Ayon kay Mateo 7:1-29
Talababa
Study Notes
Huwag na kayong humatol: O “Huwag na kayong manghusga.” Alam ni Jesus na may tendensiyang maging mapanghusga ang mga taong di-perpekto at na ganiyan ang maraming Pariseo noong panahon niya. Hinuhusgahan nila ang mga hindi namumuhay kaayon ng Kautusang Mosaiko at ang mga hindi sumusunod sa di-makakasulatang tradisyon na itinataguyod ng mga Pariseo. Iniutos ni Jesus na tumigil na sa panghuhusga ang mga nasanay sa paggawa nito. Sa halip na patuloy na hanapan ng mali ang iba, ang mga alagad ni Jesus ay dapat na “patuloy na magpatawad” kapag nagkukulang ang kapuwa nila. Sa paggawa nila nito, natutulungan nila ang iba na maging mapagpatawad din.—Tingnan ang study note sa Luc 6:37.
puwing . . . troso: Gumamit si Jesus ng eksaherasyon para ilarawan ang isang tao na mapamuna sa kapatid niya. Inihambing niya ang maliit na pagkakamali sa maliit na bagay na gaya ng “puwing.” Ang salitang Griego na karʹphos ay hindi lang tumutukoy sa “puwing” kundi puwede rin sa dayami at sa isang maliit na piraso ng kahoy, kaya isinasalin ito ng ibang Bibliya na “kusot.” Ipinapahiwatig ng namumuna na ang espirituwal na paningin ng kapatid niya, kasama na ang pamantayan nito sa moral at kakayahan nitong magdesisyon, ay may depekto. Sa pagsasabing ‘Hayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ ipinagmamalaki niyang kuwalipikado siyang tumulong sa kapatid niya na makakita nang mas malinaw at makapagdesisyon nang tama. Pero sinabi ni Jesus na ang espirituwal na paningin ng namumuna ang may depekto dahil sa makasagisag na “troso,” o biga na ginagamit para sa bubong ng bahay. (Mat 7:4, 5) Sinasabi ng ilan na ang mapuwersang paghahambing na ito, na nakakatawa pa nga, ay nagpapahiwatig na pamilyar si Jesus sa trabaho ng karpintero.
kapatid mo: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na a·del·phosʹ (kapatid) ay tumutukoy sa kapatid sa espirituwal, ibig sabihin, kapuwa mananamba ng Diyos. Pero ang termino ay puwede ring tumukoy sa kapuwa tao.—Tingnan ang study note sa Mat 5:23.
Mapagpanggap!: O “Mapagkunwari!” Sa Mat 6:2, 5, 16, ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang mga Judiong lider ng relihiyon. Pero dito, tinutukoy niya ang sinumang alagad na nagpopokus sa pagkakamali ng kapuwa niya pero binabale-wala naman ang sariling pagkakamali.
ibigay sa mga aso ang anumang banal . . . ihagis sa mga baboy ang inyong mga perlas: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang mga baboy at aso ay marumi. (Lev 11:7, 27) Puwedeng ibigay sa aso ang laman ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop. (Exo 22:31) Pero ipinagbabawal ng tradisyong Judio na ibigay sa aso ang “banal na karne,” o karne ng hayop na inihandog. Sa Mat 7:6, ang mga terminong “aso” at “baboy” ay tumutukoy sa mga taong hindi mapagpahalaga sa espirituwal na kayamanan. Kung paanong walang halaga sa baboy ang perlas at puwede nitong saktan ang nagbigay nito, puwede ring saktan ng mga hindi nagpapahalaga sa espirituwal na kayamanan ang nagbibigay nito sa kanila.
Patuloy kayong humingi . . . maghanap . . . kumatok: Ang terminong “patuloy” ay nagpapakita ng tuloy-tuloy na pagkilos, gaya ng ipinapahiwatig ng anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito. Kaya ipinapakita nitong kailangan ng patuloy na pananalangin. Gumamit dito ng tatlong pandiwa bilang pagdiriin. Iyan din ang aral na itinuturo ni Jesus sa ilustrasyon niya sa Luc 11:5-8.
bato . . . tinapay: Posibleng pinagkukumpara ni Jesus ang tinapay at bato dahil ang tinapay ay karaniwang pagkain ng mga Judio at ng mga tao sa nakapalibot na mga bansa, at posibleng ang tinapay ay kasinlaki at kahugis ng mga bato. Ang sagot sa retorikal na tanong ni Jesus ay: “Imposibleng gawin iyon ng isang ama.”—Tingnan ang study note sa Mat 7:10.
ahas . . . isda: Ang isda ay karaniwang pagkain ng mga nakatira sa palibot ng Lawa ng Galilea. Posibleng may maliliit na ahas na kahawig ng isda na kadalasang kinakain kasama ng tinapay. Ipinapakita ng retorikal na tanong na ito na imposibleng gawin ng isang mapagmahal na magulang ang ganoong bagay.
kayo na makasalanan: Lit., “kayo na masama.” Dahil sa minanang kasalanan, lahat ng tao ay hindi perpekto at maituturing na masama.
lalo pa nga: Madalas gumamit si Jesus ng ganitong pangangatuwiran. Magsasabi muna siya ng isang pamilyar na katotohanan at saka siya maghaharap ng nakakakumbinsing argumento batay sa katotohanang iyon. Nagtuturo siya ng isang mahalagang aral gamit ang isang simpleng katotohanan.—Mat 10:25; 12:12; Luc 11:13; 12:28.
Kautusan at mga Propeta: Tingnan ang study note sa Mat 5:17.
Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan: Noon, kailangang dumaan sa isang lansangan at pintuang-daan para makapasok sa isang napapaderang lunsod. Ginagamit sa Bibliya ang terminong daan o “landas” para ilarawan ang pamumuhay at paggawi ng mga tao. Ang dalawang magkaibang daan na ito ay lumalarawan sa pamumuhay na kalugod-lugod o hindi kalugod-lugod sa Diyos. Makakapasok sa Kaharian ng Diyos ang isang tao depende sa daang pipiliin niya.—Aw 1:1, 6; Jer 21:8; Mat 7:21.
maluwang ang pintuang-daan at malapad ang daang: Sa ilang manuskrito, ang mababasa ay “malapad at maluwang ang daan,” pero mas maraming lumang manuskrito ang sumusuporta sa mas mahabang parirala, at mas malinaw ang koneksiyon nito sa Mat 7:14.—Tingnan ang Ap. A3.
nakadamit-tupa: Mga nagpapanggap na may mga katangian silang tulad ng sa tupa para magmukhang mabuting miyembro ng “kawan” ng Diyos.
hayok na mga lobo: Metapora na tumutukoy sa mga sobrang sakim at nananamantala ng iba para sa personal na pakinabang.
bunga: Dito, tumutukoy ito sa mismong ginagawa at sinasabi ng mga tao o sa resulta ng ginagawa at sinasabi nila.
Masama: Tingnan ang study note sa Mat 24:12.
matalinong: Tingnan ang study note sa Mat 24:45.
bumuhos ang ulan, bumaha, at humihip ang hangin: Ang biglaang pagbagyo sa panahon ng taglamig ay karaniwan sa Israel (lalo na sa buwan ng Tebet, o Disyembre/Enero). Nagdudulot ito ng malakas na hangin at ulan at pagragasa ng tubig.—Tingnan ang Ap. B15.
namangha: Ang pandiwang Griego para dito ay nangangahulugang “humanga nang sobra-sobra.” Ang pandiwang ginamit dito ay nasa anyong patuluyan na nagpapakitang nagkaroon ng matagal na epekto sa mga tao ang mga sinabi niya.
paraan niya ng pagtuturo: Tumutukoy sa kung paano nagturo si Jesus, kasama na ang mismong itinuro niya, ang lahat ng itinuro niya sa Sermon sa Bundok.
hindi gaya ng kanilang mga eskriba: Imbes na sipiin ni Jesus ang sinasabi ng mga iginagalang na rabbi, gaya ng kaugalian ng mga eskriba, nagsalita siya bilang kinatawan ni Jehova, bilang isang tao na may awtoridad; at Salita ng Diyos ang ginagamit niyang batayan.—Ju 7:16.
Media

Karaniwan nang sa gabi naghahanap ng mabibiktima ang mga lobo (Canis lupus) sa Israel. (Hab 1:8) Ang mga lobo ay mabangis, matakaw, matapang, at sugapa, dahil madalas na mas marami pa ang pinapatay nilang tupa kaysa sa kaya nilang kainin o tangayin. Sa Bibliya, ang mga hayop at ang mga katangian at ginagawa ng mga ito ay madalas na ginagamit para lumarawan sa magaganda at pangit na mga katangian. Halimbawa, sa hula ni Jacob bago siya mamatay, inilarawan niya ang tribo ni Benjamin bilang mandirigmang tulad ng lobo. (Gen 49:27) Pero mas madalas na gamitin ang lobo para lumarawan sa pangit na mga katangian, gaya ng pagiging mabangis, sakim, walang awa, at tuso. Inihalintulad sa lobo ang huwad na mga propeta (Mat 7:15), mga umuusig sa mga Kristiyano (Mat 10:16; Luc 10:3), at huwad na mga guro sa loob ng kongregasyong Kristiyano na nagsasapanganib dito (Gaw 20:29, 30). Alam na alam ng mga pastol kung gaano kapanganib ang mga lobo. Sinabi ni Jesus na “kapag nakita ng taong upahan na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas.” Di-gaya ng taong upahan, na ‘walang malasakit sa mga tupa,’ si Jesus, ang “mabuting pastol,” ay nagbigay ng “buhay niya alang-alang sa mga tupa.”—Ju 10:11-13.

Pinag-isipang mabuti ni Jesus ang mga halaman na ginamit niya sa mga ilustrasyon. Halimbawa, ang puno ng igos (1) at ang punong ubas (2) ay binanggit nang magkasama sa maraming teksto, at makikita sa pananalita ni Jesus sa Luc 13:6 na ang puno ng igos ay madalas na itinatanim sa ubasan. (2Ha 18:31; Joe 2:22) Ang ‘pag-upo sa ilalim ng punong ubas at puno ng igos’ ay tumutukoy sa mapayapa, sagana, at ligtas na kalagayan. (1Ha 4:25; Mik 4:4; Zac 3:10) Binanggit naman ang matitinik na halaman nang sumpain ni Jehova ang lupa matapos magkasala si Adan. (Gen 3:17, 18) Hindi matukoy ang uri ng matinik na halaman na binanggit ni Jesus sa Mat 7:16, pero makikita sa larawan ang isang uri ng matinik na halaman (Centaurea iberica) (3) na tumutubo sa Israel.