Ayon kay Lucas 7:1-50

7  Nang masabi na niya sa mga tao ang lahat ng gusto niyang sabihin, pumasok siya sa Capernaum.  At isang opisyal ng hukbo ang may aliping may sakit at malapit nang mamatay. Mahal na mahal ito ng opisyal.+  Kaya nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang matatandang lalaki ng mga Judio para hilingin kay Jesus na puntahan ang alipin niya at pagalingin ito.  Pumunta sila kay Jesus at nakiusap: “Karapat-dapat mo siyang pagbigyan,  dahil mahal niya ang bansa natin at siya mismo ang nagpatayo ng sinagoga rito.”  Kaya sumama si Jesus sa kanila. Pero nang malapit na siya sa bahay ng opisyal ng hukbo, may isinugo na itong mga kaibigan para sabihin sa kaniya: “Ginoo, huwag ka nang mag-abala, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan mo sa bahay.+  Hindi ko rin itinuturing ang sarili ko na karapat-dapat na pumunta sa iyo. Pero sabihin mo lang na gumaling siya at gagaling ang lingkod ko.  Dahil ako rin ay nasa ilalim ng awtoridad ng iba, at may hawak din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ nagpupunta siya, at sa isa pa, ‘Halika!’ lumalapit siya, at sa alipin ko, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.”  Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya, at tumingin siya sa mga taong sumusunod sa kaniya at sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, kahit sa Israel, wala pa akong nakita na may ganito kalaking pananampalataya.”+ 10  Nang makabalik sa bahay ang mga isinugo, nakita nilang magaling na ang alipin.+ 11  Di-nagtagal pagkatapos nito, pumunta siya sa lunsod na tinatawag na Nain, at kasama niyang naglakbay ang mga alagad niya at maraming iba pa. 12  Habang papalapit si Jesus sa pintuang-daan ng lunsod, may inilalabas na lalaking patay, ang kaisa-isang anak ng isang babae.+ At biyuda na ang babae. Maraming tao mula sa lunsod ang naglalakad kasama niya. 13  Nang makita ng Panginoon ang biyuda, naawa siya rito+ at sinabi niya: “Huwag ka nang umiyak.”+ 14  Kaya lumapit siya at hinipo ang hinihigaan ng patay, at huminto ang mga tagabuhat nito. Pagkatapos, sinabi niya: “Lalaki, inuutusan kita, bumangon* ka!”+ 15  Umupo ang taong patay at nagsalita, at ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina.+ 16  Manghang-mangha ang mga tao. Niluwalhati nila ang Diyos at sinabi: “Nagkaroon ng isang dakilang propeta sa gitna natin,”+ at, “Binigyang-pansin ng Diyos ang kaniyang bayan.”+ 17  Ang balitang ito tungkol sa kaniya ay nakarating sa buong Judea at sa lahat ng nakapalibot na lugar. 18  Iniulat kay Juan ng mga alagad niya ang lahat ng ito.+ 19  Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga alagad niya at isinugo sila sa Panginoon para sabihin: “Ikaw ba ang hinihintay namin,+ o may iba pang darating?” 20  Nang dumating sa kaniya ang mga lalaki, sinabi nila: “Isinugo kami ni Juan Bautista para itanong sa iyo, ‘Ikaw ba ang hinihintay namin, o may iba pang darating?’” 21  Nang oras na iyon, pinagaling niya ang maraming may sakit,+ may malulubhang karamdaman, at sinasapian ng masasamang espiritu, at ibinalik niya ang paningin ng maraming bulag. 22  Sinabi niya sa kanila: “Sabihin ninyo kay Juan ang nakita ninyo at narinig: Ang mga bulag ay nakakakita na,+ ang mga lumpo ay nakalalakad, ang mga ketongin ay gumagaling, ang mga bingi ay nakaririnig,+ ang mga patay ay binubuhay, at ang mahihirap ay pinangangaralan ng mabuting balita.+ 23  Maligaya ang nagtitiwala sa akin.”*+ 24  Nang makaalis na ang mga mensahero ni Juan, sinabi ni Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang nakita ninyo sa ilang? Isang taong gaya ng tambo na hinahampas-hampas ng hangin? Hindi.+ 25  Kung gayon, ano ang nakita ninyo? Isang taong may malambot na damit?* Hindi.+ Ang mga nagsusuot ng magagandang damit at namumuhay nang marangya ay nasa palasyo ng mga hari. 26  Kung gayon, sino talaga siya? Isang propeta? Oo, at sinasabi ko sa inyo, hindi lang siya basta propeta.+ 27  Siya ang tinutukoy sa Kasulatan: ‘Isinusugo ko ang aking mensahero sa unahan mo, na maghahanda ng iyong dadaanan.’+ 28  Sinasabi ko sa inyo, sa lahat ng taong nabuhay, walang mas dakila kaysa kay Juan, pero ang pinakamababa sa Kaharian ng Diyos ay mas dakila kaysa sa kaniya.”+ 29  (Nang marinig iyon ng lahat ng tao at ng mga maniningil ng buwis, ipinahayag nilang matuwid ang Diyos, dahil nabautismuhan sila ni Juan.+ 30  Pero binale-wala ng mga Pariseo at ng mga eksperto sa Kautusan ang payo* ng Diyos sa kanila,+ dahil hindi sila nabautismuhan ni Juan.) 31  “Kung gayon, kanino ko dapat ihambing ang mga tao ng henerasyong ito, at sino ang katulad nila?+ 32  Tulad sila ng mga bata na nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa’t isa: ‘Tinugtugan namin kayo ng plawta, pero hindi kayo sumayaw; humagulgol kami, pero hindi kayo umiyak.’ 33  Sa katulad na paraan, si Juan Bautista ay hindi kumakain ng tinapay o umiinom ng alak,+ pero sinasabi ninyo: ‘Siya ay may demonyo.’ 34  Ang Anak ng tao ay kumakain at umiinom, pero sinasabi ninyo: ‘Matakaw ang taong ito at mahilig uminom ng alak; kaibigan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’+ 35  Pero ang karunungan ay makikita sa* bunga nito.”*+ 36  At isa sa mga Pariseo ang paulit-ulit na nag-iimbita kay Jesus na kumaing kasama niya. Kaya pumasok siya sa bahay ng Pariseo at umupo* sa mesa.+ 37  At nalaman ng isang babae, na kilalang makasalanan sa lunsod, na kumakain* si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya nagdala siya ng mabangong langis na nasa bote ng alabastro.*+ 38  Pumuwesto siya sa likuran ni Jesus, sa may paa niya; umiyak siya, binasâ ng luha ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga iyon ng buhok niya. Hinalikan din niya ang mga paa ni Jesus at binuhusan ng mabangong langis. 39  Nang makita ito ng Pariseong nag-imbita sa kaniya, sinabi nito sa sarili: “Kung talagang propeta ang taong ito, makikilala niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kaniyang mga paa, na isa itong makasalanan.”+ 40  Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sinabi niya: “Ano iyon, Guro?” 41  “Dalawang tao ang may utang sa isang nagpapahiram; ang utang ng isa ay 500 denario, at ang isa naman ay 50. 42  Nang wala silang maibayad, hindi na niya sila pinagbayad.* Sa tingin mo, sino sa kanila ang higit na magmamahal sa nagpahiram?” 43  Sumagot si Simon: “Sa tingin ko, ang isa na mas malaki ang utang.” Sinabi ni Jesus: “Tama ang sagot mo.” 44  Pagkatapos, tumingin siya sa babae at sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay; hindi mo ako binigyan ng tubig para sa mga paa ko. Pero binasâ ng babaeng ito ng mga luha niya ang mga paa ko+ at pinunasan ng kaniyang buhok. 45  Hindi mo ako hinalikan, pero mula nang pumasok ako, walang tigil ang babaeng ito sa paghalik sa mga paa ko. 46  Hindi mo binuhusan ng langis ang ulo ko, pero binuhusan ng babaeng ito ng mabangong langis ang mga paa ko. 47  Kaya naman, sinasabi ko sa iyo, kahit marami siyang kasalanan,* pinatatawad na ang mga ito.+ Iyan ang dahilan kaya higit ang pagmamahal niya.+ Pero siya na pinatatawad nang kaunti ay nagmamahal nang kaunti.” 48  Pagkatapos, sinabi niya sa babae: “Pinatatawad na ang mga kasalanan mo.”+ 49  Dahil dito, ang mga kumakaing* kasama niya ay nagsabi sa isa’t isa: “Sino ang taong ito na nagpapatawad ng mga kasalanan?”+ 50  Pero sinabi niya sa babae: “Iniligtas ka ng pananampalataya mo;+ umuwi ka na at huwag nang mag-alala.”

Talababa

O “gumising.”
O “ang hindi nakakakita sa akin ng ikatitisod.”
O “may mamahaling damit?”
O “kalooban; patnubay.”
Lit., “pinatutunayang matuwid ng.”
Lit., “sa lahat ng anak nito.”
Lit., “humilig.”
O “na nakahilig sa mesa.”
Tingnan sa Glosari.
O “lubusan niya silang pinatawad.”
O “kahit malubha ang mga kasalanan niya.”
O “mga nakahilig sa mesa.”

Study Notes

Capernaum: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Nayon ni Nahum” o “Nayon na Nagpapatibay-Loob.” (Na 1:1, tlb.) Napakahalaga ng lunsod na ito sa ministeryo ni Jesus. Makikita ito sa hilagang-kanluran ng Lawa ng Galilea at tinawag na “sarili niyang lunsod” sa Mat 9:1.

Capernaum: Tingnan ang study note sa Mat 4:13.

opisyal ng hukbo: O “senturyon.” Ang senturyon ay pinuno ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano.

nagsugo siya ng ilang matatandang lalaki ng mga Judio: Sa kaparehong ulat sa Mat 8:5, sinabi na “isang opisyal ng hukbo ang lumapit” kay Jesus. Lumilitaw na ang matatandang lalaki ng mga Judio ay kumatawan lang sa opisyal ng hukbo. Si Lucas lang ang bumanggit ng detalyeng ito.

Di-nagtagal pagkatapos nito: Ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito ay “Kinabukasan,” pero ang ginamit sa tekstong ito ay batay sa mas luma at maaasahang mga manuskrito.

Nain: Isang lunsod ng Galilea na mga 35 km (22 mi) sa timog-kanluran ng Capernaum, kung saan lumilitaw na galing si Jesus. (Luc 7:1-10) Ang Nain, na dito lang nabanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay sinasabing ang bayan ng Nein sa ngayon, na nasa hilagang-kanluran ng burol ng More, na mga 10 km (6 mi) sa timog-silangan ng Nazaret. Sa ngayon, maliit lang ang bayang ito, pero makikita sa mga guho sa lugar na iyon na malaki ito dati. Maganda ang kapaligiran sa Nain, at mula rito, matatanaw ang Kapatagan ng Jezreel. Sa Nain nangyari ang una sa tatlong pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus na nakaulat sa Bibliya. Ang iba pa ay sa Capernaum at sa Betania. (Luc 8:49-56; Ju 11:1-44) Mga 900 taon bago nito, binuhay-muli ni propeta Eliseo ang anak na lalaki ng babaeng Sunamita sa kalapít na bayan ng Sunem.​—2Ha 4:8-37.

kaisa-isang anak: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Ang terminong ito ay ginagamit sa Bibliya para ilarawan ang kaugnayan ng anak na lalaki o babae sa mga magulang niya. (Tingnan ang study note sa Luc 7:12; 8:42; 9:38.) Sa mga isinulat ni apostol Juan, kay Jesus lang niya ginamit ang terminong ito (Ju 3:16, 18; 1Ju 4:9), pero hindi niya tinutukoy ang kapanganakan o pagiging tao ni Jesus. Kapag ginagamit ito ni Juan, ang tinutukoy niya ay ang pag-iral ni Jesus bago siya maging tao bilang Logos, o ang Salita, na “sa simula pa lang” ay kasama na ng Diyos “bago pa umiral ang sanlibutan.” (Ju 1:1, 2; 17:5, 24) Si Jesus ang “kaisa-isang anak” dahil siya ang Panganay ni Jehova at ang kaisa-isang direktang nilalang ng Diyos. Tinatawag ding “anak ng tunay na Diyos” o “anak ng Diyos” ang iba pang espiritung nilalang (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:4-7), pero ang lahat ng mga anak na iyon ay nilalang ni Jehova sa pamamagitan ng panganay na Anak (Col 1:15, 16). Kaya ang terminong mo·no·ge·nesʹ ay tumutukoy sa pagiging natatangi ni Jesus at nag-iisa sa kaniyang uri at sa pagiging kaisa-isang anak na direktang nilalang ng Diyos nang walang katulong.—1Ju 5:18; tingnan ang study note sa Heb 11:17.

kaisa-isang Anak: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Sa mga isinulat ni apostol Juan, kay Jesus lang niya ginagamit ang terminong ito. (Ju 1:14; 3:18; 1Ju 4:9; tingnan ang study note sa Ju 1:14.) Tinatawag din ang ibang espiritung nilalang na mga anak ng Diyos, pero si Jesus lang ang tinatawag na “kaisa-isang Anak.” (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:4-7) Si Jesus, ang panganay na Anak, ang kaisa-isang direktang nilalang ng kaniyang Ama, kaya wala siyang katulad; naiiba siya sa lahat ng iba pang anak ng Diyos. Nilalang sila ni Jehova sa pamamagitan ng panganay na Anak niya. Ganiyan din ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ nang sabihin niyang si Isaac ay ‘kaisa-isang anak’ ni Abraham. (Heb 11:17) Kahit naging anak ni Abraham si Ismael kay Hagar at may mga anak din siya kay Ketura (Gen 16:15; 25:1, 2; 1Cr 1:28, 32), matatawag pa ring “kaisa-isa” si Isaac, dahil siya lang ang anak na ipinangako ng Diyos kay Abraham at ang nag-iisang anak ni Abraham kay Sara.—Gen 17:16-19.

pintuang-daan ng lunsod: Ang salitang Griego na poʹlis (“lunsod”) ay tatlong beses na ginamit para tumukoy sa Nain. Kadalasan na, tumutukoy ang terminong ito sa isang napapaderang lunsod, pero hindi tiyak kung talagang napapaderan ang Nain. Kung wala itong pader, ang “pintuang-daan” ay posibleng tumutukoy lang sa espasyo sa pagitan ng mga bahay na nagsisilbing daan papasok sa Nain. Pero naniniwala ang ilang arkeologo na napapaderan ang Nain. Napapaderan man ito o hindi, posibleng nakasalubong ni Jesus at ng mga alagad ang prusisyon ng patay sa “pintuang-daan” sa silangan ng Nain, na malapit sa mga libingan sa gilid ng burol sa timog-silangan ng bayan ng Nein sa ngayon.

kaisa-isang: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Ang terminong ito ay ginagamit para ilarawan ang kaugnayan ng anak na lalaki o babae sa mga magulang niya. Sa kontekstong ito, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa kaisa-isang anak. Ginamit din ang salitang Griego na ito para tumukoy sa ‘nag-iisang’ anak na babae ni Jairo at sa pinagaling ni Jesus na “nag-iisang” anak ng isang lalaki. (Luc 8:41, 42; 9:38) Ginamit ng Griegong Septuagint ang mo·no·ge·nesʹ para sa anak na babae ni Jepte. Mababasa doon: “Ito ang kaisa-isa niyang anak. Wala siyang ibang anak, lalaki man o babae.” (Huk 11:34) Sa mga ulat ni apostol Juan, limang beses niyang ginamit ang mo·no·ge·nesʹ para tukuyin si Jesus.​—Para sa kahulugan ng terminong ito kapag ginagamit patungkol kay Jesus, tingnan ang study note sa Ju 1:14; 3:16.

naawa: O “nahabag.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito (splag·khniʹzo·mai) ay may kaugnayan sa salita para sa “bituka” (splagʹkhna), na nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon. Isa ito sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.

dalawa sa mga alagad niya: Sa kaparehong ulat sa Mat 11:2, 3, sinabi lang na isinugo ni Juan Bautista ang “mga alagad niya.” Idinagdag ni Lucas ang detalye tungkol sa bilang ng mga alagad.

ketongin: May malubhang sakit sa balat. Sa Bibliya, ang ketong ay hindi lang tumutukoy sa ketong na alam natin sa ngayon. Sinumang napatunayang may ketong ay mamumuhay malayo sa mga tao hanggang sa gumaling siya.—Lev 13:2, tlb., 45, 46; tingnan sa Glosari, “Ketong; Ketongin.”

ketongin: Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glosari, “Ketong; Ketongin.”

Binabautismuhan ko kayo: O “Inilulubog ko kayo.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Ipinapakita sa iba pang bahagi ng Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Sa isang pagkakataon, nagbautismo si Juan sa isang lugar sa Lambak ng Jordan malapit sa Salim “dahil may malaking katubigan doon.” (Ju 3:23) Nang bautismuhan naman ni Felipe ang isang mataas na opisyal na Etiope, pareho silang “lumusong sa tubig.” (Gaw 8:38) Ang salitang ba·ptiʹzo rin ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.”

bautismo bilang sagisag ng pagsisisi: Lit., “bautismo ng pagsisisi.” Hindi inaalis ng bautismo ang mga kasalanan. Sa halip, ang mga binautismuhan ni Juan ay hayagang nagsisi sa mga kasalanan nila laban sa Kautusan, na nagpapakitang determinado silang magbago. Ang pagsisisi nila ay umakay sa kanila sa Kristo. (Gal 3:24) Sa gayon, naihanda ni Juan ang mga tao para makita ang “pagliligtas ng Diyos.”—Luc 3:3-6; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8, 11 at Glosari, “Bautismo”; “Pagsisisi.”

nabautismuhan: Ang salitang Griego na baʹpti·sma ay nangangahulugang “paglulubog; paglulublob.”​—Tingnan ang study note sa Mat 3:11; Mar 1:4.

hindi kumakain o umiinom: Maliwanag na tumutukoy sa paraan ng pamumuhay ni Juan. Nag-aayuno siya at umiiwas sa anumang inuming de-alkohol bilang pagsunod sa kahilingan para sa isang Nazareo.—Bil 6:2-4; Mat 9:14, 15; Luc 1:15; 7:33.

hindi kumakain ng tinapay o umiinom ng alak: Tingnan ang study note sa Mat 11:18.

maniningil ng buwis: Marami sa mga Judio ang naniningil ng buwis para sa pamahalaang Romano. Galít ang mga tao sa mga Judiong ito dahil hindi lang sila kumakampi sa mananakop nila; sobra-sobra din ang sinisingil nilang buwis. Ang mga maniningil ng buwis ay karaniwan nang iniiwasan ng mga kapuwa nila Judio at itinuturing na gaya ng mga makasalanan at babaeng bayaran.—Mat 11:19; 21:32.

maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.

bunga: Lit., “lahat ng anak.” O “resulta.” Sa orihinal na Griego, inihalintulad sa isang tao ang karunungan at sinasabing may mga anak ito. Sa kaparehong ulat sa Mat 11:19, sinasabi namang ang karunungan ay may mga “gawa.” Ang mga anak ng karunungan—o ang mga gawa nina Juan Bautista at Jesus—ang magpapatunay na mali ang mga akusasyon sa kanila. Para bang sinasabi ni Jesus: ‘Tingnan ninyo ang matuwid na mga gawa namin at makikita ninyong hindi totoo ang paratang sa amin.’

pumasok siya sa bahay ng Pariseo: Sa apat na manunulat ng Ebanghelyo, si Lucas lang ang bumanggit na tumanggap si Jesus ng mga imbitasyon mula sa mga Pariseo para kumaing kasama nila. Ang iba pang ulat ay makikita sa Luc 11:37; 14:1.

isang babae, na kilalang makasalanan: Ipinapakita ng Bibliya na lahat ng tao ay makasalanan. (2Cr 6:36; Ro 3:23; 5:12) Kaya mas espesipiko ang pagkakagamit dito ng terminong “makasalanan” at maliwanag na tumutukoy sa mga taong kilalang makasalanan, halimbawa, mga taong imoral o kriminal. (Luc 19:7, 8) Si Lucas lang ang nag-ulat tungkol sa makasalanang babaeng ito, posibleng isang babaeng bayaran, na nagbuhos ng langis sa paa ni Jesus. Ang ekspresyong Griego para sa “kilalang” ay puwedeng literal na isaling “isang,” pero sa kontekstong ito, malamang na tumutukoy ito sa katangian na pagkakakilanlan ng isang tao o sa isang partikular na uri na kinabibilangan ng isang tao.

kasalanan: Lit., “utang.” Kapag ang isa ay nagkasala sa kapuwa niya, nagkakautang siya sa taong iyon, o nagkakaroon ng obligasyon dito, at kailangan niyang hingin ang kapatawaran nito. Patatawarin lang ng Diyos ang isang tao kung napatawad na niya ang mga nagkasala sa kaniya.—Mat 6:14, 15; 18:35; Luc 11:4.

hindi na pinabayaran ang utang nito: O “pinatawad na sa pagkakautang.” Sa makasagisag na diwa, ang utang ay puwedeng tumukoy sa kasalanan.—Tingnan ang study note sa Mat 6:12.

nagkasala sa amin: Lit., “may utang sa amin.” Kapag ang isa ay nagkasala sa kapuwa niya, para siyang nagkakautang sa taong iyon, o nagkakaroon ng obligasyon dito, at kailangan niyang hingin ang kapatawaran nito. Sa modelong panalangin na itinuro ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, ang orihinal na terminong ginamit niya ay “utang” sa halip na kasalanan. (Tingnan ang study note sa Mat 6:12.) Ang salitang Griego para sa patawarin ay literal na nangangahulugang “hayaan na,” ibig sabihin, hindi na niya sisingilin ang inutang sa kaniya.

Dalawang tao ang may utang: Pamilyar ang mga Judio noong unang siglo C.E. sa ugnayan ng nagpapautang at nangungutang, at kung minsan, ginagamit ito ni Jesus sa mga ilustrasyon niya. (Mat 18:23-35; Luc 16:1-8) Si Lucas lang ang nag-ulat ng ilustrasyon tungkol sa dalawang may utang, kung saan ang utang ng isa ay mas malaki nang 10 beses kaysa sa isa. Sinabi ni Jesus ang ilustrasyong ito dahil si Simon, na nag-imbita sa kaniya, ay may maling pananaw sa babaeng dumating at nagbuhos ng mabangong langis sa paa ni Jesus. (Luc 7:36-40) Inihalintulad ni Jesus ang kasalanan sa isang napakalaking utang na hindi kayang bayaran at idiniin ang katotohanang ito: “Siya na pinatatawad nang kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”​—Luc 7:47; tingnan ang study note sa Mat 6:12; 18:27; Luc 11:4.

denario: Baryang pilak ng mga Romano na may timbang na mga 3.85 g at may larawan ni Cesar sa isang panig. Gaya ng makikita sa Mat 20:2, ang mga trabahador sa bukid noong panahon ni Jesus ay karaniwan nang tumatanggap ng isang denario para sa 12-oras na trabaho.​—Tingnan sa Glosari at Ap. B14.

tubig para sa mga paa ko: Noon, gaya ng ginagawa sa maraming lugar sa ngayon, paglalakad ang pangunahing paraan ng paglalakbay. May ilang pangkaraniwang tao na nakayapak lang, pero marami ang nagsusuot ng sandalyas na suwelas lang na tinalian ng katad. Bago pumasok ng bahay, naghuhubad sila ng sandalyas. Tanda ng pagkamapagpatuloy ang paghuhugas sa paa ng bisita. Ginagawa ito ng may-ari ng bahay o ng isang alipin. Kung hindi man hugasan ang paa ng bisita, bibigyan siya ng tubig para ipanghugas.​—Gen 18:4; 24:32; 1Sa 25:41; Luc 7:37, 38.

Hindi mo ako hinalikan: Noong panahon ng Bibliya, ang paghalik ay tanda ng pagmamahal o paggalang. Ang paghalik ay puwedeng sa labi (Kaw 24:26), sa pisngi, o sa iilang pagkakataon, sa paa (Luc 7:37, 38). Karaniwan itong ginagawa ng babae at lalaking magkamag-anak (Gen 29:11; 31:28) at ng dalawang lalaking magkamag-anak (Gen 27:26, 27; 45:15; Exo 18:7; 2Sa 14:33). Tanda rin ito ng pagmamahal ng malalapít na magkakaibigan.​—1Sa 20:41, 42; 2Sa 19:39.

Media

Palasyo ng mga Hari
Palasyo ng mga Hari

Nang banggitin ni Jesus ang mga nakatira sa “palasyo ng mga hari” (Mat 11:8; Luc 7:25), posibleng naisip ng mga tagapakinig niya ang magagarbong palasyo na itinayo ni Herodes na Dakila. Makikita sa larawan ang natira sa isang bahagi ng palasyong pantaglamig na itinayo niya sa Jerico. Ang palasyong ito ay may isang bulwagang napapalibutan ng mga poste at may sukat na 29 por 19 m (95 por 62 ft). Mayroon din itong mga loobang napapalibutan ng mga poste at maraming silid at isang paliguan na may pampainit at pampalamig ng tubig. Konektado sa palasyo ang isang hagdan-hagdang hardin. Posibleng sinunog ang palasyong ito sa isang pag-aalsa na naganap mga ilang dekada bago simulan ni Juan Bautista ang kaniyang ministeryo, at itinayo itong muli ng anak ni Herodes na si Arquelao.

Ang Pamilihan
Ang Pamilihan

Ang ilang pamilihan, gaya ng makikita rito, ay nasa mga lansangan. Ang mga nagtitinda ay karaniwan nang naglalagay ng maraming paninda sa lansangan kaya sumisikip ang daan. Ang mga residente ay makakabili roon ng mga kailangan nila sa bahay, kagamitang luwad, at mamahaling gamit na babasagín, pati ng sariwang prutas at gulay. Dahil wala pang refrigerator noon, kailangan nilang pumunta sa pamilihan araw-araw para bumili ng suplay. Dito, maraming masasagap na balita galing sa mga mangangalakal o iba pang dayo. Puwedeng maglaro dito ang mga bata at mag-abang ng trabaho ang mga tao. Nagpagaling si Jesus ng maysakit at nangaral si Pablo sa mga pamilihan. (Gaw 17:17) Gustong-gusto naman ng mayayabang na eskriba at Pariseo na pumunta sa ganitong pampublikong lugar para mapansin at batiin ng mga tao.

Plawta na Gawa sa Buto
Plawta na Gawa sa Buto

Noong panahon ng Bibliya, ang mga plawta ay gawa sa tambo, buto, o garing. Ang plawta ay isa sa pinakapopular na instrumento. Tinutugtog ito sa masasayang okasyon, gaya ng handaan at kasal (1Ha 1:40; Isa 5:12; 30:29), at ginagaya ito ng mga bata sa mga pampublikong lugar. Tinutugtog din ito kapag malungkot. Ang mga bayarang tagaiyak ay madalas na sinasamahan ng tumutugtog ng plawta para tumugtog ng nakakaiyak na musika. Makikita rito ang isang bahagi ng plawta na nakuha sa mga guho sa Jerusalem noong wasakin ng mga Romano ang templo. Mga 15 cm (6 in) ang haba nito, at malamang na gawa ito sa buto sa binti ng baka.

Boteng Alabastro
Boteng Alabastro

Ang maliit na lalagyang ito ng pabango ay gawa sa batong matatagpuan malapit sa Alabastron sa Ehipto. Ang mismong bato, isang klase ng calcium carbonate, ay nakilala sa tawag na Alabastron. Ang boteng makikita sa larawan ay natagpuan sa Ehipto at mula pa noong mga 150 B.C.E. hanggang 100 C.E. Ang mas murang materyales, gaya ng gypsum, ay ginagamit sa paggawa ng mga boteng kamukha nito; tinatawag ding alabastro ang mga ito dahil pinaglalagyan din ito ng langis at pabango. Pero ang mga boteng gawa sa totoong alabastro ay ginagamit para sa mamahaling langis at pabango, gaya ng ibinuhos kay Jesus sa dalawang pagkakataon—ang isa ay sa bahay ng isang Pariseo sa Galilea at ang isa pa ay sa bahay ni Simon na ketongin sa Betania.