Kawikaan 16:1-33
16 Sa makalupang tao nauukol ang pagsasaayos ng puso,+ ngunit mula kay Jehova ang sagot ng dila.+
2 Ang lahat ng mga lakad ng tao ay dalisay sa kaniyang sariling paningin,+ ngunit sinusukat ni Jehova ang mga espiritu.+
3 Igulong mo ang iyong mga gawain kay Jehova+ at ang iyong mga plano ay matibay na matatatag.+
4 Ang lahat ng bagay ay ginawa ni Jehova ukol sa kaniyang layunin,+ oo, maging ang balakyot na ukol sa masamang araw.+
5 Ang lahat ng may pusong mapagmapuri ay karima-rimarim kay Jehova.+ Ang kamay man ay humawak sa kamay, gayunma’y hindi magiging ligtas ang isa sa kaparusahan.+
6 Sa pamamagitan ng maibiging-kabaitan at katapatan ay naipagbabayad-sala ang kamalian,+ at dahil sa pagkatakot kay Jehova ay lumalayo sa kasamaan ang isa.+
7 Kapag nalulugod si Jehova sa mga lakad ng isang tao+ ay pinangyayari niya na maging ang kaniyang mga kaaway ay makipagpayapaan sa kaniya.+
8 Mas mabuti ang kaunti na may katuwiran+ kaysa sa saganang bunga na walang katarungan.+
9 Ang puso ng makalupang tao ay makapag-iisip ng kaniyang lakad,+ ngunit si Jehova ang nagtutuwid ng kaniyang mga hakbang.+
10 Ang kinasihang pasiya ay dapat na mapasa mga labi ng hari;+ sa paghatol ay hindi dapat na maging di-tapat ang kaniyang bibig.+
11 Ang tapat na panukat at timbangan ay kay Jehova;+ ang lahat ng mga batong panimbang ng supot ay kaniyang gawa.+
12 Ang paggawa ng kabalakyutan ay karima-rimarim sa mga hari,+ sapagkat sa pamamagitan ng katuwiran ay matibay na natatatag ang trono.+
13 Ang mga labi ng katuwiran ay kalugud-lugod sa isang dakilang hari;+ at ang nagsasalita ng mga bagay na matuwid ay iniibig niya.+
14 Ang pagngangalit ng hari ay gaya ng mga mensahero ng kamatayan,+ ngunit ang taong marunong ang siyang umiiwas doon.+
15 Sa liwanag ng mukha ng hari ay may buhay,+ at ang kaniyang kabutihang-loob ay tulad ng ulap ng ulan sa tagsibol.+
16 Ang pagtatamo ng karunungan ay anong pagkabuti kaysa sa ginto!+ At ang pagtatamo ng pagkaunawa ay mas mabuting piliin kaysa sa pilak.+
17 Ang lansangang-bayan ng mga matuwid ay ang paglayo sa kasamaan.+ Ang nagbabantay ng kaniyang lakad ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa.+
18 Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak,+ at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.+
19 Mas mabuti ang magkaroon ng mapagpakumbabang espiritu kasama ng maaamo+ kaysa makihati sa samsam kasama ng mga palalo.+
20 Siya na nagpapakita ng kaunawaan sa isang bagay ay makasusumpong ng mabuti,+ at maligaya siya na nagtitiwala kay Jehova.+
21 Ang may pusong marunong ay tatawaging may-unawa,+ at siyang matamis ang mga labi ay nagdaragdag ng panghikayat.+
22 Ang kaunawaan ay balon ng buhay+ sa mga may-ari nito; at ang pagdisiplina sa mga mangmang ay kamangmangan.+
23 Pinangyayari ng puso ng marunong na ang kaniyang bibig ay magpakita ng kaunawaan,+ at sa kaniyang mga labi ay nagdaragdag ito ng panghikayat.+
24 Ang kaiga-igayang mga pananalita ay bahay-pukyutan,+ matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.+
25 May daan na matuwid sa harap ng isang tao,+ ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.+
26 Ang kaluluwa ng masipag na manggagawa ay nagpagal para sa kaniya,+ sapagkat pinilit siya ng kaniyang bibig.+
27 Ang walang-kabuluhang tao ay naghahalukay ng kasamaan,+ at sa kaniyang mga labi ay may animo’y nakapapasong apoy.+
28 Ang taong mapang-intriga ay laging naghahasik ng pagtatalo,+ at pinaghihiwalay ng maninirang-puri yaong malalapít sa isa’t isa.+
29 Ang taong marahas ay mandaraya sa kaniyang kapuwa,+ at tiyak na papaparoonin siya nito sa daang hindi mabuti.+
30 Ikinikindat niya ang kaniyang mga mata upang magpakana ng mga intriga.+ Sa pagkagat sa kaniyang mga labi, dinadala nga niya sa kaganapan ang kapinsalaan.
31 Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan+ kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.+
32 Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki,+ at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.+
33 Sa kandungan inihahagis ang palabunot,+ ngunit ang bawat pasiya sa pamamagitan nito ay mula kay Jehova.+