Ayon kay Marcos 3:1-35

3  Muli siyang pumasok sa isang sinagoga, at naroon ang isang lalaking may tuyot na* kamay.+  Kaya inaabangan nila kung pagagalingin niya ang lalaki sa Sabbath, para maakusahan nila siya.+  Sinabi niya sa lalaki na may tuyot na* kamay: “Tumayo ka at pumunta ka sa gitna.”  Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ano ang tamang gawin kapag Sabbath: gumawa ng mabuti o ng masama, magligtas ng buhay* o pumatay?”+ Pero hindi sila kumibo.  Tiningnan niya sila nang may galit. Lungkot na lungkot siya dahil manhid ang puso nila.+ Kaya sinabi niya sa lalaki: “Iunat mo ang kamay mo.” At iniunat niya iyon, at gumaling ang kamay niya.  Kaya lumabas ang mga Pariseo at agad na nakipagsabuwatan sa mga tagasuporta ni Herodes+ para maipapatay si Jesus.  Pero pumunta si Jesus sa may lawa kasama ang mga alagad niya, at sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea at Judea.+  Napakaraming tao rin mula sa Jerusalem at sa Idumea at mula sa kabila ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon ang nagpunta sa kaniya nang mabalitaan nila ang maraming bagay na ginagawa niya.  At sinabi niya sa mga alagad niya na ipaghanda siya ng maliit na bangka para hindi siya maipit ng mga tao. 10  Dahil marami siyang pinagaling, ang lahat ng may malalang sakit ay nakikipagsiksikan para mahawakan siya.+ 11  Kahit ang mga sinasapian ng masamang* espiritu,+ kapag nakikita siya, ay sumusubsob sa harap niya at sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Diyos!”+ 12  Pero maraming beses niya silang mahigpit na pinagbawalang sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya.+ 13  Umakyat siya sa isang bundok at tinawag ang mga pinili niya,+ at sumunod sila sa kaniya.+ 14  At pumili* siya ng 12 at tinawag niya silang mga apostol. Sila ang makakasama niya at isusugo para mangaral+ 15  at bibigyan ng awtoridad na magpalayas ng mga demonyo.+ 16  At ang 12+ pinili* niya ay si Simon, na binigyan din niya ng pangalang Pedro,+ 17  si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kapatid ni Santiago (binigyan din niya ang mga ito ng pangalang Boanerges, na nangangahulugang “Mga Anak ng Kulog”),+ 18  si Andres, si Felipe, si Bartolome,+ si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo, 19  at si Hudas Iscariote, na bandang huli ay nagtraidor sa kaniya. Pagkatapos ay pumasok si Jesus sa isang bahay, 20  at muling dumagsa ang mga tao, kaya hindi man lang sila makakain.+ 21  Nang malaman ng mga kamag-anak niya ang tungkol dito, pinuntahan nila siya para kunin siya, dahil sinasabi nila: “Nababaliw na siya.”+ 22  Sinasabi rin ng mga eskriba na galing sa Jerusalem: “Sinasapian siya ni Beelzebub, at pinalalayas niya ang mga demonyo sa tulong ng pinuno ng mga demonyo.”+ 23  Kaya tinawag niya sila at nagbigay siya sa kanila ng mga ilustrasyon: “Paano mapalalayas ni Satanas si Satanas? 24  Kung ang isang kaharian ay nababahagi, babagsak ang kahariang iyon;+ 25  at kung ang isang pamilya ay nababahagi, mawawasak ang pamilyang iyon. 26  Kaya kung kinakalaban ni Satanas ang sarili niya at ang kaharian niya ay nababahagi,* babagsak siya at iyon na ang wakas niya. 27  Ang totoo, walang makakapasok sa bahay ng isang malakas na tao at makapagnanakaw ng mga pag-aari nito kung hindi niya muna gagapusin ang malakas na tao. Kapag nagawa niya iyon, saka pa lang niya mananakawan ang bahay nito. 28  Sinasabi ko sa inyo, ang mga tao ay mapatatawad sa anumang kasalanang nagawa nila at sa anumang pamumusong na sinabi nila. 29  Pero ang sinumang namumusong laban sa banal na espiritu ay hindi kailanman mapatatawad;+ nagkasala siya ng walang-hanggang kasalanan.”+ 30  Sinabi ito ni Jesus dahil sinasabi nila: “Sinasapian siya ng masamang espiritu.”+ 31  Ngayon ay dumating ang kaniyang ina at mga kapatid,+ at habang nakatayo sila sa labas, may pinapunta sila sa loob para tawagin siya.+ 32  Dahil maraming nakaupo sa palibot niya, sinabi nila sa kaniya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid, hinahanap ka.”+ 33  Pero sinabi niya sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?”+ 34  Pagkatapos, tiningnan niya ang mga nakaupong paikot sa kaniya at sinabi: “Tingnan ninyo, ang aking ina at mga kapatid!+ 35  Sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”+

Talababa

O “may paralisadong.”
O “may paralisadong.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Lit., “maruming.”
O “humirang.”
O “hinirang.”
O “at mabahagi siya.”

Study Notes

Tiningnan niya sila nang may galit. Lungkot na lungkot siya: Si Marcos lang ang nag-ulat ng reaksiyon ni Jesus nang makita niyang manhid ang puso ng mga relihiyosong lider. (Mat 12:13; Luc 6:10) Posibleng si Pedro ang pinagmulan ng ulat na ito tungkol sa naramdaman ni Jesus dahil nakadarama rin siya ng matitinding emosyon.​—Tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos.”

nakipagsabuwatan: Ito ang una sa dalawang pagkakataon na espesipikong binanggit ng Bibliya na nagsabuwatan ang dalawang magkalabang partido, ang mga Pariseo at mga tagasuporta ni Herodes, para maipapatay si Jesus. Ang ikalawang pagkakataon ay pagkalipas pa ng halos dalawang taon, tatlong araw bago patayin si Jesus. Ipinapakita nito na matagal na nagplano ang mga grupong ito laban kay Jesus.​—Mat 22:15-22.

mga tagasuporta ni Herodes: Tingnan sa Glosari.

lawa: Ang Lawa ng Galilea.​—Tingnan ang study note sa Mat 4:18.

Lawa ng Galilea: Isang lawa na tubig-tabang sa hilagang bahagi ng Israel. (Ang salitang Griego na isinaling “lawa” ay puwede ring mangahulugang “dagat.”) Tinawag din itong Lawa ng Kineret (Bil 34:11), lawa ng Genesaret (Luc 5:1), at Lawa ng Tiberias (Ju 6:1). Mga 210 m (700 ft) ang baba nito mula sa lebel ng dagat. May haba itong 21 km (13 mi) mula hilaga hanggang timog at lapad na 12 km (8 mi), at ang pinakamalalim na bahagi nito ay mga 48 m (160 ft).—Tingnan ang Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea.”

Idumea: Noong panahon ng ministeryo ni Jesus, ang Idumea ang pinakatimog na rehiyon ng Romanong lalawigan ng Judea. (Tingnan ang Ap. B10.) Sa Griego, ang “Idumea” ay nangangahulugang “[Lupain] ng mga Edomita.” Noong una, ang mga Edomita ay nakatira sa timog ng Dagat na Patay. (Tingnan ang Ap. B3 at B4.) Nasakop sila ni Haring Nabonido ng Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E. Noong mga ikaapat na siglo B.C.E., ang mga Nabataean Arab na ang naninirahan sa lupain ng mga Edomita, kaya lumipat ang mga Edomita sa Negeb sa hilaga, hanggang sa rehiyong malapit sa Hebron, at tinawag nila ang lupain na Idumea. Sinakop sila ng mga Hasmoneano (mga Macabeo) at pinagbantaang palalayasin kung hindi sila magpapatuli at mamumuhay kaayon ng kautusang Judio. Kabilang sa sumunod sa kautusan at kaugaliang Judio ang mga ninuno ng mga Herodes.

mula sa kabila ng Jordan: Maliwanag na tumutukoy sa rehiyon na nasa silangan ng Jordan, na tinatawag ding Perea (mula sa salitang Griego na peʹran, na nangangahulugang “sa kabilang panig”).

Tumahimik ka: Lit., “Busalan ka.” Alam ng masamang espiritu na si Jesus ang Kristo, o Mesiyas, at tinawag niya si Jesus na “isinugo ng Diyos” (tal. 24), pero hindi hinayaan ni Jesus na magpatotoo ang mga demonyo tungkol sa kaniya.​—Mar 1:34; 3:11, 12.

pinagbawalang sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya: Sa ibang salita, pinagbawalan niya silang sabihin sa iba kung sino siya. Alam ng masasamang espiritu na si Jesus ang “Anak ng Diyos,” at iyan ang tawag nila sa kaniya (tal. 11), pero ayaw ni Jesus na magpatotoo ang mga demonyo tungkol sa kaniya. Sila ay mga itinakwil, rebelde, napopoot sa kabanalan, at mga kaaway ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mar 1:25.) Gayundin, nang may “isang demonyo ng panghuhula” na kumontrol sa isang babae para tukuyin sina Pablo at Silas bilang “mga alipin ng Kataas-taasang Diyos” at tagapaghayag ng “daan ng kaligtasan,” pinalayas ni Pablo ang espiritung iyon mula sa babae.​—Gaw 16:16-18.

apostol: O “isinugo.” Ang salitang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo.” (Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32) Ang pangunahing kahulugan nito ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus sa Ju 13:16, kung saan isinalin itong “ang isinugo.”

mga apostol: O “mga isinugo.” Ang salitang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na ginamit sa huling bahagi ng talata at isinaling “isusugo.”​—Tingnan ang study note sa Mat 10:2.

Si Simon, na tinatawag na Pedro: May limang pangalan si Pedro sa Kasulatan: (1) “Symeon,” anyong Griego ng pangalang Hebreo na “Simeon”; (2) pangalang Griego na “Simon” (ang Symeon at Simon ay mula sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “marinig; makinig”); (3) “Pedro” (pangalang Griego na nangangahulugang “Isang Bato”; siya lang ang may ganitong pangalan sa Kasulatan); (4) “Cefas,” ang Semitikong katumbas ng Pedro (posibleng kaugnay ng salitang Hebreo na ke·phimʹ [malalaking bato] na ginamit sa Job 30:6; Jer 4:29); at (5) ang kombinasyong “Simon Pedro.”—Gaw 15:14; Ju 1:42; Mat 16:16.

na binigyan din niya ng pangalang Pedro: Ang pangalang ibinigay ni Jesus kay Simon ay nangangahulugang “Isang Bato.” (Ju 1:42) Kung nakita ni Jesus na si Natanael ay isang lalaki na “walang anumang pagkukunwari” (Ju 1:47), nakita rin niya ang pagkatao ni Pedro. Nakapagpakita si Pedro ng mga katangiang gaya ng sa bato, lalo na nang mamatay si Jesus at buhaying muli.​—Tingnan ang study note sa Mat 10:2.

Anak ng: Sa Hebreo, Aramaiko, at Griego, ang pananalitang “(mga) anak ng” ay ginagamit para tukuyin ang isang tao na kilalá sa isang partikular na katangian o para ilarawan ang isang grupo ng tao. Halimbawa, sa Deu 3:18, ang literal na salin para sa “matatapang na lalaki,” o matatapang na mandirigma, ay “mga anak ng abilidad.” Sa Job 1:3, ang literal na salin para sa ekspresyong “taga-Silangan” ay “anak ng Silangan.” Ang ekspresyong ‘walang-kuwentang tao’ sa 1Sa 25:17 ay “anak ng belial” sa literal, o “anak ng kawalang-kabuluhan.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit ang mga ekspresyong “anak ng Kataas-taasan,” “anak ng liwanag at anak ng araw,” at “anak ng pagsuway” para tumukoy sa mga taong tumatahak sa isang partikular na landasin o kilalá sa isang partikular na katangian.—Luc 6:35; 1Te 5:5; Efe 2:2, tlb.

Boanerges: Semitikong ekspresyon na makikita lang sa ulat ni Marcos. Ibinigay ni Jesus kina Santiago at Juan ang pangalang ito, na malamang na nagpapakita ng nag-aalab nilang sigasig.​—Luc 9:54.

na nangangahulugang: Ang mga terminong ipinapaliwanag o isinasalin ni Marcos ay pamilyar na sa mga mambabasang Judio. Ipinapakita lang nito na ang ulat niya ay para sa mga di-Judio.

Mga Anak ng Kulog: Sa Hebreo, Aramaiko, at Griego, ang pananalitang “(mga) anak ng” ay ginagamit para tukuyin ang isang tao na kilala sa isang partikular na katangian o para ilarawan ang isang grupo ng tao.​—Tingnan ang study note sa Boanerges sa talatang ito at ang study note sa Gaw 4:36.

Bartolome: Nangangahulugang “Anak ni Tolmai.” Ipinapalagay na siya si Natanael na binanggit ni Juan. (Ju 1:45, 46) Sa mga Ebanghelyo, makikitang pinag-uugnay nina Mateo at Lucas sina Bartolome at Felipe kung paanong pinag-uugnay ni Juan sina Natanael at Felipe.​—Mat 10:3; Luc 6:14.

Santiago na anak ni Alfeo: Maliwanag na siya rin ang alagad na tinatawag na “Santiago na Nakabababa” sa Mar 15:40. Ipinapalagay na si Alfeo at si Clopas ay iisa (Ju 19:25), kaya masasabing siya rin ang asawa ng “isa pang Maria” (Mat 27:56; 28:1; Mar 15:40; 16:1; Luc 24:10). Ang Alfeo na binanggit dito ay maliwanag na iba sa Alfeo na binanggit sa Mar 2:14, na ama ni Levi.

Tadeo: Sa listahan ng mga apostol sa Luc 6:16 at Gaw 1:13, hindi kasama ang pangalang Tadeo; ang mababasa doon ay “Hudas na anak ni Santiago,” kaya masasabing ang Tadeo ay isa pang pangalan ng apostol na tinawag ni Juan na “Hudas, hindi si Hudas Iscariote.” (Ju 14:22) Posibleng ginagamit minsan ang pangalang Tadeo dahil baka mapagkamalan siyang si Hudas Iscariote, ang Hudas na nagtraidor.

Cananeo: Itinatawag kay apostol Simon para ipakitang iba siya sa apostol na si Simon Pedro. (Mat 10:4) Ipinapalagay na ang terminong ito ay mula sa salitang Hebreo o Aramaiko, na nangangahulugang “Panatiko; Masigasig.” Tinukoy ni Lucas ang Simon na ito bilang “masigasig,” gamit ang salitang Griego na ze·lo·tesʹ, na nangangahulugan ding “panatiko; masigasig.” (Luc 6:15; Gaw 1:13) Posibleng si Simon ay dating kasama sa Mga Panatiko, isang partidong Judio na kontra sa mga Romano, pero posible ring tinawag siyang Cananeo dahil sa kaniyang sigasig.

Iscariote: Posibleng nangangahulugang “Lalaki Mula sa Keriot.” Ang ama ni Hudas, si Simon, ay tinatawag ding “Iscariote.” (Ju 6:71) Karaniwang iniisip na ang terminong ito ay nagpapahiwatig na sina Simon at Hudas ay mula sa Keriot-hezron, isang bayan sa Judea. (Jos 15:25) Kung gayon, si Hudas lang ang taga-Judea sa 12 apostol at ang iba pa ay taga-Galilea.

Iscariote: Tingnan ang study note sa Mat 10:4.

mga kamag-anak niya: Posibleng kasama rito ang mga kapatid ni Jesus sa ina na sina Santiago at Hudas (Judas), na parehong sumulat ng isang aklat ng Bibliya. Ang pangalan ng apat na kapatid ni Jesus sa ina ay binanggit sa Mat 13:55 at Mar 6:3.​—Tingnan ang study note sa Mat 13:55.

Santiago: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Santiago na binanggit sa Gaw 12:17 (tingnan ang study note) at Gal 1:19 at ang sumulat ng aklat ng Bibliya na Santiago.—San 1:1.

Hudas: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Judas (sa Griego, I·ouʹdas) na sumulat ng aklat ng Bibliya na Judas.—Jud 1.

Beelzebub: Posibleng ibang anyo ng Baal-zebub, na nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng mga Langaw,” ang Baal na sinasamba ng mga Filisteo sa Ekron. (2Ha 1:3) Ginamit sa ilang manuskritong Griego ang iba pang anyo nito na Beelzeboul at Beezeboul, na posibleng nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng Marangal na Tahanan (Tirahan),” o kung iniuugnay naman sa salitang Hebreo na zeʹvel (dumi ng hayop) na hindi ginamit sa Bibliya, nangangahulugan itong “May-ari (Panginoon) ng Dumi ng Hayop.” Gaya ng ipinapakita sa Mat 12:24, tumutukoy ang terminong ito kay Satanas—ang pinuno ng mga demonyo.

Beelzebub: Tumutukoy kay Satanas.​—Tingnan ang study note sa Mat 10:25.

ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.

ilustrasyon: Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

pamilya: O “sambahayan.” Ang terminong Griego para sa “pamilya” ay puwedeng tumukoy sa isang pamilya o sa isang buong sambahayan; halimbawa, kasama sa sambahayan ng isang hari ang iba pang nasa palasyo niya. (Gaw 7:10; Fil 4:22) Ginamit ang terminong ito para tumukoy sa mga namamahalang dinastiya, gaya ng mga Herodes at mga Cesar, na ang mga pamilya ay karaniwan nang di-nagkakasundo at naglalabanan.

mawawasak: O “hindi makakatayo.”​—Tingnan ang study note sa pamilya sa talatang ito.

pamumusong: Tumutukoy sa mapanghamak, mapaminsala, o mapang-abusong pananalita laban sa Diyos o sa sagradong mga bagay. Dahil ang banal na espiritu ay nanggagaling mismo sa Diyos, ang sadyang pagkontra at hindi pagkilala sa pagkilos nito ay katumbas ng pamumusong sa Diyos. Gaya ng ipinapakita sa Mat 12:24, 28, nakita ng mga Judiong lider ng relihiyon ang pagkilos ng espiritu ng Diyos kay Jesus nang gumawa siya ng mga himala, pero sinasabi nilang nagmula ang kapangyarihang ito kay Satanas na Diyablo.

namumusong laban sa banal na espiritu: Ang pamumusong ay tumutukoy sa mapanghamak, mapaminsala, o mapang-abusong pananalita laban sa Diyos o sa sagradong mga bagay. Dahil ang banal na espiritu ay nanggagaling mismo sa Diyos, ang sadyang pagkontra at hindi pagkilala sa pagkilos nito ay katumbas ng pamumusong sa Diyos. Gaya ng ipinapakita sa Mat 12:24, 28 at Mar 3:22, nakita ng mga Judiong lider ng relihiyon ang pagkilos ng espiritu ng Diyos kay Jesus nang gumawa siya ng mga himala, pero sinasabi nilang nagmula ang kapangyarihang ito kay Satanas na Diyablo.

nagkasala siya ng walang-hanggang kasalanan: Lumilitaw na tumutukoy sa sinasadyang kasalanan na walang kapatawaran kahit kailan; walang handog na makapagtatakip sa kasalanang ito.​—Tingnan ang study note sa namumusong laban sa banal na espiritu sa talatang ito at ang study note sa Mat 12:31, na kaparehong ulat nito.

mga kapatid: Mga kapatid ni Jesus sa ina. Binanggit ang mga pangalan nila sa Mat 13:55 at Mar 6:3.​—Tingnan ang study note sa Mat 13:55 para sa ibig sabihin ng terminong “kapatid.”

kapatid: Ang salitang Griego na a·del·phosʹ ay puwedeng tumukoy sa espirituwal na mga kapatid kapag ginamit sa Bibliya, pero dito, ang tinutukoy ay ang mga kapatid ni Jesus sa ina, mga nakababatang anak nina Jose at Maria. Ang mga naniniwalang nanatiling birhen si Maria pagkapanganak nito kay Jesus ay nagsasabing ang a·del·phosʹ ay tumutukoy sa mga pinsan. Pero ibang termino ang ginamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa “pinsan” (sa Griego, a·ne·psi·osʹ sa Col 4:10) at iba sa “pamangking lalaki ni Pablo” (Gaw 23:16). Sa Luc 21:16 naman, ginamit ang anyong pangmaramihan ng mga salitang Griego na a·del·phosʹ at syg·ge·nesʹ (isinaling “mga . . . kapatid, kamag-anak”). Ipinapakita ng mga halimbawang ito na ang mga termino para sa ugnayang pampamilya ay hindi basta pinagpapalit-palit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.

Tingnan ninyo, ang aking ina at mga kapatid!: Ipinapakita dito ni Jesus ang kaibahan ng mga kapatid niya sa espirituwal, ang kaniyang mga alagad, sa mga kapatid niya sa dugo, na ang ilan ay lumilitaw na hindi nananampalataya sa kaniya. (Ju 7:5) Ipinapakita niyang gaanuman kalapít ang ugnayan niya sa kaniyang mga kapamilya, mas malapít ang kaugnayan niya sa mga gumagawa ng “kalooban ng Diyos.”​—Mar 3:35.

Media