Ayon kay Lucas 8:1-56

8  Di-nagtagal pagkatapos nito, naglakbay siya sa mga lunsod at sa mga nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.+ At kasama niya ang 12 apostol,  pati ang ilang babae na napalaya mula sa masasamang espiritu at napagaling ang mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena,+ na napalaya mula sa pitong demonyo;  si Juana+ na asawa ni Cuza, na katiwala sa bahay ni Herodes; si Susana; at marami pang ibang babae. Ginagamit ng mga babaeng ito ang sarili nilang pag-aari para maglingkod sa kanila.+  Nang matipon ang isang malaking grupo ng mga tao at ang mga tao mula sa iba’t ibang lunsod na sumama sa kaniya, nagbigay siya ng isang ilustrasyon:+  “Isang magsasaka ang lumabas para maghasik ng binhi. Sa paghahasik niya, ang ilang binhi ay napunta sa tabi ng daan. Natapak-tapakan ang mga ito at inubos ng mga ibon sa langit.+  Ang ilan naman ay nahulog sa bato, kaya nang sumibol, natuyo ang mga ito dahil sa kakulangan ng tubig.+  Ang iba ay napunta sa may matitinik na halaman, at ang mga ito ay sinakal ng matitinik na halaman na tumubong kasama nito.+  Pero ang iba ay napunta sa matabang lupa, kaya nang sumibol, namunga ang mga ito nang 100 ulit.”+ Pagkatapos, sinabi niya nang malakas: “Ang may tainga ay makinig.”+  Pero tinanong siya ng mga alagad niya kung ano ang kahulugan ng ilustrasyong ito.+ 10  Sinabi niya: “Pinahintulutan kayong maintindihan ang mga sagradong lihim ng Kaharian ng Diyos, pero para sa iba, mga ilustrasyon lang ito,+ nang sa gayon, kahit tumitingin sila, walang saysay ang pagtingin nila, at kahit nakikinig sila, wala silang maiintindihan.+ 11  Ito ang kahulugan ng ilustrasyon: Ang binhi ay ang salita ng Diyos.+ 12  Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakarinig, pero dumating ang Diyablo at kinuha ang salita mula sa puso nila para hindi sila maniwala at maligtas.+ 13  Ang mga nasa ibabaw ng bato ay ang mga nakarinig sa salita at tinanggap ito nang masaya, pero walang ugat ang mga ito. Naniniwala sila sa loob ng sandaling panahon, pero sa panahon ng pagsubok ay tumitigil na sila.+ 14  Ang mga nahulog naman sa matitinik na halaman ay ang mga nakarinig, pero dahil nagpadala sila sa mga kabalisahan, kayamanan,+ at kaluguran sa buhay na ito,+ lubusan silang nasakal at hindi kailanman nagkaroon ng magandang bunga.+ 15  Kung tungkol sa nasa mainam na lupa, sila ang mga may napakabuting puso na nakarinig sa salita;+ tinanggap nila ito at namunga sila habang nagtitiis.*+ 16  “Walang sinuman ang nagsisindi ng lampara at tinatakpan ito ng isang basket o inilalagay sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay niya ito sa patungan ng lampara para makita ng mga pumapasok sa silid ang liwanag.+ 17  Dahil walang nakatago na hindi magiging hayag, o walang anumang itinagong mabuti na hindi kailanman malalaman at mahahantad.+ 18  Kaya bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig, dahil ang sinumang mayroon ay bibigyan ng higit,+ pero ang sinumang wala, kahit ang inaakala niyang sa kaniya ay kukunin sa kaniya.”+ 19  At pinuntahan siya ng ina at mga kapatid niya,+ pero hindi sila makalapit dahil sa dami ng tao.+ 20  Kaya may nagsabi sa kaniya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid at gusto kang makita.” 21  Sinabi niya sa kanila: “Ito ang aking ina at mga kapatid, ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito.”+ 22  Isang araw, sumakay siya at ang mga alagad niya sa isang bangka, at sinabi niya: “Tumawid tayo sa kabilang panig ng lawa.” Kaya naglayag sila.+ 23  Pero habang naglalayag sila, nakatulog siya. At nagkaroon ng isang malakas na buhawi sa lawa; pinapasok na ng tubig ang kanilang bangka at malapit nang lumubog.+ 24  Kaya nilapitan nila siya para gisingin at sinabi: “Guro, Guro, mamamatay na tayo!” Dahil dito ay bumangon siya at sinaway ang hangin at ang malalakas na alon, at humupa ang mga iyon, at biglang naging kalmado ang paligid.+ 25  Pagkatapos, sinabi niya: “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Pero natakot sila nang husto at namangha, at sinabi nila sa isa’t isa: “Sino ba talaga siya? Kahit ang hangin at tubig ay inuutusan niya, at sumusunod ang mga ito.”+ 26  At dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno,+ na nasa kabilang panig ng Galilea. 27  Nang makababa si Jesus sa lupa, sinalubong siya ng isang lalaki mula sa lunsod na sinasapian ng demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, at nakatira ito sa mga libingan at hindi sa isang bahay.+ 28  Pagkakita kay Jesus, sumigaw siya at sumubsob sa harap niya, at sinabi nang malakas: “Bakit nandito ka, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Parang awa mo na, huwag mo akong pahirapan.”+ 29  (Dahil inuutusan ni Jesus ang masamang* espiritu na lumabas sa taong iyon. Maraming beses na itong sumapi sa kaniya.*+ Paulit-ulit na iginagapos ng kadena ang mga kamay at paa niya, at laging may nagbabantay sa kaniya, pero nilalagot niya ang mga gapos at pumupunta siya sa liblib na mga lugar dahil iyon ang gusto ng demonyo.) 30  Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang pangalan mo?” Sinabi niya: “Hukbo,” dahil maraming demonyo ang pumasok sa kaniya. 31  At paulit-ulit silang nagmamakaawa sa kaniya na huwag silang utusang pumunta sa kalaliman.+ 32  At isang malaking kawan ng mga baboy+ ang nanginginain doon sa bundok, kaya nagmakaawa sila sa kaniya na payagan silang pumasok sa mga baboy, at pinayagan niya sila.+ 33  Kaya lumabas sa taong iyon ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy, at ang mga baboy ay nagtakbuhan sa bangin, nahulog sa lawa, at nalunod. 34  Nang makita ng mga tagapag-alaga ng baboy kung ano ang nangyari, nagtakbuhan sila at ipinamalita ito sa lunsod at sa kalapít na mga lugar. 35  Kaya lumabas ang mga tao para makita kung ano ang nangyari. Pumunta sila kay Jesus at nakita ang lalaki na dating sinasapian ng mga demonyo, nakadamit at nasa matinong pag-iisip, na nakaupo sa paanan ni Jesus,+ kaya natakot sila. 36  Ibinalita sa kanila ng mga nakasaksi kung paano napagaling* ang lalaking sinasapian ng demonyo. 37  Kaya napakaraming tao mula sa nakapalibot na lupain ng mga Geraseno ang humiling kay Jesus na lumayo sa kanila dahil sa sobrang takot nila. Pagkatapos, sumakay siya sa bangka para umalis. 38  Gayunman, ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo ay paulit-ulit na nakiusap kay Jesus na isama siya, pero hindi pumayag si Jesus at sinabi niya:+ 39  “Umuwi ka, at patuloy mong sabihin sa iba kung ano ang ginawa ng Diyos para sa iyo.” Kaya umalis siya at inihayag sa buong lunsod kung ano ang ginawa ni Jesus para sa kaniya. 40  Nang makabalik si Jesus, malugod siyang tinanggap ng mga tao dahil inaasahan ng lahat ang pagdating niya.+ 41  At dumating ang lalaking si Jairo, isang punong opisyal ng sinagoga. Sumubsob siya sa paanan ni Jesus at nakiusap sa kaniya na pumunta sa bahay niya,+ 42  dahil mamamatay na ang nag-iisa niyang anak na babae, na mga 12 taóng gulang. Habang papunta si Jesus, sinisiksik siya ng mga tao. 43  At may isang babae na 12 taon nang dinudugo,+ at walang makapagpagaling sa kaniya.+ 44  Lumapit ang babae sa likuran ni Jesus at hinipo ang palawit* ng damit niya,+ at huminto agad ang pagdurugo niya. 45  Kaya sinabi ni Jesus: “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umaamin, sinabi ni Pedro: “Guro, sinisiksik ka ng napakaraming tao.”+ 46  Pero sinabi ni Jesus: “May humipo sa akin dahil alam* kong may kapangyarihang+ lumabas sa akin.” 47  Nang makita ng babae na hindi niya maililihim ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig at sumubsob sa paanan ni Jesus at sinabi sa harap ng lahat ng tao kung bakit niya hinipo si Jesus at kung paano siya agad na gumaling. 48  Pero sinabi ni Jesus: “Anak, pinagaling* ka ng pananampalataya mo. Umuwi ka na at huwag nang mag-alala.”+ 49  Habang nagsasalita pa siya, dumating ang isang kinatawan ng punong opisyal ng sinagoga at sinabi nito: “Namatay na ang anak mo; huwag mo nang abalahin ang Guro.”+ 50  Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lang, at mabubuhay* siya.”+ 51  Nang makarating siya sa bahay, wala siyang ibang pinahintulutang pumasok kasama niya maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at sa ama at ina ng bata. 52  Umiiyak ang lahat at sinusuntok ang dibdib nila sa pamimighati. Kaya sinabi niya: “Huwag na kayong umiyak,+ dahil hindi siya namatay. Natutulog lang siya.”+ 53  Pinagtawanan siya ng mga tao dahil alam nilang patay na ang bata. 54  Pero hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi: “Anak, bumangon* ka!”+ 55  At nabuhay siyang muli,+ at agad siyang bumangon,+ at iniutos ni Jesus na bigyan siya ng pagkain. 56  Samantala, nag-uumapaw sa saya ang mga magulang niya, pero inutusan niya silang huwag sabihin sa iba ang nangyari.+

Talababa

O “nagbabata.”
Lit., “maruming.”
O posibleng “Matagal na siyang kinokontrol nito.”
O “iniligtas.”
O “laylayan.”
O “naramdaman.”
O “iniligtas.”
Lit., “maliligtas.”
O “gumising.”

Study Notes

nangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo.

ipinangangaral: Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

si Maria na tinatawag na Magdalena: Ang babaeng madalas tawaging Maria Magdalena ay unang binanggit dito sa ulat ng ikalawang taon ng pangangaral ni Jesus. Ang pangalan niyang Magdalena (nangangahulugang “Ng, o Mula sa, Magdala”) ay malamang na kinuha sa bayan ng Magdala. Ang bayang ito ay nasa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea at nasa pagitan ng Capernaum at Tiberias. Sinasabing sa Magdala lumaki si Maria o doon siya nakatira. Karaniwan nang nababanggit si Maria Magdalena sa mga ulat tungkol sa pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus.​—Mat 27:55, 56, 61; Mar 15:40; Luc 24:10; Ju 19:25.

naglilingkod: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, di·a·ko·neʹo, ay kaugnay ng pangngalang di·aʹko·nos (ministro; lingkod), na tumutukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. Ginagamit ang termino para tumukoy kay Kristo (Ro 15:8); sa mga lingkod ni Kristo, babae man o lalaki (Ro 16:1; 1Co 3:5-7; Col 1:23); mga ministeryal na lingkod (Fil 1:1; 1Ti 3:8); mga alipin sa sambahayan (Ju 2:5, 9) at mga opisyal ng pamahalaan.​—Ro 13:4.

Juana: Pinaikling pambabaeng anyo ng pangalang Hebreo na Jehohanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Si Juana, isa sa mga babaeng pinagaling ni Jesus, ay dalawang beses lang binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at mababasa lang siya sa Ebanghelyo ni Lucas.​—Luc 24:10.

Cuza: Katiwala sa bahay ni Herodes Antipas.

maglingkod sa kanila: O “sumuporta (maglaan) sa kanila.” Ang salitang Griego na di·a·ko·neʹo ay puwedeng tumukoy sa pag-aasikaso sa materyal na pangangailangan ng isa sa pamamagitan ng pagkuha ng pagkain, pagluluto, at paghahain, at iba pa. Ganiyan ang kahulugan ng salitang di·a·ko·neʹo sa Luc 10:40 (“paghahanda”), Luc 12:37 (“pagsisilbihan”), Luc 17:8 (“pagsilbihan”), at Gaw 6:2 (“mamahagi ng pagkain”), pero puwede rin itong tumukoy sa lahat ng iba pang paglilingkod para mailaan ang personal na pangangailangan ng isa. Sa tekstong ito, ipinaliwanag kung paano sumuporta kay Jesus at sa mga alagad niya ang mga babaeng binanggit sa talata 2 at 3. Nakatulong ang mga babaeng ito para matapos nina Jesus ang atas nila mula sa Diyos. Dahil diyan, naluwalhati ng mga babaeng ito ang Diyos, at ipinakita ng Diyos ang pagpapahalaga niya sa ginawa nila nang ipasulat niya sa Bibliya ang kanilang pagkamahabagin at pagkabukas-palad para mabasa ng mga susunod na henerasyon. (Kaw 19:17; Heb 6:10) Ito rin ang terminong Griego na ginamit para sa mga babaeng nakaulat sa Mat 27:55; Mar 15:41.​—Tingnan ang study note sa Luc 22:26, kung saan ipinaliwanag ang kaugnay na pangngalang di·aʹko·nos.

ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.

ilustrasyon: Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

batuhan: Hindi ito tumutukoy sa lupa na maraming nakakalat na bato, kundi sa mga lugar na bato ang pinakasahig o may patong-patong na bato kung saan kaunti lang ang lupa. Sa kaparehong ulat sa Luc 8:6, sinabi na ang ilang binhi ay nahulog “sa bato.” Sa gayong lugar, hindi mag-uugat nang malalim ang halaman kaya hindi ito makakasipsip ng sapat na tubig.

sa bato: Tingnan ang study note sa Mat 13:5.

sa may matitinik na halaman: Maliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang matitinik na palumpong, kundi ang mga panirang-damo na hindi naalis sa inararong lupa. Tutubo ang mga ito at masasakal ang bagong-tanim na binhi.

sa may matitinik na halaman: Tingnan ang study note sa Mat 13:7.

mga sagradong lihim: Ang salitang Griego na my·steʹri·on ay 25 beses na isinaling “sagradong lihim” sa Bagong Sanlibutang Salin. Dahil nasa anyong pangmaramihan ito, tumutukoy ito sa mga bahagi ng layunin ng Diyos na nanatiling lihim hanggang sa lubusan itong isiwalat ng Diyos. At isinisiwalat lang ito ng Diyos sa mga pinili niyang makaunawa nito. (Col 1:25, 26) Kapag naisiwalat na, ang mga sagradong lihim ng Diyos ay inihahayag sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Masasabi natin iyan dahil ginamit sa Bibliya ang mga terminong “inihahayag,” “maihayag,” “ipaalám,” “isiniwalat,” at “pangangaral” na kaugnay ng ekspresyong “sagradong lihim.” (1Co 2:1; Efe 1:9; 3:3; Col 1:25, 26; 4:3) Ang pangunahing “sagradong lihim ng Diyos” ay nakasentro sa pagkakakilanlan ni Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong “supling,” o Mesiyas. (Col 2:2; Gen 3:15) Pero maraming bahagi ang sagradong lihim na ito, gaya ng papel na ginagampanan ni Jesus sa layunin ng Diyos. (Col 4:3) Ipinakita ni Jesus sa tekstong ito na ang “mga sagradong lihim” ay kaugnay ng Kaharian ng langit, o “Kaharian ng Diyos,” ang gobyerno sa langit kung saan namamahala si Jesus bilang Hari. (Mar 4:11; Luc 8:10; tingnan ang study note sa Mat 3:2.) Iba ang pagkakagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa my·steʹri·on sa pagkakagamit dito ng sinaunang mga kulto. Ang mga kultong iyon, na karaniwan nang may kaugnayan sa pag-aanak na lumaganap noong unang siglo C.E., ay nangangako sa mga miyembro nito na makakatanggap sila ng imortalidad at direktang pagsisiwalat at na makakalapit sila sa mga diyos sa pamamagitan ng mga ritwal. Maliwanag na hindi batay sa katotohanan ang gayong mga lihim. Ang mga umaanib sa mga kultong iyon ay nananatang hindi nila sasabihin kahit kanino ang mga lihim kaya nananatili itong misteryo. Kabaligtaran iyan ng ginagawa ng mga Kristiyano na paghahayag ng mga sagradong lihim. Kapag ginamit ng Kasulatan ang terminong ito may kaugnayan sa huwad na pagsamba, isinasalin itong “palihim” o “misteryo” sa Bagong Sanlibutang Salin.—Para sa tatlong paglitaw ng my·steʹri·on na isinaling “palihim” o “misteryo,” tingnan ang study note sa 2Te 2:7; Apo 17:5, 7.

mga sagradong lihim: Tingnan ang study note sa Mat 13:11.

lampara: Noong panahon ng Bibliya, ang karaniwang lampara sa bahay ay isang maliit na sisidlang luwad na may lamang langis ng olibo.

lampara: Tingnan ang study note sa Mat 5:15.

mga kapatid: Mga kapatid ni Jesus sa ina. Binanggit ang mga pangalan nila sa Mat 13:55 at Mar 6:3.—Tingnan ang study note sa Mat 13:55 para sa ibig sabihin ng terminong “kapatid.”

mga kapatid: Tingnan ang study note sa Mat 12:46.

ang aking ina at mga kapatid: Ipinapakita dito ni Jesus ang kaibahan ng mga kapatid niya sa espirituwal, ang kaniyang mga alagad, sa mga kapatid niya sa dugo, na ang ilan ay lumilitaw na hindi nananampalataya sa kaniya. (Ju 7:5) Ipinapakita niyang gaanuman kalapít ang ugnayan niya sa kaniyang mga kapamilya, mas malapít ang kaugnayan niya sa mga nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito.

kabilang panig: Silangang baybayin ng Lawa ng Galilea.

malakas na buhawi: Ang ekspresyong ito ay ipinanumbas sa tatlong salitang Griego na puwedeng literal na isaling “malakas na bagyong-hangin.” (Tingnan ang study note sa Mat 8:24.) Hindi ito nasaksihan ni Marcos, kaya posibleng nakuha niya kay Pedro ang buhay na buhay na paglalarawan sa buhawi at ang iba pang detalye sa ulat niya.—May kinalaman sa naging impluwensiya ni Pedro sa Ebanghelyo ni Marcos, tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos.”

malakas na buhawi: Ang ekspresyong ito ay ipinanumbas sa dalawang salitang Griego na puwedeng literal na isaling “bagyong-hangin.” (Tingnan ang study note sa Mar 4:37.) Karaniwan lang ang malalakas na bagyo sa Lawa ng Galilea. Mga 210 m (690 ft) ang baba nito mula sa lebel ng dagat, at mas mainit ang hangin sa dagat kumpara sa nakapalibot na mga talampas at bundok. Dahil diyan, nagkakaroon ng pagbabago sa atmospera at nabubuo ang malakas na hangin na pinagmumulan ng malalaking alon.

lupain ng mga Gadareno: Ang rehiyon sa kabilang (sa silangang) baybayin ng Lawa ng Galilea. Posibleng ito ang rehiyon mula sa lawa hanggang sa Gadara, na 10 km (6 mi) mula sa lawa. Ang konklusyong iyan ay sinusuportahan ng mga barya na nagmula sa Gadara, dahil kadalasan nang may nakalarawang barko sa mga baryang iyon. Sinabi naman nina Marcos at Lucas na sa “lupain ng mga Geraseno” nagpunta si Jesus. (Tingnan ang study note sa Mar 5:1.) Malamang na nagpapang-abot ang mga hangganan ng dalawang lupaing ito.—Tingnan ang Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea,” at Ap. B10.

Geraseno: Magkaiba ang pangalan ng lugar na ginamit sa mga kaparehong ulat ng pangyayaring ito. (Mat 8:28-34; Mar 5:1-20; Luc 8:26-39) At sa bawat ulat, iba-iba rin ang mababasa sa sinaunang mga manuskrito. Batay sa pinakamaaasahang mga manuskrito, “Gadareno” talaga ang ginamit ni Mateo at “Geraseno” naman ang ginamit nina Marcos at Lucas. Pero gaya ng makikita sa study note sa lupain ng mga Geraseno sa talatang ito, ang dalawang lugar na ito ay bahagi ng isang malaking rehiyon.

Geraseno: Magkaiba ang pangalan ng lugar na ginamit sa mga kaparehong ulat ng pangyayaring ito. (Mat 8:28-34; Mar 5:1-20; Luc 8:26-39) At sa bawat ulat, iba-iba rin ang mababasa sa sinaunang mga manuskrito. Batay sa pinakamaaasahang mga manuskrito, “Gadareno” talaga ang ginamit ni Mateo at “Geraseno” naman ang ginamit nina Marcos at Lucas. Pero gaya ng makikita sa study note sa lupain ng mga Geraseno sa talatang ito, ang dalawang lugar na ito ay bahagi ng isang malaking rehiyon.

lupain ng mga Geraseno: Ang rehiyon sa kabilang panig, sa silangang baybayin ng Lawa ng Galilea. Hindi matukoy sa ngayon ang eksaktong hangganan ng rehiyong ito, pati ang mismong lokasyon nito. Sinasabi ng ilan na ang “lupain ng mga Geraseno” ang rehiyon sa palibot ng Kursi, malapit sa matarik na dalisdis na nasa silangang baybayin ng lawa. Iniisip naman ng iba na ito ang malaking distrito na nakapalibot sa lunsod ng Gerasa (Jarash), na makikita 55 km (34 mi) sa timog-silangan ng Lawa ng Galilea. Tinatawag itong “lupain ng mga Gadareno” sa Mat 8:28. (Tingnan ang study note sa Mat 8:28; Mar 5:1.) Kahit magkaibang lugar ang binanggit, ang dalawang lupaing ito ay makikita sa iisang malawak na rehiyon sa silangang baybayin ng Lawa ng Galilea, at malamang na nagpapang-abot ang mga hangganan ng dalawang lupaing ito. Kaya hindi nagkakasalungatan ang mga ulat tungkol dito.—Tingnan din ang Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea,” at Ap. B10.

Geraseno: Tingnan ang study note sa Mar 5:1.

libingan: O “alaalang libingan.” (Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”) Malamang na ang mga libingang ito ay mga kuweba o mga uka sa malalaking bato at karaniwan nang nasa labas ng lunsod. Iniiwasan ng mga Judio ang mga libingang ito para hindi sila maging marumi ayon sa Kautusan. Kaya madalas itong puntahan ng mga baliw o sinasapian ng demonyo.

isang lalaki . . . na sinasapian ng demonyo: Dalawang lalaki ang binanggit ni Mateo (8:28), pero isa lang ang sinabi nina Marcos (5:2) at Lucas. Maliwanag na nagpokus sina Marcos at Lucas sa isa sa mga lalaking sinapian ng demonyo dahil siya ang kinausap ni Jesus at mas kapansin-pansin ang nangyari sa kaniya. Posibleng mas marahas siya at mas matagal na sinapian ng demonyo. Posible rin na matapos pagalingin ang dalawang lalaki, siya lang ang gustong sumama kay Jesus.—Luc 8:37-39.

libingan: Tingnan ang study note sa Mat 8:28.

Bakit nandito ka, . . . ?: O “Ano ang kinalaman ko sa iyo?” Ang literal na salin nito ay “Ano sa akin at sa iyo?” Ang Semitikong idyoma na ito ay makikita sa Hebreong Kasulatan (Huk 11:12, tlb.; Jos 22:24; 2Sa 16:10; 19:22; 1Ha 17:18, tlb.; 2Ha 3:13, tlb.; 2Cr 35:21; Os 14:8), at may katumbas itong pariralang Griego na ginagamit naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28; Ju 2:4). Nag-iiba ang kahulugan nito depende sa konteksto. Sa talatang ito (Mar 5:7), nangangahulugan ito ng pakikipag-away at pagpapalayas, at para sa ilan, puwede itong isalin na “Huwag mo akong pakialaman!” o “Umalis ka dito!” Sa ibang konteksto naman, nangangahulugan lang ito na may ibang pananaw ang nagsasalita o ayaw niyang makisangkot sa isang partikular na gawain pero hindi nangangahulugang nanghahamak siya, nagmamataas, o nakikipag-away.—Tingnan ang study note sa Ju 2:4.

ipinabilanggo niya: Lit., “ibinigay niya sa mga tagapagbilanggo.” Ang terminong Griego na ba·sa·ni·stesʹ na isinasaling “tagapagbilanggo” ay nangangahulugang “tagapagpahirap,” malamang na dahil karaniwan nang pinapahirapan ng mga tagapagbilanggo ang mga nasa bilangguan. Pero nang maglaon, ginagamit na rin ang terminong ito para tumukoy sa basta tagapagbilanggo lang, maliwanag na dahil sinasaktan man ang mga nasa bilangguan o hindi, nahihirapan pa rin sila.—Tingnan ang study note sa Mat 8:29.

Bakit nandito ka, . . . ?: Tingnan ang study note sa Mar 5:7.

pahirapan: Ang kaugnay na terminong Griego ay tumutukoy sa mga tagapagbilanggo. (Tingnan ang study note sa Mat 18:34.) Kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na ang ‘pagpapahirap’ ay tumutukoy sa paggapos o pagbibilanggo sa “kalaliman” gaya ng binabanggit sa Luc 8:31.

Hukbo: Malamang na hindi talaga ito ang pangalan ng lalaking sinapian ng demonyo. Ipinapakita lang nito na maraming demonyo ang sumapi sa kaniya. Posibleng ang pinuno ng mga demonyong ito ang kumontrol sa lalaki para sabihing Hukbo ang pangalan niya. Noong unang siglo C.E., ang isang lehiyong Romano ay karaniwan nang binubuo ng mga 6,000 lalaki, na nagpapakitang napakaraming demonyo na sumapi sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Mat 26:53.

Hukbo: Tingnan ang study note sa Mar 5:9.

parusahan kami: Lit., “pahirapan kami.” Ang kaugnay na terminong Griego ay tumutukoy sa mga tagapagbilanggo. (Tingnan ang study note sa Mat 18:34.) Kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na ang ‘parusa’ ay tumutukoy sa paggapos o pagbibilanggo sa “kalaliman” gaya ng binabanggit sa kaparehong ulat sa Luc 8:31.

kalaliman: Ang salitang Griego na aʹbys·sos, na nangangahulugang “napakalalim” o “di-maarok; walang hangganan,” ay tumutukoy sa isang bilangguan o sa pagiging bilanggo. Lumilitaw ito nang siyam na beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan​—dito, sa Ro 10:7, at pitong beses sa Apocalipsis. Sinasabi sa Apo 20:1-3 na sa hinaharap, ihahagis si Satanas sa kalaliman at mananatili siya roon nang sanlibong taon. Posibleng ito ang nasa isip ng hukbo ng mga demonyo nang magmakaawa sila kay Jesus na huwag silang papuntahin sa “kalaliman.” Sa talata 28, nagmakaawa ang isa sa mga demonyo na huwag siyang “pahirapan” ni Jesus. Sa kaparehong ulat sa Mat 8:29, nagtanong ang mga demonyo kay Jesus: “Pumunta ka ba rito para parusahan kami bago ang takdang panahon?” Kaya ang ‘pagpapahirap’ na kinatatakutan ng mga demonyo ay malamang na tumutukoy sa pagiging bilanggo “sa kalaliman.”​—Tingnan ang Glosari at study note sa Mat 8:29.

baboy: Ang mga baboy ay marumi ayon sa Kautusan (Lev 11:7), pero may tindahan ng karne ng baboy sa komunidad ng mga di-Judio na nakatira sa rehiyon ng Decapolis, dahil para sa mga Griego at Romano, masarap na pagkain ang baboy. Hindi sinabi sa ulat kung ang “mga tagapag-alaga ng baboy” ay mga Judio na lumalabag sa Kautusan.​—Luc 8:34.

patuloy mong sabihin sa iba kung ano ang ginawa ng Diyos para sa iyo: Karaniwan nang iniuutos ni Jesus na huwag ipamalita ang mga himala niya (Mar 1:44; 3:12; 7:36; Luc 5:14), pero inutusan niya ang lalaking ito na sabihin sa mga kamag-anak niya ang nangyari. Posibleng ganito ang iniutos niya dahil pinaalis siya ng mga tao sa lugar na iyon kaya hindi na siya makakapagpatotoo. Makakatulong din ang patotoo ng lalaki para maitama ang di-magandang balita na posibleng kumalat dahil sa pagkamatay ng mga baboy.

buong lunsod: Ang mababasa sa kaparehong ulat sa Mar 5:20 ay “sa Decapolis.” Kaya lumilitaw na ang lunsod na tinutukoy rito ay isa sa mga lunsod sa rehiyon ng Decapolis.​—Tingnan sa Glosari, “Decapolis.”

kaisa-isang anak: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Ang terminong ito ay ginagamit sa Bibliya para ilarawan ang kaugnayan ng anak na lalaki o babae sa mga magulang niya. (Tingnan ang study note sa Luc 7:12; 8:42; 9:38.) Sa mga isinulat ni apostol Juan, kay Jesus lang niya ginamit ang terminong ito (Ju 3:16, 18; 1Ju 4:9), pero hindi niya tinutukoy ang kapanganakan o pagiging tao ni Jesus. Kapag ginagamit ito ni Juan, ang tinutukoy niya ay ang pag-iral ni Jesus bago siya maging tao bilang Logos, o ang Salita, na “sa simula pa lang” ay kasama na ng Diyos “bago pa umiral ang sanlibutan.” (Ju 1:1, 2; 17:5, 24) Si Jesus ang “kaisa-isang anak” dahil siya ang Panganay ni Jehova at ang kaisa-isang direktang nilalang ng Diyos. Tinatawag ding “anak ng tunay na Diyos” o “anak ng Diyos” ang iba pang espiritung nilalang (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:4-7), pero ang lahat ng mga anak na iyon ay nilalang ni Jehova sa pamamagitan ng panganay na Anak (Col 1:15, 16). Kaya ang terminong mo·no·ge·nesʹ ay tumutukoy sa pagiging natatangi ni Jesus at nag-iisa sa kaniyang uri at sa pagiging kaisa-isang anak na direktang nilalang ng Diyos nang walang katulong.—1Ju 5:18; tingnan ang study note sa Heb 11:17.

kaisa-isang Anak: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Sa mga isinulat ni apostol Juan, kay Jesus lang niya ginagamit ang terminong ito. (Ju 1:14; 3:18; 1Ju 4:9; tingnan ang study note sa Ju 1:14.) Tinatawag din ang ibang espiritung nilalang na mga anak ng Diyos, pero si Jesus lang ang tinatawag na “kaisa-isang Anak.” (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:4-7) Si Jesus, ang panganay na Anak, ang kaisa-isang direktang nilalang ng kaniyang Ama, kaya wala siyang katulad; naiiba siya sa lahat ng iba pang anak ng Diyos. Nilalang sila ni Jehova sa pamamagitan ng panganay na Anak niya. Ganiyan din ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ nang sabihin niyang si Isaac ay ‘kaisa-isang anak’ ni Abraham. (Heb 11:17) Kahit naging anak ni Abraham si Ismael kay Hagar at may mga anak din siya kay Ketura (Gen 16:15; 25:1, 2; 1Cr 1:28, 32), matatawag pa ring “kaisa-isa” si Isaac, dahil siya lang ang anak na ipinangako ng Diyos kay Abraham at ang nag-iisang anak ni Abraham kay Sara.—Gen 17:16-19.

nag-iisa: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Ang terminong ito ay ginagamit para ilarawan ang kaugnayan ng anak na lalaki o babae sa mga magulang niya. Sa kontekstong ito, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa kaisa-isang anak. Ginamit din ang salitang Griego na ito para tukuyin ang “kaisa-isang” anak ng biyuda sa Nain at ang “nag-iisang” anak na sinasapian ng demonyo na pinagaling ni Jesus. (Luc 7:12; 9:38) Ginamit ng Griegong Septuagint ang mo·no·ge·nesʹ para sa anak na babae ni Jepte. Mababasa doon: “Ito ang kaisa-isa niyang anak. Wala siyang ibang anak, lalaki man o babae.” (Huk 11:34) Sa mga ulat ni apostol Juan, limang beses niyang ginamit ang mo·no·ge·nesʹ para tukuyin si Jesus.​—Para sa kahulugan ng terminong ito kapag ginagamit patungkol kay Jesus, tingnan ang study note sa Ju 1:14; 3:16.

dinudugo: Malamang na isang malala at nagtatagal na sakit sa pagreregla. Ayon sa Kautusang Mosaiko, marumi ang babaeng nasa ganitong kalagayan. Dahil diyan, hindi siya dapat humawak sa iba.—Lev 15:19-27.

dinudugo: Tingnan ang study note sa Mat 9:20.

Anak: Ang terminong Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa isang anak na babae, at sa kaniya lang ginamit ni Jesus ang terminong ito, posibleng dahil maselan ang kalagayan niya at “nanginginig” siya. (Mar 5:33; Luc 8:47) Wala itong ipinapahiwatig tungkol sa edad ng babae, pero sa paggamit ng ganitong termino, naipakita ni Jesus ang malasakit niya sa babae.

Umuwi ka na at huwag nang mag-alala: Lit., “Umalis kang payapa.” Madalas gamitin ang idyomang ito sa Griego at Hebreong Kasulatan, at nangangahulugan itong “Maging maayos sana ang lagay mo.” (Luc 7:50; 8:48; San 2:16; ihambing ang 1Sa 1:17; 20:42; 25:35; 29:7; 2Sa 15:9; 2Ha 5:19.) Malawak ang kahulugan ng salitang Hebreo na madalas isaling “kapayapaan” (sha·lohmʹ). Tumutukoy ito sa pagiging malaya sa digmaan o kaguluhan (Huk 4:17; 1Sa 7:14; Ec 3:8), at puwede rin itong tumukoy sa kalusugan, kaligtasan, maayos na kalagayan (1Sa 25:6; 2Cr 15:5, tlb.; Job 5:24, tlb.), kapakanan (Es 10:3, tlb.), at pagkakaibigan (Aw 41:9). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego para sa “kapayapaan” (ei·reʹne) ay kasinlawak ng kahulugan ng salitang Hebreo at puwede ring tumukoy sa maayos na kalagayan, kaligtasan, at pagkakaisa, bukod pa sa mapayapang kaugnayan sa iba.

Anak: Tingnan ang study note sa Mar 5:34.

Umuwi ka na at huwag nang mag-alala: Tingnan ang study note sa Mar 5:34.

Hindi namatay ang bata. Natutulog lang siya: Sa Bibliya, ang kamatayan ay madalas na ihambing sa pagtulog. (Aw 13:3; Ju 11:11-14; Gaw 7:60, tlb.; 1Co 7:39, tlb.; 15:51; 1Te 4:13, tlb.) Bubuhaying muli ni Jesus ang batang babae, kaya malamang na sinabi niya ito para ipakita na kung paanong puwedeng gisingin ang isang taong mahimbing ang tulog, puwede ring mabuhay-muli ang mga patay. Ang kapangyarihang ginamit ni Jesus para buhayin ang bata ay galing sa kaniyang Ama, “na bumubuhay ng mga patay at tumatawag sa mga bagay na wala, na para bang umiiral ang mga iyon.”—Ro 4:17.

hindi siya namatay. Natutulog lang siya: Tingnan ang study note sa Mar 5:39.

nalagutan ng hininga: Lit., “isinuko niya ang kaniyang puwersa ng buhay.” O “namatay.” Ang salitang Griego para sa “puwersa ng buhay” (pneuʹma) ay puwedeng tumukoy sa “hininga,” at sinusuportahan ito ng pandiwang Griego na ek·pneʹo (lit., “bumuga ng hininga”) na ginamit sa kaparehong ulat sa Mar 15:37 (kung saan isinalin itong “namatay,” o ayon sa study note, “nalagutan ng hininga”). Sinasabi ng ilan na ang paggamit ng terminong Griego na puwedeng literal na isaling “isinuko” ay nangangahulugang hindi na nakipaglaban si Jesus para mabuhay, dahil nagawa na niya ang kailangan niyang gawin. (Ju 19:30) “Ibinuhos niya ang sarili niya hanggang sa kamatayan.”—Isa 53:12; Ju 10:11.

nabuhay siyang muli: O “bumalik ang kaniyang puwersa ng buhay.” Ang salitang Griego na pneuʹma na ginamit dito ay malamang na tumutukoy sa puwersa ng buhay sa mga nilalang sa lupa o sa hininga ng mga ito.​—Tingnan ang study note sa Mat 27:50.

Media

Patungan ng Lampara sa Bahay
Patungan ng Lampara sa Bahay

Ang patungang ito ng lampara (1) ay iginuhit batay sa unang-siglong mga artifact na natagpuan sa Efeso at Italya. Ang ganitong patungan ng lampara ay malamang na ginagamit sa bahay ng mayayaman. Sa bahay ng mahihirap, ang lampara ay ibinibitin sa kisame, inilalagay sa isang inukang bahagi ng pader (2), o inilalagay sa patungang gawa sa luwad o kahoy.

Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo
Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo

Ang larawang ito ay batay sa bangkang pangisda noong unang siglo na nakitang nakabaon sa putik malapit sa pampang ng Lawa ng Galilea at batay sa moseyk na nakita sa isang unang-siglong bahay sa Migdal, isang bayan na nasa baybayin. Ang ganitong bangka ay may palo at (mga) layag at malamang na may limang tripulante—apat na tagasagwan at isang timonero, na nakatayo sa maliit na kubyerta sa likurang bahagi ng bangka. Mga 8 m (26.5 ft) ang haba ng bangka, at ang gitna ay may lapad na mga 2.5 m (8 ft) at lalim na 1.25 m (4 ft). Posibleng kaya nitong magsakay ng 13 tao o higit pa.

Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea
Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea

Dahil sa tagtuyot noong 1985/1986, bumaba ang tubig sa Lawa ng Galilea kaya lumitaw ang katawan ng isang sinaunang bangka na nakabaon sa putik. Ang labí ng bangka ay 8.2 m (27 ft) ang haba at 2.3 m (7.5 ft) ang lapad at ang pinakamataas na bahagi ay 1.3 m (4.3 ft). Ayon sa mga arkeologo, ang bangka ay mula pa noong mga unang siglo B.C.E. hanggang unang siglo C.E. Ang bangkang ito ay nakadispley sa isang museo sa Israel. Makikita sa video ang posibleng hitsura ng bangka habang naglalayag mga 2,000 taon na ang nakakalipas.

Mga Bangin sa Silangang Panig ng Lawa ng Galilea
Mga Bangin sa Silangang Panig ng Lawa ng Galilea

Sa silangang baybayin ng Lawa ng Galilea pinalayas ni Jesus ang mga demonyo na sumanib sa dalawang lalaki at pinapunta ang mga demonyo sa kawan ng baboy.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Babae
Pinagaling ni Jesus ang Isang Babae

Nakatingin kay Jesus ang isang babaeng takot na takot. Nanginginig siyang umamin na siya ang humipo sa damit ni Jesus para gumaling sa sakit na 12 taon na niyang tinitiis. Hindi siya pinagalitan ni Jesus; sa halip, sinabi ni Jesus: “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo. Umuwi ka na at huwag nang mag-alala.” (Luc 8:48) Ginawa ni Jesus ang himalang ito nang papunta siya sa anak ni Jairo para pagalingin ito. (Luc 8:41, 42) Ipinapakita ng mga himalang ito na kayang pagalingin ni Jesus ang lahat ng sakit at kapag namamahala na siya sa lahat ng tao, wala nang magsasabi: “May sakit ako.”​—Isa 33:24.