Kawikaan 28:1-28
28 Ang mga balakyot ay tumatakas gayong wala namang tumutugis,+ ngunit ang mga matuwid ay tulad ng batang leon na panatag.+
2 Dahil sa pagsalansang ng lupain ay marami ang hali-haliling mga prinsipe nito,+ ngunit dahil sa taong may pang-unawa na nagtataglay ng kaalaman kung ano ang tama ay magtatagal ang prinsipe.+
3 Ang matipunong lalaki na dukha at nandaraya+ sa mga maralita ay gaya ng ulan na tumatangay anupat walang pagkain.
4 Yaong mga nagpapabaya sa kautusan ay pumupuri sa balakyot,+ ngunit yaong mga tumutupad ng kautusan ay nagpapakabagabag laban sa kanila.+
5 Ang mga taong nakahilig sa kasamaan ay hindi nakauunawa ng kahatulan, ngunit yaong mga humahanap kay Jehova ay nakauunawa ng lahat ng bagay.+
6 Mas mabuti ang dukhang lumalakad sa kaniyang katapatan kaysa sa isa na liko sa kaniyang mga lakad, bagaman siya ay mayaman.+
7 Ang anak na may unawa ay tumutupad ng kautusan,+ ngunit ang nakikisama sa matatakaw ay humihiya sa kaniyang ama.+
8 Siyang nagpaparami ng kaniyang mga pag-aari sa pamamagitan ng interes+ at labis na patubo ay nag-iipon lamang ng mga iyon para sa isa na nagpapakita ng lingap sa mga maralita.+
9 Siyang naglalayo ng kaniyang tainga sa pakikinig sa kautusan+—maging ang kaniyang panalangin ay karima-rimarim.+
10 Siyang nagliligaw+ sa mga matuwid patungo sa masamang daan ang siya ring mahuhulog sa kaniyang sariling hukay,+ ngunit ang mga walang pagkukulang ang magmamay-ari ng kabutihan.+
11 Ang taong mayaman ay marunong sa kaniyang sariling paningin,+ ngunit ang maralitang may pang-unawa ay sumisiyasat sa kaniya.+
12 Kapag ang mga matuwid ay nagbubunyi,+ may saganang kagandahan; ngunit kapag bumabangon ang mga balakyot, ang isang tao ay nagbabalatkayo.+
13 Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay,+ ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.+
14 Maligaya ang taong laging nakadarama ng panghihilakbot,+ ngunit siyang nagpapatigas ng kaniyang puso ay mahuhulog sa kapahamakan.+
15 Gaya ng umuungol na leon at sumisibasib na oso ang balakyot na tagapamahala sa mga taong maralita.+
16 Ang lider na kapos sa tunay na kaunawaan ay sagana rin sa mapandayang mga gawain,+ ngunit siyang napopoot sa di-tapat na pakinabang+ ay magpapalawig ng kaniyang mga araw.
17 Ang taong napabibigatan ng pagkakasala sa dugo dahil sa isang kaluluwa ay tatakas din patungo sa hukay.+ Huwag nila siyang pigilin.
18 Siyang lumalakad nang walang pagkukulang ay maliligtas,+ ngunit siyang liko sa kaniyang mga lakad ay biglang mabubuwal.+
19 Siyang sumasaka ng kaniyang sariling lupain ay magkakaroon ng sapat na tinapay,+ at siyang sumusunod sa mga bagay na walang kabuluhan ay magkakaroon ng sapat na karalitaan.+
20 Ang taong may tapat na mga gawa ay tatanggap ng maraming pagpapala,+ ngunit siyang nagmamadaling magtamo ng kayamanan ay hindi mananatiling walang-sala.+
21 Ang pagpapakita ng pagtatangi ay hindi mabuti,+ ni ang pagsalansang ng matipunong lalaki dahil lamang sa isang pirasong tinapay.
22 Ang taong may matang mainggitin ay nagpupunyaging magkamit ng mahahalagang pag-aari,+ ngunit hindi niya nalalaman na ang kakapusan ay darating sa kaniya.
23 Siyang sumasaway sa isang tao+ ay makasusumpong sa dakong huli ng higit na lingap kaysa sa kaniya na labis na mapamuri sa pamamagitan ng kaniyang dila.
24 Siyang nagnanakaw sa kaniyang ama at sa kaniyang ina+ at nagsasabi: “Hindi ito pagsalansang,”+ ay kasamahan ng taong nagpapahamak.
25 Siyang may mapagmataas na kaluluwa ay pumupukaw ng pagtatalo,+ ngunit siyang nananalig kay Jehova ay patatabain.+
26 Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal,+ ngunit siyang lumalakad na may karunungan ang makatatakas.+
27 Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi kakapusin,+ ngunit siyang nagkukubli ng kaniyang mga mata ay tatanggap ng maraming sumpa.+
28 Kapag bumabangon ang mga balakyot, ang isang tao ay nagkukubli;+ ngunit kapag nalilipol sila, ang matuwid ay dumarami.+