Ayon kay Lucas 19:1-48

19  Pagkatapos, nakarating siya sa Jerico at dumaan doon.  Naroon ang lalaking si Zaqueo; isa siyang pinuno ng mga maniningil ng buwis, at mayaman siya.  Sinikap niyang makita kung sino ang Jesus na ito, pero sa dami ng tao, hindi niya iyon magawa dahil maliit siya.  Kaya tumakbo siya para unahan ang mga tao at umakyat sa puno ng sikomoro* para makita niya si Jesus, na malapit nang dumaan doon.  Pagdating doon ni Jesus, tumingala siya at sinabi niya: “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.”  Kaya nagmadali siyang bumaba, at malugod niyang tinanggap si Jesus sa bahay niya.  Nang makita nila ito, nagbulong-bulungan sila: “Tumuloy siya sa bahay ng isang taong makasalanan.”+  Pero tumayo si Zaqueo, at sinabi niya sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mahihirap ang kalahati ng mga pag-aari ko, at ibabalik ko sa mga tao nang apat na beses ang halagang kinikil ko sa kanila.”+  Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa pamilyang ito, dahil ang taong ito ay anak din ni Abraham. 10  Dahil dumating ang Anak ng tao para hanapin at iligtas ang nawala.”+ 11  Habang nakikinig sila, nagbigay siya ng isa pang ilustrasyon, dahil malapit na siya sa Jerusalem at inaakala nilang agad nilang makikita ang Kaharian ng Diyos.+ 12  Kaya sinabi niya: “Isang taong ipinanganak na maharlika ang pumunta sa isang malayong lupain+ para makakuha ng kapangyarihan bilang hari, at pagkatapos ay babalik siya. 13  Bago umalis, tinawag niya ang 10 sa mga alipin niya at binigyan sila ng 10 mina at sinabi, ‘Gamitin ninyo sa negosyo ang mga ito hanggang sa dumating ako.’+ 14  Pero ayaw sa kaniya ng mga kababayan niya, at nagsugo sila ng isang grupo ng mga embahador para sabihin sa kaniya, ‘Ayaw naming maghari ka sa amin.’ 15  “Nang makabalik siya matapos na makuha ang kapangyarihan bilang hari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan niya ng pera para alamin kung magkano ang kinita nila sa pagnenegosyo.+ 16  Kaya lumapit ang una at nagsabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng 10 mina.’+ 17  Sinabi ng panginoon, ‘Mahusay, mabuting alipin! Dahil pinatunayan mong tapat ka sa napakaliit na bagay, bibigyan kita ng awtoridad sa 10 lunsod.’+ 18  Dumating ang ikalawa at nagsabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng limang mina.’+ 19  Sinabi naman niya sa isang ito, ‘Bibigyan kita ng awtoridad sa limang lunsod.’ 20  Pero may isa pang dumating at nagsabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina, na ibinalot ko sa tela at itinago. 21  Natatakot kasi ako sa iyo dahil mabagsik ka; kinukuha mo ang hindi mo idineposito, at inaani mo ang hindi mo itinanim.’+ 22  Sinabi ng panginoon, ‘Gagamitin ko ang sarili mong salita para hatulan ka, masamang alipin. Alam mo palang mabagsik ako at kinukuha ko ang hindi ko idineposito at inaani ang hindi ko itinanim.+ 23  Kaya bakit hindi mo inilagay sa bangko ang pera ko? May nakuha sana akong interes pagdating ko.’ 24  “Kaya sinabi niya sa mga nakatayo sa malapit, ‘Kunin ninyo sa kaniya ang mina at ibigay ito sa may 10 mina.’+ 25  Pero sinabi nila, ‘Panginoon, 10 na ang mina niya!’— 26  ‘Sinasabi ko sa inyo, ang bawat isa na mayroon ay bibigyan pa, pero ang sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin.+ 27  Isa pa, dalhin ninyo rito ang mga kaaway kong ayaw na maghari ako sa kanila, at patayin ninyo sila sa harap ko.’” 28  Pagkasabi nito, nagpatuloy siya sa paglalakbay papuntang* Jerusalem. 29  Nang malapit na siya sa Betfage at Betania sa bundok na tinatawag na Bundok ng mga Olibo,+ isinugo niya ang dalawa sa mga alagad niya+ 30  at sinabi: “Pumunta kayo sa nayon na abot-tanaw ninyo, at pagdating ninyo roon, may makikita kayong isang bisiro na nakatali at hindi pa nasasakyan ng sinuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 31  Pero kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon.’” 32  Kaya umalis ang mga isinugo at nakita nila ito gaya ng sinabi niya sa kanila.+ 33  Pero habang kinakalagan nila ang bisiro, sinabi sa kanila ng mga may-ari nito: “Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?” 34  Sinabi nila: “Kailangan ito ng Panginoon.” 35  At dinala nila iyon kay Jesus, at ipinatong nila sa bisiro ang mga balabal nila at pinasakay si Jesus.+ 36  Habang dumadaan siya, inilalatag ng mga tao ang mga balabal nila sa daan.+ 37  Nang malapit na siya sa daan pababa sa Bundok ng mga Olibo, nagsaya ang lahat ng alagad niya at sumigaw ng papuri sa Diyos dahil sa lahat ng makapangyarihang gawa na nakita nila. 38  Sinasabi nila: “Pinagpala siya na dumarating bilang Hari sa pangalan ni Jehova! Kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa mga kaitaasan!”+ 39  Pero sinabi ng ilan sa mga Pariseo na naroon: “Guro, sawayin mo ang mga alagad mo.”+ 40  Pero sumagot siya: “Sinasabi ko sa inyo, kung mananahimik sila, ang mga bato ang sisigaw.” 41  Nang malapit na siya sa lunsod, tinanaw niya ito at iniyakan.+ 42  Sinabi niya: “Kung naunawaan mo lang sana ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan+—pero itinago na ang mga iyon mula sa iyong paningin.+ 43  Dahil darating ang araw na ang mga kaaway mo ay magtatayo sa paligid mo ng kutang may matutulis na tulos, at papalibutan ka nila at lulusubin* mula sa lahat ng panig.+ 44  Ikaw at ang mga naninirahan* sa loob mo ay dudurugin,+ at wala silang ititira sa iyo na magkapatong na bato,+ dahil hindi ka nagbigay-pansin sa panahon ng pagsisiyasat sa iyo.” 45  Pumasok siya sa templo at pinalayas ang mga nagtitinda.+ 46  Sinabi niya: “Nasusulat, ‘Ang bahay ko ay tatawaging bahay-panalanginan,’+ pero ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”+ 47  Patuloy siyang nagturo sa templo araw-araw. Pero naghahanap ng pagkakataon ang mga punong saserdote, mga eskriba, at mga pinuno ng bayan para patayin siya;+ 48  gayunman, wala silang makitang pagkakataon, dahil laging nakasunod sa kaniya ang buong bayan para makinig.+

Talababa

O “igos-mulberi.”
Lit., “paakyat ng.”
O “pipighatiin.”
Lit., “mga anak.”

Study Notes

Zaqueo: Mula sa pangalang Hebreo at posibleng mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “malinis; dalisay.” Lumilitaw na si Zaqueo ang pinuno ng mga maniningil ng buwis sa Jerico at sa palibot nito. Mataba ang lupa at sagana ang ani sa distritong malapit sa lunsod na ito, kaya malaki ang nakokolektang buwis. Mayaman si Zaqueo, at makikita sa mga sinabi niya (Luc 19:8) na kuwestiyunable ang pinagmulan ng ilang bahagi ng yaman niya.

mag-akusa ng di-totoo: Ang terminong Griego na isinaling “mag-akusa ng di-totoo” (sy·ko·phan·teʹo) na ginamit dito ay isinaling “kinikil” o “kinikil . . . sa pamamagitan ng di-totoong akusasyon” sa Luc 19:8. (Tingnan ang study note sa Luc 19:8.) Sinasabing ang literal na kahulugan ng pandiwang ito ay “kunin sa pamamagitan ng pagpapakita ng igos.” Iba-iba ang paliwanag sa pinagmulan ng salitang ito. Ito ang isa: Sa Atenas noon, ipinagbabawal ang pagluluwas ng igos. Kaya kapag pinagbibintangan ng isang tao ang kapuwa niya na nagtatangkang magluwas ng igos, tinatawag siyang “tagapagpakita ng igos.” Nang maglaon, ginamit na ang terminong ito para tumukoy sa nag-aakusa sa iba ng di-totoo para sa pakinabang, o blackmailer.

apat na beses: Malamang na kayang kalkulahin ni Zaqueo mula sa rekord niya kung magkano ang nakolekta niyang buwis sa mga Judio, at nangako siya na ibabalik niya ito nang apat na beses. Di-hamak na mas malaki iyon kaysa sa hinihiling ng Kautusan ng Diyos. Kapag nagsisisi ang isang mandaraya at umamin sa kasalanan, hinihiling ng Kautusan na ibalik niya ang buong halaga ng kinikil niya at “magdaragdag pa siya ng sangkalima [o, 20 porsiyento]” nito. Pero sinabi ni Zaqueo na ibabalik niya ito nang apat na beses. Dahil talagang nagsisisi siya, nagpakita siya ng pag-ibig sa mahihirap at katarungan sa mga naaapi.​—Lev 6:2-5; Bil 5:7.

kinikil ko: O “kinikil ko sa pamamagitan ng di-totoong akusasyon.”​—Tingnan ang study note sa Luc 3:14.

ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.

ilustrasyon: O “talinghaga.”​—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

Kaharian: Unang paglitaw ng salitang Griego na ba·si·leiʹa, na tumutukoy sa pamahalaan, pati na sa teritoryo at mga taong pinamamahalaan, ng isang hari. Sa 162 paglitaw ng salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, 55 ang nasa Mateo at karamihan sa mga ito ay tumutukoy sa pamamahala ng Diyos mula sa langit. Dahil sa dalas ng paggamit ni Mateo sa terminong ito, matatawag ang Ebanghelyo niya na Ebanghelyo ng Kaharian.—Tingnan sa Glosari, “Kaharian ng Diyos.”

ang Kahariang: Sa Bibliya, ang terminong “kaharian” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang bagay, gaya ng “rehiyon o bansa na pinamumunuan ng isang hari,” “kapangyarihan bilang hari,” “teritoryong nasasakupan,” at “pagiging sakop ng isang hari.” Dito, lumilitaw na tumutukoy ito sa pagtanggap ng mga pagpapala ng pagiging sakop ng Kaharian ng Diyos at pamumuhay sa teritoryong sakop nito.

para makakuha ng kapangyarihan bilang hari: O “para makakuha ng kaharian.” Ang salitang Griego na ba·si·leiʹa, na madalas isaling “kaharian,” ay may malawak na kahulugan at karaniwan nang tumutukoy sa pamahalaan, pati na sa teritoryo at mga taong pinamamahalaan, ng isang hari. (Tingnan ang study note sa Mat 3:2; 25:34.) Puwede rin itong tumukoy sa posisyon bilang hari, pati na sa kasama nitong karangalan, kapangyarihan, at awtoridad. Sa Imperyo ng Roma, karaniwan sa isang maharlika na magpunta sa Roma para makakuha ng kapangyarihan bilang hari. Nang marinig ng mga tao ang talinghaga ni Jesus, malamang na naalala nila si Arquelao na anak ni Herodes na Dakila. Bago mamatay si Herodes na Dakila, itinalaga niya si Arquelao bilang kasunod na tagapamahala sa Judea at sa iba pang lugar. Pero para mapagtibay ang awtoridad na ibinigay sa kaniya, kailangan munang magpunta ni Arquelao sa malayong lupain ng Roma para makuha ang pagsang-ayon ni Cesar Augusto.

mina: Ang Griegong mina ay hindi barya kundi yunit ng timbang na mga 340 g, at ayon sa mga manunulat na Griego noon, katumbas ito ng mga 100 drakma. Halos isang denario ang halaga ng isang drakma, kaya malaki-laking halaga rin ang isang mina. (Tingnan sa Glosari, “Denario.”) Magkaiba ang Griegong mina at Hebreong mina.​—Tingnan sa Glosari at Ap. B14.

para makakuha ng kapangyarihan bilang hari: O “para makakuha ng kaharian.” Ang salitang Griego na ba·si·leiʹa, na madalas isaling “kaharian,” ay may malawak na kahulugan at karaniwan nang tumutukoy sa pamahalaan, pati na sa teritoryo at mga taong pinamamahalaan, ng isang hari. (Tingnan ang study note sa Mat 3:2; 25:34.) Puwede rin itong tumukoy sa posisyon bilang hari, pati na sa kasama nitong karangalan, kapangyarihan, at awtoridad. Sa Imperyo ng Roma, karaniwan sa isang maharlika na magpunta sa Roma para makakuha ng kapangyarihan bilang hari. Nang marinig ng mga tao ang talinghaga ni Jesus, malamang na naalala nila si Arquelao na anak ni Herodes na Dakila. Bago mamatay si Herodes na Dakila, itinalaga niya si Arquelao bilang kasunod na tagapamahala sa Judea at sa iba pang lugar. Pero para mapagtibay ang awtoridad na ibinigay sa kaniya, kailangan munang magpunta ni Arquelao sa malayong lupain ng Roma para makuha ang pagsang-ayon ni Cesar Augusto.

pera: Lit., “pilak,” ang pilak na ginagamit na pera noon.

kapangyarihan bilang hari: O “kaharian.”​—Tingnan ang study note sa Luc 19:12.

pera: Tingnan ang study note sa Mat 25:18.

pera: Lit., “pilak,” ang pilak na ginagamit na pera noon.

bangko: Sa talinghaga ng mga mina sa Ebanghelyo ni Lucas at sa ilustrasyon ng mga talento sa Ebanghelyo ni Mateo, parehong binanggit ni Jesus ang mga bangko na nagbibigay ng interes sa perang idinedeposito sa mga ito. (Mat 25:14-30; Luc 19:12-27) Ang salitang Griego na traʹpe·za, isinalin ditong “bangko,” ay literal na nangangahulugang “mesa.” (Mat 15:27) Kapag iniuugnay ito sa pananalapi, tumutukoy ito sa isang mesa na ginagamit ng mga tagapagpalit ng pera. (Mat 21:12; Mar 11:15; Ju 2:15) Noong unang siglo C.E., maraming nagpapautang, o mga bangko, sa Israel at sa nakapalibot na mga bansa.

pera: Tingnan ang study note sa Mat 25:18.

interes: Pinagbabawalan ng Kautusan ang mga Israelita na magpautang nang may interes sa mahihirap na Judio. (Exo 22:25) Pero puwedeng magpatong ng interes sa utang ng mga dayuhan, na malamang na gagamitin ng mga ito para sa negosyo. (Deu 23:20) Noong panahon ni Jesus, lumilitaw na karaniwang nakakakuha ng interes sa perang idineposito sa mga nagpapautang.

—: Hindi binanggit sa teksto na iba na ang nagsasalita sa sumunod na talata, kaya ginamitan ito ng gatlang. Sa talata 26, ang panginoon na ng mga alipin ang nagsasalita.

Betfage: Ang pangalan ng nayong ito na nasa Bundok ng mga Olibo ay mula sa salitang Hebreo, na posibleng nangangahulugang “Bahay ng mga Unang Igos.” Ito ay pinaniniwalaang nasa pagitan ng Jerusalem at Betania sa timog-silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo, malapit sa tuktok nito, mga 1 km (wala pang 1 mi) mula sa Jerusalem.—Mar 11:1; Luc 19:29; tingnan ang Ap. A7, Mapa 6.

Betania: Nayon sa timog-silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo na mga 3 km (2 mi) mula sa Jerusalem. (Ju 11:18) Lumilitaw na ang bahay nina Marta, Maria, at Lazaro sa nayong ito ang pinakatirahan ni Jesus sa Judea. (Ju 11:1) Sa ngayon, nasa lokasyon nito ang isang maliit na nayon na may pangalang Arabiko na nangangahulugang “Lugar ni Lazaro.”

Betfage: Tingnan ang study note sa Mat 21:1.

Betania: Tingnan ang study note sa Mat 21:17.

isang asnong nakatali, kasama ang isang bisiro: Sa ulat lang ni Mateo parehong binanggit ang asno at bisiro. (Mar 11:2-7; Luc 19:30-35; Ju 12:14, 15) Lumilitaw na isang hayop lang ang binanggit nina Marcos, Lucas, at Juan dahil sa bisiro lang naman sumakay si Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 21:5.

bisiro: Anak ng asno. Bisiro lang ang binanggit nina Marcos, Lucas (19:35), at Juan (12:14, 15) nang iulat nila ang pangyayaring ito. Pero mababasa sa ulat ni Mateo (21:2-7) na naroon din ang magulang na asno.—Tingnan ang study note sa Mat 21:2, 5.

bisiro: Tingnan ang study note sa Mat 21:2; Mar 11:2.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 118:26, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

ang mga bato ang sisigaw: Ipinapakita sa konteksto na ang tinutukoy ni Jesus ay ang isinisigaw ng mga alagad niya na hindi nagustuhan ng mga Pariseo. (Luc 19:37-39) Isinisigaw ng mga alagad ang nasa Aw 118:26. Ang awit na iyan ay isa ring hula na siguradong matutupad sa pagkakataong iyon, dahil hindi babalik kay Jehova ang mga salita niya “nang walang resulta.” (Isa 55:11) Kung nanahimik ang mga alagad noon, ang mga bato ang sisigaw para matupad ang hulang ito.

iniyakan: Ang salitang Griego para sa “iniyakan” ay madalas na tumutukoy sa pag-iyak nang malakas.

kutang may matutulis na tulos: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang Griego na khaʹrax. Tumutukoy ito sa isang “tulos; matulis na patpat o poste na ginagamit na pambakod” at sa “bakod na ginagawa ng mga sundalo gamit ang mga tulos.” Natupad ang sinabi ni Jesus noong 70 C.E., nang ang mga Romano, sa pangunguna ni Tito, ay magtayo ng pader, o bakod, sa palibot ng Jerusalem. Tatlong bagay ang gustong mangyari ni Tito​—hindi makatakas ang mga Judio, pasukuin sila, at gutumin sila hanggang sa mapilitan silang sumuko. Para makakuha ng materyal na gagamitin sa paggawa ng bakod, kinalbo ng mga sundalong Romano ang kagubatan malapit sa Jerusalem.

walang matitirang magkapatong na bato rito: Kahanga-hanga ang katuparan ng hulang ito ni Jesus noong 70 C.E. nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem at ang templo nito. Maliban sa iilang bahagi ng pader, lubusang gumuho ang lunsod.

wala silang ititira sa iyo na magkapatong na bato: Tingnan ang study note sa Mat 24:2.

panahon ng pagsisiyasat sa iyo: O “itinakdang panahon ng pagsisiyasat sa iyo.” Ang salitang Griego na e·pi·sko·peʹ (pagsisiyasat; pagdalaw) ay kaugnay ng mga salitang e·piʹsko·pos (tagapangasiwa) at e·pi·sko·peʹo (bantayan; tingnang mabuti) at puwedeng magkaroon ng positibo o negatibong kahulugan. Para sa di-tapat na mga Judio na hindi nagbigay-pansin sa panahon ng pagsisiyasat noong panahon ng ministeryo ni Jesus, tatanggap sila ng mabigat na hatol mula sa Diyos. Pero ang mga nagbigay-pansin sa panahon ng pagsisiyasat at nagsisi at nanampalataya sa Diyos ay tatanggap ng pagsang-ayon niya. Ito rin ang salitang Griego na ginamit ng Septuagint sa Isa 10:3 at Jer 10:15 sa ekspresyong Hebreo para sa “araw ng pagtutuos (paghatol; parusa).”

templo: Posibleng tumutukoy sa bahagi ng templo na tinatawag na Looban ng mga Gentil.—Tingnan ang Ap. B11.

templo: Tingnan ang study note sa Mat 21:12.

pinalayas ang mga nagtitinda: Noong Nisan 10, 33 C.E., nilinis ni Jesus ang templo sa ikalawang pagkakataon. Ang pangyayaring ito ay iniulat sa Ebanghelyo nina Mateo (21:12-17), Marcos (11:15-18), at Lucas. Nangyari ang unang paglilinis noong Paskuwa ng 30 C.E., at nakaulat ito sa Ju 2:13-17.

pugad ng mga magnanakaw: O “kuweba ng mga magnanakaw.” Nasa isip ni Jesus ang nasa Jer 7:11. Malamang na tinawag niyang “magnanakaw” ang mga mangangalakal at tagapagpalit ng pera dahil masyadong mataas ang sinisingil nila sa pagbebenta ng hayop na panghandog at sa pagpapalit ng pera. Galit na galit din si Jesus dahil ang bahay-panalanginan ni Jehova, o lugar ng pagsamba sa kaniya, ay ginawang lugar ng negosyo.

pugad ng mga magnanakaw: Tingnan ang study note sa Mat 21:13.

Media

Puno ng Sikomoro
Puno ng Sikomoro

Ang puno ng sikomoro, o igos-mulberi (Ficus sycomorus), ay isang beses lang binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa ulat tungkol sa pagpunta ni Jesus sa Jerico noong tagsibol ng 33 C.E. (Luc 19:1-10) Kapamilya ng punong ito ang puno ng igos at puno ng mulberi, pero naiiba ito sa sikomoro ng North America. Ang bunga ng sikomoro ay kahawig ng bunga ng igos. Tumataas ang sikomoro nang 10 hanggang 15 m (33 hanggang 50 ft), matibay ito, at puwede itong mabuhay nang daan-daang taon. Matatagpuan ito sa Lambak ng Jordan, at mababasa sa Hebreong Kasulatan na marami ring ganitong puno sa Sepela sa pagitan ng mga kapatagang malapit sa dagat at ng mga burol sa Judea. (1Ha 10:27; 2Cr 1:15; 9:27) Nananatiling berde ang dahon nito sa buong taon, at mayabong ito kaya masarap lumilim dito. Dahil diyan, madalas itong itanim sa tabing-daan. Maikli at malapad ang katawan nito at mababa ang pagtubo ng mga sanga nito, kaya madali lang itong maaakyat ng maliit na taong gaya ni Zaqueo.

Betfage, Bundok ng mga Olibo, at Jerusalem
Betfage, Bundok ng mga Olibo, at Jerusalem

Makikita sa video na ito ang daan papuntang Jerusalem mula sa silangan, mula sa nayon na tinatawag ngayong et-Tur—ipinapalagay na ang Betfage noong panahon ng Bibliya—hanggang sa isa sa matataas na bahagi ng Bundok ng mga Olibo. Ang Betania ay nasa silangan ng Betfage na nasa silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo. Kapag nasa Jerusalem si Jesus at ang mga alagad niya, madalas silang magpalipas ng gabi sa Betania, kung saan matatagpuan ngayon ang nayon ng el-ʽAzariyeh (El ʽEizariya), pangalang Arabiko na nangangahulugang “Lugar ni Lazaro.” Tiyak na tumuloy si Jesus sa bahay nina Marta, Maria, at Lazaro. (Mat 21:17; Mar 11:11; Luc 21:37; Ju 11:1) Kapag nanggagaling si Jesus mula sa bahay nila papuntang Jerusalem, posibleng ang dinadaanan niya ay kagaya ng rutang makikita sa video. Noong Nisan 9, 33 C.E., nang umakyat si Jesus sa Bundok ng mga Olibo papuntang Jerusalem sakay ng anak ng asno, posibleng nagsimula siya sa Betfage at dumaan sa kalsadang papunta sa Jerusalem.

1. Daan mula sa Betania papuntang Betfage

2. Betfage

3. Bundok ng mga Olibo

4. Lambak ng Kidron

5. Bundok ng Templo

Bisiro, o Batang Asno
Bisiro, o Batang Asno

Ang asno ay kapamilya ng kabayo at may matigas na paa; pero mas maliit ito, mas maigsi ang buhok sa batok, at mas mahaba ang tainga kaysa sa kabayo. Mas maigsi rin ang buhok nito sa buntot, at ang dulong bahagi lang ng buntot nito ang makapal ang balahibo. Kahit madalas gamitin ang asno para ilarawan ang kamangmangan at katigasan ng ulo, mas matalino ito kaysa sa kabayo at karaniwan nang matiisin. Sumasakay sa asno ang mga lalaki at babae, kahit pa ang prominenteng mga Israelita. (Jos 15:18; Huk 5:10; 10:3, 4; 12:14; 1Sa 25:42) Noong hihirangin na si Solomon bilang hari, sumakay siya sa alaga ng kaniyang amang si David, sa isang babaeng mula na anak ng kabayo at lalaking asno. (1Ha 1:33-40) Dahil si Jesus ang mas dakilang Solomon, tinupad niya ang hula sa Zac 9:9 sa pamamagitan ng pagsakay sa batang asno, hindi sa kabayo.

Mga Bato Mula sa Bundok ng Templo
Mga Bato Mula sa Bundok ng Templo

Sinasabing ang mga batong ito na nasa timugang bahagi ng Western Wall ay mula sa mga istraktura sa bundok ng templo noong unang siglo. Iniwan ito para maging paalaala ng malagim na pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito sa kamay ng mga Romano.