Liham sa mga Taga-Roma 5:1-21
Talababa
Study Notes
panatilihin nawa natin ang mapayapang kaugnayan: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “mayroon tayong mapayapang kaugnayan.”
Magsaya: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “nagsasaya.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “magmalaki.”
Magsaya: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “nagsasaya.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “magmalaki.”
kakayahang magtiis: Ang pangngalang Griego na hy·po·mo·neʹ ay ginagamit sa Kasulatan para tumukoy sa “pagtitiis” na may kasamang lakas ng loob, paninindigan, at pagtitiyaga. Ang ganitong tao ay hindi nawawalan ng pag-asa kahit may mga hadlang, pag-uusig, pagsubok, o tukso. Ang kaugnay na pandiwa na hy·po·meʹno, na isinasaling “magtiis,” ay literal na nangangahulugang “manatili sa ilalim.” Karaniwan na, nangangahulugan itong “pananatili sa halip na pagtakas; paninindigan; pagtitiyaga; pananatiling matatag.” (Mat 10:22; Ro 12:12; Heb 10:32; San 5:11) Kapag nakakapagtiyaga at nakakapanindigan ang isang Kristiyano sa tulong ng Diyos, napapatunayan niyang may kakayahan siyang magtiis.
pag-asa: Sa Bibliya, ang salitang Griego na ginamit dito na el·pisʹ ay nangangahulugang “paghihintay sa mabuti.” Sa kontekstong ito, binanggit muna ni Pablo ang pagdurusa, pagtitiis, at pagsang-ayon ng Diyos bago niya binanggit ang pag-asa. Kaya ang tinutukoy niya ay hindi ang pag-asa ng isa nang una nitong malaman ang mabuting balita mula sa Diyos. Sa halip, ang tinutukoy niya ay ang mas matibay na pag-asa ng isang Kristiyano matapos siyang makapagtiis ng pagsubok. Kapag nakakapagtiis ang isang Kristiyano ng pagsubok, nakakatiyak siyang may pagsang-ayon siya ng Diyos. Dahil dito, tumitibay ang pag-asa niya.—Heb 6:11.
hindi mabibigo: Ang pariralang Griego dito, na pangunahin nang nangangahulugang “hindi mapapahiya,” ay nagpapakitang hindi mapapahiya o mabibigo ang taong may tunay na pananampalataya sa Diyos. Ginamit sa Ro 9:33; 10:11; 1Pe 2:6 ang anyong passive ng pandiwang Griego sa pariralang ito.
mga di-makadiyos: O “mga walang galang sa Diyos.” Madalas gamitin ang terminong ito para tumukoy sa masasamang tao (2Pe 2:5; Jud 4), pero dito, tumutukoy ito sa lahat ng makasalanang tao na malayo sa Diyos pero puwedeng tubusin.—Col 1:21.
naipagkasundo: Ang pandiwang Griego na ka·tal·lasʹso, na dalawang beses ginamit sa talatang ito at dalawang beses din sa 2Co 5:18, 19, ay pangunahin nang nangangahulugang “magbago; makipagpalitan.” Nang maglaon, nangangahulugan na itong “maging magkaibigan mula sa pagiging magkaaway.” Kapag ginagamit ito para sa kaugnayan ng tao sa Diyos, tumutukoy ito sa pagkakaroon ulit ng magandang kaugnayan sa kaniya. Ginamit ni Pablo ang pandiwang ito para tumukoy sa ‘pakikipagkasundo’ ng isang babae sa asawa niya pagkatapos nilang maghiwalay. (1Co 7:11) Ang kaugnay na pandiwang di·al·lasʹso·mai ay ginamit sa Mat 5:24 para sa utos ni Jesus na ‘makipagkasundo sa kapatid’ bago mag-alay ng handog sa altar. (Tingnan ang study note sa Mat 5:24.) Kailangang makipagkasundo ng mga tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. Kaya ang mga tao ay napalayo sa Diyos at naging kaaway niya, dahil labag sa pamantayan niya na kunsintihin ang mga pagkakasala.—Ro 5:12; 8:7, 8.
Makipagkasundo ka: Ang ekspresyong Griego ay nangangahulugang “magbago mula sa pagiging magkaaway tungo sa pagiging magkaibigan; maibalik ang dating magandang ugnayan.” Kaya ang tunguhin ng pakikipagkasundo ay para maalis ang sama ng loob ng nasaktan, kung posible. (Ro 12:18) Itinuturo ni Jesus na para magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos, kailangang panatilihin ang magandang kaugnayan sa kapuwa.
dahil silang lahat ay nagkasala: Sa talatang ito, ipinaliwanag ni Pablo kung paano lumaganap ang kasalanan at kamatayan sa lahat ng tao. Ang paliwanag na ito ay kaayon ng pinakatema ng aklat ng Roma: Hindi nagtatangi ang Diyos, at binibigyan niya ng pag-asang maligtas ang lahat ng makasalanang tao na nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga Judio at di-Judio ay parehong makasalanan at kailangang manampalataya sa Diyos na Jehova at sa pantubos ng kaniyang Anak para maging matuwid sila sa paningin ng Diyos. (Ro 1:16, 17) Ang salitang Griego para sa “sanlibutan” ay isinalin ditong sangkatauhan. (Tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Sa ibang salin ng talatang ito, may gatlang sa dulo (may gatlang din sa ilang akademikong edisyon ng tekstong Griego), na nagpapakitang naputol ang pangangatuwiran dito ni Pablo, at lumilitaw na ang karugtong nito ay nasa talata 18. Kaya lumilitaw na ito ang buong ideya: Sa talata 12, sinimulan ni Pablo ang pangangatuwiran niya sa paglalarawan kay Adan (“sa pamamagitan ng isang tao,” ang lahat ay naging makasalanan) at tinapos niya ito sa talata 18 (“sa pamamagitan naman ng isang matuwid na gawa, ang lahat ng uri ng tao ay naipahahayag na matuwid para sa buhay”) at sa talata 19. Ibig sabihin, dahil sa katapatan ni Jesus hanggang kamatayan, naging posible para sa marami na maging matuwid at maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya nila.
sangkatauhan: O “sanlibutan.” Ang salitang Griego na koʹsmos ay madalas na iniuugnay sa sangkatauhan ng mga sekular na Griegong literatura at gayundin ng Bibliya. (Tingnan ang study note sa Ju 1:10.) Sa kontekstong ito, ang koʹsmos ay tumutukoy sa buong sangkatauhan na puwedeng tubusin at inilarawan sa Ju 1:29 na ‘makasalanan,’ dahil nagmana sila ng kasalanan mula kay Adan.
kautusan ng espiritu . . . kautusan ng kasalanan at ng kamatayan: Sa kontekstong ito, ang “kautusan” ay hindi tumutukoy sa isang partikular na utos, o batas, gaya ng makikita sa Kautusang Mosaiko. Sa halip, tumutukoy ito sa isang prinsipyo na gumagabay sa pagkilos ng isang tao. Inihalintulad ito sa kautusan dahil itinutulak nito ang isang tao na gawin ang isang bagay. (Tingnan ang study note sa Ro 2:12.) Ipinakita dito ni Pablo na ang kautusan, o malakas na impluwensiya, ng espiritu ng Diyos ay umaakay sa buhay, samantalang ang kautusan, o malakas na impluwensiya, ng di-perpektong laman ay umaakay sa kasalanan at kamatayan. Siyempre, malakas ang impluwensiya ng “kautusan ng kasalanan” sa lahat ng inapo ni Adan, kaya may tendensiya silang gumawa ng mali. (Ro 7:23) Pero puwede nilang piliing magpagabay sa kautusan ng espiritu ng Diyos, sa halip na sa pagnanasa ng laman, para magawa nila ang tama.—Ro 7:21-25.
ang kamatayan ay namahala bilang hari: Dito, inilalarawan ang kamatayan bilang “hari” na namamahala sa mga tao mula pa noong panahon ni Adan; kasabay nitong namamahala ang isa pang “hari,” ang kasalanan. (Ro 6:12) Ipinapatupad ng mga haring ito ang “kautusan” nila sa mga tao, o mayroon silang malakas na impluwensiya sa mga ito. Ibig sabihin, ang pagiging di-perpekto ng mga tao ay nagtutulak sa kanila na magkasala, at nagbubunga ito ng kamatayan. (Ro 7:23; tingnan ang study note sa Ro 8:2.) Pero nang dumating si Kristo sa lupa at mailaan ang pantubos, ang walang-kapantay na kabaitan na ang naghari sa mga tumatanggap sa regalo ng Diyos at nabuksan ang “daan tungo sa buhay na walang hanggan.”—Ro 5:15-17, 21.
namahala bilang hari: Sa maraming salin, ang pandiwang Griego na ginamit dito, ba·si·leuʹo, ay tinutumbasan lang ng “mamahala.” Angkop din naman ang saling iyon (Mat 2:22), pero ang pandiwang ito ay kaugnay ng pangngalang Griego para sa “hari,” ba·si·leusʹ. Kaya puwede rin itong isaling “mamahala bilang hari; maghari.” (Luc 19:14, 27) Ginagamit ito kay Jesu-Kristo (Luc 1:33; 1Co 15:25) at sa Diyos na Jehova (Apo 11:15, 17; 19:6), na namamahala bilang mga hari sa langit. Ginagamit din ito sa tapat na mga pinahirang Kristiyano, na may pag-asang ‘pamahalaan ang lupa bilang mga hari.’ (Apo 5:10; 20:4, 6; 22:5; Ro 5:17b) Pero sa kontekstong ito, ginamit ito ni Pablo para sa kasalanan, kamatayan, at walang-kapantay na kabaitan.
na may pagkakatulad sa isa na darating: Ang unang tao, si Adan, ay may pagkakatulad kay Jesu-Kristo, na ang pagdating ay ipinangako ng Diyos na Jehova sa hardin ng Eden bago niya hatulan sina Adan at Eva. (Gen 3:15) Sina Adan at Jesus ay parehong perpektong tao. Pareho din silang ama; si Adan ay ama ng makasalanang mga tao. (Gen 1:28) Ama rin si Jesus dahil siya ang Punong Kinatawan ng Diyos para sa buhay at ang “Walang-Hanggang Ama” ng masunuring mga tao. (Isa 9:6; Gaw 3:15) Sumuway si Adan sa Diyos kaya naging ama siya ng mga makasalanan; ang kanilang Manunubos, si Jesus, ay kailangang maging perpektong tao gaya ni Adan para matubos sila sa kasalanan. Kaayon ito ng prinsipyong “buhay para sa buhay.” (Deu 19:21) Kaya sinabi ni Pablo sa 1Co 15:45: “Nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay nagkaroon ng buhay.’ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.” Ang salitang Griego na isinaling “pagkakatulad” ay tyʹpos, na literal na nangangahulugang “parisan,” kaya ang pariralang “may pagkakatulad sa isa” ay puwede ring isaling “parisan ng isa.” Pero pagdating sa pagsunod, ibang-iba si Jesus kay Adan; lubusang sumunod si Jesus kay Jehova, samantalang naging rebelde at masuwayin naman si Adan.
naipahayag na matuwid: O “nabigyang-katuwiran.”—Tingnan ang study note sa Ro 5:18.
isang matuwid na gawa: O “isang gawa ng pagbibigay-katuwiran.” Ang salitang Griego na di·kaiʹo·ma ay puwedeng tumukoy sa paggawa ng isang bagay na nakaaabot sa pamantayan ng kung ano ang tama at makatarungan. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa perpektong katapatan ni Jesus sa Diyos sa buong buhay niya, kasama na ang paghahandog niya ng buhay. Si Jesus lang ang tao na perpektong nakaabot sa pamantayan ng Diyos sa pagiging matuwid sa harap ng mga pagsubok. Dahil sa kaniyang “matuwid na gawa,” kinilala siyang matuwid ng Diyos at naging kuwalipikado siya sa atas sa kaniya ng Diyos bilang Hari at Saserdote sa langit. Dahil din diyan, puwedeng maipahayag na matuwid ang mga nananampalataya sa kaniya.—Ro 3:25, 26; 4:25; 5:17-19.
isang matuwid na gawa: O “isang gawa ng pagbibigay-katuwiran.” Ang salitang Griego na di·kaiʹo·ma ay puwedeng tumukoy sa paggawa ng isang bagay na nakaaabot sa pamantayan ng kung ano ang tama at makatarungan. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa perpektong katapatan ni Jesus sa Diyos sa buong buhay niya, kasama na ang paghahandog niya ng buhay. Si Jesus lang ang tao na perpektong nakaabot sa pamantayan ng Diyos sa pagiging matuwid sa harap ng mga pagsubok. Dahil sa kaniyang “matuwid na gawa,” kinilala siyang matuwid ng Diyos at naging kuwalipikado siya sa atas sa kaniya ng Diyos bilang Hari at Saserdote sa langit. Dahil din diyan, puwedeng maipahayag na matuwid ang mga nananampalataya sa kaniya.—Ro 3:25, 26; 4:25; 5:17-19.