Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magpakita ng Mapaghintay na Saloobin!

Magpakita ng Mapaghintay na Saloobin!

Magpakita ng Mapaghintay na Saloobin!

“Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan. Diringgin ako ng aking Diyos.”​—MIKAS 7:7.

1, 2. (a) Paano pininsala ng maling saloobin ang mga Israelita sa iláng? (b) Ano ang maaaring mangyari sa isang Kristiyano na hindi naglilinang ng isang tamang saloobin?

MARAMING bagay sa buhay ang maaaring malasin sa positibo o negatibong paraan, depende sa ating saloobin. Nang ang mga Israelita ay nasa iláng, sila’y makahimalang pinaglaanan ng manna. Dapat sana’y tumingin sila sa palibot ng tiwangwang na tanawin at taimtim na nagpasalamat kay Jehova dahil sa paglalaan ng kanilang pagkain. Nagpaaninag sana iyan ng isang positibong saloobin. Sa halip, ang naalaala nila ay ang napakaraming iba’t ibang pagkain sa Ehipto at nagreklamo na ang manna ay nakawawala ng gana. Napakanegatibong saloobin!​—Bilang 11:4-6.

2 Ang saloobin ng isang Kristiyano sa ngayon ay maaari ring magpasaya o magpalungkot sa pangmalas sa mga bagay-bagay. Kung walang tamang saloobin, madaling maiwawala ng isang Kristiyano ang kaniyang kagalakan, at iyan ay maselan sapagkat, gaya ng sabi ni Nehemias: “Ang kagalakan kay Jehova ang [ating] moog.” (Nehemias 8:10) Ang isang positibo at masayahing saloobin ay tumutulong upang tayo’y makapanatiling malakas at nagtataguyod ito ng kapayapaan at pagkakaisa sa loob ng kongregasyon.​—Roma 15:13; Filipos 1:25.

3. Paano nakatulong kay Jeremias ang isang tamang saloobin sa loob ng maliligalig na panahon?

3 Sa kabila ng pamumuhay sa mahihirap na panahon, si Jeremias ay nagpamalas ng positibong saloobin. Kahit na noong masaksihan niya ang nakapangingilabot na pagbagsak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., nakakita pa rin siya ng mga positibong bagay. Hindi malilimot ni Jehova ang Israel, at makaliligtas ang bansa. Sumulat si Jeremias sa aklat ng Mga Panaghoy: “Dahil sa mga gawa ng maibiging-kabaitan ni Jehova kung kaya hindi pa tayo nalilipol, sapagkat ang kaniyang kaawaan ay tiyak na hindi magwawakas. Ang mga iyon ay bago sa bawat umaga. Ang iyong katapatan ay sagana.” (Panaghoy 3:22, 23) Sa buong kasaysayan, ang mga lingkod ng Diyos na nasa pinakamahihirap na kalagayan ay nagsisikap na makapagpanatili ng isang positibo at masayahin pa ngang saloobin.​—2 Corinto 7:4; 1 Tesalonica 1:6; Santiago 1:2.

4. Anong saloobin ang pinanatili ni Jesus, at paano ito nakatulong sa kaniya?

4 Anim na raang taon pagkatapos ni Jeremias, si Jesus ay natulungang magbata dahil sa kaniyang positibong saloobin. Mababasa natin: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan [ni Jesus] ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.” (Hebreo 12:2) Anumang pagsalansang o pag-uusig ang kinailangang harapin ni Jesus​—maging ang matinding paghihirap sa pahirapang tulos​—iningatan niya sa kaniyang isipan ang “kagalakang inilagay sa harapan niya.” Ang kagalakang iyon ay ang pribilehiyo ng pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at pagpapabanal sa kaniyang pangalan gayundin ng pag-asa na madulutan ng dakilang pagpapala ang masunuring sangkatauhan sa hinaharap.

Magtaglay ng Mapaghintay na Saloobin

5. Ano ang isang karaniwang situwasyon na doo’y matutulungan tayo ng mapaghintay na saloobin na mapanatili ang isang tamang pangmalas sa mga bagay-bagay?

5 Kung lilinangin natin ang pangkaisipang saloobin na gaya niyaong kay Jesus, hindi natin maiwawala ang kagalakan kay Jehova kahit na ang mga bagay-bagay ay hindi laging nangyayari ayon sa paraan at panahong inaasahan natin. Sinabi ng propetang si Mikas: “Sa ganang akin, si Jehova ang patuloy kong hihintayin. Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Mikas 7:7; Panaghoy 3:21) Tayo rin ay makapagpapakita ng mapaghintay na saloobin. Paano? Sa maraming paraan. Una sa lahat, baka iniisip natin na nagkamali ang isang kapatid na lalaki na may awtoridad at na kailangan itong ituwid agad. Ang isang mapaghintay na saloobin ay magpapangyari sa atin na mag-isip-isip, ‘Talaga nga kayang nagkamali siya, o ako ang nagkamali? Kung siya nga’y nagkamali, posible kaya na ipinahihintulot ni Jehova na maganap ang mga nangyayaring ito sapagkat nadarama niya na ang indibiduwal na iyon ay susulong at na ang mahigpit na paraan ng pagtutuwid ay hindi na kailangan?’

6. Paano matutulungan ng mapaghintay na saloobin ang isa na nakikipagpunyagi sa isang personal na suliranin?

6 Baka kailanganin ang isang mapaghintay na saloobin kapag tayo’y binabagabag ng isang personal na suliranin o nakikipagpunyagi sa isang kahinaan. Ipagpalagay nang humihingi tayo ng tulong kay Jehova, subalit naroroon pa rin ang problema. Paano na ngayon? Huwag tayong titigil sa paggawa ng lahat ng ating makakaya upang malutas ang suliranin at pagkatapos ay manalig sa mga salita ni Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at inyong masusumpungan; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.” (Lucas 11:9) Patuloy na manalangin, at maghintay kay Jehova. Sa angkop na panahon at sa kaniyang sariling paraan, sasagutin ni Jehova ang iyong mga panalangin.​—1 Tesalonica 5:17.

7. Sa anong paraan matutulungan ng mapaghintay na saloobin ang ating pangmalas sa isang pasulóng na pagliwanag ng pagkaunawa sa Bibliya?

7 Habang natutupad ang mga hula, lumiliwanag ang ating pagkaunawa sa Kasulatan. Subalit kung minsan, baka ipinalalagay nating atrasado na ang isang pagliliwanag. Kung hindi ito dumarating sa panahong gusto natin, handa ba tayong maghintay? Tandaan, nakita ni Jehova na angkop na isiwalat ang “sagradong lihim ng Kristo” nang unti-unti at sa loob ng mga 4,000 taon. (Efeso 3:3-6) Kung gayon, may katuwiran ba tayong mainip? Nag-aalinlangan ba tayo na may hinirang na “tapat at maingat na alipin” upang magbigay sa bayan ni Jehova ng “kanilang pagkain sa tamang panahon”? (Mateo 24:45) Bakit natin pagkakaitan ang ating mga sarili ng makadiyos na kagalakan dahil lamang sa hindi lubusang pagkaunawa sa lahat ng bagay? Tandaan, si Jehova ang nagpapasiya kung kailan at kung paano isisiwalat ang kaniyang ‘lihim na mga bagay.’​—Amos 3:7.

8. Paano napatunayang kapaki-pakinabang sa marami ang pagtitiis ni Jehova?

8 Baka ang ilan ay masiraan ng loob dahil sa nadarama nila na matapos ang maraming taon ng tapat na paglilingkod, baka hindi na sila makapanatiling buháy upang makita “ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Joel 2:30, 31) Gayunpaman, maaari pa rin silang mapatibay kung titingnan nila ang positibong aspekto. Nagpayo si Pedro: “Ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.” (2 Pedro 3:15) Ang pagtitiis ni Jehova ay nagpangyari sa milyun-milyon pang tapat-pusong tao na makaalam ng katotohanan. Hindi ba napakaganda niyan? Isa pa, habang humahaba ang pagtitiis ni Jehova, lalong nadaragdagan ang ating panahon upang ‘patuloy nating isagawa ang ating sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.’​—Filipos 2:12; 2 Pedro 3:11, 12.

9. Kung limitado ang ating nagagawa sa paglilingkod kay Jehova, paano tayo matutulungan ng mapaghintay na saloobin na mabata ang gayong kalagayan?

9 Ang mapaghintay na saloobin ay tumutulong sa atin na huwag masiraan ng loob kapag hinahadlangan tayo ng pagsalansang, sakit, pagtanda, o iba pang mga suliranin sa ating paglilingkod sa Kaharian. Inaasahan ni Jehova na paglilingkuran natin siya nang buong puso. (Roma 12:1) Magkagayunman, ang Anak ng Diyos, na ‘naaawa sa maralita at sa dukha,’ ay hindi humihiling ng higit sa ating makatuwirang maibibigay; ni si Jehova man. (Awit 72:13) Kung gayon, tayo’y pinasisigla na gawin ang ating makakaya, anupat matiyagang naghihintay hanggang sa magbago ang mga kalagayan​—maganap man ito sa sistemang ito ng mga bagay o doon sa darating. Tandaan: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, sa bagay na kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”​—Hebreo 6:10.

10. Anong di-makadiyos na paggawi ang maaaring maiwasan ng isa na may mapaghintay na saloobin? Ipaliwanag.

10 Ang mapaghintay na saloobin ay tumutulong din sa atin na makaiwas sa pagiging pangahas. Ang ilan na naging apostata ay hindi nakapaghintay. Marahil ay nadama nilang may mga kailangang baguhin, alinman sa pagkaunawa sa Bibliya o sa mga bagay na may kinalaman sa organisasyon. Subalit, hindi nila kinilala na pinakikilos ng espiritu ni Jehova ang tapat at maingat na alipin upang gumawa ng mga pagbabago sa Kaniyang takdang panahon, hindi sa panahon na maaaring inaakala nating kailangan na ito. At anumang pagbabago ay dapat na kasuwato ng kalooban ni Jehova, hindi ng ating sariling mga ideya. Hinahayaan ng mga apostata na pilipitin ng pangahas na saloobin ang kanilang pag-iisip at tisurin sila. Subalit kung ikinapit nila ang pangkaisipang saloobin ni Kristo, napanatili sana nila ang kanilang kagalakan at namalagi sa piling ng bayan ni Jehova.​—Filipos 2:5-8.

11. Paano natin magagamit sa kapaki-pakinabang na paraan ang panahon ng paghihintay, na sinusundan ang mga halimbawa nino?

11 Mangyari pa, ang pagpapanatili ng isang mapaghintay na saloobin ay hindi nangangahulugan ng pagiging tamad o walang ginagawa. Mayroon tayong kailangang gawin. Halimbawa, kailangan tayong maging abala sa personal na pag-aaral ng Bibliya at sa gayo’y nagpapakita ng gayunding kataimtim na interes sa espirituwal na mga bagay na gaya ng ipinakita ng tapat na mga propeta at maging ng mga anghel. Patungkol sa gayong interes, sinabi ni Pedro: “May kinalaman sa mismong kaligtasang ito ay isang masikap na pagsisiyasat at isang maingat na pagsasaliksik ang ginawa ng mga propeta . . . Sa mismong mga bagay na ito ang mga anghel ay nagnanasang magmasid.” (1 Pedro 1:10-12) Hindi lamang personal na pag-aaral ang kailangan kundi kailangan din ang regular na pagdalo sa pulong at panalangin. (Santiago 4:8) Yaong nagpapakita na batid nila ang kanilang espirituwal na pangangailangan sa pamamagitan ng regular na pagkain ng espirituwal na pagkain at pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano ay nagpapamalas na taglay nila ang pangkaisipang saloobin ni Kristo.​—Mateo 5:3.

Magkaroon ng Makatotohanang Pangmalas

12. (a) Anong kalayaan ang hinangad nina Adan at Eva? (b) Ano ang ibinunga ng pagsunod ng sangkatauhan sa landasin nina Adan at Eva?

12 Nang lalangin ng Diyos ang unang mag-asawa, itinalaga niya sa kaniyang sarili ang karapatan na magtakda ng mga pamantayan ng tama at mali. (Genesis 2:16, 17) Hinangad nina Adan at Eva na makalaya mula sa patnubay ng Diyos, at ito’y nagbunga ng isang daigdig na nakikita natin sa ating paligid sa ngayon. Sinabi ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Ipinakita ng anim na libong taon ng kasaysayan ng tao mula noong kapanahunan ni Adan ang katotohanan ng mga salita ni Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniya. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang pagkilala na totoo nga ang mga salita ni Jeremias ay hindi naman pagiging pesimistiko. Ito’y makatotohanan. Ipinaliliwanag nito ang mahahabang siglong iyon nang panahong “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala” sapagkat ang mga tao’y namahala nang hiwalay sa Diyos.​—Eclesiastes 8:9.

13. Anong makatotohanang pangmalas ang taglay ng mga Saksi ni Jehova sa maaaring magawa ng mga tao?

13 Dahil sa kalagayan ng sangkatauhan, napag-unawa ng mga Saksi ni Jehova na limitado lamang ang maaaring magawa sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ang isang positibong saloobin ay makatutulong upang mapanatili ang ating kagalakan, subalit hindi ito ang kalutasan sa lahat ng bagay. Noong mga unang taon ng dekada ng 1950, naglathala ang isang Amerikanong klerigo ng isang pinakamabiling aklat na tinatawag na The Power of Positive Thinking. Ipinahiwatig ng aklat na maaaring malampasan ang karamihan sa mga hadlang kung ang mga ito’y nilulutas taglay ang positibong saloobin. Talagang kahanga-hanga ang positibong pag-iisip. Subalit ipinakikita ng karanasan na nililimitahan ng kaalaman, kakayahan, materyal na pag-aari, at ng marami pang ibang salik ang maaari nating magawa bilang mga indibiduwal. At sa pandaigdig na lawak, ang mga suliranin ay talagang napakalaki para matagumpay na malutas ng mga tao​—gaano man kapositibo ang kanilang pag-iisip!

14. Ang mga Saksi ni Jehova ba ay may negatibong saloobin? Ipaliwanag.

14 Dahil sa kanilang makatotohanang pangmalas sa gayong mga bagay, ang mga Saksi ni Jehova ay pinararatangan kung minsan ng pagkakaroon ng negatibong saloobin. Taliwas dito, sabik na sabik sila na masabi sa mga tao ang tungkol sa tanging Isa na permanenteng makapagpapabuti sa kalagayan ng sangkatauhan. Sa paraan ding ito ay tinutularan nila ang pangkaisipang saloobin ni Kristo. (Roma 15:2) At sila’y abala sa pagtulong sa mga tao na matamo ang isang mabuting kaugnayan sa Diyos. Batid nila na sa dakong huli, maisasakatuparan nito ang pinakamabuting bagay.​—Mateo 28:19, 20; 1 Timoteo 4:16.

15. Paano napabubuti ng gawain ng mga Saksi ni Jehova ang mga indibiduwal?

15 Hindi ipinagwawalang-bahala ng mga Saksi ni Jehova ang mga suliraning panlipunan​—lalo na ang nagpaparuming di-maka-Kasulatang gawain​—na nakapalibot sa kanila. Bago maging isang Saksi ni Jehova ang isang taong interesado, siya’y gumagawa muna ng mga pagbabago, anupat kadalasa’y dinaraig ang mga nakasusugapang bisyo na di-nakalulugod sa Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Kaya naman ang mga taong tumutugon ay natutulungan ng mga Saksi ni Jehova na madaig ang paglalasing, pagkasugapa sa droga, imoralidad, at walang-patumanggang pagsusugal. Natutuhan ng mga nagbagong indibiduwal na ito na paglaanan ang kanilang mga pamilya sa isang responsable at malinis na paraan. (1 Timoteo 5:8) Kapag ang mga indibiduwal at mga pamilya ay natutulungan sa ganitong paraan, nababawasan ang mga suliranin sa pamayanan​—mas kakaunti ang mga sugapa sa droga, mas kakaunti ang kaso ng karahasan sa pamilya, at iba pa. Sa pagiging mga mamamayan mismo na masunurin sa batas at sa pagtulong sa iba na baguhin ang kanilang buhay ukol sa ikabubuti, binabawasan ng mga Saksi ni Jehova ang trabaho ng mga ahensiya na ang tungkulin ay ang harapin ang mga suliraning panlipunan.

16. Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikialam sa sekular na mga kilusan ukol sa pagpapabuti?

16 Kung gayon, napagbago na nga kaya ng mga Saksi ni Jehova ang kalagayan ng moral sa daigdig? Buweno, nitong nakalipas na dekada, ang bilang ng mga aktibong Saksi ay sumulong mula sa kaunti lamang nang bahagya sa 3,800,000 tungo sa halos 6,000,000. Iyan ay isang pagsulong na mga 2,200,000, na marami sa mga ito ay huminto na sa di-matuwid na mga gawain nang sila’y maging mga Kristiyano. Napakaraming buhay ang napabuti! Subalit, ang bilang na ito ay kaunting-kaunti pa rin kung ihahambing sa pagdami ng populasyon ng daigdig noong panahon ding iyon​—875,000,000! Nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova na isang pinagmumulan ng kagalakan na tulungan ang mga indibiduwal na tumutugon, bagaman batid nilang kakaunti lamang mula sa sangkatauhan ang tatahak sa landas tungo sa buhay. (Mateo 7:13, 14) Habang hinihintay ng mga Saksi ang pambuong-daigdig na mga pagbabago tungo sa ikabubuti na tanging Diyos lamang ang makagagawa, hindi sila nakikialam sa sekular na mga kilusan ukol sa pagpapabuti, na kadalasa’y mabuti naman ang mga intensiyon sa pasimula subalit natatapos sa pagkasiphayo at sa karahasan pa nga.​—2 Pedro 3:13.

17. Ano ang ginawa ni Jesus upang tulungan yaong mga nakapalibot sa kaniya, subalit ano ang hindi niya ginawa?

17 Sa pagtahak sa landasing ito, ipinamamalas ng mga Saksi ni Jehova ang pagtitiwala kay Jehova na tinaglay ni Jesus habang nasa lupa. Noong unang siglo, si Jesus ay gumawa ng mga himala ng pagpapagaling. (Lucas 6:17-19) Bumuhay pa nga siya ng mga patay. (Lucas 7:11-15; 8:49-56) Subalit hindi niya inalis ang suliranin ng pagkakasakit o nilupig man ang kaaway na kamatayan. Batid niyang hindi pa iyon ang takdang panahon ng Diyos para rito. Sa pagtataglay ng nakahihigit na mga kakayahan ng isang sakdal na tao, malamang na napakarami sanang nagawa ni Jesus upang malutas ang malulubhang suliranin sa pulitika at lipunan. Waring hinangad ng ilan sa kaniyang mga kontemporaryo na hawakan niya ang kapangyarihan at kumilos sa ganitong paraan, subalit tumanggi si Jesus. Mababasa natin: “Nang makita ng mga tao ang mga tanda na kaniyang isinagawa, ay nagpasimula silang magsabi: ‘Ito ngang talaga ang propeta na darating sa sanlibutan.’ Kaya nga si Jesus, sa pagkaalam na papalapit na sila at aagawin siya upang gawin siyang hari, ay umalis na muli patungo sa bundok na nag-iisa.”​—Juan 6:14, 15.

18. (a) Paanong si Jesus ay patuloy na nagpakita ng mapaghintay na saloobin? (b) Paano nabago ang gawain ni Jesus mula noong 1914?

18 Si Jesus ay tumangging makialam sa pulitika o sa pawang gawaing panlipunan lamang sapagkat batid niyang hindi pa dumarating ang panahon para sa kaniya na humawak ng makaharing kapangyarihan at gumawa ng mga pagpapagaling para sa bawat isa sa lahat ng dako. Kahit matapos na siya’y umakyat tungo sa buhay bilang isang imortal na espiritu sa langit, handa siyang maghintay sa itinakdang panahon ni Jehova bago siya kumilos. (Awit 110:1; Gawa 2:34, 35) Gayunman, mula nang siya’y iluklok bilang Hari ng Kaharian ng Diyos noong 1914, humahayo na siyang “nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” (Apocalipsis 6:2; 12:10) Laking pasasalamat natin na magpasakop sa kaniyang pagkahari, habang minamabuti pa ng iba na nag-aangking mga Kristiyano na manatiling walang nalalaman sa mga itinuturo sa Bibliya hinggil sa Kaharian!

Paghihintay​—Pinagmumulan ng Kabiguan o ng Kagalakan?

19. Kailan “nagpapasakit ng puso” ang paghihintay, at kailan ito pinagmumulan ng kagalakan?

19 Batid ni Solomon na ang paghihintay ay maaaring magdulot ng kabiguan. Sumulat siya: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” (Kawikaan 13:12.) Mangyari pa, kung umaasa ang isang tao sa walang-saligang mga mithiin, ang puso ay maaaring masaktan dahil sa pagkabigo. Gayunman, ang paghihintay sa masasayang okasyon​—marahil isang kasalan, pagsisilang ng isang sanggol, o muling-pakikipagkita sa mga taong mahal sa atin​—ay pupuspos na sa atin ng kagalakan ng pag-asam kahit matagal pa bago sumapit ang araw ng katuparan nito. Ang kagalakang iyan ay mag-iibayo pa kung may-katalinuhan nating gagamitin ang panahon ng paghihintay, anupat naghahanda sa darating na okasyon.

20. (a) Anong kahanga-hangang mga pangyayari ang may-pagtitiwala nating inaasahang makita? (b) Paano tayo makasusumpong ng kagalakan habang naghihintay na matupad ang mga layunin ni Jehova?

20 Kapag lubos ang ating pagtitiwala na matutupad ang ating mga inaasam​—kahit na hindi natin alam kung kailan matutupad ang mga ito​—ang panahon ng paghihintay ay hindi kailangang ‘magpasakit ng puso.’ Batid ng tapat na mga mananamba ng Diyos na ang Milenyong Paghahari ni Kristo ay malapit na. Nagtitiwala sila na makikita nila ang wakas ng kamatayan at sakít. Taglay ang masidhing pananabik, sila’y may-kagalakang naghihintay sa panahon na sasalubungin nila ang bilyun-bilyon mula sa mga patay, kasali na ang kanilang namatay na mga mahal sa buhay. (Apocalipsis 20:1-3, 6; 21:3, 4) Sa panahong ito ng krisis sa ekolohiya, inaasam-asam nila ang tiyak na pag-asa na makita ang pagtatatag ng Paraiso sa lupa. (Isaias 35:1, 2, 7) Isang katalinuhan, kung gayon, na maingat na gamitin ang panahon ng paghihintay, “na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon”! (1 Corinto 15:58) Patuloy na kumain ng espirituwal na pagkain. Magtatag ng isang lalong matalik na kaugnayan kay Jehova. Hanapin ang iba na may mga pusong nag-uudyok sa kanila na maglingkod kay Jehova. Pasiglahin ang mga kapuwa mananamba. Lubusang samantalahin ang anumang panahong ipahihintulot pa ni Jehova. Kung gayon, ang paghihintay kay Jehova ay hindi kailanman ‘magpapasakit ng [iyong] puso.’ Sa halip, pupuspusin ka nito ng kagalakan!

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Paano nagpakita si Jesus ng mapaghintay na saloobin?

• Sa anu-anong kalagayan nangangailangan ang mga Kristiyano ng mapaghintay na saloobin?

• Bakit kontento ang mga Saksi ni Jehova na maghintay kay Jehova?

• Paanong ang paghihintay kay Jehova ay maaaring gawing pinagmumulan ng kagalakan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 12]

Si Jesus ay nagbata dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya

[Larawan sa pahina 13]

Kahit pagkatapos ng mahahabang taon ng paglilingkod, mapananatili pa rin natin ang ating kagalakan

[Mga larawan sa pahina 15]

Napabuti ng milyun-milyon ang kanilang buhay dahil sa pagiging mga Saksi ni Jehova