Ayon kay Lucas 12:1-59
Talababa
Study Notes
libo-libong: Lit., “laksa-laksang.” Ang salitang Griego ay literal na tumutukoy sa 10,000, o isang laksa, pero puwede rin itong tumukoy sa isang napakalaki at di-tiyak na bilang.
lebadura: O “pampaalsa.” Madalas itong gamitin sa Bibliya bilang sagisag ng kasamaan at kasalanan; dito, tumutukoy ang “lebadura” sa masasamang turo at impluwensiya.—Mat 16:6, 11, 12; 1Co 5:6-8.
ipangaral ninyo mula sa mga bubungan ng bahay: Idyoma na nangangahulugang “ihayag sa publiko.” Noong panahon ng Bibliya, patag ang bubong ng mga bahay kaya puwede roong mag-anunsiyo at anumang gawin doon ay malalaman ng maraming tao.—2Sa 16:22.
sa liwanag: Ibig sabihin, anumang sabihin nila ay maririnig ng publiko.
ipangangaral mula sa mga bubungan ng bahay: Tingnan ang study note sa Mat 10:27.
Gehenna: Mula ito sa mga salitang Hebreo na geh hin·nomʹ, na nangangahulugang “lambak ng Hinom,” na nasa timog at timog-kanluran ng sinaunang Jerusalem. (Tingnan ang Ap. B12, mapa na “Jerusalem at ang Palibot Nito.”) Noong panahon ni Jesus, ang lambak na ito ay naging sunugan ng basura, kaya ang salitang “Gehenna” ay angkop na simbolo para sa lubusang pagkapuksa.—Tingnan sa Glosari.
Gehenna: Tingnan ang study note sa Mat 5:22.
maya: Ang salitang Griego na strou·thiʹon ay nasa pangmaliit na anyo at tumutukoy sa anumang maliit na ibon, pero karaniwan itong tumutukoy sa maya, ang pinakamurang ibon na ibinebenta bilang pagkain.
maya: Tingnan ang study note sa Mat 10:29.
dalawang barya na maliit ang halaga: Lit., “dalawang assarion.” Bago nito, noong ikatlong paglalakbay ni Jesus sa Galilea para mangaral, sinabi niyang ang presyo ng dalawang maya ay isang assarion. (Mat 10:29) Isang assarion ang suweldo para sa 45-minutong trabaho. (Tingnan ang Ap. B14.) Lumilitaw na makalipas ang mga isang taon, sa ministeryo ni Jesus sa Judea, sinabi niya na ang limang maya ay nagkakahalaga nang dalawang assarion, gaya ng iniulat ni Lucas. Kapag pinaghambing ang dalawang ulat na ito, makikita nating napakaliit ng halaga ng maya para sa mga negosyante kaya ang ikalimang maya ay libre na.
biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo: Ang bilang ng buhok sa ulo ng isang tao ay karaniwan nang mahigit 100,000. Dahil alam na alam ni Jehova ang napakaliliit na detalyeng gaya nito, masasabi nating interesadong-interesado siya sa bawat tagasunod ni Kristo.
biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo: Tingnan ang study note sa Mat 10:30.
mga hukuman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na sy·neʹdri·on, na nasa anyong pangmaramihan at isinalin dito na “mga hukuman,” ay karaniwan nang tumutukoy sa mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem, ang Sanedrin. (Tingnan sa Glosari, “Sanedrin,” at study note sa Mat 5:22; 26:59.) Pero ginagamit din ang terminong ito para sa isang asamblea o pagtitipon. Dito, tumutukoy ang termino sa lokal na mga hukuman na naglilitis sa mga sinagoga at may kapangyarihang magpataw ng parusang paghagupit at pagtitiwalag.—Mat 23:34; Mar 13:9; Luc 21:12; Ju 9:22; 12:42; 16:2.
nagkakatipong mga tao: O posibleng “sinagoga.” Ang pangngalang Griego na sy·na·go·geʹ na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “pagtitipon; kapulungan.” Sa karamihan ng paglitaw nito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tumutukoy ito sa gusali o lugar kung saan nagtitipon ang mga Judio para magbasa ng Kasulatan, maturuan, mangaral, at manalangin. (Tingnan sa Glosari, “Sinagoga.”) Sa kontekstong ito, puwede itong tumukoy sa “sinagoga,” kung saan naglilitis ang hukuman ng mga Judio. (Tingnan ang study note sa Mat 10:17.) Pero lumilitaw na mas malawak ang pagkakagamit ng terminong ito dito at puwede itong tumukoy sa pagtitipon na bukás sa publiko, Judio man o hindi. Inoorganisa ang ganitong mga pagtitipon para litisin ang isang Kristiyano at hatulan pa nga dahil sa kaniyang pananampalataya.
hatian ako sa mana: Malinaw sa Kautusang Mosaiko kung paano dapat hatiin ang mana sa magkakapatid. Tatanggap ng dobleng mana ang panganay na lalaki, dahil sa kaniya rin mapupunta ang responsibilidad ng ulo ng pamilya. (Deu 21:17) Ang matitira ay paghahati-hatian ng iba pang tagapagmana. Lumilitaw na ang lalaki sa talatang ito ay sakim at gusto niyang makakuha ng higit pa kaysa sa parte niya. Ito ang posibleng dahilan kaya sumabat siya habang nagtuturo si Jesus tungkol sa espirituwal na mga bagay para lang magpatulong sa problema niya sa pera. Hindi nakialam si Jesus sa isyung iyon, pero nagbabala siya laban sa kasakiman.
tagapamagitan: O “tagahati.” Dito, ipinapakita ni Jesus na hindi niya kailangang makialam sa isang bagay na may malinaw nang tagubilin sa Kautusang Mosaiko. Isa pa, ayon sa Kautusang iyon, ang matatandang lalaki ang mag-aasikaso sa mga isyu tungkol sa pera. Alam din ni Jesus na isinugo siya sa lupa, hindi para makisangkot sa sekular na mga bagay, kundi para ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
kasakiman: O “kaimbutan.” Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa ay literal na nangangahulugang “magkaroon ng higit” at nagpapahiwatig ng di-nasasapatang kagustuhan na magkaroon ng higit pa. Ginamit din ang terminong Griegong ito sa Efe 4:19; 5:3. Pagkatapos banggitin ni Pablo ang “kasakiman” sa Col 3:5, idinagdag niya na ito ay “isang uri ng idolatriya.”
ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.
ilustrasyon: Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
sarili ko: Ang salitang Griego na psy·kheʹ, na isinasalin kung minsan na “kaluluwa,” ay lumitaw nang tatlong beses sa talata 19 at 20. Ang kahulugan ng terminong ito ay nakadepende sa konteksto. (Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”) Dito, tumutukoy ito sa mismong tao—na pisikal, nakikita, at nahahawakan—at hindi sa di-nakikita at di-nahahawakang elemento na nasa loob daw ng katawan ng isang tao. Kaya ang terminong ito ay isinaling “sarili” sa tekstong ito.
Ikaw na di-makatuwiran: O “Ikaw na mangmang.” Sa halip na tumukoy sa isang tao na kulang sa talino, ang mga terminong “di-makatuwiran” o “mangmang” ay ginagamit sa Bibliya para tumukoy sa taong baluktot ang katuwiran, mababa ang moral, at bumabale-wala sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos.
mamamatay ka: O “kukunin nila ang buhay mo.” Dito, ang pandiwang Griego para sa “kukunin” ay nasa ikatlong panauhan at pangmaramihang anyo (“nila”). Pero sa ilustrasyong ito, ang “nila” ay hindi tumutukoy sa isang partikular na grupo ng mga tao o anghel. Ipinapakita lang ng ganitong anyo ng pandiwa kung ano ang mangyayari sa lalaki. Hindi sinabi ni Jesus kung paano mamamatay ang mayamang lalaki sa ilustrasyong ito o kung sino ang papatay rito. Ang punto lang ay mamamatay ang lalaki sa gabing iyon.
mayaman sa Diyos: O “mayaman sa paningin ng Diyos,” ibig sabihin, mayaman sa mga bagay na mahalaga para sa Diyos.
Huwag na kayong mag-alala: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay nagsasabing ihinto ang isang bagay na kasalukuyan nang nangyayari. Ang terminong Griego para sa “mag-alala” ay puwedeng tumukoy sa pagkabahala ng isang tao na nagiging dahilan para mahati ang isip niya, mawala siya sa pokus, at mawalan ng kagalakan. Lumitaw rin ang salitang ito sa Mat 6:27, 28, 31, 34.
huwag na kayong mag-alala: Ang anyo ng pandiwang Griego na me·ri·mnaʹo na ginamit dito ay nagsasabing ihinto ang isang bagay na kasalukuyan nang nangyayari. Ang terminong Griego para sa “mag-alala” ay puwedeng tumukoy sa pagkabahala ng isang tao na nagiging dahilan para mahati ang isip niya, mawala siya sa pokus, at mawalan ng kagalakan. Ito rin ang salitang Griego na ginamit ni Lucas sa Luc 12:11, 25, 26. Ginamit ni Pablo ang pandiwang ito sa 1Co 7:32-34 at Fil 4:6.—Tingnan ang study note sa Mat 6:25.
buhay: Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ ay tumutukoy sa buhay ng isang tao. Sa kontekstong ito, ang kombinasyon ng buhay at katawan ay tumutukoy sa buong pagkatao.
uwak: Sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang binanggit ang ibong ito. Nang magbigay si Jesus ng kahawig na payo sa Sermon sa Bundok, wala siyang tinukoy na partikular na ibon. (Mat 6:26) Ang payong ito ni Jesus na nakaulat sa Lucas ay ibinigay niya noong ministeryo niya sa Judea, mga 18 buwan mula nang ibigay niya ang Sermon sa Bundok sa Galilea. Idiniin ni Jesus ang payong ito sa pamamagitan ng paggamit ng uwak, isang ibon na marumi ayon sa tipang Kautusan. (Lev 11:13, 15) Maliwanag na itinuturo niya na kung naglalaan ang Diyos para sa maruruming uwak, makakasigurado tayo na hindi niya pababayaan ang mga nagtitiwala sa kaniya.
makapagpapahaba . . . sa buhay: Maliwanag na ikinukumpara ni Jesus ang buhay sa paglalakbay. Sinasabi niya na hindi makakatulong ang pag-aalala para humaba ang buhay ng isang tao kahit kaunti.
kaunti: Lit., “isang siko.” Ang salitang ginamit dito ni Jesus ay tumutukoy sa maliit na distansiya, na mga 44.5 cm (17.5 in).—Tingnan sa Glosari, “Siko,” at Ap. B14.
makapagpapahaba . . . sa buhay: Tingnan ang study note sa Mat 6:27.
kaunti: Tingnan ang study note sa Mat 6:27.
ang maliit na bagay na iyon: O “ang napakaliit na bagay na iyon.” Lit., “ang pinakamaliit na bagay.” Lumilitaw na tumutukoy ito sa sinabi sa naunang talata tungkol sa pagpapahaba ng buhay ng isang tao. Kung hindi mapapahaba ng mga tao ang buhay nila nang kahit kaunti, bakit pa sila mag-aalala nang sobra at mag-iipon ng napakaraming kayamanan, pagkain, at damit at magpupundar ng maraming bahay at ari-arian?
mga liryo: Sinasabi ng ilan na tumutukoy ito sa anemone, pero posibleng kasama rito ang mga bulaklak na mukhang liryo, gaya ng tulip, hyacinth, iris, at gladiolus. May nagsasabi naman na ang tinutukoy lang dito ni Jesus ay mga ligáw na bulaklak kaya isinalin nila itong “mga bulaklak” o “mga bulaklak sa parang.” Nabuo ang ganiyang konklusyon dahil ginamit sa kaparehong ulat ang terminong “pananim, na nasa parang.”—Luc 12:28; Mat 6:28-30.
pananim . . . pugon: Kapag tag-init sa Israel, natutuyo na ang mga pananim kahit sa loob lang ng dalawang araw. Ang mga tuyong damo at tangkay ng bulaklak ay kinukuha sa parang para gawing panggatong sa pugon.
kayo na may maliit na pananampalataya: Ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang mga alagad niya. Sinasabi niya na hindi matibay ang tiwala o pananampalataya nila. (Mat 8:26; 14:31; 16:8; Luc 12:28) Kaya hindi ibig sabihin nito na wala silang pananampalataya, kundi kulang lang sa pananampalataya.
pananim . . . pugon: Tingnan ang study note sa Mat 6:30.
kayo na may maliit na pananampalataya: Tingnan ang study note sa Mat 6:30.
huwag na kayong masyadong mag-alala: O “huwag na kayong mabahala.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang mababasa ang salitang Griego na me·te·o·riʹzo·mai. Sa klasikal na Griego, nangangahulugan itong “itaas; ibitin”; ginagamit pa nga ito para tumukoy sa mga barkong tinatangay-tangay ng alon. Pero sa kontekstong ito, ginamit ito para tumukoy sa sobrang pag-aalala o pagkabalisa. Kung ganiyan ang isang tao, wala siyang kapanatagan, parang barko na tinatangay-tangay ng alon.
patuloy na hanapin: Ang anyo ng pandiwang Griego para dito ay nagpapahiwatig ng paggawa ng isang bagay nang patuluyan. Kaya hindi inuuna ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ang Kaharian sa loob lang ng ilang panahon at pagkatapos ay magpopokus na sa ibang bagay. Sa halip, laging Kaharian ang pangunahin sa buhay nila. Ito rin ang payong ibinigay ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok sa Galilea, na mababasa sa Mat 6:33. Ang mababasa naman sa ulat ni Lucas ay ibinigay ni Jesus pagkalipas ng mga isa’t kalahating taon, noong huling bahagi ng ministeryo niya, malamang na sa Judea. Lumilitaw na nakita ni Jesus na kailangang ulitin ang payong ito.
gagawa ka ng mabuti sa mahihirap: O “magbibigay ka ng kaloob udyok ng awa.” Ang salitang Griego na e·le·e·mo·syʹne, na karaniwang isinasaling “limos,” ay may kaugnayan sa mga salitang Griego para sa “awa” at “magpakita ng awa.” Tumutukoy ito sa pera o pagkaing ibinibigay bilang tulong sa mahihirap.
magbigay kayo sa mahihirap: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.
Magbihis kayo at maging handa: Lit., “Bigkisan ninyo ang inyong balakang.” Ang idyomang ito ay tumutukoy sa pagsusuot ng sinturon sa ibabaw ng panlabas na damit para hindi ito makasagabal sa pagtatrabaho, pagtakbo, at iba pang gawain. Pero ginamit na rin ito para tumukoy sa pagiging handa para sa anumang gawain. Maraming beses lumitaw sa Hebreong Kasulatan ang katulad na mga ekspresyon. (Halimbawa: Exo 12:11, tlb.; 1Ha 18:46; 2Ha 3:21, tlb.; 4:29; Kaw 31:17, tlb.; Jer 1:17, tlb.) Sa kontekstong ito, ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit ay nagpapakita ng pagiging laging handa ng mga lingkod ng Diyos para sa espirituwal na gawain. Sa Luc 12:37, ang pandiwang iyon ay isinaling “magbibihis siya para maglingkod.” Sa 1Pe 1:13 naman, ang ekspresyong “ihanda ninyong mabuti ang isip ninyo para sa gawain” ay literal na nangangahulugang “bigkisan ninyo ang balakang ng inyong isip.”
Magbihis kayo at maging handa: Lit., “Bigkisan ninyo ang inyong balakang.” Ang idyomang ito ay tumutukoy sa pagsusuot ng sinturon sa ibabaw ng panlabas na damit para hindi ito makasagabal sa pagtatrabaho, pagtakbo, at iba pang gawain. Pero ginamit na rin ito para tumukoy sa pagiging handa para sa anumang gawain. Maraming beses lumitaw sa Hebreong Kasulatan ang katulad na mga ekspresyon. (Halimbawa: Exo 12:11, tlb.; 1Ha 18:46; 2Ha 3:21, tlb.; 4:29; Kaw 31:17, tlb.; Jer 1:17, tlb.) Sa kontekstong ito, ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit ay nagpapakita ng pagiging laging handa ng mga lingkod ng Diyos para sa espirituwal na gawain. Sa Luc 12:37, ang pandiwang iyon ay isinaling “magbibihis siya para maglingkod.” Sa 1Pe 1:13 naman, ang ekspresyong “ihanda ninyong mabuti ang isip ninyo para sa gawain” ay literal na nangangahulugang “bigkisan ninyo ang balakang ng inyong isip.”
Magbihis: Ang salitang Griego na pe·ri·zonʹny·mai, na isinaling “magbihis,” ay literal na nangangahulugang “magbigkis,” ibig sabihin, magsuot ng apron o sikipan ang damit, kadalasan nang sa pamamagitan ng sinturon, para maging handa sa paglilingkod. Ang salitang ito ay lumitaw rin sa Luc 12:35, 37 at Efe 6:14.—Tingnan ang study note sa Luc 12:35, 37.
magbibihis siya para maglingkod sa kanila: Lit., “bibigkisan niya ang kaniyang sarili.”—Tingnan ang study note sa Luc 12:35; 17:8.
madaling-araw: Lit., “ikaapat na yugto ng pagbabantay sa gabi,” na mga 3:00 n.u. hanggang pagsikat ng araw nang mga 6:00 n.u. Nakabatay ito sa sistemang Griego at Romano na may apat na yugto ng pagbabantay sa gabi. Hinahati noon ng mga Hebreo ang gabi sa tatlong pagbabantay na may tig-aapat na oras (Exo 14:24; Huk 7:19), pero nang panahong ito, sinusunod na nila ang sistemang Romano.
hatinggabi: Tumutukoy sa ikalawang yugto ng pagbabantay sa gabi ayon sa sistemang Griego at Romano, na mga 9:00 n.g. hanggang hatinggabi.—Tingnan ang study note sa gabi sa talatang ito.
bago magbukang-liwayway: Lit., “o sa pagtilaok ng tandang.” Sa sistemang Griego at Romano, ito ang tawag sa ikatlong yugto ng pagbabantay sa gabi, na mula hatinggabi hanggang mga 3:00 n.u. (Tingnan ang naunang mga study note sa talatang ito.) Posibleng sa oras na ito “tumilaok ang tandang.” (Mar 14:72) Noon pa man, ang pagtilaok ng tandang ay karaniwan nang ginagamit na palatandaan ng oras sa mga lupain sa silangan ng Mediteraneo.—Tingnan ang study note sa Mat 26:34; Mar 14:30, 72.
ikalawang pagbabantay: Mga 9:00 n.g. hanggang hatinggabi. Nakabatay ito sa sistemang Griego at Romano na may apat na yugto ng pagbabantay sa gabi. Hinahati noon ng mga Hebreo ang gabi sa tatlong pagbabantay na may tig-aapat na oras (Exo 14:24; Huk 7:19), pero pagdating ng unang siglo C.E., sinusunod na nila ang sistemang Romano.—Tingnan ang study note sa Mat 14:25; Mar 13:35.
ikatlo: Hatinggabi hanggang mga 3:00 n.u.—Tingnan ang study note sa Mar 13:35.
katiwala: O “tagapamahala sa sambahayan.” Ang salitang Griego na oi·ko·noʹmos ay tumutukoy sa isang tao na inatasang mangasiwa sa mga tagapaglingkod, kahit na siya mismo ay isa ring tagapaglingkod. Noon, kadalasan nang ang pinipili para sa posisyong ito ay isang tapat na alipin na inatasang mangasiwa sa mga pag-aari ng panginoon niya. Kaya talagang pinagkakatiwalaan ang ganitong alipin. Ganiyang klase ng katiwala, o tagapamahala sa sambahayan, ang lingkod ni Abraham na “namamahala sa lahat ng pag-aari niya.” (Gen 24:2) Ganiyan din si Jose, gaya ng makikita sa Gen 39:4. Ang “katiwala” sa ilustrasyon ni Jesus ay nasa pang-isahang anyo, pero hindi ito nangangahulugang tumutukoy ito sa isang partikular na tao. Gumagamit kung minsan ang Kasulatan ng pangngalang nasa pang-isahang anyo para tumukoy sa isang grupo, gaya noong sabihin ni Jehova sa bansang Israel: “Kayo [pangmaramihan] ang mga saksi ko, . . . oo, ang lingkod [pang-isahan] ko na aking pinili.” (Isa 43:10) Kaya ang ilustrasyong ito ni Jesus ay tumutukoy rin sa isang grupong pinagkakatiwalaan. Sa kaparehong ilustrasyon na nasa Mat 24:45, ang aliping ito ay tinawag na “ang tapat at matalinong alipin.”
matalino: Ang pang-uring Griego na phroʹni·mos na ginamit dito ay nangangahulugang may kaunawaan, nag-iisip muna, maingat, at marunong sa praktikal na paraan. Ginamit ni Lucas sa Luc 16:8 ang ibang anyo ng salitang Griegong ito, kung saan isinalin itong “mas marunong sa praktikal na paraan.” Ginamit din ito sa Mat 7:24; 25:2, 4, 8, 9. Ginamit ng Septuagint ang salitang ito sa Gen 41:33, 39 sa paglalarawan kay Jose.
grupo ng mga tagapaglingkod: O “mga lingkod ng sambahayan.” Gaya ng terminong “mga lingkod ng sambahayan” (sa Griego, oi·ke·teiʹa), na ginamit sa Mat 24:45, ang terminong ginamit dito (sa Griego, the·ra·peiʹa) ay tumutukoy sa lahat ng indibidwal na naglilingkod sa sambahayan ng panginoon niya. Ang terminong ginamit ni Lucas ay klasikal na Griego at kapareho ng kahulugan ng terminong ginamit ni Mateo. Posibleng ito ang ginamit niyang termino dahil sa kaniyang pinag-aralan at karanasan.
katiwala: O “tagapamahala sa sambahayan.” Ang salitang Griego na oi·ko·noʹmos ay tumutukoy sa isang tao na inatasang mangasiwa sa mga tagapaglingkod, kahit na siya mismo ay isa ring tagapaglingkod. Noon, kadalasan nang ang pinipili para sa posisyong ito ay isang tapat na alipin na inatasang mangasiwa sa mga pag-aari ng panginoon niya. Kaya talagang pinagkakatiwalaan ang ganitong alipin. Ganiyang klase ng katiwala, o tagapamahala sa sambahayan, ang lingkod ni Abraham na “namamahala sa lahat ng pag-aari niya.” (Gen 24:2) Ganiyan din si Jose, gaya ng makikita sa Gen 39:4. Ang “katiwala” sa ilustrasyon ni Jesus ay nasa pang-isahang anyo, pero hindi ito nangangahulugang tumutukoy ito sa isang partikular na tao. Gumagamit kung minsan ang Kasulatan ng pangngalang nasa pang-isahang anyo para tumukoy sa isang grupo, gaya noong sabihin ni Jehova sa bansang Israel: “Kayo [pangmaramihan] ang mga saksi ko, . . . oo, ang lingkod [pang-isahan] ko na aking pinili.” (Isa 43:10) Kaya ang ilustrasyong ito ni Jesus ay tumutukoy rin sa isang grupong pinagkakatiwalaan. Sa kaparehong ilustrasyon na nasa Mat 24:45, ang aliping ito ay tinawag na “ang tapat at matalinong alipin.”
aliping iyon: Ang alipin sa talatang ito ay ang katiwalang binabanggit sa Luc 12:42. Kung ang “aliping iyon” ay tapat, gagantimpalaan siya. (Luc 12:43, 44) Pero kung hindi siya tapat, paparusahan siya “nang napakatindi.” (Luc 12:46) Ang pananalitang ito ni Jesus ay babala para sa tapat na katiwala. Sa kaparehong ilustrasyon sa Mat 24:45-51, hindi sinasabi ni Jesus na magiging “masama ang aliping iyon” o na may aatasan siyang ‘masamang alipin.’ Sa halip, binababalaan niya ang tapat na alipin sa mangyayari kung magkakaroon ito ng mga katangiang gaya ng sa isang masamang alipin.
aliping iyon: Ang katiwalang binanggit sa talata 42 ay tinawag ditong ‘alipin.’ (Tingnan ang study note sa Luc 12:42.) Kung ang “aliping iyon” ay tapat, gagantimpalaan siya. (Luc 12:44) Sa kaparehong ulat sa Mat 24:45-47, ang katiwalang ito ay tinatawag na “tapat at matalinong alipin.”—Tingnan ang study note sa Luc 12:45.
aliping iyon: Ang alipin sa talatang ito ay ang katiwalang binabanggit sa Luc 12:42. Kung ang “aliping iyon” ay tapat, gagantimpalaan siya. (Luc 12:43, 44) Pero kung hindi siya tapat, paparusahan siya “nang napakatindi.” (Luc 12:46) Ang pananalitang ito ni Jesus ay babala para sa tapat na katiwala. Sa kaparehong ilustrasyon sa Mat 24:45-51, hindi sinasabi ni Jesus na magiging “masama ang aliping iyon” o na may aatasan siyang ‘masamang alipin.’ Sa halip, binababalaan niya ang tapat na alipin sa mangyayari kung magkakaroon ito ng mga katangiang gaya ng sa isang masamang alipin.
paparusahan siya nang napakatindi: Lit., “hahatiin siya sa dalawa.” Maliwanag na hindi naman literal ang ibig sabihin nito; nangangahulugan lang ito ng matinding parusa.
paparusahan siya nang napakatindi: Tingnan ang study note sa Mat 24:51.
magpasimula ng apoy: Nangangahulugan ito na noong dumating si Jesus, dumaan sa maigting na panahon ang mga Judio. Nagpasimula si Jesus ng apoy nang magbangon siya ng mga isyu na naging dahilan ng mainitang pagtatalo at tumupok sa maraming maling turo at paniniwala. Halimbawa, naniniwala ang mga Judio na pagdating ng Mesiyas sa lupa, palalayain niya ang Israel mula sa pamamahala ng Roma, pero hindi niya iyon ginawa. Namatay pa nga siya sa kahiya-hiyang paraan. Sa masigasig na pangangaral niya, laging itinuturo ni Jesus ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, at pinagmulan ito ng mainitang pagtatalo sa buong bansa.—1Co 1:23.
kahuli-hulihang sentimo: Lit., “kahuli-hulihang lepton.” Ang salitang Griego na le·ptonʹ ay nangangahulugang isang bagay na maliit at manipis. Ang isang lepton ay katumbas ng 1/128 ng isang denario, at lumilitaw na ito ang pinakamaliit na baryang tanso o bronse na ginagamit sa Israel.—Tingnan sa Glosari, “Lepton,” at Ap. B14.
Media

Ang Lambak ng Hinom (1), na tinatawag na Gehenna sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang Bundok ng Templo (2). Ito ang lokasyon ng templo ng mga Judio noong unang siglo. Ang pinakaprominenteng istraktura sa ngayon sa bundok ng templo ay ang dambana ng mga Muslim na tinatawag na Dome of the Rock.—Tingnan ang mapa sa Apendise B12.

Ang uwak ang unang ibon na espesipikong binanggit sa Bibliya. (Gen 8:7) Nakakatagal ito sa paglipad, at isa ito sa mga ibong mapamaraan at kayang mabuhay sa mahihirap na kalagayan. Nang turuan ni Jehova si Job ng aral tungkol sa karunungang makikita sa paglalang, sinabi Niya na “naghahanda [Siya] ng pagkain para sa uwak.” (Job 38:41) Ipinakita ng salmista na si Jehova ang naglalaan ng pagkaing ibinibigay ng uwak para mapakain ang gutóm na mga inakáy nito. (Aw 147:9) Ginamit din ni Jesus ang mga uwak para tiyakin sa mga tagasunod niya na ang Diyos na naglalaan sa mga ibong ito ay siguradong maglalaan din ng pangangailangan ng mga lingkod Niya sa lupa. Sa tipang Kautusan, marumi ang uwak at hindi puwedeng kainin. (Lev 11:13, 15) Dahil naglalaan ang Diyos para sa maruruming uwak, makakasigurado tayo na hindi niya pababayaan ang mga nagtitiwala sa kaniya.

Hinimok ni Jesus ang mga alagad niya na ‘tingnan kung paano tumutubo ang mga liryo’ at “matuto” mula sa mga ito. Ang orihinal na salitang isinaling “liryo” sa mga salin ng Bibliya ay tumutukoy sa iba’t ibang uri ng bulaklak, gaya ng tulip, anemone, hyacinth, iris, at gladiolus. Ayon sa ilang iskolar, malamang na anemone ang nasa isip ni Jesus. Pero posibleng ang tinutukoy ni Jesus ay ang anumang bulaklak na parang liryo. Makikita sa larawan ang scarlet crown anemone (Anemone coronaria). Ang mga bulaklak na ito ay karaniwan sa Israel, at mayroon ding asul, kulay-rosas, kulay-ube, o puti.