig sa alak at langis ay hindi magtatamo ng kayamanan.+
18 Ang balakyot ay pantubos para sa matuwid;+ at ang nakikitungo nang may kataksilan ay kapalit ng mga matapat.+
19 Mas mabuti pang manahanan sa ilang na lupain kaysa kasama ng asawang babaing mahilig makipagtalo na may pagkayamot.+
20 Ang kanais-nais na kayamanan at langis ay nasa tirahan ng marunong,+ ngunit lalamunin ito ng taong hangal.+
21 Siyang nagtataguyod ng katuwiran+ at maibiging-kabaitan ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at kaluwalhatian.+
22 Ang marunong ay sumasampa sa lunsod ng makapangyarihang mga lalaki, upang maibagsak niya ang lakas ng pagtitiwala nito.+
23 Siyang nag-iingat ng kaniyang bibig at ng kaniyang dila ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa mula sa mga kabagabagan.+
24 Pangahas at mapagmapuri-sa-sariling hambog ang pangalan niyaong kumikilos sa silakbo ng kapangahasan.+
25 Ang paghahangad ng tamad ang papatay sa kaniya, sapagkat ang kaniyang mga kamay ay ayaw magtrabaho.+
26 Buong araw siyang naghahangad nang labis, ngunit ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagkakait ng anuman.+
27 Ang hain ng mga balakyot ay karima-rimarim.+ Gaano pa kaya kapag dinadala ito ng isa na may kasamang mahalay na paggawi.+
28 Ang sinungaling na saksi ay malilipol,+ ngunit ang taong nakikinig ay magsasalita magpakailan-kailanman.+
29 Ang taong balakyot ay nagpapatapang ng kaniyang mukha,+ ngunit ang matuwid ang siyang matibay na magtatatag ng kaniyang mga lakad.+
30 Walang karunungan, ni anumang kaunawaan, ni anumang payo kapag salansang kay Jehova.+
31 Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng pagbabaka,+ ngunit ang kaligtasan ay kay Jehova.+