Ayon kay Lucas 11:1-54
Talababa
Study Notes
Panginoon, turuan mo kaming manalangin: Si Lucas lang ang bumanggit ng kahilingan ng alagad na ito. Ang pag-uusap na ito ay nangyari mga 18 buwan matapos ibigay ni Jesus ang Sermon sa Bundok, kung saan itinuro niya sa mga alagad niya ang modelong panalangin. (Mat 6:9-13) Posibleng wala ang partikular na alagad na ito nang panahong iyon, kaya naging makonsiderasyon sa kaniya si Jesus at itinuro ulit ang mahahalagang punto ng modelong panalangin. Ang pananalangin ay regular na bahagi ng buhay at pagsamba ng mga Judio, at maraming mababasang panalangin sa aklat ng Awit at sa iba pang bahagi ng Hebreong Kasulatan. Kaya malamang na marunong namang manalangin ang alagad na ito at dati na siyang nananalangin. Siguradong pamilyar din siya sa pormalistikong panalangin ng mga relihiyosong lider ng Judaismo. Pero malamang na naobserbahan niya kung paano manalangin si Jesus at nakita niya ang malaking kaibahan nito sa pakitang-taong panalangin ng mga rabbi.—Mat 6:5-8.
pakabanalin nawa: O “ituring nawang sagrado; ituring nawang banal.” Kahilingan ito na ang pangalan ng Diyos ay ituring nawang banal ng lahat ng nilalang, kasama na ang mga tao at mga anghel. Hinihiling din dito na kumilos nawa ang Diyos para pakabanalin ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglilinis sa pangalan niya, na narumhan mula nang magrebelde ang unang mag-asawa sa hardin ng Eden.
pangalan: Tumutukoy sa personal na pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na Hebreong katinig na יהוה (YHWH) at isinasaling “Jehova” sa Tagalog. Sa Bagong Sanlibutang Salin, ang pangalang ito ay lumilitaw nang 6,979 na beses sa Hebreong Kasulatan at 237 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Para sa impormasyon tungkol sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tingnan ang Ap. A5 at Ap. C.) Sa Bibliya, ang terminong “pangalan” ay tumutukoy kung minsan sa mismong indibidwal, sa reputasyon niya, at sa lahat ng sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili.—Ihambing ang Exo 34:5, 6; Apo 3:4, tlb.
Dumating nawa ang Kaharian mo: Ang Kaharian ng Diyos ay kumakatawan sa soberanya ni Jehova sa lupa. Kahilingan ito na kumilos na ang Diyos para ang kaniyang Kaharian, na binubuo ng Mesiyanikong Hari at ng mga kasama niyang tagapamahala, ang maging tanging gobyerno na namamahala sa lupa. Sa ilustrasyon ni Jesus sa Luc 19:11-27, maliwanag na ang Kaharian ng Diyos ay ‘darating’ sa diwa na ito ay maglalapat ng hatol, pupuksa sa lahat ng kaaway nito, at magbibigay ng gantimpala sa lahat ng umaasa rito. (Tingnan ang Mat 24:42, 44.) Aalisin nito ang masamang sistemang ito, kasama na ang lahat ng gobyerno ng tao, at papalitan ito ng isang matuwid na bagong sanlibutan.—Dan 2:44; 2Pe 3:13; Apo 16:14-16; 19:11-21.
Kapag nananalangin kayo, sabihin ninyo: Ang laman ng panalanging mababasa sa talata 2b-4 ay katulad ng itinuro ni Jesus sa kaniyang modelong panalangin mga 18 buwan na ang nakakalipas sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mat 6:9b-13) Kapansin-pansin na hindi niya inulit ang panalangin nang salita-por-salita, na nagpapakitang hindi niya itinuturo na dapat kabisaduhin ang panalanging ito at bigkasin nang paulit-ulit. Gayundin, sa mga sumunod na panalangin ni Jesus at ng mga alagad, hindi nila ginaya nang eksaktong-eksakto ang modelong panalangin.
pakabanalin nawa: Tingnan ang study note sa Mat 6:9.
pangalan: Tingnan ang study note sa Mat 6:9.
Dumating nawa ang Kaharian mo: Tingnan ang study note sa Mat 6:10.
pagkain sa bawat araw ayon sa kailangan namin: Lit., “tinapay para sa araw na ito.” Sa maraming konteksto, ang salitang Hebreo at Griego para sa “tinapay” ay nangangahulugang “pagkain.” (Gen 3:19) Kaya ipinapakita ni Jesus na ang mga lingkod ng Diyos ay puwedeng humiling sa Kaniya, hindi ng sobra-sobrang pagkain, kundi ng sapat lang na pagkain sa bawat araw, at makakapagtiwala silang ibibigay ito ng Diyos. Posibleng naipaalala nito sa mga alagad ni Jesus ang iniutos ng Diyos sa mga Israelita nang makahimala siyang maglaan ng manna. Bawat isa sa kanila ay dapat na “kumuha ng kaya niyang kainin” sa bawat araw. (Exo 16:4) Ang pananalita sa kahilingang ito ay kahawig, pero hindi kaparehong-kapareho, ng itinuro ni Jesus sa mga alagad niya mga 18 buwan na ang nakakalipas sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mat 6:9b-13) Ipinapakita nito na hindi gusto ni Jesus na bigkasin ng mga tagasunod niya nang salita-por-salita ang panalanging ito. (Mat 6:7) Kapag inuulit ni Jesus ang mahahalagang bagay na itinuro na niya—gaya ng ginawa niya dito sa panalangin—ginagawa niya ito sa paraang makikinabang ang mga hindi nakapakinig nang una niyang ituro ang mga ito. Para naman sa mga nakapakinig na, ipinapaalala niya ang mahahalagang punto.
kasalanan: Lit., “utang.” Kapag ang isa ay nagkasala sa kapuwa niya, nagkakautang siya sa taong iyon, o nagkakaroon ng obligasyon dito, at kailangan niyang hingin ang kapatawaran nito. Patatawarin lang ng Diyos ang isang tao kung napatawad na niya ang mga nagkasala sa kaniya.—Mat 6:14, 15; 18:35; Luc 11:4.
huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso: Lit., “huwag mo kaming dalhin sa tukso.” Kung minsan, sinasabi sa Bibliya na ang Diyos ang gumawa ng isang bagay na ang totoo ay pinahintulutan lang naman niyang mangyari. (Ru 1:20, 21) Kaya hindi sinasabi ni Jesus na tinutukso ng Diyos ang mga tao para magkasala. (San 1:13) Sa halip, hinihimok niya ang mga tagasunod niya na ipanalanging tulungan sila ng Diyos na maiwasan o malampasan ang tukso.—1Co 10:13.
nagkasala sa amin: Lit., “may utang sa amin.” Kapag ang isa ay nagkasala sa kapuwa niya, para siyang nagkakautang sa taong iyon, o nagkakaroon ng obligasyon dito, at kailangan niyang hingin ang kapatawaran nito. Sa modelong panalangin na itinuro ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, ang orihinal na terminong ginamit niya ay “utang” sa halip na kasalanan. (Tingnan ang study note sa Mat 6:12.) Ang salitang Griego para sa patawarin ay literal na nangangahulugang “hayaan na,” ibig sabihin, hindi na niya sisingilin ang inutang sa kaniya.
huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso: Tingnan ang study note sa Mat 6:13.
Kaibigan, pahingi naman ng tatlong tinapay: Sa Gitnang Silangan, gustong-gusto ng mga tao na maging mapagpatuloy at itinuturing nila itong obligasyon, gaya ng makikita sa ilustrasyong ito. Kahit na biglang dumating ang bisita nang hatinggabi, na nagpapakitang maraming nagiging aberya dati sa paglalakbay, pinagsikapan ng may-bahay na mabigyan ito ng makakain. Naobliga pa nga siyang istorbohin ang kapitbahay niya nang dis-oras ng gabi para humingi ng pagkain.
Huwag mo na akong istorbohin: Nag-aalangang tumulong ang kapitbahay sa ilustrasyon, hindi naman dahil sa madamot siya, kundi dahil natutulog na sila ng pamilya niya. Walang kuwarto ang mga bahay noon, lalo na sa bahay ng mahihirap. Kapag bumangon ang ama, malamang na maistorbo niya ang buong pamilya, kasama na ang natutulog na mga anak.
mapilit: Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwedeng literal na isaling “walang kahihiyan.” Pero sa kontekstong ito, ang salitang ito ay tumutukoy sa pagiging mapilit o malakas ang loob. Ang lalaki sa ilustrasyon ni Jesus ay hindi nahiyang mangulit para makuha ang kailangan niya, at sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na dapat na maging ganoon din sila kapag nananalangin.—Luc 11:9, 10.
Patuloy kayong humingi . . . maghanap . . . kumatok: Ang terminong “patuloy” ay nagpapakita ng tuloy-tuloy na pagkilos, gaya ng ipinapahiwatig ng anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito. Kaya ipinapakita nitong kailangan ng patuloy na pananalangin. Gumamit dito ng tatlong pandiwa bilang pagdiriin. Iyan din ang aral na itinuturo ni Jesus sa ilustrasyon niya sa Luc 11:5-8.
patuloy na humingi . . . maghanap . . . kumatok: Tingnan ang study note sa Mat 7:7.
kayo na makasalanan: Lit., “kayo na masama.” Dahil sa minanang kasalanan, lahat ng tao ay hindi perpekto at maituturing na masama.
lalo pa nga: Madalas gumamit si Jesus ng ganitong pangangatuwiran. Magsasabi muna siya ng isang pamilyar na katotohanan at saka siya maghaharap ng nakakakumbinsing argumento batay sa katotohanang iyon. Nagtuturo siya ng isang mahalagang aral gamit ang isang simpleng katotohanan.—Mat 10:25; 12:12; Luc 11:13; 12:28.
kayo na makasalanan: Tingnan ang study note sa Mat 7:11.
lalo pa nga: Tingnan ang study note sa Mat 7:11.
Beelzebub: Posibleng ibang anyo ng Baal-zebub, na nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng mga Langaw,” ang Baal na sinasamba ng mga Filisteo sa Ekron. (2Ha 1:3) Ginamit sa ilang manuskritong Griego ang iba pang anyo nito na Beelzeboul at Beezeboul, na posibleng nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng Marangal na Tahanan (Tirahan),” o kung iniuugnay naman sa salitang Hebreo na zeʹvel (dumi ng hayop) na hindi ginamit sa Bibliya, nangangahulugan itong “May-ari (Panginoon) ng Dumi ng Hayop.” Gaya ng ipinapakita sa Luc 11:18, tumutukoy ang “Beelzebub” kay Satanas—ang pinuno ng mga demonyo.
pamilya: O “sambahayan.” Ang terminong Griego para sa “pamilya” ay puwedeng tumukoy sa isang pamilya o sa isang buong sambahayan; halimbawa, kasama sa sambahayan ng isang hari ang iba pang nasa palasyo niya. (Gaw 7:10; Fil 4:22) Ginamit ang terminong ito para tumukoy sa mga namamahalang dinastiya, gaya ng mga Herodes at mga Cesar, na ang mga pamilya ay karaniwan nang di-nagkakasundo at naglalabanan.
pamilyang: Tingnan ang study note sa Mar 3:25.
daliri ng Diyos: Tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos, gaya ng ipinapakita sa ulat ni Mateo tungkol sa isang kahawig at naunang pag-uusap. Dito sa ulat ni Lucas, sinabi ni Jesus na pinapalayas niya ang mga demonyo “sa tulong ng daliri ng Diyos,” samantalang sa ulat ni Mateo, sinabi ni Jesus na ginagawa niya ito “sa tulong ng espiritu ng Diyos,” o ng Kaniyang aktibong puwersa.—Mat 12:28.
nawalisan: Ang mababasa sa ilang manuskrito ay “bakante, nawalisan,” pero ang ginamit sa saling ito ay makikita sa luma at maaasahang mga manuskrito. Ang salitang Griego para sa “bakante” ay mababasa sa Mat 12:44, kung saan halos ganito rin ang sinabi ni Jesus, kaya sinasabi ng ilang iskolar na idinagdag lang ng mga tagakopya ang salitang ito sa ulat ni Lucas para tumugma sa ulat ni Mateo.
tanda ni Jonas: Sa isang naunang pagkakataon, ginamit ni Jesus ang ekspresyong “tanda ng propetang si Jonas” at ipinaliwanag na tumutukoy ito sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. (Mat 12:39, 40) Ikinumpara ni Jonas sa pagbangon mula sa Libingan ang pagliligtas sa kaniya mula sa tiyan ng isda pagkatapos ng “tatlong araw at tatlong gabi.” (Jon 1:17–2:2) Ang pagkabuhay-muli ni Jesus mula sa literal na libingan ay tiyak na mangyayari, gaya ng pagliligtas kay Jonas mula sa tiyan ng isda. Pero kahit nabuhay-muli si Jesus pagkatapos maging patay sa loob ng tatlong araw, ayaw pa ring manampalataya sa kaniya ng mga kritikong may matitigas na puso. Nagsilbi ring tanda si Jonas sa pamamagitan ng kaniyang lakas-loob na pangangaral, na nagpakilos sa mga Ninevita na magsisi.—Mat 12:41; Luc 11:32.
reyna ng timog: Ang reyna ng Sheba. Ang kaharian niya ay sinasabing nasa timog-kanluran ng Arabia.—1Ha 10:1.
reyna ng timog: Tingnan ang study note sa Mat 12:42.
lampara: Noong panahon ng Bibliya, ang karaniwang lampara sa bahay ay isang maliit na sisidlang luwad na may lamang langis ng olibo.
basket: Ginagamit na pantakal ng mga tuyong paninda, gaya ng mga butil. Ang klase ng “basket” (sa Griego, moʹdi·os) na binabanggit dito ay makapaglalaman ng mga 9 L.
lampara: Tingnan ang study note sa Mat 5:15.
basket: Tingnan ang study note sa Mat 5:15.
mata ang lampara ng katawan: Kapag walang diperensiya ang literal na mata, gaya ito ng lampara sa isang madilim na lugar. Dahil dito, nakikita at nalalaman ng isang tao kung ano ang mga nasa paligid niya. Dito, ginamit ang “mata” sa makasagisag na paraan.
nakapokus: O “malinaw; walang diperensiya.” Ang salitang Griego na ha·plousʹ ay nangangahulugang “iisa; simple.” Puwede itong tumukoy sa pagpopokus o pagbibigay ng debosyon sa iisang layunin. Para gumana nang maayos ang literal na mata, dapat ay nakapokus ito sa iisang bagay. Kapag ang makasagisag na mata ng isang tao ay “nakapokus” sa tamang bagay (Mat 6:33), magkakaroon ito ng magandang epekto sa buong pagkatao niya.
mainggitin: Lit., “masama; napakasama.” Ang literal na mata na may diperensiya ay hindi nakakakita nang malinaw. Ganiyan din ang matang mainggitin; hindi ito makapagpokus sa kung ano talaga ang mahalaga. (Mat 6:33) Ang gayong mata ay sakim, hindi nakokontento, at nawawala sa pokus. Ang taong may ganiyang mata ay nagkakamali ng tingin o pagtantiya sa mga bagay-bagay at namumuhay nang makasarili.—Tingnan ang study note sa Mat 6:22.
mata ang lampara ng iyong katawan: Tingnan ang study note sa Mat 6:22.
nakapokus: Tingnan ang study note sa Mat 6:22.
mainggitin: Tingnan ang study note sa Mat 6:23.
naglilinis ng sarili: Maraming sinaunang manuskrito ang gumamit dito ng salitang Griego na ba·ptiʹzo (ilublob; ilubog), na madalas gamitin para ilarawan ang bautismong Kristiyano, pero sa Luc 11:38, tumutukoy ito sa ritwal ng paulit-ulit na paghuhugas na kaayon ng tradisyon ng mga Judio. Sa ibang sinaunang manuskrito, ginamit dito ang terminong Griego na rhan·tiʹzo, na nangangahulugang “wisikan; linisin sa pamamagitan ng pagwiwisik.” (Heb 9:13, 19, 21, 22) Anumang manuskrito ang pagbatayan, hindi magbabago ang pinakadiwa ng tekstong ito—hindi kumakain ang mga panatikong Judio malibang nakapaglinis na sila ng sarili sa seremonyal na paraan. Sa Jerusalem, may natagpuang mga ebidensiya na nagpapakitang ginagawa talaga ng mga Judio nang panahong iyon ang ritwal na paliligo, na sumusuporta sa mga manuskritong gumamit sa kontekstong ito ng pandiwang ba·ptiʹzo, “ilubog ang sarili.”
naghugas: Tumutukoy sa paglilinis sa sarili sa seremonyal na paraan. Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo (ilublob; ilubog), na madalas gamitin para ilarawan ang bautismong Kristiyano, ay ginamit dito para tumukoy sa ritwal ng paulit-ulit na paghuhugas na kaayon ng tradisyon ng mga Judio.—Tingnan ang study note sa Mar 7:4.
gagawa ka ng mabuti sa mahihirap: O “magbibigay ka ng kaloob udyok ng awa.” Ang salitang Griego na e·le·e·mo·syʹne, na karaniwang isinasaling “limos,” ay may kaugnayan sa mga salitang Griego para sa “awa” at “magpakita ng awa.” Tumutukoy ito sa pera o pagkaing ibinibigay bilang tulong sa mahihirap.
gumawa kayo ng mabuti sa mahihirap: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.
mula sa inyong puso: Lit., “mula sa mga bagay sa loob.” Sa sumunod na talata (Luc 11:42), idiniin ni Jesus ang katarungan at pag-ibig, kaya ang “mga bagay sa loob” ay lumilitaw na tumutukoy sa kalagayan ng puso ng isa. Ang paggawa ng mabuti ay masasabing ekspresyon ng tunay na habag kung ito ay bukal sa loob at mula sa mapagmahal na puso.
ikasampu ng yerbabuena, ruda, at lahat ng iba pang gulay: Sa Kautusang Mosaiko, dapat magbigay ang mga Israelita ng ikapu, o ikasampu, ng ani nila. (Lev 27:30; Deu 14:22) Hindi espesipikong iniutos ng Kautusan na ibigay ang ikasampu ng maliliit na halamang pampalasa, gaya ng yerbabuena at ruda; pero hindi naman kinondena ni Jesus ang kaugaliang ito. Ang pinuna niya ay ang mga eskriba at mga Pariseo dahil mas mahalaga sa kanila ang maliliit na detalye ng Kautusan kaysa sa mga simulain dito, gaya ng katarungan at pag-ibig sa Diyos. Nang ulitin ni Jesus ang puntong ito, na nakaulat sa Mat 23:23, binanggit niya ang yerbabuena, eneldo, at komino.
pinakamagagandang puwesto: Lit., “mga upuan sa unahan.” Lumilitaw na ang mga punong opisyal ng sinagoga at ang mga espesyal na bisita ay umuupo malapit sa mga balumbon ng Kasulatan, na nakikita ng buong kongregasyon. Ang mga upuang ito ay malamang na nakareserba sa importanteng mga taong gaya nila.
pamilihan: O “pinagtitipunan ng mga tao.” Ang salitang Griego na a·go·raʹ ay ginamit dito para tumukoy sa lugar kung saan namimili at nagbebenta ang mga tao. Ito rin ang lugar kung saan nagtitipon ang mga tao sa mga lunsod at nayon sa sinaunang Gitnang Silangan at sa mga teritoryong sakop ng mga Griego at Romano.
pinakamagagandang puwesto: Tingnan ang study note sa Mat 23:6.
pamilihan: Tingnan ang study note sa Mat 23:7.
pinaputing libingan: Karaniwan nang pinapaputi ng mga Israelita ang mga libingan para makita ng mga dumaraan at hindi sila madikit dito at maging marumi ayon sa Kautusan. (Bil 19:16) Sinasabi ng Judiong Mishnah (Shekalim 1:1) na ang pagpapaputi ng mga libingan ay ginagawa taon-taon, isang buwan bago ang Paskuwa. Ginamit ni Jesus ang ekspresyong ito para ilarawan ang pagkukunwari ng mga eskriba at Pariseo.
libingang walang tanda: O “libingang hindi madaling mapansin.” Karaniwan nang simple lang at walang dekorasyon ang libingan ng mga Judio. Gaya ng ipinapakita sa talatang ito, may mga libingan na hindi talaga mapapansin, kaya posibleng matapakan iyon ng mga tao at maging marumi sila sa seremonyal na paraan nang hindi nila namamalayan. Sa Kautusan ni Moises, itinuturing na marumi ang sinumang madikit sa anumang bagay na may kaugnayan sa patay, kaya ang sinumang makatapak sa mga libingang iyon ay magiging marumi sa seremonyal na paraan nang pitong araw. (Bil 19:16) Para madaling makita at maiwasan ang mga libingan, pinapaputi iyon ng mga Judio taon-taon. Sa kontekstong ito, maliwanag na sinasabi ni Jesus na ang mga taong nakikihalubilo sa mga Pariseo dahil naniniwala silang mabubuting tao ang mga ito ay naiimpluwensiyahan ng masamang ugali at maruming kaisipan ng mga Pariseo nang hindi nila namamalayan.—Tingnan ang study note sa Mat 23:27.
dahil sa karunungan ng Diyos, sinabi niya: Lit., “sinabi rin ng karunungan ng Diyos.” Ang Diyos ang nagsabi ng sumunod na pananalita, pero sa ibang pagkakataon, sinabi rin ito ni Jesus.—Mat 23:34.
nang itatag ang sanlibutan: Ang salitang Griego para sa “itatag” ay isinaling “nagdalang-tao” sa Heb 11:11. Ang ekspresyon dito na “itatag ang sanlibutan” ay lumilitaw na tumutukoy sa pagbubuntis at pagsilang sa mga anak nina Adan at Eva. Iniugnay ni Jesus ang ‘pagkakatatag ng sanlibutan’ kay Abel, dahil maliwanag na siya ang unang tao na puwedeng tubusin at nakasulat ang pangalan niya sa balumbon ng buhay mula pa “nang itatag ang sanlibutan.”—Luc 11:50, 51; Apo 17:8.
nang itatag ang sanlibutan: Ang salitang Griego para sa “itatag” ay isinaling “nagdalang-tao” sa Heb 11:11. Ang ekspresyon dito na “itatag ang sanlibutan” ay lumilitaw na tumutukoy sa pagsilang sa mga anak nina Adan at Eva. Iniugnay ni Jesus ang ‘pagkakatatag ng sanlibutan’ kay Abel, dahil maliwanag na siya ang unang tao na puwedeng tubusin at nakasulat ang pangalan niya sa balumbon ng buhay mula pa “nang itatag ang sanlibutan.”—Luc 11:51; Apo 17:8; tingnan ang study note sa Mat 25:34.
mula sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias: Ang sinabi ni Jesus ay tumutukoy sa lahat ng pinatay na saksi ni Jehova sa Hebreong Kasulatan, mula kay Abel na binanggit sa unang aklat (Gen 4:8) hanggang kay Zacarias na binanggit naman sa 2Cr 24:20. Ang Cronica ang huling aklat sa tradisyonal na Judiong kanon. Kaya nang sabihin ni Jesus na mula kay ‘Abel hanggang kay Zacarias,’ ang ibig niyang sabihin ay mula sa “unang pagpaslang hanggang sa huli.”
mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias: Tingnan ang study note sa Mat 23:35.
sa pagitan ng altar at ng templo: Ang “templo” ay ang gusali kung saan makikita ang Banal at Kabanal-banalan. Ayon sa 2Cr 24:21, si Zacarias ay pinatay sa “looban ng bahay [o, templo] ni Jehova.” Ang altar ng handog na sinusunog ay nasa maliit na looban, sa labas ng templo at nasa harap ng pasukan nito. (Tingnan ang Ap. B8.) Kaya katugma ito ng sinabi ni Jesus na lugar kung saan naganap ang pangyayaring ito.
ang susi ng kaalaman: Sa Bibliya, ang mga binigyan ng mga susi, literal man o makasagisag, ay pinagkatiwalaan ng awtoridad. (1Cr 9:26, 27; Isa 22:20-22) Kaya ang terminong “susi” ay naging sagisag ng awtoridad at responsibilidad. Sa kontekstong ito, ang “kaalaman” ay lumilitaw na tumutukoy sa kaalamang mula sa Diyos dahil ang kausap ni Jesus ay mga lider ng relihiyon na eksperto sa Kautusan. Dapat sana ay ginagamit nila ang awtoridad at kapangyarihan nila para bigyan ang mga tao ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa kanila ng salita ng Diyos. Sa Mat 23:13, sinabi ni Jesus na “isinasara [ng mga lider ng relihiyon] ang Kaharian ng langit sa mga tao.” Ipinapakita lang nito na ang ekspresyong pumasok sa Luc 11:52 ay tumutukoy sa pagpasok sa Kahariang iyon. Dahil hindi itinuturo ng mga lider ng relihiyon sa mga tao ang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, napipigilan nila ang mga ito na maintindihan nang tama ang Salita ng Diyos at makapasok sa Kaharian ng Diyos.
kinontra siya: Ang ekspresyon sa orihinal na Griego ay puwedeng tumukoy sa literal na panggigitgit sa isang tao, pero dito, lumilitaw na tumutukoy ito sa panggigipit kay Jesus ng mga lider ng relihiyon para takutin siya dahil sa galit nila sa kaniya. Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay isinaling “nagkimkim ng galit” sa Mar 6:19 para ipakitang hindi humuhupa ang galit ni Herodias kay Juan Bautista.
Media

May mahigit 600 uri ng alakdan na iba-iba ang laki. May mas maliit sa 2.5 cm (1 in), at ang iba ay umaabot nang 20 cm (8 in). Mga 12 uri nito ang makikita sa Israel at Sirya. Karaniwan nang hindi nakakamatay ang tibo ng mga alakdan, pero may ilang uri nito na mas makamandag pa kaysa sa mapanganib na mga ahas sa disyerto. Ang pinakamakamandag na uri ng alakdan sa Israel ay ang dilaw na Leiurus quinquestriatus (makikita rito). Sinabi sa Apo 9:3, 5, 10 kung gaano kasakit matibo ng isang alakdan. Maraming alakdan sa ilang ng Judea at sa “nakakatakot na ilang” ng Peninsula ng Sinai.—Deu 8:15.

Ang patungang ito ng lampara (1) ay iginuhit batay sa unang-siglong mga artifact na natagpuan sa Efeso at Italya. Ang ganitong patungan ng lampara ay malamang na ginagamit sa bahay ng mayayaman. Sa bahay ng mahihirap, ang lampara ay ibinibitin sa kisame, inilalagay sa isang inukang bahagi ng pader (2), o inilalagay sa patungang gawa sa luwad o kahoy.

Ang ruda ay isang palumpong na tumutubo sa anumang panahon at may mabalahibong tangkay at matapang na amoy. Tumataas ito nang mga 1 m (3 ft), ang dahon nito ay mapusyaw na berde, at ang bulaklak nito ay kumpol-kumpol na dilaw. Ang uri ng ruda na makikita sa larawan (Ruta chalepensis latifolia) at ang common rue (Ruta graveolens) ay parehong tumutubo sa Israel. Noong ministeryo ni Jesus, posibleng ginagamit ang ruda na panggamot at pampalasa ng pagkain. Sa Bibliya, sa Luc 11:42 lang binanggit ang ruda, noong kondenahin ni Jesus ang mga Pariseo dahil mahigpit nilang sinusunod ang pagbibigay ng ikapu para lang magmukha silang matuwid.—Ihambing ang Mat 23:23.

Ang ilang pamilihan, gaya ng makikita rito, ay nasa mga lansangan. Ang mga nagtitinda ay karaniwan nang naglalagay ng maraming paninda sa lansangan kaya sumisikip ang daan. Ang mga residente ay makakabili roon ng mga kailangan nila sa bahay, kagamitang luwad, at mamahaling gamit na babasagín, pati ng sariwang prutas at gulay. Dahil wala pang refrigerator noon, kailangan nilang pumunta sa pamilihan araw-araw para bumili ng suplay. Dito, maraming masasagap na balita galing sa mga mangangalakal o iba pang dayo. Puwedeng maglaro dito ang mga bata at mag-abang ng trabaho ang mga tao. Nagpagaling si Jesus ng maysakit at nangaral si Pablo sa mga pamilihan. (Gaw 17:17) Gustong-gusto naman ng mayayabang na eskriba at Pariseo na pumunta sa ganitong pampublikong lugar para mapansin at batiin ng mga tao.