Kawikaan 12:1-28
12 Ang maibigin sa disiplina ay maibigin sa kaalaman,+ ngunit ang napopoot sa saway ay walang katuwiran.+
2 Ang isa na mabuti ay nagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova,+ ngunit ang taong may balakyot na mga kaisipan ay inaari niyang balakyot.+
3 Walang taong matibay na matatatag sa pamamagitan ng kabalakyutan;+ ngunit kung tungkol sa pinakaugat ng mga matuwid, hindi ito makikilos.+
4 Ang asawang babaing may kakayahan ay korona sa nagmamay-ari sa kaniya,+ ngunit ang babaing gumagawi nang kahiya-hiya+ ay parang kabulukan sa kaniyang mga buto.
5 Ang mga kaisipan ng mga matuwid ay kahatulan;+ ang pag-ugit ng mga balakyot ay panlilinlang.+
6 Ang mga salita ng mga balakyot ay pag-aabang sa dugo,+ ngunit ang bibig ng mga matuwid ang magliligtas sa kanila.+
7 Ibinabagsak ang mga balakyot at sila ay wala na,+ ngunit ang bahay ng mga matuwid ay mananatiling nakatayo.+
8 Dahil sa kaniyang bibig na may karunungan ay pupurihin ang isang tao,+ ngunit ang may pilipit na puso ay hahamakin.+
9 Mas mabuti ang isang itinuturing na mababa ngunit may tagapaglingkod kaysa sa isang lumuluwalhati sa kaniyang sarili ngunit kapos sa tinapay.+
10 Pinangangalagaan ng matuwid ang kaluluwa ng kaniyang alagang hayop,+ ngunit ang kaawaan ng mga balakyot ay malupit.+
11 Ang nagsasaka ng kaniyang lupa ay mabubusog din sa tinapay,+ ngunit ang nagtataguyod ng mga bagay na walang kabuluhan ay kapos ang puso.+
12 Ninanasa ng balakyot ang nasilo sa lambat ng masasamang tao;+ ngunit kung tungkol sa ugat ng mga matuwid, ito ay nagbubunga.+
13 Dahil sa pagsalansang ng mga labi ay nasisilo ang masamang tao,+ ngunit ang matuwid ay nakalalabas sa kabagabagan.+
14 Mula sa bunga ng bibig ng isang tao ay nasisiyahan siya sa kabutihan,+ at ang mismong gawain ng mga kamay ng isang tao ay babalik sa kaniya.+
15 Ang lakad ng mangmang ay tama sa kaniyang sariling paningin,+ ngunit ang nakikinig sa payo ay marunong.+
16 Mangmang ang taong naghahayag ng kaniyang pagkayamot sa araw ring iyon,+ ngunit ang matalino ay nagtatakip ng kasiraang-puri.+
17 Siyang nagbubunsod ng katapatan ay magsasabi ng matuwid,+ ngunit ang bulaang saksi, ng panlilinlang.+
18 May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak,+ ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.+
19 Ang labi ng katotohanan+ ang matibay na matatatag magpakailanman,+ ngunit ang dila ng kabulaanan ay magiging kasintagal lamang ng isang sandali.+
20 Ang panlilinlang ay nasa puso niyaong mga kumakatha ng kapinsalaan,+ ngunit yaong mga nagpapayo ng kapayapaan ay may kasayahan.+
21 Walang anumang nakasasakit ang mangyayari sa matuwid,+ ngunit ang mga balakyot ang siyang malilipos ng kapahamakan.+
22 Ang mga labing bulaan ay karima-rimarim kay Jehova,+ ngunit yaong mga gumagawing may katapatan ay kalugud-lugod sa kaniya.+
23 Ang taong matalino ay nagtatakip ng kaalaman,+ ngunit ang puso ng mga hangal ay naghahayag ng kamangmangan.+
24 Ang kamay ng mga masikap ang siyang mamamahala,+ ngunit ang kamay na makupad ay mauukol sa puwersahang pagtatrabaho.+
25 Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito,+ ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.+
26 Ang matuwid ay nagsisiyasat sa kaniyang sariling pastulan, ngunit ang lakad ng mga balakyot ang nagliligaw sa kanila.+
27 Ang pagkamakupad ay hindi makatutugis sa pangangasuhing mga hayop ng isa,+ ngunit ang masikap ay mahalagang yaman ng isang tao.
28 Sa landas ng katuwiran ay may buhay,+ at sa paglalakbay sa daan nito ay walang kamatayan.+