Kawikaan 15:1-33
15 Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit,+ ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.+
2 Ang dila ng marurunong ay gumagawa ng mabuti dahil sa kaalaman,+ ngunit ang bibig ng mga hangal ay binubukalan ng kamangmangan.+
3 Ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako,+ nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.+
4 Ang kahinahunan ng dila ay punungkahoy ng buhay,+ ngunit ang pagpilipit nito ay pagkalugmok ng espiritu.+
5 Ang sinumang mangmang ay nagwawalang-galang sa disiplina ng kaniyang ama,+ ngunit ang sinumang nagpapakundangan sa saway ay matalino.+
6 Sa bahay ng matuwid ay sagana ang nakaimbak,+ ngunit sa ani ng balakyot ay may pagsumpa.+
7 Ang mga labi ng marurunong ay laging nagsasabog ng kaalaman,+ ngunit ang puso ng mga hangal ay hindi gayon.+
8 Ang hain ng mga balakyot ay karima-rimarim kay Jehova,+ ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.+
9 Ang lakad ng balakyot ay karima-rimarim kay Jehova,+ ngunit ang nagtataguyod ng katuwiran ay iniibig niya.+
10 Ang disiplina ay masama sa isa na lumilihis ng landas;+ ang sinumang napopoot sa saway ay mamamatay.+
11 Ang Sheol at ang dako ng pagkapuksa+ ay nasa harap ni Jehova.+ Gaano pa kaya ang mga puso ng mga anak ng sangkatauhan!+
12 Ang manunuya ay hindi umiibig sa sumasaway sa kaniya.+ Sa marurunong ay hindi siya paroroon.+
13 Ang masayang puso ay may mabuting epekto sa mukha,+ ngunit dahil sa kirot sa puso ay may bagbag na espiritu.+
14 Ang pusong may unawa ay yaong naghahanap ng kaalaman,+ ngunit ang bibig ng mga taong hangal ay yaong nagmimithi ng kamangmangan.+
15 Ang lahat ng mga araw ng isang napipighati ay masama;+ ngunit ang may mabuting puso ay laging may piging.+
16 Mas mabuti ang kaunti na may pagkatakot kay Jehova+ kaysa sa saganang panustos na may kasamang kalituhan.+
17 Mas mabuti ang pagkaing gulay na doon ay may pag-ibig+ kaysa sa pinatabang toro na may kasamang poot.+
18 Ang taong nagngangalit ay pumupukaw ng pagtatalo,+ ngunit ang mabagal sa pagkagalit ay nagpapatahimik ng pag-aaway.+
19 Ang daan ng tamad ay tulad ng bakod na matinik na palumpong,+ ngunit ang landas ng mga matuwid ay patag na daan.+
20 Ang anak na marunong ay yaong nagpapasaya sa ama,+ ngunit ang taong hangal ay humahamak sa kaniyang ina.+
21 Ang kamangmangan ay kasayahan niyaong kapos ang puso,+ ngunit ang taong may kaunawaan ay yumayaong deretso sa unahan.+
22 Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan,+ ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.+
23 Ang tao ay may kasayahan sa sagot ng kaniyang bibig,+ at ang salita sa tamang panahon, O anong buti!+
24 Ang landas ng buhay ay paitaas sa isa na kumikilos nang may kaunawaan,+ upang makaiwas sa Sheol sa ibaba.+
25 Ang bahay ng mga palalo ay gigibain ni Jehova,+ ngunit itatatag niya ang hangganan ng babaing balo.+
26 Ang mga pakana ng masama ay karima-rimarim kay Jehova,+ ngunit ang kaiga-igayang mga pananalita ay malinis.+
27 Ang nagtitipon ng di-tapat na pakinabang ay nagdadala ng sumpa sa kaniyang sariling sambahayan,+ ngunit ang napopoot sa mga kaloob ang siyang mananatiling buháy.+
28 Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot,+ ngunit ang bibig ng mga balakyot ay binubukalan ng masasamang bagay.+
29 Si Jehova ay malayo sa mga balakyot,+ ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay dinirinig niya.+
30 Ang ningning ng mga mata+ ay nagpapasaya ng puso;+ ang mabuting ulat+ ay nagpapataba ng mga buto.+
31 Ang taingang nakikinig sa saway+ ng buhay ay tumatahan sa gitna mismo ng mga taong marurunong.+
32 Ang sinumang umiiwas sa disiplina+ ay nagtatakwil ng sarili niyang kaluluwa, ngunit ang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng puso.+
33 Ang pagkatakot kay Jehova ay disiplinang patungo sa karunungan,+ at bago ang kaluwalhatian ay may kapakumbabaan.+