Ayon kay Marcos 6:1-56

6  Umalis siya roon at nagpunta sa sarili niyang bayan,+ at sinundan siya ng mga alagad niya.  Pagdating ng Sabbath, nagturo siya sa sinagoga, at karamihan sa nakarinig sa kaniya ay namangha at sinabi nila: “Saan natutuhan ng taong ito ang ganitong mga bagay?+ Bakit ang dami niyang alam? At sino ang nagbigay sa kaniya ng kapangyarihang gumawa ng mga himala?+  Siya ang karpintero+ na anak ni Maria+ at kapatid nina Santiago,+ Jose, Hudas, at Simon,+ hindi ba? At tagarito rin ang mga kapatid niyang babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kaniya.*  Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang propeta ay pinahahalagahan kahit saan maliban sa sarili niyang bayan at sambahayan.”+  Kaya hindi siya gumawa roon ng anumang himala* maliban sa pagpapagaling sa ilang maysakit sa pamamagitan ng pagpapatong sa kanila ng mga kamay niya.  Nagtaka siya na wala silang pananampalataya. At nilibot niya ang mga nayon sa lugar na iyon para magturo.+  Tinawag niya ngayon ang 12 apostol at sinimulan silang isugo nang dala-dalawa,+ at binigyan niya sila ng awtoridad na magpalayas ng masasamang espiritu.+  Inutusan din niya sila na huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay maliban sa isang tungkod—walang tinapay, lalagyan ng pagkain, o pera*+  kundi magsuot lang ng sandalyas at huwag magdala ng ekstrang damit.* 10  Sinabi rin niya sa kanila: “Saanmang bahay kayo patuluyin, manatili kayo roon habang kayo ay nasa lugar na iyon.+ 11  At saanmang lugar kayo hindi tanggapin o pakinggan, kapag umalis kayo roon, ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo sa kanila.”+ 12  Kaya umalis sila at nangaral para magsisi ang mga tao,+ 13  at nagpalayas sila ng maraming demonyo+ at pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila. 14  Nabalitaan ni Haring Herodes+ ang tungkol dito dahil nakilala nang husto ang pangalan ni Jesus, at sinasabi ng mga tao: “Binuhay-muli si Juan na Tagapagbautismo, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”*+ 15  Pero sinasabi ng iba: “Siya si Elias.” May iba pang nagsasabi: “Isa siyang propeta, gaya ng mga propeta noon.”+ 16  Pero nang marinig ito ni Herodes, sinabi niya: “Ang Juan na pinugutan ko ng ulo, binuhay siyang muli.” 17  Dahil siya mismo ang nagpaaresto kay Juan at ipinagapos niya ito at ipinabilanggo alang-alang sa asawa ng kapatid niyang si Felipe, si Herodias, na pinakasalan din ni Herodes.+ 18  Sinasabi noon ni Juan kay Herodes: “Hindi tamang gawin mong asawa ang asawa ng kapatid mo.”+ 19  Kaya nagkimkim ng galit si Herodias laban kay Juan at gusto niya itong patayin, pero hindi niya magawa. 20  Natatakot kasi si Herodes kay Juan; alam niyang ito ay isang taong matuwid at banal,+ at pinoprotektahan niya ito. Kapag nakikinig siya kay Juan, nalilito siya kung ano ang gagawin, pero gustong-gusto pa rin niyang makinig dito. 21  Nakahanap ng pagkakataon si Herodias nang maghanda si Herodes ng hapunan sa kaarawan+ niya at imbitahan ang kaniyang matataas na opisyal at mga kumandante ng militar at ang pinakaprominenteng mga lalaki sa Galilea.+ 22  At pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw at napasaya si Herodes at ang mga kumakaing* kasama niya. Sinabi ng hari sa dalaga: “Hingin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko iyon sa iyo.” 23  Sumumpa pa nga siya: “Anuman ang hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo, kahit kalahati ng kaharian ko.” 24  Kaya lumabas siya at sinabi sa kaniyang ina: “Ano po ang hihingin ko?” Sinabi nito: “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 25  Agad-agad siyang pumunta sa hari at hiniling niya rito: “Gusto kong ibigay ninyo sa akin ngayon din sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.”+ 26  Lungkot na lungkot ang hari, pero hindi niya matanggihan ang dalaga dahil sa sumpang binitiwan niya sa harap ng mga bisita.* 27  Kaya nagsugo agad ang hari ng isang sundalo at inutusan ito na dalhin ang ulo ni Juan. Kaya umalis ito at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan 28  at dinala ang ulo nito na nasa isang bandehado. Ibinigay niya ito sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kaniyang ina. 29  Nang malaman ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang bangkay niya at inilibing. 30  Nagpunta kay Jesus ang mga apostol at sinabi nila sa kaniya ang lahat ng ginawa nila at itinuro.+ 31  At sinabi niya sa kanila: “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti.”+ Dahil marami ang dumarating at umaalis, at wala man lang silang panahon para kumain.+ 32  Kaya sumakay sila sa bangka para pumunta sa isang lugar na malayo sa mga tao.+ 33  Pero nakita ng mga tao na paalis sila at nalaman ito ng marami, kaya ang mga tao sa lahat ng lunsod ay nagtakbuhan papunta roon at nauna pa sa kanila. 34  Pagkababa sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila+ dahil para silang mga tupa na walang pastol.+ At tinuruan niya sila ng maraming bagay.+ 35  Nang gumagabi na, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya at sinabi nila: “Liblib ang lugar na ito at gumagabi na.+ 36  Paalisin mo na sila, para makapunta sila sa kalapít na mga nayon at bayan at makabili ng makakain nila.”+ 37  Sinabi niya sa kanila: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sumagot sila: “Aalis ba kami at bibili ng tinapay na halagang 200 denario para mapakain ang mga tao?”+ 38  Sinabi niya sa kanila: “Ilan ang tinapay ninyo? Tingnan ninyo.” Matapos nilang alamin ito, sinabi nila: “Lima, at may dalawang isda.”+ 39  At ang lahat ng tao ay pinaupo niya nang grupo-grupo sa damuhan.+ 40  Kaya umupo sila nang tig-iisang daan at tiglilimampu. 41  At kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nanalangin.*+ Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad para ipamahagi sa mga tao; at hinati-hati niya ang dalawang isda para sa lahat. 42  Kaya kumain silang lahat at nabusog, 43  at nakapuno sila ng 12 basket ng natirang tinapay, bukod pa sa mga isda.+ 44  Ang kumain ng tinapay ay 5,000 lalaki. 45  Pagkatapos, pinasakay niya agad sa bangka ang mga alagad niya para mauna ang mga ito sa kabilang ibayo papuntang Betsaida, at pinauwi naman niya ang mga tao.+ 46  Matapos magpaalam sa kanila, pumunta siya sa isang bundok para manalangin.+ 47  Pagsapit ng gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat, pero nag-iisa siya sa bundok.+ 48  Pagkatapos, nang madaling araw na, nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan dahil ang hangin ay pasalungat sa kanila. Kaya naglakad siya sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila; pero lalampasan niya sana sila. 49  Nang makita nila siyang naglalakad sa ibabaw ng tubig, naisip nila: “Totoo ba ito?”+ At napasigaw sila, 50  dahil nakita nilang lahat si Jesus at natakot sila. Pero agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ninyo ang loob ninyo! Ako ito; huwag kayong matakot.”+ 51  At sumampa siya sa bangkang sinasakyan nila, at tumigil ang hangin.+ Manghang-mangha sila, 52  dahil hindi nila nakuha ang aral sa ginawa niyang himala sa mga tinapay. Hindi pa rin nila naiintindihan.* 53  Nang makatawid sila sa kabilang ibayo at makarating sa Genesaret, dumaong sila sa may baybayin.+ 54  Pagkababa nila sa bangka, nakilala agad ng mga tao si Jesus. 55  Nagtakbuhan ang mga tao para ipamalita ito sa buong rehiyon. Ang mga maysakit na nakaratay sa higaan ay dinala nila kung saan nila nabalitaang naroon siya. 56  At kahit saan siya magpunta, anumang nayon o lunsod o kalapít na lupain, dinadala nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at nakikiusap sila sa kaniya na hayaan silang hipuin man lang ang palawit ng damit niya.+ At ang lahat ng humipo rito ay gumaling.*

Talababa

O “Kaya natisod sila sa kaniya.”
O “makapangyarihang gawa.”
 Lit., “tanso.” Inilalagay nila ito sa isang uri ng sinturon na mapaglalagyan ng pera.
Lit., “huwag magsuot ng dalawang damit.”
O “ng makapangyarihang mga gawa.”
O “bisitang; nakahilig sa mesa.”
O “nakahilig sa mesa.”
O “bumigkas ng pagpapala.”
O “Mapurol pa rin ang puso nila sa pag-unawa.”
O “naligtas.”

Study Notes

sarili niyang bayan: Lit., “lugar ng kaniyang ama.” Tumutukoy sa Nazaret, ang pinanggalingan ng pamilya niya.

sarili niyang bayan: Tingnan ang study note sa Mat 13:54.

anak ng karpintero: Ang salitang Griego na teʹkton, na isinaling “karpintero,” ay terminong karaniwang ginagamit para sa mga artisano o tagapagtayo. Kapag tumutukoy ito sa manggagawa na gumagamit ng kahoy, puwede itong tumukoy sa tagapagtayo, sa gumagawa ng muwebles, o sa gumagawa ng iba pang kagamitang kahoy. Isinulat ni Justin Martyr, na nabuhay noong ikalawang siglo C.E., na si Jesus ay nagtrabaho “bilang isang karpintero . . . na gumagawa ng mga araro at pamatok.” Sinusuportahan din ng unang mga salin ng Bibliya sa sinaunang mga wika ang ideyang ito. Kilala si Jesus bilang “anak ng karpintero” at “ang karpintero.” (Mar 6:3) Maliwanag na natuto si Jesus ng pagkakarpintero sa kaniyang ama-amahang si Jose. Karaniwang nagsisimula ang pagsasanay na iyon sa edad na 12 hanggang 15 at nagpapatuloy ito nang maraming taon.

Santiago: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Santiago na binanggit sa Gaw 12:17 (tingnan ang study note) at Gal 1:19 at ang sumulat ng aklat ng Bibliya na Santiago.—San 1:1.

Hudas: Kapatid ni Jesus sa ina; maliwanag na siya rin ang Judas (sa Griego, I·ouʹdas) na sumulat ng aklat ng Bibliya na Judas.—Jud 1.

karpintero: Kilala si Jesus bilang “karpintero” at “anak ng karpintero.” Nagpapahiwatig ito ng naging buhay ni Jesus mula nang pumunta siya sa templo noong 12 taóng gulang siya hanggang sa pasimula ng kaniyang ministeryo. (Tingnan ang study note sa Mat 13:55.) Magkatugma ang ulat nina Mateo at Marcos.

anak ni Maria: Ito lang ang pagkakataon na tinawag si Jesus na anak ni Maria. Dahil hindi binanggit dito si Jose, posibleng patay na siya. Ito rin ang ipinapahiwatig ng hiling ni Jesus na alagaan ni Juan ang kaniyang ina na si Maria pagkamatay niya.​—Ju 19:26, 27.

kapatid: Ang salitang Griego na a·del·phosʹ ay puwedeng tumukoy sa espirituwal na mga kapatid kapag ginamit sa Bibliya, pero dito, ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga kapatid niya sa ina, mga nakababatang anak nina Jose at Maria. Ang mga naniniwalang nanatiling birhen si Maria pagkapanganak nito kay Jesus ay nagsasabing ang a·del·phosʹ ay tumutukoy sa mga pinsan. Pero ibang termino ang ginamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa “pinsan” (sa Griego, a·ne·psi·osʹ sa Col 4:10) at iba sa “pamangking lalaki ni Pablo” (Gaw 23:16). Sa Luc 21:16 naman, ginamit ang anyong pangmaramihan ng mga salitang Griego na a·del·phosʹ at syg·ge·nesʹ (isinaling “mga . . . kapatid, kamag-anak”). Ipinapakita ng mga halimbawang ito na ang mga termino para sa ugnayang pampamilya ay hindi basta pinagpapalit-palit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.

Santiago: Tingnan ang study note sa Mat 13:55.

Hudas: Tingnan ang study note sa Mat 13:55.

hindi siya gumawa roon ng anumang himala: Kaunti lang ang ginawang himala ni Jesus, hindi dahil kulang siya sa kapangyarihan, kundi dahil hindi iyon hinihiling ng kalagayan. Walang pananampalataya ang mga taga-Nazaret, kaya hindi gumawa roon ng maraming himala si Jesus. (Mat 13:58) Hindi dapat sayangin ang kapangyarihan ng Diyos sa mga ayaw tumanggap at maniwala.—Ihambing ang Mat 10:14; Luc 16:29-31.

nagtuturo . . . nangangaral: Ang pagtuturo ay iba sa pangangaral, dahil ang guro ay hindi lang basta naghahayag; nagtuturo siya, nagpapaliwanag, gumagamit ng nakakakumbinsing mga argumento, at naghaharap ng katibayan.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1; 28:20.

Nagtaka siya na wala silang pananampalataya: O “Nagulat siya na wala silang pananampalataya.” Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na bumanggit kung gaano kadismayado si Jesus sa “sarili niyang bayan” dahil hindi sila naniwala sa kaniya. (Mat 13:57, 58; tingnan din ang “Introduksiyon sa Marcos.”) Ang pandiwang Griego na isinaling “nagtaka” ay madalas isaling “namangha” para ilarawan ang reaksiyon ng mga tao sa mga himala at turo ni Jesus (Mar 5:20; 15:5), pero may dalawang pagkakataon na ginamit ito para ilarawan ang reaksiyon ni Jesus. Namangha siya sa laki ng pananampalataya ng isang opisyal ng hukbo (Mat 8:10; Luc 7:9), at nagtaka naman siya at nadismaya sa kawalan ng pananampalataya ng mga taga-Nazaret.

nilibot niya ang mga nayon sa lugar na iyon: Ito ang simula ng ikatlong paglalakbay ni Jesus para magturo sa Galilea. (Mat 9:35; Luc 9:1) Ang ekspresyong “nilibot” ay posibleng nagpapahiwatig na sinuyod niya ang lugar, at ayon sa ilan, bumalik pa siya sa lugar kung saan siya nagsimulang magturo. Ang pagtuturo ay isang mahalagang bahagi ng ministeryo ni Jesus.​—Tingnan ang study note sa Mat 4:23.

manatili kayo roon habang kayo ay nasa lugar na iyon: Tinagubilinan ni Jesus ang mga alagad na kapag nakarating sila sa isang nayon at pinatuloy sa isang bahay, dapat silang manatili roon at huwag “magpalipat-lipat ng bahay.” (Luc 10:1-7) Kung hindi sila maghahanap ng matutuluyan na mas komportable, may mapaglilibangan, o may iba pang materyal na bagay, maipapakita nila na mas mahalaga sa kanila ang atas na mangaral kaysa sa mga ito.

ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa: Ang paggawa nito ay nangangahulugang wala nang pananagutan ang mga alagad sa anumang parusa na ibibigay ng Diyos sa mga tao. Ganito rin ang pananalitang ginamit sa Mat 10:14 at Luc 9:5. Pero idinagdag nina Marcos at Lucas ang pananalitang bilang patotoo sa kanila [o, “laban sa kanila”]. Ginawa ito nina Pablo at Bernabe sa Antioquia ng Pisidia (Gaw 13:51), at nang ipagpag ni Pablo ang damit niya sa Corinto, sinabi niya: “Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo. Ako ay malinis.” (Gaw 18:6) Posibleng ang paggawa nito ay pamilyar na sa mga alagad. Pagkagaling ng mga panatikong Judio sa teritoryo ng mga Gentil, ipinapagpag nila ang itinuturing nilang maruming alikabok sa sandalyas nila bago pumasok ulit sa teritoryo ng mga Judio. Pero maliwanag na hindi iyan ang ibig sabihin ni Jesus nang ibigay niya ang tagubiling ito sa mga alagad niya.

pinahiran ng langis ang maraming maysakit: Makasagisag ang paggawa nito. Pinaniniwalaan na nakapagpapagaling ng sakit ang langis (ihambing ang Luc 10:34), pero ang mga maysakit noon ay napapagaling, hindi sa pamamagitan ng langis, kundi sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos.​—Luc 9:1, 6.

Herodes: Si Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila.—Tingnan sa Glosari.

tagapamahala ng distrito: Lit., “tetrarka,” ang tawag sa isang mababang tagapamahala ng distrito o opisyal na namamahala sa isang teritoryo dahil binigyan siya ng kapangyarihan ng Romanong awtoridad.—Tingnan ang study note sa Mat 14:1; Mar 6:14.

Tagapagbautismo: O “Tagalubog.” Ang salitang Griego na isinaling “Tagapagbautismo” dito at sa Mar 6:14, 24 ay puwede ring isaling “isa na nagbabautismo.” Ang anyo ng salitang ito ay may kaunting kaibahan sa pangngalang Griego na Ba·pti·stesʹ, na isinaling “Bautista” sa Mar 6:25; 8:28 at sa Mateo at Lucas. Ang dalawang katawagang ito, “Tagapagbautismo” at “Bautista,” ay parehong ginamit sa Mar 6:24, 25 para tumukoy sa iisang tao.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

Haring Herodes: Si Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila. (Tingnan sa Glosari, “Herodes.”) Ginamit nina Mateo at Lucas ang opisyal na Romanong titulo ni Antipas na “tetrarka,” o “tagapamahala ng distrito.” (Tingnan ang study note sa Mat 14:1; Luc 3:1.) Namahala siya bilang tetrarka ng Galilea at Perea. Pero kilala siya sa tawag na “hari,” ang titulong minsang ginamit ni Mateo (Mat 14:9) at ang nag-iisang titulo na ginagamit ni Marcos para tukuyin si Herodes.​—Mar 6:22, 25, 26, 27.

sinasabi ng mga tao: Lit., “sinasabi nila.” Mababasa sa ilang manuskrito: “sinasabi niya.”

Tagapagbautismo: Tingnan ang study note sa Mar 1:4.

Inaresto . . . si Juan at . . . ipinabilanggo: Hindi sinasabi ng Bibliya kung saan ito nangyari. Sinasabi ni Josephus na ibinilanggo at pinatay si Juan sa tanggulan ng Machaerus, na nasa silangang panig ng Dagat na Patay. (Jewish Antiquities, Book 18, kab. 5, par. 2 [Loeb 18.119]) Posibleng naibilanggo doon si Juan nang ilang panahon. (Mat 4:12) Pero malamang na noong patayin siya, nakabilanggo na siya sa Tiberias, isang lunsod sa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea. Ito ang mga basehan ng konklusyong ito: (1) Lumilitaw na nakabilanggo si Juan malapit sa lugar kung saan nangangaral si Jesus sa Galilea, dahil nabalitaan ni Juan ang mga ginagawa ni Jesus at mula sa bilangguan ay nakapagsugo siya ng mga alagad niya para makipag-usap kay Jesus. (Mat 11:1-3) (2) Sinabi ni Marcos na dumalo sa kaarawan ni Herodes “ang pinakaprominenteng mga lalaki sa Galilea,” na nagpapakitang ginanap ito sa bahay ni Herodes sa Tiberias. Maliwanag na nakabilanggo si Juan malapit sa lugar na pinagdausan ng pagdiriwang.—Mar 6:21-29; Mat 14:6-11.

Herodias, na asawa ng kapatid niyang si Felipe: Nahumaling si Herodes Antipas kay Herodias, na asawa ni Herodes Felipe, ang kapatid niya sa ama. Diniborsiyo ni Herodias si Felipe, diniborsiyo naman ni Antipas ang asawa niya, at nagpakasal silang dalawa. Inaresto si Juan Bautista sa pagkondena niya sa imoral na pagsasamang ito dahil labag ito sa kautusang Judio.

nagpaaresto kay Juan at ipinagapos niya ito at ipinabilanggo: Tingnan ang study note sa Mat 14:3.

asawa ng kapatid niyang si Felipe, si Herodias: Tingnan ang study note sa Mat 14:3.

alam niyang ito ay isang taong matuwid at banal: Nakikinig si Herodes Antipas kay Juan at pinoprotektahan niya ito, dahil alam niyang si Juan ay matuwid at banal. Pero kahit natatakot si Herodes kay Juan, mas takot siya na mawala ang paggalang sa kaniya ng mga bisita niya at wala siyang pananampalataya, kaya namaniobra siya ng iba para ipapatay si Juan. Si Juan Bautista ay tinawag ng Judiong istoryador na si Josephus bilang “mabuting tao.”

Inaresto . . . si Juan at . . . ipinabilanggo: Hindi sinasabi ng Bibliya kung saan ito nangyari. Sinasabi ni Josephus na ibinilanggo at pinatay si Juan sa tanggulan ng Machaerus, na nasa silangang panig ng Dagat na Patay. (Jewish Antiquities, Book 18, kab. 5, par. 2 [Loeb 18.119]) Posibleng naibilanggo doon si Juan nang ilang panahon. (Mat 4:12) Pero malamang na noong patayin siya, nakabilanggo na siya sa Tiberias, isang lunsod sa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea. Ito ang mga basehan ng konklusyong ito: (1) Lumilitaw na nakabilanggo si Juan malapit sa lugar kung saan nangangaral si Jesus sa Galilea, dahil nabalitaan ni Juan ang mga ginagawa ni Jesus at mula sa bilangguan ay nakapagsugo siya ng mga alagad niya para makipag-usap kay Jesus. (Mat 11:1-3) (2) Sinabi ni Marcos na dumalo sa kaarawan ni Herodes “ang pinakaprominenteng mga lalaki sa Galilea,” na nagpapakitang ginanap ito sa bahay ni Herodes sa Tiberias. Maliwanag na nakabilanggo si Juan malapit sa lugar na pinagdausan ng pagdiriwang.—Mar 6:21-29; Mat 14:6-11.

ipinagdiriwang ang kaarawan: Malamang na ginanap ito sa bahay ni Herodes Antipas sa Tiberias. (Tingnan ang study note sa Mat 14:3; Mar 6:21.) Dalawa lang ang pagdiriwang ng kaarawan na binanggit sa Bibliya—ang ulat na ito, kung saan pinugutan ng ulo si Juan; at ang ulat tungkol sa Paraon ng Ehipto, kung saan pinatay ang kaniyang punong panadero. (Gen 40:18-22) Sa pagdiriwang ng dalawang kaarawang ito, parehong may malaking handaan, may mga pabor na ibinigay, at may pinatay.

kaarawan niya: Malamang na ginanap ito sa bahay ni Herodes Antipas sa Tiberias, isang lunsod sa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea. Makatuwirang isipin ito dahil binanggit ni Marcos na nagpunta doon ang pinakaprominenteng mga lalaki sa Galilea. (Tingnan ang study note sa Mat 14:3, 6.) Dalawa lang ang pagdiriwang ng kaarawan na binanggit sa Bibliya—ang ulat na ito, kung saan pinugutan ng ulo si Juan; at ang ulat tungkol sa Paraon ng Ehipto, kung saan pinatay ang kaniyang punong panadero. (Gen 40:18-22) Sa pagdiriwang ng dalawang kaarawang ito, parehong may malaking handaan, may mga pabor na ibinigay, at may pinatay.

kumandante ng militar: Ang salitang Griego na khi·liʹar·khos (chiliarch) ay literal na nangangahulugang “tagapamahala ng isang libo,” o 1,000 sundalo. Tumutukoy ito sa isang tribuno ng Romanong militar. May anim na tribuno sa bawat Romanong lehiyon. Pero ang lehiyon ay hindi hinahati-hati sa anim para pamunuan ng tig-iisang tribuno; sa halip, ang buong lehiyon ay pinamumunuan ng iisang tribuno sa loob ng isang kanim ng taon. Ang mga kumandanteng ito ay may malaking awtoridad, kasama na ang pagrerekomenda at pag-aatas ng mga senturyon. Puwede ring tumukoy ang salitang Griego sa sinumang mataas na opisyal ng hukbo. Dahil nasa kaarawan ni Herodes ang mga lalaking ito, napilitan siyang tuparin ang sumpa niya kaya iniutos niyang pugutan ng ulo si Juan na Tagapagbautismo.

anak na babae ni Herodias: Anak na babae ni Herodes Felipe at ang nag-iisang anak ng nanay niyang si Herodias. Hindi binanggit sa Kasulatan ang pangalan niyang Salome, pero nasa mga akda ito ni Josephus. Di-nagtagal, inagaw ni Herodes Antipas ang nanay ni Salome mula sa kapatid niya sa ama na si Felipe at pinakasalan ito.

Tagapagbautismo: O “Tagalubog.” Ang salitang Griego na isinaling “Tagapagbautismo” dito at sa Mar 6:14, 24 ay puwede ring isaling “isa na nagbabautismo.” Ang anyo ng salitang ito ay may kaunting kaibahan sa pangngalang Griego na Ba·pti·stesʹ, na isinaling “Bautista” sa Mar 6:25; 8:28 at sa Mateo at Lucas. Ang dalawang katawagang ito, “Tagapagbautismo” at “Bautista,” ay parehong ginamit sa Mar 6:24, 25 para tumukoy sa iisang tao.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

Tagapagbautismo: Tingnan ang study note sa Mar 1:4.

sumpang: Lit., “mga sumpang.” Dahil nasa anyong pangmaramihan ito sa orihinal na wika, ipinapahiwatig nitong idiniin o pinagtibay ni Herodes ang ipinangako niya sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsumpa.

sumpang: Lit., “mga sumpang.” Dahil nasa anyong pangmaramihan ito sa orihinal na wika, ipinapahiwatig nitong idiniin o pinagtibay ni Herodes ang ipinangako niya sa anak ni Herodias (Mar 6:23) sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsumpa.​—Tingnan ang study note sa Mat 14:9.

Latin: Dito lang espesipikong binanggit ang wikang Latin sa Bibliya. Noong panahon ni Jesus, Latin ang wikang ginagamit ng mga Romanong awtoridad sa Israel. Hindi ito ang wikang karaniwang ginagamit ng mga tao, pero ito ang ginagamit sa opisyal na mga inskripsiyon. Iba-iba ang wikang ginagamit noon, at posibleng ito ang dahilan kaya ipinasulat ni Pilato sa opisyal na Latin, pati na sa Hebreo at Griego (Koine), ang nasa ulunan ni Jesus noong patayin siya, gaya ng binabanggit sa Ju 19:19. Maraming salita at ekspresyon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mula sa Latin.—Tingnan sa Glosari; “Introduksiyon sa Marcos.”

isang sundalo: Ang terminong Griego na ginamit dito ay spe·kou·laʹtor, hiram na salita sa Latin (speculator), na puwedeng tumukoy sa isang personal na bantay, tagapagdala ng mensahe, at kung minsan, sa isang tagabitay. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may mga salitang Griego na ipinanumbas sa mga 30 salitang Latin, at karamihan sa mga salitang ito ay makikita sa Marcos at Mateo. Ang mga salitang ito ay may kaugnayan sa militar, hukuman, pananalapi, at sa pang-araw-araw na buhay. Sa lahat ng manunulat ng Bibliya, si Marcos ang pinakamadalas na gumamit ng ganitong mga salita. Sinusuportahan nito ang paniniwalang isinulat niya ang kaniyang Ebanghelyo sa Roma at pangunahin nang para sa mga di-Judio, partikular na sa mga Romano.​—Tingnan ang study note sa Ju 19:20.

inilibing: O “inilagay sa alaalang libingan.”​—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

naawa: Ang pandiwang Griego na ginamit dito (splag·khniʹzo·mai) ay may kaugnayan sa salita para sa “bituka” (splagʹkhna), na nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon. Isa ito sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.

Naawa: O “Nahabag.”​—Tingnan ang study note sa Mat 9:36.

Bigyan ninyo sila ng makakain: Ito lang ang himala ni Jesus na pare-parehong iniulat ng apat na Ebanghelyo.—Mat 14:15-21; Mar 6:35-44; Luc 9:10-17; Ju 6:1-13.

denario: Tingnan sa Glosari at Ap. B14.

isda: Sa Bibliya, karaniwan nang iniihaw o dinadaing ang mga isda at kinakaing kasama ng tinapay. Malamang na daing ang mga isdang ginamit ni Jesus.

isda: Tingnan ang study note sa Mat 14:17.

pinagpira-piraso niya ang mga tinapay: Karaniwan nang lapád at matigas ang mga tinapay noon. Kaya naman pinagpipira-piraso ito kapag kinakain.—Mat 14:19; 15:36; 26:26; Mar 8:6; Luc 9:16.

basket: Sa mga ulat tungkol sa dalawang pagkakataon na makahimalang nagpakain si Jesus ng maraming tao (tingnan ang study note sa Mar 6:43; 8:8, 20 at kaparehong ulat sa Mat 14:20; 15:37; 16:9, 10), espesipikong binabanggit ang magkaibang klase ng basket na ginamit sa pangongolekta ng natirang pagkain. Nang pakainin ang mga 5,000 lalaki, ginamit ang salitang Griego na koʹphi·nos (“basket”); nang pakainin ang 4,000 lalaki, ginamit naman ang salitang Griego na sphy·risʹ (“malalaking basket”). Ipinapakita nito na nakita mismo ng mga manunulat ang mga pangyayaring ito o nakuha nila ang detalyeng ito sa mapagkakatiwalaang mga saksi.

malalaking basket: Tingnan ang study note sa Mar 8:8, 19.

basket: Malamang na maliit na basket na may hawakang tali para mabitbit ito ng isang manlalakbay. Sinasabing nakapaglalaman ito ng 7.5 L (2 gal).​—Tingnan ang study note sa Mar 8:19, 20.

5,000 lalaki: Ito lang ang himala ni Jesus na pare-parehong iniulat ng apat na Ebanghelyo (Mat 14:15-21; Mar 6:35-44; Luc 9:10-17; Ju 6:1-13), pero si Mateo lang ang nag-ulat na may mga babae at bata nang mangyari ang himalang ito. Kaya posibleng mahigit 15,000 ang lahat ng makahimalang pinakain.

madaling-araw: Lit., “ikaapat na yugto ng pagbabantay sa gabi,” na mga 3:00 n.u. hanggang pagsikat ng araw nang mga 6:00 n.u. Nakabatay ito sa sistemang Griego at Romano na may apat na yugto ng pagbabantay sa gabi. Hinahati noon ng mga Hebreo ang gabi sa tatlong pagbabantay na may tig-aapat na oras (Exo 14:24; Huk 7:19), pero nang panahong ito, sinusunod na nila ang sistemang Romano.

madaling araw: Tingnan ang study note sa Mat 14:25.

lalampasan niya sana sila: Lumilitaw na sa pananaw ng mga alagad, para bang lalampasan sila ni Jesus.

hindi nila nakuha ang aral sa ginawa niyang himala sa mga tinapay: Mga ilang oras pa lang ang nakakalipas, nakita ng mga alagad na makahimalang pinarami ni Jesus ang mga tinapay. Malinaw na ipinapakita ng pangyayaring iyon kung gaano kalaki ang kapangyarihang ibinigay kay Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu. Pero dahil hindi nila naintindihan ang kahulugan ng himalang iyon, manghang-mangha ang mga alagad nang lumakad si Jesus sa tubig at pahupain ang bagyo. Inisip pa nga nila na ang paglakad niya sa tubig ay isa lang aparisyon, o ilusyon.​—Mar 6:49.

Genesaret: Isang maliit na kapatagan na may lawak na 5 por 2.5 km (3 por 1.5 mi) at umaabot sa hilagang-kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea. Sa Luc 5:1, ang Lawa ng Galilea ay tinawag na “lawa ng Genesaret.”

Genesaret: Tingnan ang study note sa Mat 14:34.

Media

Tungkod at Lalagyan ng Pagkain
Tungkod at Lalagyan ng Pagkain

Karaniwan nang may tungkod o baston ang mga Hebreo noon, at marami itong gamit, gaya ng pansuporta (Exo 12:11; Zac 8:4; Heb 11:21), pandepensa o pamprotekta (2Sa 23:21), panggiik (Isa 28:27), at pang-ani ng olibo (Deu 24:20; Isa 24:13). Ang lalagyan ng pagkain ay isang bag na karaniwan nang gawa sa katad at isinasabit sa balikat ng mga naglalakbay, pastol, magsasaka, at iba pa. Pinaglalagyan ito ng pagkain, damit, at iba pang bagay. Nang isugo ni Jesus ang mga apostol niya para mangaral, nagbigay siya ng mga tagubilin, kasama na ang tungkol sa pagdadala ng tungkod at lalagyan ng pagkain. Dapat na makontento ang mga apostol sa kung ano ang dala nila at huwag nang mag-alala dahil wala silang dalang ekstra; si Jehova ang maglalaan sa kanila.—Tingnan ang study note sa Luc 9:3 at 10:4 para sa ibig sabihin ng mga tagubilin ni Jesus.

Basket
Basket

Sa Bibliya, iba’t ibang salita ang ginamit para sa iba’t ibang klase ng basket. Halimbawa, ang salitang Griego para sa 12 lalagyan na ginamit para tipunin ang mga natirang pagkain pagkatapos na makahimalang pakainin ni Jesus ang mga 5,000 lalaki ay nagpapahiwatig na maliliit ang mga basket na ito. Pero ibang salitang Griego ang ginamit para sa pitong basket na pinaglagyan ng natirang pagkain matapos pakainin ni Jesus ang mga 4,000 lalaki. (Mar 8:8, 9) Ang salitang iyon ay tumutukoy sa isang malaking basket o kaíng, at iyon din ang salitang ginamit para sa basket na pinaglagyan kay Pablo nang ibaba siya mula sa isang butas sa pader ng Damasco.—Gaw 9:25.

Ang Pamilihan
Ang Pamilihan

Ang ilang pamilihan, gaya ng makikita rito, ay nasa mga lansangan. Ang mga nagtitinda ay karaniwan nang naglalagay ng maraming paninda sa lansangan kaya sumisikip ang daan. Ang mga residente ay makakabili roon ng mga kailangan nila sa bahay, kagamitang luwad, at mamahaling gamit na babasagín, pati ng sariwang prutas at gulay. Dahil wala pang refrigerator noon, kailangan nilang pumunta sa pamilihan araw-araw para bumili ng suplay. Dito, maraming masasagap na balita galing sa mga mangangalakal o iba pang dayo. Puwedeng maglaro dito ang mga bata at mag-abang ng trabaho ang mga tao. Nagpagaling si Jesus ng maysakit at nangaral si Pablo sa mga pamilihan. (Gaw 17:17) Gustong-gusto naman ng mayayabang na eskriba at Pariseo na pumunta sa ganitong pampublikong lugar para mapansin at batiin ng mga tao.