Kawikaan 8:1-36
8 Hindi ba patuloy na tumatawag ang karunungan,+ at ang kaunawaan ay patuloy na naglalakas ng kaniyang tinig?+
2 Sa taluktok ng matataas na dako,+ sa tabi ng daan, sa may salubungan ng mga landas ay nakatayo ito.
3 Sa tabi ng mga pintuang-daan, sa bukana ng bayan,+ sa entrada ng mga pasukan ay patuloy itong sumisigaw nang malakas:+
4 “Sa inyo, O mga tao, ay tumatawag ako, at ang aking tinig ay sa mga anak ng mga tao.+
5 O mga walang-karanasan, unawain ninyo ang katalinuhan;+ at kayong mga hangal, unawain ninyo ang puso.+
6 Makinig kayo, sapagkat tungkol sa pangunahing mga bagay ang aking sinasalita,+ at ang buka ng aking mga labi ay tungkol sa katapatan.+
7 Sapagkat ang aking ngalangala ay pabulong na bumibigkas ng katotohanan;+ at ang kabalakyutan ay karima-rimarim sa aking mga labi.+
8 Ang lahat ng pananalita ng aking bibig ay sa katuwiran.+ Sa mga iyon ay walang anumang pilipit o liko.+
9 Ang lahat ng mga iyon ay tuwid sa may pang-unawa, at matuwid sa mga nakasusumpong ng kaalaman.+
10 Tanggapin ninyo ang aking disiplina at huwag ang pilak, at ang kaalaman sa halip na piling ginto.+
11 Sapagkat ang karunungan ay mas mabuti kaysa sa mga korales,+ at ang lahat ng iba pang kaluguran ay hindi maipapantay rito.+
12 “Ako, ang karunungan, ako ay tumahang kasama ng katalinuhan+ at nasusumpungan ko ang kaalaman sa mga kakayahang mag-isip.+
13 Ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.+ Ang pagtataas sa sarili at pagmamapuri+ at ang masamang lakad at ang tiwaling bibig+ ay kinapopootan ko.
14 Ako ay may payo+ at praktikal na karunungan.+ Ako—ang pagkaunawa;+ ako ay may kapangyarihan.+
15 Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, at ang matataas na opisyal ay nagtatalaga ng katuwiran.+
16 Sa pamamagitan ko ay namamahala ang mga prinsipe bilang mga prinsipe,+ at ang lahat ng mga taong mahal ay humahatol sa katuwiran.+
17 Yaong mga umiibig sa akin ay iniibig ko,+ at yaong mga humahanap sa akin ang siyang nakasusumpong sa akin.+
18 Ang kayamanan at ang kaluwalhatian ay nasa akin,+ mga pamanang yaman at katuwiran.+
19 Ang aking bunga ay mas mabuti kaysa sa ginto, kaysa sa dalisay na ginto, at ang aking ani kaysa sa piling pilak.+
20 Lumalakad ako sa landas ng katuwiran,+ sa gitna ng mga daan ng kahatulan,+
21 upang pangyarihing magmay-ari ng yaman yaong mga umiibig sa akin;+ at ang kanilang mga imbakan ay pinananatili kong punô.+
22 “Ginawa ako ni Jehova bilang ang pasimula ng kaniyang lakad,+ ang kauna-unahan sa kaniyang mga nagawa noong sinaunang panahon.+
23 Mula nang panahong walang takda ay itinalaga na ako,+ mula nang pasimula, mula nang mga panahong nauna pa sa lupa.+
24 Noong wala pang matubig na mga kalaliman ay iniluwal ako na waring may kasabay na mga kirot ng pagdaramdam,+ noong wala pang mga bukal na lubhang tigib ng tubig.
25 Bago pa nalagay ang mga bundok,+ una pa sa mga burol, ako ay iniluwal na waring may kasabay na mga kirot ng pagdaramdam,
26 noong hindi pa niya nagagawa ang lupa+ at ang mga hantad na lugar at ang unang bahagi ng makapal na alabok sa mabungang lupain.+
27 Nang ihanda niya ang langit ay naroroon ako;+ nang magtalaga siya ng bilog sa ibabaw ng matubig na kalaliman,+
28 nang itatag niya ang kaulapan sa itaas,+ nang patibayin niya ang mga bukal ng matubig na kalaliman,+
29 nang itakda niya sa dagat ang kaniyang batas na ang tubig ay hindi dapat lumampas sa kaniyang iniutos,+ nang italaga niya ang mga pundasyon ng lupa,+
30 noon ay nasa piling niya ako bilang isang dalubhasang manggagawa,+ at ako ang siyang lubhang kinagigiliwan+ niya araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon,+
31 na nagagalak sa mabungang lupain ng kaniyang lupa,+ at ang mga kinagigiliwan ko ay nasa mga anak ng mga tao.+
32 “At ngayon, O mga anak, makinig kayo sa akin; oo, maligaya ang mga nag-iingat ng aking mga daan.+
33 Makinig kayo sa disiplina at magpakarunong,+ at huwag kayong magpakita ng anumang kapabayaan.+
34 Maligaya ang taong nakikinig sa akin sa pamamagitan ng pananatiling gising sa aking mga pintuan araw-araw, sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga poste ng aking mga pasukan.+
35 Sapagkat yaong nakasusumpong sa akin ay tiyak na makasusumpong ng buhay,+ at nagtatamo ng kabutihang-loob mula kay Jehova.+
36 Ngunit ang sumasala sa akin ay gumagawa ng karahasan sa kaniyang kaluluwa;+ ang lahat niyaong masidhing napopoot sa akin ang siyang umiibig sa kamatayan.”+