Ayon kay Mateo 12:1-50
Talababa
Study Notes
Sabbath: Tingnan sa Glosari.
sa gitna ng bukid: Posibleng sa mga daanan ng tao sa pagitan ng mga lupang pinagtatamnan.
Ipinagbabawal: Iniutos ni Jehova sa mga Israelita na huwag magtrabaho kapag Sabbath. (Exo 20:8-10) Inaangkin ng mga Judiong lider ng relihiyon na may karapatan silang magtakda kung ano ang maituturing na trabaho kapag Sabbath. Ayon sa kanila, ang mga alagad ni Jesus ay lumabag sa Sabbath dahil nag-ani sila (pumitas) at naggiik (nagkiskis) ng mga butil. (Luc 6:1, 2) Pero lampas na iyon sa kung ano lang ang iniuutos ni Jehova.
bahay ng Diyos: Tumutukoy sa tabernakulo. Nangyari ang ulat na tinutukoy ni Jesus (1Sa 21:1-6) noong ang tabernakulo ay nasa Nob, isang bayan na lumilitaw na nasa teritoryo ng Benjamin at malapit sa Jerusalem.—Tingnan ang Ap. B7 (isiningit na mapa).
bahay ng Diyos: Tingnan ang study note sa Mar 2:26.
tinapay na panghandog: O “tinapay na pantanghal.” Ang ekspresyong Hebreo na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “tinapay ng mukha.” Ang tinapay ay nasa harap ni Jehova bilang regular na handog sa kaniya.—Exo 25:30; tingnan sa Glosari at Ap. B5.
nagpapatuloy sa gawain: O “lumalabag sa Sabbath.” Ibig sabihin, itinuturing nila ang Sabbath na gaya ng karaniwang araw. Kahit Sabbath, nagkakatay pa rin sila at gumagawa ng ibang gawaing may kaugnayan sa paghahandog ng hayop.—Bil 28:9, 10.
Sumasagisag ito sa: Lit., “Ito ang.” Ang salitang Griego na e·stinʹ na ginamit dito ay puwedeng mangahulugang “kumakatawan; nangangahulugan; sumisimbolo.” Malinaw sa mga apostol ang ibig sabihin ni Jesus, dahil sa pagkakataong ito, nasa harap nila ang perpektong katawan ni Jesus pati na ang tinapay na walang pampaalsa na kakainin nila. Kaya hindi puwedeng ang tinapay ay ang literal na katawan ni Jesus. Ginamit din ang salitang Griego na ito sa Mat 12:7, at isinalin ito sa maraming Bibliya na “kahulugan.”
ang kahulugan nito: Lit., “kung ano ito.” Ang salitang Griego dito na e·stinʹ ay nangangahulugang “ibig sabihin.”—Tingnan ang study note sa Mat 26:26.
awa at hindi hain: Tingnan ang study note sa Mat 9:13.
awa at hindi hain: Dalawang beses ginamit ni Jesus ang pananalitang ito mula sa Os 6:6 (dito at sa Mat 12:7). Si Mateo, isang kinamumuhiang maniningil ng buwis na naging malapít na kasamahan ni Jesus, ang tanging manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat ng pagsiping ito at ng ilustrasyon tungkol sa aliping walang awa. (Mat 18:21-35) Itinatampok sa Ebanghelyo niya ang pagdiriin ni Jesus na hindi lang hain ang kailangan, kundi pati ang awa.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
Panginoon ng Sabbath: Itinawag ito ni Jesus sa kaniyang sarili (Mar 2:28; Luc 6:5), na nagpapakitang puwede niyang gamitin ang Sabbath para gawin ang ipinag-uutos ng kaniyang Ama sa langit. (Ihambing ang Ju 5:19; 10:37, 38.) Ginawa ni Jesus sa araw ng Sabbath ang ilan sa pinakakahanga-hangang mga himala niya, kasama na ang pagpapagaling ng maysakit. (Luc 13:10-13; Ju 5:5-9; 9:1-14) Maliwanag na ipinapakita nito ang kaginhawahang ibibigay niya sa mga tao sa panahon ng pamamahala niya sa Kaharian; magiging gaya ito ng pahinga kapag Sabbath.—Heb 10:1.
Anak ng tao: Lumilitaw ito nang mga 80 beses sa Ebanghelyo. Ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang sarili niya, maliwanag na para idiin na isa talaga siyang tao na ipinanganak ng isang babae, at katumbas siya ni Adan, na may kapangyarihang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12, 14, 15) Ginamit din ang ekspresyong ito para tukuyin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo.—Dan 7:13, 14; tingnan sa Glosari.
kamay: Ang salitang Griego na isinaling “kamay” ay may malawak na kahulugan at puwedeng tumukoy sa braso, kamay, at mga daliri.—Tingnan din ang Mat 12:13.
lalo pa nga: Madalas gumamit si Jesus ng ganitong pangangatuwiran. Magsasabi muna siya ng isang pamilyar na katotohanan at saka siya maghaharap ng nakakakumbinsing argumento batay sa katotohanang iyon. Nagtuturo siya ng isang mahalagang aral gamit ang isang simpleng katotohanan.—Mat 10:25; 12:12; Luc 11:13; 12:28.
Di-hamak na mas: Tingnan ang study note sa Mat 7:11.
pinagbawalang sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya: Sa ibang salita, pinagbawalan niya silang sabihin sa iba kung sino siya. Alam ng masasamang espiritu na si Jesus ang “Anak ng Diyos,” at iyan ang tawag nila sa kaniya (tal. 11), pero ayaw ni Jesus na magpatotoo ang mga demonyo tungkol sa kaniya. Sila ay mga itinakwil, rebelde, napopoot sa kabanalan, at mga kaaway ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mar 1:25.) Gayundin, nang may “isang demonyo ng panghuhula” na kumontrol sa isang babae para tukuyin sina Pablo at Silas bilang “mga alipin ng Kataas-taasang Diyos” at tagapaghayag ng “daan ng kaligtasan,” pinalayas ni Pablo ang espiritung iyon mula sa babae.—Gaw 16:16-18.
pinagbawalang sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya: Tingnan ang study note sa Mar 3:12.
para matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias: Tingnan ang study note sa Mat 1:22.
para matupad ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propeta niya: Ito at ang katulad na mga ekspresyon ay lumitaw nang maraming beses sa Ebanghelyo ni Mateo, malamang na para idiin sa mga Judio ang papel ni Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas.—Mat 2:15, 23; 4:14; 8:17; 12:17; 13:35; 21:4; 26:56; 27:9.
kinalulugdan: O “sinasang-ayunan.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:17.
ko: Sa pagsiping ito sa Isa 42:1, ang salitang Griego na psy·kheʹ ang ginamit na panumbas sa salitang Hebreo na neʹphesh, at isinalin itong “ko” sa tekstong ito.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
kinalulugdan: O “sinang-ayunan.” Ginamit din ang ekspresyong iyan sa Mat 12:18, na sinipi mula sa Isa 42:1 na isang hula tungkol sa ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Ang pagbubuhos ng banal na espiritu at ang sinabi ng Diyos tungkol sa kaniyang Anak ay malinaw na mga patunay na si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 12:18.
aandap-andap na mitsa: Ang karaniwang lampara noon ay isang maliit na sisidlang luwad na may lamang langis ng olibo. Sinisipsip ng linong mitsa ang langis para magtuloy-tuloy ang apoy. Ang pananalitang Griego para sa “aandap-andap na mitsa” ay maaaring tumukoy sa mitsang umuusok dahil may baga pa, pero papahina na ang apoy o patay na. Inihula sa Isa 42:3 ang pagkamahabagin ni Jesus; hinding-hindi niya papatayin ang natitirang pag-asa ng mga mapagpakumbaba at inaapi.
maitama niya ang lahat ng mali: O “magtagumpay siya sa paglalapat ng katarungan.” Ang salitang Griego na niʹkos ay isinaling “tagumpay” sa 1Co 15:55, 57.
Beelzebub: Tumutukoy kay Satanas.—Tingnan ang study note sa Mat 10:25.
Beelzebub: Posibleng ibang anyo ng Baal-zebub, na nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng mga Langaw,” ang Baal na sinasamba ng mga Filisteo sa Ekron. (2Ha 1:3) Ginamit sa ilang manuskritong Griego ang iba pang anyo nito na Beelzeboul at Beezeboul, na posibleng nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng Marangal na Tahanan (Tirahan),” o kung iniuugnay naman sa salitang Hebreo na zeʹvel (dumi ng hayop) na hindi ginamit sa Bibliya, nangangahulugan itong “May-ari (Panginoon) ng Dumi ng Hayop.” Gaya ng ipinapakita sa Mat 12:24, tumutukoy ang terminong ito kay Satanas—ang pinuno ng mga demonyo.
pamilya: O “sambahayan.” Ang terminong Griego para sa “pamilya” ay puwedeng tumukoy sa isang pamilya o sa isang buong sambahayan; halimbawa, kasama sa sambahayan ng isang hari ang iba pang nasa palasyo niya. (Gaw 7:10; Fil 4:22) Ginamit ang terminong ito para tumukoy sa mga namamahalang dinastiya, gaya ng mga Herodes at mga Cesar, na ang mga pamilya ay karaniwan nang di-nagkakasundo at naglalabanan. Sa ulat ni Mateo, binanggit na bukod sa “pamilya,” ang lunsod na nababahagi ay mawawasak din.
Satanas: Tingnan ang study note sa Mat 4:10.
Satanas: Mula sa salitang Hebreo na sa·tanʹ, na nangangahulugang “kalaban,” o “mananalansang.”
ang magpapatunay na mali kayo: Lit., “ang magiging hukom ninyo.” Ibig sabihin, ang ginagawa ng mga tagasunod nila ang magpapawalang-saysay sa argumento ng mga Pariseo.
espiritu ng Diyos: O “aktibong puwersa ng Diyos.” Nangyari ulit ang ganitong pag-uusap sa Luc 11:20. Doon, binanggit ni Jesus ang pagpapalayas ng demonyo “sa tulong ng daliri ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa Luc 11:20.
daliri ng Diyos: Tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos, gaya ng ipinapakita sa ulat ni Mateo tungkol sa isang kahawig at naunang pag-uusap. Dito sa ulat ni Lucas, sinabi ni Jesus na pinapalayas niya ang mga demonyo “sa tulong ng daliri ng Diyos,” samantalang sa ulat ni Mateo, sinabi ni Jesus na ginagawa niya ito “sa tulong ng espiritu ng Diyos,” o ng Kaniyang aktibong puwersa.—Mat 12:28.
pamumusong: Tumutukoy sa mapanghamak, mapaminsala, o mapang-abusong pananalita laban sa Diyos o sa sagradong mga bagay. Dahil ang banal na espiritu ay nanggagaling mismo sa Diyos, ang sadyang pagkontra at hindi pagkilala sa pagkilos nito ay katumbas ng pamumusong sa Diyos. Gaya ng ipinapakita sa Mat 12:24, 28, nakita ng mga Judiong lider ng relihiyon ang pagkilos ng espiritu ng Diyos kay Jesus nang gumawa siya ng mga himala, pero sinasabi nilang nagmula ang kapangyarihang ito kay Satanas na Diyablo.
sistema: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Sinasabi ni Jesus na ang pamumusong laban sa banal na espiritu ay hindi mapapatawad sa kasalukuyang di-makadiyos na sistema sa ilalim ng pamamahala ni Satanas (2Co 4:4; Efe 2:2; Tit 2:12), pati sa darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, kung saan matutupad ang ipinangakong “buhay na walang hanggan” (Luc 18:29, 30).—Tingnan sa Glosari.
mga anak ng ulupong: Tingnan ang study note sa Mat 23:33.
Mga ahas, mga anak ng ulupong: Si Satanas, “ang orihinal na ahas” (Apo 12:9), ay ang pasimuno ng paglaban sa tunay na pagsamba. Kaya tama lang na tawagin ni Jesus ang mga lider ng relihiyon na “mga ahas, mga anak ng ulupong.” (Ju 8:44; 1Ju 3:12) Namamatay sa espirituwal ang mga taong naimpluwensiyahan ng kasamaan nila. Ginamit din ni Juan Bautista ang ekspresyong “mga anak ng ulupong.”—Mat 3:7.
taksil: Lit., “mapangalunya.” O “di-tapat.” Sa espirituwal na diwa, ang pangangalunya ay kawalang-katapatan sa Diyos ng mga nakipagtipan sa kaniya. Nilabag ng mga Israelita ang tipang Kautusan dahil nakikibahagi sila sa gawain ng huwad na relihiyon, kaya nagkasala sila ng espirituwal na pangangalunya. (Jer 3:8, 9; 5:7, 8; 9:2; 13:27; 23:10; Os 7:4) Iyan din ang dahilan kaya tinawag ni Jesus na taksil ang mga Judio noong panahon niya. (Mat 12:39; 16:4) Kung hahayaan ng mga Kristiyanong bahagi ng bagong tipan na marumhan sila ng kasalukuyang sistemang ito, magkakasala rin sila ng espirituwal na pangangalunya. Totoo rin iyan sa lahat ng nakaalay kay Jehova.—San 4:4.
taksil: Tumutukoy sa espirituwal na pangangalunya, o kawalang-katapatan sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Mar 8:38.
tanda ng propetang si Jonas: Ikinumpara ni Jonas sa pagbangon mula sa Libingan ang pagliligtas sa kaniya mula sa tiyan ng isda pagkatapos ng mga tatlong araw. (Jon 1:17–2:2) Ang pagkabuhay-muli ni Jesus mula sa literal na libingan ay tiyak na mangyayari, gaya ng pagliligtas kay Jonas mula sa tiyan ng isda. Pero kahit nabuhay-muli si Jesus pagkatapos maging patay sa loob ng tatlong araw, hindi pa rin nanampalataya sa kaniya ang mga kritikong may matitigas na puso.
tatlong araw at tatlong gabi: Ipinapakita ng ibang ulat sa Bibliya na ang pananalitang ito ay puwedeng mangahulugang mga bahagi ng tatlong araw at ang bahagi ng isang araw ay puwedeng ituring na isang buong araw.—Gen 42:17, 18; 1Ha 12:5, 12; Mat 27:62-66; 28:1-6.
reyna ng timog: Ang reyna ng Sheba. Ang kaharian niya ay sinasabing nasa timog-kanluran ng Arabia.—1Ha 10:1.
mga kapatid: Mga kapatid ni Jesus sa ina. Binanggit ang mga pangalan nila sa Mat 13:55 at Mar 6:3.—Tingnan ang study note sa Mat 13:55 para sa ibig sabihin ng terminong “kapatid.”
kapatid: Ang salitang Griego na a·del·phosʹ ay puwedeng tumukoy sa espirituwal na mga kapatid kapag ginamit sa Bibliya, pero dito, ang tinutukoy ay ang mga kapatid ni Jesus sa ina, mga nakababatang anak nina Jose at Maria. Ang mga naniniwalang nanatiling birhen si Maria pagkapanganak nito kay Jesus ay nagsasabing ang a·del·phosʹ ay tumutukoy sa mga pinsan. Pero ibang termino ang ginamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa “pinsan” (sa Griego, a·ne·psi·osʹ sa Col 4:10) at iba sa “pamangking lalaki ni Pablo” (Gaw 23:16). Sa Luc 21:16 naman, ginamit ang anyong pangmaramihan ng mga salitang Griego na a·del·phosʹ at syg·ge·nesʹ (isinaling “mga . . . kapatid, kamag-anak”). Ipinapakita ng mga halimbawang ito na ang mga termino para sa ugnayang pampamilya ay hindi basta pinagpapalit-palit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Kaya may . . . sa iyo: Ang talatang ito ay inalis sa ilang sinaunang manuskrito.
Tingnan ninyo! Ang aking ina at mga kapatid!: Ipinapakita dito ni Jesus ang kaibahan ng mga kapatid niya sa espirituwal, ang kaniyang mga alagad, sa mga kapatid niya sa dugo, na ang ilan ay lumilitaw na hindi nananampalataya sa kaniya. (Ju 7:5) Ipinapakita niyang gaanuman kalapít ang ugnayan niya sa kaniyang mga kapamilya, mas malapít ang kaugnayan niya sa mga gumagawa ng “kalooban ng [kaniyang] Ama.”—Mat 12:50.
Media

Posibleng ganitong butil ng trigo ang pinitas at kinain ng mga alagad ni Jesus.

Makikita sa paglalarawang ito ang posibleng hitsura ng mga sinagoga noon. Batay ito sa mga labí ng unang-siglong sinagoga na natagpuan sa Gamla, mga 10 km (6 mi) sa hilagang-silangan ng Lawa ng Galilea.

Tinawag ni Juan Bautista at ni Jesus na “mga anak ng ulupong” ang mga eskriba at Pariseo dahil sa masamang impluwensiya nila na gaya ng nakamamatay na lason sa mga taong walang kamalay-malay. (Mat 3:7; 12:34) Makikita sa larawan ang horned viper, isang uri ng ulupong na may maliit na sungay sa ibabaw ng bawat mata. Ang iba pang mapanganib na ulupong na makikita sa Israel ay ang sand viper (Vipera ammodytes) sa Lambak ng Jordan at ang Palestine viper (Vipera palaestina).