Kawikaan 4:1-27
4 O mga anak, makinig kayo sa disiplina ng ama+ at magbigay-pansin kayo, upang malaman ninyo ang pagkaunawa.+
2 Sapagkat mabuting turo ang akin ngang ibibigay sa inyo.+ Ang aking kautusan ay huwag ninyong iwanan.+
3 Sapagkat ako ay naging tunay na anak sa aking ama,+ magiliw at ang kaisa-isa sa harap ng aking ina.+
4 At tinuturuan niya ako+ at sinasabi niya sa akin: “Manghawakan nawang mahigpit ang iyong puso+ sa aking mga salita.+ Tuparin mo ang aking mga utos at patuloy kang mabuhay.+
5 Magtamo ka ng karunungan,+ magtamo ka ng pagkaunawa.+ Huwag mong kalimutan, at huwag kang lumihis mula sa mga pananalita ng aking bibig.+
6 Huwag mo itong iwanan, at iingatan ka nito. Ibigin mo, at ipagsasanggalang ka nito.
7 Karunungan ang pangunahing bagay.+ Magtamo ka ng karunungan; at sa lahat ng iyong matatamo, magtamo ka ng pagkaunawa.+
8 Pahalagahan mo itong lubha, at itataas ka nito.+ Luluwalhatiin ka nito sapagkat yakap mo ito.+
9 Sa iyong ulo ay magbibigay ito ng putong na panghalina;+ isang korona ng kagandahan ang igagawad nito sa iyo.”+
10 Dinggin mo, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga pananalita.+ At ang mga taon ng buhay ay darami para sa iyo.+
11 Tuturuan kita hinggil sa daan ng karunungan;+ palalakarin kita sa mga landas ng katuwiran.+
12 Kapag lumalakad ka, ang iyong hakbang ay hindi magigipit;+ at kung tatakbo ka, hindi ka matitisod.+
13 Humawak ka sa disiplina;+ huwag mong bibitiwan.+ Ingatan mo ito, sapagkat ito mismo ang iyong buhay.+
14 Sa landas ng mga balakyot ay huwag kang pumasok,+ at huwag kang lumakad patungo sa daan ng masasama.+
15 Iwasan mo iyon,+ huwag mong daanan;+ lihisan mo iyon, at yumaon ka.+
16 Sapagkat hindi sila natutulog malibang makagawa sila ng kasamaan,+ at ang kanilang tulog ay napapawi malibang mapangyari nilang may matisod.+
17 Sapagkat pinakakain nila ang kanilang sarili ng tinapay ng kabalakyutan,+ at ang alak ng mga gawang karahasan ang iniinom nila.+
18 Ngunit ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.+
19 Ang lakad ng mga balakyot ay tulad ng karimlan;+ hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinatitisuran.+
20 Anak ko, sa aking mga salita ay magbigay-pansin ka.+ Sa aking mga pananalita ay ikiling mo ang iyong pandinig.+
21 Huwag nawang mahiwalay ang mga iyon mula sa iyong mga mata.+ Ingatan mo ang mga iyon sa kaibuturan ng iyong puso.+
22 Sapagkat ang mga iyon ay buhay sa mga nakasusumpong ng mga iyon+ at kalusugan sa kanilang buong laman.+
23 Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso,+ sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.+
24 Alisin mo sa iyo ang kalikuan ng pananalita;+ at ang pagiging mapanlinlang ng mga labi ay ilayo mo sa iyo.+
25 Kung tungkol sa iyong mga mata, dapat itong tumingin nang deretso sa unahan,+ oo, ang iyong nagniningning na mga mata ay dapat tumitig sa mismong harap mo.+
26 Patagin mo ang landasin ng iyong paa,+ at maitatag nawa nang matibay ang lahat ng iyong lakad.+
27 Huwag kang kumiling sa kanan o sa kaliwa.+ Alisin mo ang iyong paa sa kasamaan.+