Liham sa mga Taga-Filipos 2:1-30

2  Kaya kung pinapatibay ninyo ang isa’t isa dahil sa pagiging kaisa ni Kristo, inaaliw ninyo ang isa’t isa dahil sa pag-ibig, nagmamalasakit kayo sa isa’t isa, at may pagmamahalan at awa sa gitna ninyo,+  lubusin na ninyo ang kagalakan ko—magkaroon din kayo ng iisang kaisipan at pag-ibig sa isa’t isa, na lubusang nagkakaisa at may iisang takbo ng isip.+  Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil sa galit*+ o pagmamataas.+ Sa halip, maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo,+  habang iniisip ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.+  Patuloy ninyong tularan ang pag-iisip ni Kristo Jesus,+  dahil kahit umiiral siya sa anyong Diyos,+ hindi man lang niya inisip na maging kapantay ng Diyos;+  kundi iniwan niya ang lahat ng taglay niya at nag-anyong alipin+ at naging tao.*+  Higit pa riyan, nang ipanganak siya bilang tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang kamatayan,+ oo, kamatayan sa pahirapang tulos.+  Dahil diyan, binigyan siya ng Diyos ng isang nakatataas na posisyon+ at ng pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan,+ 10  para lumuhod sa pangalan ni Jesus ang lahat ng tuhod—ang mga nasa langit at nasa lupa at nasa ilalim ng lupa+ 11  at hayagang kilalanin ng bawat isa na si Jesu-Kristo ay Panginoon+ para sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama. 12  At kung paanong lagi kayong sumusunod, mga minamahal, hindi lang kapag kasama ninyo ako kundi lalo na kapag wala ako riyan, patuloy rin ninyong gawin ang buong makakaya ninyo nang may takot at panginginig para maligtas kayo. 13  Dahil pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo+ ayon sa kagustuhan* niya. 14  Patuloy ninyong gawin ang lahat ng bagay nang hindi nagbubulong-bulungan+ o nakikipagtalo,+ 15  para kayo ay maging walang kapintasan at dalisay, mga anak ng Diyos+ na walang dungis sa gitna ng isang masama at pilipit na henerasyon,+ kung saan sumisikat kayo bilang liwanag* sa mundo,+ 16  habang mahigpit kayong nanghahawakan sa salita ng buhay.+ Kung gayon, may dahilan ako para magsaya sa araw ni Kristo,+ dahil alam kong hindi nasayang ang pagtakbo at paghihirap ko. 17  Kagaya man ako ng ibinubuhos na handog na inumin+ sa ibabaw ng inyong hain+ at banal na paglilingkod, na ibinibigay ninyo dahil sa inyong pananampalataya, masaya pa rin ako at nakikipagsaya sa inyong lahat. 18  Sa gayon ding paraan, matuwa rin kayo at makipagsaya sa akin. 19  Umaasa ako na maisugo agad sa inyo si Timoteo,+ kung kalooban ng Panginoong Jesus, para mapatibay ako kapag nakabalita ako tungkol sa inyo. 20  Dahil wala na akong ibang maisusugo na may saloobing gaya ng sa kaniya, na talagang magmamalasakit* sa inyo.+ 21  Dahil inuuna ng lahat ng iba pa ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Kristo. 22  Pero alam ninyo kung paano niya pinatunayan ang kaniyang sarili: Gaya ng isang anak sa kaniyang ama,+ nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita. 23  Kaya siya ang gusto ko sanang isugo kapag nalaman ko na kung ano ang mangyayari sa akin. 24  Nagtitiwala ako na kung talagang kalooban ng Panginoon, di-magtatagal at makakapunta rin ako sa inyo.+ 25  Pero sa ngayon, sa tingin ko ay kailangan kong isugo sa inyo si Epafrodito, ang aking kapatid at kamanggagawa at kapuwa sundalo, ang isinugo ninyo para mag-asikaso sa mga pangangailangan ko,+ 26  dahil gustong-gusto na niyang makita kayong lahat at lungkot na lungkot siya dahil nalaman ninyong nagkasakit siya. 27  Ang totoo, halos mamatay siya dahil sa sakit niya. Pero naawa sa kaniya ang Diyos, at sa katunayan, hindi lang sa kaniya kundi pati sa akin, para hindi na madagdagan ang paghihirap ng kalooban ko. 28  Kaya ngayon din ay isinusugo ko siya, para matuwa kayong muli kapag nakita ninyo siya at mabawasan ang pag-aalala ko. 29  Kaya malugod ninyo siyang tanggapin gaya ng pagtanggap ninyo sa mga tagasunod ng Panginoon, at lagi ninyong pahalagahan ang gayong tao,+ 30  dahil muntik na siyang mamatay alang-alang sa gawain ng Kristo; isinapanganib niya ang buhay niya para may mag-asikaso sa akin kahit wala kayo rito.+

Talababa

O “sa hilig na makipag-away.”
Lit., “napasawangis ng tao.”
O “ikinalulugod.”
O “tagapagbigay-liwanag.”
O “mag-aasikaso.”

Study Notes

pinapatibay . . . inaaliw: Gumamit dito si Pablo ng dalawang pangngalang Griego na pareho ang kahulugan. Malawak ang kahulugan ng salitang isinaling “pinapatibay” (pa·raʹkle·sis). Puwede itong isaling “pinapatibay,” gaya dito at sa iba pang teksto (Gaw 13:15; Heb 6:18), “payo” (1Te 2:3; 1Ti 4:13; Heb 12:5), o “kaaliwan” (Ro 15:4, tlb.; 2Co 1:3, 4; 2Te 2:16). (Tingnan ang study note sa Ro 12:8.) Ang isa pang salitang Griego (pa·ra·myʹthi·on), na isinaling “inaaliw,” ay mula sa pandiwang Griego na nangangahulugang “aliwin; pasayahin” o “makipag-usap nang mabait.” (Ihambing ang study note sa 1Co 14:3.) Lumilitaw na sinasabi dito ni Pablo na kung papatibayin at aaliwin ng mga taga-Filipos ang isa’t isa, mapapatibay nila ang buklod ng pagkakaisa ng kongregasyon.—Fil 2:2.

nagmamalasakit kayo sa isa’t isa: O “may anumang pagbabahagi ng espiritu.” Ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa malapít na ugnayan ng mga indibidwal na nagbibigayan at may malasakit sa isa’t isa. (Tingnan ang study note sa Gaw 2:42, kung saan ipinaliwanag ang salitang Griego para sa “pagbabahagi; pakikipagsamahan.”) Dito at sa sumunod na talata, sinasabi ni Pablo na kung magkakasamang aabót ng espirituwal na mga tunguhin ang mga Kristiyano at magpapagabay sa banal na espiritu ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakaisa na hindi masisira ng sanlibutang ito. (Tingnan ang study note sa Fil 2:2.) Sinabi ng isang diksyunaryo sa Bibliya tungkol sa salitang Griego na ginamit sa talatang ito: “Para maging mapagbigay ang isa, kailangan niyang isipin na nakatataas sa kaniya ang iba.”—2Co 13:14; tingnan ang study note sa Ju 17:21.

pagmamahalan: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na splagkhʹnon ay nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon.—Tingnan ang study note sa 2Co 6:12.

lubusang nagkakaisa: Ang salitang Griego na ginamit dito (synʹpsy·khos) ay kombinasyon ng mga salitang syn (kasama; magkasama) at psy·kheʹ, na isinasalin kung minsan na “kaluluwa,” at ang kombinasyong ito ay puwedeng isaling “nagkakaisa.” Ginamit ito ni Pablo at ang iba pang ekspresyon sa kontekstong ito para idiin na kailangang pagsikapan ng mga Kristiyano sa Filipos na magkaisa.—Tingnan ang study note sa Fil 2:1.

pagmamataas: O “egotismo.” Pagkakaroon ng masyadong mataas na tingin sa sarili.—Tingnan ang study note sa Gal 5:26, kung saan ang kaugnay na salitang Griego ay isinaling “mapagmataas.”

maging mapagpakumbaba: O “magkaroon ng kababaan ng isip.”—Tingnan ang study note sa Gaw 20:19.

ituring ang iba na nakatataas sa inyo: O “ituring ang iba na mas mahalaga sa inyo.”—Ro 12:3; 1Co 10:24; Fil 2:4.

Patuloy ninyong tularan ang pag-iisip: Ipinapakita sa konteksto na kailangang tularan ang kapakumbabaan ni Jesus.—Fil 2:3, 4.

kahit umiiral siya sa anyong Diyos: Ang ekspresyong Griego dito na isinaling ‘anyo’ (mor·pheʹ) ay pangunahin nang tumutukoy sa “katangian; hitsura; hugis; pagkakahawig sa iba.” Bago bumaba sa lupa si Jesus, isa siyang espiritu, kung paanong “ang Diyos ay Espiritu.” (Ju 4:24 at study note) Ito rin ang terminong Griego na ginamit nang sabihing “nag-anyong alipin” si Jesus noong “naging tao” siya.—Ju 1:14; Fil 2:7.

hindi man lang niya inisip na maging kapantay ng Diyos: O “hindi niya inisip na puwede niyang maabót ang posisyon ng Diyos.” Dito, pinapasigla ni Pablo ang mga taga-Filipos na tularan ang napakagandang katangiang ito ni Jesus. Sa Fil 2:3, sinabi sa kanila ni Pablo: “Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.” Sinabi pa niya sa talata 5: “Patuloy ninyong tularan ang pag-iisip ni Kristo Jesus.” Malinaw kay Jesus na nakatataas sa kaniya ang Diyos, at hindi niya ginusto na “maging kapantay ng Diyos.” Sa halip, “nagpakababa siya at naging masunurin hanggang kamatayan.” (Fil 2:8; Ju 5:30; 14:28; 1Co 15:24-28) Ibang-iba si Jesus sa Diyablo, na nanulsol kay Eva na pantayan ang Diyos. (Gen 3:5) Kitang-kita kay Jesus ang puntong idinidiin ni Pablo—napakahalaga ng kapakumbabaan at pagkamasunurin sa Maylalang, ang Diyos na Jehova.—Tingnan ang study note sa maging sa talatang ito.

maging: Ang pangngalang Griego na ginamit dito (har·pag·mosʹ; lit., “isang bagay na aagawin”) ay mula sa pandiwang har·paʹzo, na pangunahin nang nangangahulugang “agawin; nakawin.” May mga nagsasabi na ang terminong ito ay tumutukoy sa panghahawakan ng isa sa isang bagay na dati na niyang taglay. Pero hindi kailanman ginamit sa Kasulatan ang terminong Griegong ito sa ganiyang konteksto. Sa halip, madalas itong tumbasan ng ekspresyong “nakawin,” ‘agawin,’ o iba pang kahawig nito. (Mat 11:12; 12:29; 13:19; Ju 6:15; 10:12, 28, 29; Gaw 8:39; 23:10; 2Co 12:2, 4; 1Te 4:17; Jud 23; Apo 12:5) Kung ‘hindi man lang inisip ni Jesus na maging kapantay ng Diyos,’ ibig sabihin, hindi siya kailanman naging kapantay ng Diyos.

iniwan niya ang lahat ng taglay niya: Ang salitang Griego na isinalin ditong “iniwan . . . ang lahat ng taglay” ay literal na nangangahulugang “alisin ang laman ng isang bagay.” Ginamit ni Pablo ang salitang ito para ilarawan ang ginawa ni Jesus nang iwan niya ang buhay niya bilang espiritu para mabuhay at magdusa bilang tao sa lupa. Di-gaya ng mga anghel na nagkakatawang-tao sandali para makita sila ng mga tao, lubusang iniwan ni Jesus ang kaniyang katawang espiritu, pati na ang kaluwalhatian at mga pribilehiyo niya noon. Walang-wala ang anumang sakripisyo ng sinumang tao kung ikukumpara sa sakripisyo ni Jesus para mapasaya ang Diyos.

nang ipanganak siya bilang tao: Lit., “nang masumpungan siya sa anyong tao.”—Tingnan ang study note sa Fil 2:6.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.” Ipinakita ni Jesus ang pinakamagandang halimbawa ng kapakumbabaan at pagkamasunurin nang buong puso niyang ibigay ang buhay niya para ‘mamatay sa pahirapang tulos,’ kahit na inakusahan siyang kriminal at mamumusong. (Mat 26:63-66; Luc 23:33; tingnan sa Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”) Malinaw niyang napatunayan na makakapanatiling tapat ang mga tao kay Jehova sa harap ng pinakamatinding pagsubok.—Ju 5:30; 10:17; Heb 12:2.

binigyan: Ang pandiwang Griego na ginamit dito (kha·riʹzo·mai) ay kaugnay ng terminong Griego na madalas isaling “walang-kapantay na kabaitan” pero puwede ring isaling “pabor ng Diyos.” (Ju 1:14 at study note) Sa kontekstong ito, ang ginamit na termino ay nagpapakita ng nag-uumapaw na pagkabukas-palad at kabaitan ng Diyos nang bigyan niya si Jesus ng “pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.” Dahil ang Diyos ang nagbigay ng ganiyang pangalan sa Anak niyang si Jesus, ipinapakita nito na ang Ama ay mas dakila at na siya ang ulo ni Jesus. (Ju 14:28; 1Co 11:3) Kaya ang anumang karangalan na tanggapin ni Jesus dahil sa mataas na posisyong ito ay “para sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”—Fil 2:11.

pangalang: Sa Bibliya, malawak ang kahulugan ng terminong ‘pangalan.’ (Tingnan ang study note sa Mat 24:9.) Dito, ang “pangalang” tinanggap ni Jesus mula sa Diyos ay kumakatawan sa awtoridad at posisyong ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama. Ipinapakita ng konteksto sa kabanata 2 ng Filipos na tinanggap ni Jesus ang “pangalang nakahihigit sa lahat” matapos siyang buhaying muli.—Mat 28:18; Fil 2:8, 10, 11; Heb 1:3, 4.

iba pang pangalan: Sa literal na salin ng pananalitang Griego na ito (“bawat pangalan,” Kingdom Interlinear), na ginamit sa maraming Bibliya, para bang nakahihigit ang pangalan ni Jesus sa pangalan ng Diyos. Pero hindi iyan kaayon ng konteksto, dahil sinabi ni Pablo na ‘ang Diyos ang nagbigay kay Jesus ng isang nakatataas na posisyon at ng pangalang ito.’ Isa pa, ang salitang Griego para sa “bawat (lahat)” ay puwede ring isalin sa ilang konteksto na “lahat ng iba pa.” Ang ilang halimbawa ay nasa Luc 13:2; 21:29; Fil 2:21. Kaya ang konteksto at ang pagkakagamit ng salitang Griegong ito sa ibang bahagi ng Bibliya ay sumusuporta sa saling ‘iba pa.’ Sinasabi dito ni Pablo na ang pangalan ni Jesus ay nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan—hindi kasama diyan ang kay Jehova, na siyang nagbigay kay Jesus ng pangalan.—Tingnan din ang 1Co 15:28.

lumuhod sa pangalan ni Jesus ang lahat ng tuhod: Ang pagluhod ng lahat ng nilalang na nasa langit at lupa “sa pangalan ni Jesus” ay nangangahulugang kinikilala nila ang posisyon niya at nagpapasakop sila sa kaniyang awtoridad.—Tingnan ang study note sa Mat 28:19.

ang mga . . . nasa ilalim ng lupa: Lumilitaw na tumutukoy sa mga patay, na sinabi ni Jesus na “nasa mga libingan.” (Ju 5:28, 29) Kapag binuhay na silang muli mula sa Libingan, kailangan din nilang magpasakop sa awtoridad ni Kristo at “hayagang kilalanin . . . na si Jesu-Kristo ay Panginoon para sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”—Fil 2:11.

hayagang kilalanin: O “ipahayag; aminin.” Batay sa konteksto, ang pagkilalang ito ay nagpapakitang kumbinsido ang isa na binuhay-muli ni Jehova si Jesus.—Ihambing ang study note sa Ro 10:9.

si Jesu-Kristo ay Panginoon: Tingnan ang study note sa Ro 10:9.

Panginoon: Tingnan ang study note sa Ro 10:9. May mga nagsasabi na ang pariralang “si Jesu-Kristo ay Panginoon” ay nangangahulugang iisa lang sila ng kaniyang Amang si Jehova. Pero hindi iyan kaayon ng konteksto, na nagsasabi: “Binigyan siya ng Diyos ng isang nakatataas na posisyon at ng pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.”—Fil 2:9; tingnan ang study note sa Ro 10:9.

kasama ninyo ako . . . wala ako riyan: Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na pa·rou·siʹa para tumukoy sa panahong makakasama siya ng mga Kristiyano sa Filipos. Ang ganiyang kahulugan ay batay sa iba pang sinabi ni Pablo sa tekstong ito, kung saan ginamit din niya ang salitang Griego na a·pou·siʹa, na tumutukoy sa panahong hindi niya sila kasama, kabaligtaran ng pa·rou·siʹa. Ginamit din ang salitang Griego na pa·rou·siʹa para tumukoy sa di-nakikitang presensiya ni Jesu-Kristo mula nang gawin siyang Mesiyanikong Hari sa langit sa pasimula ng mga huling araw ng sistemang ito.—Tingnan ang study note sa Mat 24:3; 1Co 15:23; Fil 1:26.

patuloy rin ninyong gawin ang buong makakaya ninyo: Ang salitang Griego na ginamit dito ay pangunahin nang nangangahulugang “makamit; maabot; maisakatuparan.” Pero ang anyo ng pandiwa sa talatang ito ay nagpapakita ng patuluyang pagkilos, kaya nangangahulugan ito ng patuloy na pagsisikap para maisakatuparan ang isang bagay.

pinasisigla kayo ng: O “kumikilos sa loob ninyo ang.” Dalawang beses na lumitaw sa talatang ito ang salitang Griego na e·ner·geʹo; ang una ay isinaling “pinasisigla” at ang isa pa ay “ibinibigay sa inyo ang . . . lakas para kumilos.” Ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, ang mapagkukunan ng di-nauubos na kapangyarihan, o lakas, sa uniberso. Ito ang ginamit ng Diyos para lalangin ang lahat ng bagay. (Gen 1:2; Aw 104:30; Isa 40:26) Banal na espiritu rin ang ibinibigay ni Jehova sa mga lingkod niya na nangangailangan ng “lakas para kumilos” kapag nanghihina sila. (Isa 40:31) Nakakatulong din ang espiritu ni Jehova para mapasulong ng isa ang kakayahan niya ayon sa pangangailangan. (Luc 11:13; 2Co 4:7) Madalas itong maranasan ni apostol Pablo; ibinibigay niya ang buo niyang makakaya sa paglilingkod, at pinupunan ng Diyos ang anumang kulang.—Fil 4:13; Col 1:29.

ibinibigay sa inyo ang pagnanais: Dahil sa pagkasira ng loob, mga pagkabigo, at iba pang bagay, nawawalan ng pagnanais ang ilang lingkod ng Diyos na patuloy na maglingkod—o mabuhay pa nga. (1Ha 19:4; Aw 73:13, 14; Jon 4:2, 3) Ipinapakita dito ni Pablo na kung nawawalan ng ganitong pagnanais ang isang tao, handa siyang tulungan ng Diyos, lalo na kung lalapit siya sa Kaniya.—Aw 51:10, 11; 73:17, 18.

hindi nagbubulong-bulungan: Ang pagbubulong-bulungan ay pagrereklamo o pag-uusap tungkol sa di-magagandang bagay, na kadalasan nang ginagawa nang pabulong at patagô. Gusto ng mga mahilig magbulong-bulungan na maimpluwensiyahan ang iba. Posibleng napakahalaga sa kanila ng damdamin at opinyon nila o ng estado nila, at kinukuha nila ang simpatiya ng iba sa halip na tulungan ang mga ito na itaguyod ang kalooban ng Diyos. Puwede itong maging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ng mga lingkod ni Jehova at makahadlang sa pagsisikap nilang magkaisa. Noong mga 55 C.E., ipinaalala ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto na nagalit si Jehova sa pagbubulong-bulungan ng mga Israelita noon sa ilang. (Tingnan ang study note sa 1Co 10:10.) Pero hindi lahat ng pagrereklamo ay masama sa paningin ng Diyos. Ang salitang Griego na ginamit dito ay lumitaw rin sa Gaw 6:1, na nagsasabing “nagsimulang magreklamo” ang mga Judiong nagsasalita ng Griego sa Jerusalem dahil napapabayaan sa pamamahagi ng pagkain ang mga biyuda nila. Dahil diyan, gumawa ng paraan ang mga apostol para maituwid ito.—Gaw 6:1-6.

Kagaya man ako ng ibinubuhos na handog na inumin: Halos lahat ng inihahandog ng mga Israelita ay sinasamahan ng alak bilang handog na inumin, na ibinubuhos sa altar. (Lev 23:18, 37; Bil 15:2, 5, 10; 28:7) Dito, inihalintulad ni Pablo ang sarili niya sa handog na inumin. Ipinakita niya na kahit wala nang matira sa kaniya, handa niyang ibigay ang buong lakas at puso niya sa pagtulong sa mga taga-Filipos at sa iba pa niyang kapananampalataya habang nagsasakripisyo sila at gumagawa ng “banal na paglilingkod” bilang handog sa Diyos. (Ihambing ang 2Co 12:15.) Noong malapit nang mamatay si Pablo, sinabi niya kay Timoteo: “Gaya ako ngayon ng ibinubuhos na handog na inumin, at malapit na akong lumaya.”—2Ti 4:6.

ako: O “ang buhay ko.”—Tingnan ang study note sa Kagaya man ako ng ibinubuhos na handog na inumin sa talatang ito.

banal na paglilingkod: O “pangmadlang paglilingkod.” Ginamit dito ni Pablo ang terminong ito para tumukoy sa ministeryong Kristiyano. Talagang nakinabang ang mga kapananampalataya ni Pablo sa Filipos sa masigasig na paglilingkod at pag-ibig niya sa kanila. Napatibay nito ang pananampalataya ng mga taga-Filipos kaya napasigla rin silang maglingkod sa iba. Ginamit sa talatang ito ang salitang Griego na lei·tour·giʹa, at posibleng naiisip dito ng mga Kristiyano sa Filipos, na isang kolonya ng Roma, ang paglilingkod sa taong-bayan. (Tingnan ang study note sa 2Co 9:12.) May mga gastusin sa ganitong paglilingkod, kaya naging paalala ito sa mga taga-Filipos na kailangan din nilang magsakripisyo para makapaglingkod nang tapat. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, madalas iugnay ang mga terminong Griego na ito sa paglilingkod sa templo at sa ministeryong Kristiyano. Para sa ganitong pagkakagamit, tingnan ang study note sa Luc 1:23; Gaw 13:2; Ro 13:6; 15:16.

Umaasa ako na maisugo . . . sa inyo si Timoteo: Hindi sinasabi sa ulat kung paano naglakbay si Timoteo mula sa Roma papuntang Filipos. Ang mga naglalakbay noon mula sa Roma pasilangan ay puwedeng dumaan sa mga kalsadang ipinagawa ng Roma, pero puwede rin silang maglayag. Pareho itong mahirap. Noong panahon ni Timoteo, mahirap makasakay ng barko, at sa kubyerta (bukás na palapag ng barko) lang nagpapalipas ng gabi ang mga pasahero anuman ang lagay ng panahon. Nakakahilo ang maalong dagat, at puwede rin nitong mawasak ang barko. Ang mga naglalakad naman papuntang Filipos ay inaabot nang mga 40 araw. Posibleng dumadaan muna sila sa Daang Apio, pagkatapos ay sandaling maglalayag patawid sa Dagat ng Adria, dadaan ulit sa kalsada, na posibleng ang Daang Egnatia, hanggang sa makarating sila sa Filipos. (Tingnan ang Ap. B13.) Pagtitiisan nila ang matinding sikat ng araw, ulan, init, o lamig, at puwede rin silang harangin ng mga magnanakaw. Hindi rin maganda ang mga bahay-tuluyan noon, marumi, siksikan, at maraming peste. (Ihambing ang study note sa Gaw 28:15.) Pero sigurado si Pablo na handa si Timoteo na pumunta sa Filipos at maglakbay ulit pabalik sa kaniya para ‘balitaan’ siya tungkol sa kalagayan ng mga Kristiyano doon.

Epafrodito: Isang maaasahang Kristiyano sa kongregasyon sa Filipos na sa liham lang na ito nabanggit. Isinugo siya sa Roma para magdala ng ilang pangangailangan ni Pablo, na nakabilanggo nang panahong iyon. Malamang na gustong magtagal ni Epafrodito sa Roma para mas maalalayan si Pablo. Pero nagkasakit siya at “halos mamatay” dahil dito, kaya napaaga ang pag-uwi niya sa Filipos.—Fil 2:27, 28; tingnan ang study note sa Fil 2:26, 30.

kamanggagawa: Tingnan ang study note sa Ro 16:3; 1Co 3:9.

isinugo: O “apostol.” Malawak ang pagkakagamit dito ni Pablo sa salitang Griego para sa “apostol” (a·poʹsto·los), at puwede itong mangahulugang “sugo,” “kinatawan,” o “mensahero.” Isinugo si Epafrodito sa Roma bilang kinatawan ng kongregasyon sa Filipos para magdala ng ilang pangangailangan ni Pablo, na nakabilanggo nang panahong iyon.

gustong-gusto na niyang makita kayong lahat: Ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito ay “hinahanap-hanap niya kayong lahat,” at ganiyan ang salin ng maraming Bibliya. Pero kung pagbabatayan ang iba pang mga manuskrito, matibay ang basehan ng saling ito. Gayunman, halos pareho ng kahulugan ang mga saling ito—gustong-gusto nang makasama ni Epafrodito ang lahat ng Kristiyano sa Filipos.—Tingnan ang Ap. A3.

lungkot na lungkot: Ang terminong Griego na ginamit dito ni Pablo ay isinaling “naghirap ang kalooban” para ilarawan ang naramdaman ni Jesus sa hardin ng Getsemani. (Mat 26:37; Mar 14:33) Ayon sa isang diksyunaryo, nangangahulugan itong “mag-alala; mabagabag.” Lungkot na lungkot si Epafrodito dahil nalaman ng kongregasyon sa Filipos na nagkasakit siya. Posibleng nag-aalala siya dahil baka naisip nilang sa halip na matulungan si Pablo, naging pabigat pa siya rito. Di-nagtagal pagkagalíng ni Epafrodito, pinabalik na siya ni Pablo sa Filipos dala ang liham para sa kongregasyon. Dito (Fil 2:25-29), ipinaliwanag ni Pablo kung bakit napaaga ng uwi si Epafrodito at tiniyak niya sa kongregasyon na malaki ang naitulong sa kaniya ng tapat na lingkod na ito. Siguradong napatibay rin nito si Epafrodito.—Tingnan ang study note sa Fil 2:25, 30.

gawain ng Kristo: O posibleng “gawain ng Panginoon.” Sa ilang sinaunang manuskrito, “Panginoon” ang mababasa dito, pero kung pagbabatayan ang iba pang mga manuskrito, matibay ang basehan ng saling ito.

isinapanganib niya ang buhay niya: Lumilitaw na may kasamang panganib sa atas ni Epafrodito na pumunta sa Roma para magdala ng ilang pangangailangan ni Pablo sa bilangguan. Posibleng nagkasakit si Epafrodito nang malubha dahil mahirap ang paglalakbay noong unang siglo at marumi ang mga tuluyan. (Fil 2:26, 27) Anuman ang dahilan ng pagkakasakit niya, sinabi ni Pablo na “muntik na siyang [si Epafrodito] mamatay alang-alang sa gawain ng Kristo.” Kaya tama lang na komendahan ni Pablo si Epafrodito at pasiglahin ang kongregasyon sa Filipos na “malugod . . . siyang tanggapin gaya ng pagtanggap [nila] sa mga tagasunod ng Panginoon” at ‘laging pahalagahan ang gayong tao.’—Fil 2:29; tingnan ang study note sa Fil 2:25, 26 at Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Media